Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Isaias 28:14-30:11

Isang Batong Saligan para sa Zion

14 Kaya't ngayon ay dinggin ninyo si Yahweh, kayong mga walang galang na pinuno,
    na namamahala sa Lunsod ng Jerusalem.
15 Sapagkat(A) sinabi ninyo, “Nakipagkasundo na kami sa kamatayan,
    gayundin sa daigdig ng mga patay.
Kaya hindi na kami mapapahamak
    dumating man ang malagim na sakuna;
ginawa na naming kuta ang kasinungalingan,
    at pandaraya ang aming kanlungan.”
16 Ito(B) ngayon ang sinasabi ng Panginoong Yahweh:
“Naglalagay ako sa Zion ng batong-panulukan,
    subok, mahalaga, at matatag na pundasyon;
    ‘Ang magtiwala rito'y hindi mapapahiya.’
17 Gagawin kong panukat ang katarungan,
    at pamantayan ang katuwiran;
wawasakin ng bagyo
    at aanurin ng baha ang lahat ng silungan ng kasinungalingan.”
18 Ang pakikipagkasundo mo sa kamatayan
    at sa daigdig ng mga patay ay mawawalan ng bisa at masisira,
at kapag dumating ang baha,
    lahat kayo'y matatangay.
19 Araw-araw, sa umaga't gabi
    ang bahang ito'y daraan at kayo'y tatangayin;
maghahasik ito ng sindak at takot
    upang maunawaan ang mensahe nito.
20 Sapagkat mangyayari sa inyo ang isinasaad ng kasabihan:
‘Maikli ang kamang inyong higaan,
    at makitid ang kumot para sa katawan.’
21 Sapagkat(C) tulad ng ginawa sa Bundok ng Perazim,
    tatayo si Yahweh at ipadarama ang kanyang galit;
tulad din ng ginawa niya sa Libis ng Gibeon,
    gagawin niya ang kanyang magustuhan kahit hindi siya maunawaan,
    at tanging siya lang ang nakakaalam.
22 Kaya huwag ka nang magyabang,
    baka ang gapos mo ay lalong higpitan.
Sapagkat narinig ko na ang utos ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
    na wasakin ang buong lupain.

Ang Karunungan ng Diyos

23 Itong aking tinig ay iyong dinggin,
    ang sinasabi ko'y iyong unawain.
24 Ang nagsasaka ba'y lagi na lamang pag-aararo
    at pagsusuyod ang gagawin sa kanyang bukid?
25 Hindi ba't kung maihanda na ang lupa,
    ito'y sinasabugan niya ng anis at linga?
Hindi ba tinatamnan niya ito ng trigo't sebada
    at sa mga gilid naman ay espelta?
26 Iyan ang tamang gawain
    na itinuro ng Diyos sa tao.

27 Ang anis at linga ay hindi ginagamitan
    ng gulong o mabigat na panggiik.
Banayad lamang itong nililiglig o pinapalo.
28 Dinudurog ba ang butil na ginagawang tinapay?
    Hindi ito ginigiik nang walang tigil,
pinararaanan ito sa hinihilang kariton
    ngunit hindi pinupulbos.
29 Ang mensaheng ito'y mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
    mahusay ang kanyang payo
    at kahanga-hanga ang kanyang karunungan.

Kinubkob ang Jerusalem

29 Kawawa ang Jerusalem,
    ang lunsod na himpilan ni David!
Hayaang dumaan ang taunang pagdiriwang ng mga kapistahan,
at pagkatapos ay wawasakin ko ang lunsod na tinatawag na “altar ng Diyos!”
    Maririnig dito ang panaghoy at pagtangis,
    ang buong lunsod ay magiging parang altar na tigmak ng dugo.
Kukubkubin kita,
    at magtatayo ako ng mga kuta sa paligid mo.
Dahil dito, ikaw ay daraing mula sa lupa,
    maririnig mo ang iyong tinig na nakakapangilabot,
nakakatakot na parang tinig ng isang multo,
    at parang bulong mula sa alabok.

Ngunit ang lulusob sa iyo ay liliparin na parang abo,
    parang ipang tatangayin ng hangin ang nakakatakot nilang hukbo.
Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay biglang magpapadala
    ng dumadagundong na kulog, lindol,
    buhawi, at naglalagablab na apoy upang iligtas ka.
Ang lahat ng bansang kumalaban sa Jerusalem,
    ang kanilang mga sandata at kagamitan,
    ay maglalahong parang isang panaginip, parang isang pangitain sa gabi.
Parang isang taong gutom na nanaginip na kumakain,
    at nagising na gutom pa rin;
o taong uhaw na nanaginip na umiinom,
    ngunit uhaw na uhaw pa rin nang siya'y magising.
Gayon ang sasapitin,
    ng lahat ng bansang lumalaban sa Jerusalem.

Bulag at Mapagmalaki ang Israel

Magwalang-bahala kayo at mag-asal mangmang,
    bulagin ang sarili at nang hindi makakita!
Malasing kayo ngunit hindi sa alak,
    sumuray kayo kahit hindi nakainom.
10 Sapagkat(D) pinadalhan kayo ni Yahweh
    ng espiritu ng matinding antok;
tinakpan niya ang inyong mga mata, kayong mga propeta,
    tinakpan din niya ang inyong mga ulo, kayong mga manghuhula.

11 Ang kahulugan ng lahat ng pangitaing ito ay parang aklat na nakasara. Kung ipababasa mo ito sa taong nakakaunawa, ang sasabihin niya'y, “Ayoko, hindi ko mababasa sapagkat nakasara.” 12 Kung ipababasa mo naman sa hindi marunong bumasa, ito ang isasagot sa iyo, “Hindi ako marunong bumasa.”

13 Sasabihin(E) naman ni Yahweh,
“Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito,
    at sa bibig lamang nila ako iginagalang,
    subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso,
at ayon lamang sa utos ng tao ang kanilang paglilingkod.
14 Kaya(F) muli akong gagawa
    ng kababalaghan sa harapan nila,
    mga bagay na kahanga-hanga at kataka-taka;
mawawalang-saysay ang karunungan ng kanilang mga matatalino,
    at maglalaho ang katalinuhan ng kanilang matatalino.”

Ang Pag-asa sa Hinaharap

15 Kaawa-awa ang mga nagtatago kay Yahweh habang sila'y gumagawa ng mga panukala.
    Sila na nagsasabing: “Doon kami sa gitna ng dilim
    upang walang makakakilala o makakakita sa amin!”
16 Binabaligtad(G) ninyo ang katotohanan!
Masasabi ba ng palayok sa gumagawa nito,
    “Hindi naman ikaw ang humugis sa akin;”
at masasabi ba ng nilikha sa lumikha sa kanya,
    “Hindi mo alam ang iyong ginagawa”?

17 Tulad ng kasabihan:
“Hindi magtatagal
    at magiging bukirin ang kagubatan ng Lebanon,
    at ang bukirin naman ay magiging kagubatan.”
18 Sa araw na iyon maririnig ng bingi
    ang pagbasa sa isang kasulatan;
at mula sa kadiliman,
    makakakita ang mga bulag.
19 Ang nalulungkot ay muling liligaya sa piling ni Yahweh,
    at pupurihin ng mga dukha ang Banal na Diyos ng Israel.
20 Sapagkat mawawala na ang malupit at mapang-api,
    gayon din ang lahat ng mahilig sa kasamaan.
21 Lilipulin ni Yahweh ang lahat ng naninirang-puri,
    mga sinungaling na saksi
    at mga nagkakait ng katarungan sa matuwid.

22 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh, ang tumubos kay Abraham,
    tungkol sa sambahayan ni Jacob:
“Wala nang dapat ikahiya o ikatakot man,
    ang bayang ito mula ngayon.
23 Kapag nakita nila ang kanilang mga anak
    na ginawa kong dakilang bansa,
    makikilala nila na ako ang Banal na Diyos ni Jacob;
igagalang nila ang itinatanging Diyos ni Israel.
24 Magtatamo ng kaunawaan ang mga napapalayo sa katotohanan,
    at tatanggap ng pangaral ang mga matitigas ang ulo.”

Walang Kabuluhang Pakikipagkasundo sa Egipto

30 Sinabi ni Yahweh,
“Kawawa ang mga suwail na anak,
na ang ginagawa'y hindi ayon sa aking kalooban;
nakikipagkaisa sila sa iba nang labag sa aking kagustuhan,
    palala nang palala ang kanilang kasalanan.
Nagmamadali silang pumunta sa Egipto
    upang humingi ng tulong sa Faraon;
    ngunit hindi man lamang sila sumangguni sa akin.
Mabibigo lamang kayo sa hinahangad ninyong tulong,
    at kahihiyan lamang ang idudulot ng inaasahan ninyong proteksyon.
Bagama't nasa Zoan ang kanilang mga pinuno,
    at ang mga sugo nila'y umabot pa hanggang Hanes,
mapapahiya lamang kayong lahat,
    dahil sa mga taong walang pakinabang,
hindi naman tumutulong at hindi rin maaasahan,
    wala silang matatamo kundi kabiguan at kahihiyan.”

Ito ang mensahe ng Diyos tungkol sa mga hayop sa katimugang disyerto:

Sa lupain ng kaguluhan at dalamhati,
    sa lugar na pinamamahayan ng mga leon,
    ng mga ulupong at mga lumilipad na dragon;
ikinakarga nila ang kanilang kayamanan sa mga asno at mga kamelyo,
    upang ibigay sa mga taong walang maitutulong.
Ang bansang Egipto'y hindi maaasahan,
    kaya tinawag ko siyang, “Inutil na Dragon.”

Tumangging Makinig ang Israel

Halika, at isulat mo sa isang aklat,
    kung anong uri ng mga tao sila;
upang maging tagapagpaalala magpakailanman,
    kung gaano kalaki ang kanilang kasalanan.
Sapagkat sila'y mapaghimagsik laban sa Diyos,
sinungaling at ayaw makinig sa aral ni Yahweh.
10 Sinasabi nila sa mga tagapaglingkod, “Huwag kayong magsasabi ng katotohanan.”
    At sa mga propeta, “Huwag kayong magpapahayag ng tama.
Mga salitang maganda sa aming pandinig ang inyong banggitin sa amin,
    at ang mga hulang hindi matutupad.
11 Umalis kayo sa aming daraanan,
    at ang tungkol sa Banal na Diyos ng Israel ay ayaw na naming mapakinggan.”

Galacia 3:23-4:31

23 Bago dumating ang panahon ng pananampalataya, tayo'y nakakulong sa Kautusan hanggang sa ang pananampalatayang ito kay Cristo ay mahayag. 24 Kaya't ang Kautusan ang naging taga-disiplina natin hanggang sa dumating si Cristo upang tayo'y maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. 25 Ngayong dumating na ang panahon ng pananampalataya, wala na tayo sa ilalim ng taga-disiplina.

26 Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. 27 Si Cristo mismo ang inyong isinuot na parang damit nang kayo'y nabautismuhan sa inyong pakikipag-isa sa kanya. 28 Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae. Kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 29 At(A) kung kayo'y kay Cristo, kayo'y mga anak ni Abraham at tagapagmana ng mga pangako ng Diyos.

Ito ang ibig kong sabihin: habang bata pa ang tagapagmana, hindi siya nakakahigit sa isang alipin kahit na siya ang may-ari ng lahat. Sa halip, siya'y nasa ilalim pa ng mga tagapangasiwa at mga katiwala hanggang sa panahong itinakda ng kanyang ama. Gayundin naman, tayo noon ay nasa ilalim ng mga tuntuning umiiral sa sanlibutang ito hanggang sa tayo'y dumating sa hustong gulang. Ngunit nang sumapit ang tamang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak na isinilang ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang(B) palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y maituturing na mga anak ng Diyos.

At dahil kayo'y[a] mga anak ng Diyos, isinugo niya ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating mga puso, na tumatawag sa Diyos ng “Ama, Ama ko!” Ginawa na kayo ng Diyos na mga anak at hindi na mga alipin, at kung gayon kayo'y mga tagapagmana niya.

Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Galacia

Noong hindi pa ninyo nakikilala ang Diyos, kayo'y alipin ng mga bagay na hindi totoong mga diyos. Ngunit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakikilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mga tuntuning walang bisa at walang halaga? Bakit gusto na naman ninyong paalipin sa mga iyon? 10 May itinatangi kayong mga araw, mga buwan, mga panahon at mga taon! 11 Nangangamba akong baka nasayang lamang ang pagpapagal ko para sa inyo.

12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, tularan ninyo ako, sapagkat ako'y naging katulad na ninyo. Wala kayong ginawang masama sa akin. 13 Alam naman ninyong ang pagkakasakit ko noon ang naging dahilan kaya ko ipinangaral sa inyo ang Magandang Balita. 14 Gayunman, hindi ninyo ako itinakwil o hinamak, kahit na naging pagsubok sa inyo ang aking karamdaman. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus! 15 Nasaan na ngayon ang kasiyahang iyon? Ako mismo ang makakapagpatotoo na kung maaari nga lamang pati ang inyong mga mata'y dudukitin ninyo at ibibigay sa akin noon. 16 Ngayon, ituturing ba ninyo akong kaaway dahil sa sinasabi ko sa inyo ang katotohanan?

17 Pinapahalagahan nga kayo ng mga taong iyan, ngunit hindi mabuti ang kanilang layunin. Nais lamang nila kayong ilayo sa akin upang sila ang inyong pahalagahan. 18 Hindi masama ang magpahalaga, kung mabuti ang layunin at hindi kung kaharap lamang ninyo ako! 19 Mga anak ko, dahil sa inyo'y minsan pa akong nagdaranas ng hirap tulad ng babaing nanganganak, hanggang sa ganap na mabuo si Cristo sa inyo. 20 Sana'y kasama ko kayo ngayon upang maiba ang tono ng aking pagsasalita sapagkat gulung-gulo ang isip ko tungkol sa inyo.

Ang Paghahambing kina Hagar at Sara

21 Sabihin nga ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng Kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang sinasabi ng Kautusan? 22 Sinasabi(C) roon na si Abraham ay nagkaanak ng dalawang lalaki, isa sa aliping babae at isa sa malayang babae. 23 Ang anak niya sa aliping babae ay ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, ngunit ang anak niya sa malayang babae ay ipinanganak bilang katuparan ng pangako ng Diyos. 24 Ito'y isang paghahambing. Ang dalawang babae ay larawan ng dalawang kasunduan, ang isa ay ang tipan sa Bundok ng Sinai na kinakatawan ni Hagar at ng kanyang mga anak, na pawang mga alipin. 25 Si Hagar ay kumakatawan sa Bundok ng Sinai na nasa Arabia,[b] at larawan ng kasalukuyang Jerusalem sapagkat siya'y nasa pagkaalipin, kasama ng kanyang mga mamamayan. 26 Ngunit ang Jerusalem na nasa langit ay malaya, at siya ang ating ina. 27 Ayon(D) sa nasusulat,

“Magsaya ka, O babaing hindi magkaanak!
    Humiyaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakaranas ng hirap sa panganganak!
Sapagkat higit na marami ang anak ng babaing nangungulila
    kaysa babaing may asawa.”

28 Mga kapatid, tulad ni Isaac, tayo'y mga anak ayon sa pangako. 29 Kung(E) noong una, ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay inuusig ng ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, gayundin naman ngayon. 30 Ngunit(F) ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Palayasin mo ang babaing alipin at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng alipin ay hindi dapat makibahagi sa mana ng anak ng malaya.” 31 Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo anak ng alipin kundi ng malaya.

Mga Awit 62

Pagtitiwala sa Pag-iingat ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.

62 Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa;
    ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya.
Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
    tagapagtanggol ko at aking kalasag;
    akin ang tagumpay sa lahat ng oras!

Hanggang kailan ba ninyo lulupigin ang sinuman na nais ninyong patayin?
    Tulad ng isang pader siya'y ibagsak, gaya ng bakod siya'y mawawasak.
Nais lamang ninyong siya ay siraan, sa inyong adhikang ibaba ang dangal;
    ang magsinungaling, inyong kasiyahan.
Pangungusap ninyo, kunwa'y pagpapala,
    subalit sa puso'y inyong sinusumpa. (Selah)[a]

Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
    ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya.
Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
    tagapagtanggol ko at aking kalasag;
    akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang.
    Siya'y malakas kong tagapagsanggalang,
    matibay na muog na aking kanlungan.

Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
    ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;
    siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)[b]

Ang taong nilalang ay katulad lamang
    ng ating hiningang madaling mapatid.
Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,
    katumbas na bigat ay hininga lamang.
10 Huwag kang magtiwala sa gawang marahas,
    ni sa panghaharang, umasang uunlad;
kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan
    ang lahat ng ito'y di dapat asahan.

11 Hindi na miminsang aking napakinggan
    na taglay ng Diyos ang kapangyarihan,
12     at(A) di magbabago kanyang pagmamahal.
Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo.

Mga Kawikaan 23:19-21

-15-

19 Anak, maging matalino ka at pag-isipan mong mabuti ang iyong buhay. 20 Huwag kang makikisama sa mga lasenggo at sa masiba sa pagkain. 21 Pagkat sila'y masasadlak sa kahirapan, at darating ang panahong magdadamit ng basahan.