Old/New Testament
Ang Kaharian ng Ehipto at Siria
11 Tungkol sa akin, nang unang taon ni Dario na taga-Media, ako'y tumayo upang patibayin at palakasin siya.
2 “At ngayo'y ipapaalam ko sa iyo ang katotohanan. Tatlo pang mga hari ang lilitaw sa Persia; at ang ikaapat ay magiging higit na mayaman kaysa kanilang lahat. Kapag siya'y lumakas sa pamamagitan ng kanyang mga kayamanan, kanyang kikilusin ang lahat laban sa kaharian ng Grecia.
3 At isang makapangyarihang hari ang lilitaw at mamumuno na may malaking kapangyarihan, at gagawa ng ayon sa kanyang nais.
4 Habang nagiging makapangyarihan, magigiba ang kanyang kaharian at mahahati sa apat na hangin ng langit, ngunit hindi sa kanyang mga anak, ni ayon man sa kanyang kapangyarihan na kanyang ipinamuno; sapagkat ang kanyang kaharian ay mabubunot at mapupunta sa iba bukod sa mga ito.
5 “Ang hari ng timog ay magiging malakas, ngunit ang isa sa kanyang mga pinuno ay magiging higit na malakas kaysa kanya, at siya ay maghahari sa isang kahariang higit na makapangyarihan kaysa kanyang sariling kaharian.
6 Pagkatapos ng ilang mga taon sila'y magsasanib, at ang anak na babae ng hari sa timog ay pupunta sa hari sa hilaga upang makipagkasundo. Ngunit hindi niya mapapanatili ang lakas ng kanyang bisig; o siya ma'y tatayo, o ang bisig man niya; kundi siya'y mabibigay, at yaong mga nagdala sa kanya, at ang nanganak sa kanya, at ang nagpalakas sa kanya sa mga panahong yaon.
7 “Ngunit may isang sanga mula sa kanyang mga ugat ang hahalili sa kanya. Siya'y darating laban sa hukbo, at papasok sa kuta ng hari ng hilaga, at kanyang haharapin sila at magtatagumpay.
8 Dadalhin din niya sa Ehipto bilang samsam ng digmaan ang kanilang mga diyos pati ang kanilang mga larawang hinulma at ang kanilang mahahalagang sisidlang pilak at ginto. Sa loob ng ilang taon ay iiwasan niyang salakayin ang hari ng hilaga.
9 At sasalakayin ng huli ang kaharian ng hari sa timog, ngunit siya'y babalik sa kanyang sariling lupain.
10 “Ang kanyang mga anak ay makikipagdigma at titipunin ang isang malaking hukbo, na sasalakay na gaya ng baha at makakaraan, at ipagpapatuloy ang pakikidigma hanggang sa kanyang kuta.
11 Dahil sa galit, ang hari sa timog ay lalabas at makikipaglaban sa hari ng hilaga at kanyang ihahanda ang napakaraming tao, gayunma'y magagapi ng kanyang kamay.
12 Kapag ang napakaraming tao ay natangay na, ang kanyang puso ay magpapalalo; at kanyang ibubuwal ang sampung libu-libo, ngunit hindi siya magtatagumpay.
13 Sapagkat ang hari sa hilaga ay muling maghahanda ng maraming tao na higit na malaki kaysa una. Pagkalipas ng ilang taon, siya'y darating na may malaking hukbo at maraming panustos.
14 “Sa mga panahong iyon ay maraming babangon laban sa hari ng timog. Ang mga taong mararahas sa iyong bayan ay maninindigan sa sarili upang ganapin ang pangitain; ngunit sila'y mabibigo.
15 Sa gayo'y darating ang hari sa hilaga, at sasalakay at masasakop ang isang bayan na nakukutaang mabuti. Ang hukbo ng timog ay hindi makakatagal ni ang kanyang piling pangkat, sapagkat walang lakas upang makatagal.
16 Ngunit siya na dumarating laban sa kanya ay gagawa ayon sa kanyang sariling kalooban, at walang makakahadlang sa kanya. Siya'y tatayo sa maluwalhating lupain, na nasa kanyang kamay ang pagwasak.
17 Kanyang itutuon ang kanyang isipan na mapalakas ang kanyang buong kaharian, at siya'y magdadala ng mga alok ng pakikipagkasundo at gagawin ang mga iyon. Ibibigay niya sa kanya ang anak na babae upang maging asawa, ngunit ito'y hindi tatayo para sa kanya o kakampi man sa kanya.
18 Pagkatapos nito'y haharapin niya ang[a] mga lupain sa baybay-dagat, at sasakupin ang marami sa kanila. Ngunit isang pinuno ang magpapatigil sa kanyang kalapastanganan; tunay na kanyang ibabalik ang kanyang kalapastanganan sa kanya.
19 Kung magkagayo'y haharapin niya ang mga kuta ng kanyang sariling lupain; ngunit siya'y matitisod at mabubuwal, at hindi na matatagpuan.
20 “Kung magkagayo'y lilitaw na kapalit niya ang isa na magsusugo ng maniningil para sa kaluwalhatian ng kaharian; ngunit sa loob ng ilang araw ay mawawasak siya, hindi sa galit ni sa pakikipaglaban man.
21 At kapalit niya ay lilitaw ang isang kasuklamsuklam na tao na hindi nabigyan ng karangalan ng kaharian. Ngunit siya'y darating na walang babala at kukunin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya.
22 Ang mga hukbo ay ganap na matatangay at mawawasak sa harapan niya, pati ang pinuno ng tipan.
23 Pagkatapos na magawa ang pakikipagkasundo sa kanya, siya'y kikilos na may pandaraya, at siya'y magiging makapangyarihan kasama ng isang munting pangkat.
24 Walang babalang darating siya sa pinakamayamang bahagi ng lalawigan; at kanyang gagawin ang hindi ginawa ng kanyang mga magulang o ng magulang ng kanyang mga magulang. Ibabahagi niya sa kanila ang samsam at kayamanan. Siya'y gagawa ng mga panukala laban sa mga kuta, ngunit sa isang panahon lamang.
25 Kanyang kikilusin ang kanyang kapangyarihan at tapang laban sa hari ng timog na may malaking hukbo. At ang hari ng timog ay makikipagdigma sa isang napakalaki at makapangyarihang hukbo. Ngunit hindi siya magtatagumpay, sapagkat sila'y gagawa ng mga panukala laban sa kanya,
26 sa pamamagitan ng mga taong kumakain ng pagkaing mula sa hari. Kanilang wawasakin siya, ang kanyang hukbo ay matatalo at marami ang mabubuwal na patay.
27 Ang dalawang hari, na ang kanilang mga isipan ay nahumaling na sa kasamaan, ay uupo sa isang hapag at magpapalitan ng mga kasinungalingan. Ngunit hindi magtatagumpay, sapagkat ang wakas ay darating sa takdang panahon.
28 Siya'y babalik sa kanyang lupain na may malaking kayamanan, ngunit ang kanyang puso ay magiging laban sa banal na tipan. Gagawin niya ang kanyang maibigan, at babalik sa kanyang sariling lupain.
29 “Sa takdang panahon ay babalik siya at papasok sa timog, ngunit ito ay hindi magiging gaya ng una.
30 Sapagkat ang mga barko ng Kittim ay darating laban sa kanya at siya'y matatakot at babalik. Siya'y mapopoot at kikilos laban sa banal na tipan. Siya'y babalik at bibigyan ng pansin ang mga tumalikod sa banal na tipan.
31 Papasukin(A) at lalapastanganin ng mga tauhang sinugo niya ang templo at kuta. Kanilang aalisin ang patuloy na handog na sinusunog. At kanilang ilalagay ang kasuklamsuklam ng pagkawasak.
32 Kanyang aakitin na may labis na papuri ang mga sumuway sa tipan, ngunit ang bayan na nakakakilala ng kanilang Diyos ay magiging matibay at kikilos.
33 Ang marurunong sa mga mamamayan ay magtuturo sa marami, gayunman, sa loob ng ilang panahon, sila'y magagapi sa pamamagitan ng tabak at apoy, at daranas ng pagkabihag at sasamsaman.
34 Kapag sila'y nabuwal, sila'y tatanggap ng kaunting tulong, at marami ang sasama sa kanila na may pagkukunwari.
35 Ang ilan sa mga pantas ay magdurusa, upang dalisayin, linisin, at paputiin hanggang sa panahon ng wakas; sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon.
36 “Ang hari(B) ay kikilos ayon sa kanyang nais. Siya'y magmamalaki, at magpapakataas nang higit kaysa alinmang diyos, at magsasalita ng mga kagila-gilalas na bagay laban sa Diyos ng mga diyos. Siya'y uunlad hanggang sa ang poot ay maganap; sapagkat ang ipinasiya ay matutupad.
37 Hindi niya igagalang ang mga diyos ng kanyang mga ninuno, o ang pagnanasa sa mga babae. Hindi niya igagalang ang sinumang diyos, sapagkat siya'y magmamalaki sa lahat.
38 Sa halip, kanyang pararangalan ang diyos ng mga muog. Isang diyos na hindi nakilala ng kanyang mga ninuno ang kanyang pararangalan ng ginto at pilak, ng mahahalagang bato at ng mamahaling kaloob.
39 Kanyang haharapin ang pinakamatibay na mga kuta sa tulong ng ibang diyos; sinumang kumilala sa kanya ay kanyang itataas na may karangalan. Kanyang gagawin silang mga puno ng marami at ipamamahagi ang lupa sa katumbas na halaga.
40 “Sa panahon ng wakas ay sasalakayin siya ng hari ng timog, ngunit ang hari ng hilaga ay pupunta laban sa kanya na gaya ng isang ipu-ipo, may mga karwahe, mga mangangabayo, at may maraming mga barko. At siya'y sasalakay laban sa mga bansa at lalampas na gaya ng baha.
41 Siya'y papasok sa maluwalhating lupain at marami ang mabubuwal ngunit maliligtas sa kanyang kapangyarihan ang Edom, Moab, at ang pangunahing bahagi ng mga anak ni Ammon.
42 At kanyang iuunat ang kanyang kamay laban sa mga bansa; at ang lupain ng Ehipto ay hindi makakatakas.
43 Siya'y magiging pinuno ng mga kayamanang ginto at pilak, at ng mahahalagang bagay ng Ehipto; at ang mga taga-Libya at ang mga taga-Etiopia ay susunod sa kanyang mga hakbang.
44 Ngunit ang mga balita mula sa silangan at sa hilaga ay babagabag sa kanya; at siya'y lalabas na may malaking galit upang pumuksa at lumipol ng marami.
45 Kanyang itatayo ang mga tolda ng kanyang palasyo sa pagitan ng dagat at ng maluwalhating banal na bundok. Gayunma'y darating siya sa kanyang wakas, at walang tutulong sa kanya.
Ang Panahon ng Katapusan
12 “Sa(C) panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang pinuno na tagapag-ingat ng iyong bayan. At magkakaroon ng panahon ng kaguluhan na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon. Ngunit sa panahong iyon ay maliligtas ang iyong bayan, bawat isa na ang pangalan ay matatagpuang nakasulat sa aklat.
2 Marami(D) sa mga natutulog sa alabok ng lupa ay magigising, ang iba'y tungo sa buhay na walang hanggan, at ang iba'y tungo sa kahihiyan at sa walang hanggang paghamak.
3 Ang mga pantas ay magniningning na tulad ng kaningningan ng langit; at ang mga nagpabalik ng marami sa katuwiran ay parang mga bituin magpakailanpaman.
4 Ngunit(E) ikaw, O Daniel, ilihim mo ang mga salita, at tatakan mo ang aklat hanggang sa panahon ng wakas. Marami ang tatakbo ng paroo't parito, at ang kaalaman ay lalago.”
5 At akong si Daniel ay tumingin, at narito, dalawang iba pa ang lumitaw, ang isa'y sa pampang na ito ng ilog, at ang isa'y sa kabilang pampang ng ilog.
6 Sinabi ko sa lalaking nakasuot ng telang lino na nasa ibabaw ng tubig ng ilog, “Hanggang kailan ang wakas ng mga kababalaghang ito?”
7 Ang(F) lalaking nakasuot ng telang lino na nasa ibabaw ng tubig ng ilog ay nagtaas ng kanyang kanan at kaliwang kamay sa langit. Narinig ko siyang sumumpa sa pamamagitan niya na nabubuhay magpakailanman na iyon ay isang panahon, mga panahon, at kalahati ng isang panahon. At kapag ang pagwasak sa kapangyarihan ng banal na sambayanan ay magwakas na, ang lahat ng ito ay matatapos.
8 Narinig ko, ngunit hindi ko naunawaan. Kaya't sinabi ko, “O panginoon ko, ano ang magiging wakas ng mga bagay na ito?”
9 Sinabi niya, “Humayo ka sa iyong lakad, Daniel; sapagkat ang mga salita ay mananatiling lihim at natatakan hanggang sa panahon ng wakas.
10 Marami(G) ang dadalisayin, lilinisin, at papuputiin, ngunit ang masasama ay magpapatuloy sa paggawa ng kasamaan. Walang sinuman sa masasama ang makakaunawa; ngunit ang mga pantas ay makakaunawa.
11 Mula(H) sa panahon na ang patuloy na handog na sinusunog ay alisin, at maitayo ang kasuklamsuklam ng pagkawasak, ay isang libo't dalawandaan at siyamnapung araw.
12 Mapalad ang naghihintay, at makaabot sa isang libo at tatlong daan at tatlumpu't limang araw.
13 Ngunit humayo ka sa iyong lakad hanggang sa katapusan; at ikaw ay magpapahinga at tatayo para sa iyong gantimpala sa katapusan ng mga araw.”
Pagbati
1 Si(A) Judas, na alipin ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago, sa mga tinawag, na minamahal ng Diyos Ama, at iniingatan para kay Jesu-Cristo:[a]
2 Ang kaawaan, kapayapaan at pag-ibig ay pasaganain nawa sa inyo.
Ipaglaban ang Pananampalataya
3 Mga minamahal, samantalang ako'y lubusang nagsisikap na sumulat sa inyo tungkol sa ating iisang kaligtasan, natagpuan kong kailangang sumulat upang himukin kayo na ipaglaban ang pananampalataya na minsanang ibinigay sa mga banal.
4 Sapagkat may ilang taong nakapasok nang lihim, ang mga iyon ay matagal nang itinalaga sa kahatulang ito, mga hindi maka-Diyos, na kanilang pinalitan ng kahalayan ang biyaya ng ating Diyos, at itinatatuwa ang kaisa-isa nating Pinuno at Panginoon na si Jesu-Cristo.
Kaparusahan sa mga Bulaang Guro
5 Ngayon(B) ay nais kong ipaalala sa inyo, bagama't alam na alam ninyo ang mga bagay na ito, na minsang iniligtas ng Panginoon ang isang bayan mula sa lupain ng Ehipto, pagkatapos ay nilipol niya ang mga hindi sumampalataya.
6 At ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang sariling katungkulan, kundi iniwan ang kanilang sariling tirahan, ay iginapos niya sa mga tanikalang walang hanggan sa pinakamalalim na kadiliman hanggang sa paghuhukom sa dakilang araw.
7 Gayundin(C) ang Sodoma at Gomorra, at ang mga lunsod sa palibot ng mga ito, na gumawa naman ng pakikiapid at nalulong sa kakaibang laman, ay inilagay bilang halimbawa, na nagdaranas ng kaparusahan sa apoy na walang hanggan.
8 Gayunma'y ang mga ito rin na mahilig managinip ay dinudumihan ang laman, at hinahamak ang mga may kapangyarihan at nilalait ang mga maluwalhating mga anghel.
9 Subalit(D) si Miguel na arkanghel nang makipaglaban sa diyablo, at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng isang hatol na may pag-alipusta laban sa kanya, kundi sinabi, “Sawayin ka nawa ng Panginoon.”
10 Subalit inaalipusta ng mga ito ang anumang bagay na hindi nila nauunawaan, at sa pamamagitan ng mga bagay na likas nilang nalalaman, kagaya ng mga hayop na walang pag-iisip, sila'y winawasak.
11 Kahabag-habag(E) sila! Sapagkat sila'y lumakad sa daan ni Cain, at sumunggab sa kamalian ni Balaam dahil sa upa, at napahamak sa paghihimagsik ni Kora.
12 Ang mga taong ito'y pawang mga batong natatago[b] sa inyong mga pagsasalu-salong may pag-ibig kapag sila'y nakikipagsalo sa inyo nang walang takot, na ang pinapangalagaan lamang ay ang kanilang sarili. Sila'y mga ulap na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin; mga punungkahoy na walang bunga sa pagtatapos ng taglagas, na dalawang ulit na namatay, na binunot hanggang ugat;
13 nagngangalit na alon sa dagat, na pinabubula ang kanilang sariling kahihiyan; mga pagala-galang bituin, na silang pinaglaanan ng pusikit na kadiliman magpakailanman.
14 At(F) sa mga ito rin naman si Enoc, na ikapitong salinlahi mula kay Adan, ay nagpahayag na sinasabi, “Narito, dumating ang Panginoon na kasama ang kanyang laksa-laksang mga banal,
15 upang igawad ang hatol sa lahat at upang sumbatan ang bawat kaluluwa sa lahat ng kanilang masamang gawa na kanilang ginawang may kalikuan, at sa lahat ng mga bagay na malupit na sinalita sa kanya ng mga hindi maka-Diyos na makasalanan.”
16 Ang mga iyon ay mga mapagbulong, mga mareklamo, na lumalakad ayon sa kanilang mga sariling pagnanasa at ang kanilang bibig ay nagsasalita ng mga pagmamataas, na pakunwaring pumupuri sa mga tao para sa sariling kapakinabangan.
Mga Babala at mga Paalala
17 Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi noong una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo,
18 sapagkat(G) sinabi nila sa inyo, “Magkakaroon ng mga manlilibak sa huling panahon, na lumalakad ayon sa kanilang sariling masasamang pagnanasa.”
19 Ang mga ito ang lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong makamundo, na mga hindi nagtataglay ng Espiritu.
20 Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya; manalangin sa Espiritu Santo;
21 ingatan ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos, na inyong hintayin ang habag ng ating Panginoong Jesu-Cristo tungo sa buhay na walang hanggan.
22 At ang ibang nag-aalinlangan ay inyong kahabagan;
23 ang iba'y inyong iligtas, na agawin ninyo mula sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan maging ang damit na nadungisan ng laman.
Basbas
24 Ngayon sa kanya na may kakayahang mag-ingat sa inyo mula sa pagkatisod, at sa inyo'y makapaghaharap na walang kapintasan sa harapan ng kanyang kaluwalhatian na may malaking kagalakan,
25 sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon, sumakanya nawa ang kaluwalhatian, ang karangalan, ang kapangyarihan at ang kapamahalaan, bago pa ang lahat ng panahon, at ngayon at magpakailanman. Amen.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001