Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Zacarias 11 - Mateo 4

11 Pintuan mo ay ibukas, lupain ng Lebanon,
    upang lamunin ng apoy ang iyong mga sedar.
Magsitaghoy kayo, mga puno ng sipres
    pagkat bumagsak na ang sedar,
    ang mararangal na punong iyon.
Managhoy rin kayo, mga ensina ng Bashan,
    pagkat nahawan na ang madilim na kagubatan.
Gayon na lamang ang pagtangis ng mga pinuno,
    pagkat karangalan nila'y parang biglang naglaho.
Atungal ng mga leon, iyong pakinggan,
    pagkat gubat ng Jordan ay nasira na't nahawan.

Ang mga Pastol na Walang Kabuluhan

Sinabi sa akin ni Yahweh na aking Diyos, “Ikaw ang mag-alaga sa mga tupa kong papatayin. Pinapatay lamang sila ng nag-aalaga sa kanila ngunit hindi napaparusahan ang mga ito. Ang karne ay ipinagbibili at pagkatapos ay kanilang sinasabi, ‘Purihin si Yahweh! Mayaman na tayo ngayon.’ Maging ang mga pastol ay hindi rin naawa sa kanila. Hindi ko na kahahabagan ang mga tao sa lupaing ito. Pababayaan ko silang mahulog sa kamay ng kanilang kapwa. Wawasakin nila ang lahat ng bansa, isa ma'y wala akong ililigtas!”

Kinuha ako ng mga mamimili upang mag-alaga sa binili nilang tupang papatayin. Kumuha ako ng tungkod; ang isa'y pinangalanan kong Kabutihang Loob, at ang isa nama'y Pagkakaisa. At inalagaan ko nga ang kawan. Sa loob ng isang buwan, tatlong pastol na ang pinaalis ko pagkat naubos na ang pasensiya ko sa kanila. Sila naman ay nasuklam sa akin. Sinabi ko sa kawan, “Mula ngayon, di ko na kayo aalagaan, mamatay na kung sino ang mamamatay sa inyo at mapahamak na kung sino ang mapapahamak. At ang matira ay pababayaan kong mag-away-away. 10 Binali ko ang tungkod na tinawag kong Kabutihang Loob upang ipakilalang wala nang kabuluhan ang kasunduan namin ng mga mamimili. 11 Nang araw ngang yaon, sinira ko ang tipan at nalaman ng mga mamimiling nanonood sa akin noon na ang sinabi ko'y buhat kay Yahweh. 12 Sinabi(A) (B) ko sa kanila, “Kung gusto ninyong ibigay ang aking sahod, salamat; kung ayaw ninyo, sa inyo na lang.” At binigyan nila ako ng tatlumpung pirasong pilak bilang sahod.

13 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ilagay mo iyan sa kabang-yaman ng Templo.”[a] Kaya't kinuha ko ang tatlumpung pirasong pilak bilang pasahod nila sa akin, at ganoon nga ang aking ginawa. 14 Pagkatapos, binali ko rin ang tungkod na tinawag kong Pagkakaisa upang ipakitang wala nang pagkakaisa ang Juda at Israel.

15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mag-ayos kang tulad ng isang pastol na walang kabuluhan. 16 Ang bayan ay bibigyan ko ng isang pastol na walang pagpapahalaga sa mga nawawala, hindi maghahanap sa naligaw, hindi hihilot sa napilayan, ni mag-aalaga sa maysakit. Bagkus, uubusin niya ang matataba, saka itatapon ang buto nito. 17 Kawawa ang pastol na walang kabuluhan at nagpapabaya sa kawan. Isang tabak ang tatama sa kanyang kamay at kanang mata. Ang kamay niya'y mawawalan ng lakas, at mabubulag ang kanang mata.”

Ang Pagliligtas na Gagawin sa Jerusalem

12 Ito ang mensahe ni Yahweh para sa Israel, ang Diyos na gumawa ng langit at lupa, at nagbigay-buhay sa tao: “Ang Jerusalem ay gagawin kong parang isang mangkok na puno ng alak upang ang sinumang maghangad lumusob dito ay maging parang lasing na susuray-suray. Ang pagkubkob sa Jerusalem ay pagkubkob na rin sa buong Juda. Sa araw na iyon, ang mga bansa ay magkakaisa laban sa Jerusalem ngunit gagawin ko itong tulad sa isang malaking bato na mahirap galawin. Sinumang gumalaw nito ay naghahanap ng sakit ng katawan. Tatakutin ko ang kanilang mga kabayo at magugulo ang mga kawal na sakay nito. Babantayan ko ang Juda at bubulagin ang mga kabayo ng kaaway. Dahil dito, sasabihin ng mga taga-Juda na ang lakas ng Jerusalem ay buhat kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang kanilang Diyos.

“Sa araw na iyon, ang Juda ay gagawin kong parang apoy na tutupok sa kakahuyan at sulo na susunog sa ginapas na palay. Lilipulin niya ang mga karatig-bansa at ang Jerusalem naman ay muling titirhan ng mga tao.

“Ang unang pagtatagumpayin ko ay ang mga sambahayan ng Juda upang ang karangalan ng angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem ay hindi humigit sa ibang bayan ng Juda. Sa araw na iyon, palalakasin ko ang mga taga-Jerusalem upang pati ang mga mahihina ay magiging sinlakas ni David. Ang sambahayan ni David ay magiging makapangyarihang tulad ng Diyos, tulad ng anghel ni Yahweh na nanguna sa kanila. At sa araw na iyon, mawawasak ang alinmang bansang mangangahas sumakop sa Jerusalem.

10 “Ang(C) (D) lahi ni David at ang mga taga-Jerusalem ay gagawin kong mahabagin at mapanalanginin. Sa gayon, kapag pinagmasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat ay tatangisan nila itong parang kaisa-isang anak o anak na panganay. 11 Sa araw na iyon, ang iyakan sa Jerusalem ay matutulad sa nangyari noon sa Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido. 12 Tatangis ang buong lupain, ang bawat sambahayan, ang lahi ni David, pati ang kababaihan doon, ang lahi ni Natan, pati ang sambahayan doon, 13 ang lahi ni Levi, pati ang kababaihan doon, ang lahi ni Simei, pati ang kababaihan doon, 14 at ang iba pang lahi, pati ang kanilang kababaihan.”

13 Sinabi pa ni Yahweh, “Sa panahong iyon, lilitaw ang isang bukal at lilinisin nito ang kasalanan at karumihan ng sambahayan ni David at ng mga taga-Jerusalem.

“Aalisin ko sa lupain ang lahat ng diyus-diyosan at mapapawi sila sa alaala habang panahon. Aalisin ko na rin ang mga bulaang propeta at masasamang espiritu. Sakali mang may lumitaw na bulaang propeta, sasabihin ng kanyang mga magulang na hindi siya dapat mabuhay, pagkat ginagamit pa niya sa kasinungalingan ang pangalan ni Yahweh. At ang mga magulang niya mismo ang papatay sa kanya sa sandaling siya'y magpahayag. Sa araw ngang iyon, wala nang magmamalaking siya ay propeta, wala nang magdadamit-propeta ni magkukunwaring propeta. Sa halip, sasabihin nilang sila'y hindi propeta kundi mga hamak na magbubukid lamang mula sa kanilang kabataan. Kung may magtanong sa kanya tungkol sa mga pilat niya sa dibdib, sasabihin niyang iyon ay likha ng mga nagmamahal sa kanya.”

Ang Pagpatay sa Pastol ni Yahweh

Ito(E) ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Tabak, kumilos ka laban sa tagapangalaga ng aking mga tupa, laban sa aking lingkod. Patayin mo ang pastol upang magkawatak-watak ang mga tupa; lilipulin ko naman pati ang maliliit. Malilipol ang dalawang ikatlong bahagi ng naninirahan sa lupain; ikatlong bahagi lamang ang matitira. Ang mga ito'y padadaanin ko sa apoy upang dalisayin, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Tatawag sila sa akin at akin namang diringgin. Sasabihin kong sila ang aking bayan. Sasabihin naman nilang ako ang kanilang Diyos.”

Ang Jerusalem at ang Ibang Bansa

14 Darating ang araw na pababayaan ni Yahweh na mapasok ang Jerusalem, at lahat ng masasamsam ay paghahati-hatian sa harapan ninyo. Pagkakaisahin ko ang mga bansa laban sa Jerusalem. Lulusubin nila ito, hahalughugin ang lahat ng bahay, at gagahasain ang mga babae. Ipapatapon ang kalahati sa mga taga-Jerusalem at iiwanan ang kalahati. Ngunit ang mga bansang iyon ay didigmain ni Yahweh tulad ng ginawa niya noong una. Sa araw na iyon, tatayo si Yahweh sa Bundok ng mga Olibo sa gawing silangan ng Jerusalem. Magkakaroon ng maluwang na libis sa gitna ng bundok, pagkat mahahati ito mula sa silangan hanggang kanluran: ang kalahati ay mapupunta sa hilaga at sa timog naman ang kalahati. Sa libis kayo daraan sa inyong pagtakas, tulad ng ginawa ng inyong mga ninuno nang lumindol sa Juda noong panahon ni Haring Uzias. At si Yahweh ay darating na kasama ang kanyang mga anghel.

Sa panahong iyon, wala nang taglamig at hindi na didilim; mananatiling maliwanag kahit sa gabi. Si Yahweh lamang ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari. Ang(F) mga agos ng tubig buhat sa Jerusalem ay patuloy sa buong taon. Patungo sa Dagat na Patay ang kalahati at sa Dagat Mediteraneo naman ang kalahati. Ang daigdig ay pamamahalaan ni Yahweh; siya lamang at ang kanyang pangalan ang kikilalanin ng lahat.

10 Ang buong lupain ay gagawing kapatagan mula sa Geba hanggang Rimon, sa timog ng Jerusalem. Ngunit ang Jerusalem ay mananatiling mataas mula sa pintuan ng Benjamin, sa lugar ng dating pintuan, hanggang sa pintuan sa sulok, mula sa bantayan ni Hananel hanggang sa pisaan ng ubas sa hardin ng palasyo. 11 Mapupuno(G) ito ng mga mamamayan, at hindi na ito isusumpa pang muli. Ito'y paghaharian na ng kapayapaan.

12 Ang mga lulusob sa Jerusalem ay padadalhan ni Yahweh ng kakila-kilabot na sakit; buháy pa sila ay mabubulok na ang kanilang laman, mata at dila. 13 Paghaharian sila ng malaking kaguluhan, at sila-sila'y maglalaban. 14 Lulusubin sila ng mga taga-Juda upang ipagtanggol ang Jerusalem at sasamsamin ang maiiwanan nilang kayamanang ginto, pilak at mga kasuotan. 15 Padadalhan din niya ng salot ang kanilang mga kabayo, mola, kamelyo, asno at iba pang mga hayop.

16 Kapag(H) nalupig na ang mga kaaway, lahat ng nakaligtas sa labanan at sa salot ay pupunta sa Jerusalem taun-taon upang sumamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Dakilang Hari, at makikisama sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. 17 At alinmang bansang hindi sumasamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Hari, ay hindi makakaranas ng ulan. 18 Kapag ang mga Egipcio ay di pumunta sa Jerusalem, padadalhan din sila ng salot tulad ng ipinadala sa mga bansang hindi nakiisa sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. 19 Iyan ang ipaparusa sa Egipto at sa mga bansang hindi makikiisa sa pagdiriwang ng nasabing pista.

20 Sa araw na iyon, ang mga kampanilyang palamuti sa mga kabayong pandigma ay susulatan ng ganito, “Itinalaga kay Yahweh.” Magiging sagrado ang lahat ng lutuan sa templo, tulad ng mga palanggana sa harap ng altar. 21 Lahat ng lutuan sa Jerusalem at Juda ay magiging sagrado para kay Yahweh upang magamit sa lahat ng paghahandog. At mawawala na ang mga mangangalakal sa templo ni Yahweh.

Iniibig ni Yahweh ang Israel

Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh tungkol sa Israel sa pamamagitan ni Propeta Malakias.[b] Sinabi ni Yahweh sa bayan ng Israel:

“Inibig(I) (J) ko na kayo noong una pa man, subalit sinasabi naman ninyo, ‘Paano ninyo ipinakita ang inyong pag-ibig sa amin?’ Hindi ba't magkapatid sina Esau at Jacob ngunit minahal ko si Jacob at ang kanyang mga salinlahi, at kinamuhian ko naman si Esau? Winasak ko ang kanyang maburol na kabayanan at pinamugaran iyon ng maiilap na hayop.”

Kung sabihin man ng mga Edomita na mga salinlahi ni Esau, “Bagaman winasak ang aming bayan, muli namin itong itatayo.” Ito naman ang isasagot ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Itayo man nilang muli iyon ay muli kong wawasakin hanggang sa tawagin silang ‘masamang bansa’ at ‘bayang kinapopootan ni Yahweh magpakailanman.’” Makikita ninyong mangyayari ito at inyong sasabihin, “Dakila at makapangyarihan si Yahweh kahit sa labas ng bansang Israel.”

Pinangaralan ni Yahweh ang mga Pari

Pinagsabihan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang mga paring lumalapastangan sa kanyang pangalan, “Pinaparangalan ng anak ang kanyang ama at ng alipin ang kanyang panginoon. Kung ako ang inyong ama, bakit hindi ninyo ako iginagalang? Kung ako ang inyong Panginoon, bakit hindi ninyo ako pinaparangalan? Nilalapastangan ninyo ako at pagkatapos ay itatanong pa ninyo, ‘Sa anong paraan namin kayo nilalapastangan?’ Nag-aalay kayo sa aking altar ng mga walang halagang pagkain. At itinanong pa ninyo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’ Hinahamak ninyo ang aking altar sa(K) tuwing maghahandog kayo sa akin ng mga hayop na bulag, pilay, o maysakit. Subukin ninyong maghandog ng ganyan sa inyong gobernador, matuwa kaya siya sa inyo at ibigay ang inyong kahilingan?

“Magsumamo man kayo sa Diyos ay hindi niya kayo papakinggan kung ganyan ang ihahandog ninyo sa kanya. 10 Mabuti pa'y isara na ng isa sa inyo ang mga pinto ng Templo at huwag na kayong mag-aksaya ng panahon sa pagsisindi ng walang kabuluhang apoy sa ibabaw ng aking altar! Hindi ako nalulugod sa inyo at hindi ko tatanggapin ang anumang handog ninyo sa akin. 11 Iginagalang ang aking pangalan ng lahat ng mga bansa mula silangan hanggang kanluran. Nagsusunog sila ng insenso at nag-aalay ng malilinis na handog para sa akin. Ako'y pinaparangalan nilang lahat. 12 Ngunit dinudungisan ninyo ang pangalan ko tuwing sinasabi ninyo na walang kabuluhan ang aking altar at tuwing naghahandog kayo doon ng mga pagkaing walang halaga! 13 Sinasabi ninyong nakakapagod na ang lahat ng ito at iniismiran pa ninyo ako. At kung hindi naman nakaw o pilay, maysakit ang dala ninyong hayop na panghandog sa akin. Akala ba ninyo'y tatanggapin ko iyon? 14 Sumpain ang sinumang nandaraya sa paghahandog sa akin ng hayop na may kapintasan, gayong may ipinangako siyang malusog na hayop mula sa kanyang kawan. Ako'y isang Haring dakila at kinatatakutan ng lahat ng bansa.”

Sinabi rin ni Yahweh sa mga pari: “Kung hindi ninyo ito papakinggan at isasapuso bilang pagpaparangal sa aking pangalan, susumpain ko kayo at ang mga pagpapalang tinatanggap ninyo bilang mga pari. Sa katunayan, sinumpa ko na ang mga iyon, sapagkat hindi ninyo isinasapuso ang aking utos. Paparusahan ko ang inyong mga anak at ipapahid ko sa inyong mukha ang dumi ng mga hayop na inihahandog ninyo sa panahon ng mga kapistahan. Itatapon din kayo sa tambakan ng dumi. Dahil(L) dito'y malalaman ninyo na ibinigay ko sa inyo ang utos na ito, upang magpatuloy ang aking tipan kay Levi,” wika ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

“Sa(M) tipang iyon, pinangakuan ko siya ng buhay at katiwasayan, at ipinagkaloob ko nga ito sa kanya, upang igalang niya ako. Iginalang naman niya ako at kinatakutan. Itinuro niya ang tama at hindi ang mali. Namuhay siya ng matuwid at matapat sa akin at tinulungan ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasamaan. Tungkulin ng mga pari na ituro ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sila ang dapat sangguniin ng mga tao tungkol sa aking kalooban, sapagkat sila ang mga sugo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

“Subalit lumihis kayo sa daang matuwid at marami ang nabulid sa kasamaan dahil sa inyong katuruan. Sinira ninyo ang aking kasunduan kay Levi,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Kaya, hahayaan kong kamuhian at hamakin kayo ng mga tao sapagkat hindi ninyo sinusunod ang aking kalooban at hindi pantay-pantay ang inyong pakikitungo sa mga tao kapag sila'y tinuturuan ninyo.”

Ang Pagtataksil ng Israel

10 Hindi ba iisa ang ating Ama? Hindi ba't iisang Diyos ang lumalang sa atin? Kung gayo'y bakit nagtataksil tayo sa isa't isa at nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno? 11 Sumira ang Juda sa kanyang pangako sa Diyos at dahil dito'y naganap sa Israel at sa Jerusalem ang isang kasumpa-sumpang pangyayari. Niyurakan nila ang Templo na pinakamamahal ni Yahweh. Ang mga lalaki'y nag-asawa sa mga babaing sumasamba sa ibang mga diyos. 12 Puksain nawa ni Yahweh sa bansang Israel ang sinumang gumagawa nito at huwag na silang pahintulutan pang makibahagi sa paghahandog kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

13 Kahit pa diligin ninyo ng luha ang altar niya, kahit pa manangis kayo't dumaing, hindi na niya kaluluguran ang mga handog ninyo sa kanya. 14 Itinatanong ninyo kung bakit. Saksi si Yahweh na kayo'y sumira sa pangako ninyo sa inyong asawang pinakasalan ninyo nang kayo'y kabataan pa. Sumira kayo sa pangako ninyo sa kanya, bagama't nangako kayong magiging tapat sa kanya. 15 Hindi ba't pinag-isa kayo ng Diyos sa katawan at sa espiritu? Ang layunin niya ay upang maging tunay na mga anak ng Diyos ang inyong mga supling. Kaya't huwag ninyong pagtaksilan ang babaing pinakasalan ninyo nang kayo'y kabataan pa. 16 “Nasusuklam ako sa pagpapalayas at paghihiwalay ng mga mag-asawa,” sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. “Napopoot ako sa taong gumagawa ng kalupitan sa kanyang asawa. Kaya nga maging tapat kayo sa inyong asawa.”

Ang Nalalapit na Araw ng Paghatol

17 Sawang-sawa na si Yahweh sa inyong mga sinasabi. Subalit itinatanong pa ninyo, “Bakit siya nagsasawa?” Sinasabi ninyong mahal ni Yahweh ang mga gumagawa ng kasamaan at nalulugod siya sa kanila. Itinatanong din ninyo, “Nasaan ang Diyos na makatarungan?”

Sabi(N) ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At si Yahweh na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan.”

Ngunit(O) sino ang makakatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makakaharap kapag napakita na siya? Para siyang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang sabon na may matapang na sangkap. Darating siya at mauupong tulad ng isang tagapagdalisay ng pilak. Dadalisayin niya ang mga anak na lalaki ni Levi katulad ng ginto at pilak at sa pamamagitan nito'y magiging karapat-dapat ang kanilang handog kay Yahweh. Dahil dito, ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod kay Yahweh, tulad ng dati.

Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Darating ako upang hatulan ang mga mangkukulam, ang mga mangangalunya, ang mga bulaang saksi, ang mga nandaraya sa kanilang mga manggagawa, ang mga nagsasamantala sa mga biyuda, sa mga ulila't mga dayuhan at ang mga hindi gumagalang sa akin.”

Ang Pagbibigay ng Ikasampung Bahagi

“Ako(P) si Yahweh. Hindi pa kayo lubusang nalilipol sapagkat hindi ako nagbabago sa aking pangako. Subalit tulad ng inyong mga ninuno, tumalikod kayo at sinuway ninyo ang aking mga kautusan. Manumbalik kayo sa akin at manunumbalik din ako sa inyo,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Itinatanong ninyo, ‘Paano kami manunumbalik sa inyo?’

“Ang tanong ko nama'y, matuwid bang pagnakawan ng tao ang Diyos? Hindi! Ngunit pinagnanakawan ninyo ako. Sa paanong paraan? Sa mga ikasampung bahagi at mga handog. Isinumpa ko kayong lahat sapagkat ako'y pinagnanakawan ng buong bansa. 10 Dalhin(Q) ninyo nang buong-buo ang inyong mga ikasampung bahagi sa tahanan ng Diyos upang matugunan ang pangangailangan sa aking tahanan. Subukin ninyo ako sa bagay na ito, kung hindi ko buksan ang mga bintana ng langit at ibuhos sa inyo ang masaganang pagpapala. 11 Hindi ko rin hahayaang salantain ng mga balang ang inyong mga pananim at mamumunga na nang sagana ang inyong mga ubasan. 12 Dahil dito'y sasabihin ng lahat ng bansa na kayo'y mapalad sapagkat napakainam manirahan sa inyong lupain,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

Ang Pangako

13 “Masasakit ang sinabi ninyo tungkol sa akin,” sabi ni Yahweh. “Ngunit ang tanong ninyo, ‘Ano ba ang sinabi namin laban sa inyo?’ 14 Sabi ninyo, ‘Walang saysay ang maglingkod sa Diyos. Ano ba ang mapapala natin sa pagsunod sa kanyang mga utos o sa pagpapakita natin kay Yahweh na nagsisisi tayo sa nagawa nating kasalanan? 15 Hindi ba't kung sino ang palalo ay siya pang pinagpapala? Hindi lamang nananagana ang masasama kundi sinusubok pa nila ang Diyos sa paggawa nila ng kasamaan ngunit hindi sila pinaparusahan.’”

16 Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may paggalang kay Yahweh. Pinakinggan niyang mabuti ang kanilang usapan, kaya ipinatala niya sa isang aklat ang mga pangalan ng mga gumagalang sa kanya. 17 “Magiging akin sila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Sa araw na ako'y kumilos, itatangi ko sila bilang sariling akin. Ililigtas ko sila, tulad ng pagliligtas ng isang ama sa anak na naglilingkod sa kanya. 18 Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kanya.”

Ang Darating na Araw ni Yahweh

19 “Darating ang araw na gaya ng isang nagbabagang hurno, tutupukin ang mga palalo at masasama gaya ng dayami at walang matitira sa kanila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 20 “Ngunit sa inyo na nagpaparangal sa akin ay sisikat ang aking katarungan na tulad ng araw, at ang sinag nito'y magpapagaling sa inyo. Lulundag kayo sa tuwa na parang mga guyang pinalaya sa kulungan. 21 Sa araw na ako'y kumilos, magtatagumpay kayo laban sa masasama at sila'y tatapakan ninyo na parang alabok,” sabi ni Yahweh.

22 “Alalahanin ninyo ang mga itinuro ni Moises, ang mga tuntunin at kautusang ibinigay ko sa kanya sa Bundok ng Sinai,[c] upang sundin ng bansang Israel.

23 “Ngunit(R) bago dumating ang kakila-kilabot na araw ni Yahweh, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. 24 Muling magkakasundo ang mga ama at ang mga anak. Kung hindi'y mapipilitan akong magtungo riyan at ganap na wasakin ang inyong bayan.”

Talaan ng mga Ninuno ni Jesu-Cristo(S)

Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.

2-6a Mula kay Abraham hanggang kay Haring David, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: Abraham, Isaac, Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid; Juda na ama ni Fares at Zara kay Tamar; Fares, Esrom, Aram, Aminadab, Naason, Salmon, Boaz na anak ni Salmon kay Rahab; Obed na anak ni Boaz kay Ruth; at Jesse na ama ni Haring David.

6b-11 Mula(T) naman kay Haring David hanggang sa naging bihag ang mga taga-Juda sa Babilonia, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: David, Solomon na anak ni Haring David sa asawa ni Urias, Rehoboam, Abias, Asa, Jehoshafat, Joram, Ozias, Jotam, Acaz, Ezequias, Manases, Ammon, Josias, Jeconias at ang mga kapatid nito.

12-16 At pagkatapos na sila'y maging bihag sa Babilonia hanggang sa ipanganak si Jesus, ang mga ninuno niya ay sina: Jeconias, Salatiel, Zerubabel, Abiud, Eliakim, Azor, Sadoc, Aquim, Eliud, Eleazar, Matan, Jacob, at si Jose na asawa ni Maria. Si Maria ang ina ni Jesus—ang tinatawag na Cristo.

17 Samakatuwid, may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia at labing-apat din mula sa pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo.

Isinilang si Jesu-Cristo(U)

18 Ito(V) ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nagdadalang-tao na si Maria sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 19 Subalit dahil isang matuwid na tao si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan[d] si Maria nang palihim.

20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. 21 Magsisilang(W) siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”

22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,

23 “Maglilihi(X) ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki,
    at tatawagin itong Emmanuel”

(ang kahulugan nito'y “Kasama natin ang Diyos”).

24 Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria. 25 Ngunit(Y) hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Jesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol.

Ang Pagdalaw kay Jesus

Panahon ng paghahari ni Herodes[e] sa Judea nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem. May mga pantas[f] mula pa sa silangan na dumating sa Jerusalem. Nagtanung-tanong sila, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya't naparito kami upang siya'y sambahin.”

Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya'y naligalig, gayundin ang buong Jerusalem. Kaya't tinipon niya ang lahat ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan at sila'y tinanong, “Saan ba isisilang ang Cristo?” Tumugon sila, “Sa Bethlehem po, sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:

‘At(Z) Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
    ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno
    na mamamahala sa aking bayang Israel.’”

Nang mabatid ito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas at inusisa kung kailan lumitaw ang bituin. Pagkatapos, sila ay pinapunta niya sa Bethlehem na ganito ang bilin, “Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya.” Pagkarinig sa bilin ng hari, sila'y nagpatuloy sa paghahanap. Ang bituin na nanguna sa kanila mula pa sa silangan ay tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng bata. 10 Ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang makita ang bituin. 11 Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira.

12 Nang papauwi na ang mga pantas, nakatanggap sila ng babala sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya't nag-iba na sila ng daan pauwi.

Ang Pagtakas Papunta sa Egipto

13 Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Bumangon ka't dalhin mo agad sa Egipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga't hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin.” 14 Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon, dinala niya sa Egipto ang kanyang mag-ina. 15 Doon(AA) sila nanirahan hanggang sa mamatay si Herodes. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.”

Ipinapatay ang Maliliit na Batang Lalaki

16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga pantas. Kaya't ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki sa Bethlehem at sa palibot nito mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahong sinabi sa kanya ng mga pantas.

17 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias:

18 “Narinig(AB) sa Rama ang isang tinig,
    tinig ng pananangis at ng malakas na panaghoy.
Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
    Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.”

Ang Pagbalik mula sa Egipto

19 Pagkamatay ni Herodes, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon habang siya'y nasa Egipto. 20 Sinabi sa kanya ng anghel, “Bumangon ka. Dalhin mo na sa Israel ang iyong mag-ina sapagkat patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” 21 Kaya't bumangon nga si Jose at dinala sa Israel ang kanyang mag-ina.

22 Ngunit nang mabalitaan niyang naghahari sa Judea si Arquelao na anak ni Herodes, natakot siyang pumunta roon. At dahil binigyan siya ng babala sa kanyang panaginip, sila ay tumuloy sa Galilea, 23 at(AC) doon nanirahan sa bayan ng Nazaret. Sa gayon, natupad ang sinabi ng mga propeta: “Siya'y tatawaging Nazareno.”

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(AD)

Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Ganito(AE) ang kanyang sinasabi, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!” Si(AF) Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,

“Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
    gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”

Gawa(AG) sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. Dinarayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.

Nang(AH) makita niyang lumalapit din sa kanya ang maraming Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Lahi ng mga ulupong! Akala ba ninyo'y makakatakas kayo sa parusa ng Diyos? Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo'y talagang nagsisisi, at(AI) huwag ninyong akalain na makakaiwas kayo sa parusa ng Diyos dahil sinasabi ninyong ama ninyo si Abraham. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga anak ni Abraham. 10 Ngayon(AJ) pa lamang ay nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

11 “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang patunay ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. 12 Hawak(AK) na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo ngunit ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”

Binautismuhan si Jesus(AL)

13 Dumating si Jesus sa Ilog Jordan mula sa Galilea upang magpabautismo kay Juan. 14 Ngunit tinangka ni Juan na pigilan siya at sinabi, “Ako po ang dapat magpabautismo sa inyo! Bakit kayo nagpapabautismo sa akin?” 15 Subalit sumagot si Jesus, “Hayaan mong ito ang mangyari ngayon, sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Kaya't pumayag din si Juan. 16 Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya. 17 At(AM) isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!”

Ang Pagtukso kay Jesus(AN)

Pagkatapos,(AO) si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito.” Ngunit(AP) sumagot si Jesus, “Nasusulat,

‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao,
    kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’”

Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo. Sinabi(AQ) nito sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,

‘Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
    at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
    nang sa mga bato, paa mo'y hindi masaktan.’”

Ngunit(AR) sumagot si Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’”

Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang karangyaan ng mga ito. Sinabi ng diyablo sa kanya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.”

10 Kaya't(AS) sumagot si Jesus, “Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat,

‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin.
    At siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’”

11 Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila.

Ang Simula ng Paglilingkod ni Jesus sa Galilea(AT)

12 Nang(AU) mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Ngunit(AV) hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. 14 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,

15 “Lupain(AW) ng Zebulun at lupain ng Neftali,
    daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan,
    sa Galilea ng mga Hentil!
16 Ang mga taong nasa kadiliman
    ay nakakita ng maningning na ilaw!
Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan
    ay sumikat ang liwanag.”

17 Magmula(AX) noon ay nangaral si Jesus. Itinuturo niyang, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”

Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda(AY)

18 Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” 20 Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.

21 Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.

Pangangaral at Pagpapagaling ni Jesus(AZ)

23 Nilibot(BA) ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Ang balita tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Siria kaya't dinadala sa kanya ang lahat ng maysakit at mga nahihirapan dahil sa iba't ibang karamdaman, mga sinasapian ng mga demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. 25 Dahil dito, sinusundan siya ng napakaraming tao buhat sa Galilea, sa Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan.