Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Amos 4-6

“Pakinggan ninyo ang salitang ito, O mga baka ng Basan,
    na nasa bundok ng Samaria,
na umaapi sa mga dukha,
    na dumudurog sa mga nangangailangan,
    na nagsasabi sa kanilang mga asawang lalaki, ‘Dalhin ninyo ngayon, upang kami'y makainom!’
Ang Panginoong Diyos ay sumumpa sa pamamagitan ng kanyang kabanalan:
    Ang mga araw ay tiyak na darating sa inyo,
na kanilang tatangayin kayo sa pamamagitan ng mga bingwit,
    pati ang kahuli-hulihan sa inyo sa pamamagitan ng mga pamingwit.
At kayo'y lalabas sa mga butas,
    na bawat isa'y tuluy-tuloy sa harapan niya.
    at kayo'y itatapon sa Harmon,” sabi ng Panginoon.

Ang Pagmamatigas ng Israel

“Pumunta kayo sa Bethel, at sumuway kayo;
    sa Gilgal, at paramihin ninyo ang pagsuway,
dalhin ninyo ang inyong mga handog tuwing umaga,
    at ang inyong mga ikasampung bahagi tuwing ikatlong araw;
kayo'y maghandog ng alay ng pasasalamat na may pampaalsa,
    at kayo'y maghayag ng mga kusang handog at inyong ipamalita ang mga iyon,
    sapagkat gayon ang nais ninyong gawin,
O bayan ng Israel!” sabi ng Panginoong Diyos.

“At binigyan ko naman kayo ng kalinisan ng mga ngipin sa lahat ninyong mga lunsod,
    at kakulangan ng tinapay sa lahat ninyong mga dako;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.

“At pinigil ko rin ang ulan sa inyo,
    nang tatlong buwan na lamang at pag-aani na;
ako'y nagpaulan sa isang bayan, at hindi ko pinaulan sa kabilang bayan:
    ang isang bukid ay inulanan, at ang bukid na hindi inulanan ay natuyo.
Sa gayo'y dalawa o tatlong bayan ang gumala sa isang bayan
    upang uminom ng tubig, at hindi napawi ang uhaw;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.

“Aking sinalot kayo ng pagkalanta at ng amag.
    Sinira ko ang inyong mga halamanan at ang inyong mga ubasan;
    ang inyong mga puno ng igos at mga puno ng olibo ay nilamon ng balang;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.

10 “Aking pinarating sa gitna ninyo ang salot na gaya ng sa Ehipto;
    ang inyong mga binata ay pinatay ko ng tabak,
kasama ang inyong mga kabayong nabihag;
    at aking pinaalingasaw ang baho ng inyong kampo hanggang sa mga butas ng inyong ilong;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.

11 “Ibinuwal(A) ko kayo
    gaya nang ibinuwal ng Diyos ang Sodoma at Gomorra,
    at kayo'y naging gaya ng nagniningas na kahoy na inagaw sa apoy;
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin,” sabi ng Panginoon.
12 “Kaya't ganito ang gagawin ko sa iyo, O Israel;
    sapagkat aking gagawin ito sa iyo,
    humanda ka sa pagsalubong sa iyong Diyos, O Israel!”

13 Sapagkat, narito, siyang nag-aanyo ng mga bundok, at lumilikha ng hangin,
    at nagpapahayag sa tao kung ano ang kanyang iniisip;
na nagpapadilim ng umaga,
    at yumayapak sa matataas na dako ng lupa—
ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo, ang kanyang pangalan!

Panawagan sa Pagsisisi

Pakinggan ninyo ang salitang ito na aking itinataghoy sa inyo, O sambahayan ni Israel:

“Siya'y bumagsak na,
    hindi na siya babangon pa, ang birhen ng Israel;
siya'y itinakuwil sa kanyang lupain,
    walang magbangon sa kanya.”
Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Ang lunsod na lumabas na isang libo ay magkakaroon ng isandaang maiiwan,
at ang lumabas na isandaan ay magkakaroon ng sampung maiiwan,
    sa sambahayan ni Israel.”

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon sa sambahayan ni Israel,
“Hanapin ninyo ako, at kayo'y mabubuhay;
    ngunit huwag ninyong hanapin ang Bethel,
at huwag pumasok sa Gilgal,
    ni dumaan sa Beer-seba;
sapagkat ang Gilgal ay tiyak na patungo sa pagkabihag,
    at ang Bethel ay mauuwi sa wala.

Inyong hanapin ang Panginoon, at kayo'y mabubuhay;
    baka siya'y magsiklab na parang apoy sa sambahayan ni Jose,
    at lalamunin nito ang Bethel, at walang makakapatay niyon.
O kayo na ginagawa ninyong mapait na kahoy ang katarungan,
    at inihahagis sa lupa ang katuwiran!

Siya(B) na lumikha ng Pleyades at Orion,
    at ang gabing malalim ay ginagawang umaga,
    at pinadidilim ang araw upang maging gabi,
na tinatawag ang mga tubig ng dagat,
    at ibinubuhos ang mga iyon sa ibabaw ng lupa
ang Panginoon ang kanyang pangalan;
siya ang nagdadala ng biglang pagkawasak laban sa malakas,
    anupa't ang pagkawasak ay dumarating sa tanggulan.

10 Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuan,
    at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng katotohanan.
11 Kaya't yamang inyong niyayapakan ang dukha,
    at pinagbubuwis ninyo siya ng trigo,
kayo'y nagtayo ng mga bahay na batong tinabas,
    ngunit hindi ninyo iyon tatahanan;
kayo'y nagtanim ng magagandang ubasan,
    ngunit hindi ninyo iinumin ang alak niyon.
12 Sapagkat alam ko kung gaano karami ang inyong mga pagsuway,
    at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan—
kayong nagpapahirap sa matuwid, kayo na kumukuha ng suhol,
    at itinutulak sa isang tabi ng pintuan ang nangangailangan.
13 Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong iyon;
    sapagkat iyon ay masamang panahon.

14 Hanapin ninyo ang mabuti at hindi ang masama,
    upang kayo'y mabuhay;
at sa gayo'y ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo, ay magiging kasama ninyo,
    gaya ng inyong sinasabi.
15 Inyong kapootan ang masama,
    at ibigin ang mabuti, at kayo'y magpairal ng katarungan sa pintuang-bayan.
Marahil ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo,
    ay magiging mapagpala sa mga nalabi sa Jose.

16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo, ang Panginoon:
“Magkakaroon ng panaghoy sa lahat ng mga liwasan,
    at sila'y magsasabi sa lahat ng lansangan, ‘Kahabag-habag! Kahabag-habag!’
Kanilang tatawagin ang magbubukid upang magdalamhati,
    at sa pagtangis ang mga bihasa sa panaghoy.
17 At sa lahat ng ubasan ay magkakaroon ng panaghoy;
    sapagkat ako'y daraan sa gitna mo,” sabi ng Panginoon.
18 Kahabag-habag kayong nagnanais ng araw ng Panginoon!
    Sa anong layunin ang araw ng Panginoon sa inyo?
Iyon ay kadiliman at hindi kaliwanagan,
19     gaya ng isang tao na tumakas sa leon,
    at sinalubong siya ng oso,
o pumasok sa bahay at ikinapit ang kanyang kamay sa dingding,
    at isang ahas ang tumuka sa kanya.
20 Hindi ba kadiliman ang araw ng Panginoon, at hindi kaliwanagan,
    at kadiliman na walang ningning doon?
21 “Aking(C) kinapopootan, aking hinahamak ang inyong mga kapistahan,
    at hindi ako malulugod sa inyong mga takdang pagtitipon.
22 Bagaman inyong inihahandog sa akin ang inyong mga handog na sinusunog at mga handog na butil,
    hindi ko iyon tatanggapin;
ni akin mang pagmamasdan
    ang mga handog pangkapayapaan ng inyong mga pinatabang hayop.
23 Ilayo mo sa akin ang ingay ng iyong mga awit;
    hindi ako makikinig sa himig ng iyong mga alpa.
24 Kundi paagusin ninyo ang katarungan na parang tubig,
    at ang katuwiran na parang batis na patuloy na umaagos.

25 “Nagdala(D) ba kayo sa akin ng mga alay, at mga handog sa ilang sa loob ng apatnapung taon, O sambahayan ni Israel?

26 Inyong dinala si Sakkuth na inyong hari, at si Kaiwan na inyong mga larawan, ang bituin ng inyong diyos, na inyong ginawa para sa inyong sarili.

27 Kaya't kayo'y aking dadalhin sa pagkabihag sa kabila ng Damasco,” sabi ng Panginoon, na ang pangalan ay Diyos ng mga hukbo.

Ang Pagkawasak ng Israel

“Kahabag-habag sila na nagwawalang-bahala sa Zion,
    at sila na tiwasay sa bundok ng Samaria,
ang mga kilalang tao ng una sa mga bansa,
    na pinagmulan ng sambahayan ni Israel!
Dumaan kayo sa Calne, at inyong tingnan;
    at mula roon ay pumunta kayo sa Hamat na dakila;
    at pagkatapos ay bumaba kayo sa Gat ng mga Filisteo.
Magaling ba sila kaysa mga kahariang ito?
    O mas malaki ba ang kanilang nasasakupan kaysa inyong nasasakupan?
Naglalayo ba kayo ng araw ng sakuna
    at maglalapit ba kayo ng upuan ng karahasan?

“Silang mga nahihiga sa mga higaang garing,
    at nag-uunat ng kanilang sarili sa kanilang mga hiligan,
at kumakain ng mga batang tupa mula sa kawan,
    at ng mga guya na mula sa gitna ng kulungan;
na kumakatha ng mga tunog ng alpa na walang paghahanda;
    na kumakatha para sa kanilang sarili ng mga panugtog ng tugtugin, na gaya ni David;
na umiinom ng alak sa mga mangkok,
    at binubuhusan ang kanilang sarili ng pinakamagandang uri ng langis,
    ngunit hindi nahahapis sa pagkaguho ni Jose.
Kaya't sila ngayon ay tutungo sa pagkabihag sa unahan ng mga bihag,
    at ang kasayahan nila na nag-uunat ng sarili ay mapaparam.”

Ang Panginoong Diyos ay sumumpa sa kanyang sarili,
ang Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo ay nagsabi:
“Aking kinapopootan ang kapalaluan ng Jacob,
    at aking kinamumuhian ang kanyang mga muog;
    kaya't aking ibibigay ang lunsod at lahat ng naroroon.”

At kung may natitirang sampung tao sa isang bahay, sila'y pawang mamatay.

10 At kapag ang isang tiyuhin o yaong sumusunog ng patay, ang magbubuhat upang ilabas ang buto mula sa bahay, at sasabihin doon sa nasa loob na bahagi ng bahay, “Mayroon ka pa bang kasama?” at kanyang sasabihin: “Wala”; kung magkagayo'y kanyang sasabihin: “Tumahimik ka! Hindi natin dapat banggitin ang pangalan ng Panginoon.”

11 Sapagkat narito, ang Panginoon ay mag-uutos
    na ang malaking bahay ay mawawasak,
    at ang munting bahay ay madudurog.
12 Tumatakbo ba ang mga kabayo sa malaking bato?
    Inaararo ba ng sinuman ang dagat sa pamamagitan ng mga toro?
Ngunit inyong ginawang lason ang katarungan,
    at ginawang mapait na kahoy ang bunga ng katuwiran.
13 Kayong nagagalak sa isang bagay na walang kabuluhan, na nagsasabi;
    “Hindi ba sa pamamagitan ng sarili naming lakas
    ay nagapi namin ang mga sungay para sa aming sarili?”
14 “Sapagkat aking ititindig laban sa inyo ang isang bansa,
    O sambahayan ni Israel,” sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo;
“at kanilang pahihirapan kayo mula sa pasukan sa Hamat
    hanggang sa batis ng Araba.”

Apocalipsis 7

Ang 144,000—ang Bayang Israel

Pagkatapos(A) nito ay nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man, o sa anumang punungkahoy.

At nakita ko ang isa pang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Diyos na buháy at siya'y sumigaw nang may malakas na tinig sa apat na anghel na pinagkalooban ng kapangyarihang pinsalain ang lupa at ang dagat,

na(B) nagsasabi, “Huwag ninyong pinsalain ang lupa, o ang dagat, o ang mga punungkahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.”

At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, 144,000, tinatakan mula sa bawat lipi ng mga anak ni Israel:

Sa lipi ni Juda ay 12,000 ang tinatakan;
sa lipi ni Ruben ay 12,000;
sa lipi ni Gad ay 12,000;
sa lipi ni Aser ay 12,000;
sa lipi ni Neftali ay 12,000;
sa lipi ni Manases ay 12,000;
sa lipi ni Simeon ay 12,000;
sa lipi ni Levi ay 12,000;
sa lipi ni Isacar ay 12,000;
sa lipi ni Zebulon ay 12,000;
sa lipi ni Jose ay 12,000;
sa lipi ni Benjamin ay 12,000 ang tinatakan.

Ang Di-Mabilang na mga Tao

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang napakaraming tao na di-mabilang ng sinuman, mula sa bawat bansa, sa lahat ng mga lipi, mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng trono at sa harapan ng Kordero, na nakasuot ng mapuputing damit, at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay;

10 at nagsisigawan nang may malakas na tinig, na nagsasabi,

“Ang pagliligtas ay sa aming Diyos na nakaupo sa trono, at sa Kordero!”

11 At ang lahat ng mga anghel ay tumayo sa palibot ng trono, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buháy at sila'y nagpatirapa sa harapan ng trono at sumamba sa Diyos,

12 na nagsasabi,

“Amen! Ang pagpapala, kaluwalhatian, karunungan,
pagpapasalamat, karangalan,
kapangyarihan, at kalakasan,
ay sa aming Diyos magpakailanpaman. Amen.”

13 At sumagot ang isa sa matatanda na nagsasabi sa akin, “Ang mga ito na may suot ng mapuputing damit, sino ba sila at saan sila nanggaling?”

14 Sinabi(C) ko sa kanya, “Ginoo, ikaw ang nakakaalam.” At sinabi niya sa akin, “Ang mga ito ang nanggaling sa malaking kapighatian, at naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero.

15 Kaya't sila'y nasa harapan ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw at gabi sa kanyang templo; at siyang nakaupo sa trono ay kakanlungan sila.

16 Sila'y(D) hindi na magugutom pa, ni mauuhaw man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anumang nakakapasong init,

17 sapagkat(E) ang Kordero na nasa gitna ng trono ay siyang magiging pastol nila, at sila'y papatnubayan patungo sa mga bukal ng tubig ng buhay; at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001