Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 78

Awit tungkol sa Kasaysayan ng Israel

Isang Maskil[a] ni Asaf.

78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
    inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
Itong(A) aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
    nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
    nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
    ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
    mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
    na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.

Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag,
    mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas;
ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad,
    ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak.
Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral,
    at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
    ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos,
    at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot.
Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris,
    na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik;
isang lahing di marunong magtiwala at magtiis,
    ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.

Tulad ng Efraimita, mga pana ang sandata,
    sa panahon ng labana'y nagsitakas pa rin sila.
10 Ang tipan sa Panginoo'y hindi nila sinusunod,
    hindi sila lumalakad nang ayon sa mga utos.
11 Nakalimutan na nila ang lahat ng kabutihan,
    mga gawa ng ating Diyos na kanilang hinangaan.
12 Ang(B) (C) lahat ng gawang ito, noong una'y nasaksihan,
    ang nangyari sa Egipto, sa lupain nitong Zoan,
13 hinawi(D) niya yaong dagat, doon sila pinaraan,
    ang tubig sa magkabila'y parang pader kung pagmasdan.
14 Kapag(E) araw, sa paglakad naging gabay nila'y ulap,
    at kung gabi naman, tanglaw ay apoy na maliwanag.
15 May(F) tubig na iniinom kahit sila nasa ilang,
    sa batuha'y umaagos na likas sa kalaliman.
16 Mula roon sa batuhan, ang tubig ay umaagos,
    daloy nito kung pagmasdan, katulad ay isang ilog.

17 Ngunit sila'y patuloy rin sa kanilang kasalanan,
    sinusuway nila ang Diyos habang sila'y nasa ilang.
18 Sadya(G) nilang sinusubok, ginagalit nila ang Diyos;
    ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos.
19 Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito:
    “Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo?
20 Nang hampasin yaong bato, oo't tubig ay bumukal,
    dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw;
ngunit ito yaong tanong, tayo kaya'y mabibigyan
    ng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?”

21 Nang marinig ang ganito, si Yahweh nama'y nag-init,
    sa hinirang niyang bansa'y nag-apoy ang kanyang galit.
22 Pagkat sila ay ayaw nang sa Diyos ay magtiwala,
    sa pangakong pagliligtas ay ayaw nang maniwala.
23 Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,
    at ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan.
24 Bunga(H) nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan,
    ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay.
25 Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel,
    hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
26 Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,
    sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog.
27 Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating,
    makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
28 Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,
    sa palibot ng tolda ay doon nila kinakalap.
29 Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat,
    binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad.
30 Ngunit habang kinakain ang pagkaing idinulot,
    at hindi pa tumitigil pagkat di pa nabubusog,
31 pagkagalit sa nangyari, ipinakita ng Diyos,
    sa kanilang kabataan, parusa niya'y ibinuhos;
    ang mga malalakas at mga magagaling, buhay nila'y tinapos.

32 Sa ganitong gawa ng Diyos, sunud-sunod na himala,
    ganti nila ay paglabag, hindi pa rin naniwala.
33 Kaya't yaong pasya ng Diyos, ang araw ay wakasan na,
    bigla-biglang paratingin sa kanila ang parusa.
34 Subalit noong sila ay lilipulin na ng Diyos,
    nagsisi ang karamiha't sa kanya'y nagbalik-loob.
35 Noon nila nagunitang ang sanggalang nila'y ang Diyos,
    ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
36 Kaya't siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
    pagkat yao'y pakunwari't balatkayong matatawag.
37 Sa(I) kanilang mga puso, naghahari'y kataksilan,
    hindi sila naging tapat sa ginawa niyang tipan.

38 Gayon pa man, palibhasa'y Diyos siyang mahabagin,
    ang masamang gawa nila'y kanyang pinatawad pa rin;
    dahilan sa pag-ibig niya'y hindi sila wawasakin,
kung siya ma'y nagagalit, ito'y kanyang pinipigil.
39 Nagunita pa ni Yahweh, sila'y mga tao lamang,
    hanging di na nagbabalik matapos na makaraan.

40 Madalas na nag-aalsa noong sila'y nasa ilang;
    ang ganitong gawa nila'y labis niyang dinaramdam.
41 Lagi siyang sinusubok, hindi sila tumitigil,
    ginagalit nilang lagi itong Banal na Diyos ng Israel.
42 Ang kapangyarihan niya'y ayaw nilang gunitain,
    gayong sila'y iniligtas sa kaaway nilang taksil.
43 Ang ginawa nitong Diyos na lubos na hinangaan,
    ay nangyari sa Egipto sa lupain nitong Zoan.
44 Yaong(J) mga ilog doo'y naging dugong umaagos,
    kaya walang makainom sa batis at mga ilog.
45 Makapal(K) na mga langaw at palaka ang dumating,
    nataranta silang lahat, di malaman ang gagawin.
46 Dumating(L) ang maninira sa taniman ng halaman,
    mga tanim ay kinain ng balang na di mabilang.
47 Pati(M) tanim na ubasa'y winasak ng ulang yelo,
    anupa't sa kalamiga'y namatay ang sikamoro.
48 Nang ulanin na ng yelo, mga baka ay namatay,
    sa talim ng mga kidlat namatay ang mga kawan.
49 Sa ganito ay nadama ang matinding poot ng Diyos,
    kaya sila ay winasak sa sama ng kanyang loob,
    mga anghel ang gumanap ng parusang sunud-sunod.
50 Ang matinding galit ng Diyos hindi niya pinigilan,
    yaong naging wakas nila'y humantong sa kamatayan;
    dahilan sa isang salot, buhay nila ay pumanaw.
51 Yaong(N) lahat na panganay sa Egipto ay pinatay,
    ang panganay na lalaki sa Egiptong lahi ni Ham.

52 Tinipon(O) ang kanyang hirang na animo'y mga tupa,
    inakay sa lupaing ilang sa kanyang pangunguna.
53 Inakay(P) nga at naligtas, kaya naman di natakot,
    samantalang ang kanilang kaaway ay nangalunod.
54 Inihatid(Q) sila ng Diyos sa lupain niyang banal,
    sa bundok na mismong siya ang kumuha sa kaaway.
55 Itinaboy(R) niyang lahat ang naroong namamayan,
    pinaghati-hati niya ang lupaing naiwanan;
    sa kanilang mga tolda ang Israel ay nanahan.

56 Ngunit(S) sila'y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos,
hindi nila iginalang ang kanyang mga utos;
57     katulad ng nuno nila sila'y kusang tumalikod,
    nagtaksil na wari'y panang lumipad nang walang taros.
58 Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit,
    nang makita ang dambana ng larawang iniukit.
59 Sumamâ ang loob niya noong ito ay mamasid,
    itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit.
60 Kaya't(T) kanyang iniwanan ang tahanang nasa Shilo,
    yaong toldang tirahan niya sa gitna ng mga tao.
61 Sagisag(U) ng kanyang lakas, ang Kaban ng kanyang Tipan,
    binayaan na mahulog at makuha ng kaaway.
62 Nagalit sa kanyang baya't ibinigay sa kaaway,
    kaya naman ang marami sa kanila ay namatay.
63 Kanilang mga binata ay nasawi sa labanan,
    dalaga mang magaganda'y wala nang mapangasawa.
64 Pati mga pari nila, sa patalim ay napuksa,
    ang kanilang mga balo'y ni ayaw nang magluksa.

65 Parang tulog na gumising, si Yahweh ay nagbangon, ang katawan ay masigla, tumayo ang Panginoon;
    parang taong nagpainit sa alak na iniinom.
66 Pinaurong ang kaaway, lahat niyang katunggali,
    napahiya silang lahat, pawang galit na umuwi.
67 Maging ang lahi ni Jose, sadya niyang itinakwil,
    at di niya pinagbigyan pati lahi ni Efraim.
68 Sa halip, pinili niya'y ang sambahayan ni Juda,
    at ang bundok naman ng Zion ang tirahang minahal niya.
69 Doon niya itinayo yaong banal na santuwaryo,
    katulad ng nasa langit na tahanan niyang dako;
lubos niyang pinatatag na tulad ng mundong ito.

70 Ang(V) kinuhang pangunahi'y sa mahirap pa hinugot,
    isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod.
71 Ang alagang dati nito ay kawan ng mga hayop,
    nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos.
72 Matuwid na namahala, namalakad na mahusay,
    lubos silang kinalinga sa tulong niya at patnubay.

1 Samuel 1:21-2:11

21 Pagkalipas ng isang taon, si Elkana at ang kanyang sambahayan ay muling nagpunta sa Shilo upang ialay kay Yahweh ang taunang handog at upang tupdin ang kanyang panata. 22 Sinabi ni Ana kay Elkana, “Hindi na muna ako sasama sa inyo ngayon. Hihintayin ko na ang panahong maaari na siyang mahiwalay sa akin. Paglaki niya, dadalhin ko siya sa bahay ni Yahweh at doon na siya titira sa buong buhay niya.”

23 Sinabi ni Elkana, “Gawin mo kung ano ang inaakala mong mabuti. Hintayin mo na siyang lumaki at tulungan ka nawa ni Yahweh upang matupad ang pangako mo sa kanya.”[a] Kaya naiwan si Ana at inalagaan ang kanyang anak.

24 Nang lumaki na si Samuel, dinala siya ng kanyang ina sa bahay ni Yahweh sa Shilo. Nagdala pa siya ng isang torong tatlong taon,[b] limang salop ng harina at alak na nakalagay sa sisidlang balat. 25 Matapos ihandog ang baka, dinala nila kay Eli ang bata. 26 Sinabi ni Ana, “Kung natatandaan ninyo, ako po ang babaing nakita ninyong nakatayo rito noon at nanalangin kay Yahweh. 27 Hiniling ko sa kanya na ako'y pagkalooban ng anak at binigyan nga niya ako. 28 Kaya naman po inihahandog ko siya kay Yahweh upang maglingkod sa kanya habang buhay.”

Pagkatapos nito, sinamba nila si Yahweh.

Ang Panalangin ni Ana

Ganito(A) ang naging panalangin ni Ana:

“Pinupuri kita, Yahweh,
    dahil sa iyong kaloob sa akin.
Aking mga kaaway, ngayo'y aking pinagtatawanan,
    sapagkat iniligtas mo ako sa lubos na kahihiyan.

“Si Yahweh lamang ang banal.
    Wala siyang katulad,
    walang ibang tagapagtanggol liban sa ating Diyos.
Walang maaaring magyabang sa iyo, Yahweh,
    walang maaaring maghambog,
sapagkat alam mo ang lahat ng bagay,
    ikaw ang hahatol sa lahat ng ginagawa ng tao.
Ginapi mo ang mga makapangyarihan,
    at pinapalakas ninyo ang mahihina.
Kaya't ang dating mayayaman ay nagpapaupa para may makain.
    Masagana ngayon ang dating maralita.
Nagsilang ng pito ang dating baog,
    at ang maraming anak ngayo'y nalulungkot.
Ikaw,(B) O Yahweh, ang may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay.
    Maaari mo kaming itapon sa daigdig ng mga patay, at maaari ring buhayin muli.
Maaari mo kaming payamanin o paghirapin,
    maaari ring ibaba o itaas.
Mapapadakila mo kahit ang pinakaaba,
    mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha.
Maihahanay mo sila sa mga maharlika,
    mabibigyan ng karangalan kahit na ang mga hampaslupa.
Hawak mo ang langit na nilikha,
    at sa iyo nasasalig ang lahat ng iyong gawa.

“Papatnubayan mo ang tapat sa iyo,
    ngunit ang masasama ay isasadlak sa karimlan.
    Walang sinumang magtatagumpay sa sariling lakas.
10 Lahat ng lumalaban sa iyo ay manginginig sa takot;
    kapag pinapadagundong mo ang mga kulog.
Hahatulan mo ang buong daigdig,
    at pagtatagumpayin ang hinirang mong hari.”

11 Si Elkana at ang buo niyang sambahayan ay umuwi sa Rama. Ngunit iniwan nila si Samuel upang maglingkod kay Yahweh sa pangangasiwa ng paring si Eli.

Mga Gawa 1:15-26

15 Makalipas ang ilang araw, nang nagkakatipon ang may isandaan at dalawampung mga kapatid, tumayo sa harap nila si Pedro at nagsalita, 16 “Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.”

18 Ang(A) kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka. 19 Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo.

20 Sinabi(B) pa ni Pedro,

“Nasusulat sa Aklat ng mga Awit,
‘Ang tirahan niya'y tuluyang layuan,
    at huwag nang tirhan ninuman.’

Nasusulat din,

‘Gampanan ng iba ang kanyang
    tungkulin.’

21-22 “Kaya't(C) dapat pumili ng isang makakasama namin bilang saksi sa muling pagkabuhay ni Jesus. Kailangang siya'y isa sa mga kasa-kasama namin sa buong panahong kasama kami ng Panginoong Jesus, mula nang bautismuhan ni Juan si Jesus hanggang sa siya ay iniakyat sa langit.”

23 Kaya't iminungkahi nila ang dalawang lalaki, si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas, na kilala rin sa pangalang Justo. 24 Pagkatapos, sila'y nanalangin, “Panginoon, alam ninyo kung ano ang nasa puso ng lahat ng tao. Ipakita po ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang inyong pinili 25 upang maglingkod bilang apostol kapalit ni Judas na tumalikod sa kanyang tungkulin nang siya'y pumunta sa lugar na nararapat sa kanya.”

26 Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't siya ay idinagdag sa labing-isang apostol.

Lucas 20:19-26

Tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(A)

19 Tinangka ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga punong pari na dakpin si Jesus sa oras ding iyon sapagkat nahalata nilang sila ang tinutukoy niya sa talinghaga, ngunit natakot sila sa mga tao. 20 Kaya't naghintay sila ng magandang pagkakataon. Sinuhulan nila ang ilang katao upang magkunwaring tapat na naghahanap ng katotohanan. Ginawa nila ito upang siluin si Jesus sa kanyang pananalita, at nang sa gayon ay mapasailalim siya sa karapatan at kapangyarihan ng gobernador. 21 Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam po naming totoo ang inyong sinasabi at itinuturo. Hindi kayo nagtatangi ng tao, kundi itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng tao. 22 Dapat po ba tayong magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?”

23 Alam ni Jesus ang kanilang masamang balak kaya't sinabi niya, 24 “Iabot ninyo sa akin ang isang salaping pilak. Kanino ang larawan at ang pangalang nakaukit dito?”

“Sa Emperador po,” tugon nila.

25 Sinabi naman ni Jesus, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”

26 Nabigo sa harap ng madla ang hangarin nilang masilo siya sa kanyang pananalita. At hindi sila nakaimik dahil sa pagkamangha sa kanyang sagot.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.