Bible in 90 Days
Ang Pagwasak sa Moab
48 Tungkol(A) sa Moab, ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel:
“Kahabag-habag ang Nebo, sapagkat ito'y ganap na mawawasak.
Nalupig ang Kiryataim, nawasak ang kanyang pader,
at nalagay sa kahihiyan ang mga mamamayan.
2 Wala na ang katanyagan ng Moab;
ang Hesbon ay nasakop na ng kaaway.
Sinabi pa nila,
‘Halikayo, wasakin natin ang Moab hanggang hindi na ito matawag na isang bansa!’
At kayong nakatira sa Dibon, kayo'y patatahimikin;
hahabulin ng tabak ang inyong mamamayan.
3 Dinggin ninyo ang pagtangis sa Horonaim;
dahil sa karahasan at pagkawasak.
4 “Wasak na ang Moab.
Iyakan ng mga bata ang siyang maririnig.
5 Sa pag-akyat sa Luhit,
mapait na tumatangis ang mga mamamayan;
pagbaba sa Horonaim,
naririnig ang paghiyaw ng ‘Kapahamakan!’
6 Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong buhay,
gaya ng mailap na asno sa disyerto.
7 “Mga taga-Moab, dahil nagtiwala kayo sa inyong lakas at kayamanan,
kayo'y malulupig din;
at dadalhing-bihag ang diyus-diyosan ninyong si Quemos,
pati ang kanyang mga pari at mga lingkod.
8 Papasukin ng tagawasak ang bawat lunsod;
at walang makakatakas.
Mawawasak ang kapatagan at ang libis ay guguho.
9 Lagyan ninyo ng puntod ang Moab,
sapagkat tiyak ang kanyang pagbagsak;
mawawasak ang kanyang mga lunsod,
at wala nang maninirahan doon.”
10 Sumpain siya na pabaya sa pagtupad sa gawain ni Yahweh!
Sumpain siya na ayaw gumamit ng kanyang tabak sa pagpatay.
Nawasak ang mga Lunsod ng Moab
11 “Namuhay na panatag ang Moab mula sa kanyang kabataan,” sabi ni Yahweh. “Siya'y gaya ng alak na hindi nagagalaw ang latak. Hindi siya isinasalin sa ibang sisidlan; hindi pa siya nadadalang-bihag. Kaya hindi pa nagbabago ang kanyang lasa, at ang kanyang amoy ay hindi pa nawawala.
12 “Kaya, tiyak na darating ang panahon na magsusugo ako ng mga lalaking magtutumba sa mga sisidlan; itatapon nila ang laman nito, at saka babasagin hanggang sa madurog. 13 At ikakahiya ng mga taga-Moab si Quemos, na kanilang diyus-diyosan, katulad ng Bethel, ang diyus-diyosang ikinahiya ng Israel matapos niyang pagtiwalaan.
14 “Kayong mga lalaki sa Moab, paano ninyo masasabing kayo'y mga bayani,
at mga matatapang na mandirigma?
15 Dumating na ang wawasak sa Moab at sa kanyang mga lunsod,
at ang magigiting niyang kabataan ay masasawi.”
Ito ang pahayag ng Hari na ang pangalan ay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
16 “Nalalapit na ang pagbagsak ng Moab,
mabilis na dumarating ang kanyang pagkawasak.
17 Magdalamhati kayo dahil sa kanya, mga karatig-bayan,
at kayong lahat na nakakakilala sa kanya;
sabihin ninyo, ‘Nabali ang matibay na setro,
ang setro ng karangalan at kapangyarihan.’
18 Kayong mga taga-Dibon, bumabâ kayo mula sa inyong kataasan
at maupo kayo sa tigang na lupa,
sapagkat dumating na ang wawasak sa Moab
at iniwang wasak ang inyong mga tanggulan.
19 Kayong naninirahan sa Aroer,
tumayo kayo sa tabing-daan at magmasid,
tanungin ninyo ang mga lalaking tumatakbo, ang babaing tumatakas,
‘Ano ang nangyari?’
20 Ang Moab ay napahiya at nanlupaypay;
humiyaw kayo at tumangis,
ipahayag ninyo hanggang sa Ilog Arnon na winasak na ang Moab!
21 “At ang hatol ay dumating na sa mga lunsod sa mataas na kapatagan: sa Holon, sa Jaza, sa Mefaat, 22 sa Dibon, sa Nebo, sa Beth-diblataim, 23 sa Kiryataim, sa Bethgamul, sa Bethmeon, 24 sa Keriot, sa Bozra at sa lahat ng lunsod ng Moab, malayo man o malapit. 25 Bagsak na ang kapangyarihan ng Moab at siya'y mahina na ngayon, sabi ni Yahweh.”
Mapapahiya ang Moab
26 “Lasingin ninyo ang Moab,” sabi ni Yahweh, “sapagkat naghimagsik siya laban sa akin. Bayaan ninyong siya'y gumulong sa sariling suka, at maging tampulan ng katatawanan. 27 Hindi ba't pinagtawanan mo ang Israel? Itinuring mo sila na parang nahuling kasama ng mga magnanakaw at napapailing ka tuwing siya'y babanggitin mo.
28 “Iwan ninyo ang mga lunsod, at doon kayo manirahan sa kabatuhan, kayong taga-Moab! Tumulad kayo sa kalapating nagpupugad sa gilid ng bangin. 29 Nabalitaan na namin ang kapalaluan ng Moab. Napakayabang niya: mapangmata, palalo, hambog at mapagmataas. 30 Akong si Yahweh ay hindi mapaglilihiman ng kanyang kataasan; pawang kabulaanan ang kanyang sinasabi at ginagawa. 31 Kaya nga, tatangisan ko ang Moab; iiyakan ko ang lahat ng taga-Moab; magdadalamhati ako para sa mga taga-Kir-heres. 32 Tinangisan kita, O baging ng Sibma, nang higit sa pagtangis ko para sa Jazer. Ang mga sanga mo'y lumampas sa dagat, at umabot hanggang sa Jazer; dumaluhong ang maninira sa iyong mga bungangkahoy at ubasan nang panahon ng tag-araw. 33 Napawi na ang kagalakan at kasayahan sa mabungang lupain ng Moab. Pinahinto ko na ang pag-agos ng alak sa pisaan ng alak; wala nang pumipisa rito na may sigawan at katuwaan; ang sigawan ngayon ay hindi na dahil sa kagalakan.
34 “Sumisigaw ang Hesbon at Eleale at ito'y umaabot hanggang sa Jahaz; abot ang kanilang tinig mula sa Zoar hanggang Horonaim at Eglat-selisiya. Sapagkat matutuyo rin pati ang mga tubig sa Nimrim. 35 Papatigilin ko ang pag-aalay sa mga altar sa kaburulan, at ang pagsusunog ng handog sa kanilang mga diyos. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.
36 “Kaya tumatangis ang aking puso dahil sa Moab, gaya ng tunog ng plauta; tumatangis din akong parang plauta dahil sa mga taga-Kir-heres. Wala na ang kayamanang pinagsumikapan nilang ipunin! 37 Inahit ng mga lalaki ang kanilang buhok; gayon din ang kanilang balbas; hiniwaan ang kanilang mga kamay, at nagdamit sila ng damit-panluksa, tanda ng pagdadalamhati. 38 Ang pagtangis ay maririnig mula sa mga bubungan ng bahay sa Moab, at sa malalapad na liwasan niya; sapagkat winasak ko ang Moab, tulad sa isang tapayang wala nang may gusto. 39 Wasak na wasak ang Moab. Sa laki ng kanyang kahihiyan, siya ay naging tampulan ng paghamak at panghihinayang ng lahat ng bansa.”
Hindi Makakatakas ang Moab
40 Ganito ang sabi ni Yahweh: “Darating ang isang bansang simbilis ng agila at lulukuban ng kanyang pakpak ang lupain ng Moab. 41 Sasakupin ang mga bayan, babagsak ang lahat ng pader; at sa araw na iyon, manghihina ang mga kawal ng Moab, gaya ng panghihina ng isang babaing malapit nang manganak. 42 Gayon mawawasak ang Moab, at hindi na siya kikilalaning isang bansa; sapagkat naghimagsik siya laban kay Yahweh. 43 Nakaamba na sa Moab ang kapahamakan, ang hukay, at ang bitag. 44 Pagtakbo ng isang tao palayo sa kapahamakan, mahuhulog siya sa hukay; kung siya'y umahon mula rito'y mahuhuli naman siya sa bitag. Lahat ng ito'y mangyayari sa Moab pagdating ng taon ng kanilang pagsusulit. Ito ang sinasabi ni Yahweh. 45 Magtatago sa Hesbon ang mga pagod na pagod na pugante; ito ang lunsod na dating pinamahalaan ni Haring Sihon. Subalit lumaganap ang apoy mula sa palasyo; nilamon ang bayan ng Moab at ang kabundukang pinagkukublihan ng mga taong mahilig sa pakikidigma. 46 Kahabag-habag ka, Moab! Wala na ang diyus-diyosan mong si Quemos, at dinalang-bihag ang iyong mga anak.
47 “Gayunman, pagdating ng araw, ibabalik ko sa dati ang kayamanan ng Moab. Ito ang hatol sa kanya,” ang sabi ni Yahweh.
Ang Hatol ni Yahweh sa Ammon
49 Tungkol(B) naman sa mga Ammonita, ganito ang sinasabi ni Yahweh: “Wala bang mga anak na lalaki si Israel? Wala ba siyang tagapagmana? Kung gayo'y bakit inagawan ng mga sumasamba kay Milcom si Gad, at nanirahan sila sa mga lunsod nito? 2 Kaya nga, darating ang panahon na maririnig ng mga taga-Rabba ang sigaw ng digmaan. Ang lunsod na ito'y iiwang wasak at susunugin ang mga nayon. At mababalik sa Israel ang lupaing inagaw sa kanya. Ito ang sabi ni Yahweh. 3 Tumangis kayo, mga taga-Hesbon, sapagkat wasak na ang Ai! Umiyak kayo, mga kababaihan ng Rabba! Magsuot kayo ng damit-panluksa at manangis kayo. Magpabalik-balik kayo na hinahampas ang sarili! Sapagkat ang diyus-diyosan ninyong si Milcom ay dadalhing-bihag, kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno. 4 Huwag ninyong ipagyabang ang inyong mga lakas, kayong walang pananalig. Nagtiwala kayo sa inyong mga kayamanan. Ang sabi ninyo, ‘Walang maaaring lumaban sa amin!’ 5 Padadalhan ko kayo ng katatakutan; kayo'y itataboy ng lahat ng nasa palibot ninyo. Bawat isa'y tutugisin, at walang magtitipon sa mga pugante.
6 “Subalit pagkaraan nito, ibabalik kong muli ang kayamanan ng mga Ammonita,” ang sabi ni Yahweh.
Ang Hatol ni Yahweh sa Edom
7 Tungkol(C) (D) sa Edom, ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Wala na bang masumpungang marunong sa Teman? Hindi na ba nagpapayo ang mga tagapayo doon? Napawi na ba ang kanilang karunungan? 8 Mga taga-Dedan, tumakas kayo at magtago! Ipararanas ko sa inyo ang kapahamakang inabot ni Esau nang siya'y aking parusahan. 9 Kung namimitas ng mga ubas, tiyak na may naiiwan. Kung sumasalakay sa gabi ang mga magnanakaw, kinukuha lamang nila ang magustuhan. 10 Subalit inubos ko ang kayamanan ni Esau, inilantad ko ang kanyang mga taguan, kaya wala na siyang mapagtataguan kahit saan. Nilipol na ang kanyang mga anak, mga kapatid, gayon din ang kanyang mga kapitbahay. 11 Ako ang kakalinga sa inyong mga anak na naulila sa ama. Ang inyong mga babaing balo ay makakaasa sa akin.”
12 Sapagkat sabi ni Yahweh, “Kahit ang hindi nararapat parusahan ay paiinumin din sa baso ng kaparusahan. Kayo lamang ba ang hindi paparusahan? Hindi! Dapat din kayong uminom! 13 Isinumpa ko sa aking sarili, na ang Bozra ay magiging katatakutan, isang disyerto, tampulan ng paghamak at gagamitin sa pagsumpa. Ang lahat ng nayon sa palibot nito ay mananatiling wasak habang panahon. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
14 Narinig ko ang pahayag na ito ni Yahweh. Pinapunta niya sa mga bansa ang isang sugo upang sabihin, “Magsama-sama kayo at salakayin siya. Humanda kayong makipagdigma! 15 Ikaw ay gagawin niyang mahinang bansa, tampulan ng paghamak ng lahat. 16 Dinaya kayo ng inyong kapalaluan at kataasan. Walang natatakot sa inyo, tulad ng akala ninyo, kayo na nakatira sa mga guwang ng kabatuhan, at nagkukuta sa mataas na kaburulan. Ngunit gumawa man kayo ng inyong pugad sa dakong mataas, gaya ng agila, kayo'y aking ibababa. Ito ang salita ni Yahweh.”
17 Sinabi pa ni Yahweh: “Ang Edom ay magiging malagim na tanawin; mangingilabot at masisindak ang lahat ng magdaraan doon. 18 Siya'y(E) ibinagsak, gaya ng Sodoma at Gomorra, at mga kalapit na bansa. Walang sinumang maninirahan doon. 19 Masdan(F) ninyo, tulad ng leong nanggagaling sa kagubatan ng Jordan at patungo sa luntiang pastulan, hahabulin ko ang mga taga-Edom at sila'y magtatakbuhan. Pamamahalaan sila ng sinumang pinunong aking pipiliin. Sino ang katulad ko? Sino ang aking kapantay? Sinong pinuno ang makakalaban sa akin? 20 Kaya pakinggan ninyo ang buong layunin ni Yahweh laban sa Edom at lahat ng kanyang balak laban sa taga-Teman: Pati ang maliliit na bata ay kukunin, at masisindak ang lahat. 21 Sa tindi ng pagbagsak ng Edom ay mayayanig ang daigdig; tatangis ang lupa at maririnig hanggang sa Dagat na Pula.[a] 22 Ang kaaway ay lulusob sa Bozra, parang isang agila na biglang mandaragit. Sa araw na iyon, matatakot ang mga kawal ng Edom, tulad ng pagkatakot ng isang babaing malapit nang manganak.”
Ang Hatol sa Damasco
23 Tungkol(G) sa Damasco, ito naman ang sabi ni Yahweh: “Nagugulo ang Hamat at ang Arpad, sapagkat nakarinig sila ng masamang balita. Hindi sila mapalagay dahil sa pag-aalala, sila'y tila nag-aalimpuyong dagat. 24 Natakot ang Damasco at tumakas; sinaklot siya ng pangamba, gaya ng pagdaramdam ng isang babaing manganganak. 25 Napakalungkot ngayon ng bayang dati'y puspos ng galak at awitan, ang dating masayang bayan. 26 Kaya nga, mabubuwal sa kanyang lansangan ang mga binata, at magiging malamig na bangkay ang lahat ng kanyang mandirigma sa araw na iyon. 27 Tutupukin ko ang pader ng Damasco, maging ang mga palasyo ni Haring Ben-hadad.”
Ang Hatol sa Lipi ni Kedar at sa Lunsod ng Hazor
28 Tungkol sa Kedar at sa mga kaharian ng Hazor na nasakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ganito ang sabi ni Yahweh: “Magbangon kayo, salakayin ninyo ang Kedar! Lipulin ninyo ang mga naninirahan sa silanganan! 29 Kunin ninyo ang kanilang mga tolda at mga kawan, ang mga kurtina, ang mga kasangkapang naroon at ang mga kamelyo. Sabihin ninyo sa mga tao, ‘Nakakapangilabot sa lahat ng dako!’
30 “Kayong mga taga-Hazor, tumakas kayo at lumayo! Magtago kayo sa mga liblib na lugar, sapagkat may balak laban sa inyo si Haring Nebucadnezar ng Babilonia; may nabuo na siyang layunin laban sa inyo,” sabi ni Yahweh. 31 “Bumangon kayo, at salakayin ang isang bansang namumuhay na payapa at sagana, na walang kandado ang mga pintuang-bayan at nag-iisang namumuhay.
32 “Sasamsamin ang kanilang mga kamelyo at mga baka. Pangangalatin ko sa disyerto ang mga nagpaputol ng buhok. Darating ang kapahamakan sa lahat ng panig,” sabi ni Yahweh. 33 “Magiging tirahan ng mga asong-gubat ang Hazor at ito'y mananatiling tiwangwang. Wala nang taong maninirahan doon, o makikipamayan sa kanila.”
Ang Hatol sa Elam
34 Tinanggap ni Propeta Jeremias ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Elam, nang magpasimulang maghari si Zedekias sa Juda. 35 Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Babaliin ko ang pana ng Elam, ang pangunahing sandatang sagisag ng kanilang lakas; 36 paiihipin ko ang hangin mula sa lahat ng panig ng kalangitan at pangangalatin ko sila sa lahat ng dako. 37 Masisindak ang mga taga-Elam sa harap ng kanilang kalaban; padadalhan ko sila ng kapahamakan dahil sa matinding galit ko. Ipadadala ko sa kanila ang tabak hanggang malipol silang lahat; 38 at itatayo ko sa Elam ang aking trono. Lilipulin ko ang kanilang hari at mga pinuno. 39 Ngunit darating din ang panahon na ibabalik ko ang kayamanan ng Elam. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
Ang Hatol sa Babilonia
50 Sa(H) pamamagitan ni Propeta Jeremias ay ipinahayag ni Yahweh ang mangyayari sa Babilonia at sa mga mamamayan nito:
2 “Ipahayag mo sa mga bansa,
wala kang ililihim, ikalat mo ang balita:
Nasakop na ang Babilonia.
Nalagay na sa kahihiyan si Bel,
nanlupaypay na si Merodac,
mga diyus-diyosan sa Babilonia.
3 “Sapagkat isang bansang mula sa hilaga ang sumalakay sa kanya; gagawing isang disyerto ang kanyang lupain at walang tao o hayop na maninirahan doon.”
Ang Pagbabalik ng Israel
4 Sinabi ni Yahweh, “Pagdating ng panahong iyon, lumuluhang magsasama-sama ang mga taga-Israel at mga taga-Juda at hahanapin nila ako na kanilang Diyos. 5 Ipagtatanong nila ang daan patungo sa Zion, pupunta sila roon upang makipagkaisa kay Yahweh sa isang kasunduang kanilang tutuparin habang panahon.
6 “Ang aking bayan ay parang mga tupang naligaw, sapagkat pinabayaan sila ng kanilang mga pastol. Kaya lumayo sila at tumakbong papunta sa kabundukan; tinahak nila ang bundok at burol at nakalimutang magbalik sa kulungan. 7 Nilapa sila ng nakatagpo sa kanila. Ang sabi ng kanilang mga kaaway, ‘Wala kaming kasalanan, sapagkat nagkasala sila laban kay Yahweh, ang tunay na pastol at siyang pag-asa ng lahat ng kanilang mga ninuno.’
8 “Takasan(I) ninyo ang Babilonia, lisanin ninyo ang bansang iyan; kayo ang maunang umalis, gaya ng mga barakong kambing na nangunguna sa kawan. 9 Sapagkat susulsulan ko ang malalakas na bansa upang salakayin ang Babilonia; magmumula sila sa hilaga, upang bihagin siya. Sila'y mga bihasang mandirigma at walang mintis kung pumana. 10 Sasamsaman ng mga gamit ang mga taga-Babilonia, at mananagana ang lahat ng makakakuha.” Ito ang sabi ni Yahweh.
Ang Pagbagsak ng Babilonia
11 “Bagama't kayo'y nagkakatuwaan at nagkakasayahan, kayong kumuha ng aking mana, bagama't nagwala kayong gaya ng babaing baka sa damuhan, at humalinghing na parang kabayong lalaki, 12 malalagay sa ganap na kahihiyan ang inyong ina na nagsilang sa inyo; siya ang magiging pinakahuli sa mga bansa, isang tigang na lupain na parang disyerto. 13 Wala nang maninirahan sa kanya dahil sa poot ni Yahweh, siya'y isang lunsod na wasak. Lahat ng magdaraan doon ay magtataka at mangingilabot sa nangyari sa kanya.
14 “Humanay kayo sa palibot ng Babilonia, humanda kayong mga manunudla; patamaan ninyo siya at huwag magsasayang ng palaso sapagkat siya'y nagkasala laban kay Yahweh. 15 Humiyaw kayo ng pagtatagumpay laban sa kanya; siya'y sumuko na. Bumagsak na ang kanyang mga pader at nadurog. Ito ang ganti ni Yahweh: maghiganti rin kayo sa kanya, gawin ninyo sa kanya ang tulad ng kanyang ginawa. 16 Pigilin ang bawat manghahasik sa Babilonia, gayon din ang bawat mang-aaning may dalang karit. Sa matinding takot sa tabak ng manlulupig, bawat isa'y tatakas at babalik sa sariling lupain.”
17 Ang Israel ay parang kawan ng tupa, hinahanap at hinahabol ng mga leon. Ang hari ng Asiria ang unang lumapa sa kanya, at ngayon ang haring si Nebucadnezar ng Babilonia ang huling kumagat sa kanyang mga buto.
18 Kaya nga, ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Paparusahan ko si Nebucadnezar, ang hari ng Babilonia at ang kanyang bayan, tulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria. 19 Ibabalik ko ang Israel sa kanyang pastulan, at manginginain siya sa bundok ng Carmelo at sa kapatagan ng Bashan; sa kaburulan ng Efraim at Gilead ay mabubusog siya. 20 Darating ang araw na lubusang mapapawi ang kasamaan ng Israel at ng Juda, sapagkat patatawarin ko ang nalabi na aking iniligtas.”
Ang Hatol ng Diyos sa Babilonia
21 Ang sabi ni Yahweh, “Salakayin ninyo ang lupain ng Merataim; pati ang mga taga-Pekod, patayin at lipulin ninyo silang lahat; gawin ninyo ang lahat ng iniutos ko sa inyo. 22 Narinig sa buong lupain ang ingay ng digmaan at ang matinding pagwasak. 23 Ang Babilonia'y kinatakutan sapagkat pinukpok niya at dinurog ang mga bansa. Ngunit ngayon, ang pamukpok na iyon ay putol na at sira. Nagimbal ang mga bansa sa nangyari sa kanya. 24 Naghanda ka ng bitag para sa iyong sarili at ikaw ay nahulog, ngunit hindi mo alam. Natagpuan ka at nahuli, sapagkat lumaban ka kay Yahweh. 25 Binuksan ni Yahweh ang taguan ng mga sandata at inilabas ang mga sandata dahil sa kanyang poot; sapagkat may gagawin si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, sa lupain ng Babilonia. 26 Paligiran ninyo siya at salakayin! Buksan ninyo ang kanyang mga kamalig, ibunton ang mga nasamsam. Lipulin ninyo sila at huwag magtitira kahit isa.
27 “Patayin ninyo ang lahat ng kanyang mandirigma. Kahabag-habag sila, sapagkat dumating na ang araw, ang panahon ng pagpaparusa sa kanila.”
28 Naririnig ko ang yabag ng mga tumatakas mula sa lupain ng Babilonia upang ipahayag sa Zion ang paghihiganti ni Yahweh para sa kanyang templo. 29 Sabi(J) ni Yahweh, “Tawagin ninyo ang lahat ng mamamana upang salakayin ang Babilonia. Magkuta kayo sa palibot niya; huwag ninyong pabayaang may makatakas. Gantihan ninyo siya ayon sa kanyang ginawa, gawin sa kanya ang lahat ng kanyang ginawa; sapagkat buong pagmamalaki niyang sinuway si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel. 30 Kaya nga, mabubuwal sa kanyang mga lansangan ang mga kabataang lalaki, lilipulin sa araw na iyon ang lahat ng kanyang mandirigma.”
31 Sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, “Ako'y laban sa iyo sapagkat ikaw ay palalo; dumating na ang araw ng pagpaparusa sa iyo. 32 Ang palalo'y madadapa at babagsak, at walang magbabangon sa kanya. Susunugin ko ang iyong mga lunsod, at tutupukin nito ang lahat ng nasa palibot mo.”
33 Ganito ang sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Magkasamang inapi ang mga taga-Israel at mga taga-Juda; hawak silang mahigpit ng mga bumihag sa kanila at ayaw silang palayain. 34 Ngunit makapangyarihan ang kanilang Manunubos; ang pangalan niya'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, siya ang makikipaglaban para sa kanila upang bigyan sila ng kapayapaan. Ngunit kaguluhan ang ipadadala niya sa mga mamamayan ng Babilonia.” 35 Sinasabi ni Yahweh, “Nakaamba ang isang tabak laban sa mga hukbo ng Babilonia, laban sa naninirahan sa Babilonia at sa kanyang mga pinuno at mga matatalino. 36 Ito'y nakaamba sa kanyang mga bulaang propeta, at naging mga mangmang sila. Ito'y nakaamba sa kanyang mga mandirigma, upang lipulin sila! 37 Nakaamba ang tabak laban sa kanyang mga kabayo at sa mga karwahe at sa lahat ng hukbo upang panghinaan sila ng loob. Ang lahat ng kanyang kayamanan ay sasamsamin! 38 Matutuyo ang lahat ng kanyang katubigan. Sapagkat ito'y lupain ng mga diyus-diyosan, na luminlang sa mga tao.
39 “Kaya(K) nga, ang maninirahan doon ay mababangis na hayop at mga asong-gubat, gayon din ang mga dambuhalang ibon. Wala nang taong maninirahan doon habang panahon, at hindi na ito pamamayanan ng alinmang lahi. 40 Kung(L) paanong winasak ng Diyos ang Sodoma at Gomorra, at ang mga lunsod na karatig nila, sinasabi ni Yahweh na wala nang maninirahan doon, o makikipamayan sa kanya.
41 “Masdan mo, may dumarating mula sa hilaga;
isang bansang makapangyarihan.
Maraming hari ang nagbabangon mula sa malayong panig ng daigdig.
42 May mga dala silang busog at sibat,
sila'y malulupit at walang habag.
Nakasakay sila sa mga kabayo.
Ang kanilang mga yabag ay parang ugong ng dagat.
Nakahanda sila laban sa Babilonia.
43 Nabalitaan na ng hari ng Babilonia ang tungkol sa kanila,
at siya'y nanlupaypay;
sinaklot siya ng pagkabalisa,
at ng sakit na tulad ng nararamdaman ng isang babaing manganganak.
44 “Masdan mo, gaya ng isang leong lumalabas sa kagubatan ng Jordan upang sumalakay sa isang matibay na kulungan ng mga tupa, bigla ko silang itataboy. At pipili ako ng mangunguna sa bansa. Wala akong katulad. Wala akong kapantay. Walang haring makakalaban sa akin. 45 Kaya, pakinggan ninyo ang binabalak ni Yahweh laban sa Babilonia at sa mga mamamayan nito: Ang mga batang tupa sa kawan ay aagawin, masisindak sa mangyayari sa kanila ang kanilang mga pastol. 46 Mayayanig ang lupa sa ingay ng pagbihag sa Babilonia, at ang kanyang pagtangis ay maririnig ng mga bansa.”
Karagdagang Parusa sa Babilonia
51 Sinabi ni Yahweh, “Makinig kayo, magpapadala ako ng isang tagapagwasak ng Babilonia at ng mga hukbo nito. 2 Magsusugo ako sa Babilonia ng mga dayuhang wawasak dito na tulad sa malakas na hanging tumatangay sa ipa. Sa araw na iyon ng kanyang kapahamakan, iiwan nilang walang laman ang lupain paglusob nila mula sa lahat ng panig. 3 Huwag ninyong hayaang mahatak ng mamamana ang kanyang busog, o maisuot ang kanyang kasuotang pandigma. Huwag ninyong paliligtasin ang sinuman sa mga binata; lipulin ninyo ang lahat ng kawal. 4 Bayaan ninyong mahandusay sila sa lansangan ng Babilonia; patay at mga sugatan sa gitna ng lansangan. 5 Sapagkat ang Israel at ang Juda ay hindi pinabayaan ng kanilang Diyos na si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat; subalit ang lupain nila ay punô ng kasalanan laban sa Banal na Diyos ng Israel. 6 Takasan ninyo ang Babilonia, iligtas ninyo ang inyong sarili, kung hindi'y makakasama kayo sa pagpaparusa sa kanyang kasalanan; sapagkat ito'y panahon ng paghihiganti ni Yahweh, at ipalalasap sa kanya ang ganap niyang kaparusahan. 7 Ang(M) Babilonia ay isang gintong kopa sa kamay ni Yahweh, upang lasingin ang buong sanlibutan. Ininom ng mga bansa ang kanyang alak, kaya sila'y nalasing. 8 Bigla ang pagbagsak at pagkasira ng Babilonia. Iyakan ninyo siya. Kumuha kayo ng panlunas para sa kanyang sugat; baka siya'y gumaling pa. 9 Gagamutin(N) sana namin ang Babilonia, ngunit huli na ang lahat. Iwan na natin siya at magsiuwian na tayo sa ating mga bayan; sapagkat abot na hanggang langit ang kanyang kapahamakan.”
10 Tayo'y pinawalang-sala ni Yahweh; halikayo, ipahayag natin sa Zion ang ginawa ng ating Diyos.
11 Ihasa ang mga pana, ihanda ang mga kalasag.
Ginising ni Yahweh ang damdamin ng mga hari ng Media sapagkat balak niyang wasakin ang Babilonia, bilang paghihiganti ni Yahweh dahil sa pagwasak sa kanyang Templo. 12 Itaas ninyo ang watawat laban sa mga kuta ng Babilonia. Higpitan ninyo ang pagbabantay; magtakda kayo ng mga bantay. Humanda kayong sumalakay, sapagkat binalak at ginawa ni Yahweh ang sinabi niya tungkol sa Babilonia. 13 Kayong(O) naninirahan sa tabi ng maraming ilog, na sagana sa kayamanan, dumating na ang inyong wakas; tiyak na ang inyong kasasapitan. 14 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay sumumpa; ang sabi niya: “Ang Babilonia ay ipasasalakay ko sa makapal na tao tulad ng mga umaatakeng balang; at isisigaw nila ang tagumpay laban sa iyo.”
Awit ng Pagpupuri
15 Ang Diyos ang lumikha ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Inayos niya ang daigdig ayon sa kanyang karunungan;
iniladlad niya ang mga langit ayon sa kanyang kaunawaan.
16 Sa dagundong ng kanyang tinig, umuugong ang tubig sa kalangitan;
pinaiilanlang niya ang mga hamog mula sa mga sulok ng sanlibutan.
Pinakikislap niya ang mga kidlat sa gitna ng ulan,
at pinalalabas niya sa taguan ang mga hangin.
17 Sa ganitong kalagayan ay magiging mangmang at walang kaalaman ang lahat ng tao.
Bawat panday ay inilalagay sa kahihiyan ng nililok niyang diyus-diyosan;
sapagkat hindi tunay na diyos at walang buhay ang kanyang ginawa.
18 Walang kabuluhan ang mga iyon, at dapat sumpain
malilipol sila pagdating ng araw ng pagpaparusa sa kanila.
19 Ang Diyos ni Jacob ay hindi gaya ng mga ito;
sapagkat siya ang lumikha ng lahat,
at ang Israel ang hinirang niya;
Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang pangalan niya.
Ang Martilyo ni Yahweh
20 Ikaw ang aking martilyo at sandatang pandigma;
sa pamamagitan mo'y dudurugin ko ang mga bansa;
sa pamamagitan mo'y ibabagsak ko ang mga kaharian.
21 Sa pamamagitan mo'y aking wawasakin ang mga hukbong nakakabayo,
at ang mga hukbong nakakarwahe,
22 ang lalaki at ang babae,
ang bata at ang matanda,
ang binata at ang dalaga,
23 ang pastol at ang kawan,
ang magsasaka at ang katulong na mga baka,
ang mga tagapamahala at ang mga kinatawan.
Ang Parusa sa Babilonia
24 “Paparusahan ko sa harap ninyo ang Babilonia at ang mga mamamayan nito dahil sa mga kasamaang ginawa niya sa Zion,” sabi ni Yahweh. 25 “Ako'y galit sa iyo, ikaw na mapangwasak na bundok. Winasak mo ang buong sanlibutan. Paparusahan kita. Gugulong kang pababa mula sa kabatuhan, at gagawin kitang bundok na tinupok. 26 Walang batong makukuha sa iyo upang gawing panulok, o kaya'y pundasyon. Sa halip, mananatili kang wasak habang panahon. 27 Itaas ninyo sa lupain ang isang bandila, iparinig ninyo sa mga bansa ang pag-ihip ng trumpeta. Pahandain ang mga bansa para digmain siya; tawagin ang mga kahariang laban sa kanya—ang Ararat, ang Mini at ang Askenaz. Pumili kayo ng pinuno laban sa kanya, magpadala kayo ng mga kabayo na kasindami ng mga uod na nagiging balang. 28 Humanda sa paglaban sa kanya ang mga bansa, ang mga hari sa Medo, kasama ang kanilang mga pinuno't kinatawan, at ang bawat lupaing nasasakupan nila. 29 Nanginginig at namimilipit sa sakit ang lupain, sapagkat hindi nagbabago ang pasya ni Yahweh laban sa Babilonia. Sisirain niya ang lupaing ito; wala nang maninirahan dito. 30 Tumigil na sa pakikipaglaban ang mga mandirigma ng Babilonia, at nanatili sa kanilang kuta. Sila'y pinanghinaan na ng loob na parang mga babae. Sinunog na ang kanilang mga tahanan, nawasak na ang kanilang mga pintuan. 31 Nagkakasalubong sa pagtakbo ang mga inutusan. Sinasalubong ng isang sugo ang kanyang kapwa sugo. Sasabihin nila sa hari ng Babilonia na nasakop na ang lahat ng panig ng kanyang lunsod. 32 Naagaw ang mga tawiran. Sinunog ang mga kuta. Sindak na sindak ang mga kawal. 33 Ang Babilonia ay parang giikang niyayapakan. Sandali na lamang at darating na ang panahon ng pag-ani sa kanya.”
34 Ang Jerusalem ay kinatay at nilamon ng Babilonia. Ginawa niya itong parang sisidlang walang laman. Para siyang dambuhala at ako'y nilulon. Kinuha ang magustuhan at itinapon ang iba. 35 Sabihin ninyong mga taga-Zion, “Mangyari sa Babilonia ang karahasang ginawa niya sa amin.” Sabihin naman ninyong mga taga-Jerusalem, “Pananagutan niya ang paghihirap na tiniis namin.”
Tutulungan ni Yahweh ang Israel
36 Kaya sinabi ni Yahweh sa Jerusalem, “Ipagtatanggol kita at ipaghihiganti. Tutuyuin ko ang kanyang dagat at bukal. 37 Wawasakin ko ang Babilonia. Ito'y gagawing tirahan na lang ng mga asong-gubat, magiging isang katatakutan at tampulan ng paghamak. Wala na ring maninirahan doon. 38 Sila'y uungal na parang mga leon. 39 At dahil sila'y mga ganid, ipaghahanda ko sila ng isang handaan, at lalasingin ko, hanggang mawalan sila ng malay; mahimbing sa pagtulog habang panahon, at hindi na magising.” 40 Dadalhin ko silang gaya ng mga tupang patungo sa katayan, at gaya rin ng mga lalaking tupa at barakong kambing.
Ang Pagkawasak ng Babilonia
41 “Nasakop ang Babilonia, naagaw ang lupaing hinahangaan ng buong sanlibutan. Nakakapangilabot tingnan ang kinasapitan niya! 42 Tumaas ang tubig ng dagat at natabunan ng nagngangalit na alon ang Babilonia. 43 Kinatakutan ang kanyang mga lunsod. Natuyo ang kanyang lupain na parang disyerto; ayaw panirahan, o daanan man ng sinumang tao. 44 Paparusahan ko si Bel, ang diyos ng Babilonia, at dudukutin sa kanyang bibig ang mga nalulon niya. Hindi na siya pupuntahan ng mga bansa. Bumagsak na ang pader ng Babilonia. 45 Bayan ko, lisanin ninyo siya! Iligtas ng bawat isa ang kanyang sarili mula sa matinding galit ni Yahweh! 46 Huwag manghina ang inyong loob, at huwag kayong matakot sa balitang kumakalat sa lupain; may mapapabalita sa loob ng isang taon, iba't iba bawat taon. Balita tungkol sa karahasan o mga pinuno laban sa pinuno. 47 Kaya darating ang panahon na paparusahan ko ang mga diyus-diyosan ng Babilonia. Mapapahiya ang buong lupaing ito, at mapapatay ang lahat ng mamamayan niya. 48 Kung(P) magkagayon, ang langit at ang lupa at lahat ng naroroon ay aawit sa kagalakan dahil sa Babilonia; sapagkat sasalakayin siya ng mga tagawasak mula sa hilaga,” sabi ni Yahweh. 49 “Dapat(Q) ibagsak ang Babilonia bilang kapalit ng mga napatay sa Israel; sapagkat ang Babilonia ang dahilan ng mga napatay sa buong sanlibutan.”
Ang Mensahe ng Diyos para sa mga Israelita sa Babilonia
Sinabi ni Yahweh sa mga Israelita na bihag sa Babilonia, 50 “Kayong nakaligtas sa kamatayan, magpatuloy kayo at huwag kayong titigil! Alalahanin ninyo si Yahweh kung kayo'y nasa malayong lugar na, gayundin ang Jerusalem. 51 Kami'y napahiya dahil nakarinig kami ng paghamak. Nalagay kami sa kahiya-hiyang katayuan sapagkat dumating ang mga dayuhan at pumasok sa banal na dako sa bahay ni Yahweh. 52 Makikita ninyo, darating ang panahong paparusahan ko ang kanyang mga diyus-diyosan; maririnig ang daing ng mga sugatan sa buong lupain. 53 Kahit na maabot ng Babilonia ang langit, kahit tibayan niya ang kanyang kuta, darating pa rin ang wawasak sa kanya.”
Iba pang Kapahamakang Sinapit ng Babilonia
54 Sinabi pa ni Yahweh,
“Pakinggan ninyo ang iyakan mula sa Babilonia,
ang panaghoy dahil sa kanyang pagkawasak.
55 Sapagkat ginigiba ni Yahweh ang Babilonia,
at pinatatahimik ang kanyang malakas na sigaw.
Ang kanyang mga alon ay parang ugong ng malakas na tubig,
matining ang alingawngaw ng kanilang tinig.
56 Sumalakay na sa Babilonia ang tagawasak.
Binihag ang kanyang mga mandirigma.
Pinagbabali ang kanilang mga pana
sapagkat si Yahweh ay Diyos na gumaganti,
magbabayad siya nang buo.
57 Lalasingin ko ang kanyang mga pinuno at mga matatalino,
ang kanyang mga tagapamahala, tagapag-utos at mandirigma.
Mahihimbing sila habang panahon at hindi na magigising.”
Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
58 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Ang malawak na pader ng Babilonia ay mawawasak
at masusunog ang matataas niyang pintuang-bayan.
Nagpapakahirap sa walang kabuluhan ang mga tao.
Pinapagod nila ang kanilang sarili para mauwi lamang sa apoy.”
Ang Mensahe ni Jeremias para sa Babilonia
59 Ito naman ang iniutos ng Propeta Jeremias sa punong eunuko na si Seraias, ang anak ni Nerias at apo ni Maasias, nang siya'y magpunta sa Babilonia, kasama ni Haring Zedekias ng Juda, noong ikaapat na taon ng paghahari nito. 60 Itinala ni Jeremias sa isang kasulatan ang lahat ng kapahamakang darating sa Babilonia, at lahat ng bagay na nasulat tungkol dito. 61 Ang sabi ni Jeremias kay Seraias: “Basahin mong lahat ang nakasulat dito pagdating mo sa Babilonia. 62 Pagkatapos ay sabihin mo, ‘Yahweh, sinabi mong ang lupaing ito'y iyong wawasakin. Wala nang maninirahan dito, maging tao o hayop, at mananatili itong wasak habang panahon.’ 63 Pagkabasa(R) mo sa kasulatang ito, itali mo sa isang bato at ihagis sa gitna ng Ilog Eufrates, 64 sabay ang pagsasabing, ‘Gayon lulubog ang Babilonia, at hindi na lilitaw, dahil sa parusang ipadadala ko sa kanya.’” Hanggang dito ang mga pahayag na natipon ni Jeremias.
Ang Kasaysayan ng Pagbagsak ng Jerusalem(S)
52 Si Zedekias ay dalawampu't isang taóng gulang nang maging hari sa Juda, at labing-isang taóng naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina'y si Hamutal, anak ni Jeremias ng Libna. 2 Tulad ng masamang ginawa ni Jehoiakim, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 3 Nagalit si Yahweh sa Jerusalem at sa Juda kaya sila'y itinakwil niya. At si Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia.
4 Noong(T) ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, ikasampung araw ng ikasampung buwan, sumalakay sa Jerusalem ang buong hukbo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Kinubkob nila iyon, at nagtayo sila ng mga toreng bantayan sa palibot. 5 Ang pagkubkob ay tumagal hanggang sa ika-11 taon ng paghahari ni Zedekias. 6 Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taóng iyon, 7 nagkaroon(U) ng matinding taggutom sa lunsod. Walang makain ang mga mamamayan. Nang makita ito ni Haring Zedekias, gumawa sila ng butas sa pader ng lunsod at tumakas nang gabing iyon kasama ang mga sundalo. Dumaan sila sa pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng hari. Nakatakas sila patungong Araba, kahit napapaligiran ng mga hukbo ng Babilonia ang buong lunsod. 8 Ngunit hinabol ng hukbo ng Babilonia ang hari, at inabutan si Zedekias sa kapatagan ng Jerico; nagkawatak-watak ang kanyang mga kasama at iniwan siya. 9 Binihag ang hari at dinala sa hari ng Babilonia na noo'y nasa Ribla, sa lupain ng Hamat. Doon siya hinatulan. 10 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekias sa harapan niya. Pinatay rin sa Ribla ang lahat ng pinuno ng Juda. 11 Pagkatapos,(V) dinukit ng hari ang mga mata ni Zedekias, ginapos, dinala sa Babilonia, at ibinilanggo hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
Giniba ang Templo(W)
12 Noong ikasampung araw ng ikalimang buwan, ng ikalabing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, si Nebuzaradan, kapitan ng mga bantay ng hari, ay nagpunta sa Jerusalem. 13 Sinunog(X) niya ang Templo ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at lahat ng mga bahay doon, pati ang mga tahanan ng mga kilalang tao. 14 Ang pader sa palibot ng Jerusalem ay iginuho ng mga sundalo ng Babilonia sa pangunguna ng kapitan ng mga bantay. 15 Binihag ni Nebuzaradan ang mga taong nalabi sa lunsod, ang mga tumakas patungo sa hari ng Babilonia at ang mga nalabi sa mga manggagawa. 16 Subalit iniwan niya ang ilan sa pinakamahihirap sa lupain upang magtrabaho sa mga ubasan at bukirin.
17 Sinira(Y) nilang lahat ang mga haliging tanso sa Templo ni Yahweh, pati ang tuntungan at ang malaking lalagyan ng tubig na tinatawag na dagat-dagatang tanso, at dinala nila sa Babilonia ang mga tinunaw na tanso. 18 Kinuha rin nila ang mga palayok, pala, gunting, mangkok, kutsara at lahat ng sisidlang tanso na gamit sa paglilingkod sa Templo. 19 Kinuha rin ng kapitan ng mga bantay ang mga kopa, apuyan, mangkok, palayok, kandelero, kutsara at tasang yari sa ginto at pilak. 20 Hindi na makayang timbangin ang tanso ng dalawang haligi, ng dagat-dagatang nasa ilalim ng tuntungan, at ng labindalawang hugis-bakang tuntungan. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon para sa bahay ni Yahweh. 21 Ang isa sa mga haligi'y walong metro ang taas at lima't kalahating metro ang bilog. Walang laman ang loob nito ngunit apat na daliri ang kapal ng tanso niyon. 22 Ito'y may kapitel na tanso rin, dalawa't kalahating metro ang taas. May palamuti itong parang lambat at mga prutas na granada sa palibot. Ang lahat ng ito'y yari sa tanso. Ang isa pang haligi, na may mga palamuti ring granada ay kahawig ng unang haligi. 23 May siyamnapu't anim na lahat ang palamuting granada na nakikita, ngunit isandaang lahat ang nagawa na makikita sa buong palibot.
Binihag ang mga Taga-Juda at Dinala sa Babilonia(Z)
24 Kinuha ng kapitan ng mga bantay ang punong paring si Seraias, at si Zepanaias, ang pangalawang pari, pati ang tatlong pinuno sa Templo. 25 Kumuha rin siya sa lunsod ng isang pinuno na mamamahala sa mga mandirigma, pitong lalaki sa konseho ng hari na naroon pa sa lunsod, isang kalihim ng kapitan at siyang nagsasanay sa mga tao para sa pakikidigma, at may animnapung lalaking naroroon pa rin. 26 Sila'y dinala ni Nebuzaradan sa harapan ng hari ng Babilonia sa Ribla, na nasa lupain ng Hamat, 27 sila'y ipinahampas ng hari ng Babilonia saka ipinapatay. Gayon naging bihag at inalis sa sariling lupain ang taga-Juda.
28-30 Ito ang bilang ng mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia ni Nebucadnezar:
Noong ika-7 taon ng kanyang paghahari 3,023
Noong ika-18 taon ng kanyang paghahari 832 mula sa Jerusalem
Noong ika-23 taon ng kanyang paghahari 745 na dinalang-bihag ni Nebuzaradan
Lahat-lahat ay 4,600 katao.
31 Noong ikadalawampu't limang araw ng ikalabindalawang buwan, ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkakabihag ni Haring Jehoiakin ng Juda, pumalit na hari sa Babilonia si Evil-merodac. Naging mabuti ito kay Haring Jehoiakin ng Juda at pinalabas siya sa bilangguan; 32 pinakitaan ng kagandahang-loob, at binigyan pa ng katungkulang mas mataas kaysa mga haring kasama niya sa Babilonia. 33 Kaya't hinubad na ni Jehoiakin ang kanyang damit-bilanggo, at namuhay sa kalinga ng hari sa natirang mga taon ng kanyang buhay. 34 Araw-araw, ang kanyang pangangailangan ay ibinibigay ng hari ng Babilonia, habang siya'y nabubuhay, hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
Ang Pagdadalamhati ng Jerusalem
1 O(AA) anong lungkot ng lunsod na dating matao!
Siya na dating bantog sa buong mundo ngayo'y tulad na ng isang balo;
siya na dating pangunahing lunsod ngayon ay isa nang lingkod!
2 Buong kapaitan siyang umiiyak sa magdamag, ang mga mata'y laging luhaan;
lumayo na ang lahat at walang natira kahit isa upang umaliw sa kanya.
Ang dati niyang mga kaibigan ngayon ay naging mga kaaway na.
3 Ang mga taga-Juda'y nabihag at dumanas ng kalungkutan at sapilitang paglilingkod.
Sa pananahanan nila sa gitna ng mga bansa'y hindi man lamang sila makapagpahinga.
Napapaligiran sila ng mga kaaway, walang paraan para makatakas.
4 Malungkot ang mga landas patungong Jerusalem, pagkat wala nang dumadalo sa kanyang mga takdang kapistahan.
Wala nang nagdaraan sa kanyang mga pintuang-bayan; dumaraing at nagbubuntong-hininga ang kanyang mga pari,
pinagmamalupitan ang mga dalagang mang-aawit sa templo. Napakapait ng sinapit niya!
5 Naging panginoon niya ang kanyang mga kaaway,
pinapaghirap siya ni Yahweh dahil sa marami niyang kasalanan.
Wala na ang kanyang mga anak, sila'y dinalang-bihag ng kaaway.
6 Naparam na ang karangyaan ng Jerusalem.
Ang kanyang mga pinuno'y parang mga usang di makasumpong ng pastulan;
nanghihina na sa pag-iwas sa mga humahabol sa kanila.
7 Ngayong ang mga taga-Jerusalem ay nasa panahon ng pagdadalamhati at paggala, nagugunita nila ang maliligayang araw na nagdaan.
Nang mahulog sila sa kamay ng kaaway ay walang sinumang sa kanila'y umalalay;
nang sila'y bumagsak, sila'y kinutya ng mga sumakop sa kanila.
8 Mabigat ang nagawang kasalanan ng Jerusalem, kaya't siya'y naging katatawanan; itinatakwil na siya ng mga pumupuri noon sa kanya.
Sa matinding kahihiyan mukha'y tinakpan,
sa isang sulok nanaghoy na lamang.
9 Ang kanyang karumhan ay di maikakaila,
malagim ang kanyang pagbagsak at wala man lamang umaliw sa kanya.
Nagtagumpay ang kanyang mga kaaway at siya'y dumulog kay Yahweh.
10 Sinamsam ng mga kaaway ang lahat niyang kayamanan;
ang mga di-dapat pumasok na mga taga-ibang bayan,
ang banal na Templo'y kanilang nilapastangan.
11 Dumaraing ang lahat ng kanyang mamamayan sa paghahanap ng pagkain;
ipinagpapalit nila ng pagkain ang kanilang mga kayamanan para lamang mabuhay.
“Yahweh, masdan po ninyo kami. Mahabag ka sa aming kalagayan!”
12 “Wala ba kayong pakialam, mga nagdaraan?
Hirap na ganito'y inyo na bang naranasan?
Ito'y parusa ni Yahweh dahil sa kanyang matinding poot.
13 “Nagpababa siya ng apoy mula sa itaas; nanuot ito sa aking mga buto;
sa nilagay na bitag, doon ako'y nahulog,
isang matinding hirap sa aki'y pinalasap.
14 “Inipon niya ang lahat kong pagkakasala at ito'y ipinapasan sa akin;
dahil sa bigat nito'y unti-unting nauubos ang aking lakas.
Ako'y ibinigay ni Yahweh sa aking mga kalaban at aking sarili'y hindi ko man lang matulungan.
15 “Tinawanan lang ni Yahweh ang magigiting kong kawal.
Nagpadala siya ng isang hukbo upang lipulin ang mga kabataang lalaki.
Dinurog niya ang buong bayan, parang ubas sa pisaan.
16 “Dahil dito, hindi mapigil ang pagdaloy ng aking luha,
walang makaaliw sa akin ni makapagpalakas ng aking loob.
Nagtagumpay ang aking kalaban, kawawang mga anak, iniwan silang wasak.
17 “Ako'y nagpasaklolo ngunit walang tumulong sa akin,
inatasan ni Yahweh ang mga karatig-bansa upang ako'y gawing isang kawawa,
kaya ako'y nagmistulang maruming basahan.
18 “Nasa panig ng katuwiran si Yahweh, ako ang naghimagsik laban sa kanyang salita;
ngunit makinig kayo, mga bansa, at tingnan ninyo ang aking paghihirap;
binihag ang aking kadalagahan at kabinataan.
19 “Tinawag ko ang aking mga kakampi ngunit hindi nila ako tinulungan;
namatay ang aking mga pari at mga pinuno ng lunsod,
sa paghahanap ng pagkaing magpapanumbalik ng kanilang lakas.
20 “Masdan mo ako, O Yahweh, sapagkat labis akong nababagabag.
Naliligalig ang aking kaluluwa, ako'y lubhang naguguluhan, sapagkat naging mapaghimagsik ako.
Kabi-kabila ang patayan, sa loob at labas ng kabahayan.
21 “Pakinggan mo ang aking daing; walang umaaliw sa akin.
Natuwa pa nga ang mga kaaway ko sa ginawa mo sa akin.
Madaliin mo ang araw na iyong ipinangako, na sila'y magiging gaya ko rin.
22 “Hatulan mo sila sa kanilang kasamaan; pahirapan mo sila,
tulad ng pagpapahirap mo sa akin dahil sa aking mga pagsalangsang;
napapahimutok ako sa tindi ng hirap at para akong kandilang nauupos.”
by