The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.
Paglaya Mula sa Babilonia
14 Sinabi pa ni Yahweh,
ang Tagapagligtas, at Banal na Diyos ng Israel:
“Magpapadala ako ng hukbo laban sa Babilonia alang-alang sa iyo.
Gigibain ko ang mga pintuan ng kanyang lunsod
at mauuwi lamang sa iyakan ang kasayahan ng mga tagaroon.
15 Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na Banal,
ang Hari ng Israel na sa iyo'y lumalang!
16 Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na siyang gumawa ng daan sa gitna ng dagat,
upang maging kalsadang tawiran.
17 Siya ang nanguna upang malupig ang isang malaking hukbo.
Nilipol niya ang kanilang mga kabayo.
At ang kanilang mga karwahe'y winasak;
sila'y nabuwal at hindi na nakabangon;
parang isang ilaw na namatay ang dingas.”
18 Ito ang sabi niya:
“Ilibing mo na sa limot, at huwag nang alalahanin pa,
ang mga nangyari noong unang panahon.
19 Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay;
ito'y nagaganap na, hindi mo pa ba makita?
Gagawa ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto,
at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito.
20 Pararangalan ako maging ng mababangis na hayop
gaya ng mga asong-gubat at mga ostrits,
sapagkat nagpabukal ako ng tubig sa disyerto,
upang may mainom ang mga taong hinirang ko.
21 Nilalang ko sila upang maging aking bayan,
upang ako'y kanilang laging papurihan!”
Ang Kasalanan ng Israel
22 Sinabi ni Yahweh,
“Ngunit ikaw, Israel, ang lumimot sa akin;
at ayaw mo na akong sambahin.
23 Hindi ka na nagdadala ng mga tupang sinusunog bilang handog;
hindi mo na ako pinaparangalan sa pamamagitan ng iyong mga hain.
Hindi kita pinilit na maghandog sa akin,
o pinahirapan man sa pagsusunog ng insenso.
24 Hindi mo ako ibinili ng mabangong insenso
o kaya'y hinandugan man lang ng taba ng hayop.
Sa halip ay gumawa ka ng maraming kasalanan,
pinahirapan mo ako sa iyong kasamaan.
25 “Gayunman, ako ang Diyos
na nagpatawad sa iyong mga kasalanan;
hindi ko na aalalahanin pa ang iyong mga kasalanan.
26 Magharap tayo sa hukuman,
patunayan mong ikaw ay may katuwiran.
27 Nagkasala sa akin ang kauna-unahan mong ninuno,
gayon din ang iyong mga pinuno.
28 Ang aking santuwaryo ay nilapastangan ng iyong mga pinuno,[a]
kaya pinabayaan kong mawasak ang Israel,
at mapahiya ang aking bayan.”
Si Yahweh Lamang ang Diyos
44 Sinabi ni Yahweh,
“Ikaw Jacob, na lingkod ko, ako ay pakinggan;
lahi ni Israel, ang pinili kong bayan!
2 Akong si Yahweh ang sa iyo ay lumalang;
tinulungan na kita mula nang ikaw ay isilang.
Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod,
ang bayan kong minamahal.
3 Aking ibubuhos ang saganang tubig sa uhaw na lupa,
sa tuyong lupa maraming batis ang padadaluyin.
Ibubuhos ko sa iyong mga anak ang aking Espiritu,
at ang mga liping susunod sa iyo ay pagpapalain.
4 Sila ay sisibol tulad ng damong sagana sa tubig,
sila'y dadaloy tulad ng halaman sa tabi ng batis.
5 Bawat isa'y magsasabing, ‘Ako ay kay Yahweh.’
Sila ay darating upang makiisa sa Israel.
Itatatak nila sa kanilang mga bisig ang pangalan ni Yahweh,
at sasabihing sila'y kabilang sa bayan ng Diyos.”
6 Ang(A) sabi ni Yahweh, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel,
ang Makapangyarihan sa lahat:
“Ako ang simula at ang wakas;
walang ibang diyos maliban sa akin.
7 Sino ang makakagawa ng mga ginawa ko?
Sino ang makakapagsabi sa mga nangyari mula simula hanggang wakas?
8 Huwag kayong matakot, bayan ko!
Alam mong sa pasimula pa'y ipinahayag ko na ang mga mangyayari;
kayo'y mga saksi sa lahat ng ito.
Mayroon pa bang diyos maliban sa akin?
Wala nang hihigit pa sa aking kapangyarihan!”
Hinamak ang Pagsamba sa Diyus-diyosan
9 Walang kuwentang tao ang mga gumagawa ng rebulto, at walang kabuluhan ang mga diyus-diyosang kanilang pinahahalagahan. Mga bulag at hangal ang sumasamba sa mga ito, kaya sila'y mapapahiya. 10 Walang idudulot na mabuti ang paggawa ng mga rebulto para sambahin. 11 Tandaan ninyo, ang sumasamba sa mga ito ay mapapahiya lamang. Ang mga gumagawa nito'y tao lamang, kaya't magsama-sama man sila at ako'y harapin, sila'y matatakot at mapapahiya rin.
12 Ang panday ay kumukuha ng isang pirasong bakal at inilalagay ito sa apoy. Pagkatapos ay pinupukpok niya ito sa pamamagitan ng kanyang malakas na bisig hanggang sa magkahugis. Sa paggawa nito, siya ay nauuhaw, nagugutom at napapagod.
13 Ang karpintero naman ay kumukuha ng isang pirasong kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyong tao, saka inuukit hanggang sa mayari ang isang magandang imahen. Pagkatapos, ilalagay niya ito sa kanyang bahay. 14 Pumipili siya at pumuputol ng isang matigas na kahoy sa gubat tulad ng sedar, ensina at sipres. Maaari din siyang magtanim ng laurel at ito ay hintaying lumaki habang dinidilig ng ulan. 15 Ang(B) kaputol na kahoy nito ay ginagawang panggatong at ang kaputol naman ay ginagawang diyus-diyosan. Ang isang piraso ay iginagatong para magbigay ng init sa kanya at para igatong sa pagluluto. Ang isang piraso ay ginagawang rebulto para sambahin. 16 Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawang panggatong. Dito siya nag-iihaw ng karne at nasisiyahan siyang kumain nito. Kung nadarama niya ang init ng apoy ay nasasabi niya ang ganito: “Salamat at hindi na ako giniginaw!” 17 Ang natirang kahoy ay ginagawa nga niyang diyos na kanyang niluluhuran at sinasamba. Dumadalangin siya sa rebulto, “Iligtas mo ako sapagkat ikaw ang aking diyos!”
18 Ang mga taong gayon ay mga mangmang at hindi inuunawa ang kanilang ginagawa. Tinakpan nila ang kanilang mga mata at sinarhan ang isipan sa katotohanan. 19 Hindi na nila naisip na ang kaputol ng ginawa nilang rebulto ay ginamit na panggatong sa pagluluto ng tinapay at karneng kanilang kinain. Hindi man lamang nila itinanong sa kanilang sarili kung hindi kaya karumal-dumal ang sumamba sa isang pirasong kahoy.
20 Ang mga gumagawa nito'y parang kumakain ng abo.[b] Lubusan na siyang nailigaw ng kanyang maling paniniwala at mahirap nang ituwid. At hindi siya papayag na ang rebultong hawak niya ay hindi mga diyos.
Si Yahweh, ang Manlilikha at Tagapagligtas
21 Sinabi ni Yahweh,
“Tandaan mo Israel, ikaw ay aking lingkod.
Nilalang kita upang maglingkod sa akin.
Hindi kita kakalimutan.
22 Ang pagkakasala mo'y pinawi ko na, naglahong ulap ang katulad;
Ika'y manumbalik dahil tinubos na kita at pinalaya.
23 Magdiwang kayo, kalangitan!
Gayundin kayo, kalaliman ng lupa!
Umawit kayo, mga bundok at kagubatan,
sapagkat nahayag ang karangalan ni Yahweh
nang iligtas niya ang bansang Israel.
24 “Akong si Yahweh, na iyong Tagapagligtas, ang lumikha sa iyo:
Ako ang lumikha ng lahat ng bagay.
Ako lamang mag-isa ang nagladlad nitong kalangitan,
at nag-iisa ring lumikha ng sanlibutan.
25 Aking(C) binibigo ang mga sinungaling na propeta
at ang mga manghuhula;
ang mga marurunong ay ginagawang mangmang,
at ang dunong nila'y ginawang kahangalan.
26 Ngunit ang pahayag ng mga lingkod ko'y pawang nagaganap,
at ang mga payo ng aking mga sugo ay natutupad;
ako ang maysabing darami ang tao sa Jerusalem,
muling itatayo ang mga gumuhong lunsod sa Juda.
27 Isang utos ko lamang, natutuyo ang karagatan.
28 Ang(D) sabi ko kay Ciro, ‘Ikaw ang gagawin kong tagapamahala.
Susundin mo ang lahat ng ipapagawa ko sa iyo.
Ang Jerusalem ay muli mong ipatatayo,
gayundin ang mga pundasyon ng Templo.’”
Hinirang ni Yahweh si Ciro
45 Ito ang ipinahayag ni Yahweh kay Ciro,
ang pinunong kanyang pinili,
upang sakupin ang mga bansa
at alisan ng kapangyarihan ang mga hari.
Ibubukas ko ang mga pintuang-lunsod para sa kanya habang siya'y pumapasok.
2 “Ako ang maghahanda ng iyong daraanan,
mga bundok doo'y aking papatagin.
At sa mga lunsod, mga pintong tanso'y aking wawasakin;
pati kandadong bakal ay aking tatanggalin.
3 Ibibigay ko sa iyo ang nakatagong mga kayamanan at alahas;
sa gayon, malalaman mong ako si Yahweh,
ang Diyos ng Israel, ang siyang tumawag sa iyo.
4 Tinawag kita sa iyong pangalan,
alang-alang sa aking lingkod na si Israel na aking hinirang.
Binigyan kita ng malaking karangalan,
kahit hindi mo ako nakikilala.
5 Ako si Yahweh, ako lamang ang Diyos at wala nang iba;
palalakasin kita, kahit hindi mo ako nakikilala.
6 Ginawa ko ito upang ako ay makilala
mula sa silangan hanggang kanluran,
at makilala nila na ako si Yahweh,
ako lamang ang Diyos at wala nang iba.
7 Ako ang lumikha ng dilim at liwanag;
ako ang nagpapahintulot ng kaginhawahan at kapahamakan.
Akong si Yahweh ang nagpapasya ng lahat ng ito.
8 Padadalhan kita ng sunud-sunod na tagumpay,
parang mga patak ng ulan na bumabagsak sa lupa;
dahil dito'y maghahari sa daigdig ang kalayaan at katarungan.
Akong si Yahweh ang magsasagawa nito.”
Si Yahweh ng Buong Nilikha at Kasaysayan
9 Ang(E) palayok ba ay makakatutol sa gumawa sa kanya?
Maitatanong ba ng putik sa magpapalayok kung ano ang ginagawa nito?
Masasabi ba ng palayok na hindi sanay ang gumawa sa kanya?
10 May anak bang magtatanong sa kanyang ama, “Bakit ikaw ang aking naging ama?”
At sa kanyang ina, “Bakit mo ako ipinanganak?”
Ang Paglilingkod ni Pablo sa mga Hentil
3 Dahil dito, akong si Pablo ay naging bilanggo para kay Cristo Jesus[a] alang-alang sa inyong mga Hentil. 2 Marahil ay nabalitaan na ninyo na dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay pinagkatiwalaan niya ako ng tungkuling ito para sa inyong ikabubuti. 3 Tulad ng naisulat ko na sa ilang salita, ipinaalam sa akin ng Diyos ang kanyang lihim na panukala. 4 At(A) habang binabasa ninyo ito, malalaman ninyo kung ano ang pagkaunawa ko sa lihim na panukalang isinakatuparan ni Cristo. 5 Ito'y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. 6 At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga Hentil ay mga tagapagmana rin tulad ng mga Judio, kabilang din sa iisang katawan, at may bahagi sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
7 Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako'y ginawa niyang lingkod upang ipangaral ang Magandang Balita. Ang tungkuling ito'y ibinigay niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 8 Ako ang pinakahamak sa lahat ng mga pinili ng Diyos. Gayunma'y minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang natatanging kagandahang-loob na ito, na ipangaral sa mga Hentil ang Magandang Balita tungkol sa di-masukat na kayamanan ni Cristo, 9 at upang maipaunawa sa lahat kung paano isasagawa ng Diyos ang kanyang lihim na plano. Sa mga nakaraang panahon ay inilihim ito ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay. 10 Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba't ibang paraan. 11 Ito'y alinsunod sa kanyang layunin bago pa man likhain ang sanlibutan. Tinupad niya ang layuning ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo at sa pamamagitan ng ating pananalig sa kanya, makakalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at panatag ang loob. 13 Kaya't hinihiling ko sa inyo na huwag kayong panghihinaan ng loob dahil sa mga kahirapang tinitiis ko alang-alang sa inyo, sapagkat ito'y para sa inyong ikararangal.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Dahil dito, ako'y lumuluhod sa harapan ng Ama, 15 na mula sa kanya'y nagkakaroon ng pangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Idinadalangin kong sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan. 17 Nawa'y manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig. Dalangin ko na ang pag-ibig ang maging ugat at pundasyon sa lahat ng inyong gawain 18 upang(B) inyong lubusang maunawaan, kasama ng mga hinirang ng Diyos, kung gaano kalawak, kahaba, kataas, at kalalim ang kanyang pag-ibig. 19 At nawa'y maunawaan ninyo ang pag-ibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip at sa gayo'y mapuspos kayo ng buong katangian ng Diyos.
20 Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin; 21 sa kanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi magpakailanman! Amen.
Pambansang Awit ng Pagtatagumpay
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
68 Magbangon ka, O Diyos, kaaway ay pangalatin,
at ang mga namumuhi'y tumakas sa kanyang piling!
2 Kung paanong yaong usok tinatangay noong hangin, gayon sila itataboy, gayon sila papaalisin;
at kung paanong kandila sa apoy ay natutunaw,
sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw.
3 Ngunit lahat magagalak, matutuwa ang matuwid;
sa harapan nitong Diyos, galak nila'y di malirip.
4 Awitan natin ang Diyos, purihin ang kanyang ngalan,
maghanda ng isang landas upang kanyang maraanan;
ang pangalan niyang Yahweh, magalak na papurihan.
5 Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo,
tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo.
6 May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot,
ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod;
samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot.
7 Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay,
sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang, (Selah)[a]
8 ang(A) lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan; ganito ang nangyayari kapag ika'y dumaratal.
Maging ang bundok ng Sinai, nayanig din sa pagdating,
nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel.
9 Dahil sa iyo, yaong ulang masagana ay pumatak,
lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad.
10 At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
ang mahirap nilang buhay sa pagpapala'y pinuspos.
11 May utos na pinalabas na si Yahweh ang nagbigay,
ang nagdala ng balita ay babaing karamihan;
12 ang balitang sinasabi: “Nang dahil sa takot, mga hari't hukbo nila'y tumatakas sa labanan!”
Kaya ang mga babae na ang nagparte ng samsam.
13 Para silang kalapati, nararamtan noong pilak,
parang gintong kumikinang kapag gumalaw yaong pakpak;
(Bakit mayro'ng sa kulungan ng tupa napasadlak?)
14 Mga haring nagsitakas pagsapit ng Bundok Zalmon,
ang yelo ay pinapatak ni Yahweh sa dakong iyon.
15 O kay laki niyong bundok, yaong bundok nitong Bashan;
ito'y bundok na kay raming taluktok na tinataglay.
16 Sa taluktok mong mataas, bakit kinukutya wari
yaong bundok na maliit na ang Diyos ang pumili?
Doon siya mananahan upang doon mamalagi.
17 Ang kasama'y libu-libong matitibay na sasakyan,
galing Sinai, si Yahweh ay darating sa dakong banal.
18 At(B) sa dakong matataas doon siya nagpupunta,
umaahon siya roon, mga bihag ang kasama;
kaloob mang nagbubuhat sa tauhang nag-aalsa,
tinatanggap ng Panginoong Yahweh na doon na tumitira.
-19-
24 Huwag mong kainggitan ang mga makasalanan ni sa kanila'y makipagkaibigan. 2 Ang nasa isip nila'y laging kaguluhan, at ang dila nila'y puno ng kasinungalingan.
by