Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Isaias 45:11-48

11 Ngunit ipinahayag ni Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel, ang Lumalang sa kanila:
“Wala kayong karapatang magsabi sa akin tungkol sa aking mga anak
    at kung ano ang dapat kong gawin.
12 Ako ang lumikha ng buong daigdig,
    pati mga taong doo'y tumatahan.
Maging ang kalangitan, ako ang nagladlad,
    ako ang may kapangyarihan sa araw, buwan at mga bituin.
13 Ako ang tumawag kay Ciro upang isagawa ang aking layunin at isaayos ang lahat ng bagay.
Aking tutuwirin ang kanyang daraanan;
    muli niyang itatayo ang Jerusalem na aking lunsod,
    at kanyang palalayain ang aking bayan.
Walang sinumang nagbayad o nanuhol sa kanya upang ito'y isagawa.”
Ang Makapangyarihang si Yahweh ang nagsabi nito.

14 Ang sabi ni Yahweh sa Israel,
“Mapapasaiyo ang kayamanan ng Egipto at Etiopia.
    Magiging alipin mo ang matatangkad na lalaki ng Seba;
    sila'y magiging sunud-sunuran sa iyo.
Yuyukuran ka nila at sasabihin:
    ‘Sumasaiyo ang Diyos, siya lamang ang Diyos at wala nang iba pa.’”
15 Ang Diyos ng Israel ang Tagapagligtas ng kanyang bayan;
    mahiwaga siya kaya hindi kayang unawain.
16 Hahamakin at mapapahiya
    ang lahat ng gumagawa ng mga diyus-diyosan.
17 Ngunit ang Israel ay iyong ililigtas,
    ang tagumpay nila ay sa habang panahon
    at kailanma'y hindi mapapahiya.

18 Si Yahweh ang lumikha ng kalangitan,
    siya rin ang lumikha ng daigdig,
ginawa niya itong matatag at nananatili,
    at mainam na tirahan.
Siya ang maysabing, “Ako si Yahweh at wala nang iba pang diyos.
19 Lahat ng salita ko'y sinasabi nang hayagan,
    isa man sa layunin ko'y hindi inililihim.
Hindi ko pinahirapan ang Israel
    sa paghanap sa akin.
Ako si Yahweh, sinasabi kong lahat ang katotohanan,
    at inihahayag ko kung ano ang tama.”

Si Yahweh ng Sanlibutan at ang mga Diyus-diyosan ng Babilonia

20 Sinabi ni Yahweh,
“Halikayong lahat na mga natitirang buháy mula sa lahat ng bansa;
kayong mga mangmang na nagpapasan ng mga imaheng kahoy
at dumadalangin sa mga diyus-diyosan na hindi makakapagligtas.
    Ang mga taong ito'y walang nalalaman.
21 Ipagtanggol ninyo ang inyong panig.
    Magsanggunian kayo.
Sino ang makakapagsabi ng mga bagay na magaganap?
Hindi ba akong si Yahweh, ang Diyos na nagliligtas sa kanyang bayan?
    Walang ibang diyos maliban sa akin.

22 Lumapit kayo sa akin at kayo ay maliligtas,
    kayong mga tao sa buong daigdig.
Walang ibang diyos maliban sa akin.
23 Ako(A) ay tapat sa aking pangako
    at hindi magbabago,
at tutuparin ko ang aking mga pangako:
    ‘Lahat ng tao ay luluhod sa aking harapan,
    at mangangakong sila'y magiging tapat sa akin!’

24 “Sasabihin nila, si Yahweh lamang ang matuwid at malakas;
    at mapapahiya ang sinumang sa kanya'y maghimagsik.
25 Akong si Yahweh ang magliligtas sa lahi ni Israel;
    sila'y magtatagumpay at magpupuri sa akin.”

46 Sina Bel at Nebo na dati'y sinasamba ng mga taga-Babilonia;
    ngayo'y isinakay na sa likod ng mga asno at baka,
    at naging pabigat sa likod ng mga pagod na hayop.
    Hindi nila mailigtas ang kanilang sarili.
    Sila'y parang mga bihag na itinapon sa malayo.

“Makinig kayo sa akin, lahi ni Jacob,
    kayong nalabi sa bayang Israel;
kayo'y inalagaan ko mula sa inyong pagsilang.
Ako ang inyong Diyos.
    Iingatan ko kayo hanggang sa pumuti ang inyong buhok at kayo'y tumanda.
Kayo'y nilikha ko kaya tungkulin ko
    na kayo'y iligtas at tulungan.”

Sinabi ni Yahweh, “Saan ninyo ako itutulad?
    Mayroon bang makakapantay sa akin?
Binuksan nila ang kanilang sisidlan, ibinuhos ang mga gintong laman,
    at nagtimbang sila ng mga pilak.
Umupa sila ng platero at nagpagawa ng diyus-diyosan;
    pagkatapos ay niluhuran nila at sinamba ito.
Pinapasan nila ito para ilibot sa ibang lugar,
    pagkatapos ay ibabalik sa kanyang lalagyan.
    Mananatili ito roon at hindi makakakilos.
Dalanginan man ito'y hindi makakasagot,
    at hindi makatutulong sa panahon ng pagsubok.

“Ito ang inyong tandaan, mga makasalanan,
    ang bagay na ito ay alalahanin ninyo.
Alalahanin ninyo ang mga nakaraang pangyayari.
Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos,
    at maliban sa akin ay wala nang iba.
10 Sa simula pa'y itinakda ko na,
    at aking inihayag kung ano ang magaganap.
Sinabi kong tiyak na magaganap ang lahat ng balak ko,
    at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin.
11 May tinawag na akong mandirigma sa silangan,
    siya ay darating na parang ibong mandaragit,
    at isasagawa ang lahat kong balak.
Ako ang nagsasabi nito, at tiyak na matutupad.

12 “Makinig kayo sa akin, mga taong suwail;
    kayong naniniwalang malayo pa ang tagumpay.
13 Malapit na ang araw ng pagtatagumpay,
    ang pagliligtas ko'y hindi na magtatagal.
Ililigtas ko ang Jerusalem,
    at doon ko bibigyan ng karangalan ang bayang Israel.”

Hahatulan ang Babilonia

47 Sinabi(B) ni Yahweh sa Babilonia,

“Bumabâ ka sa iyong trono, at maupo ka sa alabok ng lupa.
Dati'y para kang birhen, isang lunsod na hindi malupig.
Ngunit hindi ka na ganoon ngayon,
    isa ka nang alipin!
Hawakan mo ang batong gilingan at ikaw ay gumiling ng harina.
Alisin mo na ang iyong belo, at hubarin ang magarang kasuotan;
    itaas mo ang iyong saya sa pagtawid sa batisan.
Malalantad sa mga tao ang hubad mong katawan,
    mabubunyag ang kahiya-hiya mong kalagayan.
Walang makakapigil sa aking gagawin.
    Ako'y maghihiganti.”

Ang Diyos ang siyang nagligtas sa amin, siya ang Banal na Diyos ng Israel.
    Ang pangalan niya ay Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.

Sinabi ni Yahweh sa Babilonia,
“Maupo ka na lang at manahimik doon sa dilim,
    sapagkat ikaw ay hindi na tatawaging reyna ng mga kaharian.
Nang ako'y magalit sa mga lingkod ko,
    sila'y aking itinakwil;
aking pinabayaan na masakop mo at maging alipin.
    Pinarusahan mo silang walang awa,
    pati matatanda'y pinagmalupitan mo.
Sapagkat akala mo'y mananatili kang reyna habang panahon.
    Hindi mo na naisip na magwawakas ito pagdating ng araw.

“Pakinggan(C) mo ito, ikaw na mahilig sa kalayawan,
    at nag-aakalang ikaw ay matiwasay.
Ang palagay mo sa sarili'y kasindakila ka ng Diyos,
    at ang paniwala mo'y wala kang katulad;
inakala mong hindi ka mabibiyuda,
    at hindi mo mararanasan ang mamatayan ng anak.
Ngunit isang araw, sa loob lamang ng isang saglit,
anumang salamangka o mahika ang iyong gawin,
    mangyayari ang dalawang bagay na ito:
Mawawala ang iyong asawa at ang iyong mga anak!

10 “Panatag ka sa paggawa ng kasamaan;
    sapagkat iniisip mong walang nakakakita sa iyo.
Iniligaw ka ng iyong karunungan at kaalaman,
    ang palagay mo sa sarili'y ikaw ang Diyos,
    wala nang hihigit pa sa iyo.
11 Ngunit darating sa iyo ang kapahamakan,
    at walang makakahadlang kahit ang nalalaman mo sa salamangka;
    darating sa iyo ang sumpa, at hindi mo ito maiiwasan.
Biglang darating sa iyo ang pagkawasak,
    na hindi mo akalaing mangyayari.

12 “Itago mo na lang ang salamangkang alam mo mula pa sa iyong kabataan,
baka sakaling magamit mo pa iyan bilang panakot sa iyong kaaway.
13 Wala kang magagawa sa kabila ng maraming payo sa iyo;
patulong ka man sa inaasahan mong mga astrologo,
    sa mga taong humuhula ng mangyayari bukas, batay sa kalagayan ng kalangitan at mga bituin.

14 “Sila'y parang dayaming masusunog,
    kahit ang sarili nila'y hindi maililigtas sa init ng apoy;
sapagkat ito'y hindi karaniwang init
    na pampaalis ng ginaw.
15 Walang maitutulong sa iyo ang mga astrologo
    na hinihingan mo ng payo sa buong buhay mo.
Sapagkat ikaw ay iiwan na nila,
    walang matitira upang iligtas ka.”

Si Yahweh ang Diyos ng Panahong Darating

48 Dinggin mo ito, O bayang Israel, kayong nagmula sa lahi ni Juda,
sumumpa kayong maglilingkod kay Yahweh,
    at sasambahin ang Diyos ng Israel,
    ngunit hindi kayo naging tapat sa kanya.
Ipinagmamalaki ninyong kayo'y nakatira sa banal na lunsod;
    at kayo'y umaasa sa Diyos ng Israel;
    ang pangalan niya ay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

Sinabi ni Yahweh sa Israel,
    “Noong una pa'y alam ko na kung ano ang mangyayari. Pagkatapos ay bigla ko itong isinakatuparan.
Alam kong matitigas ang inyong ulo,
    may leeg na parang bakal at noo na parang tanso.
Kaya noon pa,
    ipinahayag ko na ang mangyayari sa iyo,
    upang kung maganap na'y huwag ninyong isipin
    na ang mga diyus-diyosan ang may gawa nito.

“Lahat ng pahayag ko ay pawang natupad,
    inyo nang kilalanin ang katotohanan nito.
Ngayo'y may ihahayag akong bago,
    mga bagay na hindi ko inihayag noon.
Ngayon ko pa lamang ito gagawin;
    wala pang pangyayaring katulad nito noon
para hindi ninyo masabing ito'y alam na ninyo.
Alam kong hindi kayo mapagkakatiwalaan,
    sapagkat lagi na lamang kayong naghihimagsik.
Kaya tungkol dito'y wala kayong alam,
    kahit kapirasong balita'y walang natatanggap.

“Dahil na rin sa karangalan ko,
    ako ay nagpigil,
    dahil dito'y hindi ko na kayo lilipulin.
10 Sinubok ko kayo sa pamamagitan ng kahirapan,
    kung paanong ang pilak ay dinadalisay sa apoy;
ngunit kayo'y napatunayang hindi nararapat.
11 Ang ginawa ko'y para na rin sa sariling kapakanan,
    paghamak sa ngalan ko'y hindi ko pahihintulutan.
Ang karangalan ko'y tanging akin lamang,
    walang makakahati kahit na sinuman.”

Efeso 4:1-16

Ang Pagkakaisa sa Espiritu

Kaya't ako, na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay nakikiusap sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo'y(A) maging mapagpakumbaba, mahinahon at matiyaga. Magparaya kayo dahil sa inyong pagmamahal sa isa't isa. Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo. May iisang katawan at iisang Espiritu, kung paanong may iisang pag-asa na para doon kayo'y tinawag ng Diyos. May iisang Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bautismo, iisang Diyos at Ama nating lahat. Siya ay higit sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat.

Ang bawat isa sa ati'y nakatanggap ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Cristo. Ganito(B) ang sinasabi ng kasulatan:

“Nang umakyat siya sa kalangitan,
    nagdala siya ng maraming bihag,
    at nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.”

Anong ibig sabihin ng “umakyat siya”? Ang ibig sabihin niyan ay bumabâ muna siya sa mga kailalimang bahagi ng lupa.[a] 10 Ang bumabâ ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng kalangitan upang mapuno ng kanyang presensya ang buong sangnilikha. 11 At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama'y mga propeta, ang iba'y mga ebanghelista, at ang iba'y mga pastor at mga guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga hinirang, upang maging matatag ang katawan ni Cristo, 13 hanggang makarating tayo sa pagkakaisa ng pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo. 14 Nang sa gayon, hindi na tayo magiging tulad sa mga batang madaling matangay ng sari-saring aral. Hindi na tayo maililigaw ng mga taong ang hangad ay dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at panlilinlang. 15 Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo'y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat. 16 Sa pamamagitan niya, ang buong katawan ay pinag-uugnay-ugnay ng mga kasukasuan na mula rin sa kanya. At kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, lumalaki ang katawan at pinapatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.

Mga Awit 68:19-35

19 Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas,
    dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah)[a]
20 Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
    si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
    Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad.

21 Mga ulo ng kaaway ay babasagin ng Diyos,
    kapag sila ay nagpilit sa kanilang gawang buktot.
22 Si Yahweh ang nagsalita: “Ibabalik ko sa iyo kaaway na nasa Bashan;
    hahanguin ko nga sila sa gitna ng karagatan,
23 upang kayo'y magtampisaw sa dugo na bubuhos,
    sa dugo nilang yaon, pati aso ay hihimod.”

24 Mamamasdan ng marami ang lakad mong matagumpay,
    pagpasok ng Diyos kong hari, sa may dako niyang banal.
25 Sa unaha'y umaawit, tumutugtog sa hulihan,
    sa gitna'y nagtatamburin ang babaing karamihan.
26 “Ang Diyos ay papurihan, kung magtipong sama-sama,
    buong lahi ng Israel papurihan ninyo siya!”
27 Yaong lahi ni Benjamin, maliit ma'y nangunguna,
    kasunod ay mga puno at pulutong nitong Juda;
    mga puno ng Zebulun at Neftali'y kasunod na.

28 Sana'y iyong ipadama ang taglay mong kalakasan,
    ang lakas na ginamit mo noong kami'y isanggalang.
29 Magmula sa Jerusalem, sa iyong tahanang templo,
    na pati ang mga hari doo'y naghahandog sa iyo,
30 pagwikaan mo ang hayop, ang mailap na Egipto;
    sabihan ang mga bansang parang torong may bisiro;
    hanggang sila ay sumuko, maghandog ng pilak sa iyo.
Ang lahat ng maibigin sa digmaa'y ikalat mo!
31 Mula roon sa Egipto, mga sugo ay darating,
    ang Etiopia'y[b] daup-palad na sa Diyos dadalangin.

32 Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian,
    awitin ang pagpupuri't si Yahweh ay papurihan! (Selah)[c]

33 Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan;
    mula roo'y maririnig ang malakas niyang sigaw!
34 Ipahayag ng balana, taglay niyang kalakasan,
    siya'y hari ng Israel, maghahari siyang tunay;
    'yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan.
35 Kahanga-hanga ang Diyos sa santuwaryo niyang banal,
    siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigay
    ng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan.

Ang Diyos ay papurihan!

Mga Kawikaan 24:3-4

-20-

Sa pamamagitan ng karunungan, naitatayo ang isang bahay, at ito'y naitatatag dahil sa kaunawaan. Ang loob ng tahanan ay napupuno ng lahat ng magagandang bagay dahil sa karunungan.