Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Isaias 6-7

Ang Pagtawag kay Isaias Upang Maging Propeta

Noong(A) taon na mamatay si Haring Uzias, nakita ko si Yahweh na nakaupo sa isang napakataas na trono. Ang laylayan ng kanyang kasuotan ay nakalatag sa buong Templo. May mga serapin sa kanyang ulunan, at ang bawat isa'y may anim na pakpak: dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa mga paa, at dalawa ang ginagamit sa paglipad. Sinasabi(B) nila sa isa't isa ang ganito:

“Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat!
Ang buong daigdig ay puspos ng kanyang kaluwalhatian.”

Sa(C) lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang mga pundasyon ng Templo at ang loob nito'y napuno ng usok. Sinabi ko, “Kawawa ako sapagkat ako ay isang makasalanan at mula sa isang lahing makasalanan. Mapapahamak ako sapagkat nakita ko ang Hari, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!”

Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga mula sa altar, at lumipad patungo sa akin. Idinampi niya ang baga sa aking mga labi, at sinabi: “Ngayong naidampi na ito sa iyong mga labi, pinatawad ka na at nilinis na ang iyong mga kasalanan.” At narinig ko ang tinig ni Yahweh na nagsasabi, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang magpapahayag para sa atin?” Sumagot ako, “Narito po ako; ako ang inyong isugo!” At(D) sinabi niya, “Humayo ka at sabihin mo sa mga tao:

‘Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makakaunawa;
tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakakita.’
10 Papurulin mo ang kanilang kaisipan,
    kanilang pandinig iyo ring takpan,
    bulagin mo sila upang hindi makakita,
upang sila'y hindi makarinig, hindi makakita, at hindi makaunawa.
    Kundi'y baka magbalik-loob sila at sila'y pagalingin ko pa.”

11 Itinanong ko: “Hanggang kailan po, Panginoon?” Ganito ang sagot niya:

“Hanggang ang mga lunsod ay mawasak at mawalan ng tao,
hanggang sa wala nang nakatira sa mga tahanan,
    at ang lupain ay matiwangwang;
12 hanggang sa ang mga tao'y itapon ni Yahweh sa malayong lugar,
    at ang malawak na lupain ay wala nang pakinabang.
13 Matira man ang ikasampung bahagi ng mga tao,
    sila rin ay mapupuksa,
parang pinutol na puno ng ensina,
    na tuod lamang ang natira.
Ang tuod na iyan ay tanda ng isang bagong simula para sa bayan ng Diyos.”

Unang Babala kay Ahaz

Nang(E) ang hari ng Juda ay si Ahaz, anak ni Jotam na anak ni Uzias, ang Jerusalem ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria, at ng hari ng Israel na si Peka, anak ni Remalias, ngunit hindi sila nagtagumpay. Nang mabalitaan ng sambahayan ni David na nagkasundo na ang Siria at ang Efraim, ang hari at ang buong bayan ay nanginig sa takot na parang mga puno sa kakahuyan na hinahampas ng hangin.

Sinabi ni Yahweh kay Isaias: “Isama mo ang iyong anak na si Sear-Yasub[a] at salubungin ninyo si Ahaz. Matatagpuan ninyo siya sa may dulo ng padaluyan ng tubig mula sa tipunan ng tubig sa itaas, sa daang patungo sa dakong Bilaran ng Tela. Ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Humanda ka! Huwag matakot at mabagabag. Huwag kang masisiraan ng loob dahil sa nag-aalab na poot ni Rezin ng Siria at ni Peka na anak ni Remalias; ang dalawang iyon ay parang dalawang putol ng kahoy na umuusok ngunit walang apoy.’ Nagbalak ng masama laban sa iyo ang Siria, ang Israel at ang anak ni Remalias, at kanilang sinabi:

‘Lusubin natin ang Juda,
    at sakupin ang Jerusalem.
Gagawin nating hari doon ang anak ni Tabeel.’
Ngunit sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi ito mangyayari.
Sapagkat ang Siria'y mas mahina kaysa Damasco na punong-lunsod niya,
    at ang Damasco'y mas mahina kaysa kay Haring Rezin.
Ang Israel naman ay mawawasak sa loob ng animnapu't limang taon,
    at hindi na ito ibibilang na isang bayan.
Malakas pa kaysa Israel ang lunsod ng Samaria na punong-lunsod nito,
    at ang Samaria ay mas mahina kaysa kay Haring Peka.
Ikaw ay mabubuwal kapag hindi naging matatag ang iyong pananalig sa Diyos.”

Ang Palatandaan ng Emmanuel

10 Muling nagsalita si Yahweh kay Ahaz: 11 “Humingi ka ng palatandaan kay Yahweh na iyong Diyos, maging ito ay buhat sa malalim na libingan o sa kaitaasan ng langit.” 12 Ngunit sinabi ni Ahaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko po susubukin si Yahweh.”

13 At sinabi ni Isaias:

“Makinig kayo, sambahayan ni David!
Hindi pa ba sapat na subukin ninyo ang pagtitiis ng mga tao,
    at pati ang pagtitiis ng aking Diyos ay inyong sinusubok?
14 Dahil(F) dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga[b]
    at magsisilang ng isang sanggol na lalaki
    at tatawagin sa pangalang Emmanuel.[c]
15 Gatas at pulot ang kanyang kakainin
    kapag marunong na siyang umiwas sa masama at gumawa ng mabuti.
16 Sapagkat bago matuto ang bata na umiwas sa masama
    at gumawa ng mabuti,
    ang lupain ng dalawang haring kinatatakutan mo ay wawasakin.
17 Ikaw at ang iyong bayan, pati na ang sambahayan ng iyong ama
    ay ipapasakop ni Yahweh sa hari ng Asiria.
Pagdaranasin ka nito ng paghihirap na kailanma'y hindi mo pa nararanasan
    mula nang humiwalay ang Efraim sa Juda.
18 Sa panahon ding iyon, tatawagin ni Yahweh ang mga Egipcio
    na parang mga langaw mula sa malalayong batis ng Ilog Nilo,
    at ang mga taga-Asiria na gaya ng mga pukyutan.
19 Darating ang mga ito at maninirahan sa matatarik na bangin,
    sa mga lungga ng malalaking bato,
    at sa lahat ng dawagan at mga pastulan.
20 Sa araw na iyon, ang Panginoon ay uupa
    ng mang-aahit mula sa kabila ng Ilog Eufrates—ang hari ng Asiria!
Aahitin niya ang buhok mo sa ulo pati na ang iyong balbas
    at gayundin ang balahibo mo sa buong katawan.
21 Sa araw na iyon ang bawat tao ay mag-aalaga
    ng isang dumalagang baka at dalawang tupa.
22 Sa dami ng gatas na makukuha,
    ang lahat ng natira sa lupain ay mabubuhay sa gatas at pulot.
23 Sa panahong iyon ang ubasang noo'y may isang libong punong ubas
    na nagkakahalaga ng isang libong salaping pilak
    ay magiging dawagan at puro tinikan.
24 May dalang palaso at pana ang papasok doon,
    sapagkat ang buong lupain ay mapupuno ng mga tinik at dawag.
25 Wala nang pupunta doon upang magbungkal ng lupa
    sapagkat mga tinik ay sanga-sanga na.
Pagpapastulan na lamang iyon ng mga baka at tupa.”

2 Corinto 11:16-33

Mga Tiniis ni Pablo Bilang Apostol

16 Inuulit ko, huwag isipin ninuman na ako'y hangal. Ngunit kung ganoon ang akala ninyo, tatanggapin ko na, upang ako man ay makapagyabang nang kaunti. 17 Ang sinasabi ko sa pagmamalaking ito ay hindi buhat sa Panginoon kundi pagyayabang ng isang hangal. 18 Dahil marami ang nagyayabang tungkol sa mga bagay na makalupa, ako man ay magyayabang din. 19 Nagtitiyaga kayo sa mga hangal na iyan, palibhasa'y matatalino kayo! 20 Pinapagtiisan ninyong kayo'y alipinin, sakmalin, pagsamantalahan, maliitin, o sampalin. 21 Nakakahiya man ay aaminin kong hindi namin kayang gawin iyan!

Kung may nangangahas na magyabang, ako'y mangangahas din na magyabang. Ako'y nagsasalita tulad ng isang hangal. 22 Sila ba'y Hebreo? Ako rin. Mga Israelita ba sila? Ako rin. Sila ba'y mula sa lahi ni Abraham? Ako rin. 23 Sila(A) ba'y mga lingkod ni Cristo? Mas mabuti akong lingkod ni Cristo kaysa kanila. Para akong isang baliw na nagsasalita ngayon. Higit ang aking pagpapagal kaysa sa kanila; mas maraming beses akong nabilanggo, hinagupit nang napakaraming beses, at madalas na nabingit sa kamatayan. 24 Limang(B) beses akong tumanggap ng tatlumpu't siyam na hagupit mula sa mga Judio; 25 tatlong(C) ulit kong naranasang hagupitin [ng mga Romano][a], at minsang pinagbabato. Tatlong beses kong naranasang mawasak ang barkong aking sinasakyan, at minsa'y buong araw at gabi akong lulutang-lutang sa dagat. 26 Sa(D) malimit kong paglalakbay, nalagay ako sa iba't ibang panganib: sa mga ilog, sa mga tulisan, sa aking mga kababayan at sa mga Hentil; mga panganib sa lungsod, sa ilang, sa dagat, sa mga huwad na kapatid. 27 Naranasan ko rin ang labis na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, at matinding gutom at uhaw. Naranasan ko ang ginawin ngunit wala man lamang maibalabal. 28 Bukod sa lahat ng ito ay araw-araw kong pinapasan ang mga alalahanin para sa lahat ng mga iglesya. 29 Kapag may nanghihina, nanghihina rin ako, at kapag may nahuhulog sa pagkakasala, labis ko itong ikinagagalit.

30 Kung kailangan kong magyabang, ipagyayabang ko ang mga bagay na nagpapakita ng aking kahinaan. 31 Hindi ako nagsisinungaling. Alam iyan ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman! 32 Nang(E) ako'y nasa Damasco, ang pintuan ng lungsod ay pinabantayan ng gobernador na nasasakop ni Haring Aretas upang ipahuli ako. 33 Ngunit isinakay ako sa isang malaking kaing, pinadaan ako sa butas sa pader at ibinabâ sa kabila upang ako'y makatakas.

Mga Awit 54

Panalangin Upang Saklolohan

Isang Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

54 Makapangyarihang Diyos, ako'y iligtas,
    ipagsanggalang mo ng iyong lakas.
Dinggin mo, O Diyos, aking panalangin,
    iyo ngang pakinggan, aking mga daing.
Ang nagmamataas ay laban sa akin,
    hangad ng malupit ang ako'y patayin,
    kanilang nilimot na ang Diyos ay sundin. (Selah)[b]

Batid kong ang Diyos ang siyang tutulong,
    tagapagsanggalang ko, aking Panginoon.
Ang hinahangad ko ay maparusahan sa gawang masama ang mga kaaway;
    ang Diyos na matapat, sila'y wawakasan.

Buong galak naman akong maghahandog
    ng pasasalamat kay Yahweh,
    dahilan sa kanyang kagandahang-loob.
Iniligtas ako sa kabagabagan, iniligtas niya sa mga kaaway,
    at aking nakitang sila ay talunan!

Mga Kawikaan 23:1-3

-6-

23 Kung ikaw ay kasalo ng may mataas na katungkulan, huwag mong kalilimutan kung sino ang iyong kaharap. Kung ikaw man ay matakaw, pigilan mo ang iyong sarili. Huwag mong nasain ang pagkain ng hari, baka iyon ay pain lang sa iyo.