Old/New Testament
Ang Pag-ibig ng Panginoon sa Jacob
1 Ang pahayag ng salita ng Panginoon sa Israel sa pamamagitan ni Malakias.
2 “Inibig(A) (B) ko kayo,” sabi ng Panginoon. Gayunma'y inyong sinasabi, “Paano mo kami inibig?” “Hindi ba si Esau ay kapatid ni Jacob?” sabi ng Panginoon. “Gayunma'y inibig ko si Jacob.
3 Ngunit si Esau ay aking kinamuhian, at ginawa ko ang kanyang mga bundok na isang kasiraan at ibinigay ko ang kanyang mana sa mga asong palaboy sa ilang.”
4 Kung sinasabi ng Edom, “Kami'y nawasak, ngunit muli naming itatayo ang mga guho,” ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Maaari silang magtayo ngunit aking ibabagsak hanggang sila'y tawaging masamang lupain, galit ang Panginoon sa bayang ito magpakailanman.”
5 Makikita ng sarili ninyong mga mata, at inyong sasabihin, “Dakila ang Panginoon hanggang sa kabilang hangganan ng Israel.”
Pinangaralan ng Panginoon ang mga Pari
6 “Iginagalang ng anak ang kanyang ama, at ng mga utusan ang kanilang amo. Kung ako nga'y isang ama, nasaan ang karangalang nararapat sa akin? At kung ako'y amo, nasaan ang paggalang na para sa akin? sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo sa inyo, O mga pari, na humahamak sa aking pangalan. Inyong sinasabi, ‘Paano namin hinamak ang iyong pangalan?’
7 Kayo'y naghahandog ng maruming pagkain sa aking dambana. At inyong sinasabi, ‘Paano ka namin nilapastangan?’ Sa inyong sinasabing ang hapag ng Panginoon ay hamak.
8 Kapag(C) kayo'y naghahandog ng mga bulag na hayop bilang alay, di ba masama iyon? At kapag kayo'y naghahandog ng pilay at may sakit, hindi ba masama iyon? Subukan mong ihandog iyon sa iyong gobernador, masisiyahan kaya siya sa iyo o papakitaan ka kaya niya ng kabutihan? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9 ‘Ngayo'y maaari bang inyong hingin ang kabutihan ng Diyos upang pagpalain niya tayo.’ May gayong kaloob sa inyong kamay, magpapakita kaya siya ng paglingap sa alinman sa inyo? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
10 O mayroon sana sa inyong magsara ng mga pinto, upang hindi kayo makapagpaningas ng apoy sa aking dambana nang walang kabuluhan! Hindi ko kayo kinalulugdan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at hindi ako tatanggap ng handog mula sa inyong kamay.
11 Sapagkat mula sa sikatan ng araw hanggang sa nilulubugan niyon, dakila ang aking pangalan sa mga bansa; at sa bawat dako ay paghahandugan ng kamanyang ang aking pangalan, at ng dalisay na handog; sapagkat ang aking pangalan ay dakila sa gitna ng mga bansa, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
12 Ngunit inyong nilalapastangan iyon kapag inyong sinasabi na ang hapag ng Panginoon ay nadungisan, at bunga nito, ang pagkain niya ay hamak.
13 Sinasabi rin ninyo, ‘Nakakasawa na ito,’ at inaamoy-amoy pa ninyo ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Dinadala ninyo ang nakuha sa dahas, ang pilay, at ang may sakit; at ito ang dinadala ninyo bilang handog! Tatanggapin ko ba ito mula sa inyong kamay? sabi ng Panginoon.
14 Ngunit sumpain ang mandaraya na mayroon sa kanyang kawan na isang lalaki, at ipinangako ito, gayunma'y naghahain ng hayop na may kapintasan sa Panginoon; sapagkat ako'y dakilang Hari, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ang aking pangalan ay kinatatakutan ng mga bansa.
Tinuligsa ang mga Di-Banal na Pari
2 “Ngayon, O kayong mga pari, ang utos na ito ay para sa inyo.
2 Kung hindi kayo makikinig, at kung hindi ninyo ilalagak sa inyong puso na bigyang kaluwalhatian ang aking pangalan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ipadadala ko sa inyo ang sumpa at aking susumpain ang mga pagpapala ninyo. Sa katunayan, akin na silang isinumpa, sapagkat hindi ninyo inilagak sa inyong puso.
3 Narito, sasawayin ko ang inyong anak, at sasabugan ko ng dumi ang inyong mga mukha, ang dumi ng inyong mga kapistahan; at kayo'y aalisin kasama nito.
4 Inyong(D) malalaman na aking ipinadala ang utos na ito sa inyo upang ang aking tipan kay Levi ay manatili, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
5 Ang(E) aking tipan sa kanya ay isang tipan ng buhay at kapayapaan; at ibinigay ko ang mga iyon sa kanya upang siya'y matakot; at siya'y natakot sa akin, at siya'y nagbigay-galang sa aking pangalan.
6 Ang kautusan ng katotohanan ay nasa kanyang bibig, at walang kalikuan na nasumpungan sa kanyang mga labi. Siya'y lumakad na kasama ko sa kapayapaan at katuwiran, at inilayo niya sa kasamaan ang marami.
7 Sapagkat ang mga labi ng pari ay dapat mag-ingat ng kaalaman, at dapat hanapin ng mga tao ang kautusan sa kanyang bibig, sapagkat siya ang sugo ng Panginoon ng mga hukbo.
8 Ngunit kayo'y lumihis sa daan; naging dahilan kayo upang matisod ang marami sa pamamagitan ng inyong kautusan, inyong pinasama ang tipan ni Levi, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9 Kaya't ginawa ko kayong hamak at aba sa harap ng buong bayan, yamang hindi ninyo iningatan ang aking mga daan, kundi nagpakita kayo ng pagtatangi sa inyong kautusan.”
Ang Pagtataksil ng Israel at Juda
10 Hindi ba iisa lamang ang ating ama? Hindi ba iisang Diyos ang lumalang sa atin? Bakit nga tayo nagtataksil sa isa't isa na nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno?
11 Naging taksil ang Juda, at ang kasuklamsuklam ay nagawa sa Israel at sa Jerusalem; sapagkat nilapastangan ng Juda ang santuwaryo ng Panginoon, na kanyang iniibig, at nag-asawa sa anak na babae ng ibang diyos.
12 Ihiwalay nawa ng Panginoon mula sa mga tolda ng Jacob ang taong gumawa nito, ang sinumang gigising o sasagot o magdadala ng handog sa Panginoon ng mga hukbo!
13 Ito rin ay inyong ginagawa: Tinatakpan ninyo ang dambana ng Panginoon ng mga luha, ng pagtangis, at ng pagdaing, sapagkat hindi na niya nililingap ang handog, ni tinatanggap na may kasiyahan sa inyong kamay.
14 Gayunma'y inyong sinasabi, “Sa anong dahilan?” Sapagkat ang Panginoon ay saksi sa pagitan mo at ng asawa ng iyong kabataan, na ginawan mo ng kataksilan, bagaman siya'y iyong kasama, at iyong asawa sa pamamagitan ng tipan.
15 Ngunit wala ni isang gumawa niyon na mayroong nalabing Espiritu.[a] Ano ang ginawa niya noong naghahanap siya ng lahing maka-Diyos? Kaya't ingatan ninyo ang inyong espiritu, at huwag nang hayaang ang sinuman ay magtaksil sa asawa ng kanyang kabataan.
16 “Sapagkat aking kinapopootan ang paghihiwalay, sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, at ang pagtatakip ng tao sa kanyang damit na may karahasan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Kaya't ingatan ninyo ang inyong sarili at huwag kayong magtaksil.”
Nalalapit ang Araw ng Paghatol
17 Inyong niyamot ang Panginoon ng inyong mga salita. Gayunma'y sinasabi ninyo, “Paano namin siya niyamot?” Sa inyong pagsasabi, “Bawat gumagawa ng kasamaan ay mabuti sa paningin ng Panginoon, at sila'y kanyang kinalulugdan.” O sa pagtatanong, “Nasaan ang Diyos ng katarungan?”
Ang Pagdating ng Sugo ng Panginoon
3 “Narito,(F) sinusugo ko ang aking sugo upang ihanda ang daan sa unahan ko; at ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo! Ang sugo ng tipan na inyong kinalulugdan ay narito, dumarating,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
2 Ngunit(G) sino ang makakatagal sa araw ng kanyang pagdating, at sino ang makakatayo kapag siya'y nagpakita? Sapagkat siya'y tulad sa apoy ng tagapagdalisay at tulad sa sabon ng mga tagapagpaputi.
3 Siya'y uupong gaya ng nagpapakintab at nagpapadalisay ng pilak, at kanyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at kanyang lilinising tulad sa ginto at pilak hanggang sila'y maghandog ng matutuwid na handog sa Panginoon.
4 Kung magkagayo'y ang handog ng Juda at ng Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa Panginoon, gaya ng mga unang araw, at gaya ng mga taong nakalipas.
5 “Aking lalapitan kayo sa kahatulan; ako'y magiging mabilis sa pagsaksi laban sa mga mangkukulam, laban sa mga nakikiapid, laban sa mga nanunumpa ng kasinungalingan, at laban sa mga umaapi sa upahang manggagawa sa kanyang sahod, sa babaing balo at sa ulila, at laban sa nagtataboy sa dayuhan, at hindi natatakot sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Hindi Pagbibigay ng Ikasampung Bahagi
6 “Sapagkat akong Panginoon ay hindi nagbabago, kaya't kayo, O mga anak ni Jacob ay hindi napapahamak.
7 Mula sa mga araw ng inyong mga ninuno, kayo'y lumihis sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinupad ang mga iyon. Manumbalik kayo sa akin, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Ngunit inyong sinasabi, ‘Paano kami manunumbalik?’
8 Nanakawan ba ng tao ang Diyos? Gayunma'y ninanakawan ninyo ako. Ngunit inyong sinasabi, ‘Paano ka namin ninanakawan?’ Sa mga ikasampung bahagi at sa mga handog.
9 Kayo'y isinumpa ng isang sumpa, sapagkat ninanakawan ninyo ako—ng inyong buong bansa!
10 Dalhin(H) ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at sa gayo'y subukin ninyo ako ngayon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Tingnan ninyo kung hindi ko bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit, at ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan.
11 Aking sasawayin ang mananakmal alang-alang sa inyo, kaya't hindi nito sisirain ang mga bunga ng inyong lupa; at ang inyong puno ng ubas sa parang ay hindi mawawalan ng bunga, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
12 Tatawagin kayong mapapalad ng lahat ng mga bansa, sapagkat kayo'y magiging lupain ng katuwaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Pangako
13 “Ang inyong mga salita ay naging marahas laban sa akin, sabi ng Panginoon. Gayunma'y inyong sinasabi, ‘Paano kami nagsalita nang laban sa iyo?’
14 Inyong sinabi, ‘Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos. Ano ang aming pakinabang sa pagtupad namin sa kanyang utos o sa paglakad nang tulad sa may pananangis sa harap ng Panginoon ng mga hukbo?
15 Ngayo'y ating tinatawag na mapalad ang palalo; hindi lamang umuunlad ang mga gumagawa ng masama, kundi kapag kanilang tinutukso ang Diyos, sila'y nakakatakas.’”
16 Nang magkagayo'y nag-usap silang mga natatakot sa Panginoon. Binigyang-pansin sila ng Panginoon at pinakinggan, at ang isang aklat ng alaala ay isinulat sa harap niya, para sa kanila na natakot sa Panginoon at nagpahalaga sa kanyang pangalan.
17 “Sila'y magiging akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, isang natatanging kayamanan sa araw na ako'y kumilos. Kaaawaan ko sila na gaya ng isang tao na naaawa sa kanyang anak na naglilingkod sa kanya.
18 At minsan pa ay makikilala ninyo ang pagkakaiba ng taong matuwid at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kanya.
Darating ang Araw ng Panginoon
4 “Sapagkat narito, ang araw ay dumarating na gaya ng nagniningas na pugon, na ang lahat ng palalo at lahat ng gumagawa ng masama ay magiging parang ipa, at ang araw na dumarating ang susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, anupa't hindi mag-iiwan sa kanila ng ugat ni sanga man.
2 Ngunit sa inyo na natatakot sa aking pangalan ay sisikat ang araw ng katuwiran, na may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak. Kayo'y lalabas at luluksong parang mga guya mula sa silungan.
3 Inyong yayapakan ang masasama sapagkat sila'y magiging abo sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa araw na aking inihahanda, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
4 “Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod, ang mga tuntunin at batas na aking iniutos sa kanya sa Horeb para sa buong Israel.
5 “Narito,(I) susuguin ko sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng Panginoon.
6 Kanyang ibabaling ang puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; upang hindi ako dumating at saktan ang lupain ng isang sumpa.”[b]
Ang Ilog ng Buhay
22 At(A) ipinakita sa akin ng anghel[a] ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng kristal, na lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng Kordero
2 sa(B) gitna ng lansangan ng lunsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay naroon ang punungkahoy ng buhay, na namumunga ng labindalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawat buwan; at ang mga dahon ng punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.
3 At(C) hindi na roon magkakaroon pa ng isinumpa. Ngunit ang trono ng Diyos at ng Kordero ay matatagpuan doon, at siya'y paglilingkuran ng kanyang mga alipin;
4 at makikita nila ang kanyang mukha at ang kanyang pangalan ay masusulat sa kanilang mga noo.
5 Hindi(D) na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magbibigay-liwanag sa kanila, at sila'y maghahari magpakailanpaman.
Ang Pagdating ni Jesus
6 At sinabi niya sa akin, “Ang mga salitang ito'y tapat at tunay. Ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kanyang anghel upang ipakita sa kanyang mga alipin ang mga bagay na kailangang mangyari kaagad.
7 Ako'y malapit nang dumating![b] Mapalad ang tumutupad ng mga salita ng propesiya ng aklat na ito.”
8 Akong si Juan ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.
9 Ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.”
10 At sinabi niya sa akin, “Huwag mong tatakan ang mga salita ng propesiya ng aklat na ito, sapagkat malapit na ang panahon.
11 Ang(E) masama ay hayaang magpakasama pa at ang marumi ay hayaang magpakarumi pa, at ang matuwid ay hayaang maging matuwid pa, at ang banal ay hayaang magpakabanal pa.”
12 “Ako'y(F) malapit nang dumating[c] at dala ko ang aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa.
13 Ako(G) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.”
14 Mapapalad(H) ang naghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punungkahoy ng buhay at makapasok sa lunsod sa pamamagitan ng mga pintuan.
15 Nasa labas ang mga aso, mga mangkukulam, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at ang bawat umiibig at gumagawa ng kasinungalingan.
16 “Akong(I) si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo'y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesya. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.”
17 Ang(J) Espiritu at ang babaing ikakasal ay nagsasabi, “Halika.”
At ang nakikinig ay magsabi, “Halika.”
At ang nauuhaw ay pumarito,
ang may ibig ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.
Mga Babala at Basbas
18 Aking(K) binabalaan ang bawat taong nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito: Kung ang sinuman ay magdagdag sa mga ito, idaragdag sa kanya ng Diyos ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito,
19 at kung ang sinuman ay mag-alis sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, aalisin ng Diyos ang kanyang bahagi sa punungkahoy ng buhay at sa banal na lunsod, na nakasulat sa aklat na ito.
20 Ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, “Oo, ako'y malapit nang dumating.”[d] Amen. Pumarito ka Panginoong Jesus!
21 Ang biyaya ng Panginoong Jesus ay mapasa mga banal. Amen.[e]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001