Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Nahum 1-3

Ang Galit ng Panginoon Laban sa Ninive

Isang(A) pahayag tungkol sa Ninive. Ang aklat ng pangitain ni Nahum na taga-Elkos.

Ang Panginoon ay mapanibughuin at naghihiganting Diyos,

    ang Panginoon ay naghihiganti at punô ng poot;
ang Panginoon ay naghihiganti sa kanyang mga kaaway,
    at siya'y naglalaan ng poot sa kanyang mga kaaway.

Ang Panginoon ay banayad sa galit ngunit may dakilang kapangyarihan,

    at sa anumang paraan ay hindi pawawalang-sala ng Panginoon ang nagkasala.
Ang kanyang daan ay sa ipu-ipo at sa bagyo,
    at ang mga ulap ay siyang alabok ng kanyang mga paa.
Kanyang sinasaway ang dagat at ito'y tinutuyo,
    at tinutuyo niya ang lahat ng ilog,
ang Basan at Carmel ay natutuyo,
    at ang bulaklak ng Lebanon ay nalalanta.

Ang mga bundok ay nanginginig sa harapan niya,

    ang mga burol ay natutunaw;
ang lupa'y nawawasak sa kanyang harapan,
    ang sanlibutan at ang lahat ng naninirahan doon.

Sino ang makakatayo sa harap ng kanyang galit?

    Sinong makakatagal sa bangis ng kanyang galit?
Ang kanyang poot ay ibinubuhos na gaya ng apoy,
    at ang malalaking bato ay binabasag niya.

Ang Panginoon ay mabuti,

    isang muog sa araw ng kaguluhan;
at nakikilala niya ang mga nanganganlong sa kanya.
    Ngunit sa pamamagitan ng umaapaw na baha
kanyang lubos na wawakasan ang kanyang mga kaaway,
    at hahabulin ang kanyang mga kaaway sa kadiliman.

Ano ang inyong binabalak laban sa Panginoon?

    Siya'y gagawa ng lubos na kawakasan;
    ang pagdadalamhati ay hindi titindig ng dalawang ulit.

10 Gaya ng mga tinik, sila'y nagkakabuhol-buhol,

    gaya ng mag-iinom, sila'y naglalasing;
    gaya ng tuyong dayami, sila'y natutupok.
11 Hindi ba lumabas ang isa sa iyo na
    nagpanukala ng kasamaan laban sa Panginoon,
    at nagpapayo ng masama?
12 Ganito ang sabi ng Panginoon,
“Bagaman sila'y malakas at marami,
    sila'y puputulin at lilipas.
Bagaman pinahirapan kita,
    hindi na kita pahihirapan pa.

13 At ngayo'y babaliin ko ang kanyang pamatok na nasa iyo,

    at aking lalagutin ang iyong mga gapos.”

14 Ang Panginoon ay nagbigay ng utos tungkol sa iyo:

    “Hindi na magpapatuloy ang iyong pangalan,
mula sa bahay ng iyong mga diyos ay aking ihihiwalay
    ang larawang inanyuan at ang larawang hinulma.
Aking gagawin ang iyong libingan, sapagkat ikaw ay walang halaga.”

15 Narito,(B) nasa ibabaw ng mga bundok ang mga paa niya

    na nagdadala ng mabubuting balita,
    na nagpapahayag ng kapayapaan!
Ipagdiwang mo ang iyong mga kapistahan, O Juda,
    tuparin mo ang iyong mga panata;
sapagkat ang masama ay hindi na dadaan pa sa iyo;
    siya'y lubos na ititiwalag.

Ang Pagbagsak ng Ninive

Ang tagapangalat ay umahon laban sa iyo.

    Magtalaga ka ng tao sa mga kuta;
    bantayan mo ang daan,
bigkisan mo ang iyong mga balakang,
tipunin mo ang lahat mong lakas.

Sapagkat ibinabalik ng Panginoon ang karilagan ng Jacob,

    gayundin ang karilagan ng Israel,
sapagkat hinubaran sila ng mga mandarambong
    at sinira ang mga sanga ng kanilang mga puno ng ubas.

Ang kalasag ng kanyang mga mandirigma ay pula,
    ang kanyang mga kawal ay nakadamit ng matingkad na pula.
Ang mga bakal ng karwahe ay kumikislap
    nang kanyang inihahanda sa pakikipaglaban;
    ang mga sibat na abeto ay iwinasiwas.

Ang mga karwahe ay humahagibis sa mga lansangan,

    sila'y paroo't-parito sa mga liwasan;
ang mga anyo ng mga ito ay gaya ng mga sulo;
ang mga ito'y humahagibis na parang kidlat.
Naaalala niya ang kanyang mga pinuno,
    sila'y natitisod sa kanilang paglakad;
sila'y nagmamadali sa pader,
    ang panakip ay inihanda.

Ang mga pintuan ng mga ilog ay bukas,

    at ang palasyo ay nalansag.
At ito'y nakatakda na, siya'y hinubaran at dinala;
    at ang kanyang mga alilang babae
ay nananaghoy na parang huni ng mga kalapati,
    at dinadagukan ang kanilang mga dibdib.
Ang Ninive ay gaya ng lawa ng tubig sa lahat ng mga araw niya, gayon may nagsisitakas,
“Tigil! Tigil!”—ngunit walang lumilingon.

Samsamin ninyo ang pilak,

    samsamin ninyo ang ginto!
Walang katapusan ang kayamanan,
    o kayamanan ng bawat mahalagang bagay.

10 Siya'y walang laman, pinabayaan at wasak!
    Ang mga puso ay nanghihina, at ang mga tuhod ay nanginginig,
ang lahat ng mga balakang ay nanginginig,
    ang lahat ng mga mukha ay namumutla!
11 Nasaan ang yungib ng mga leon,
    ang pastulan ng mga batang leon,
na pinagdadalhan ng leon ng kanyang biktima,
    na kinaroroonan ng kanyang mga anak, na doo'y walang umaabala sa kanila?
12 Ang leon ay lumalapa nang sapat para sa kanyang mga anak,
    at lumalapa ng biktima para sa kanyang mga babaing leon;
pinupuno niya ang kanyang yungib ng biktima
    at ang kanyang mga yungib ng nilapang laman.

13 Narito, ako'y laban sa iyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at aking susunugin ang iyong mga karwahe sa usok, at lalamunin ng tabak ang iyong mga batang leon. Kukunin ko ang iyong biktima mula sa lupa, at ang tinig ng iyong mga sugo ay hindi na maririnig pa.

Kahabag-habag ang madugong lunsod!

    punung-puno ng kabulaanan at samsam—
    at sa kanya'y hindi nawawalan ng biktima!
Ang bagsak ng panghagupit, at ang pagragasa ng gulong,
    nagdadambahang kabayo at lukso ng mga karwahe!
Sumusugod ang mga mangangabayo,
    kumikislap na tabak at kumikinang na sibat,
at napakaraming patay,
    bunton ng mga bangkay,
at walang katapusang mga bangkay;
    sila'y natitisod sa mga bangkay—
Ang lahat ay dahil sa di mabilang na pagpapakasama ng bayarang babae,[a]
    ang maganda at babaing dalubhasa sa pag-eengkanto,
na nagbibili ng mga bansa sa pamamagitan ng kanyang pagiging bayarang babae.[b]
    at ang mga bayan sa pamamagitan ng kanyang mga pag-eengkanto.
Narito, ako'y laban sa iyo,
    sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
    at aking itataas ang damit mo sa iyong mukha;
at ipapakita ko sa mga bansa ang iyong kahubaran
    at sa mga kaharian ang iyong kahihiyan.
Tatapunan kita ng basura
    at gagawin kitang hamak,
    at gagawin kang katatawanan.
At ang lahat ng titingin sa iyo, ay lalayo sa iyo, at magsasabi,
“Ang Ninive ay sira, sinong tataghoy sa kanya?”
    saan ako hahanap ng mga mang-aaliw para sa iyo?

Ikaw ba'y mas mabuti pa sa Noamon
    na nakaupo sa tabi ng Nilo,
na may tubig sa palibot niya;
    na ang kuta niya'y ang dagat,
    at ang tubig ay kanyang pader?
Ang Etiopia ang kanyang lakas,
    pati ang Ehipto, at iyon ay walang hangganan;
    ang Put at Lubim ay kanyang naging mga katulong.

10 Gayunman siya'y ipinatapon,
    siya'y dinala sa pagkabihag;
maging ang kanyang mga anak ay pinagputul-putol
    sa dulo ng lahat ng mga lansangan;
pinagpalabunutan ang kanyang mararangal na tao,
    at ang lahat ng kanyang mga dakilang tao ay ginapos ng mga tanikala.
11 Ikaw man ay malalasing,
    ikaw ay itatago,
ikaw ay hahanap
    ng kanlungan mula sa kaaway.
12 Lahat ng iyong kuta ay magiging parang puno ng igos
    na may unang hinog na mga igos;
na kapag inuga ay nalalaglag sa
    bibig ng kumakain.
13 Narito, ang iyong bayan
    sila'y mga babae sa gitna mo.
Ang mga pintuan ng iyong lupain
    ay bukas nang maluwang sa iyong mga kaaway;
    nilamon ng apoy ang iyong mga halang.

14 Umigib ka ng tubig para sa pagkubkob;
    tibayan mo ang iyong mga muog;
pumasok ka sa putikan,
    magbayo ka sa lusong,
    hawakan mo ang hulmahan ng tisa!
15 Doon ka sasakmalin ng apoy;
    tatagpasin ka ng tabak.
    Lalamunin ka nito na gaya ng balang.

Magpakarami kang gaya ng balang:
    magpakarami kang gaya ng tipaklong!
16 Pinarami mo ang iyong mga mangangalakal
    nang higit kaysa mga bituin sa langit.
    Ibinuka ng balang ang kanyang mga pakpak at lumipad na papalayo.
17 Ang iyong mga pinuno ay gaya ng mga tipaklong,
    at ang iyong mga tagapamahala ay parang kawan ng balang,
na dumadapo sa mga bakod
    sa araw na malamig—
kapag ang araw ay sumikat, sila'y nagliliparan,
    walang nakakaalam kung nasaan sila.

18 Ang iyong mga pastol ay natutulog,
    O hari ng Asiria;
    ang iyong mga maharlika ay nahihimbing.
Ang iyong bayan ay nakakalat sa mga bundok,
    at walang magtitipon sa kanila.
19 Walang paggaling ang iyong sakit,
    ang iyong sugat ay malubha.
Lahat ng makabalita sa iyo
    ay pumapalakpak ng kanilang kamay sa iyo.
Sapagkat sino ang kailanma'y nakaligtas sa iyong walang tigil na kalupitan?

Apocalipsis 14

Ang Kordero at ang 144,000

14 Pagkatapos(A) ay tumingin ako, at naroon ang Kordero na nakatayo sa bundok ng Zion! Kasama niya ang isandaan at apatnapu't apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kanyang Ama, na nakasulat sa kanilang mga noo.

At narinig ko ang isang tinig mula sa langit, na gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malakas na kulog; ang tinig na aking narinig ay gaya ng sa mga manunugtog na tumutugtog ng kanilang mga alpa.

At sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit sa harapan ng trono, at sa harapan ng apat na nilalang na buháy at ng matatanda. Walang sinumang natuto ng awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libo lamang, na tinubos mula sa lupa.

Hindi dinungisan ng mga ito ang kanilang sarili sa mga babae; sapagkat sila'y malilinis.[a] Ang mga ito'y ang mga sumusunod sa Kordero saan man siya magtungo. Ang mga ito'y ang tinubos mula sa mga tao, bilang mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero.

At(B) sa kanilang bibig ay walang natagpuang kasinungalingan; sila'y mga walang dungis.

Ang Tatlong Anghel

At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa gitna ng himpapawid, na may walang hanggang ebanghelyo na ipahahayag sa mga naninirahan sa lupa, sa bawat bansa, lipi, wika at bayan.

Sinabi niya sa malakas na tinig, “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-luwalhati sa kanya, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghuhukom, at sambahin ninyo ang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”

At(C) isa pang anghel, ang pangalawa, ay sumunod na nagsasabi, “Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng poot ng kanyang pakikiapid.”

At isa pang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na sinasabi sa malakas na tinig, “Kung ang sinuman ay sumasamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kanyang noo, o sa kanyang kamay,

10 ay(D) iinom din naman ng alak ng poot ng Diyos, na inihahandang walang halo sa kopa ng kanyang poot at pahihirapan sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero.

11 At(E) ang usok ng hirap nila ay papailanglang magpakailanpaman; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at sinumang tumatanggap ng tanda ng kanyang pangalan.

12 Narito ang panawagan para sa pagtitiis ng mga banal, sa mga tumutupad sa mga utos ng Diyos, at humahawak ng matatag sa pananampalataya ni Jesus.[b]

13 At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mapapalad ang mga patay na namamatay sa Panginoon mula ngayon.” “Oo,” sinasabi ng Espiritu, “sila'y magpapahinga sa kanilang mga gawa, sapagkat ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.”

Ang Paggapas sa Lupa

14 Pagkatapos(F) ay nakita ko roon ang isang puting ulap, at nakaupo sa ulap ang isang katulad ng isang Anak ng Tao na sa kanyang ulo'y may isang gintong korona, at sa kanyang kamay ay may isang matalas na karit.

15 Lumabas(G) ang isa pang anghel mula sa templo, na sumisigaw nang may malakas na tinig doon sa nakaupo sa ulap, “Ihulog mo ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat dumating na ang oras ng paggapas, at hinog na ang aanihin sa lupa.”

16 Kaya't inihagis ng nakaupo sa alapaap ang kanyang karit sa lupa at ang lupa ay nagapasan.

17 At lumabas ang isa pang anghel mula sa templo sa langit na siya rin ay may matalas na karit.

18 Ang isa pang anghel ay lumabas mula sa dambana, na siyang may kapangyarihan sa apoy, at tumawag siya nang may malakas na tinig doon sa may matalas na karit, “Ihulog mo ang iyong matalas na karit at tipunin mo ang mga buwig sa ubasan sa lupa, sapagkat ang mga ubas nito ay hinog na.”

19 Kaya't inihagis ng anghel ang kanyang karit sa lupa, at tinipon ang mga ubas sa lupa, at inihagis sa malaking pisaan ng ubas ng poot ng Diyos.

20 At(H) pinisa ang ubas sa pisaan sa labas ng lunsod, at lumabas sa pisaan ng ubas ang dugo, na umabot hanggang sa mga renda ng mga kabayo, sa layong halos dalawandaang milya.[c]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001