Bible in 90 Days
Nanalangin si Nehemias para sa Jerusalem
1 Ito ang kasaysayan ng mga nagawa ni Nehemias na anak ni Hacalias. Noon ay ikasiyam na buwan, ng ikadalawampung taon ng paghahari ni Artaxerxes. Akong si Nehemias ay nasa Lunsod ng Susa, ang kabiserang lunsod, 2 nang dumating ang kapatid kong si Hanani, kasama ang isang pangkat ng mga lalaki mula sa Juda. Kinumusta ko sila tungkol sa Jerusalem at sa mga Judiong nagbalik sa Juda mula sa pagkabihag sa Babilonia.[a] 3 Sumagot sila, “Kawawa naman sila roon. Hinahamak at nilalait ng mga dayuhang nakatira malapit doon.” Sinabi nila na wasak pa ang mga pader ng Jerusalem at ang mga pintuan ng lunsod ay hindi pa nagagawa mula nang sunugin iyon.
4 Nang marinig ko ito, naupo ako at napaiyak. Ilang araw akong nagdalamhati at nag-ayuno. Nanalangin ako ng ganito sa Diyos ng kalangitan: 5 “O Yahweh, Diyos ng kalangitan, kayo ay dakila at nanginginig kami sa takot sa inyong presensya. Matapat ninyong tinutupad ang inyong tipan at wagas na pag-ibig sa mga nagmamahal sa inyo at tumutupad ng inyong mga utos. 6 Pagmasdan ninyo ako at pakinggan ang aking panalangin. Nananalangin ako sa inyo araw at gabi para sa bayang Israel na inyong lingkod. Inaamin ko pong nagkasala kami sa inyo, ako at ang aking mga ninuno. 7 Napakabigat ng aming kasalanan sa inyo! Hindi namin sinunod ang inyong Kautusan. Nilabag namin ang mga tuntuning ibinigay ninyo sa amin sa pamamagitan ng inyong lingkod na si Moises. 8 Sinabi(A) ninyo kay Moises, ‘Kung kayong mga Israelita ay tatalikod sa akin, ikakalat ko kayo sa iba't ibang mga bansa. 9 Subalit(B) kung manunumbalik kayo at tutupad sa aking mga utos, mapadpad man kayo sa pinakamalalayong lugar, titipunin ko kayong muli sa lupaing aking pinili upang sambahin ako roon.’ 10 Sila ang inyong mga lingkod at ang inyong bayan na tinubos sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan at lakas. 11 O Panginoon, pakinggan ninyo ang panalangin ko, at ng iba pang lingkod ninyo na nagnanais magparangal sa inyo. Pagtagumpayin po ninyo ako ngayon at loobin po ninyong kahabagan ako ng hari.”
Pumunta si Nehemias sa Jerusalem
Nang panahong iyon, ako ang namamahala sa mga inumin ng hari.
2 Isang araw ng unang buwan, ika-20 taon ng paghahari ni Artaxerxes, binigyan ko siya ng kanyang inuming alak. Noon lamang niya ako nakitang malungkot. 2 Tinanong niya ako, “Bakit ka nalulungkot? Tingin ko sa iyo'y wala ka namang sakit.” 3 Natakot(C) ako kaya sinabi ko sa hari, “Nawa'y ingatan kayo ng Diyos, habang panahon! Nalulungkot po ako sapagkat ang lunsod na pinaglibingan sa aking mga ninuno ay wasak at ang mga pintuan niyon ay natupok ng apoy.”
4 “Ano ngayon ang nais mo?” tanong ng hari.
Nanalangin ako sa Diyos ng kalangitan, at pagkatapos, 5 sinabi ko sa hari, “Kung pahihintulutan po ninyo ako, Kamahalan, nais kong umuwi sa Juda, upang itayong muli ang lunsod na pinaglibingan sa aking mga ninuno.”
6 Sinabi sa akin ng hari na noo'y katabi ng reyna, “Gaano ka katagal roon at kailan ka babalik?” Nagtakda ako ng panahon at malugod naman akong pinahintulutan.
7 Nakiusap ako sa hari na bigyan na rin niya ako ng mga liham para sa mga gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Ilog Eufrates upang paraanin ako patungong Juda. 8 Gumawa rin siya ng sulat para kay Asaf, ang tagapamahala ng kagubatan ng kaharian upang bigyan ako ng mga trosong gagamitin sa pintuan ng muog ng Templo, sa pader ng lunsod at sa bahay na aking titirhan. Ang lahat ng ito ay ginawa ng hari dahil sa kabutihan ng Diyos sa akin.
9 Nang ako'y umalis, pinasamahan pa ako ng hari sa mga pinuno ng hukbo at sa isang hukbong nakakabayo. Pagdaan ko sa mga gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Eufrates, iniabot ko sa kanila ang liham ng hari. 10 Nang malaman ni Sanbalat na Horonita at ni Tobias na isang opisyal na Ammonita na may dumating upang itaguyod ang kapakanan ng mga Israelita, sila'y lubos na nagalit.
Ang Muling Pagtatayo ng Pader
11 Dumating ako sa Jerusalem. Tatlong araw na ako roon ay 12 hindi ko pa ipinaalam kaninuman ang ipinagagawa sa akin ng Diyos tungkol sa Jerusalem. Sa gabi nang ikatlong araw, gumising ako at lumabas ng lunsod na may ilang kasama. Ang tanging hayop na dinala namin ay ang asnong aking sinasakyan. 13 Lumabas ako sa Pintuan ng Libis sa daang patungo sa Bukal ng Dragon hanggang sa pintuang papunta sa tapunan ng basura. Sinuri kong mabuti ang giba-gibang pader ng Jerusalem at ang mga nasunog nitong pintuan. 14 Nagpatuloy ako sa Pintuang Bukal hanggang sa Paliguan ng Hari. Pagdating doon, walang madaanan ang sinasakyan kong asno. 15 Kaya't naglakad ako patungong Libis at siniyasat ko ang pader. Pagkatapos ay muli akong pumasok sa Pintuan ng Libis pabalik. 16 Hindi alam ng mga pinuno kung saan ako nanggaling at kung ano ang aking ginawa. Wala pa rin akong sinasabi sa mga Judio—sa mga pari, mga pinuno, mga opisyal, at sa iba pang magkakaroon ng bahagi sa gawain.
17 Pagkatapos, sinabi ko sa kanila, “Nakikita ninyo ang kalunus-lunos na kalagayan ng ating bayan. Wasak ang Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito. Itayo nating muli ang pader ng lunsod upang mahango na tayo sa kahihiyan.” 18 At sinabi ko sa kanila kung paano ako pinagpala ng Diyos at kung ano ang sinabi sa akin ng hari.
“Kung gayon, simulan na natin ang pagtatayo,” ang sagot nila. Kaya't naghanda nga sila upang simulan ang gawain.
19 Ngunit nang malaman ito nina Sanbalat na Horonita at Tobias na isang opisyal na Ammonita, at maging si Gesem na taga-Arabia, pinagtawanan nila kami at hinamak, at sinabing, “Ano ang ginagawa ninyong iyan? Naghihimagsik ba kayo laban sa hari?”
20 Sinagot ko sila, “Pagtatagumpayin kami ng Diyos ng kalangitan, at kami na kanyang mga lingkod ay magsisimula nang magtayo. Ngunit kayo'y walang bahagi, karapatan o alaala man sa Jerusalem.”
Mga Parteng Ipinagagawa
3 Ganito muling itinayo ang nasirang pader ng lunsod. Ang pinakapunong pari na si Eliasib at ang mga kasamahan niyang pari ang muling nagtayo ng Pintuan ng mga Tupa. Binasbasan nila ito at pagkatapos ay nilagyan ng mga pinto. Binasbasan din nila ang pader hanggang sa Tore ng Sandaan, at sa Tore ni Hananel. 2 Ang kasunod na bahagi ay itinayo ng mga taga-Jerico. Si Zacur na anak ni Imri ang nagtayo ng kasunod na bahagi.
3 Ang gumawa ng Pintuan ng Isda ay ang angkan ni Hasenaa. Nilagyan nila ito ng mga posteng pahalang, mga pinto at mga bakal na pangkandado.
4 Ang kasunod na bahagi naman ay ginawa ni Meremot na anak ni Urias at apo naman ni Hakoz. Ang gumawa ng kasunod nito ay si Mesulam na anak ni Berequias at apo ni Mesezabel.
Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Zadok na anak ni Baana.
5 Ang kasunod na bahagi ay ginawa ng mga taga-Tekoa. Ngunit ang mga maharlika ay tumangging gawin ang mga iniatas ng mga namamahala.
6 Ang muling nag-ayos ng Pintuang Luma ay sina Joiada na anak ni Pasea at si Mesulam na anak ni Besodeias. Sila rin ang naglagay ng mga posteng pahalang, mga pinto at mga bakal na pangkandado.
7 Ang kasunod nito ay ginawa nina Melatias na taga-Gibeon at Jadon na taga-Meronot, at ng mga taga-Gibeon at Mizpa, hanggang sa tirahan ng gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Eufrates. 8 Ang kasunod na bahagi ay ginawa ni Uziel na platero, anak ni Harhaia.
Ang sumunod na bahagi hanggang sa Malapad na Pader ay ginawa ni Hananias na manggagawa ng pabango. 9 Ang kasunod na bahagi ay ginawa naman ng anak ni Hur na si Refaias, pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem.
10 Si Jedaias na anak ni Harumaf ang gumawa ng sunod na bahaging malapit sa kanyang bahay.
Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Hatus na anak ni Hasabneias.
11 Ang bahaging kasunod hanggang sa Tore ng mga Hurno ay ginawa ni Malquias na anak ni Harim at ni Hasub na anak naman ni Pahat-moab.
12 Ang kasunod nito ay ginawa ng anak ni Halohesh na si Sallum, pinuno ng isa pang kalahating distrito ng Jerusalem. Siya'y tinulungan ng kanyang mga anak na babae.
13 Ang Pintuan ng Libis hanggang sa pintuang papunta sa tapunan ng basura ay itinayo ni Hanun at ng mga taga-Zanoa. Sila rin ang nag-ayos ng mga pinto at ng mga bakal na pangkandado. May 450 metro ang haba ng pader na inayos nila.
14 Ang pintuang papunta sa tapunan ng basura ay inayos ng anak ni Recab na si Malquias, pinuno ng distrito ng Beth-hakerem. Siya rin ang naglagay ng mga pinto at ng mga bakal na pangkandado.
15 Ang nag-ayos ng Pintuan ng Bukal ay ang anak ni Colhoze na si Sallum,[b] pinuno ng distrito ng Mizpa. Binubungan niya ito at nilagyan ng mga pintuan at mga bakal na pangkandado. Inayos din niya ang pader ng Ipunan ng Tubig ng Sela, patungo sa halamanan ng hari hanggang sa makababa ng hagdanan mula sa Lunsod ni David.
16 Mula naman doon hanggang sa tapat ng libingan ni David, tipunan ng tubig at ng himpilan ng mga bantay, ang nag-ayos ay ang anak ni Azbuk na si Nehemias, pinuno ng kalahating distrito ng Beth-sur.
Ang mga Levitang Nagtayo ng Pader
17 Ito naman ang mga Levitang nagtayo ng mga kasunod na bahagi ng pader:
Si Rehum na anak ni Bani ang gumawa ng kasunod na bahagi.
Ang sumunod na bahagi ay ginawa ni Hashabias, pinuno ng kalahating distrito ng Keila.
18 Ang anak ni Henadad na si Bavai, pinuno ng kalahating distrito ng Keila ang siya namang gumawa ng kasunod na bahagi.
19 Ang gumawa naman ng kasunod na bahagi ay ang anak ni Jeshua na si Ezer, pinuno ng Mizpa. Siya ang gumawa ng bahaging paakyat hanggang sa tapat ng taguan ng mga sandata.
20 Ang anak ni Zabai na si Baruc ang gumawa ng kasunod na bahagi, mula sa taguan ng mga sandata hanggang sa pintuan ng bahay ni Eliasib na pinakapunong pari.
21 Ang kasunod na bahagi ay ginawa ng anak ni Urias at apo ni Hakoz na si Meremot. Ito'y umabot hanggang sa dulo ng bahay ni Eliasib.
Ang mga Paring Nagtayo ng Pader
22 Ang mga sumusunod na pari ay nagtayo rin ng mga kasunod na bahagi ng pader:
Ang mga pari sa paligid ng Jerusalem ang gumawa ng kasunod na bahagi.
23 Sina Benjamin at Hasub ang nag-ayos ng kasunod na bahagi na nasa harapan ng kanilang mga bahay.
Si Azarias na anak ni Maaseias at apo ni Ananias ang gumawa ng kasunod na bahagi sa tapat ng kanyang bahay. 24 Mula dito hanggang sa sulok ng pader ang nag-ayos naman ay si Binui na anak ni Henadad.
25-26 Ang kasunod na bahagi ng pader ay ginawa ni Palal na anak ni Uzai. Ito'y mula sa sulok ng pader at ng tore sa itaas ng palasyo, malapit sa bulwagan ng mga bantay.
Ang kasunod na bahagi naman ay ginawa ni Pedaia na anak ni Paros. Ito'y pasilangan hanggang sa tabi ng Pintuang Tubig at ng toreng nagsisilbing bantay sa Templo. Malapit ito sa Ofel na tirahan ng mga manggagawa sa Templo.
Ang Iba pang mga Manggagawa
27 Ang mga taga-Tekoa naman ang nag-ayos ng bahagi mula sa toreng nagsisilbing bantay sa Templo hanggang sa Pader ng Ofel.
28 Isang pangkat ng mga pari ang nag-ayos ng pader sa pahilaga mula sa Pintuan ng Kabayo. Ginawa ng bawat isa ang bahaging nasa tapat ng kanyang bahay.
29 Si Zadok na anak ni Immer ang gumawa ng bahaging nasa tapat ng kanyang tahanan.
Ang kasunod nito'y ginawa ng anak ni Secanias na si Semaias, tagapamahala ng Pintuang Silangan.
30 Si Hananias na anak ni Selemias at si Hanun, pang-anim na anak ni Zalaf ang gumawa naman ng kasunod na bahagi. Ito'y pangalawang bahagi na kanilang ginawa.
Si Mesulam na anak ni Berequias naman ang nag-ayos ng pader sa tapat ng kanyang bahay.
31 Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Malquias na isang platero. Ang ginawa niya'y umabot hanggang sa bahay ng mga katulong sa Templo at ng mga mangangalakal. Ang bahaging ito ay nasa tapat ng Pintuang Bantayan malapit sa silid na nasa itaas ng hilagang-silangang kanto ng pader. 32 Mula naman dito hanggang sa Pintuan ng mga Tupa, ang mga platero at mga mangangalakal ang nag-ayos ng pader.
Mga Masamang Balak Laban kay Nehemias
4 Nabalitaan ni Sanbalat na aming itinatayong muli ang pader. Nagalit siya at kinutya kaming mga Judio. 2 Sa harapan ng kanyang mga kasama at mga hukbo ng Samaria ay sinabi niya, “Ano kaya ang iniisip ng mga kawawang Judiong ito? Itayong muli ang Jerusalem sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga handog at gawin iyon sa loob ng isang araw? Akala ba nila'y magagamit pa nila ang mga nasunog at nadurog na bato roon?”
3 Sa tabi niya'y nagsalita naman si Tobias na Ammonita, “Ano bang klaseng pader ang gagawin ng mga Judiong iyan? Madaanan lamang iyon ng asong-gubat ay tiyak na guguho na!”
4 Sa narinig kong ito, ako ay nanalangin, “Tingnan mo kami O Diyos kung paano kami kinukutya! Mangyari sana sa kanila ang masamang hangad nila laban sa amin. Maubos nawa ang kanilang ari-arian at madala silang bihag sa ibang lupain. 5 Huwag mo silang patawarin at huwag mong kalimutan ang kanilang mga kasalanan, sapagkat hinamak nila kaming mga nagtatrabaho.”
6 Lalo kaming nagpatuloy sa pagtatayo ng pader, kaya't hindi nagtagal at nangalahati na ang taas nito dahil masigasig ang mga tao sa pagtatrabaho.
7 Nang mabalitaan nina Sanbalat, Tobias at ng mga taga-Arabia, Ammon at Asdod na halos mabuo na namin ang pader ng Jerusalem at ang mga butas nito ay natakpan na, lalo silang nagalit. 8 Nagkaisa silang salakayin ang Jerusalem upang kami'y guluhin. 9 Kaya nanalangin kami sa aming Diyos at nagtalaga kami ng mga bantay araw at gabi.
10 Ang mga taga-Juda ay may ganitong awit:
“Nanghihina kami sa bigat ng pasan,
at sobrang dami ng batong nabuwal.
Hindi namin kaya ang hirap na ito na itayo ang pader sa maghapong trabaho.”
11 Akala ng aming mga kaaway ay hindi namin sila makikita at hindi namin alam ang kanilang binabalak na pagsalakay. Iniisip nilang mapupuksa nila kami at mahihinto ang aming gawain. 12 Hindi nila alam na ang mga Judio na nakatirang kasama nila ay laging nagbabalita sa amin ng tungkol sa kanilang masamang balak.
13 Kaya't nagtalaga ako ng mga bantay sa ibaba, sa likod ng pader, at sa mga lugar na hindi pa tapos ang pader. Inilagay ko sila sa gawaing ito ayon sa kani-kanilang angkan. Binigyan ko sila ng iba't ibang sandata gaya ng espada, sibat at pana.
14 Binisita ko ang mga tao at sinabi ko sa mga pinuno at hukom at sa lahat ng naroon, “Huwag kayong matakot sa mga kaaway. Alalahanin nating dakila at kamangha-mangha si Yahweh. Ipagtanggol ninyo ang inyong mga kababayan, ang inyong mga anak, inyong mga asawa at mga tahanan.” 15 Nabalitaan ng mga kaaway na alam natin ang kanilang mga balak, at napag-isip-isip nilang hinahadlangan sila ng Diyos. Kaya ang lahat ay nagpatuloy sa paggawa ng pader.
16 Simula noon, kalahati na lamang ng aking mga tauhan ang gumagawa ng pader at ang kalahati naman ay nagbabantay. Ang mga bantay ay may dalang sibat, kalasag, pana at kasuotang bakal. Ang mga pinuno at mga pangunahing mamamayan ay nagbibigay ng kanilang lubusang tulong 17 sa gumagawa ng pader. Hawak sa isang kamay ng mga nagpapasan ang kanilang dala, at sandata naman ang hawak sa kabilang kamay. 18 Ang mga gumagawa sa pader ay may sariling espada na nakalagay sa kanyang baywang, at nasa tabi ko naman ang isang may hawak na trumpeta. 19 Sinabi ko sa mga pinuno, sa mga hukom at sa mga taong-bayan, “Malaki ang ating gawain at malalayo ang ating pagitan habang tayo'y nagtatrabaho, 20 kaya't tuwing maririnig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipun-tipon tayo sa kinatatayuan ko. Ipaglalaban tayo ng Diyos natin.”
21 At nagpatuloy kami sa pagtatrabaho araw-araw. Ang kalahati ay may dalang sibat mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglabas ng mga bituin. 22 Sinabi ko rin sa mga tao, “Lahat ng lalaki at mga alipin ay kailangang magpalipas ng gabi sa loob ng Jerusalem at maging handa sa anumang pagsalakay kung gabi at sa araw ay magtrabaho naman.” 23 Kaya't ako, ang aking mga kasamahan, mga tauhan, at mga bantay ay laging nakahanda at laging may hawak na sandata.
Pang-aapi sa Mahihirap
5 Dumating ang panahon na ang mga mamamayan, lalaki man o babae, ay nagreklamo laban sa kanilang kapwa Judio. 2 Sinabi ng ilan, “Malaki ang aming pamilya at kailangan namin ng trigong makakain upang mabuhay.” 3 Sinabi naman ng iba na nakapagsangla sila ng kanilang mga bukirin, ubasan at mga bahay, huwag lamang silang magutom. 4 May nagsasabi namang, “Nakapangutang kami makapagbuwis lamang sa hari para sa aming mga bukirin at ubasan. 5 Kami'y mga Judio rin at ang mga anak namin ay tulad din ng kanilang mga anak! Ngunit ipinapaalila namin ang aming mga anak. Sa katunayan, ang ilan sa mga anak naming babae ay naipagbili na namin para maging alipin. Wala kaming magawâ sapagkat ang aming mga bukirin at ubasan ay kinamkam na sa amin.”
6 Labis akong nagalit nang marinig ko ang mga reklamong ito. 7 Nagpasya(D) akong harapin ang mga pinuno at mga hukom. Pinaratangan ko sila ng ganito: “Ano't nagawa ninyong magpautang nang may tubo sa inyong mga kababayan?”
Kaya't tinipon ko ang mga tao sa isang pangkalahatang pulong. 8 Sinabi ko, “Sinikap nating mapalaya ang ating kapwa-Judio na naipagbili sa ibang bansa. Ngayon nama'y kayo ang nanggigipit sa kanila upang ipagbili ang kanilang sarili sa inyo na mga kapwa nila Judio!” Hindi makapagsalita ang mga pinuno. 9 “Mali ang inyong ginagawa,” patuloy ko. “Dapat kayong matakot sa Diyos at gumawa nang mabuti upang hindi tayo hamakin ng mga pagano. 10 Ang mga kababayan nating nagigipit ay pinahiram ko na ng salapi at pagkain. Ganoon din ang ginawa ng aking mga kamag-anak at mga tauhan. Huwag na natin silang pagbayarin ng interes ng kanilang pagkakautang. 11 Ngayon di'y ibalik ninyo ang mga bukirin at ubasan sa mga may utang sa inyo, pati ang kanilang mga taniman ng olibo, at tahanan. Ibalik din ninyo ang naging interes ng perang ipinahiram ninyo, gayundin ang mga trigo, alak at langis na ipinahiram ninyo sa kanila.”
12 “Ibabalik namin ang lahat ng iyon sa kanila,” sagot nila. “Hindi na namin sila sisingilin. Tutuparin namin ang hinihingi mo.” Ipinatawag ko ang mga pari at pinanumpa sa harap nila ang mga pinuno upang tuparin ng mga ito ang kanilang pangako. 13 Ipinagpag ko ang aking kasuotan at sinabi ko, “Ganyan nawa ang gawin ng Diyos sa mga ari-arian ng mga taong hindi tumupad sa kanyang pangako. Ipagpag din sana silang tulad nito at maghirap.”
Lahat ng naroo'y sumang-ayon at sinabi, “Mangyari nawa ang sinabi ninyo.” Pinuri nila si Yahweh at tinupad ng mga tao ang kanilang pangako.
Si Nehemias ay Hindi Makasarili
14 Sa loob ng labindalawang taon na naglingkod ako bilang gobernador ng Juda, mula nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaxerxes hanggang ika-32 taon, ako, ni ang aking mga kamag-anak ay hindi kumain ng pagkaing nauukol sa gobernador. 15 Ang mga naunang gobernador sa Juda ay naging pabigat sa mga tao na hinihingan nila ng pagkain at ng alak bukod pa sa apatnapung pirasong pilak. Maging ang mga katulong nila'y katulong din sa pagpapahirap. Ngunit hindi ko ginawa iyon, sapagkat ako'y may takot sa Diyos. 16 Ginawa ko ang lahat upang muling maitayo ang pader sa tulong ng aking mga tauhan. Hindi ako naghangad ng anumang ari-arian. 17 Ako'y laging nagpapakain ng 150 panauhing Judio, gayundin ng aming mga pinuno bukod sa mga taong dumarating mula sa mga malalapit na bansa. 18 Araw-araw ay nagpapakatay ako ng isang toro, anim na matatabang tupa, at maraming manok at tuwing ikasampung araw ay naglalabas ako ng maraming alak. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi ko pa rin kinuha ang pagkaing nauukol sa gobernador, sapagkat alam kong ang mga tao'y naghihirap. 19 Alalahanin mo ako, O Diyos, sa lahat ng aking ginawa alang-alang sa sambayanang ito.
Masamang Balak kay Nehemias
6 Nabalitaan nina Sanbalat, Tobias at ni Gesem na taga-Arabia, pati ng iba naming mga kaaway, na naitayo ko na ang pader at wala na itong butas bagaman hindi ko pa nailalagay ang mga pinto nito. 2 Inanyayahan ako nina Sanbalat at Gesem na makipag-usap sa kanila sa isang nayon sa Kapatagan ng Ono. Alam kong may masama silang balak sa akin. 3 Kaya't nagpadala ako ng mga sugo para sabihin sa kanila, “Mahalaga ang aking ginagawa rito kaya hindi ako makakapunta riyan. Hindi ko maaaring ipatigil ang trabaho rito para makipagkita lamang sa inyo.” 4 Apat na beses nila akong inanyayahan at apat na beses ko rin silang tinanggihan. 5 Sa ikalimang pagkakataon ay inanyayahan akong muli ni Sanbalat sa pamamagitan ng isang bukás na liham na 6 ganito ang mensahe:
“Balitang-balita sa iba't ibang bansa at pinapatunayan ni Gesem[c] na ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak maghimagsik, kaya itinatayo mong muli ang pader. May balita pang gusto mong maging hari. 7 Sinasabi pang may mga propeta kang inutusan upang ipahayag sa Jerusalem na ikaw na ang hari ng Juda. Tiyak na alam na ito ng hari, kaya pumarito ka agad at pag-usapan natin ang bagay na ito.”
8 Ito naman ang sagot ko, “Walang katotohanan ang mga pinagsasasabi mo. Gawa-gawa mo lamang ang mga iyan.” 9 Tinatakot nila kami upang itigil ang gawain. Nanalangin ako, “O Diyos, palakasin po ninyo ako.”
10 Minsan ay dinalaw ko si Semaya na anak ni Delaias at apo ni Mehetabel, sapagkat hindi siya makaalis sa kanyang bahay. Sinabi niya sa akin, “Halika. Pumunta tayo doon sa Templo, sa tahanan ng Diyos, at doon ka magtago. Sapagkat anumang oras ngayong gabi ay papatayin ka nila.”
11 Ngunit sumagot ako, “Hindi ako ang lalaking tumatakbo o nagtatago! Akala mo ba'y magtatago ako sa Templo para iligtas ang aking sarili? Hindi ko gagawin iyon.”
12 Napag-isip-isip kong hindi isinugo ng Diyos si Semaya. Binayaran lamang siya nina Sanbalat at Tobias upang ako'y bigyan niya ng babala. 13 Sinuhulan lamang nila siya upang takutin ako at itulak sa pagkakasala. Sa ganoong paraan, masisira nila ang aking pangalan at ilagay ako sa kahihiyan.
14 Nanalangin ako, “O Diyos, parusahan po ninyo sina Tobias at Sanbalat sa ginawa nila sa akin. Gayundin po ang gawin ninyo kay Noadias, ang babaing propeta at iba pang mga propeta na nagtangkang takutin ako.”
Natapos ang Trabaho
15 Pagkaraan ng limampu't dalawang araw na paggawa, natapos ang pader noong ikadalawampu't limang araw ng ikaanim na buwan. 16 Nang mabalitaan ng aming mga kaaway sa mga bansang nakapaligid na tapos na ang aming trabaho, napahiya sila at napag-isip-isip nilang ito'y nagawa namin dahil sa tulong ng aming Diyos.
17 Nang panahong iyon, nagsusulatan sina Tobias at ang mga pinuno sa Juda. 18 Maraming taga-Juda ang pumanig sa kanya sapagkat siya'y manugang ng Judiong si Secanias na anak ni Arah. Bukod dito, napangasawa ng anak niyang si Jehohanan ang anak na dalaga ni Mesulam na anak ni Berequias. 19 Sa harapan ko'y lagi nilang pinupuri ang ginawa ni Tobias at lagi nilang ibinabalita sa kanya ang aking sinasabi. At patuloy siyang nagpapadala ng sulat sa akin upang ako'y takutin.
Naglagay ng mga Pinuno sa Jerusalem
7 Natapos ang pader ng lunsod at naikabit na ang mga pintuan nito. May itinalaga na ring mga bantay, mga mang-aawit, at mga Levita. 2 Pagkatapos nito, ang Jerusalem ay inilagay ko sa pamamahala ng dalawang kalalakihan, si Hanani na aking kapatid at si Hananias na pinuno ng mga bantay sa kuta. Si Hananias ay mapagkakatiwalaan at malaki ang takot sa Diyos kaysa iba. 3 Iniutos kong ang mga pintuan ng Jerusalem ay bubuksan lamang kapag mataas na ang araw, isasara at ikakandado agad paglubog ng araw bago magpahinga ang mga bantay. Iniutos ko ring maglagay sila ng mga bantay-pintuan na taga-Jerusalem. Itinalaga nila ang ilan sa mga ito sa mga bantayan at ang iba nama'y sa malapit sa kani-kanilang bahay.
Ang Listahan ng mga Bumalik Mula sa Pagkabihag(E)
4 Bagama't malaki ang lunsod ng Jerusalem, kakaunti pa lamang ang mga tao dito at hindi pa nagagawang lahat ang mga bahay. 5 Pinangunahan ako ng Diyos upang tipunin ang mga tao at ang kanilang mga pinuno at mga hukom para suriin ang listahan ng kanilang mga angkan. Natagpuan ko ang listahan ng mga angkan na unang nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonia. 6 Ito ang mga Judiong nabihag ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at muling nakabalik sa Jerusalem at sa kani-kanilang bayan sa Juda: 7 Ang mga pinuno nila ay sina Zerubabel, Josue, Nehemias, Azarias, Raamias, Nahamani, Mordecai, Bilsan, Misperet, Bigvai, Nehum at Baana. 8-25 Ito ang listahan ng mga angkan ng Israel at ng bilang ng bawat angkan na bumalik mula sa pagkabihag:
Angkan | Bilang |
---|---|
Paros | 2,172 |
Sefatias | 372 |
Arah | 652 |
Pahat-moab na mula sa angkan ni Jeshua at Joab | 2,818 |
Elam | 1,254 |
Zatu | 845 |
Zacai | 760 |
Binui | 648 |
Bebai | 628 |
Azgad | 2,322 |
Adonikam | 667 |
Bigvai | 2,067 |
Adin | 655 |
Ater na tinatawag ding Hezekias | 98 |
Hasum | 328 |
Bezai | 324 |
Harif | 112 |
Gibeon | 95 |
26-38 Ito naman ang listahan ng mga bumalik ayon sa bayang pinagmulan ng kanilang mga ninuno:
Bayan | Bilang |
---|---|
Bethlehem at Netofa | 188 |
Anatot | 128 |
Beth-azmavet | 42 |
Jearim, Quefira, at Beerot | 743 |
Rama at Geba | 621 |
Micmas | 122 |
Bethel at Ai | 123 |
Nebo | 52 |
Elam | 1,254 |
Harim | 320 |
Jerico | 345 |
Lod, Hadid at Ono | 721 |
Senaa | 3,930 |
39-42 Ito ang listahan ng mga angkan ng mga pari na nagbalik mula sa pagkabihag: angkan ni Jedaias mula sa lipi ni Jeshua, 973; angkan ni Imer, 1,052; angkan ni Pashur, 1,247; angkan ni Harim, 1,017.
43 Ito ang listahan ng mga angkan ng mga Levita na nagbalik mula sa pagkabihag: angkan nina Jeshua at Kadmiel mula sa lipi ni Hodavias, 74.
44 Mga mang-aawit sa Templo: angkan ni Asaf, 148.
45 Mga bantay sa Templo: angkan nina Sallum, Ater, Talmon, Akub, Hatita at Sobai, 138.
46-56 Ito naman ang listahan ng mga angkan ng mga manggagawa sa Templo na nagbalik mula sa pagkabihag:
Ziha, Hasufa, Tabaot,
Keros, Sia, Padon,
Lebana, Hagaba, Salmai,
Hanan, Gidel, Gahar,
Reaias, Rezin, Nekoda,
Gazam, Uza, Pasea,
Besai, Meunim, Nefusesim,
Bakbuk, Hakufa, Harhur,
Bazlit, Mehida, Harsa,
Barkos, Sisera, Tema,
Nezias at Hatifa.
57-59 Ito ang listahan ng angkan ng mga lingkod ni Solomon na bumalik mula sa pagkabihag: mga angkan nina Sotai, Soferet, Perida, Jaala, Darkon, Gidel, Sefatias, Hatil, Poqueret-hazebaim at Ammon.
60 Ang kabuuang bilang ng mga nakabalik na mga manggagawa sa Templo na mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay 392.
61-62 Ito naman ang mga nakabalik mula sa Tel-mela, Tel-harsa, Querub, Adon at Imer ngunit hindi nila napatunayang sila'y mga Israelita: mga angkan nina Delaias, Tobias at Nekoda, 642.
63 Ito naman ang mga nakabalik sa mga angkan ng pari, ngunit hindi nila napatunayan ang pinagmulan nilang angkan: angkan nina Hobaias, Hakoz at Barzilai. Ang ninuno ng mga paring mula sa angkan ni Barzilai ay napangasawa ng anak na babae ni Barzilai na taga-Gilead, at siya ay tinawag sa pangalan ng kanyang biyenan. 64 Hinanap nila ang kanilang angkan sa listahan ng mga angkan ngunit hindi nakita, kaya sila'y hindi kinilalang mga pari. 65 Pinagbawalan(F) sila ng gobernador na kumain ng pagkaing inialay sa Diyos, hanggang wala pang paring gumagamit ng Urim at Tumim.
66 Ang kabuuan ng mga bihag na nakabalik ay 42,360. 67 Ang mga aliping lalaki at babae ay 7,337 at ang mga mang-aawit na babae at lalaki ay 245.
68-69 May naibalik ding 736 na kabayo, 245 mola,[d] 435 kamelyo at 6,720 asno.
70-72 Ilan sa mga pinuno ng mga angkan ang nagbigay ng ambag para ipagawang muli ang templo. Ang gobernador ay nagbigay ng walong kilong ginto, limampung mangkok na pilak na ginagamit sa pagsamba at 530 kasuotan ng mga pari. May iba pang mga pinuno ng angkan na nagbigay ng 168 kilong ginto at 1,250 kilong pilak. Ang kabuuang ipinagkaloob ng iba pang mga tao ay 168 kilong ginto, 140 kilong pilak at 67 na kasuotan ng mga pari.
73 Ang(G) mga pari, mga Levita, mga bantay ng Templo, mga mang-aawit, mga lingkod sa Templo at lahat ng Israelita ay tumira sa mga bayan at lunsod ng Juda.
Binasa ni Ezra ang Kautusan
8 Sumapit ang ikapitong buwan ng taon at ang mga Israelita'y nakabalik na sa kani-kanilang bayan. Nagtipun-tipon silang lahat sa Jerusalem, sa liwasang-bayan sa harapan ng Pintuan ng Tubig. Hiniling nila kay Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan na kunin nito ang aklat ng Kautusan ni Moises na ibinigay ni Yahweh para sa Israel. 2 Kaya't nang unang araw ng ikapitong buwan, kinuha ni Ezra ang aklat. Dinala niya ito sa kapulungang binubuo ng mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang at pang-unawa. 3 Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa katanghaliang-tapat, binasa niya ang Kautusan sa harap ng mga taong natitipon sa liwasang-bayan sa harap ng Pintuan ng Tubig. Ang lahat ay nakikinig nang mabuti.
4 Nakatayo si Ezra, ang tagapagturo ng Kautusan, sa isang entabladong kahoy na sadyang ginawa para sa pagkakataong iyon. Sa kanan niya'y nakatayo sina Matitias, Sema, Anaya, Urias, Hilkias at Maaseias. Sa gawing kaliwa nama'y naroon sina Pedaias, Misael, Malquias, Hasum, Hasbadana, Zacarias at Mesulam.
5 Si Ezra ay nakikita ng lahat sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay tumayo nang buksan niya ang aklat. 6 “Purihin si Yahweh, ang dakilang Diyos!” sabi ni Ezra.
Itinaas naman ng mga tao ang kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen.” Nagsiyuko rin sila at sumamba kay Yahweh.
7 Pagkatapos, tumayo ang mga tao, at ang Kautusa'y ipinaliwanag sa kanila ng mga Levitang sina Jeshua, Bani, Serebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maaseias, Kelita, Azarias, Jozabad, Hanan at Pelaias. 8 Binasa nila ang Kautusan ng Diyos at isinalin ito sa kanilang wika at ipinaliwanag ito upang maunawaan ng mga tao.
9 Nang malaman ng mga tao ang dapat nilang gawin ayon sa Kautusan, nabagbag ang kanilang kalooban at sila'y umiyak. “Ang araw na ito ay banal para kay Yahweh na inyong Diyos, kaya't huwag kayong malungkot o umiyak,” wika ni Nehemias na gobernador, ni Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag ng Kautusan. Sinabi nila sa mga tao, 10 “Umuwi na kayo at magdiwang, kumain kayo at uminom ng bagong alak! Bigyan ninyo ang mga walang pagkain at inumin sapagkat ang araw na ito ay banal para kay Yahweh, kaya huwag kayong malungkot. Ang kagalakang dulot ni Yahweh ang magpapalakas sa inyo.”
11 Ang mga taong-bayan ay pinayapa ng mga Levita. Sinabi nila sa mga ito, “Huwag kayong malungkot, sapagkat banal ang araw na ito.” 12 Umuwing masaya ang lahat upang magdiwang. Kumain sila at uminom at binahaginan naman ang mga walang pagkain at inumin sapagkat naunawaan nila ang ipinaliwanag sa kanila.
Ipinagdiwang ang Pista ng mga Tolda
13 Nang sumunod na araw, nagtipon sa harapan ni Ezra ang mga pinuno ng mga angkan kasama ang mga pari at mga Levita upang pag-aralan ang mga turo ng Kautusan. 14 Natuklasan(H) nila sa Kautusan na nagbigay si Yahweh ng utos kay Moises tungkol sa Pista ng mga Tolda. Sinabi sa utos na dapat silang tumira ng pansamantala sa mga kubol sa kapistahang iyon. 15 Kaya't nagpalabas sila ng utos para sa mga taga-Jerusalem at iba pang mga lunsod at bayan: “Lumabas kayo sa mga burol at pumutol ng mga sanga ng punong olibo, ligaw man o hindi, mirto, palma at iba pang punongkahoy na maraming dahon upang gawing mga kubol.” 16 Sinunod nga nila ang utos. Gumawa sila ng kubol sa kani-kanilang bubungan at bakuran, at sa palibot ng Templo. Gumawa rin sila ng mga kubol sa liwasan sa pagpasok sa Pintuan ng Tubig at sa Pintuan ni Efraim. 17 Ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng kanya-kanyang kubol at doon sila tumira. Iyon ang unang pagkakataon na ginawa ito ng mga Israelita mula noong panahon ni Josue na anak ni Nun. Masayang-masaya ang lahat. 18 Ang Aklat ng Kautusan ay binabasa araw-araw, mula sa unang araw hanggang katapusan. Pitong araw silang nagpista at sa ikawalong araw ay nagkaroon sila ng isang banal na pagtitipon bilang pagtatapos ayon sa itinatakda ng Kautusan.
Ipinahayag ni Ezra ang Kasalanan ng Israel
9 Noong ika-24 na araw ng buwan ding iyon, nagtipon ang mga Israelita upang mag-ayuno. Nagsuot sila ng damit-panluksa at naglagay ng abo sa kanilang ulo upang ipahayag ang pagsisisi sa kanilang mga kasalanan. 2 Lumayo sila sa mga dayuhan. Tumayo sila upang ipahayag ang kanilang mga kasalanan at ng kanilang mga ninuno. 3 Nanatili silang nakatayo sa kanilang kinaroroonan sa loob ng tatlong oras samantalang binabasa sa kanila ang Kautusan ni Yahweh na kanilang Diyos. Pagkatapos, tatlong oras din silang nagpahayag ng kanilang mga kasalanan at sumamba kay Yahweh na kanilang Diyos. 4 Noo'y nasa isang entablado ang mga Levitang sina Jeshua, Bani, Kadmiel, Sebanias, Buni, Serebias, Bani at Kenani at nananalangin nang malakas kay Yahweh na kanilang Diyos. 5 Sina Jeshua, Kadmiel, Bani, Hasabneias, Serebias, Hodias, Sebanias at Petahias ay nanawagan sa mga tao upang sumamba. Sabi nila:
“Tumayo tayo at purihin ang Diyos nating si Yahweh.
Purihin siya ngayon at magpakailanman!
Purihin ang kanyang dakilang pangalan,
na higit na dakila sa lahat ng papuri!”
Pagpapahayag ng Kasalanan
6 At ang lahat ay sama-samang nanalangin ng ganito:
“Yahweh, ikaw lamang ang Panginoon;
ikaw ang lumikha ng kalangitan
at ginawa mo ang lupa, ang langit ng mga langit,
ang lahat ng bituin doon, at lahat ng narito;
ang dagat at ang lahat ng naroroon.
Binibigyang buhay mo sila,
at ika'y sinasamba ng buong kalangitan.
7 Ikaw,(I) Yahweh, ang Diyos na pumili kay Abram.
Ikaw ang tumawag sa kanya mula sa bayan ng Ur, sa Caldea
at pinangalanan mo siyang Abraham.
8 Nakita(J) mo siyang tapat sa inyo
at gumawa ka ng kasunduan sa kanya.
Ipinangako mo sa kanya at sa kanyang magiging mga anak
na ibibigay sa kanila ang lupain ng mga Cananeo,
ng mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo at Gergeseo.
Tinupad mo ang iyong pangako sa kanila sapagkat ikaw ay tunay na matapat.
9 “Nakita(K) mo ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Egipto.
Narinig mo ang pagtangis nila sa Dagat na Pula.[e]
10 Gumawa(L) ka ng mga himala at mga bagay na kamangha-mangha laban sa Faraon,
laban sa kanyang mga lingkod at sa mga mamamayan ng kanyang lupain,
sapagkat alam mong pinagmalupitan nila ang aming mga ninuno.
Ang pangalan mo'y tanyag magpahanggang ngayon.
11 Sa(M) kanilang harapa'y hinati mo ang dagat,
at sa gitna nito'y dumaan sila sa tuyong lupa.
Ang mga humabol sa kanila'y nilunod mong lahat,
parang mga batong lumubog sa nagngangalit na dagat.
12 Pinatnubayan(N) mo sila ng haliging ulap kung araw,
at haliging apoy kung gabi, upang matanglawan ang kanilang paglalakbay.
13 Mula(O) sa langit ay bumabâ ka sa Bundok Sinai
at kinausap mo ang iyong bayan.
Binigyan mo sila ng mga tuntuning makatarungan,
mga batas na maaasahan at mabubuting kautusan.
14 Itinuro mo sa kanilang ipangilin ang Araw ng Pamamahinga
at ibinigay mo sa kanila ang iyong Kautusan sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod.
15 “Nang(P) sila'y magutom, binigyan mo sila ng pagkaing mula sa langit;
at nang sila'y mauhaw, pinainom mo ng tubig mula sa bato.
At sa kanila'y sinabi mo na sakupin ang lupaing
sa kanila'y ipinangako mong ibigay.
16 Ngunit(Q) naging palalo ang aming mga ninuno,
nagmatigas sila at sinuway ang mga utos mo.
17 Hindi(R) sila sumunod at nilimot ang mga himalang iyong ginawa para sa kanila.
Naging matigas ang kanilang ulo at naglagay ng pinuno
na mangunguna sa kanila pabalik sa pagkaalipin sa Egipto.
Ngunit ikaw ay Diyos na mapagpatawad at mahabagin,
hindi madaling magalit at sagana sa wagas na pag-ibig,
kaya't sila'y hindi mo itinakwil.
18 Gumawa(S) rin sila ng diyus-diyosang guya,
at sinabing iyon ang diyos na naglabas sa kanila mula sa Egipto.
Labis ka nilang nilapastangan!
19 Ngunit(T) hindi mo pa rin sila pinabayaan sa ilang,
sapagkat walang kapantay ang iyong kahabagan.
Hindi mo inalis ang haliging ulap
na patnubay nila sa paglalakbay sa araw
at ang haliging apoy na tumatanglaw sa kanila pagsapit ng dilim.
20 Pinatnubayan mo sila ng iyong Espiritu, upang turuan sila ng dapat nilang gawin.
Patuloy mo silang pinakain ng manna, at binigyan ng tubig na pamatid uhaw.
21 Apatnapung taon mo silang kinalinga sa ilang,
kaya't sa anuman ay hindi sila nagkulang.
Hindi nasira ang kanilang mga kasuotan,
ni namaga man ang kanilang mga paa sa paglalakad.
22 “Pinasakop(U) mo sa kanila ang mga kaharian at bayan,
ang lupaing sakop ni Haring Sihon ng Hesbon
at ang lupain ni Haring Og ng Bashan.
23 Pinarami(V) mo ang kanilang mga anak tulad ng mga bituin sa langit.
Dinala mo sila sa lupain
na ipinangakong sasakupin ng kanilang mga ninuno.
24 Pinasok(W) nga nila at sinakop ang lupain ng Canaan,
sa harap nila'y tinalo ang mga Cananeong naninirahan doon.
Ibinigay ninyo sa kanila ang kanilang mga hari at ang lahat ng mamamayan sa lupain
upang sa kanila'y gawin ang anumang naisin.
25 Pinasok(X) nila at sinakop ang mga may pader na lunsod.
Nakuha nila ang matataba nilang lupain, at sinamsam ang kanilang mga ari-arian:
mga bahay na puno ng kayamanan,
mga balon, mga ubasan, taniman ng olibo at mga bungangkahoy.
Sagana sila sa pagkain at lumusog ang kanilang katawan,
at tuwang-tuwa sila sa iyong dakilang kabutihan.
26 “Ngunit(Y) (Z) kinalaban ka pa rin nila,
at tinalikuran nila ang iyong Kautusan.
Pinatay nila ang iyong mga propeta
na isinugo mo upang sila'y panumbalikin sa iyo.
Patuloy ka nilang hinahamak.
27 Dahil sa ginawa nila, pinabayaan mong sakupin sila ng kanilang mga kaaway,
ipinaalipin mo sila at pinahirapan.
Ngunit nang sila'y tumawag sa iyo,
pinakinggan mo pa rin sila mula sa langit.
Sa habag mo sa kanila,
binigyan mo sila ng mga pinunong sa kanila'y magliligtas.
28 Ngunit nang ang buhay nila'y naging matiwasay, muli silang nagkasala laban sa iyo,
kaya't pinababayaan mo silang muling matalo ng kaaway.
Ngunit kapag sila'y muling nagsisi at humingi ng tulong,
pinapakinggan mo sila mula sa langit
at paulit-ulit mo silang inililigtas sapagkat ikaw ay mahabagin.
29 Binabalaan(AA) mo silang manumbalik sa iyong Kautusan,
ngunit sa kanilang kapalalua'y lalo nilang nilabag ito.
Kahit na ang Kautusan mo ay nagbibigay-buhay,
sa katigasan ng kanilang ulo'y sinuway nila iyon.
30 Maraming(AB) taon na pinagtiisan mo sila,
at binalaan ng iyong Espiritu[f] sa pamamagitan ng mga propeta,
ngunit hindi pa rin sila nakinig.
Kaya't ipinasakop mo na naman sila sa mga dayuhan.
31 Ngunit dahil sa iyong labis na kahabagan,
hindi mo rin sila ganap na nilipol at itinakwil.
Ikaw ay mapagpatawad at mahabaging Diyos!
32 “O(AC) aming Diyos, napakadakila mong Diyos,
kakila-kilabot ang iyong kapangyarihan.
Tumutupad ka sa iyong kasunduan at mga pangako.
Mula pa nang kami'y sakupin ng mga hari ng Asiria,
hanggang ngayo'y labis ang aming paghihirap.
Naghirap ang aming mga hari at pinuno,
mga pari, mga propeta, at ang mga ninuno.
Ang iyong buong bayan ay dumanas ng kahirapan,
kaya't alalahanin mo ang aming pagdurusa.
33 Makatuwiran ka sa iyong pagpaparusa sa amin;
naging tapat ka sa kabila ng aming pagkakasala.
34 Ang aming mga ninuno, hari, pinuno at pari
ay hindi sumunod sa iyong Kautusan.
Sinuway nila ang iyong mga utos at babala.
35 Sa gitna ng kasaganaang kanilang tinatamasa, sa ilalim ng mabuting pamamahala ng kanilang mga hari,
sa kabila ng malalawak at matatabang lupaing kanilang minana,
hindi pa rin sila naglingkod sa iyo at nagsisi sa kanilang mga kasalanan.
36 Ngayon, sa lupaing ito na iyong ipinamana,
sa lupaing ito na ang pagkain ay sagana, kami'y busabos at alipin.
37 Ang dahilan ay ang aming pagkakasala,
kaya ang nagpapasasa sa ani ng bukid ay ang mga haring sa ami'y lumupig.
Nasusunod nila anumang gustuhin, pati mga kawan nami'y inaangkin.
O sukdulan na itong hirap namin!”
Pangakong Susundin ang Kautusan
38 Dahil dito, kaming sambayanang Israel ay gumawa ng isang kasulatan ng sinumpaang kasunduan. Ito'y lubos na sinang-ayunan at nilagdaan ng aming mga pinuno, mga Levita at mga pari.
10 1-8 Ang unang lumagda sa kasunduan ay ang anak ni Hacalias na si Nehemias, ang gobernador. Pagkatapos ay si Zedekias at ang mga paring sina:
Seraias, Azarias, Jeremias,
Pashur, Amarias, Malquijas,
Hatus, Sebanias, Maluc,
Harim, Meremot, Obadias,
Daniel, Gineton, Baruc,
Mesulam, Abijas, Mijamin,
Maazias, Bilga at Semaias.
9-13 Sumunod ang mga Levitang sina:
Jeshua na anak ni Azanias,
Binui na mula sa angkan ni Henadad,
at sina Kadmiel, Sebanias,
Hodias,
Kelita, Pelaias, Hanan,
Mica, Rehob, Hashabias,
Zacur, Serebias, Sebanias,
Hodias, Bani at Beninu.
14-27 Mula naman sa mga pinuno ng bayan, ang lumagda sina:
Paros, Pahat-moab,
Elam, Zatu, Bani,
Buni, Azgad, Bebai,
Adonijas, Bigvai, Adin,
Ater, Hezekias, Azur,
Hodias, Hasum, Bezai,
Harif, Anatot, Nebai,
Magpias, Mesulam, Hezir,
Mesezabel, Zadok, Jadua,
Pelatias, Hanan, Anaias,
Hosea, Hananias, Hasub,
Halohesh, Pilha, Sobek,
Rehum, Hasabna, Maaseias,
Ahias, Hanan, Anan,
Maluc, Harim at Baana.
Ang Kasunduan
28 Kami, ang sambayanang Israel, ang mga pari, mga Levita, mga bantay-pintuan, mga mang-aawit at mga manggagawa sa Templo, at ang lahat ng iba pang lumayo sa mga dayuhang naninirahan sa aming lupain bilang pagsunod sa Kautusan ng Diyos, pati ang aming mga asawa at ang aming mga anak na lalaki at babae na pawang may sapat nang pag-iisip 29 ay nanunumpa kasama ng aming mga pinuno at nangangakong tutuparin ang buong Kautusan na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Moises. Susundin namin ang lahat ng tuntunin at utos ng Diyos naming si Yahweh.
30 Hindi(AD) namin papayagang mag-asawa ang aming mga anak sa mga dayuhang naninirahan sa aming lupain.
31 Kung(AE) sila'y magtinda ng trigo o anumang paninda sa Araw ng Pamamahinga, hindi kami bibili sa kanila.
Tuwing ika-7 taon, hindi namin tatamnan ang mga bukirin at hindi na namin sisingilin ang mga may utang sa amin.
32 Taun-taon,(AF) magbibigay ang bawat isa sa amin ng halos apat na gramong pilak upang makatulong sa gastusin para sa Templo. 33 Magkakaloob kami ng mga sumusunod para sa serbisyo ng pagsamba doon sa Templo: tinapay na handog, pang-araw-araw na handog na pagkaing butil, mga handog na susunugin bilang handog araw-araw, handog sa Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan, iba pang handog, ang mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan ng Israel, at iba pang kailangan sa Templo. 34 Kaming lahat ay magpapalabunutan taun-taon, ang mga pari, mga Levita at mga mamamayan, para malaman kung aling angkan ang magdadala ng kahoy na panggatong sa mga handog sa altar ni Yahweh na ating Diyos ayon sa itinatakda ng Kautusan. 35 Taun-taon(AG) ay dadalhin din namin sa Templo ni Yahweh ang unang ani ng bukirin at ang unang bunga ng mga punongkahoy. 36 Dadalhin(AH) din namin sa mga pari na maglilingkod sa Templo ang mga panganay naming anak na lalaki upang ilaan sa paglilingkod sa Diyos; gayundin ang panganay na anak ng baka, tupa at kambing para naman ihandog ayon sa itinatakda ng Kautusan. 37 Magdadala(AI) rin kami taun-taon ng minasang harina mula sa unang ani ng trigo at iba naming mga handog na alak, langis ng olibo at lahat ng uri ng bungangkahoy. Magbibigay rin kami sa mga Levita ng ikasampung bahagi ng mga inani sa aming bukirin. Ang mga Levitang ito ang naglilikom ng mga ikasampung bahagi at magdadala ng mga ito sa Templo. 38 Sasamahan(AJ) ng mga pari mula sa angkan ni Aaron ang mga Levitang tagapaglikom ng ikasampung bahagi. Ang ikasampung bahagi nito ay dadalhin nila sa kabang-yaman ng Templo para gamitin doon. 39 Ang mga Israelita at ang mga Levita ang magdadala ng mga naipong trigo, alak at langis para itago sa mga bodega ng mga kagamitan sa Templo. Dito nakatira ang mga paring naglilingkod, ang mga bantay-pintuan at ang mga mang-aawit. Hindi namin pababayaan ang Templo ng aming Diyos.
Ang mga Nanirahan sa Jerusalem
11 Ang mga pinuno ng bayan ay tumira sa Jerusalem at ang iba nama'y nagpalabunutan upang sa bawat sampung pamilya ay kumuha ng isang titira sa banal na lunsod. Ang siyam naman ay nanirahan sa iba't ibang bayan ng Juda. 2 Pinupuri ng mga tao ang sinumang kusang-loob na tumira sa Jerusalem.
3 Ang(AK) ibang mga Israelita, mga pari, mga Levita, mga tagapaglingkod sa templo at ang mga angkan ng mga lingkod ni Solomon ay sa iba't ibang bayan tumira, sa kani-kanilang lupain.
Narito ang mga pangunahing mamamayan ng Juda na nanirahan sa Jerusalem: 4 Mula sa lipi ni Juda: si Ataias na anak ni Uzias at apo ni Zacarias. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Amarias, Sefatias, at Mahalalel na pawang mula sa angkan ni Peres na anak ni Juda. 5 Si Maaseias na anak ni Baruc at apo ni Colhoze. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Hazaias, Adaias, Joiarib at Zacarias mula sa angkan ni Sela. 6 Ang kabuuan ng magigiting na lalaki mula sa angkan ni Peres ay 468.
7 Mula sa lipi ni Benjamin: sina Salu na anak ni Mesulam at apo ni Joed. Ang iba pa niyang ninuno ay sina Pedaias, Kolaias, Maaseias, Itiel at Jesaias. 8 Sina Gabai at Salai ay malapit na kamag-anak ni Salu. Lahat-lahat ay 928 Benjaminita. 9 Ang pinuno nila ay si Joel na anak ni Zicri at ang kanang kamay nito ay si Juda na anak ni Hesenua.
10 Sa mga pari naman ay kabilang ang mga sumusunod: si Jedaias na anak ni Joiarib, si Jaquin, 11 si Seraias na anak ni Hilkias at apo ni Mesulam. Kabilang din sa kanyang mga ninuno sina Zadok na anak ni Meraiot at si Ahitub na pinakapunong pari. 12 Ang kabuuan ng angkan niyang naglingkod sa Templo ay 822. Kabilang din sina Adaias na anak ni Jeroham at apo ni Pelalias. Ang kasama sa mga ninuno niya ay sina Amzi, Zacarias, Pashur at Malquijas. 13 Ang kabuuang bilang ng mga pangulo ng sambahayan sa kanyang angkan ay 242. Kasama rin sa tumira sa Jerusalem si Amasai na anak ni Azarel at apo ni Azai. Ang kasamang ninuno niya ay sina Mesilemot at Imer. 14 Ang kabuuang bilang ng mga bahagi ng angkang ito na magigiting na mga kawal ay 128. Ang kanilang pinuno ay si Zabdiel na mula sa isang kilalang pamilya.[g]
15 Mula sa mga Levita: si Semaias na anak ni Hasub at apo ni Azrikam. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Hashabias at Buni.
16 Sina Sabetai at Jozabad, mga kilalang Levita ang namahala sa mga gawain sa labas ng Templo. 17 Kasama rin nila si Matanias na anak ni Mica at apo ni Zabdi, mula sa angkan ni Asaf. Siya ang tagapanguna sa korong umaawit ng panalangin ng pasasalamat. Kasama rin niya si Bakbukuias na naging lingkod ni Matanias.
Si Abda na anak ni Samua at apo ni Galal na mula sa angkan ni Jeduthun. 18 Ang kabuuan ng mga Levita sa banal na lunsod ng Jerusalem ay 284.
19 Ang mga bantay sa Templo: sina Akub at Talmon kasama ang kanilang mga kamag-anak ay 172 lahat. 20 Ang iba pang mga Israelita, mga pari at Levita ay nanirahan sa ibang bayan ng Juda, sa kani-kanilang mga lupaing minana. 21 Ang lahat namang manggagawa sa Templo sa ilalim ng pamamahala nina Ziha at Gispa ay doon naman tumira sa Ofel.
22 Ang namahala sa mga Levitang nasa Jerusalem ay si Uzi, anak ni Bani at apo ni Hashabias. Kasama sa kanyang mga ninuno sina Matanias at Mica at siya mismo ay mula sa angkan ni Asaf, ang angkan na namamahala sa mga awitin sa loob ng Templo ni Yahweh. 23 Ang mga mang-aawit ay may kanya-kanyang araw ng paglilingkod, ayon sa mga tuntuning itinakda ng hari.
24 Si Petahias na anak ni Mesezabel mula sa angkan ni Zera sa lipi ni Juda, ang kinatawan ng sambayanang Israel sa pagdulog sa hari ng Persia.
Iba pang mga Bayan na Tinirhan ng Ibang Israelita
25 Ang mga nagmula sa lipi ni Juda ay tumira sa mga bayang malapit sa kanilang bukirin. Tumira sila sa Lunsod ng Arba, Dibon at Jekabzeel at sa mga nayong malapit sa mga lunsod na ito. 26 Ang iba sa kanila'y tumira sa mga lunsod ng Jeshua, Molada, Beth-pelet, 27 Hazar-shual, Beer-seba, at sa mga nayong nakapaligid dito. Nanirahan din sila sa mga lunsod ng 28 Ziklag, Mecona, at sa mga nayong nakapaligid dito, 29 sa En-rimon, Zora, Jarmut, 30 Zanoa, Adullam, Laquis at sa mga kalapit bukirin at sa Azeka at sa mga nayon nito. Nanirahan sila sa nasasakupan ng lupaing nasa pagitan ng Beer-seba sa timog at ng Libis ng Ben Hinom sa hilaga.
31 Ang mga angkan namang mula sa lipi ni Benjamin ay nanirahan sa mga bayan ng Geba, Micmas, Ai, Bethel at sa mga kalapit na nayon ng 32 Anatot, Nob, Ananias, 33 Hazor, Rama, Gitaim, 34 Hadid, Zeboim, Nebalat, 35 Lod at Ono at sa Libis ng mga Panday. 36 May mga pangkat ng mga Levita na dating nanirahan sa lupain ng Juda na napasama sa lipi ni Benjamin.
Ang Listahan ng mga Pari at mga Levita
12 1-7 Ito ang listahan ng mga pari at mga Levitang bumalik kasama ni Zerubabel na anak ni Sealtiel at ng pinakapunong paring si Josue.
Ang mga pari ay sina:
Sereias, Jeremias, Ezra,
Amarias, Maluc, Hatus,
Secanias, Rehum, Meremot,
Ido, Ginetoi, Abijas,
Mijamin, Maadias, Bilga,
Semaias, Joiarib, Jedaias,
Salu, Amok, Hilkias at Jedaias.
Sila ang mga pinuno ng mga pari at ng kanilang mga angkan nang panahon ni Josue.
8 Ang mga Levita naman ay sina Jeshua, Binui, Kadmiel, Serebias, Juda at Matanias. Sila ang namahala sa pagkanta ng mga awit ng pasasalamat. 9 Ang bumubuo ng koro na umaawit ng mga sagutang pag-awit ay sina Bakbukuias, Uno at iba pang mga Levita na kasama nila.
Ang mga Sumunod na Salinlahi ng Paring si Josue
10 Naging anak ni Josue si Joiakim na ama ni Eliasib. Naging anak naman ni Eliasib si Joiada, 11 na ama ni Jonatan na ama ni Jadua.
12-21 Nang panahong si Joiakim ang pinakapunong pari, ito ang mga pinuno ng mga angkan ng pari:
Pari | Angkan |
---|---|
Meraias | Seraias |
Hananias | Jeremias |
Mesulam | Ezra |
Jehohanan | Amarias |
Jonatan | Maluqui |
Jose | Sebanias |
Adna | Harim |
Helkai | Meraiot |
Zacarias | Ido |
Mesulam | Gineton |
Zicri | Abijas |
[h] | Miniamin |
Piltai | Moadias |
Samua | Bilga |
Jehonatan | Semaias |
Matenai | Joiarib |
Uzi | Jedaias |
Kalai | Salai |
Eber | Amok |
Hashabias | Hilkias |
Nathanael | Jedaias |
Inilista ang mga Pamilya ng mga Pari at mga Levita
22 Inilista ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga Levita at ng mga pari nang panahon ng panunungkulan ng mga pinakapunong paring sina Eliasib, Joiada, Johanan at Jadua. Ang listahang ito'y natapos nang panahong si Dario ang hari ng Persia. 23 Ang mga pinuno ng mga sambahayang Levita ay nailista sa Aklat ng Kasaysayan noong panahon lamang ni Johanan na apo ni Eliasib.
Mga Itinakdang Gawain sa Templo
24 Ang mga pinuno ng mga Levita ay hinati sa mga pangkat na pinamunuan nina Hashabias, Serebias, Jeshua, Binui at Kadmiel. Dalawang pangkat ang sagutang umaawit ng papuri at pasasalamat sa Diyos, ayon sa ipinag-uutos ni David na lingkod ng Diyos. 25 Ang namahala naman sa mga bantay sa mga bodega na malapit sa mga pintuan ng Templo ay ang mga sumusunod: Matanias, Bakbukuias, Obadias, Mesulam, Talmon at Akub. 26 Noo'y panahon ng pamamahala ni Joiakim, anak ni Josue at apo ni Jehozadak. Ang gobernador noon ay si Nehemias at ang pari ay si Ezra na dalubhasa sa Kautusan.
Itinalaga ni Nehemias ang Pader ng Lunsod
27 Nang italaga na ang pader ng Jerusalem, tinipon ang mga Levita sa Jerusalem upang sama-sama nilang ipagdiwang ang pagtatalaga. Ipinagdiwang ito sa saliw ng mga awit ng pasasalamat at ng tugtog ng pompiyang, alpa, at lira. 28 Ang mga mang-aawit na mula sa angkan ng mga Levita ay dumating mula pa sa paligid ng Jerusalem at mula sa kapatagan ng Netofa, 29 sa bayan ng Gilgal at sa kapatagan ng Geba at Azmavet. 30 Nilinis ng mga pari at ng mga Levita ang kanilang sarili ayon sa Kautusan at ganoon din ang ginawa nila sa mga tao. Nilinis din nila ang mga pintuan at mga pader ng lunsod.
31 Isinama ko sa ibabaw ng pader ng lunsod ang mga pinuno ng Juda. Pinamahala ko sila sa dalawang malaking pangkat ng mga mang-aawit na lilibot sa lunsod upang magpasalamat. Ang isang pangkat ay lumakad na papuntang kanan sa ibabaw ng pader patungo sa pintuang papunta sa tapunan ng basura. 32 Kasunod nito ang kalahati ng mga pinuno ng Juda sa pangunguna ni Hosaias. 33 Nasa likuran nila sina Azarias, Ezra, Mesulam, 34 Juda, Benjamin, Semaias at Jeremias. 35 Hinihipan ng mga paring ito ang kanilang mga trumpeta habang sumusunod sina Zacarias, anak ni Jonatan at apo ni Semaias. Kabilang din sa kanyang mga ninuno sina Matanias, Micaias, Zacur at Asaf. 36 Sumunod din ang kanyang kamag-anak na sina Semaias, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Netanael, Juda at Hanani. Silang lahat ay may dalang mga instrumento sa musika na katulad ng tinugtog ni Haring David na lingkod ng Diyos. Ang pangkat na ito'y pinangunahan ni Ezra na dalubhasa sa Kautusan. 37 Pagdating nila sa Pintuan ng Bukal nagtuloy silang paakyat sa Lunsod ni David. Lumampas sila sa palasyo ni David hanggang sa sumapit sila sa Pintuan ng Tubig sa gawing silangan ng lunsod.
38 Ang ikalawang pangkat na nagpasalamat din ay lumakad namang pakaliwa sa ibabaw ng pader. Sumunod ako sa pangkat na ito at lumakad kaming kasama ang kalahati ng mga taong bayan. Lumampas kami sa Tore ng mga Pugon papunta sa Maluwang na Pader. 39 Mula roo'y lumampas kami sa Pintuan ni Efraim, sa Pintuang Luma, tuloy sa Pintuan ng Isda, sa Tore ni Hananel, sa Tore ng Sandaan patungo sa Pinto ng mga Tupa. Huminto kami sa may pinto ng Templo. 40 Ang dalawang pangkat ng mga mang-aawit ay nagtagpo sa tapat ng templo. Bukod sa mga pinunong kasama ko, 41 kasama ko rin ang mga paring umiihip ng mga trumpeta na sina Eliakim, Maaseias, Miniamin, Micaias, Elioenai, Zacarias at Hananias. 42 Kasunod nila sina Maaseias, Semaias, Eleazar, Uzi, Johanan, Malquijas, Elam at Ezer. Ang mga ito'y mang-aawit na pinangunahan ni Jezrahias. 43 Nang araw na iyon, nag-alay sila ng maraming handog at masayang nagdiwang ang mga tao dahil sa kagalakang dulot sa kanila ng Diyos. Pati mga babae at mga bata ay nagdiwang din kaya't ang ingay nila'y narinig sa malalayong lugar.
Ambagan para sa Pananambahan sa Templo
44 Nang araw ring iyon, nagtalaga sila ng mga lalaking mamamahala sa mga bodegang paglalagyan ng mga kaloob sa Templo gaya ng mga unang bunga at ikasampung bahagi ayon sa Kautusan. Sila ang kukuha ng mga kaloob para sa mga pari at mga Levita mula sa mga bukirin ng mga bayan, sapagkat sila ang inihanda sa paglilingkod sa gawaing ito. Nagalak naman ang mga taga-Juda sa mga pari at mga Levita, 45 sapagkat(AL) tinupad nila ang utos ng Diyos tungkol sa pagiging malinis. Gumanap din ng kani-kanilang tungkulin ang mga mang-aawit at mga bantay ayon sa iniutos ni David, at ng anak nitong si Solomon. 46 Mula pa nang panahon ni Haring David at ng mang-aawit na si Asaf, ang mga mang-aawit na ang nangunguna sa mga awit ng pasasalamat at papuri sa Diyos. 47 Sa panahon naman ni Zerubabel at ni Nehemias, ibinibigay ng buong Israel ang kanilang mga kaloob araw-araw para sa pangangailangan ng mga mang-aawit at ng mga bantay sa Templo. Ibinibigay nila ang handog para sa mga Levita at ibinibigay naman ng mga Levita sa mga pari ang bahagi ng mga ito.
Paghiwalay sa mga Dayuhan
13 Nang(AM) araw na binasa sa harap ng mga tao ang Kautusan ni Moises, natuklasan nila roon na mahigpit na ipinagbabawal sa mga Israelita ang makihalubilo sa mga Ammonita o Moabita. 2 Ipinagbawal(AN) ito, sapagkat hindi sila binigyan ng pagkain at inumin ng mga Ammonita at Moabita nang dumaan ang mga Israelita sa lupain ng mga ito noong lumabas sila sa Egipto. Sa halip, inupahan pa ng mga ito si Balaam upang sumpain ang Israel, subalit ang sumpang iyon ay ginawa ng Diyos natin na isang pagpapala. 3 Nang ito'y marinig ng mga tao, pinaalis nila ang mga dayuhan.
Ang mga Repormang Ginawa ni Nehemias
4 Noon si Eliasib ang paring namamahala sa mga bodega sa Templo. Maganda ang pakikitungo niya kay Tobias, palibhasa'y matagal na silang magkaibigan. 5 Kaya't pinahintulutan ni Eliasib si Tobias na gamitin ang malaking silid sa Templo. Ang silid na iyo'y taguan ng mga handog na pagkaing butil, insenso, mga kagamitan sa Templo, mga handog para sa mga pari, ikasampung bahagi ng handog na butil, alak at langis na para sa mga Levita, sa mga mang-aawit at sa mga bantay sa Templo. 6 Habang nagaganap iyon, wala ako noon sa Jerusalem, sapagkat nang si Haring Artaxerxes, hari ng Babilonia ay nasa ika-32 taon ng paghahari, nagpunta ako sa kanya upang mag-ulat. 7 Hindi nagtagal at ako'y pinahintulutan niyang makabalik sa Jerusalem. Noon ko natuklasang binigyan pala ni Eliasib si Tobias ng silid sa loob ng Templo. 8 Labis ko itong ikinagalit at itinapon ko sa labas ang lahat ng kagamitan ni Tobias. 9 Pagkatapos, iniutos kong linisin ang silid at ibalik doon ang mga kagamitan sa Templo pati ang handog na pagkaing butil at insenso.
10 Nalaman(AO) ko rin na ang mga Levita at ang mga mang-aawit sa Templo ay umuwi na sa kanilang mga bukirin, sapagkat hindi sila tumatanggap ng bahaging nauukol sa kanila. 11 Nagalit ako sa mga namamahala at sinabi ko, “Bakit pinabayaan ninyo ang Templo ng Diyos?” Kaya't pinabalik ko ang mga Levita at ang mga mang-aawit sa Templo at muling pinagtrabaho sa kani-kanilang tungkulin. 12 Dahil(AP) dito, ang lahat ng mamamayan ng Juda ay muling nagdala ng ikasampung bahagi ng kanilang mga inaning butil, alak at langis, at inipon ang mga ito sa mga bodega. 13 Pinamahala ko ang paring si Selemias, si Zadok na dalubhasa sa Kautusan, at si Pedaias na isang Levita. Pinatulong ko sa kanila si Hanan, anak ni Zacur at apo ni Matanias. Alam kong mapagkakatiwalaan sila na mamahagi ng mga pangangailangan ng kanilang mga kasamahan. 14 Alalahanin po ninyo, Diyos ko, ang mga ginawa kong ito para sa Templo at sa pananambahan doon.
by