Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 93

Ang Diyos ang Hari

93 Si Yahweh ay naghahari, na ang suot sa katawan
    ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan.
Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig,
    kahit ano ang gawin pa'y hindi ito mayayanig.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una,
    bago pa ang kasaysayan, ika'y likas na naro'n na.

Tumataas nga, O Yahweh, ang tubig ng mga ilog,
    lumalakas ang lagaslas habang sila'y umaagos;
    maingay na mga alon katulad ay pagkalabog.
Parang tubig na marami, ang buhos ay parang kulog,
    malakas pa kaysa alon ng dagat na mayro'ng unos;
    higit pa sa mga ito si Yahweh na dakilang Diyos.

Walang hanggan, O Yahweh, ang lahat ng tuntunin mo,
    sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.

Mga Awit 96

Diyos ang Kataas-taasang Hari(A)

96 Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
    purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!
Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
    araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
    sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
    higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
    si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.
Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
    ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.

O(B) si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!
    Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
    dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan,
    humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.

10 “Si Yahweh ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
    “Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;
    sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”
11 Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
    lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
12 Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
    pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.

13 Si Yahweh ay darating na upang lahat ay hatulan,
    at kanyang paghahariin ang sakdal na katarungan.

Mga Awit 34

Pagpuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos

Katha(A) ni David nang siya'y palayasin ni Abimelec matapos magkunwang nasisiraan siya ng bait.

34 Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin;
    pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
    kayong naaapi, makinig, matuwa!
Ang kadakilaan niya ay ihayag,
    at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!

Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
    inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
    pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
    sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
    sa mga panganib, sila'y kinukupkop.

Tingnan(B) mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
    mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan,
    nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
10 Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain;
    ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
11 Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan,
    at kayo ngayo'y aking tuturuan na si Yahweh ay dapat sundi't igalang.
12 Sinong(C) may gusto ng mahabang buhay;
    sinong may nais ng masaganang buhay?
13 Dila mo'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.
14 Mabuti ang gawi't masama'y layuan
    pagsikapang kamtin ang kapayapaan.

15 Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon,
    sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
16 Sa mga masasama, siya'y tumatalikod,
    at sa alaala, sila'y mawawala.
17 Agad dinirinig daing ng matuwid;
    inililigtas sila sa mga panganib.
18 Tinutulungan niya, mga nagdurusa
    at di binibigo ang walang pag-asa.

19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
    sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin(D) siya nang lubus-lubusan,
    kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
    sa taglay na buhay ang siyang kikitil.

22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
    sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!

Error: 'Ecclesiastico 46:11-20' not found for the version: Magandang Balita Biblia
Pahayag 15

Ang mga Panghuling Salot

15 Nakita ko rin sa langit ang isa pang kakaiba at kagila-gilalas na palatandaan: may pitong anghel na may dalang pitong salot. Ito ang mga panghuling salot sapagkat dito matatapos ang poot ng Diyos.

May nakita akong parang dagat na kristal na nagliliyab. Nakita ko rin ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito, at sa nagtataglay ng bilang na katumbas ng kanyang pangalan. Nakatayo sila sa tabi ng dagat na kristal, hawak ang mga alpang bigay sa kanila ng Diyos. Inaawit(A) nila ang awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero:

“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa!
O Hari ng mga bansa[a],
    matuwid at totoo ang iyong mga paraan!
Sino(B) ang hindi matatakot sa iyo, Panginoon?
    Sino ang hindi magpupuri sa iyong pangalan?
    Ikaw lamang ang banal!
Lahat ng mga bansa ay lalapit
    at sasamba sa iyo,
    sapagkat nakita ng lahat ang matuwid mong mga gawa.”

Pagkatapos(C) nito'y nakita ko ring bumukas ang templo sa langit, ang Toldang Tipanan. Lumabas mula sa templo ang pitong anghel na may dalang pitong salot. Nakasuot sila ng damit na malinis at nakakasilaw sa kaputian at may gintong pamigkis sa dibdib. Ibinigay sa kanila ng isa sa apat na nilalang na buháy ang pitong mangkok na ginto na punung-puno ng poot ng Diyos, na siyang nabubuhay magpakailanman. Ang(D) templo ay napuno ng usok na nagmumula sa kaluwalhatian at kapangyarihan ng Diyos at walang makapasok sa templo hangga't hindi natatapos ang pitong salot na dala ng pitong anghel.

Mateo 18:1-14

Sino ang Pinakadakila?(A)

18 Nang(B) mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa gitna nila at(C) sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap.”

Mga Sanhi ng Pagkakasala(D)

“Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin. Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito.

“Kung(E) ang iyong kamay o paa ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo iyon at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay o isang paa, kaysa kumpleto ang iyong dalawang kamay at dalawang paa na itatapon sa apoy na hindi namamatay. Kung(F) ang mata mo naman ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na bulag ang isang mata, kaysa may dalawang mata kang itapon sa apoy ng impiyerno.”

Ang Talinghaga tungkol sa Nawawalang Tupa(G)

10 “Pakaingatan(H) ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harap ng aking Ama na nasa langit. [11 Sapagkat(I) naparito ang Anak ng Tao upang iligtas ang napahamak.][a]

12 “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam na nasa bundok upang hanapin ang naligaw? 13 Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman hindi ayon sa kalooban ng inyong Ama[b] na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.