Book of Common Prayer
Awit ng Pagpupuri
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
40 Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay,
ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
2 sa balong malalim na lubhang maputik,
iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
at naging panatag, taglay na buhay ko.
3 Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
4 Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
5 Yahweh, aking Diyos, wala kang katulad
sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
nangangamba akong may makalimutan.
6 Ang(A) mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
7 Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
8 Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
9 Ang pagliligtas mo'y aking inihayag,
saanman magtipon ang iyong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
10 Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,
di ko inilihim, hindi ko sinarili;
pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,
sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.
11 Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin;
wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(B)
12 Kay rami na nitong mga suliranin,
na sa karamiha'y di kayang bilangin.
Alipin na ako ng pagkakasala,
na sa dami, ako'y di na makakita;
higit pa ang dami sa buhok sa ulo,
kaya nasira na pati ang loob ko.
13 Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan.
14 Nawa ang may hangad na ako'y patayin,
bayaang malito't ganap na talunin.
Yaong nagagalak sa suliranin ko,
hiyain mo sila't bayaang malito!
15 Silang nangungutya sa aki'y bayaang
manlumo nang labis, nang di magtagumpay!
16 Silang lumalapit sa iyo'y dulutan
ng ligaya't galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!”
ng nangaghahangad maligtas na kusa.
17 Ako ma'y mahirap at maraming kailangan,
subalit hindi mo kinalilimutan.
Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas—
Yahweh, aking Diyos, huwag ka nang magtagal!
Panalangin Upang Saklolohan
Isang Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
54 Makapangyarihang Diyos, ako'y iligtas,
ipagsanggalang mo ng iyong lakas.
2 Dinggin mo, O Diyos, aking panalangin,
iyo ngang pakinggan, aking mga daing.
3 Ang nagmamataas ay laban sa akin,
hangad ng malupit ang ako'y patayin,
kanilang nilimot na ang Diyos ay sundin. (Selah)[b]
4 Batid kong ang Diyos ang siyang tutulong,
tagapagsanggalang ko, aking Panginoon.
5 Ang hinahangad ko ay maparusahan sa gawang masama ang mga kaaway;
ang Diyos na matapat, sila'y wawakasan.
6 Buong galak naman akong maghahandog
ng pasasalamat kay Yahweh,
dahilan sa kanyang kagandahang-loob.
7 Iniligtas ako sa kabagabagan, iniligtas niya sa mga kaaway,
at aking nakitang sila ay talunan!
Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran
Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.
51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
2 Linisin mo sana ang aking karumhan,
at patawarin mo'ng aking kasalanan!
3 Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
di ko malilimutan, laging alaala.
4 Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
marapat na ako'y iyong parusahan.
5 Ako'y masama na buhat nang isilang,
makasalanan na nang ako'y iluwal.
6 Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
7 Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
8 Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
butong nanghihina'y muling palakasin.
9 Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
lahat kong nagawang masama'y pawiin.
10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
13 Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.
14 Ingatan mo ako, Tagapagligtas ko
at aking ihahayag ang pagliligtas mo.
15 Tulungan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.
16 Hindi mo na nais ang mga handog;
di ka nalulugod, sa haing sinunog;
17 ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat.
18 Iyong kahabagan, O Diyos, ang Zion;
at ang Jerusalem ay muling ibangon.
19 At kung magkagayon, ang handog na haing
dala sa dambana, torong susunugin,
malugod na ito'y iyong tatanggapin.
Ang mga Tuntunin tungkol sa Unang Bunga at Ikasampung Bahagi ng mga Ani
26 “Kapag nasakop na ninyo ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, at matiwasay na kayong naninirahan doon, 2 kumuha(A) kayo ng unang bunga ng inyong mga pananim. Ilagay ninyo iyon sa isang basket at dalhin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh na kung saan ay sasambahin ang kanyang pangalan. 3 Haharap kayo sa paring nakatalaga roon at inyong sasabihin, ‘Kinikilala ko ngayon sa harap ni Yahweh na ako'y nakarating na sa lupaing ipinangako niya sa aming mga ninuno.’
4 “Kukunin naman ng pari ang basket at ilalagay sa harap ng altar. 5 Pagkatapos ay bibigkasin ninyo ang mga salitang ito sa harapan ni Yahweh:
‘Isang pagala-galang Arameo ang aking ninuno. Dinala niya ang kanyang pamilya sa Egipto upang manirahan doon. Kakaunti lamang sila nang magpunta doon, ngunit sila'y dumami nang dumami at naging isang malaki at makapangyarihang bansa. 6 Pinagmalupitan kami at inalipin ng mga Egipcio. 7 Kaya't humingi kami ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng aming mga ninuno. Dininig niya kami at nakita niya ang aming pagdurusa, kahirapan at kaapihang dinaranas. 8 Inilabas kami ni Yahweh mula sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, ng mga kakila-kilabot na gawa at mga kababalaghan 9 at dinala sa lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. 10 Kaya, narito ngayon, Yahweh, ang unang bunga ng aming mga pananim sa lupaing ibinigay mo sa amin.’
“Pagkasabi noon, ilapag ninyo ang inyong dala sa harap ng altar, saka kayo luluhod upang sambahin si Yahweh. 11 Dahil sa kabutihan niya sa inyo, kayong lahat ay magdiriwang, kasama ang buong sambahayan, ang mga Levita, at ang mga nakikipamayan sa inyo.
Si Tito at ang Kanyang mga Kasama
16 Salamat sa Diyos dahil inilagay niya sa puso ni Tito ang gayunding pagmamalasakit. 17 Hindi lamang niya pinaunlakan ang aming pakiusap, kundi sa kagustuhang makatulong sa inyo, nagprisinta pang siya ang pupunta riyan. 18 Pinasama namin sa kanya ang kapatid na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng Magandang Balita. 19 Hindi lamang iyan! Siya'y pinili ng mga iglesya upang maglakbay kasama namin at tulungan kami sa pangangasiwa sa gawaing ito. Ang ganitong pagkakawanggawa ay para sa ikaluluwalhati ng Panginoon at upang maipakita ang aming hangaring makatulong.
20 Nag-iingat kami upang walang masabi ang sinuman tungkol sa pangangasiwa namin sa masaganang kaloob na ito. 21 Ang(A) layunin namin ay gawin kung ano ang marangal, hindi lamang sa paningin ng Panginoon kundi maging sa paningin ng mga tao.
22 Kaya isinusugo naming kasama nila ang isa pa nating kapatid na subok na namin sa maraming pagkakataon, at lalong masigasig sa pagtulong ngayon dahil sa malaking tiwala niya sa inyo. 23 Tungkol kay Tito, siya ang kasama ko at kamanggagawa sa pagtulong sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila'y mga kinatawan ng mga iglesya sa ikararangal ni Cristo. 24 Kaya't ipadama ninyo sa kanila ang matapat ninyong pag-ibig upang makita ng mga iglesya na hindi kami nagkamali sa pagmamalaki tungkol sa inyo.
Ang Talinghaga ng Pariseo at ng Maniningil ng Buwis
9 Sinabi rin niya ang talinghagang ito sa mga taong matuwid ang tingin sa sarili at hinahamak naman ang iba. 10 “May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.’ 13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ 14 Sinasabi(A) ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing matuwid sa harapan ng Diyos, at hindi ang Pariseo. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.