Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
2 Mga Hari 15:27-25:30

Ang Paghahari ni Peka sa Israel

27 Nang ikalimampu't dalawang taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Peka na anak ni Remalias. Siya'y naghari sa Samaria nang dalawampung taon. 28 Hindi rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan din niya ang kasamaan ni Jeroboam na anak ni Nebat na siyang umakay sa Israel para magkasala.

29 Sa panahon ng paghahari ni Peka, ang Israel ay sinalakay ni Haring Tiglat-pileser ng Asiria at nasakop nito ang Ijon, Abel-bet-maaca, Janoa, Kedes, Hazor, Gilead at Galilea at ang buong Neftali; dinala niyang bihag ang lahat ng naninirahan doon.

30 Nang ikadalawampung taon ng paghahari ni Jotam sa Juda, si Oseas na anak ni Ela ay nakipagsabwatan laban kay Peka. Pinatay niya ito at siya ang humalili bilang hari ng Israel. 31 Ang iba pang ginawa ni Peka ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

Ang Paghahari ni Jotam sa Juda

32 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Peka na anak ni Remalias sa Israel, naging hari ng Juda si Jotam na anak ni Azarias. 33 Dalawampu't limang taóng gulang siya noon at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-anim na taon. Ang kanyang ina ay si Jerusa na anak ni Zadok. 34 Siya ay naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat sinundan niya ang mabuting halimbawa ng kanyang amang si Azarias. 35 Gayunman, hindi rin niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa pagdadala ng mga handog at sa pagsusunog ng mga insenso roon. Siya ang nagpatayo ng pintuan sa gawing hilaga ng Templo ni Yahweh.

36 Ang iba pang ginawa ni Jotam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 37 Nang panahong iyon, ang Juda ay ipinasalakay ni Yahweh kina Resin ng Siria at Peka na anak ni Remalias. 38 Namatay si Jotam at inilibing sa lunsod ni David, sa libingan ng kanyang mga ninunong hari. Humalili sa kanya ang anak niyang si Ahaz.

Ang Paghahari ni Ahaz sa Juda(A)

16 Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Peka na anak ni Remalias sa Israel, si Ahaz na anak ni Jotam ay naging hari ng Juda. Dalawampung taóng gulang siya nang maghari sa Jerusalem. Naghari siya sa loob ng labing-anim na taon. Hindi siya naging kalugud-lugod sa Diyos niyang si Yahweh sapagkat hindi niya sinundan ang mabuting halimbawa ng kanyang ninunong si David, sa(B) halip ang sinundan niya ay ang masamang halimbawa ng mga naging hari ng Israel. Ipinasunog pa niya bilang handog ang anak niyang lalaki. Ito'y isang kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita. Nagdala siya ng mga handog at nagsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan, sa mga burol, at sa bawat lilim ng mga punongkahoy.

Ang(C) Juda ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria at ni Haring Peka ng Israel. Kinubkob nila ang Jerusalem ngunit hindi nila ito magapi. Nang panahong iyon, ang Elat ay nabawi ng hari ng Edom;[a] naitaboy nila ang mga taga-Juda. Mula noon, ang mga taga-Edom na ang tumira roon. Samantala, si Ahaz ay nagpadala ng sugo kay Haring Tiglat-pileser ng Asiria at kanyang ipinasabi, “Ako ay tapat mong lingkod. Iligtas mo ako sa mga hari ng Siria at Israel na sumasalakay sa akin.” Tinipon ni Ahaz ang lahat ng makita niyang pilak at ginto sa Templo ni Yahweh at sa kabang-yaman ng palasyo at ipinadala sa hari ng Asiria. Dininig naman ng hari ng Asiria ang panawagan ni Ahaz. Sinalakay nito ang Damasco, dinalang-bihag sa Kir ang mga tagaroon, at pinatay si Haring Rezin.

10 Nang magpunta sa Damasco si Ahaz para makipagkita kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, nakita niya ang altar doon. Ipinaguhit niya ang plano nito at ipinadala sa paring si Urias. 11 Ginawa naman ni Urias ang altar ayon sa plano ni Haring Ahaz at ito'y ipinatapos niya bago makabalik ang hari. 12 Pagdating ng hari mula sa Damasco, pinagmasdan nito ang altar. Nilapitan niya ito, umakyat siya sa mga baytang 13 at nagsunog ng handog. Inilagay rin niya rito ang handog na pagkaing butil, ibinuhos ang handog na inumin at iwinisik ang dugo ng handog pangkapayapaan. 14 At(D) ang dating altar na tanso sa harap ng Templo ay ipinalipat niya sa gawing hilaga ng bagong altar. 15 Sinabi niya sa paring si Urias, “Lahat ng handog ay sa malaking altar: ang handog na hayop sa umaga at ang handog na pagkaing butil sa gabi, ang hayop at butil na handog ng hari pati ang gayunding mga handog ng mga tao, ang handog na inumin ng mga tao, at ang dugo ng lahat ng handog pangkapayapaan at ng mga hain. Ang altar na tanso naman ay gagamitin ko sa paghahandog na kailangan sa pagsangguni sa mga diyos.” 16 Lahat ng utos ni Haring Ahaz ay sinunod ng paring si Urias.

17 Sinira(E) ni Haring Ahaz ang mga patungang tanso at inalis ang mga palangganang naroon. Inalis din niya ang malaking tangke na yari sa tanso sa patungan nitong mga bakang tanso at inilipat sa isang patungang bato. 18 Ipinaalis din niya ang trono ng hari sa bulwagan ng Templo at ipinasara ang daanan ng hari papunta sa Templo ni Yahweh upang pagbigyan ang hari ng Asiria.

19 Ang iba pang ginawa ni Haring Ahaz ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 20 Namatay(F) siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninunong hari, sa lunsod ni David. Ang anak niyang si Ezequias ang humalili sa kanya bilang hari.

Si Haring Oseas ng Israel

17 Nang ikalabindalawang taon ng paghahari ni Ahaz sa Juda, naging hari ng Israel si Oseas na anak ni Ela. Siya'y naghari sa Samaria nang siyam na taon. Bagama't hindi tulad ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinalakay siya at sinakop ni Haring Salmaneser ng Asiria. Napasailalim sa Asiria ang kanyang kaharian at pinagbuwis taun-taon. Natuklasan ni Haring Salmaneser ng Asiria na si Haring Oseas ay hindi tapat sa kanya: ito'y nakipagsabwatan kay Haring So ng Egipto at hindi na nagbayad ng buwis. Kaya, ipinadakip niya si Haring Oseas at ipinabilanggo.

Ang Pagbagsak ng Samaria

Nilusob ni Salmaneser ang Israel, at tatlong taóng kinubkob ng mga hukbo ang Samaria. Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Oseas, ang Samaria ay sinakop ng hari ng Asiria. Dinala niyang bihag ang mga Israelita sa Asiria at ikinalat sa Hala, ang iba'y sa Ilog Habor, sa Gozan, at sa mga lunsod ng Medes.

Nangyari ito sa mga Israelita sapagkat nagkasala sila kay Yahweh na kanilang Diyos na naglabas sa kanila sa Egipto, mula sa pagpapahirap ng Faraon na hari ng Egipto. Sumamba rin sila sa ibang mga diyos at ginaya ang mga kaugalian ng mga bansang itinaboy ni Yahweh mula sa lupaing sinakop nila. Bukod dito, sumunod sila sa mga kaugaliang pinasimulan ng mga hari ng Israel. Sila'y gumawa ng mga bagay na labag sa kalooban ni Yahweh. Pumili sila ng mga sagradong burol sa bawat bayan, mula sa pinakamaliit na nayon hanggang sa pinakamalaking lunsod. 10 Naglagay(G) din sila ng mga haligi at mga rebulto ni Ashera sa mga burol at sa bawat lilim ng mga punongkahoy. 11 Doon sila nagsusunog ng insenso tulad ng ginagawa ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga lupaing sinakop nila. Nagalit si Yahweh sa kanila dahil sa mga kasamaang ito. 12 Naglingkod sila sa mga diyus-diyosan na mahigpit na ipinagbabawal ni Yahweh. 13 Kahit na binalaan ni Yahweh ang Israel at ang Juda sa pamamagitan ng kanyang mga sugo at mga propeta nang sabihin niya, “Talikuran ninyo ang inyong mga kasamaan at mamuhay kayo ayon sa kautusang ibinigay ko sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta,” 14 hindi nila ito pinakinggan. Sa halip, nagmatigas sila tulad ng kanilang mga ninuno na hindi nagtiwala kay Yahweh na kanilang Diyos. 15 Itinakwil nila ang kanyang mga utos, sinira ang kasunduang ginawa ni Yahweh sa kanilang mga ninuno, at binaliwala ang mga babala niya sa kanila. Sila'y naglingkod sa mga diyos na walang kabuluhan kaya nawalan din sila ng kabuluhan. Tinularan nila ang mga kaugalian ng mga bansang nakapaligid sa kanila na sa simula pa'y ipinagbawal na ni Yahweh. 16 Nilabag(H) nilang lahat ang mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos at gumawa ng dalawang guyang metal. Iginawa rin nila ng rebulto ang diyus-diyosang si Ashera. Sinamba nila ang araw, buwan at mga bituin at naglingkod din kay Baal. 17 Sinunog(I) nila bilang handog ang kanilang mga anak na lalaki't babae. Sumangguni sila sa mga manghuhula at sa mga nakikipag-ugnay sa espiritu ng mga patay. Nalulong sila sa paggawa ng masama. Dahil dito, labis na napoot sa kanila si Yahweh, 18 kaya itinaboy silang lahat mula sa kanyang paningin, maliban sa lipi ni Juda.

19 Ngunit hindi rin sumunod ang Juda sa mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos at tinularan nila ang mga kaugalian ng Israel. 20 Itinakwil ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita at pinabayaan niya sila sa malulupit na kaaway hanggang sila'y lubusang malupig.

21 Matapos paghiwalayin ni Yahweh ang Israel at ang Juda na kaharian ni David, ginawa ng Israel na hari si Jeroboam na anak ni Nebat. Siya ang nag-udyok sa Israel na talikuran si Yahweh at gumawa ng mga karumal-dumal na kasalanan. 22 Tinularan ng Israel ang mga kasamaan ni Jeroboam, at hindi sila nagbago 23 kaya itinakwil sila ni Yahweh, tulad ng babala sa kanila ng mga propeta. Ang mga Israelita ay dinalang-bihag sa Asiria kung saan sila ay nanirahan mula noon.

Nanirahan sa Israel ang mga Taga-Asiria

24 Ang Samaria ay pinatirhan ng hari ng Asiria sa mga taga-Babilonia, Cuta, Ava, Hamat at Sefarvaim. 25 Nang bago pa lamang sila roon, hindi sila sumasamba kay Yahweh kaya sila'y ipinalusob niya at ipinalapa sa mga leon. 26 May nagsabi sa hari ng Asiria, “Hindi alam ng mga taong pinatira mo sa mga lunsod ng Samaria kung ano ang batas ng diyos doon. Dahil dito, sila'y ipinakakain niya sa mga leon.” 27 Kaya, ipinasundo ng hari ng Asiria ang isa sa mga paring kasama ng mga Israelitang dinalang-bihag, at pinatira sa Samaria upang ituro sa mga tao ang kautusan ng diyos ng lupaing iyon. 28 At ibinalik nga nila sa Samaria ang isa sa mga paring dinalang-bihag at ito ay nanirahan sa Bethel. Itinuro niya sa mga tao kung paano nila sasambahin si Yahweh.

29 Ngunit ang mga taong pinatira sa Samaria ay nagpatuloy na gumawa ng kanilang mga diyus-diyosan at inilagay nila ang mga iyon sa mga dambana sa mga sagradong burol na ginawa ng mga Israelita. 30 Si Sucot-benot ang diyos na ginawa ng mga taga-Babilonia; si Nergal ang ginawa ng mga taga-Cuta; si Asima ang sa mga taga-Hamat; 31 si Nibkaz at Tartak ang sa mga taga-Abas; si Adramelec at Anamelec naman ang sa mga taga-Sefarvaim. Nagsunog sila ng kanilang mga anak bilang handog sa mga diyus-diyosang ito. 32 Sinamba rin ng mga taong ito si Yahweh at sila'y pumili ng iba't ibang uri ng tao bilang mga pari, at ang mga ito ang naghahandog sa mga dambana sa mga sagradong burol. 33 Ngunit patuloy pa rin sila sa pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan, tulad ng kaugalian sa mga bansang pinanggalingan nila.

34 Simula(J) noon, iyon na ang naging paraan ng kanilang pagsamba. Hindi nila sinasamba si Yahweh sa tamang paraan. Hindi rin nila sinusunod ang mga tuntunin at kautusang ibinigay sa mga anak ni Jacob na pinangalanan niyang Israel. 35 Gumawa(K) si Yahweh ng kasunduan sa kanila at inutusan sila na, “Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, ni yuyukod o maglilingkod o maghahandog sa kanila. 36 Ang(L) sasambahin ninyo ay si Yahweh na siyang naglabas sa inyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan. Siya lamang ang inyong paglilingkuran at hahandugan. 37 Susundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo. Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, 38 at huwag ninyong kalilimutan ang kasunduang ginawa ko sa inyo. 39 Si Yahweh lamang ang inyong sambahin at ililigtas niya kayo sa inyong mga kaaway.” 40 Ngunit ayaw nilang sumunod kundi nagpatuloy sila sa dati nilang mga kaugalian.

41 Sumamba nga sila kay Yahweh ngunit sumamba rin sila sa kanilang mga diyus-diyosan. Hanggang ngayo'y ganoon pa rin ang kanilang ginagawa maging ng kanilang mga kaapu-apuhan.

Ang Paghahari ni Ezequias sa Juda(M)

18 Nang ikatlong taon ng paghahari sa Israel ni Oseas na anak ni Ela, naging hari naman ng Juda si Ezequias na anak ni Ahaz. Siya'y dalawampu't limang taóng gulang noon at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Abi na anak ni Zacarias. Naging kalugud-lugod siya kay Yahweh sapagkat sumunod siya sa mabuting halimbawa ng ninuno niyang si David. Ipinagiba(N) niya ang mga dambana sa mga sagradong burol at ipinasira ang mga sinasambang haligi, pati ang rebulto ni Ashera. Dinurog din niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises na kung tawagin ay Nehustan sapagkat hanggang sa panahong iyon ay pinagsusunugan pa nila ito ng insenso. Nagtiwala si Ezequias kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Wala siyang katulad sa mga naging hari ng Juda, nauna man o sumunod sa kanya. Nanatili siyang tapat kay Yahweh at naging masunurin sa kautusang ibinigay ni Yahweh kay Moises kaya't pinatnubayan siya ni Yahweh at nagtagumpay siya sa kanyang mga gawain. Naghimagsik siya sa hari ng Asiria at tumangging pasakop dito. Natalo niya ang mga Filisteo hanggang sa Gaza at sinakop ang lahat ng bayan sa paligid nito, mula sa pinakamaliit na nayon hanggang sa pinakamalaking lunsod.

Nasakop ang Samaria

Nang ikaapat na taon ng paghahari ni Ezequias at ikapito naman ni Oseas sa Israel, kinubkob ni Haring Salmaneser ng Asiria ang Samaria, 10 at nasakop ito pagkaraan ng tatlong taóng pagkubkob. Noon ay ikaanim na taon ng paghahari ni Ezequias at ikasiyam naman ni Oseas sa Israel. 11 Ang mga Israelita ay binihag ng hari ng Asiria, dinala sa Asiria at pinatira sa Hala, sa Ilog Habor, na nasa Gozan at sa mga lunsod ng Medes. 12 Nangyari ito sa kanila sapagkat sinuway nila si Yahweh na kanilang Diyos at sinira ang kasunduang ginawa sa kanila sa pamamagitan ni Moises na lingkod ni Yahweh.

Kinubkob ni Senaquerib ang Jerusalem(O)

13 Nang ikalabing apat na taon ng paghahari ni Ezequias, sinakop ni Senaquerib na hari ng Asiria ang mga lunsod ng Juda na napapaligiran ng pader. 14 Kaya, si Haring Ezequias ng Juda ay nagpadala ng ganitong mensahe kay Haring Senaquerib ng Asiria na noon ay nasa Laquis, “Nagkamali ako. Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng hingin mo, huwag mo lang kaming sakupin.” Dahil dito, sila'y hiningan ni Senaquerib ng 10,500 kilong pilak at 1,050 kilong ginto. 15 Tinipon ni Ezequias ang lahat ng pilak sa Templo at sa kabang-yaman ng palasyo at ibinigay kay Senaquerib. 16 Pati ang mga gintong nakabalot sa mga pinto ng Templo at sa mga poste sa pintuan ay tinuklap niya at ibinigay din sa hari ng Asiria. 17 Mula sa Laquis, ang heneral, ang pinuno ng mga lingkod at ang pinuno ng mga tagapagbigay-inumin sa hari, kasama ang maraming kawal, ay sinugo ni Haring Senaquerib kay Haring Ezequias sa Jerusalem. Pagdating doon, humanay sila sa may daluyan ng tubig mula sa tangke sa itaas sa may daan papunta sa lugar na pinagtatrabahuhan ng manggagawa ng tela. 18 Nang ipatawag nila ang hari, dumating si Eliakim na anak ni Hilkias at tagapamahala sa palasyo, si Sebna na kalihim ng hari, at si Joa na anak ni Asaf at namamahala sa pagtatago ng mga dokumento.

19 Sinabi sa kanila ng isang opisyal ng Asiria, “Sabihin ninyo kay Ezequias na ipinapatanong ng makapangyarihang hari ng Asiria kung ano ang kanyang ipinagmamalaki. 20 Sabihin din ninyo sa kanya na ang digmaan ay hindi nakukuha sa salita. Sino ba ang kanyang inaasahan at naghihimagsik siya laban sa makapangyarihang hari ng Asiria? 21 Ang Egipto ba na parang baling tungkod na kung hahawakan ay makakasakit? 22 Hindi rin niya maaasahan ang tulong ni Yahweh. Hindi ba't ipinagiba na niya ang mga altar nito? Hindi ba't sinabi niya sa mga taga-Juda na sa altar lamang na nasa Jerusalem dapat sumamba? 23 Kung gusto niya, bibigyan ko pa siya ng dalawang libong kabayo kung may sapat siyang tauhan na sasakay sa mga ito. 24 Kung sa mga karwahe at mangangabayo ng Egipto siya aasa, paano niya malalabanan kahit na ang pinakamahinang kawal ng aming hari? 25 Huwag niyang isiping hindi alam ni Yahweh na ako'y naparito upang wasakin ang Jerusalem. Siya pa nga ang maysabi sa aking salakayin ko ito at wasakin.”

26 Sinabi nina Eliakim, Sebna at Joa sa opisyal ng Asiria, “Nakikiusap kami sa inyo na sa wikang Arameo na lamang ninyo kami kausapin sapagkat naiintindihan din namin ito. Huwag ninyo kaming kausapin sa wikang Hebreo sapagkat nakikinig ang aming mga kababayan na nakatira sa tabi ng pader ng lunsod.”

27 Ngunit sinabi ng opisyal, “Ito'y hindi lamang ipinapasabi ng aming panginoon sa inyo at sa inyong hari kundi pati sa inyong mga kababayan, sapagkat pare-pareho kayong kakain ng inyong dumi at iinom ng inyong ihi.”

28 Tumayo ang opisyal at sumigaw sa wikang Hebreo, “Ipinapasabi sa inyo ng makapangyarihang hari ng Asiria, 29 na huwag ninyong paniwalaan si Ezequias! Hindi niya kayo maipagtatanggol laban sa aming hari. 30 Huwag kayong maniniwala sa kanya kahit sabihin sa inyo na ililigtas kayo ni Yahweh, at ang lunsod na ito ay hindi masasakop ng hari ng Asiria. 31 Huwag ninyong papakinggan si Ezequias. Ipinapasabi pa ng hari ng Asiria na sumuko na kayo at makipagkasundo sa kanya. At makakain ninyo ang bunga ng inyong mga ubasan at mga punong igos. Iinom din kayo ng tubig sa inyong mga balon, 32 hanggang sa mailipat ko kayo sa isang lupaing tulad ng inyong lupain na sagana sa butil at alak, sa tinapay at bungangkahoy sa mga olibo, langis at pulot. Ang piliin ninyo'y buhay at hindi kamatayan. Huwag ninyong paniwalaan si Ezequias kahit sabihin niyang ililigtas kayo ni Yahweh. 33 Mayroon na bang diyos ng alinmang bansa ang nakapagligtas sa kanila mula sa kapangyarihan ng hari ng Asiria? 34 Ang Samaria ba'y nailigtas ng mga diyos ng Hamat, ng Arpad, ng Sefarvaim, ng Hena at ng Iva nang lusubin ito ng aming hari? 35 Kung ang bayan nila'y hindi nailigtas ng mga diyos na iyon laban sa aming hari, paano ngang maililigtas ni Yahweh ang Jerusalem?”

36 Hindi sumagot kahit isang salita ang mga tao sapagkat iyon ang bilin ni Haring Ezequias. 37 Pinunit nina Sebna, Joa at Eliakim na anak ni Hilkias ang kanilang kasuotan at nagbalik kay Ezequias. Isinalaysay nila sa hari ang sinabi sa kanila ng opisyal ng Asiria.

Sumangguni si Ezequias kay Isaias(P)

19 Nang marinig ni Ezequias ang ipinapasabi ni Haring Senaquerib ng Asiria, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot siya ng damit-sako at pumasok sa Templo. Pinagsuot din niya ng damit-sako si Eliakim na tagapamahala sa palasyo, ang kalihim niyang si Sebna at ang matatandang pari at pinapunta kay propeta Isaias na anak ni Amoz. Ipinasabi niya, “Ngayon ay araw ng kahirapan, kaparusahan at kahihiyan. Para tayong mga batang dapat nang isilang ngunit hindi mailabas sapagkat ang ina nito'y wala nang lakas. Narinig sana ng Diyos mong si Yahweh ang lahat ng sinabi ng opisyal na sinugo ni Haring Senaquerib ng Asiria upang laitin ang Diyos na buháy. Parusahan nawa ni Yahweh na iyong Diyos ang mga lumait sa kanya. Kaya, ipanalangin mo ang mga nalalabi pa sa bayan ng Diyos.”

Pagdating ng mga inutusan ng hari, sinabi ni Isaias sa mga ito, “Sabihin ninyo sa inyong hari na ipinapasabi ni Yahweh na huwag siyang matakot sa mga panlalait ng hari ng Asiria. Magpapadala si Yahweh ng masamang balita sa hari ng Asiria at ito'y babalik sa kanyang lupain at doon na siya ipapapatay ni Yahweh.”

Muling Nagbanta ang Hari ng Asiria(Q)

Umuwi na ang opisyal ng Asiria nang mabalitaan niya na umalis na sa Laquis ang hari ng Asiria. Nang siya'y makabalik, nadatnan niya na sinasalakay nito ang Libna. Dumating noon ang balita sa hari ng Asiria na sila'y lulusubin ni Haring Tirhaka ng Etiopia kaya nagsugo siya uli kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: 10 “Huwag mo nang dayain ang iyong sarili na sa pamamagitan ng pananalig mo sa iyong Diyos ay maliligtas ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria. 11 Alam mo naman kung paano natalo ng mga naunang hari ng Asiria ang ibang lupain. Hindi ka rin makakaligtas sa akin. 12 Nailigtas ba ng kanilang mga diyos ang Gozan, ang Haran, ang Rezef at ang mga taga-Eden sa Telasar na tinalo ng aking mga ninuno? 13 Nasaan ang mga hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena o Iva?”

14 Binasa ni Ezequias ang sulat na ibinigay sa kanya ng mga sugo ni Senaquerib. Pagkatapos, pumasok siya sa Templo at inilatag ang sulat sa harapan ni Yahweh. 15 Nanalangin(R) si Ezequias ng ganito: “Yahweh, Diyos ng Israel na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos sa lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Kayo ang lumikha ng langit at lupa. 16 Pakinggan po ninyo ako, Yahweh. Narinig ninyo ang pag-alipusta ni Senaquerib sa inyo, Diyos na buháy. 17 Alam po namin, Yahweh, na marami nang bansang winasak ang mga hari ng Asiria. 18 Nagawa nilang sunugin ang mga diyos ng mga bansang iyon sapagkat hindi naman talagang Diyos ang mga iyon kundi mga kahoy at batong inanyuan ng mga tao. 19 Kaya ngayon, Yahweh, iligtas po ninyo kami kay Senaquerib para malaman ng buong daigdig na kayo lamang ang kaisa-isang Diyos.”

Ang Mensahe ni Isaias para kay Haring Ezequias(S)

20 Nagpadala ng sugo si Isaias kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na narinig niya ang panalangin mo tungkol sa hari ng Asiria. 21 Ito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol kay Senaquerib:

‘Pinagtatawanan ka, Senaquerib, ng anak ng Zion;
    kinukutya ka at nililibak!
Inaalipusta ka ng lunsod ng Jerusalem.

22 “‘Sino ba ang iyong nilalait at pinagtatawanan,
    at hinahamak ng iyong pagsigaw?
Hindi mo na ako iginalang,
    ang Banal na Diyos ng Israel!
23 Ang paghamak mo kay Yahweh ay ipinahayag ng iyong mga sugo.
    Ang ipinagmamalaki mo'y maraming karwahe,
na kayang akyatin ang matataas na bundok ng Lebanon.
Pinagpuputol mo ang malalaking sedar
    at mga piling sipres doon;
napasok mo rin ang liblib na lugar,
    makapal na gubat ay iyong ginalugad.
24 Humukay ka ng maraming balon,
    tubig ng dayuhan ay iyong ininom.
Ang lahat ng batis sa bansang Egipto
    ay pawang natuyo nang matapakan mo.

25 “‘Tila hindi mo pa nababalitaan
    ang aking balak noon pa mang araw?
Ang lahat ng iyon ngayo'y nagaganap
    matitibay na lunsod na napapaligiran ng pader,
    napabagsak mong lahat at ngayo'y bunton ng pagkawasak.
26 Ang mga nakatira sa mga nasabing bayan,
    pawang napahiya at ang lakas ay naparam.
Ang kanilang katulad at kabagay
    ay halamang lanta na sumusupling pa lamang,
natuyong damo sa ibabaw ng bubong.

27 “‘Lahat ng ginagawa mo'y aking nalalaman,
    ang pinagmulan mo at patutunguhan.
    Hindi na rin lingid ang iyong isipan,
    alam kong sa akin ika'y nasusuklam.
28 Dahil sa matinding poot mo sa akin,
    at kahambugan mong sa aki'y di lihim,
ang ilong mong iya'y aking tatalian
    at ang iyong bibig, aking bubusalan,
ibabalik kita sa iyong pinagmulan.’”

29 Sinabi ni Isaias, “Haring Ezequias, ito ay magiging isang palatandaan para sa iyo: Sa taóng ito, ang kakainin mo'y bunga ng mga supling ng pinag-anihan. At sa susunod na taon ay mga bunga rin noon. Ngunit sa ikatlong taon, maghasik kayo at mag-ani, magtanim ng ubas at kainin ang mga bunga niyon. 30 At ang mga natirang buháy sa sambahayan ni Juda, ay muling dadami, mag-uugat at mamumunga nang sagana. 31 May makakaligtas sa Jerusalem, may matitirang buháy sa Zion. Sapagkat ito ang gustong mangyari ni Yahweh.”

32 Ito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: “Hindi siya makakapasok sa lunsod na ito ni makakatudla kahit isang palaso. Hindi niya ito malulusob ni mapapaligiran. 33 Kung paano siya dumating, ganoon din siya aalis. Hindi niya masasakop ang lunsod na ito. 34 Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at alang-alang sa aking pangako kay David na aking lingkod.”

35 Nang gabing iyon, pinasok ng anghel ni Yahweh ang kampo ng mga taga-Asiria at 185,000 kawal ang pinatay nito. Kinabukasan, nang bumangon ang mga hindi napatay, nakita nilang naghambalang ang mga bangkay. 36 Kaya nagmamadaling umuwi sa Nineve si Haring Senaquerib.

37 Minsan, nang si Senaquerib ay nananalangin sa templo ng diyos niyang si Nisroc, pinatay siya sa pamamagitan ng tabak ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer. Pagkatapos, nagtago ang mga ito sa lupain ng Ararat. At si Ezarhadon ang humalili sa kanyang amang si Haring Senaquerib.

Nagkasakit si Ezequias(T)

20 Nang panahong iyon, nagkasakit nang malubha si Haring Ezequias. Dinalaw siya ng propetang si Isaias na anak ni Amoz at sinabi sa kanya, “Ipinapasabi ni Yahweh na ayusin mo na ang iyong kaharian sapagkat malapit ka nang mamatay. Hindi ka na gagaling sa sakit mong iyan.”

Humarap si Haring Ezequias sa dingding at nanalangin kay Yahweh, “Alalahanin po sana ninyo, Yahweh, na namuhay akong tapat sa inyo. Buong puso ko pong ginawa ang lahat ng bagay ayon sa iyong kagustuhan.” At buong kapaitang umiyak si Ezequias.

Hindi pa nakakalayo si Isaias sa gitnang bulwagan ng palasyo nang sabihin sa kanya ni Yahweh, “Bumalik ka. Sabihin mo kay Ezequias, ang hari ng aking bayan, ‘Narinig ko ang iyong panalangin at nakita ko ang iyong pagluha. Kaya, pagagalingin kita. Sa ikatlong araw, makakapasok ka na sa Templo. Mabubuhay ka pa ng labinlimang taon. Hindi lamang iyan, ililigtas pa kita at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria. Ipagtatanggol ko ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at sa aking pangako kay David na aking lingkod.’”

Pagbalik ni Isaias kay Ezequias, iniutos niya sa mga katulong ng hari na tapalan ng katas ng igos ang bukol ng hari upang ito'y gumaling. Ginawa nga nila iyon at siya'y gumaling.

Itinanong ni Ezequias kay Isaias, “Ano ang palatandaan na pagagalingin ako ni Yahweh at makakapasok na ako sa Templo pagkalipas ng tatlong araw?”

Sumagot si Isaias, “Alin ang mas gusto mong palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh: ang aninong bumababa o umaakyat ng sampung baytang?”

10 Sumagot si Ezequias, “Madali sa anino ang umakyat kaysa bumabâ ng sampung baytang. Pababain mo ito ng sampung baytang.”

11 Nanalangin si Isaias kay Yahweh at ang anino'y bumabâ ng sampung baytang sa hagdanang inilagay ni Ahaz.

Dinalaw si Ezequias ng mga Sugo ng Hari sa Babilonia(U)

12 Nabalitaan ni Merodac-Baladan, hari ng Babilonia at anak ni Baladan, na may sakit si Ezequias kaya sinulatan niya ito at pinadalhan ng regalo. 13 Ang mga sugo ni Merodac-Baladan ay malugod namang tinanggap ni Ezequias. Ipinakita pa niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian: ang mga pilak, ginto, pabango, mamahaling langis, ang kanyang mga kasangkapang pandigma at lahat ng nasa kanyang taguan; wala siyang hindi ipinagmalaki sa kanila.

14 Pagkatapos, nilapitan siya ng propetang si Isaias at tinanong, “Tagasaan ba sila at ano ang sinabi nila sa iyo?”

“Galing sila sa isang malayong lupain, sa Babilonia,” sagot ni Ezequias.

15 “Ano ba ang nakita nila sa iyong palasyo?” tanong uli ni Isaias.

“Ipinakita ko sa kanila ang lahat ng narito. Wala akong inilihim,” sagot ni Ezequias.

16 Sinabi ni Isaias, “Pakinggan mo itong ipinapasabi ni Yahweh: 17 ‘Darating(V) ang araw na ang lahat ng nasa palasyo mo, pati ang tinipong kayamanan ng iyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia. Walang maiiwan dito. 18 Pati(W) ang ilan sa iyong mga anak na lalaki ay kukunin at gagawing mga eunuko sa palasyo ng hari ng Babilonia.’”

19 Sinabi ni Ezequias, “Maganda naman pala ang ipinapasabi ni Yahweh sa akin.” Sinabi niya iyon dahil ang akala niya ay mananatili ang kapayapaan at katiwasayan habang siya'y nabubuhay.

Ang Pagkamatay ni Ezequias(X)

20 Ang iba pang ginawa ni Ezequias, pati ang pagpapagawa ng tipunan at daanan ng tubig papunta sa lunsod ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 21 Namatay siya at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno. Ang anak niyang si Manases ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Manases sa Juda(Y)

21 Si Manases ay labindalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampu't limang taon. Ang kanyang ina ay si Hefziba. Hindi(Z) rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan niya ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita. Itinayo niyang muli ang mga dambana sa mga burol na ipinagiba ng ama niyang si Ezequias. Ipinagpagawa pa niya ng altar si Baal at ng rebulto si Ashera tulad ng ginawa ni Haring Ahab ng Israel. Sumamba rin si Manases sa mga bituin sa langit. Nagpagawa(AA) pa siya ng maraming altar sa Templo sa Jerusalem, ang lugar na pinili ni Yahweh na kung saan siya'y dapat sambahin. Sa dalawang bulwagan sa Templo, nagpagawa siya ng tig-isang altar para sa pagsamba sa mga bituin. Sinunog rin niya ang anak niyang lalaki bilang handog. Sumangguni siya sa iba't ibang espiritu, sa mga salamangkero, sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na at sa mga manghuhula. Napakalaki ng kasamaang ginawa niya laban kay Yahweh kaya ito'y nagalit sa kanya. Ang(AB) ipinagawa niyang rebulto ni Ashera ay ipinasok niya sa Templong tinutukoy ni Yahweh nang sabihin nito kina David at Solomon: “Sa Templong ito at sa Jerusalem na aking pinili mula sa labindalawang lipi ng Israel, ang lugar na ito ay pinili ko upang ako'y sambahin magpakailanman. Pananatilihin ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno kung susundin nila ang mga utos na ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ng aking lingkod na si Moises.” Ngunit hindi sila nakinig, sa halip ay sumunod sila kay Manases sa paggawa ng mga bagay na higit na masama sa ginawa ng mga bansang ipinataboy sa kanila ni Yahweh.

10 Sa pamamagitan ng mga propetang lingkod ni Yahweh ay sinabi niya, 11 “Dahil sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ni Manases na hari ng Juda, na higit pa sa kasamaan ng mga Amoreo, at dahil sa pangunguna niya sa Juda upang sumamba sa mga diyus-diyosan, 12 paparusahan ko nang matindi ang Juda at ang Jerusalem. Mababalitaan ito ng mga iba at sila'y kikilabutan. 13 Paparusahan ko ang Jerusalem tulad ng ginawa ko sa Samaria at sa sambahayan ni Ahab. Aalisin ko ang mga tao sa Jerusalem tulad ng paglilinis sa pinggan. Pupunasan ko ito at pagkatapos ay itataob. 14 Itatakwil ko ang matitirang buháy sa kanila at ipapasakop sa kanilang mga kaaway. 15 Gagawin ko ito dahil sa kanilang kasamaan mula pa nang iligtas ko ang kanilang mga ninuno sa kamay ng mga Egipcio.”

16 Bukod sa pangunguna sa Juda sa paggawa ng mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh, napakarami pang taong walang sala ang ipinapatay ni Manases at halos napuno ng dugo ang mga lansangan sa Jerusalem.

17 Ang iba pang ginawa ni Manases, pati ang kanyang kasamaan, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 18 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa hardin ng kanyang palasyo, ang hardin ni Uza. Ang anak niyang si Ammon ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ammon sa Juda(AC)

19 Dalawampu't dalawang taóng gulang si Ammon nang maging hari ng Juda at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng dalawang taon. Ang ina niya ay si Mesulemet na anak ni Haruz, isang taga-Jotba. 20 Katulad ng kanyang amang si Manases, ginawa rin ni Ammon ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 21 Tulad ng kanyang ama, naglingkod at sumamba rin siya sa mga diyus-diyosan, 22 tinalikuran niya si Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno, at sinuway ang mga utos nito.

23 Ang mga tauhan niya mismo ang nagkaisang pumaslang sa kanya sa loob ng palasyo. 24 Ngunit ang mga ito ay pinatay naman ng mga taong-bayan. Pagkatapos, ginawa nilang hari si Josias na anak ni Ammon.

25 Ang iba pang ginawa ni Ammon ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 26 Inilibing si Ammon sa halamanan ni Uza at ang anak niyang si Josias ang humalili sa kanya bilang hari.

Si Haring Josias ng Juda(AD)

22 Si(AE) Josias ay walong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Jedida na anak ni Adaya na taga-Boskat. Naging kalugud-lugod siya kay Yahweh sapagkat sinundan niya ang halimbawa ng ninuno niyang si David na buong katapatang sumunod sa mga utos ng Diyos.

Natagpuan ang Aklat ng Kautusan(AF)

Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, inutusan niya ang kalihim niyang si Safan na anak ni Azalias at apo ni Mesulam na pumunta sa Templo. Ang utos niya, “Pumunta ka kay Hilkias na pinakapunong pari at alamin mo kung magkano na ang salapi sa kabang-yaman na nalilikom ng mga bantay-pintuan. Pagkatapos, ipabigay mo sa namamahala sa Templo upang ibayad sa mga karpintero, mga manggagawa at mga kantero. Dapat din silang bumili ng kahoy at batong gagamitin sa pagpapaayos ng Templo. Hindi(AG) na nila kailangang magbigay ng ulat tungkol sa nagastos sapagkat sila'y taong matatapat.”

Pagdating ni Safan sa Templo, sinabi sa kanya ng pinakapunong paring si Hilkias, “Natagpuan ko sa Templo ni Yahweh ang aklat ng Kautusan.” Ibinigay niya ito kay Safan at binasa naman nito. Nang matupad na ang iniutos sa kanya, nagbalik siya sa hari at iniulat na nabilang na ang salapi sa Templo at naibigay na sa mga namamahala sa pagpapaayos ng Templo. 10 Sinabi pa niya, “Ako'y binigyan ni Hilkias ng isang aklat.” At binasa niya ito sa hari.

11 Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit niya ang kanyang kasuotan. 12 Pinulong niya sina Hilkias na pari, si Ahikam na anak ni Safan, si Akbor na anak ni Mikaias, ang kalihim na si Safan, at si Asaias na tauhan ng hari. Sinabi niya, 13 “Sumangguni kayo kay Yahweh alang-alang sa akin at sa buong Juda tungkol sa nilalaman ng aklat na ito. Matindi ang galit ni Yahweh sa atin dahil sa pagsuway ng ating mga ninuno sa mga ipinag-uutos sa aklat na ito.”

14 Ang paring si Hilkias at sina Ahikam, Akbor, Safan at Asaias ay nagpunta nga sa isang babaing propeta na nagngangalang Hulda na asawa ni Sallum, anak ni Tikva na anak ni Harhas, ang tagapag-ingat ng mga kasuotan ng mga pari. Siya ay sa ikalawang purok ng Jerusalem nakatira. 15 Ang sabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa nagsugo sa inyo rito: 16 ‘Ang lahat ng parusang nabasa ng hari sa aklat na ito ay ibabagsak ko sa bayang ito at sa lahat ng mamamayan. 17 Matindi ang galit ko laban sa bayang ito sapagkat tinalikuran nila ako, at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosan. 18 Ito naman ang sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo rito: 19 Narinig ko ang iyong pagtangis nang malaman mo ang sumpa at parusang igagawad ko sa bayang ito. Nakita ko ang pagsisisi mo, ang iyong pagpapakababa sa harapan ko, pati ang pagpunit mo sa iyong kasuotan. 20 Dahil dito, hindi mo mararanasan ang pagpapahirap na gagawin ko sa bayang ito. Mamamatay kang mapayapa sa piling ng iyong mga ninuno.’” Ang lahat ng ito'y sinabi nila sa hari.

Ang mga Reporma ni Josias(AH)

23 Ipinatawag ni Haring Josias ang lahat ng matatandang pinuno ng Juda at Jerusalem, at sila'y pumunta sa Templo ni Yahweh, kasama ang mga pari, mga propeta at ang lahat ng taga-Jerusalem at Juda, mayaman at dukha. Pagdating doon, ipinabasa niya ang aklat ng kasunduan na natagpuan sa Templo. Pagkabasa, tumayo sa tabi ng haligi ang hari at nanumpang susunod sa kautusan ni Yahweh, at sa lahat ng tuntunin nito. Ang lahat ng naroon ay nakiisa sa hari sa panunumpa nito sa kasunduang ginawa ni Yahweh.

Ang(AI) lahat ng kagamitan sa loob ng Templo na may kaugnayan kay Baal, kay Ashera at sa mga bituin ay ipinalabas ng hari kay Hilkias, ang pinakapunong pari, gayundin sa mga katulong na pari at sa mga bantay ng Templo. Ipinasunog niya ang mga iyon sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron, at dinala sa Bethel ang abo. Pinaalis niya ang mga paring itinalaga ng mga unang hari ng Juda upang magsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan sa Juda at sa palibot ng Jerusalem. Pinalayas din niya ang mga paring nagsusunog ng insenso para kay Baal, para sa araw, buwan at mga bituin sa langit. Ang rebulto ni Ashera ay ipinalabas niya sa Templo at ipinadala sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron at doon ipinasunog. Pagkatapos, ipinadurog niya ang uling niyon at ipinasabog sa libingan ng mga karaniwang tao. Ipinagiba rin niya ang tirahan ng mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba kung saan hinahabi rin ng mga babae ang mga toldang ginagamit sa pagsamba sa diyus-diyosang si Ashera. Tinipon ni Josias sa Jerusalem ang lahat ng pari ng mga dambana ng mga diyus-diyosan sa gawing kaliwa ng pintuan ng tirahan ni Josue, na gobernador ng lunsod. Ngunit ang mga paring naglingkod sa mga dambana ng mga diyus-diyosan ay hindi pinayagang maghandog sa altar ni Yahweh. Nakisalo na lamang sila sa kapwa nila pari sa Jerusalem sa pagkain ng tinapay na walang pampaalsa. 10 Ipinagiba(AJ) rin niya ang dambana sa Libis ng Ben Hinom upang wala nang makapagsunog ng kanilang anak bilang handog kay Molec. 11 Ipinaalis niya sa pintuang papasok sa Templo ang mga kabayong inilaan ng mga naging hari ng Juda para sa pagsamba sa araw. Ang mga ito'y nasa tabi ng tirahan ng opisyal na si Natan-melec, sa bulwagang nasa may likod ng templo. Pagkatapos ipinasunog niya ang mga karwaheng ginagamit sa pagsamba sa araw. 12 Ang(AK) mga altar na ipinagawa ng mga naging hari ng Juda sa kaitaasang palapag ng tirahan ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manases sa magkabilang bulwagan ng Templo ay ipinagiba niya at ipinatapon sa Libis ng Kidron ang mga dinurog na bato. 13 Ipinagiba(AL) rin niya ang mga altar sa silangan ng Jerusalem sa gawing timog ng Bundok ng mga Olibo. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon ng Israel para sa mga kasuklam-suklam na mga diyus-diyosan: para kay Astoret, ang diyosa ng mga Sidonio, para kay Quemos, ang diyos ng mga Moabita, at para kay Milcom, ang diyos ng mga Ammonita. 14 Ipinagiba rin niya ang mga rebultong bato at mga sagradong haligi, at ang mga lugar na pinag-alisan sa mga ito ay pinatambakan niya ng kalansay ng mga tao.

15 Ipinagiba(AM) rin niya ang dambana sa Bethel na ipinagawa ni Jeroboam na anak ni Nebat na nanguna sa Israel upang magkasala. Ipinadurog din niya ang mga bato at ipinasunog ang rebulto ni Ashera. 16 Nang(AN) makita niya ang libingan sa isang bundok sa di-kalayuan, ipinahukay niya ang mga kalansay doon at ipinasunog sa dating kinatatayuan ng mga altar upang hamakin ang mga ito. Ang lahat ng ito'y ginawa ayon sa salita ni Yahweh na ipinahayag sa pamamagitan ng kanyang propeta. 17 Nang(AO) makita niya ang isang puntod, itinanong niya, “Kaninong puntod iyon?”

“Puntod po iyon ng propetang mula sa Juda. Siya po ang nagpahayag noon ng tungkol sa pagwasak na ginawa ninyo ngayon sa altar sa Bethel,” sagot ng mga tagaroon.

18 Sinabi niya, “Kung ganoon, huwag ninyong gagalawin ang kanyang kalansay.” Kaya hindi nila ginalaw ang mga buto niyon pati ang kalansay ng propeta mula sa Samaria.

19 Pati ang mga dambana ng mga diyus-diyosan sa mga lunsod ng Samaria na ipinagawa ng mga naging hari ng Israel at siyang naging dahilan ng galit ni Yahweh ay ipinagiba ni Haring Josias. Ginawa rin niya rito ang ginawa niya sa Bethel. 20 Pinatay niya ang mga paring naglilingkod sa mga altar ng mga diyus-diyosan. Pinatambakan din niya ng kalansay ng mga tao ang mga altar at sinunog. Pagkatapos bumalik siya sa Jerusalem.

Ipinagdiwang ni Josias ang Paskwa(AP)

21 Ipinag-utos ni Haring Josias sa mga tao, “Ipagdiwang natin ang Paskwa ni Yahweh, ayon sa nakasulat sa aklat ng tipan.” 22 Sapagkat mula pa sa panahon ng mga hukom ay wala pang hari sa Juda at sa Israel na nagdiwang ng Paskwa. 23 Ngunit nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, ipinagdiwang sa Jerusalem ang Paskwa ni Yahweh.

Iba Pang mga Repormang Ginawa ni Josias

24 Pinaalis ni Josias ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay na, ang mga manghuhula, ang mga diyus-diyosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay sa buong Juda at Jerusalem bilang pagtupad sa mga kautusang nasa aklat na natagpuan ni Hilkias sa Templo. 25 Sa mga haring nauna sa kanya at maging sa mga sumunod ay walang maitutulad sa kanyang katapatan kay Yahweh. Pinaglingkuran niya si Yahweh nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas at sumunod sa buong Kautusan ni Moises.

26 Ngunit hindi pa rin napawi ang matinding galit ni Yahweh sa Juda dahil sa mga kasamaang ginawa ni Manases. 27 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Itatakwil ko ang Juda tulad ng ginawa ko sa Israel. Ganoon din ang gagawin ko sa Lunsod ng Jerusalem na aking pinili, pati sa Templong sinabi ko na doo'y sasambahin ang aking pangalan.”

Ang Pagwawakas ng Paghahari ni Josias(AQ)

28 Ang iba pang ginawa ni Josias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 29 Nang panahong iyon, ang bahagi ng Asiria sa gawing Ilog Eufrates ay sinalakay ni Neco na Faraon ng Egipto. Sumaklolo si Haring Josias sa hari ng Asiria, ngunit napatay siya sa Megido. 30 Ang kanyang bangkay ay kinuha ng kanyang mga kasama at inilibing sa kanyang libingan sa Jerusalem. At si Jehoahaz na anak niya ang pinili ng mga taong-bayan bilang hari, kapalit ng kanyang ama.

Si Haring Jehoahaz ng Juda(AR)

31 Si Jehoahaz ay dalawampu't tatlong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlong buwan lamang siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. 32 Hindi siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan niya ang masasamang halimbawa ng kanyang mga ninuno. 33 Ikinulong siya ng Faraon Neco ng Egipto sa Ribla, sa lupain ng Hamat at ang Juda'y hiningan niya ng buwis na 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto. 34 Inilagay(AS) ni Neco si Eliakim na anak ni Josias bilang hari at pinalitan niya ng Jehoiakim ang pangalan nito. Si Jehoahaz naman ay dinalang-bihag sa Egipto at doon na ito namatay.

Si Haring Jehoiakim ng Juda(AT)

35 Si Haring Jehoiakim ng Juda ay nagbabayad ng buwis na pilak at ginto kay Neco. Kaya't pinatawan niya ng buwis ang buong bayan ayon sa makakaya ng bawat isa upang may maibigay siya kay Neco.

36 Si(AU) Jehoiakim ay dalawampu't limang taóng gulang nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang labing-isang taon. Ang kanyang ina ay si Zebida na anak ni Pedaias na taga-Ruma. 37 Tulad ng masamang halimbawa ng kanyang mga ninuno, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

24 Sa(AV) panahon ng paghahari ni Jehoiakim, ang Juda ay sinakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Tatlong taon siyang nagpasakop sa Babilonia at pagkatapos ay naghimagsik laban kay Nebucadnezar. At tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang mga propeta, ipinalusob niya ang mga taga-Juda sa mga taga-Babilonia, sa mga taga-Siria, sa mga Moabita at mga Ammonita. Niloob ni Yahweh na mapalayas ang mga taga-Juda dahil sa kasamaang ginawa ni Manases, at sa pagpatay nito sa napakaraming taóng walang kasalanan. Halos bumaha ng dugo sa buong Jerusalem, at dahil dito ay hindi siya mapatawad ni Yahweh.

Ang lahat ng ginawa ni Jehoiakim ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Nang siya'y mamatay, ang anak niyang si Jehoiakin ang humalili sa kanya bilang hari. Hindi na muling lumabas ng kanyang bansa ang hari ng Egipto noon sapagkat lahat ng sakop niya ay sinakop na ng hari ng Babilonia, mula sa Batis ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates.

Ang Paghahari ni Jehoiakin sa Juda(AW)

Si Jehoiakin ay labingwalong taóng gulang nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang tatlong buwan. Ang kanyang ina ay si Nehusta na anak ni Elnatan na taga-Jerusalem. Tulad ng kanyang ama, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

10 Nang panahong iyon, ang Jerusalem ay kinubkob ng mga kawal ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. 11 Habang ang mga kawal ng Babilonia ay nakapaligid sa lunsod, dumating si Haring Nebucadnezar. 12 At(AX) sumuko sa kanya si Haring Jehoiakin, pati ang ina nito, mga katulong, mga pinuno at lahat ng tauhan sa palasyo. Binihag sila ni Nebucadnezar noong ikawalong taon ng paghahari nito. 13 Sinamsam pa niyang lahat ang kayamanan sa palasyo at sa Templo. At tulad ng babala ni Yahweh, sinira ni Nebucadnezar ang mga kagamitang ginto na ipinagawa ni Solomon para sa Templo. 14 Dinala niyang bihag ang lahat ng taga-Jerusalem: ang mga pinuno, mga kawal, mga dalubhasa at mga panday. Lahat-lahat ay umabot sa sampung libo. Wala silang itinira liban sa mga dukha.

15 Tinangay(AY) nga ni Nebucadnezar sa Babilonia si Jehoiakin, ang ina nito, mga asawa, mga pinuno at lahat ng pangunahing mamamayan sa Jerusalem. 16 Dinala rin niya sa Babilonia ang may pitong libong kawal at ang sanlibong mahuhusay na manggagawa at panday na pawang malalakas ang katawan at angkop maging mga kawal. 17 Si(AZ) Matanias na tiyuhin ni Jehoiakin ang ipinalit ni Nebucadnezar dito bilang hari ng Juda at pinalitan niya ng Zedekias ang pangalan nito.

Ang Paghahari ni Zedekias sa Juda(BA)

18 Si(BB) Zedekias ay dalawampu't isang taóng gulang nang maging hari ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-isang taon. Ang ina niya'y si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. 19 Tulad ng masamang halimbawa ni Jehoiakim, ginawa rin ni Zedekias ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.

20 Umabot(BC) na sa sukdulan ang galit ni Yahweh sa Jerusalem at Juda kaya ang mga ito'y ipinabihag niya sa mga kaaway.

Ang Pagbagsak ng Jerusalem(BD)

25 Si(BE) Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia. Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekias, tinipon ni Nebucadnezar ang kanyang buong hukbo. Kinubkob nila ang Jerusalem at nagkampo sa labas ng lunsod. Ito'y tumagal nang hanggang sa ikalabing-isang taon ng paghahari ni Zedekias. Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, lubhang tumindi ang taggutom sa loob ng lunsod. Wala nang makain ang mga tao. Noon(BF) ay binutas ang isang bahagi ng pader ng lunsod. Nang makita ito ni Haring Zedekias kinagabihan, tumakas siya patungong Araba kasama ang kanyang mga kawal. Doon sila dumaan sa pintuan sa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng palasyo. Ngunit ang lunsod ay napapalibutan ng mga taga-Babilonia. Hinabol sila ng mga ito at inabutan sa kapatagan ng Jerico. At nagkanya-kanyang takas ang kanyang mga kawal. Nabihag si Zedekias at iniharap sa hari ng Babilonia na noon ay nasa lunsod ng Ribla at doon siya hinatulan. (BG)Pinatay nila sa harapan ni Zedekias ang mga anak nito. Dinukit ang mga mata ni Zedekias at dinala siya sa Babilonia na gapos ng tanikala.

Ang Pagwasak sa Templo(BH)

Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan ng ikalabing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar, pinasok ni Nebuzaradan na pinuno ng mga tanod ni Nebucadnezar ang Jerusalem. Sinunog(BI) niya ang Templo, ang palasyo, at ang malalaking bahay doon. 10 Ang mga pader ng lunsod ay giniba naman ng mga kawal na kasama ni Nebuzaradan. 11 Dinala niyang bihag ang natitira pang mga tao sa Jerusalem, pati ang mga sumuko sa hari ng Babilonia. 12 Ang iniwan lamang niya roon ay ilang mga dukha upang magbungkal ng lupa at magtrabaho sa mga ubasan.

13 Ang(BJ) mga haliging tanso, patungang tanso at ang palangganang tanso na nasa Templo ay tinanggal nila, pinagpira-piraso at dinala sa Babilonia. 14 Kinuha(BK) rin nila ang mga kagamitan sa Templo: ang palayok, pala, lalagyan ng abo, plato, sunugan ng insenso at ang lahat ng kagamitang tanso. 15 Kinuha rin nila ang gintong lalagyan ng baga at lahat ng kasangkapang ginto at pilak. 16 Ang mga haliging tanso, ang hugasang tanso at ang patungan nito ay hindi na nila tinimbang sapagkat napakabigat. 17 Ang taas ng isang haligi ay walong metro at may koronang mahigit na isa't kalahating metro ang taas. Nababalot ito ng mga palamuting tanso: hinabi ang iba at ang iba nama'y kahugis ng prutas na granada.

Dinalang-bihag ang mga Taga-Juda sa Babilonia(BL)

18 Dinala sa Babilonia ang mga taga-Juda. Kasama sa mga nabihag ni Nebuzaradan ang pinakapunong paring si Seraya, ang kanang kamay nitong si Zefanias at ang tatlong bantay-pinto. 19 Nabihag din niya ang namamahala sa mga mandirigma ng lunsod, ang limang tagapayo ng hari, ang kalihim ng pinunong kawal, at ang animnapung taóng nakita niya sa lunsod. 20 Ang mga ito'y dinala niya sa Ribla, sa kinaroroonan ng hari ng Babilonia, 21 at doon ipinapatay ng hari, sa lupain ng Hamat. Sa ganitong paraan dinalang-bihag ang sambayanang Juda mula sa kanilang lupain.

Si Gedalias na Gobernador ng Juda(BM)

22 Si(BN) Gedalias na anak ni Ahikam at apo ni Safan ay hinirang ni Haring Nebucadnezar bilang gobernador ng mga natirang mamamayan ng Juda. 23 Nang mabalitaan ito ng mga pinuno ng hukbo na hindi sumuko, sila at ang kanilang mga tauhan ay lumapit kay Gedalias sa Mizpa. Ang mga ito'y sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet na Netofatita at Jaazanias na anak ng Maacateo. 24 Sinabi sa kanila ni Gedalias, “Huwag kayong matakot sa mga taga-Babilonia. Dito na kayo tumira at maglingkod sa hari ng Babilonia at walang masamang mangyayari sa inyo.” 25 Ngunit(BO) nang ikapitong buwan, dumating si Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elisama, mula sa angkan ng hari, na may kasamang sampung tao. Pinatay nila si Gedalias, ang mga Judio at ang mga taga-Babiloniang kasama niya sa Mizpa. 26 Pagkatapos,(BP) silang lahat, mahirap man o mayaman, kasama ang mga pinuno ng mga kawal, ay tumakas patungong Egipto dahil sa takot sa mga taga-Babilonia.

Pinalaya si Jehoiakin sa Pagkabilanggo(BQ)

27 Nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalabindalawang buwan ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag kay Haring Jehoiakin ng Juda, pinalaya siya ni Haring Evil-merodac ng Babilonia nang taon na ito'y nagsimulang maghari. 28 Mabuti ang pakikitungo ni Evil-merodac kay Jehoiakin, at pinarangalan siya nito nang higit sa ibang haring bihag din sa Babilonia. 29 Hinubad ni Jehoiakin ang kasuotan niya bilang isang bihag. At hanggang sa siya'y mamatay, araw-araw, kasalo siya ng hari sa hapag kainan. 30 Habang siya'y nabubuhay, binigyan siya ng hari ng kanyang araw-araw na pangangailangan.