Bible in 90 Days
Bigyang-kasiyahan ang Kapwa, Huwag ang Sarili
15 Tayong malalakas sa paniniwala ay dapat tumulong sa mahihina at huwag ang pansariling kasiyahan lamang ang ating isipin. 2 Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa kanyang ikalalakas. 3 Sapagkat(A) maging si Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan subalit nagpaubaya; tulad ng nasusulat, “Ako ang binagsakan ng mga pag-alipusta na sa iyo ipinapatama.” 4 Anumang(B) nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakas ng loob mula sa kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa. 5 Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa ayon kay Cristo Jesus, 6 upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Magandang Balita ay para rin sa mga Hentil
7 Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos. 8 Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno, 9 at(C) upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat,
“Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin,
At aawitan ko ang iyong pangalan.”
10 Sinabi(D) rin,
“Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!”
11 At(E) muling sinabi,
“Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil,
lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!”
12 Sinabi pa ni Isaias,
“May isisilang sa angkan ni Jesse,
upang maghari sa mga Hentil;
siya ang kanilang magiging pag-asa.”
13 Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ang Dahilan ng Pagsulat ni Pablo
14 Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at punô ng kaalaman, kaya't matuturuan na ninyo ang isa't isa. 15 Gayunman, sa sulat na ito'y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin 16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus at gumanap ng tungkulin gaya ng isang pari sa mga Hentil. Ipinapangaral ko sa kanila ang Magandang Balita ng Diyos upang sila'y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, dahil sila ay ginawang banal ng Espiritu Santo. 17 Kaya't sa pakikiisa ko kay Cristo Jesus, maipagmamalaki ko ang aking paglilingkod sa Diyos. 18 Wala akong pinapangahasang ipagmalaki kundi ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, 19 sa tulong ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.[a] Kaya't mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 20 Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga lugar na hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyon ng iba. 21 Subalit(F) tulad ng nasusulat,
“Makakakilala ang hindi pa nakakabalita tungkol sa kanya.
Makakaunawa ang hindi pa nakakarinig tungkol sa kanya.”
Ang Balak ni Pablong Dumalaw sa Roma
22 Iyan(G) ang dahilan kung bakit hindi ako matuluy-tuloy sa pagpunta sa inyo. 23 Ngunit ngayong tapos na ang gawain ko sa lupaing ito, at dahil matagal ko na ring gustong pumunta riyan, 24 inaasahan kong magkikita-kita tayo pagdaan ko riyan papuntang Espanya. Inaasahan ko ring ako'y tutulungan ninyong makarating doon matapos nating magkasama-sama nang sandaling panahon. 25 Ngunit(H) sa ngayon ay pupunta muna ako sa Jerusalem upang dalhin ang tulong sa mga kapatid roon. 26 Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at taga-Acaya na magpadala ng tulong para sa mga mahihirap na kapatid sa Jerusalem. 27 Malugod(I) nilang ginawa iyon, at talaga namang dapat nilang gawin. Dahil ang mga Hentil ay nakabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, marapat lamang na bahaginan nila ang mga Judio sa pamamagitan ng mga pagpapalang materyal. 28 Kaya't pagkabigay ko ng nasabing tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, daraan ako riyan pagpunta ko sa Espanya. 29 Naniniwala akong pagpunta ko riyan ay taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo.
30 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na pananalangin para sa akin. 31 Idalangin ninyong maligtas ako mula sa mga taga-Judea na ayaw sumampalataya, at nawa'y tanggapin ng mga kapatid sa Jerusalem ang paglilingkod ko para sa kanila. 32 Sa gayon, kung loloobin ng Diyos,[b] masaya akong makakarating diyan at muling pasiglahin sa inyong piling. 33 Sumainyo nawa ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan. Amen.
Mga Pangungumusta
16 Itinatagubilin ko sa inyo ang ating kapatid na si Febe, na isang tagapaglingkod ng iglesya sa Cencrea. 2 Tanggapin ninyo siya alang-alang sa Panginoon, gaya ng nararapat gawin sa mga hinirang ng Diyos. Tulungan ninyo siya sa anumang pangangailangan niya sapagkat marami siyang natulungan, at ako'y isa sa mga iyon.
3 Ikumusta(J) ninyo ako kina Priscila at Aquila na mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. 4 Itinaya nila ang kanilang sarili sa panganib upang iligtas ang aking buhay, at hindi lamang ako ang nagpapasalamat sa kanila, pati na rin lahat ng iglesya ng mga Hentil. 5 Ikumusta rin ninyo ako sa iglesyang nagtitipon sa kanilang bahay.
Ipaabot din ninyo ang aking pangungumusta sa mahal kong kaibigang si Epeneto na siyang unang sumampalataya kay Cristo doon sa Asia. 6 Ikumusta ninyo ako kay Maria na matiyagang naglilingkod para sa inyo. 7 Ikumusta ninyo ako sa mga kababayan kong sina Andronico at Junia,[c] na nakasama ko sa bilangguan; sila'y kilala ng mga apostol[d] at naunang naging Cristiano kaysa sa akin.
8 Ikumusta ninyo ako kay Ampliato na aking minamahal sa Panginoon, 9 kay Urbano, na kamanggagawa natin kay Cristo, at sa mahal kong kaibigang si Estaquis. 10 Ikumusta din ninyo ako kay Apeles na subok ang katapatan kay Cristo, sa pamilya ni Aristobulo, 11 sa kababayan kong si Herodion, at sa mga kapatid sa Panginoon sa sambahayan ni Narciso.
12 Gayundin kina Trifena at Trifosa na mga lingkod ng Panginoon, at sa mahal kong kaibigang si Persida, na marami nang nagawa para sa Panginoon. 13 Binabati(K) ko rin si Rufo na magiting na lingkod ng Panginoon, at ang kanyang ina na para ko na ring ina; 14 gayundin sina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at sa mga kapatid na kasama nila. 15 Binabati ko rin sina Filologo, Julia, Nereo at ang kanyang kapatid na babae; gayundin si Olimpas at ang lahat ng kapatid na kasama nila.
16 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[e] Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo.
Mga Dagdag na Tagubilin
17 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo: mag-ingat kayo sa mga pasimuno ng mga pagkakampi-kampi at sanhi ng pagtalikod dahil sa pagsalungat nila sa aral na tinanggap ninyo. Iwasan ninyo sila. 18 Ang mga taong gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin, kundi sa pansariling hangarin. Inililigaw nila ang mga may mahinang pag-iisip sa pamamagitan ng kaakit-akit at matatamis na pangungusap. 19 Balitang-balita ang inyong pagkamasunurin kay Cristo, at ikinagagalak ko ito. Ngunit nais kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti at walang muwang tungkol sa masama. 20 Ang Diyos ang bukal ng kapayapaan at malapit na niyang pasukuin sa inyo si Satanas.
Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesus.
21 Binabati(L) kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, gayundin ng mga kababayan kong sina Lucio, Jason at Sosipatro.
22 Akong si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati sa inyo sa pangalan ng Panginoon.
23 Kinukumusta(M) kayo ni Gaius na tinutuluyan ko; sa bahay niya nagtitipon ang buong iglesya. Kinukumusta rin kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lungsod, at ng ating kapatid na si Cuarto. [24 Nawa'y pagpalain kayong lahat ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.][f]
Pangwakas na Pagpupuri
[25 Purihin ang Diyos na makapagpapalakas sa inyo sa pamamagitan ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na ipinapangaral ko. Ang Magandang Balitang iyan ay isang hiwagang naitago sa loob ng mahabang panahon, 26 subalit sa utos ng walang-hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta, upang ang lahat ay sumunod dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya.
27 Sa iisang Diyos, na sa lahat ay ganap ang karunungan—sa kanya iukol ang karangalan magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.][g]
1 Mula kay Pablo na tinawag ayon sa kalooban ng Diyos upang maging apostol ni Cristo Jesus, at mula kay Sostenes na ating kapatid, 2 para(N) sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga tinawag upang maging kabilang sa sambayanan ng Diyos sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus, gayundin sa lahat ng tao na nasa lahat ng dako na tumatawag sa pangalan ni Jesu-Cristo, na Panginoon nating lahat. 3 Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapala Mula kay Cristo
4 Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 5 Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo, kayo ay naging masagana sa lahat ng bagay, maging sa pananalita at sa kaalaman. 6 Ang katotohanan tungkol kay Cristo ay pinagtibay sa inyo 7 kaya't hindi kayo nagkukulang sa anumang pagpapala, habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 8 Kayo'y gagawin niyang matatag hanggang wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo.[h] 9 Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Pagkakampi-kampi sa Iglesya
10 Mga kapatid, ako'y nakikiusap sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, magkaisa kayo at huwag magkabaha-bahagi maging sa pagkaunawa at pagpapasya. 11 Sapagkat ibinalita sa akin ng mga kasamahan ni Cloe na kayo raw ay nag-aaway-away. 12 Ito(O) ang tinutukoy ko: may nagsasabing, “Kay Pablo ako;” may nagsasabi namang, “Ako'y kay Apolos.” May iba pa ring nagsasabi, “Kay Pedro ako,” at may iba namang nagsasabi, “Ako'y kay Cristo.” 13 Bakit? Nahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan niya? 14 Salamat(P) sa Diyos[i] at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gaius, 15 kaya hindi ninyo masasabing kayo'y binautismuhan sa aking pangalan. 16 Ako(Q) nga rin pala ang nagbautismo sa sambahayan ni Estefanas. Maliban sa kanila'y wala na akong natatandaang binautismuhan ko. 17 Sapagkat isinugo ako ni Cristo, hindi upang magbautismo kundi upang mangaral ng Magandang Balita, at hindi sa pamamagitan ng mahusay na pagtatalumpati at karunungan ng tao, nang sa gayon ay hindi mawalan ng kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo sa krus.
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos
18 Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong napapahamak, ngunit ito'y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas. 19 Sapagkat(R) nasusulat,
“Sisirain ko ang karunungan ng marurunong
at gagawin kong walang saysay ang katalinuhan ng matatalino.”
20 Ano(S) ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang. 21 Sapagkat(T) ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan. 22 Ang mga Judio'y humihingi ng himala bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. 23 Ngunit ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan. 24 Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio o maging Griego, si Cristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao.
26 Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan noong kayo'y tawagin ng Diyos. Ayon sa pamantayan ng tao ay iilan lamang sa inyo ang matatawag na marunong, makapangyarihan at maharlika. 27 Subalit pinili ng Diyos ang mga naturingang hangal sa sanlibutan upang hiyain ang marurunong, at pinili niya ang mga naturingang mahihina upang hiyain ang malalakas. 28 Pinili niya ang mga pangkaraniwang tao, mga hinahamak, at mga mahihina sa sanlibutang ito upang ipawalang saysay ang mga kinikilala ng sanlibutan. 29 Kaya't walang sinumang makakapagmalaki sa harap ng Diyos. 30 Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan din niya, tayo'y itinuring na matuwid, ginawang banal at iniligtas ng Diyos. 31 Kaya(U) nga, tulad ng nasusulat, “Ang sinumang nais magmalaki, ang ginawa ng Panginoon ang kanyang ipagmalaki.”
Ang Ipinapangaral ni Pablo
2 Mga kapatid, nang ako'y pumunta riyan, ipinahayag ko sa inyo ang hiwaga[j] ng Diyos hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o ng malawak na karunungan. 2 Sapagkat noong ako'y nariyan, ipinasya kong wala akong ibang ipapaalam sa inyo maliban kay Jesu-Cristo at ang kanyang kamatayan sa krus. 3 Noong(V) ako'y nariyan, ako'y nanghihina at nanginginig sa takot. 4 Sa aking pananalita at pangangaral ay hindi ko sinubukang hikayatin kayo sa pamamagitan ng mahuhusay na talumpati at karunungan ng tao. Subalit nangaral ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu 5 upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao.
Ang Karunungan ng Diyos
6 Gayunpaman, sa mga taong matatag na sa buhay espirituwal ay nangangaral kami ng salita ng karunungan, hindi karunungan ng mundong ito, o ng mga tagapamahala sa mundong ito na ang kapangyarihan ay lilipas. 7 Subalit ang ipinapahayag namin ay ang lihim na karunungan ng Diyos na hindi nahayag noong una, na itinalaga na niya para sa ating ikaluluwalhati bago pa likhain ang sanlibutan. 8 Walang(W) isa man sa mga tagapamahala sa daigdig na ito ang nakaunawa sa karunungang iyon, sapagkat kung naunawaan nila iyon, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit(X) tulad ng nasusulat,
“Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga,
ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao
ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya.”
10 Ngunit ito'y inihayag na ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sinasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang mga pinakamalalim na bagay na may kinalaman sa Diyos. 11 Walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayundin naman, walang nakakaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos. 12 Ang tinanggap natin ay hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu na mula sa Diyos upang maunawaan natin ang mga kaloob niya sa atin.
13 Kaya nga, kami ay nangangaral hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Ang ipinapaliwanag namin ay mga katotohanang espirituwal para sa mga nagtataglay ng Espiritu. 14 Sapagkat ang taong hindi nagtataglay ng Espiritu ay hindi kayang tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal. 15 Nauunawaan ng taong nagtataglay ng Espiritu ang kahalagahan ng lahat ng bagay, ngunit hindi siya nauunawaan ng taong hindi nagtataglay ng Espiritu.
16 “Sino(Y) ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
Sino ang makapagpapayo sa kanya?”
Ngunit nasa atin[k] ang pag-iisip ni Cristo.
Mga Lingkod ng Diyos
3 Mga kapatid, hindi ko kayo makausap bilang mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay pa ayon sa laman at mga sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. 2 Gatas(Z) ang ibinigay ko sa inyo noon at hindi matigas na pagkain, sapagkat hindi ninyo kaya iyon. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ninyo kaya, 3 sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Ang inyong pag-iinggitan at pag-aaway-away ay palatandaan na makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. 4 Kapag(AA) sinasabi ng isa, “Ako'y kay Pablo,” at ng iba, “Ako'y kay Apolos,” hindi ba't palatandaan iyan na kayo'y namumuhay pa ayon sa laman?
5 Sino ba si Apolos at sino si Pablo? Kami'y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananampalataya kay Cristo. Ginawa lamang ng bawat isa sa amin ang tungkuling ibinigay ng Panginoon. 6 Ako(AB) ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. 7 Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago. 8 Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawat isa'y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap. 9 Kami'y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin.
Kayo rin ay gusali ng Diyos. 10 Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit dapat maging maingat ang bawat nagtatayo, 11 sapagkat wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo. 12 May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak, o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo, o dayami. 13 Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom sapagkat mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon. 15 Ngunit kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy.
16 Hindi(AC) ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? 17 Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.
18 Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong. 19 Sapagkat(AD) ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, “Ginagamit niya ang katusuhan ng mga marurunong para mabitag sila.” 20 Gayundin,(AE) “Batid ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't huwag ipagmalaki ninuman na siya'y tagasunod ng sinuman, sapagkat ang lahat ay para sa inyo: 22 si Pablo, si Apolos, at si Pedro, ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; lahat ng ito'y para sa inyo. 23 At kayo'y para kay Cristo, at si Cristo nama'y para sa Diyos.
Mga Apostol ni Cristo
4 Dapat ninyong kilalanin na kami'y mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. 2 Ang katiwala'y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon. 3 Walang anuman sa akin kung ako'y hatulan ninyo, o ng alinmang hukuman ng tao; ako man ay hindi humahatol sa aking sarili. 4 Malinis(AF) ang aking budhi, subalit hindi iyon katibayan na ako'y walang kasalanan. Ang Panginoon ang humahatol sa akin. 5 Kaya't huwag kayong humatol nang wala pa sa panahon; maghintay kayo sa pagdating ng Panginoon. Siya ang maglalantad ng mga bagay na ngayo'y natatago sa kadiliman at maghahayag ng mga lihim na hangarin ng bawat isa. Sa panahong iyon, bawat isa'y bibigyan ng Diyos ng angkop na parangal.
6 Mga kapatid, kami ni Apolos ang ginamit kong halimbawa para sa inyong kapakinabangan, upang matutuhan ninyo ang kahulugan ng kasabihang, “Huwag lalampas sa nasusulat.” Huwag ninyong ipagmalaki ang isang tao upang hamakin ang iba. 7 Paano kayo nakakahigit sa iba? Hindi ba't lahat ng nasa inyo'y ibinigay lamang sa inyo ng Diyos? Kung gayon, bakit ninyo ipinagyayabang iyon na parang hindi kaloob sa inyo?
8 Kayo pala'y nasisiyahan na! Mayayaman na pala kayo! Kayo pala'y mga hari na, at kami'y hindi. Sana nga'y naging hari na kayo upang kami man ay maghari ding kasama ninyo. 9 Sa palagay ko, kaming mga apostol ang ginawa ng Diyos na pinakahamak sa lahat ng tao. Ang katulad namin ay mga taong nahatulan ng kamatayan; isang panoorin para sa sanlibutan, ng mga anghel at ng mga tao. 10 Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo; kayo nama'y marurunong dahil kay Cristo! Mahihina kami; kayo nama'y malalakas. Hinahamak kami; kayo nama'y pinaparangalan! 11 Hanggang sa oras na ito, kami'y nagugutom, nauuhaw, at halos hubad; kami'y pinapahirapan at walang matirhan. 12 Nagpapakahirap(AG) kami at nagbabanat ng buto para kumita ng ikabubuhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami'y inuusig, nagtitiis kami. 13 Kapag kami'y sinisiraan, mahinahon kaming sumasagot. Hanggang ngayon, kami'y parang maruming basahan, pinakahamak sa lahat ng tao sa mundo.
14 Ito'y isinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang pangaralan bilang minamahal kong mga anak. 15 Kahit magkaroon pa kayo ng napakaraming tagapagturo sa pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo'y naging mga anak ko sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. 16 Kaya't(AH) isinasamo ko sa inyo, tularan ninyo ako.
17 Dahil dito, pinapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Ipapaalala niya sa inyo ang mga patakaran ko sa buhay sa pagsunod kay Cristo Jesus.[l] Ang mga patakaran ding iyon ang itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako.
18 Nagmamalaki ang ilan sa inyo dahil ang akala nila'y hindi na ako pupunta riyan. 19 Ngunit kung loloobin ng Panginoon, ako'y pupunta riyan sa lalong madaling panahon. Titingnan ko kung anong kapangyarihan ang ipinagmamalaki ng mga iyan, at hindi lamang ang kanilang sinasabi. 20 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan. 21 Alin ang gusto ninyo? Dumating ako riyan na may dalang pamalo, o mayroong diwa ng pag-ibig at kahinahunan?
Parusa sa Gumagawa ng Kahalayan
5 Nakarating(AI) nga sa akin ang balitang mayroong kabilang sa inyo na gumagawa ng imoralidad; kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Kahit mga pagano ay hindi gumagawa ng ganyang kahalayan! 2 At nakukuha pa ninyong magmalaki! Dapat sana'y mahiya kayo at malungkot, at ang taong gumagawa ng ganoon ay dapat ninyong itiwalag! 3 Kahit wala ako riyan sa katawan, nariyan naman ako sa espiritu, kaya't parang nariyan na rin ako. Ang gumagawa niyan ay hinatulan ko na 4 sa pangalan ng ating Panginoong Jesus.[m] Kapag kayo'y nagtipun-tipon, at ang espiritu ko ay nariyan, sa kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, 5 ibigay ninyo kay Satanas ang taong iyan upang masira man ang kanyang katawan, maliligtas naman ang kanyang espiritu sa araw ng Panginoon.
6 Hindi(AJ) kayo dapat magmalaki. Hindi ba ninyo alam ang kasabihang, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa”? 7 Alisin(AK) ninyo ang lumang pampaalsa, ang kasalanan, upang kayo'y maging malinis. Sa gayon, matutulad kayo sa isang bagong masa na walang pampaalsa, at talaga namang ganyan kayo. Sapagkat naihandog na ang ating Korderong Pampaskwa na walang iba kundi si Cristo. 8 Kaya't(AL) ipagdiwang natin ang Paskwa, hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang pampaalsa na kasamaan at kahalayan, subalit sa pamamagitan ng tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng kalinisan at katapatan.
9 Sinabi ko sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga nakikiapid. 10 Hindi ang mga di-mananampalatayang nakikiapid, sakim, magnanakaw, o sumasamba sa diyus-diyosan ang tinutukoy ko, sapagkat kinakailangan ninyong umalis sa mundong ito para sila'y maiwasan. 11 Ang tinutukoy ko na huwag ninyong papakisamahan ay ang nagsasabing sila'y Cristiano ngunit nakikiapid, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, nanlalait, naglalasing, at nagnanakaw. Ni huwag kayong makikisalo sa ganyang uri ng tao.
12-13 Wala akong karapatang humatol sa mga hindi Cristiano; ang Diyos ang hahatol sa kanila. Ngunit hindi ba't dapat ninyong hatulan ang mga nasa loob ng iglesya? Sabi nga sa kasulatan, “Itiwalag ninyo ang masamang tao.”
Ayusin ang Awayan ng Kapatiran
6 Kung may reklamo ang sinuman sa inyo laban sa kanyang kapatid sa pananampalataya, bakit siya nagsasakdal sa mga hukom na di-mananampalataya, sa halip na ipaubaya sa mga hinirang ng Diyos ang pag-aayos ng usapin nila? 2 Hindi ba ninyo alam na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? Kung kayo ang hahatol sa sanlibutan, hindi ba ninyo kayang hatulan ang ganyang kaliit na bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel? Gaano na lang ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito! 4 Kung may mga usapin kayo, bakit ninyo ito idinudulog sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? 5 Dapat kayong mahiya! Wala bang isa man lang sa inyo na marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid? 6 Bakit nagsasakdal kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harap pa naman ng mga di-mananampalataya?
7 Ang pagkakaroon ninyo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang kabiguan sa inyo. Bakit hindi na lang ninyo hayaang gawan kayo ng masama? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang madaya kayo? 8 Subalit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, kahit na sa mga sarili ninyong mga kapatid sa pananampalataya. 9 Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, 10 nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos. 11 Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.
Ang Katawan Ninyo'y Templo ng Diyos
12 May(AM) magsasabi, “Malaya akong makagagawa ng kahit ano,” ngunit ang sagot ko naman ay “Hindi lahat ng bagay ay nakakabuti.” Maaari ko ring sabihin, “Malaya akong gumawa ng kahit ano,” ngunit hindi ako magpapaalipin sa anumang bagay. 13 Sasabihin naman ng iba, “Ang pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain.” Totoo iyan, ngunit parehong sisirain ng Diyos ang mga ito. Ang katawan ay hindi para sa imoralidad sapagkat ito'y para sa paglilingkod sa Panginoon, at ang Panginoon naman ang nag-aalaga sa katawan. 14 Muling binuhay ng Diyos si Jesu-Cristo, at tayo man ay muling bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ng katawan ni Cristo? Kukunin ko ba ang bahagi ng katawan ni Cristo upang gawing bahagi ng katawan ng isang babaing nagbebenta ng aliw? Hinding-hindi! 16 Hindi(AN) ba ninyo alam na nagiging isa ang katawan ng bayarang babae at ng nakikipagtalik sa kanya? Sapagkat sinasabi sa kasulatan, “Ang dalawa'y magiging isa.” 17 Ang nakikipag-isa sa Panginoon ay nakikipag-isa sa kanya sa espiritu.
18 Iwasan ninyo ang imoralidad. Ang ibang kasalanang nagagawa ng tao ay hindi nakakasira sa katawan, ngunit ang gumagawa ng imoralidad ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan. 19 Hindi(AO) ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi ninyo pag-aari ang inyong katawan; 20 sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.
Mga Katanungan tungkol sa Pag-aasawa
7 Tungkol naman sa inyong sulat, ganito ang masasabi ko: Mabuti sa isang tao na huwag makipagtalik[n]. 2 Ngunit dahil sa lumalaganap na pakikiapid, bawat lalaki o babae ay dapat magkaroon ng sariling asawa. 3 Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae. 4 Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. 5 Huwag ninyong ipagkait ang inyong sarili sa isa't isa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong huwag munang magsiping sa maikling panahon upang maiukol ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkatapos, muli kayong magsiping upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil.
6 Ang sinabi ko'y hindi utos kundi pag-unawa sa inyong kalagayan. 7 Nais ko sanang ang bawat isa ay makatulad ko. Ngunit ang bawat tao'y may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos at ang mga ito'y hindi pare-pareho.
8 Ito naman ang masasabi ko sa mga walang asawa at sa mga biyuda: mabuti pa sa kanila ang manatiling katulad ko na walang asawa. 9 Ngunit kung hindi sila makapagpigil sa sarili, mag-asawa na lang sila; mas mabuting mag-asawa kaysa hindi makapagpigil sa matinding pagnanasa.
10 Sa(AP) mga may asawa, ito ang iniuutos ng Panginoon, hindi ako: huwag makipaghiwalay ang babae sa kanyang asawa. 11 Ngunit kung siya'y hihiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya'y muling makipagkasundo sa kanyang asawa. At huwag din namang hihiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa.
12 Sa iba naman, ito ang sinasabi ko, ako ang nagsasabi at hindi ang Panginoon: kung ang isang lalaking mananampalataya ay may asawang di-mananampalataya at nais nitong patuloy na makisama sa kanya, huwag niya itong hiwalayan. 13 Kung ang isang babaing sumasampalataya ay may asawang hindi sumasampalataya at nais ng lalaking magpatuloy ng pakikisama sa kanya, huwag siyang makipaghiwalay. 14 Sapagkat ang lalaking hindi pa sumasampalataya ay itinatalaga sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi pa sumasampalataya ay itinatalaga sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi gayon ay magiging marumi sa paningin ng Diyos ang kanilang mga anak; ngunit ang totoo, ang mga ito ay itinatalaga sa Diyos. 15 Kung nais namang humiwalay ng asawang di-mananampalataya sa kanyang asawang sumasampalataya, hayaan ninyo siyang humiwalay. Sa gayong mga pagkakataon, ang naturang kapatid ay malaya. Tinawag kayo ng Diyos upang mamuhay nang mapayapa. 16 Anong malay ninyo, mga babae, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? At kayong mga lalaki, anong malay ninyo, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa?
Magpatuloy sa Dating Kalagayan sa Buhay
17 Mamuhay ang bawat isa ayon sa ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon, at magpatuloy sa dati niyang kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos. Ito ang itinuturo ko sa lahat ng iglesya. 18 Kung(AQ) ang isang lalaki ay tuli na nang siya'y tawagin ng Diyos, huwag na niyang alisin ang mga palatandaan ng kanyang pagiging tuli. At kung hindi naman siya tuli nang tawagin, huwag na siyang mag-asam na magpatuli pa. 19 Hindi mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi; subalit ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. 20 Manatili ang bawat isa sa kalagayan niya nang siya'y tawagin ng Diyos. 21 Ikaw ba'y isang alipin nang tawagin ka ng Diyos? Huwag kang mag-alala tungkol doon. Ngunit kung may pagkakataon kang maging isang malaya, samantalahin mo.[o] 22 Ang taong alipin nang tawagin ng Panginoon ay malaya na dahil sa Panginoon. Gayundin naman, ang taong malaya nang siya'y tawagin ni Cristo ay naging alipin ni Cristo. 23 Nabili na at bayád na kayo; huwag na kayong paalipin sa mga tao. 24 Mga kapatid, anuman ang kalagayan ninyo sa buhay nang kayo'y tawagin, manatili kayo roong kasama ng Diyos.
Tungkol sa mga Walang Asawa at mga Biyuda
25 Tungkol naman sa mga walang asawa, wala akong maibibigay na utos mula sa Panginoon. Ngunit magbibigay ako ng aking opinyon bilang isang taong dahil sa habag ng Diyos ay mapagkakatiwalaan.
26 Dahil sa matinding kahirapan sa kasalukuyan, inaakala kong mabuti pa sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. 27 Ikaw ba'y isang lalaking may asawa na? Huwag kang makipaghiwalay. Wala ka pa bang asawa? Huwag mo nang hangaring magkaasawa. 28 Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala. Kung ang isang dalaga[p] ay mag-asawa, hindi rin siya nagkakasala. Ngunit ang nag-aasawa ay magdaranas ng mga kahirapan sa buhay na ito, at iyan ang nais kong maiwasan ninyo.
29 Mga kapatid, ito ang ibig kong sabihin: malapit na ang wakas ng panahon, kaya't mula ngayon, ang may asawa ay mamuhay na parang walang asawa; 30 ang mga nananangis, na parang di nananangis; ang mga nagagalak, na parang di nagagalak; ang mga bumibili, na parang walang ari-arian, 31 at ang mga gumagamit ng mga bagay ng sanlibutan, na para bang hindi nangangailangang gamitin ang mga ito. Sapagkat ang lahat ng bagay sa daigdig na ito'y hindi na magtatagal.
32 Nais kong mailayo kayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagkakaabalahan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawaing ukol sa Panginoon—kung paano niya mabibigyan ng kaluguran ang Panginoon. 33 Ngunit ang pinagkakaabalahan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa. 34 Dahil dito'y hati ang kanyang malasakit. Gayundin naman, ang pinagkakaabalahan ng isang babaing walang asawa o ng isang dalaga ay ang mga bagay ukol sa Panginoon, sapagkat nais niyang maitalaga ang kanyang katawan at espiritu sa Panginoon. Subalit ang pinagkakaabalahan ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa.
35 Sinasabi ko ito upang matulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang nais ko'y maakay kayo sa maayos na pamumuhay at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon.
36 Kung inaakala ng isang lalaki na nagkakaroon siya ng masidhing pagnanasa sa kanyang katipan, at dahil dito'y kailangang pakasal sila, pakasal na sila. Ito ay hindi kasalanan. 37 Ngunit kung ipinasya niyang huwag pakasalan ang kanyang kasintahan at hindi naman siya napipilitan lamang at siya'y may lubusang pagpipigil sa sarili, mabuti ang ganitong kapasyahan. 38 Kaya nga, mabuti ang magpasyang pakasalan ang kanyang kasintahan, ngunit mas mabuti ang hindi mag-asawa.[q]
39 Ang babae ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Kapag namatay ang lalaki, ang babae ay malaya nang mag-asawa sa sinumang maibigan niya, ngunit dapat ay sa isa ring nananampalataya sa Panginoon. 40 Subalit sa aking palagay, higit siyang magiging maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan bilang biyuda. Iyan ang palagay ko, at sa palagay ko nama'y nasa akin din ang Espiritu ng Diyos.
Tungkol sa Pagkaing Inihandog sa Diyus-diyosan
8 Ngayon, ipaliliwanag ko naman sa inyo ang tungkol sa mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. Alam nating “may kaalaman tayong lahat,” gaya ng sabi ng iba. Ang kaalamang ito ay nagtutulak sa tao na maging mapagmataas, subalit ang pag-ibig ay nakakapagpatatag. 2 Ang nag-aakalang may nalalaman siya ay hindi pa nakakaalam ng dapat niyang malaman. 3 Ngunit ang umiibig sa Diyos ay kilala ng Diyos.
4 Kaya nga, tungkol sa pagkaing inihandog sa diyus-diyosan, alam nating ang mga diyus-diyosan ay larawan ng mga bagay na di-totoo, at alam nating iisa lamang ang Diyos. 5 Kahit na may tinatawag na “mga diyos” sa langit at sa lupa, at ang mga tinatawag na “mga diyos” at “mga panginoon” ay marami, 6 subalit para sa atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo'y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Jesu-Cristo, at sa pamamagitan niya'y nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya'y nabubuhay tayo.
7 Subalit hindi lahat ay nakakaalam nito. May mga taong nasanay na sa pagsamba sa mga diyus-diyosan noong una, kaya't hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng ganoong pagkain, inaakala pa rin nila na iyon ay handog sa diyus-diyosan. Dahil mahina ang kanilang budhi, ang akala nila'y nagkakasala sila kapag kumain sila niyon. 8 Ang pagkain ay walang kinalaman sa katayuan natin sa harap ng Diyos. Walang mawawala sa atin kung hindi tayo kumain ng ganoong pagkain, at wala ring kabutihang maidudulot sa atin kung kumain man tayo niyan.
9 Ngunit mag-ingat kayo, baka ang paggamit ninyo ng kalayaang kumain ng anumang pagkain ay maging sanhi ng pagkakasala ng mahihina sa kanyang paniniwala. 10 Kung ikaw na may sapat na kaalaman ay kumakain sa loob ng templo ng mga diyus-diyosan, at makita ka ng kapatid na mahina ang budhi, hindi kaya siya mabuyong kumain niyon kahit inihandog sa diyus-diyosan? 11 Dahil sa inaakala mong “kaalaman” ay napapahamak ang iyong mahinang kapatid na tinubos din ng kamatayan ni Cristo. 12 Sa ganoong paraan, nagkakasala kayo sa inyong mga kapatid kaya't nagkakasala kayo kay Cristo dahil sinugatan ninyo ang kanilang budhi. 13 Kaya nga, kung dahil sa pagkain ay itinutulak ko sa pagkakasala ang aking kapatid, hindi na ako kakain ng karne upang hindi siya magkasala.
Mga Karapatan at Tungkulin ng Isang Apostol
9 Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol? Hindi ba't nakita ko si Jesus na ating Panginoon? Hindi ba kayo ang bunga ng aking paglilingkod sa kanya? 2 Ang iba'y ayaw kilalanin ang aking pagka-apostol, subalit para sa inyo, ako'y isang apostol, at kayo ang katibayang ako'y apostol nga ng Panginoon.
3 Ito ang sagot ko sa mga pumupuna sa akin. 4 Wala ba kaming karapatang tustusan ng iglesya sa aming pangangailangan?[r] 5 Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang Cristiano, tulad ng ginagawa ng ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at gayundin ni Pedro? 6 Kami lamang ba ni Bernabe ang walang karapatang tumigil sa paghahanapbuhay? 7 Ang kawal ba ang gumagastos para sa kanyang pangangailangan habang naglilingkod siya? Sinong tao ang nagtatanim ng ubas at hindi nakikinabang sa mga bunga nito? Sinong pastol ang nag-aalaga ng tupa at hindi nakikinabang sa gatas nito?
8 Ang sinasabi ko ay hindi nababatay sa kaisipan lamang ng tao. Ganoon din ang sinasabi ng Kautusan. 9 Sapagkat(AR) nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Mga baka nga kaya ang inaalala ng Diyos? 10 Hindi ba tayo ang tinutukoy niya? Alang-alang sa atin kaya iyon isinulat, sapagkat ang magsasakang nag-aararo at ang naghihiwalay ng mga butil sa uhay ay gumagawa sa pag-asang may bahagi sila sa aanihin. 11 Naghasik(AS) kami sa inyo ng pagpapalang espirituwal; malaking bagay ba naman kung umani kami ng mga materyal na pakinabang mula sa inyo? 12 Kung ang iba'y may ganitong karapatan, lalo na kami!
Ngunit hindi namin ginamit ang karapatang ito. Tiniis namin ang lahat upang hindi kami maging hadlang sa Magandang Balita tungkol kay Cristo. 13 Hindi(AT) ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa Templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa Templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay may bahagi sa mga handog na nasa dambana? 14 Sa(AU) ganyan ding paraan, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga nangangaral ng Magandang Balita ay dapat matustusan ang ikabubuhay sa pamamagitan ng Magandang Balita.
15 Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ko kayo sinusulatan ngayon upang hingan ng tulong. Mas iibigin ko pang mamatay kaysa mawala sa akin ang bagay na maipagmamalaki ko! 16 Hindi ngayo't nangangaral ako ng Magandang Balita ay maaari na akong magmalaki. Sapagkat iyan ay tungkuling iniatang sa akin, sumpain ako kung hindi ko ipangaral ang Magandang Balita! 17 Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, ako'y may maaasahang kabayaran, ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkuling ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. 18 Ano ngayon ang aking kabayaran? Ang maipangaral ko nang walang-bayad ang Magandang Balita, at ang hindi ko paggamit ng karapatang nauukol sa akin bilang tagapangaral.
19 Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami sa Panginoon. 20 Sa piling ng mga Judio, ako'y namuhay tulad ng isang Judio upang mahikayat ko sila. Kahit hindi ako saklaw ng Kautusan, nagpailalim ako rito alang-alang sa mga nasa ilalim ng Kautusan, upang mailapit ko sila sa Diyos. 21 Sa piling naman ng mga Hentil, na hindi saklaw ng Kautusan, ako'y naging parang Hentil upang sila'y mahikayat ko rin. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ko sinusunod ang mga utos ng Diyos, sapagkat ako'y nasa ilalim ng kautusan ni Cristo. 22 Sa piling ng mahihina, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang.
23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito. 24 Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. 25 Lahat(AV) ng manlalarong nagsasanay ay may disiplina sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang gantimpalang panandalian lamang. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay panghabang panahon. 26 Hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan at hindi ako sumusuntok sa hangin. 27 Subalit pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ito, upang sa gayo'y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba.
Mga Babala Laban sa Diyus-diyosan
10 Mga(AW) kapatid, nais kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno noong panahon ni Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay at sa pagtawid sa Dagat na Pula. 2 Sa gayon, nabautismuhan silang lahat[s] sa ulap at sa dagat bilang mga tagasunod ni Moises. 3 Kumain(AX) silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal, 4 at uminom(AY) din ng iisang inuming espirituwal, sapagkat uminom sila sa batong espirituwal na sumubaybay sa kanila, at ang batong iyon ay si Cristo. 5 Gayunman,(AZ) hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya't nagkalat ang kanilang mga bangkay sa ilang.
6 Ang(BA) lahat ng mga nangyaring iyon ay babala sa atin upang huwag tayong maghangad ng masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. 7 Huwag(BB) kayong sasamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Umupo ang mga tao upang magkainan at mag-inuman, at tumayo upang magsayaw.” 8 Huwag(BC) tayong makikiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't dalawampu't tatlong libong tao ang namatay sa loob lamang ng isang araw. 9 Huwag(BD) nating susubukin si Cristo,[t] gaya ng ginawa ng ilan sa kanila; dahil sa ginawa nila, pinuksa sila ng mga ahas. 10 Huwag(BE) din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol naman sila ng anghel na namumuksa.
11 Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan.
12 Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, at baka siya mabuwal. 13 Wala(BF) pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito.
14 Kaya nga, mga minamahal, iwasan ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. 15 Kinakausap ko kayo bilang matatalinong tao; husgahan ninyo ang sinasabi ko. 16 Hindi(BG) ba't ang pag-inom natin sa kopa ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Cristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinipira-piraso ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? 17 Kaya nga, dahil iisa lamang ang tinapay, tayo'y iisang katawan kahit na tayo'y marami, sapagkat nagsasalu-salo tayo sa iisang tinapay.
18 Tingnan(BH) ninyo ang bansang Israel. Hindi ba't ang mga kumakain ng mga handog ay nakikibahagi sa ginagawa sa dambana? 19 Anong ibig kong sabihin? Sinasabi ko bang ang diyus-diyosan, o ang pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? 20 Hindi!(BI) Ang ibig kong sabihin, ang mga pagano ay nag-aalay ng kanilang handog sa mga demonyo, at hindi sa Diyos. Ayaw kong maging kaisa kayo ng mga demonyo. 21 Hindi kayo makakainom sa kopa ng Panginoon at gayundin sa kopa ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at makisalo rin sa hapag ng mga demonyo. 22 Nais(BJ) ba nating manibugho ang Panginoon? Akala ba ninyo'y mas makapangyarihan tayo kaysa sa kanya?
23 Mayroon(BK) namang magsasabi, “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi lahat ng ito ay nakakabuti. “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi rin lahat ng ito'y nakakatulong. 24 Huwag ang sariling kapakanan ang unahin ninyo, kundi ang sa iba.
25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag nang magtanong pa upang hindi mabagabag ang inyong budhi. 26 Sapagkat(BL) sinasabi ng kasulatan, “Ang buong daigdig at lahat ng naroroon, ang Panginoon ang may-ari niyon!”
27 Kung anyayahan kayo ng isang hindi sumasampalataya at nais ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo at huwag na kayong magtanong pa kung iyon ay ikagugulo ng inyong budhi. 28 Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Ito'y inialay sa mga diyus-diyosan,” huwag ninyong kainin iyon alang-alang sa nagsabi sa inyo, upang di mabagabag ang budhi. 29 Ang aking tinutukoy ay ang budhi ng inyong kapwa, at hindi ang budhi ninyo.
Bakit hahadlangan ng budhi ng iba ang aking kalayaan? 30 Bakit ako susumbatan dahil sa pagkain ko ng mga bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Diyos? 31 Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng pagkakasala ninuman, ng mga Judio, ng mga Hentil, o ng mga kaanib sa iglesya ng Diyos, 33 sa halip, tularan ninyo ang ginagawa ko. Sinisikap kong mabigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa ko. Hindi ko inuuna ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila.
11 Tularan(BM) ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.
Pagtatakip sa Ulo Kung Sumasamba
2 Pinupuri ko kayo dahil naaalala ninyo ako at sinusunod ninyo ang mga turo na ibinigay ko sa inyo. 3 Ngunit nais kong maunawaan ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa,[u] at ang Diyos naman ang ulo ni Cristo. 4 Ang lalaking nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang may takip ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo. 5 Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang walang talukbong ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo, para na rin siyang babaing inahitan ang ulo. 6 Kung ayaw magtalukbong ng ulo ang isang babae, magpagupit na rin siya ng buhok. Yamang kahiya-hiya sa babae ang magpaahit o magpagupit ng buhok, dapat siyang magtalukbong. 7 Hindi(BN) dapat magtalukbong ng ulo ang lalaki dahil siya'y larawan at karangalan ng Diyos. Ngunit ang babae ay karangalan ng lalaki, 8 sapagkat(BO) hindi mula sa babae ang lalaki, kundi ang babae ay nagmula sa lalaki. 9 At hindi rin nilalang ang lalaki para sa babae, kundi ang babae ay nilalang para sa lalaki. 10 Alang-alang sa mga anghel, dapat magtalukbong ng ulo ang babae bilang tanda na siya'y nasasakop ng kanyang asawa. 11 Gayunman, sa ating buhay sa Panginoon ay kailangan ng babae ang lalaki at kailangan din naman ng lalaki ang babae. 12 Nagmula man sa lalaki ang babae, ang lalaki nama'y isinisilang ng babae, at mula sa Diyos ang lahat.
13 Kayo na ang humatol, angkop ba sa isang babae ang makitang nananalangin nang walang talukbong sa ulo? 14 Hindi ba't kalikasan na rin ang nagtuturo sa inyo na kahiya-hiya sa isang lalaki ang magpahaba ng buhok, 15 ngunit karangalan naman ito ng babae? Sapagkat ibinigay sa kanya ang buhok bilang pantakip sa kanyang ulo. 16 Ngunit kung may gusto pang makipagtalo tungkol dito, ang masasabi ko ay ito: sa pagsamba, wala kaming ibang kaugalian, gayundin ang mga iglesya ng Diyos.
Mga Maling Pagsasagawa ng Banal na Hapunan
17 Tungkol sa mga babanggitin ko ngayon, hindi ko kayo maaaring purihin dahil ang inyong pagtitipon ay hindi nakakabuti, subalit nakakasama. 18 Una sa lahat, nabalitaan ko na kayo'y nagpapangkat-pangkat sa inyong pagtitipon, at ako'y naniniwalang may katotohanan iyan. 19 Talaga namang magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi sa inyo upang makilala kung sino sa inyo ang mga tapat. 20 Kaya't sa inyong pagtitipon, hindi Banal na Hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. 21 Sapagkat ang bawat isa sa inyo'y nagmamadali sa pagkain ng kanyang sariling pagkain, kaya't nagugutom ang iba at ang iba nama'y nalalasing. 22 Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Hindi ba ninyo pinapahalagahan ang iglesya ng Diyos at hinihiya ninyo ang mahihirap? Ano ang gagawin ko ngayon? Pupurihin ko ba kayo dahil sa bagay na iyon? Hinding-hindi ko gagawin iyon!
Ang Banal na Hapunan(BP)
23 Sapagkat ito ang turo na tinanggap ko mula sa Panginoon at ibinigay ko naman sa inyo: noong gabing siya'y ipagkanulo, ang Panginoong Jesus ay dumampot ng tinapay, 24 nagpasalamat at pinagpira-piraso iyon, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” 25 Matapos(BQ) maghapunan, dumampot din siya ng kopa at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin.” 26 Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito.
27 Kaya, ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa kopa ng Panginoon sa paraang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Kaya't dapat siyasatin ng tao ang kanyang sarili bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang kahalagahan ng katawan ng Panginoon ay kumakain at umiinom ng kahatulan laban sa kanyang sarili. 30 Iyan ang dahilan kung bakit mahihina at sakitin ang marami sa inyo, at may ilan ngang namatay na.[v] 31 Kung sisiyasatin natin ang ating sarili, hindi tayo hahatulan ng Panginoon. 32 Ngunit hinahatulan tayo ng Panginoon dahil itinutuwid niya tayo, upang hindi tayo maparusahang kasama ng sanlibutan.
33 Kaya nga, mga kapatid, kapag nagkakatipon kayo upang kumain, maghintayan kayo. 34 Kung may nagugutom, kumain na muna siya sa bahay upang hindi humantong sa hatol na kaparusahan ang inyong pagtitipon. Tungkol naman sa ibang mga bagay, saka ko na aayusin pagdating ko riyan.
Mga Kaloob ng Espiritu Santo
12 Mga kapatid, ngayon, tungkol naman sa mga kaloob ng Espiritu Santo, nais kong magkaroon kayo ng wastong kaalaman. 2 Alam ninyo na noong hindi pa kayo sumasampalataya, kayo'y nailigaw sa mga diyus-diyosan na hindi naman nakakapagsalita. 3 Kaya't nais kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ang magsasabing, “Sumpain si Jesus!” At hindi rin masasabi ninuman, “Si Jesus ay Panginoon,” kung siya'y hindi pinapatnubayan ng Espiritu Santo.
4 Iba't(BR) iba ang mga espirituwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. 5 Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. 6 Iba't iba ang mga gawain, ngunit iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon. 7 Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawat isa'y binibigyan ng patunay na nagpapakitang nasa kanya ang Espiritu. 8 Ang ilan sa atin ay napagkalooban ng kakayahang magsalita ng mensahe ng karunungan. Ang iba naman ay pinagkalooban ng kaalaman. Subalit iisang Espiritu ang nagkakaloob nito. 9 Ang Espiritu ring iyon ang nagkakaloob sa iba ng pananampalataya sa Diyos, at sa iba'y ang kapangyarihang magpagaling sa mga maysakit. 10 May pinagkakalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala; sa iba naman ay kakayahang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at sa iba ay kakayahang kumilala kung aling kaloob ang mula sa Espiritu at kung alin ang hindi. May pinagkakalooban ng kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at sa iba naman ay ang magpaliwanag ng mga wikang iyon. 11 Ngunit isang Espiritu lamang ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba't ibang kaloob sa bawat isa, ayon sa kanyang ipinasya.
Iisang Katawan Ngunit Maraming Bahagi
12 Si(BS) Cristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba't ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan. 13 Maging Judio o Hentil, alipin man o malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa pamamagitan ng iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu.
14 Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang. 15 Kung sasabihin ng paa, “Hindi ako kamay kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 16 Kung sasabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 17 Kung puro mata lamang ang buong katawan, paano ito makakarinig? Kung puro tainga lamang ang buong katawan, paano ito makakaamoy? 18 Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kanyang kalooban. 19 Kung ang lahat ng bahagi ay pare-pareho, hindi iyan maituturing na katawan. 20 Ngunit ang totoo'y marami ang mga bahagi, ngunit iisa lamang ang katawan.
21 Hindi rin naman masasabi ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” ni ng ulo, sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa katunayan, ang mga bahaging parang mahihina ang siya pa ngang kailangang kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pagpapahalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ang siya nating higit na pinapahalagahan. 24 Hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Ngunit nang isaayos ng Diyos ang katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging hindi gaanong marangal, 25 upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, sa halip ay magmalasakit ang bawat bahagi sa isa't isa. 26 Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.
27 Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo, at bawat isa sa inyo ay bahagi nito. 28 Naglagay(BT) ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa iba't ibang mga wika. 29 Hindi lahat ay apostol, propeta o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga himala, 30 magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba't ibang mga wika o magpaliwanag ng mga wikang ito. 31 Ngunit buong sikap ninyong hangarín ang mga kaloob na mas dakila.
At ngayo'y ituturo ko sa inyo ang landas na pinakamabuti sa lahat.
Ang Pag-ibig
13 Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na maingay. 2 Kung(BU) ako man ay may kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung nasa akin man ang lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya, anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. 3 At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin,[w] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!
4 Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, 5 hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. 6 Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
8 Matatapos ang kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at lilipas ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. 9 Hindi pa ganap ang ating kaalaman at hindi rin ganap ang kakayahan nating magsalita ng mensahe mula sa Diyos, 10 ngunit pagdating ng ganap, maglalaho na ang di-ganap.
11 Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at nangangatuwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata. 12 Sa kasalukuyan ang ating nakikita ay tila malabong larawan sa salamin, subalit darating ang araw na ang lahat ay makikita natin nang harapan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.
13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Tungkol pa rin sa mga Kaloob ng Espiritu
14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig! Hangarín ninyo ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. 2 Ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, ngunit nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Espiritu Santo. 3 Sa kabilang dako, ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay nagsasalita sa mga tao upang patibayin ang kanilang pananampalataya, palakasin ang kanilang loob, at sila'y aliwin. 4 Ang sariling pananampalataya ang pinapatibay ng nagsasalita ng iba't ibang wika, ngunit ang iglesya ang pinapatibay ng nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos.
5 Nais ko sanang kayong lahat ay makapagsalita ng iba't ibang wika, ngunit mas gusto kong kayo'y makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. Higit na mahalaga ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos kaysa nagsasalita sa iba't ibang mga wika, maliban na lamang kung may magpapaliwanag ng kanyang sinasabi upang makapagpatibay sa iglesya. 6 Kaya, mga kapatid, kung pumunta man ako riyan at magsalita sa inyo sa iba't ibang mga wika, ano ang mapapakinabang ninyo sa akin? Wala! Makikinabang lamang kayo kung tuturuan ko kayo ng mga pahayag ng Diyos, ng kaalaman mula sa kanya, ng mga mensahe mula sa Diyos, at ng mga aral.
7 Maging sa mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, paanong malalaman ninuman kung ano ang tinutugtog kung hindi malinaw ang tunog ng mga nota? 8 At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda sa pakikipaglaban? 9 Gayundin naman, paanong malalaman ninuman ang ibig ninyong sabihin kung magsasalita kayo sa pamamagitan ng wikang hindi naman nila nauunawaan? Para kayong nakikipag-usap sa hangin.
10 Maraming iba't ibang wika sa daigdig, at bawat isa ay may kahulugan, 11 ngunit kung hindi ako marunong ng wikang ginagamit ng aking kausap, hindi kami magkakaintindihan. 12 Yamang naghahangad kayo sa mga kaloob ng Espiritu, sikapin ninyong sumagana kayo sa mga kaloob na makakapagpatibay sa iglesya.
13 Dahil dito, kailangang manalangin ang nagsasalita ng iba't ibang mga wika na bigyan din siya ng kaloob na makapagpaliwanag nito. 14 Kung nananalangin ako sa wikang iyan, nananalangin nga ang aking espiritu ngunit hindi nakikinabang ang aking pag-iisip. 15 Ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako sa pamamagitan ng aking espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pananalangin. Ako'y aawit sa pamamagitan ng espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pag-awit. 16 Kung nagpapasalamat ka sa Diyos sa pamamagitan ng espiritu lamang, paanong makakapagsabi ng “Amen” ang isang taong naroroon ngunit walang gayong kaloob, kung hindi niya nauunawaan ang iyong sinasabi? 17 Mabuti ang iyong pagpapasalamat, ngunit hindi nakakapagpatibay sa iba.
18 Nagpapasalamat ako sa Diyos sapagkat ako'y nakapagsasalita sa iba't ibang mga wika, higit kaysa sa inyong lahat. 19 Ngunit sa pagtitipon ng iglesya, mas gusto ko pang magsalita ng limang katagang mauunawaan at makakapagturo sa iba, kaysa libu-libong salitang wala namang nakakaunawa.
20 Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. Maging tulad kayo ng mga batang walang muwang sa kasamaan, ngunit maging tulad kayo ng matatanda sa inyong pang-unawa. 21 Ganito(BV) ang nakasulat sa Kautusan:
“Sinabi ng Panginoon,
‘Magsasalita ako sa bayang ito, sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika,
sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga,
ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.’”
22 Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang mga wika ay isang himala para sa mga hindi sumasampalataya at hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit ang kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos ay himala para sa mga sumasampalataya at hindi sa mga di-mananampalataya.
23 Kaya't kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba't ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing nababaliw kayo? 24 Ngunit kung ang lahat ay nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos, at dumating doon ang isang taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, malalaman niyang siya'y makasalanan, hahatulan siya ng lahat ng kanyang naririnig, 25 at mabubunyag ang mga lihim ng kanyang puso. Kaya't luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihin niyang tunay ngang kasama ninyo ang Diyos.
Kaayusan sa Iglesya
26 Ganito ang ibig kong sabihin, mga kapatid. Kung sa inyong pagtitipon ay may umaawit, may nagtuturo, may naghahayag ng kalooban ng Diyos, may nagsasalita sa iba't ibang mga wika, at mayroon namang nagpapaliwanag noon, gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikapagpapatibay ng iglesya. 27 Kung may magsasalita sa iba't ibang mga wika, sapat na ang dalawa o tatlo, salit-salitan sila, at kailangang may magpapaliwanag ng kanilang sinasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipag-usap nang sarilinan sa Diyos. 29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong tao na tumanggap ng kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, at timbangin naman ng iba ang mga sinasabi nila. 30 At kung ang isa sa mga nakaupo roon ay tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, tumigil muna ang nagsasalita. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring isa-isang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, upang matuto at mapalakas ang loob ng lahat. 32 Ang kaloob na pagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay dapat napipigil ng mga tumanggap ng kaloob na iyon, 33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan.
Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos, 34 ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila'y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan. 35 Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating nila sa bahay; sapagkat kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya.[x]
36 Inaakala ba ninyong sa inyo nagmula ang salita ng Diyos, o kayo lamang ang tumanggap nito? 37 Kung inaakala ninuman na siya'y propeta, o mayroong espirituwal na kaloob, dapat niyang kilalanin na ang isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. 38 Ang ayaw kumilala nito ay huwag din ninyong kilalanin.
39 Kaya, mga kapatid ko, hangarín ninyo na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Kaya lang, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan.
by