Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
1 Cronica 24:1 - 2 Cronica 7:10

Ang Gawain ng mga Pari

24 Ito ang mga pangkat ng mga angkan ni Aaron: ang mga anak niya ay sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar. Sina(A) Nadab at Abihu ay naunang namatay kaysa kay Aaron at wala silang anak kaya sina Eleazar at Itamar lamang ang naging mga pari. Sa tulong nina Zadok na anak ni Eleazar, at ni Ahimelec na anak ni Itamar, ang mga kabilang sa angkan ni Aaron ay hinati ni David sa mga pangkat at binigyan ng kani-kanilang tungkulin. Marami ang pinuno ng mga sambahayan sa angkan ni Eleazar kaysa kay Itamar. Kaya sa dalawampu't apat na pangkat, labing-anim ang napili mula sa angkan ni Eleazar at walo naman ang kay Itamar. Pinili sila ni David sa pamamagitan ng palabunutan sapagkat maging sa angkan ni Eleazar at ni Itamar ay may mga tagapangasiwa sa loob ng dakong banal at may mga tagapanguna sa pagsamba. Si Semaias na anak ng Levitang si Netanel ang naglista ng mga pangalan, at ginawa niya ito sa harapan ng hari. Nasaksihan din ito ng mga prinsipe, ni Zadok na pari, ni Ahimelec na anak ni Abiatar, at ng mga pinuno ng angkan ng mga pari at Levita. Isang sambahayan ng mga pari ang inilista sa panig ni Eleazar at isa rin kay Itamar.

7-18 Ito ang pagkakasunud-sunod ng paglilingkod mula sa una hanggang sa ikadalawampu't apat na pangkat ayon sa palabunutan: Jehoiarib, Jedaias, Harim, Seorim, Malaquias, Mijamin, Hacos, Abias, Jeshua, Secanias, Eliasib, Jaquim, Jupa, Jesebeab, Bilga, Imer, Hezer, Afses, Petaya, Hazaquiel, Jaquin, Gamul, Delaias, Maasias.

19 Ito ang kaayusan at takdang panahon ng paglilingkod nila sa Templo ni Yahweh ayon sa itinatag ng kanilang ninunong si Aaron, gaya ng utos sa kanya ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.

Ang Listahan ng mga Levita

20 Ito ang iba pang mga pinuno ng mga angkan sa lipi ni Levi: si Subael sa angkan ni Amram at si Jehedias sa angkan ni Subael; 21 si Isias na isang pinuno sa angkan ni Rehabias; 22 si Zelomot sa angkan ng Isharita, at si Jahat sa angkan ni Zelomot; 23 sina Jerias, Amarias, Jahaziel, at Jecamiam sa angkan ni Hebron; 24 si Micas sa angkan ni Uziel; si Samir sa angkan ni Micas; 25 si Isias na kapatid ni Micas at si Zacarias sa angkan ni Isias; 26 sina Mahli at Musi sa angkan ni Merari; si Beno sa angkan ni Jaazias; 27 sina Beno, Soham, Zacur at Ibri, mga anak ni Jaazias sa angkan ni Merari. 28-29 Si Mahli ay may dalawang anak, sina Eleazar at Kish. Si Eleazar ay walang anak, ngunit si Kish ay mayroong isang anak, si Jerameel. 30 Sina Mahli, Eder at Jerimot ay mga anak ni Musi.

Sila ang mga angkan ng mga Levita. 31 Ang mga ito, tulad ng mga kamag-anak nila mula sa angkan ni Aaron ay nagpalabunutan din maging sila'y pinuno ng sambahayan o hindi. Sinaksihan ito ni Haring David, nina Zadok at Ahimelec, at ng mga pinuno ng sambahayan ng mga pari at mga Levita.

Ang mga Mang-aawit sa Templo

25 Pinili ni David at ng mga pinuno ng mga Levita ang mga anak nina Asaf, Heman at Jeduthun upang manguna sa pagsamba. Tungkulin nilang magpahayag ng salita ng Diyos sa saliw ng lira, alpa, at pompiyang. Ito ang listahan ng kanilang mga pangalan at ang kani-kanilang tungkulin: sina Zacur, Jose, Netanias at Asarela. Sila ay pinangunahan ni Asaf na kanilang ama sa pagpapahayag ng salita ng Diyos sa ilalim ng pamamahala ng hari. Sina Gedalias, Zeri, Jesaias, Hashabias, Matitias at Simei ay pinangunahan ng ama nilang si Jeduthun sa pagpapahayag ng salita ng Diyos nang may pagpupuri at pasasalamat kay Yahweh sa saliw ng lira. Sina Bukias, Matanias, Uziel, Sebuel, Jerimot, Hananias, Hanani, Eliata, Gedalti, Romamti-ezer, Josbecasa, Maloti, Hotir at Mahaziot ay mga anak ni Heman na propeta ng hari—labing-apat na lalaki at tatlong babae. Ang mga ito ang itinalaga ng Diyos kay Heman upang tumugtog ng tambuli. Ang kanilang ama ang namahala sa kanilang pag-awit sa Templo ni Yahweh, gayundin sa pagtugtog ng pompiyang, alpa, at lira. Sina Asaf, Jeduthun at Heman na namamahala sa kani-kanilang mga anak ay nasa ilalim ng pamamahala ng hari. Ang bilang ng mga ito kasama na ang iba pa nilang mga kamag-anak na pawang nagsanay sa pag-awit kay Yahweh ay 288.

Sama-sama silang nagpalabunutan para malaman ang kanilang tungkulin, bata at matanda, guro at mag-aaral.

9-31 Ang 288 na ito ay hinati, ayon sa kani-kanilang sambahayan, sa dalawampu't apat na pangkat na tiglalabindalawa. Ang bawat isa ay pinamahalaan ng isang pinuno. Ito ang pagkakasunud-sunod nila ayon sa kani-kanilang tungkulin: 1) Si Jose sa sambahayan ni Asaf; 2) si Gedalia; 3) si Zocur; 4) si Zeri; 5) si Netanias; 6) si Bukias; 7) si Azarel; 8) si Jesaias; 9) si Matanias; 10) si Simei; 11) si Uziel; 12) si Hashabias; 13) si Sebuel; 14) si Matitias; 15) si Jerimot; 16) si Hananias; 17) si Josbecasa; 18) si Honani; 19) si Maloti; 20) si Eliata; 21) si Hotir; 22) si Gidalti; 23) si Mahaziot; at 24) si Romamti-ezer.

Ang mga Bantay sa Pinto ng Templo

26 Ito naman ang mga pangkat ng mga bantay sa pinto ng Templo: sa angkan ni Korah ay si Meselemias na anak ni Korah, buhat sa pamilya ni Asaf. Ang pito niyang anak ay si Zacarias na siyang panganay, kasunod sina Jediael, Zebadias, Jatniel, Elam, Jehohanan at Eliehoenai. Pinagpala(B) ng Diyos si Obed-edom. Binigyan siya ng walong anak na lalaki; si Semaias na panganay, kasunod sina Jehozabad, Joa, Sacar, Natanel, Amiel, Isacar, at Peulletai. Si Semaias ay may mga anak na naging pinuno ng kanilang sambahayan, sapagkat sila'y mahuhusay at bihasa. Ang pangkat ng mga ito'y binubuo nina Otni, Refael, Obed, Elzabad, at ang dalawa pa niyang anak na matatapang din, sina Elihu at Semaquias. Ang mga anak at apo ni Obed-edom na pawang may kakayahang maglingkod ay animnapu't dalawa. Labingwalo naman ang mga kamag-anak na pinamumunuan ni Meselemias at pawang matatapang din. 10 Kabilang din ang pangkat ni Hosa, mula sa angkan ni Merari na binubuo ng kanyang mga anak. Si Simri, bagama't hindi panganay ay ginawang pinuno ng sambahayan ng kanyang ama. 11 Kasama rin ang iba pang mga anak niyang sina Hilkias, Tebalias at Zacarias. Labingtatlo ang mga anak at kamag-anak ni Hosa.

12 Ang mga pangkat na ito ng mga bantay-pinto sa pangunguna ng pinuno ng kanilang sambahayan ay may kanya-kanyang pananagutan sa paglilingkod sa Templo ni Yahweh gaya ng kanilang mga kamag-anak. 13 Nagpalabunutan sila ayon sa kani-kanilang sambahayan, para malaman kung aling pinto ang kanilang babantayan. 14 Ang pinto sa silangan ay napunta kay Selemias, at ang gawing hilaga ay sa anak niyang si Zacarias, isang mahusay na tagapayo. 15 Kay Obed-edom napunta ang gawing timog, at sa kanyang mga anak naman ang mga bodega. 16 Ang pinto sa kanluran at ang pinto ng Sallequet sa daang paakyat ay napunta kina Supim at Hosa. May kanya-kanyang takdang oras ang kanilang pagbabantay. 17 Sa gawing silangan, anim ang bantay araw-araw. Sa hilaga at timog ay tig-aapat, at tig-dadalawa naman sa bodega. 18 Sa malaking gusali sa gawing kanluran, apat sa labas at dalawa sa loob. 19 Ito ang mga pangkat ng mga bantay sa pinto mula sa mga angkan ni Korah at ni Merari.

Ibang Tungkulin sa Templo

20 Ang mga Levita sa pangunguna ni Ahias ang namahala sa kabang-yaman ng Templo at sa bodega ng mga kaloob sa Diyos. 21 Si Ladan na isa sa mga anak ni Gershon ay ninuno ng maraming angkan, kasama na ang pamilya ng kanyang anak na si Jehiel. 22 Ang mga pinuno ng pangkat ni Jehiel ay ang kanyang mga anak na sina Zetam at Joel. Sila ang namahala sa mga kabang-yaman ng Templo.

23 Ang mga Amramita, Isharita, Hebronita, at Uzielita ay binigyan din ng tungkulin.

24 Si Sebuel na anak ni Gershon at apo ni Moises ang siyang pinunong namahala sa mga kabang-yaman. 25 Sa angkan ni Eliezer, ang namahala ay ang mga anak niyang sina Rehabias, Jesaias, Joram, Zicri at Selomit. 26 Si Selomit at ang kanyang mga kamag-anak ang namahala sa bodega ng mga kaloob na inialay ni Haring David, ng mga pinuno ng sambahayan, at ng mga pinuno ng hukbo. 27 Buhat sa mga nasamsam sa pakikidigma, naglalaan sila ng bahaging panustos sa pangangalaga sa Templo ni Yahweh. 28 At lahat ng kaloob na inialay ni propeta Samuel, ni Saul na anak ni Kish, ni Abner na anak ni Ner at ni Joab na anak ni Zeruias, ay inilagay sa pangangalaga ni Selomit at ng kanyang mga kamag-anak.

Ang mga Tungkulin ng Iba pang Levita

29 Mula naman sa angkan ni Ishar, si Kenanias at ang kanyang mga anak ang inilagay na mga tagapagtala at mga hukom.

30 Sa sambahayan ni Hebron, si Hashabias at ang kanyang mga kamag-anak na may bilang na 1,700 na pawang mahuhusay ang nangalaga sa bansang Israel, sa gawing kanluran ng Jordan. Sila ang namahala sa gawain ukol kay Yahweh, at ang naglingkod sa hari ay 1,700. 31 Ayon sa talaan ng angkan ni Hebron, si Jerijas ang kanilang pinuno. Noong ikaapatnapung taon ng paghahari ni David, sinaliksik ang kasaysayan ng angkan ni Hebron at natuklasan na sa Jazer ng Gilead ay may mga lalaking may pambihirang kakayahan. 32 Pumili si Haring David ng 2,700 mga pinuno ng sambahayan at pawang mahuhusay mula sa kamag-anak ni Jerijas upang mamahala sa lipi nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases. Sila ang pinamahala ni David sa lahat ng bagay na may kinalaman sa Diyos at sa hari.

Ang Organisasyong Sibil at Militar

27 Ito ang listahan ng mga Israelitang pinuno ng kani-kanilang angkan at mga pinuno ng libu-libo at daan-daan, gayundin ang mga pinuno ng hukbong naglingkod sa hari. Sila ay pinagpangkat-pangkat ng tig-24,000 at maglilingkod bawat buwan sa pangunguna ng kani-kanilang pinuno. Si Jasobeam, anak ni Zabdiel, ang namahala sa pangkat na naglingkod sa unang buwan. Siya'y namuno sa 24,000 katao. Mula siya sa angkan ni Peres, at siya ang pangkalahatang pinuno. Si Dodai na taga-Aho ang namahala sa ikalawang buwan. Ang namahala naman sa ikatlong buwan ay si Benaias, anak ng paring si Joiada. Siya ang Benaias na pinuno ng Tatlumpung Matatapang na Mandirigma. Ang namahala sa kanyang pangkat ay ang anak niyang si Amizabad. Ang pangkat naman na nanungkulan sa ikaapat na buwan ay pinamahalaan ni Asahel, kapatid ni Joab. Ang humalili sa kanya ay ang anak niyang si Zebadias. Ang pangkat namang nanungkulan sa ikalimang buwan ay pinamahalaan ni Samhut na taga-Ishar. Ang namahala naman sa pangkat na nanungkulan sa ikaanim na buwan ay si Ira, anak ni Ikes na taga-Tekoa. 10 Ang pangkat para sa ikapitong buwan ay pinamahalaan ni Helez, anak ni Efraim at taga-Pelon. 11 Ang pangkat sa ikawalong buwan ay pinamahalaan naman ni Sibecai na taga-Husa, mula sa angkan ni Zera. 12 Ang pangkat na nanungkulan sa ikasiyam na buwan ay pinamahalaan ni Abiezer na isang taga-Anatot, buhat sa lipi ni Benjamin. 13 Ang pangkat namang nanungkulan sa ikasampung buwan ay pinamahalaan ni Maharai na taga-Netofa, mula sa angkan ni Zera. 14 Ang pangkat na nanungkulan sa ikalabing isang buwan ay pinamahalaan naman ni Benaias na isang taga-Peraton, mula sa lipi ni Efraim. 15 Ang pangkat na nanungkulan sa ikalabindalawang buwan ay pinamahalaan naman ni Heldai, taga-Netofa, buhat sa angkan ni Otniel.

Ang mga Namahala sa mga Lipi ng Israel

16 Ito ang mga namahala sa Israel: sa lipi ni Ruben ay si Eliezer na anak ni Zicri; sa lipi ni Simeon ay si Sefatias na anak ni Maaca; 17 sa lipi ni Levi ay si Hashabias na anak ni Kemuel; sa angkan ni Aaron ay si Zadok; 18 sa lipi naman ni Juda ay si Elihu, isa sa mga kapatid ni David; sa lipi ni Isacar ay si Omri na anak ni Micael; 19 sa lipi ni Zebulun ay si Ismaias na anak ni Obadias; sa lipi ni Neftali ay si Jerimot na anak ni Azriel; 20 sa lipi ni Efraim ay si Hosea na anak ni Azarias; sa kalahating lipi ni Manases ay si Joel na anak ni Pedaias. 21 Ang namahala naman sa kalahating lipi ni Manases na nasa Gilead ay si Iddo na anak ni Zacarias; sa lipi ni Benjamin ay si Jaasiel na anak ni Abner; 22 at sa lipi naman ni Dan ay si Azarel na anak ni Jeroham.

23 Hindi(C) na ibinilang ni David sa sensus ang mga Israelitang wala pang dalawampung taóng gulang sapagkat ipinangako ng Diyos na pararamihin niyang sindami ng mga bituin sa langit ang mga Israelita. 24 Ang(D) sensus ay sinimulan ni Joab, anak ni Zeruias ngunit hindi niya ito natapos sapagkat nagalit ang Diyos sa Israel sa ginawang ito. Kaya't hindi na napabilang ang mga ito sa listahan ni Haring David.

Ang mga Namahala sa Kayamanan ng Hari

25 Ang namahala sa mga kabang-yaman ng hari ay si Azmavet na anak ni Abdiel, ngunit sa mga kayamanang nasa mga lalawigan, lunsod, nayon, at ang nasa mga tore, ang namahala ay si Jonatan na anak ni Uzias. 26 Si Ezri na anak ni Kelub ang ginawang tagapamahala ng mga magsasaka. 27 Si Simei na isang taga-Rama ang namahala sa mga ubasan, at si Zabdi na isang taga-Sephan ang namahala naman sa imbakan ng alak. 28 Si Baalhahan na isang taga-Geder ang namahala sa mga tanim na olibo at sikamoro sa Sefela, at sa bodega naman ng langis ay si Joas. 29 Si Sitrai na taga-Saron ang namahala sa mga kawan sa pastulan ng Saron at si Safat, anak ni Adlai ang namahala naman sa mga kawan na nasa kapatagan. 30 Sa mga kamelyo naman, ang namahala ay si Obil na isang Ismaelita; sa mga inahing asno ay si Jedeias na taga-Meronot, at sa mga kawan ay si Jaziz na Hagrita. 31 Ang lahat ng ito'y mga katiwala ng mga ari-arian ni David.

Ang mga Tagapayo ni David

32 Si Jonatan, ang tiyo ni David, ang kinuhang tagapayo ng mga anak ng hari sapagkat siya'y matalino at dalubhasa. Magkatulong sila ni Jehiel, anak ni Hacmoni, sa pagtuturo sa mga anak ng hari. 33 Ang tagapayo naman ng hari ay si Ahitofel; at si Husai naman, na isang Arkita, ang matalik na kaibigan ng hari. 34 Nang mamatay si Ahitofel ay pumalit sa kanya si Joiada na anak ni Benaias at si Abiatar. Si Joab naman ang pinakamataas na pinuno ng hukbo ng hari.

Mga Tagubilin ni David tungkol sa Templo

28 Tinipon ni David sa Jerusalem ang lahat ng mga pinuno ng Israel, lahat ng pinuno ng mga lipi, lahat ng namamahala ng mga pangkat na naglilingkod sa hari, ang mga pinuno ng mga libu-libo at mga pinuno ng mga daan-daan. Tinawag din niya ang mga katiwala ng mga ari-arian, at ng mga kawan ng hari, at ng mga anak niya, lahat ng mga may tungkulin sa palasyo, lahat ng matatapang na lalaki, at lahat ng mahuhusay na mandirigma.

Nang(E) naroon na ang lahat, tumayo siya at nagsalita, “Mga kapatid at mga kababayan, matagal ko nang minimithi na magtayo ng isang permanenteng tahanan para sa Kaban ng Tipan na siyang tuntungan ng Diyos nating si Yahweh. Inihanda ko na ang lahat ng kailangan upang maitayo ito. Ngunit sinabi sa akin ng Diyos na hindi ako ang magtatayo ng Templo para sa kanya sapagkat ako'y isang mandirigma at may bahid ng maraming dugo ang aking kamay. Subalit sa sambahayan ng aking ama, ako ang pinili ni Yahweh, ang Diyos ng Israel upang maghari sa bansang ito magpakailanman. Ang pinili niyang mangunguna ay si Juda, at nagmula sa lipi nito ang pamilya ng aking ama. Sa amin namang pamilya, ako ang kanyang itinalaga para maging hari ng buong Israel. Binigyan ako ni Yahweh ng maraming anak at mula sa kanila, si Solomon ang pinili niya upang umupo sa trono ng Israel, ang kaharian ni Yahweh. Ang sabi niya sa akin, ‘Ang iyong anak na si Solomon ang magtatayo ng aking Templo, sapagkat siya ang pinili kong maging anak, at ako naman ang magiging ama niya. Patatatagin ko ang kanyang kaharian magpakailanman kung patuloy niyang susundin ang aking mga utos at tuntunin gaya ng ginagawa niya ngayon.’ Kaya nga, sa harapan ng buong Israel na bayan ni Yahweh, at ng Diyos na ngayo'y nakikinig, inaatasan ko kayo na sundin ninyong mabuti ang kautusan ng Diyos ninyong si Yahweh upang manatiling sa inyo ang masaganang lupaing ito at maipapamana naman ninyo sa inyong mga salinlahi magpakailanman.

“At ikaw naman, Solomon, anak ko, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at paglingkuran mo siya nang buong puso at pag-iisip, sapagkat sinisiyasat ni Yahweh ang ating damdamin at nauunawaan ang ating binabalak at iniisip. Kung lalapit ka sa kanya, tatanggapin ka niya. Ngunit kung tatalikuran mo siya, itatakwil ka niya magpakailanman. 10 Alalahanin mong ikaw ang pinili ni Yahweh upang magtayo ng kanyang banal na Templo. Magpakatatag ka at gawin mo ito nang may paninindigan.”

Ibinigay kay Solomon ang Plano ng Templo

11 Ibinigay ni David kay Solomon ang mga plano ng mga gusali ng Templo, ng mga kabang-yaman, ng mga silid sa itaas, ng mga silid sa loob at ng silid para sa banal na trono ng awa. 12 Ibinigay din niya ang plano para sa mga bulwagan at mga silid sa palibot nito at ang kabang-yaman ng Templo ng Diyos at ang bodega para sa mga kaloob na ukol kay Yahweh. 13 Ibinigay din niya ang plano para sa organisasyon ng mga pari at Levita at ang paghahati-hati sa mga gawaing may kinalaman sa paglilingkod sa Templo, at sa mga kagamitan dito. 14 Itinakda niya ang timbang ng ginto o pilak na gagawing mga sisidlan, 15 mga ilawan at patungan ng mga ito. 16 Gayundin ang timbang ng ginto na ibabalot sa bawat mesa na pagpapatungan ng tinapay na handog, at ang pilak na gagamitin sa bawat mesang pilak. 17 Itinakda rin niya ang timbang ng purong ginto na gagawing mga tinidor, mga palanggana, mga kopa, at mga gintong mangkok, gayundin ang pilak at gintong gagamitin sa mga mangkok. 18 Itinakda rin niya ang timbang ng purong ginto para sa altar na sunugan ng insenso, pati ang plano at gintong gagamitin sa karwahe ng mga kerubin na ang mga pakpak ay tumatakip sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. 19 Sinabi ni David, “Ang lahat ng ito ay nasa plano na ginawa ayon sa utos ni Yahweh at siyang kailangang isagawa.”

20 Pagkatapos, sinabi ni David sa kanyang anak na si Solomon, “Magpakatatag ka, lakasan mo ang iyong loob at gawin mo ito. Huwag kang matatakot ni panghinaan ng loob sapagkat ang Panginoong Yahweh, na aking Diyos ay kasama mo. Hindi ka niya bibiguin. Hindi ka niya pababayaan hangga't hindi mo natatapos ang lahat ng bagay na kailangan sa paglilingkod sa kanyang Templo. 21 Narito ang mga pangkat ng mga pari at mga Levita na handa para sa lahat ng gawain sa Templo ng Diyos. Narito rin ang mga ekspertong manggagawa, ang buong bayan at ang kanilang mga pinuno na handang tumulong at sumunod sa iyo sa anumang oras.”

Ang mga Kaloob para sa Templo

29 Ipinahayag(F) ni Haring David sa buong kapulungan, “Ang anak kong si Solomon na pinili ng Diyos upang humalili sa akin ay bata pa at walang sapat na karanasan. Napakalaki ng gawaing kakaharapin niya, sapagkat ang gagawin niya ay hindi isang palasyo para sa tao kundi Templo para sa Panginoong Yahweh. Dahil dito, sinikap kong magtipon ng mga gagamitin para sa Templo ng aking Diyos tulad ng ginto, pilak, tanso, bakal at kahoy. Napakarami ng inihanda kong batong onise at iba pang mahahalagang batong pampalamuti, at lahat ng uri ng mahahalagang bato at marmol. Hindi lang iyan, pati na ang sarili kong pilak at ginto ay inilaan ko na rin sa gawaing ito, sapagkat kasiyahan kong magkaroon ng Templo ang aking Diyos. May nakalaan akong 105,000 kilong ginto na mula pa sa Ofir, at 245,000 kilong purong pilak na ididikit sa mga dingding ng Templo, at sa iba pang bagay na gagawin ng mga mahuhusay na platero. Sino sa inyo ngayon ang kusang-loob na magbibigay para kay Yahweh?”

Sumang-ayon agad ang mga pinuno ng mga sambahayan, ang mga pinuno ng mga lipi, ang mga pinuno ng mga hukbo at ang mga katiwala ng hari. Kusang-loob silang nagbigay, at ang natipon para sa gagawing templo ay 175,000 kilong ginto, 350,000 kilong pilak, 630,000 kilong tanso, at 3,500,000 kilong bakal. Ipinagkaloob nila ang kanilang mahahalagang bato sa kabang-yaman ng Templo ni Yahweh na nasa pamamahala ni Jehiel na mula sa angkan ni Gershon. Masayang-masaya ang mga tao sa kanilang mga kusang-loob na panghandog kay Yahweh, at labis din itong ikinatuwa ni Haring David.

Pinuri ni David si Yahweh

10 Sa harapan ng mga tao'y tuwang-tuwa si David na nagpuri kay Yahweh. Sinabi niya, “Purihin kayo magpakailanman, Yahweh, ang Diyos ni Israel na aming ama. 11 Sa(G) inyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay sapagkat inyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa inyo ang kaharian at kayo ang dakila sa lahat. 12 Sa inyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan at kayo ang naghahari sa lahat. Taglay ninyo ang kapangyarihan at kadakilaan, at kayo ang nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa lahat. 13 Pinasasalamatan namin kayo, O Diyos, at pinupuri ang inyong maluwalhating pangalan.

14 “Ngunit sino ako at ang bayang ito? Buong puso kaming nagkakaloob sapagkat ang lahat ng ito ay galing sa inyo at ibinabalik lamang namin. 15 Tulad ng aming mga ninuno, kami nga'y mga dayuhan at naglalakbay lamang. Ang buhay namin sa daigdig na ito ay parang anino at pansamantala lamang. 16 O Yahweh na aming Diyos, ang lahat ng kayamanang ito na aming ibinigay para ipagpagawa ng inyong tahanan ay sa inyo rin nagmula. 17 Alam kong sinasaliksik ninyo ang puso ng bawat tao, at natutuwa kayo sa mga matuwid. O Diyos, buong puso kong ipinagkakaloob sa inyo ang lahat ng ito. Nasaksihan ko rin ang buong puso at may kagalakang pagkakaloob ng inyong bayan na narito ngayon. 18 Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob na aming mga ninuno, panatilihin ninyo sa isipan ng inyong bayan ang mga layuning ito, at akayin ninyo silang palapit sa inyo. 19 Tulungan ninyo ang anak kong si Solomon na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga utos at tuntunin upang maitayo niya ang Templong aking pinaghandaan.”

20 At sinabi ni David sa sambayanan, “Purihin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh!” Pinuri nga ng buong kapulungan si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Yumuko ang lahat, sumamba kay Yahweh, at nagbigay-galang sa hari. 21 Kinabukasan, ang dinala nilang handog na susunugin ay 1,000 toro, 1,000 tupang lalaki, 1,000 kordero at mga alak na handog, at napakaraming handog para sa buong Israel. 22 Masasaya silang nagsalu-salo sa harapan ni Yahweh noong araw na iyon.

Minsan pa nilang ipinahayag na si Solomon na anak ni David ay hari, at binuhusan ito ng langis sa pangalan ni Yahweh. Si Zadok naman ay hinirang bilang pari. 23 Mula(H) noon, umupo si Solomon sa tronong itinatag ni Yahweh bilang kahalili ng kanyang amang si David. Naging matagumpay siya at sumunod sa kanya ang buong Israel. 24 Nanumpa ng katapatan kay Haring Solomon ang mga pinuno at mandirigma, pati na ang iba pang anak ni Haring David. 25 Binigyan ni Yahweh si Solomon ng dakilang karangalan at katanyagang higit sa mga naging hari sa Israel.

Ang Buod ng Paghahari ni David

26 Si David na anak ni Jesse ay naghari sa buong Israel. 27 Apatnapung(I) taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem. 28 Nabuhay siya nang matagal, at namatay na mayaman at marangal. Si Solomon ang humalili sa kanya bilang hari. 29 Ang lahat ng pangyayari sa buong panahon ng paghahari ni David ay nakasulat sa mga aklat ng mga propetang sina Samuel, Natan at Gad. 30 Sa mga aklat na iyon nakasulat kung paano siya namahala, gaano kalawak ang kanyang kapangyarihan at ang mga nangyari sa kanya sa Israel, at sa lahat ng mga kaharian sa paligid.

Binigyan ng Karunungan si Solomon(J)

Naging matatag ang paghahari ni Solomon na anak ni David sapagkat pinagpapala siya ng Diyos niyang si Yahweh at pinalakas ang kanyang kapangyarihan. Ipinatawag niya ang mga pinunong namamahala sa libu-libo at sa daan-daan, ang lahat ng may kapangyarihan at ang buong bayan. Isinama niya ang mga ito sa burol ng Gibeon, sa Toldang Tipanan, na ginawa ni Moises noong sila'y nasa ilang. Ngunit(K) wala roon ang Kaban ng Tipan sapagkat ito'y kinuha ni David sa Lunsod ng Jearim at dinala sa Jerusalem, sa toldang itinayo niya roon. Ang(L) nasa Gibeon, sa harap ng tabernakulo ni Yahweh, ay ang altar na tanso na ginawa ni Bezalel, anak ni Uri at apo ni Hur. Pagdating sa Gibeon, nag-alay si Solomon ng sanlibong handog na susunugin sa altar na tanso na nasa loob ng Toldang Tipanan.

Kinagabihan, nagpakita ang Diyos kay Solomon at sinabi sa kanya: “Sabihin mo kung ano ang gusto mo, at ibibigay ko sa iyo.”

Sumagot si Solomon: “Napakabuti ninyo sa aking amang si David. At ngayo'y ginawa ninyo akong hari kahalili niya. Panginoong(M) Yahweh, natupad sa akin ang pangako ninyo sa kanya. Ginawa ninyo akong hari ng isang lahing sindami ng alabok sa lupa. 10 Kaya ngayon, ang hiling ko'y bigyan ninyo ako ng karunungan at kaalaman upang mapamahalaan ko ang bayang ito. Kung hindi, paano ko pamamahalaan ang malaking bayang ito?”

11 “Mabuti ang hiniling mo,” sagot ng Diyos kay Solomon. “Hindi ka naghangad ng kayamanan o karangalan. Hindi mo hinihiling ang kamatayan ng iyong mga kaaway o pahabain ang iyong buhay. Sa halip, ang hiningi mo'y karunungan at kaalaman sa pamamalakad sa bayang ito na niloob kong pagharian mo. 12 Ipinagkakaloob ko sa iyo ang hinihingi mo. At hindi lamang iyan! Bibigyan pa kita ng kayamanan at karangalan na kailanma'y hindi nakamtan ng mga haring nauna sa iyo, at hindi kakamtan ng mga susunod pa.” 13 Pagkatapos sumamba sa Gibea, bumalik si Solomon sa Jerusalem. At siya'y naghari sa Israel.

Ang Kayamanan at Kapangyarihan ni Solomon(N)

14 Nagtatag(O) si Solomon ng isang hukbong binubuo ng 1,400 karwahe at 12,000 mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga bayang himpilan ng mga karwahe at sa Jerusalem upang bantayan ang hari. 15 Sa panahon ng paghahari ni Haring Solomon, ang ginto at pilak sa Jerusalem ay naging pangkaraniwan lamang na parang bato, at ang kahoy na sedar ay naging sindami ng sikamoro sa paanan ng mga burol. 16 Ang(P) mga kabayo niya'y galing pa sa Egipto at sa Cilicia, na binibili ng kanyang mga tagapamili. 17 Bumibili rin siya ng mga karwahe sa Egipto sa halagang 600 pirasong pilak ang isa, at sa 150 pirasong pilak naman ang isang kabayo. Ang mga ito'y ipinagbibili naman niya sa mga hari ng mga Heteo at mga Arameo.

Paghahanda sa Pagtatayo ng Templo(Q)

Nagpasya si Solomon na magtayo ng templo na kung saan ay sasambahin si Yahweh, at ng palasyo para sa kanyang sarili. Naglagay si Solomon ng 80,000 katao na tagatibag ng bato sa kabundukan, 70,000 tagahakot, at 3,600 tagapamahala. Pagkatapos ay sumulat siya kay Haring Hiram ng Tiro na ganito ang sinasabi: “Kung paano ninyo pinakitunguhan ang aking amang si David at pinadalhan ninyo ng mga kahoy na sedar na ginamit niya sa pagtatayo ng kanyang palasyo, gayundin po sana ang gawin ninyo sa akin. Ngayon po'y magtatayo ako ng isang templo na kung saan ay sasambahin ang aking Diyos na si Yahweh. Magiging banal na lugar iyon para sa kanya bilang dakong sunugan ng insenso at pag-aalayan ng tinapay at handog na susunugin sa umaga, sa hapon, sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa mga takdang kapistahan ni Yahweh na aming Diyos, sapagkat ito'y utos sa Israel magpakailanman. Malaki ang templong ipatatayo ko sapagkat mas dakila ang aming Diyos kaysa alinmang diyos. Ngunit(R) sino nga ba ang makakapagtayo ng isang templong maaaring tirahan niya gayong maging sa kataas-taasang langit ay hindi siya magkasya. At sino naman ako upang ipagtayo siya ng templo? Ang ipatatayo ko'y isa lamang templong mapagsusunugan ng mga handog sa harap niya. Kaya kung maaari, padalhan ninyo ako ng isang taong mahusay na panday ng ginto, pilak, tanso at bakal, sanay humabi ng mga telang kulay ube, pula at asul, at mahusay din naman sa pag-ukit. Siya ang mamamahala sa aking mga manggagawa rito sa Juda at sa Jerusalem, sa mga tauhang inihanda ng aking amang si David. Padalhan din ninyo ako ng mga kahoy na sedar, sipres at algum na galing sa Lebanon. Alam kong bihasa ang mga tauhan ninyo sa pagputol ng kahoy sa Lebanon. Magpapadala ako ng aking mga tauhan upang tumulong. Maraming kahoy ang kailangan kong ihanda sapagkat malaki at kahanga-hanga ang templong aking ipatatayo. 10 Ako ang bahala sa pagkain ng inyong mga tauhang magpuputol ng kahoy. Bibigyan ko sila ng 20,000 malalaking sisidlan[a] na puno ng trigo, 20,000 malalaking sisidlan na puno ng sebada, 2,000 malalaking sisidlan na puno ng alak at 2,000 malalaking sisidlan na puno ng langis.”

11 Ganito naman ang sagot ni Haring Hiram: “Dahil sa pag-ibig ni Yahweh sa kanyang bayan, kayo ang ginawa niyang hari. 12 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel na lumikha ng langit at lupa. Binigyan niya si Haring David ng isang anak na matalino, may karunungan at kaalaman na siyang magtatayo ng Templo ni Yahweh at ng kanyang palasyo. 13 At ngayon, papupuntahin ko sa inyo si Huram, isang taong matalino at mahusay sa lahat ng trabaho. 14 Ang ina niya'y mula sa lipi ni Dan; taga-Tiro naman ang kanyang ama. Isa siyang mahusay na panday ng ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy. Sanay siyang gumawa ng mga kagamitang bato o kahoy man. Bihasa siyang humabi ng mga telang kulay ube, pula at asul at ng linong mamahalin. Magaling din siyang umukit ng anumang uri ng disenyong ipapagawa sa kanya. Kaya niyang gawin ang anumang iutos ninyo sa kanya, kasama ng mga manggagawa ninyo at ng inyong mahal na amang si David. 15 Kaya ipadala na ninyo rito ang trigo, sebada, langis at alak na inyong ipinangako, 16 at magpapaputol na kami ng lahat ng kahoy na kailangan ninyo. Mula sa Lebanon ay palulutangin namin sa dagat ang mga kahoy hanggang Joppa. Buhat naman doon ay kayo na ang magpahakot patungo diyan sa Jerusalem.”

17 Ipinakuha ni Solomon ang bilang ng lahat ng dayuhan sa Israel, tulad ng ginawa ni David. At ang nabilang nila ay 153,600 dayuhan. 18 Inatasan niya ang 70,000 sa paghahakot, at ang 80,000 sa pagtitibag ng bato sa bundok. Ang 3,600 naman ay ginawa niyang tagapamahala ng mga manggagawa.

Ang Templo sa Jerusalem(S)

Ang(T) Templo ni Yahweh sa Jerusalem ay sinimulang itayo ni Solomon sa Bundok ng Moria, sa giikan ng Jebuseong si Ornan. Inihanda ni David ang pook na iyon matapos magpakita sa kanya si Yahweh. Sinimulan niya ang pagtatayo noong ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kanyang paghahari.

Ito ang sukat ng Templo sa Jerusalem: dalawampu't pitong metro ang haba at siyam na metro ang luwang ayon sa matandang sukatan. Ang haba ng portiko sa dakong harap ng Templo ay siyam na metro—kapantay ng luwang ng Templo at limampu't apat na metro naman ang taas. Binalutan niya ng lantay na ginto ang loob nito.

Ang bulwagan ay pinatakpan ni Solomon ng mga tablang sipres. Pagkatapos, pinabalutan niya ito ng purong ginto at pinalagyan ng disenyo ng mga punong palma at kadena. Pinalamutian pa niya ito ng magagandang batong hiyas at gintong galing sa Parvaim. Binalutan niya ng ginto ang mga biga at hamba ng mga pinto at ang mga dingding ng Templo. Pinaukitan pa niya ang mga dingding ng mga larawan ng kerubin.

Ang(U) haba naman ng Dakong Kabanal-banalan ay siyam na metro—kapantay ng luwang ng Templo—at siyam na metro ang luwang. Binalot din niya ito ng lantay na ginto na umabot sa 21,000 kilo, at dalawampung onsa naman ang ginto na ginamit sa paggawa ng mga pako. Binalot din ng ginto ang mga dingding ng mga silid sa itaas.

10 Nagpagawa(V) siya ng dalawang rebultong kerubin na yari sa kahoy sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Binalot din ito ng ginto. 11 Siyam na metro ang kabuuang haba ng mga pakpak ng dalawang kerubin, dalawa't kalahating metro ang bawat isang pakpak. Ang dulo ng isang pakpak ng unang kerubin ay abot sa dingding at ang dulo naman ng kabilang pakpak ay abot sa dulo ng pakpak ng ikalawang kerubin. 12 Gayundin naman, ang dulo ng isang pakpak ng pangalawang kerubin na dalawa't kalahating metro ang haba ay abot sa kabilang dingding at ang dulo ng kabilang pakpak ay abot naman sa dulo ng pakpak ng unang kerubin. 13 Kaya't ang nasasakop ng kanilang mga pakpak ay siyam na metro. Nakatayo ang mga rebultong kerubin at parehong nakaharap sa bulwagan ng Templo.

14 Ang(W) ginamit na tabing ay mga telang hinabi sa lanang kulay asul, kulay ube, at kulay pula, at mamahaling lino. Pinaburdahan pa ito ng mga larawan ng kerubin.

Ang Dalawang Haliging Tanso(X)

15 Sa harap ng Templo, nagtayo siya ng dalawang haligi na labing-anim na metro ang taas at ang taas naman ng pinagkakabitan nito sa itaas ay dalawa't kalahating metro. 16 Nagpagawa siya ng mga kadena at isinabit iyon na parang kuwintas sa ibabaw ng mga haligi, at ikinabit sa mga kadena ang sandaang bunga ng granadang yari sa tanso. 17 Itinayo niya sa magkabilang tagiliran ng pasukan ng Templo. Ang nasa kanan ay tinawag na Jaquin at ang nasa kaliwa ay tinawag na Boaz.

Mga Kasangkapan sa Bulwagan ng Templo(Y)

Gumawa(Z) siya ng isang altar na tanso na siyam na metro ang haba, siyam na metro din ang luwang, at apat at kalahating metro ang taas. Gumawa rin siya ng malaking ipunan ng tubig na yari sa tanso. Ito'y isang malaking kawa, apat at kalahating metro ang luwang ng labi, dalawa't kalahating metro naman ang lalim at labingtatlo't kalahating metro ang sukat pabilog. Sa gilid nito'y may palamuting hugis toro na nakapaikot, sampu sa bawat apat at kalahating metro. Ang mga palamuti ay nakahanay nang dalawa na hinulma kasama ng kawa. Ang patungan ng lalagyang ito ay labindalawang torong magkakatalikod: tatlo sa hilaga, tatlo sa timog, tatlo sa kanluran at tatlo sa silangan. Tatlong pulgada ang kapal ng kawa at ang labi nito'y hugis kopa, parang bulaklak na liryo. Maaaring maglaman ito ng tatlong libong baldeng tubig. Nagpagawa(AA) rin siya ng sampung palangganang hugasan, lima sa gawing kanan at lima sa kaliwa. Doon nililinis ang mga handog na susunugin at sa malaking kawa naman naghuhugas ang mga pari.

Gumawa(AB) rin siya ng sampung ilawang ginto, katulad ng ipinagawa ni Yahweh kay Moises. Ipinalagay naman niya ang mga ilawang ito sa Dakong Banal, lima sa gawing kanan at lima sa kaliwa. Pagkatapos,(AC) nagpagawa siya ng sampung hapag at ipinalagay rin sa Dakong Banal, lima sa gawing kanan at lima sa gawing kaliwa. Nagpagawa rin siya ng sandaang mangkok na ginto.

Gumawa rin siya ng bulwagan ng mga pari, at ng bulwagang malaki, pati ng mga pinto nito. Ang mga pintong ito ay binalot niya ng tanso. 10 Inilagay niya ang malaking kawa sa gawing kanan sa dakong timog-silangang sulok ng Templo. 11 Gumawa rin si Huram ng mga lalagyan ng abo, mga pala at mga kalderong sahuran ng dugo.

Tinapos nga ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon para sa Templo ng Diyos: 12 ang dalawang haliging tanso, ang hugis mangkok na nasa itaas ng mga haligi at ang dalawang hanay ng palamuti na parang lambat na nakapaligid dito; 13 ang apatnaraang granadang tanso na dalawang hanay ang pagkakabit sa mga palamuting hugis mangkok sa itaas ng mga haligi; 14 ang sampung palanggana at ang sampung patungan ng mga ito; 15 ang malaking kawang tanso at ang labindalawang rebultong toro na kinapapatungan nito; 16 ang mga lalagyan ng abo, mga pala at mga pantusok at iba pang kasangkapan. Ang mga kasangkapang ito na yari lahat sa makinis na tanso ay ginawa ni Huram para sa Templo ni Yahweh ayon sa utos ni Haring Solomon. 17 Ipinahulma ng hari ang lahat ng ito sa kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zereda. 18 Sa dami ng mga kagamitang ito na ipinagawa ni Solomon, hindi na matiyak ang kabuuang timbang ng ginamit na tanso.

19 Ipinagawa rin ni Solomon ang mga kasangkapan sa loob ng Templo ng Diyos: ang altar na ginto, ang mga mesa para sa tinapay na handog; 20 ang mga ilawang lantay na ginto, pati ang mga ilawang dapat sindihan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, ayon sa Kautusan; 21 ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at ang mga sipit na pawang gintong lantay; 22 ang mga pampatay ng ilaw, mga palanggana, mga lalagyan ng insenso at mga lalagyan ng baga ay pawang lantay na ginto. Pati ang mga pinto ng Templo, at ng Dakong Kabanal-banalan ay balot din ng ginto.

Nang(AD) matapos na ang lahat ng ipinagawa ni Solomon para sa Templo, ipinasok niya sa kabang-yaman ng Templo ang lahat ng bagay na inilaan para dito ng kanyang amang si David: ginto, pilak, mga lalagyan at iba pang kagamitan.

Dinala sa Templo ang Kaban ng Tipan(AE)

Pinulong(AF) ni Solomon sa Jerusalem ang matatandang pinuno ng Israel, ang lahat ng pinuno ng mga lipi at ng mga angkan upang kunin sa Zion, sa Lunsod ni David, ang Kaban ng Tipan. Kaya't nagtipun-tipon ang kalalakihan ng Israel noong ikapitong buwan, Pista ng mga Tolda. Pagdating ng pinuno ng Israel, binuhat ng mga Levita ang Kaban ng Tipan at dinala sa Templo. Ipinasok din ng mga pari at ng mga Levita ang Toldang Tipanan pati ang mga banal na kagamitan nito sa loob ng Templo.

Pagkatapos, si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagkakatipon sa harap ng kaban ay naghandog ng mga baka at mga tupa na sa dami ay hindi na mabilang. At ipinasok ng mga pari ang Kaban ng Tipan sa Dakong Kabanal-banalan. Inilagay nila ito sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin kaya't nalulukuban ng mga iyon ang Kaban ng Tipan at ang mga pasanan nito. Ang mga pasanan ay lampas sa magkabilang dulo ng Kaban at nakikita ito mula sa Dakong Kabanal-banalan. Ngunit hindi ito nakikita sa labas. Ganito pa rin ang ayos ng lahat ng iyon hanggang ngayon. 10 Walang(AG) laman ang Kaban kundi ang dalawang tapyas ng batong inilagay roon ni Moises noong sila'y nasa Sinai.[b] Ito ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa bayang Israel noong umalis sila sa Egipto.

Ang Kaluwalhatian ni Yahweh

11 Ang lahat ng paring naroon, kahit na iba't ibang pangkat ay naghanda ng kani-kanilang sarili sa paglilingkod. At paglabas nila mula sa Templo, 12 nakatayo naman sa gawing silangan ng altar ang mga mang-aawit na Levita: sina Asaf, Heman at Jeduthun, kasama ang kanilang mga anak at mga kapatid. Nakadamit sila ng mamahaling lino at tumutugtog ng pompiyang, alpa at lira, kasaliw ng mga trumpeta na hinihipan ng 120 pari. 13 Ang(AH) (AI) mga umiihip ng trumpeta at ang mga mang-aawit ay sama-samang nagpupuri at nagpapasalamat kay Yahweh. Sa saliw ng mga trumpeta, pompiyang at iba pang mga instrumento ay inaawit nila ang ganito: “Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” At ang Templo, ang tahanan ng Diyos, ay napuno ng ulap. 14 Kaya't ang mga pari'y hindi nakatagal sa loob upang maglingkod. Napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang buong Templo.

Binasbasan ni Solomon ang Buong Israel(AJ)

Sinabi noon ni Solomon:

“Sinabi ninyo, Yahweh, na ibig ninyong manirahan sa makapal na ulap.
Ipinagtayo ko kayo ng isang maringal na bahay,
    isang lugar na titirhan ninyo magpakailanman.”

Pagkatapos ay humarap ang hari at binasbasan ang buong sambayanang Israel. Sinabi(AK) niya: “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako kay David na aking ama. Sinabi niya noon: ‘Mula nang ilabas ko sa Egipto ang aking bayan hanggang ngayon, hindi ako pumili ng alinmang lunsod sa mga lipi ng Israel upang ipagtayo ako roon ng isang Templo kung saan ako'y sasambahin. Hindi pa rin ako pumipili ng sinuman upang mamuno sa Israel. Ngunit pinili ko ang Jerusalem upang doon ako sambahin at hinirang ko si David upang mamuno sa aking bayang Israel.’

“Binalak ni David na aking ama na ipagtayo ng templo si Yahweh, ang Diyos ng Israel, upang doon siya sambahin. Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, ‘Mabuti ang binabalak mong magtayo ng isang Templo para sa akin. Subalit hindi ikaw ang magtatayo niyon, kundi ang isa sa magiging anak mo.’

10 “Natupad ngayon ang pangako ni Yahweh. Humalili ako sa aking amang si David at ngayo'y nakaupo ako sa trono ng Israel gaya ng pangako ni Yahweh. Naitayo ko na ang Templo kung saan ay sasambahin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. 11 Nailagay ko na roon ang Kaban ng Tipan na kinalalagyan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa sambayanang Israel.”

Ang Panalangin ni Solomon para sa Sarili(AL)

12 Pagkatapos, sa harap ng buong sambayanan ng Israel, tumayo si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh at iniunat ang kanyang mga kamay. 13 Gumawa siya ng isang entabladong tanso, dalawa't kalahating metro ang haba gayundin ang luwang at isa't kalahating metro ang taas. Ito ay pinagawa sa gitna ng bulwagan. 14 Nanalangin siya ng ganito:

“Yahweh, Diyos ng Israel, walang Diyos na katulad ninyo sa langit man o sa lupa. Tinutupad ninyo ang inyong pangako sa inyong mga lingkod. Tapat ang pag-ibig na ipinapakita ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo. 15 Tinupad ninyo ngayon ang inyong pangako sa inyong lingkod na si David na aking ama. 16 Yahweh,(AM) Diyos ng Israel, patuloy sana ninyong tuparin ang inyong pangako kay David na inyong lingkod nang sabihin ninyo sa kanya: ‘Hindi ko ipapahintulot na ang iyong angkan ay mawalan ng isang nakaupo sa trono ng Israel kung susunod ang iyong mga anak sa Kautusan ko, tulad ng ginawa mo.’ 17 Pagtibayin po ninyo Yahweh, Diyos ng Israel, ang mga pangakong binitiwan ninyo sa aking amang si David na inyong lingkod.

18 “Subalit(AN) maaari po bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay hindi sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na Templong aking itinayo? 19 Gayunman, pakinggan po ninyo Yahweh, aking Diyos, ang panalangin at pagsusumamo ng inyong lingkod. 20 Huwag(AO) ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang ipinangako ninyong dito sasambahin ang inyong pangalan. Pakinggan sana ninyo ako kapag ako'y humarap sa Templong ito at nananalangin.

Ang Panalangin ni Solomon para sa Sambayanan

21 “Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayan tuwing kami'y mananalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami mula sa langit na inyong tahanan at sana'y patawarin ninyo kami.

22 “Sakaling magkasala ang isang tao sa kanyang kapwa at siya'y panumpain sa harap ng inyong altar sa Templong ito, 23 pakinggan po ninyo siya, Yahweh, buhat sa langit. Kayo ang humatol sa inyong mga lingkod. Parusahan ninyo ang nagkasala ayon sa bigat ng kanyang kasalanan at pagpalain ang walang sala.

24 “Sakaling ang inyong bayang Israel ay matalo ng kaaway dahil sa kanilang pagkakasala sa inyo, sa sandaling sila'y magbalik-loob sa inyo, kumilala ng inyong kapangyarihan, nanalangin at nagsumamo sa inyo sa Templong ito, 25 pakinggan po ninyo sila mula diyan sa langit. Patawarin po ninyo ang inyong bayan at ibalik ninyo sila sa lupaing inyong ibinigay sa kanilang mga ninuno.

26 “Kapag pinigil ninyo ang ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang inyong bayang Israel, at kung sila'y manalangin sa Templong ito, magpuri sa inyong pangalan at magsisi sa kanilang kasalanan at kilalaning iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa, 27 pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Patawarin ninyo ang inyong mga lingkod, ang inyong bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang tahakin. Papatakin na ninyo ang ulan sa lupaing ipinamana ninyo sa inyong bayan.

28 “Kapag nagkaroon ng taggutom at salot sa lupain, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng higad at balang, at kung ang alinman sa kanilang mga lunsod ay makubkob ng kaaway, kung lumaganap ang sakit at salot, 29 sa sandaling ang inyong bayang Israel o sinuman sa kanila ay magsisi at iunat ang mga kamay na nananalangin paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa iyo, 30 pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong trono at patawarin ninyo sila. Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanyang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam ng nilalaman ng puso ng tao. 31 Sa ganoon, mananatili silang may takot sa inyo habang sila'y nabubuhay dito sa lupaing ibinigay ninyo sa aming mga ninuno. 32 Idinadalangin ko rin ang dayuhang mula sa malayong lugar at hindi kabilang sa inyong bayang Israel na magsasadya sa Templong ito upang manalangin sapagkat nabalitaan ang inyong dakilang pangalan at kapangyarihan. 33 Pakinggan ninyo siya mula sa langit na inyong trono at ipagkaloob ninyo sa kanya ang kanyang hinihiling. Sa ganoon, kikilalanin ng lahat ng tao sa daigdig ang inyong pangalan. At tulad ng Israel, malalaman nila na kayo ay sinasamba sa Templong ito.

34 “Kapag ang inyong bayan ay nakipagdigma laban sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong utos, at sila'y nanalangin na nakaharap sa lunsod na ito na inyong pinili at sa Templong aking ipinatayo upang dito'y sambahin kayo, 35 pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Pagtagumpayin ninyo sila.

36 “Kapag ang inyong bayan ay nagkasala sa inyo (at walang taong hindi nagkakasala) at dahil sa galit ninyo'y pinabayaan ninyo silang matalo at dalhing-bihag ng kanilang mga kaaway sa malayo o malapit na lupain, 37 kung sa lupaing pinagdalhan sa kanila'y makilala nila ang kanilang kamalian at tanggaping sila'y nagkasala at nagpakasama, 38 sa sandaling sila'y magsisi nang taos-puso at magbalik-loob sa inyo at mula roo'y humarap sila sa lupaing ibinigay mo sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na ito na iyong pinili at sa Templong ito na aking ipinatayo upang dito'y sambahin kayo, 39 pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan. Pakinggan ninyo ang kanilang panalangin at pagsusumamo at iligtas ninyo sila. Patawarin ninyo ang inyong bayan sa kanilang pagkakasala sa inyo. 40 Pagmasdan ninyo kami, O Diyos, at pakinggan ang mga panalanging iniaalay sa lugar na ito.

41 ‘Sa(AP) iyong tahanan, Panginoong Yahweh, pumasok ka kasama ang Kaban,
    ang Kaban na sagisag ng inyong kapangyarihan.
Iyong mga pari, hayaang magpahayag ng iyong kaligtasan,
    ang mga hinirang sumigaw sa galak!
42 Huwag ninyong itakwil, Panginoong Yahweh, ang pinili ninyong hari.
    Alalahanin ninyo ang inyong tapat na pag-ibig kay David na inyong lingkod.’”

Ang Pagtatalaga sa Templo(AQ)

Pagkatapos(AR) manalangin ni Solomon, may apoy na bumabâ mula sa langit; tinupok ang mga handog, at ang Templo ay napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. Hindi makapasok sa Templo ang mga pari sapagkat napuno ito ng kaluwalhatian ni Yahweh. Nasaksihan(AS) ng buong Israel nang bumabâ ang apoy at nang ang Templo'y mapuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. Kaya't nagpatirapa sila, sumamba at nagpasalamat kay Yahweh, at nagsasabing, “Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” Pagkatapos, ang hari at ang buong bayan ay nag-alay ng mga handog kay Yahweh. Naghandog si Solomon ng 22,000 baka at 120,000 tupa. Sa ganitong paraan itinalaga ng hari at ng sambayanan ang Templo ng Diyos. Nakatayo ang mga pari sa kani-kanilang lugar, kaharap ang mga Levita na tumutugtog ng mga instrumentong ginawa ni Haring David upang pasalamatan si Yahweh. Ito ang awit nila: “Ang tapat niyang pag-ibig ay walang hanggan.” Hinipan naman ng mga pari ang mga trumpeta habang nakatayo ang buong sambayanan ng Israel.

Itinalaga ni Solomon ang gitna ng bulwagan sa harap ng Templo. Doon niya inialay ang mga handog na susunugin, ang mga handog na pagkaing butil at ang mga tabang handog pangkapayapaan, sapagkat hindi magkasya ang mga ito sa altar na tanso na ipinagawa ni Solomon.

Ipinagdiwang ni Solomon ang Pista ng mga Tolda sa loob ng pitong araw. Dumalo roon ang buong bayan ng Israel mula sa pagpasok sa Hamat na nasa hilaga hanggang sa Batis ng Egipto sa timog. Nang ikawalong araw, nagdaos sila ng isang dakilang pagtitipon. Pitong araw nilang ipinagdiwang ang pagtatalaga sa altar at pitong araw rin ang Pista ng mga Tolda. 10 Nang ikadalawampu't tatlong araw ng ikapitong buwan, pinauwi na ni Solomon ang mga tao. Masayang-masaya silang lahat dahil sa kagandahang-loob ni Yahweh kay David, kay Solomon at sa kanyang bayang Israel.