Old/New Testament
Iniibig ni Yahweh ang Israel
1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh tungkol sa Israel sa pamamagitan ni Propeta Malakias.[a] Sinabi ni Yahweh sa bayan ng Israel:
2 “Inibig(A) (B) ko na kayo noong una pa man, subalit sinasabi naman ninyo, ‘Paano ninyo ipinakita ang inyong pag-ibig sa amin?’ Hindi ba't magkapatid sina Esau at Jacob ngunit minahal ko si Jacob at ang kanyang mga salinlahi, 3 at kinamuhian ko naman si Esau? Winasak ko ang kanyang maburol na kabayanan at pinamugaran iyon ng maiilap na hayop.”
4 Kung sabihin man ng mga Edomita na mga salinlahi ni Esau, “Bagaman winasak ang aming bayan, muli namin itong itatayo.” Ito naman ang isasagot ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Itayo man nilang muli iyon ay muli kong wawasakin hanggang sa tawagin silang ‘masamang bansa’ at ‘bayang kinapopootan ni Yahweh magpakailanman.’” 5 Makikita ninyong mangyayari ito at inyong sasabihin, “Dakila at makapangyarihan si Yahweh kahit sa labas ng bansang Israel.”
Pinangaralan ni Yahweh ang mga Pari
6 Pinagsabihan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang mga paring lumalapastangan sa kanyang pangalan, “Pinaparangalan ng anak ang kanyang ama at ng alipin ang kanyang panginoon. Kung ako ang inyong ama, bakit hindi ninyo ako iginagalang? Kung ako ang inyong Panginoon, bakit hindi ninyo ako pinaparangalan? Nilalapastangan ninyo ako at pagkatapos ay itatanong pa ninyo, ‘Sa anong paraan namin kayo nilalapastangan?’ 7 Nag-aalay kayo sa aking altar ng mga walang halagang pagkain. At itinanong pa ninyo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’ Hinahamak ninyo ang aking altar 8 sa(C) tuwing maghahandog kayo sa akin ng mga hayop na bulag, pilay, o maysakit. Subukin ninyong maghandog ng ganyan sa inyong gobernador, matuwa kaya siya sa inyo at ibigay ang inyong kahilingan?
9 “Magsumamo man kayo sa Diyos ay hindi niya kayo papakinggan kung ganyan ang ihahandog ninyo sa kanya. 10 Mabuti pa'y isara na ng isa sa inyo ang mga pinto ng Templo at huwag na kayong mag-aksaya ng panahon sa pagsisindi ng walang kabuluhang apoy sa ibabaw ng aking altar! Hindi ako nalulugod sa inyo at hindi ko tatanggapin ang anumang handog ninyo sa akin. 11 Iginagalang ang aking pangalan ng lahat ng mga bansa mula silangan hanggang kanluran. Nagsusunog sila ng insenso at nag-aalay ng malilinis na handog para sa akin. Ako'y pinaparangalan nilang lahat. 12 Ngunit dinudungisan ninyo ang pangalan ko tuwing sinasabi ninyo na walang kabuluhan ang aking altar at tuwing naghahandog kayo doon ng mga pagkaing walang halaga! 13 Sinasabi ninyong nakakapagod na ang lahat ng ito at iniismiran pa ninyo ako. At kung hindi naman nakaw o pilay, maysakit ang dala ninyong hayop na panghandog sa akin. Akala ba ninyo'y tatanggapin ko iyon? 14 Sumpain ang sinumang nandaraya sa paghahandog sa akin ng hayop na may kapintasan, gayong may ipinangako siyang malusog na hayop mula sa kanyang kawan. Ako'y isang Haring dakila at kinatatakutan ng lahat ng bansa.”
2 Sinabi rin ni Yahweh sa mga pari: 2 “Kung hindi ninyo ito papakinggan at isasapuso bilang pagpaparangal sa aking pangalan, susumpain ko kayo at ang mga pagpapalang tinatanggap ninyo bilang mga pari. Sa katunayan, sinumpa ko na ang mga iyon, sapagkat hindi ninyo isinasapuso ang aking utos. 3 Paparusahan ko ang inyong mga anak at ipapahid ko sa inyong mukha ang dumi ng mga hayop na inihahandog ninyo sa panahon ng mga kapistahan. Itatapon din kayo sa tambakan ng dumi. 4 Dahil(D) dito'y malalaman ninyo na ibinigay ko sa inyo ang utos na ito, upang magpatuloy ang aking tipan kay Levi,” wika ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
5 “Sa(E) tipang iyon, pinangakuan ko siya ng buhay at katiwasayan, at ipinagkaloob ko nga ito sa kanya, upang igalang niya ako. Iginalang naman niya ako at kinatakutan. 6 Itinuro niya ang tama at hindi ang mali. Namuhay siya ng matuwid at matapat sa akin at tinulungan ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasamaan. 7 Tungkulin ng mga pari na ituro ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sila ang dapat sangguniin ng mga tao tungkol sa aking kalooban, sapagkat sila ang mga sugo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
8 “Subalit lumihis kayo sa daang matuwid at marami ang nabulid sa kasamaan dahil sa inyong katuruan. Sinira ninyo ang aking kasunduan kay Levi,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 9 “Kaya, hahayaan kong kamuhian at hamakin kayo ng mga tao sapagkat hindi ninyo sinusunod ang aking kalooban at hindi pantay-pantay ang inyong pakikitungo sa mga tao kapag sila'y tinuturuan ninyo.”
Ang Pagtataksil ng Israel
10 Hindi ba iisa ang ating Ama? Hindi ba't iisang Diyos ang lumalang sa atin? Kung gayo'y bakit nagtataksil tayo sa isa't isa at nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno? 11 Sumira ang Juda sa kanyang pangako sa Diyos at dahil dito'y naganap sa Israel at sa Jerusalem ang isang kasumpa-sumpang pangyayari. Niyurakan nila ang Templo na pinakamamahal ni Yahweh. Ang mga lalaki'y nag-asawa sa mga babaing sumasamba sa ibang mga diyos. 12 Puksain nawa ni Yahweh sa bansang Israel ang sinumang gumagawa nito at huwag na silang pahintulutan pang makibahagi sa paghahandog kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
13 Kahit pa diligin ninyo ng luha ang altar niya, kahit pa manangis kayo't dumaing, hindi na niya kaluluguran ang mga handog ninyo sa kanya. 14 Itinatanong ninyo kung bakit. Saksi si Yahweh na kayo'y sumira sa pangako ninyo sa inyong asawang pinakasalan ninyo nang kayo'y kabataan pa. Sumira kayo sa pangako ninyo sa kanya, bagama't nangako kayong magiging tapat sa kanya. 15 Hindi ba't pinag-isa kayo ng Diyos sa katawan at sa espiritu? Ang layunin niya ay upang maging tunay na mga anak ng Diyos ang inyong mga supling. Kaya't huwag ninyong pagtaksilan ang babaing pinakasalan ninyo nang kayo'y kabataan pa. 16 “Nasusuklam ako sa pagpapalayas at paghihiwalay ng mga mag-asawa,” sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. “Napopoot ako sa taong gumagawa ng kalupitan sa kanyang asawa. Kaya nga maging tapat kayo sa inyong asawa.”
Ang Nalalapit na Araw ng Paghatol
17 Sawang-sawa na si Yahweh sa inyong mga sinasabi. Subalit itinatanong pa ninyo, “Bakit siya nagsasawa?” Sinasabi ninyong mahal ni Yahweh ang mga gumagawa ng kasamaan at nalulugod siya sa kanila. Itinatanong din ninyo, “Nasaan ang Diyos na makatarungan?”
3 Sabi(F) ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At si Yahweh na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan.”
2 Ngunit(G) sino ang makakatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makakaharap kapag napakita na siya? Para siyang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang sabon na may matapang na sangkap. 3 Darating siya at mauupong tulad ng isang tagapagdalisay ng pilak. Dadalisayin niya ang mga anak na lalaki ni Levi katulad ng ginto at pilak at sa pamamagitan nito'y magiging karapat-dapat ang kanilang handog kay Yahweh. 4 Dahil dito, ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod kay Yahweh, tulad ng dati.
5 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Darating ako upang hatulan ang mga mangkukulam, ang mga mangangalunya, ang mga bulaang saksi, ang mga nandaraya sa kanilang mga manggagawa, ang mga nagsasamantala sa mga biyuda, sa mga ulila't mga dayuhan at ang mga hindi gumagalang sa akin.”
Ang Pagbibigay ng Ikasampung Bahagi
6 “Ako(H) si Yahweh. Hindi pa kayo lubusang nalilipol sapagkat hindi ako nagbabago sa aking pangako. 7 Subalit tulad ng inyong mga ninuno, tumalikod kayo at sinuway ninyo ang aking mga kautusan. Manumbalik kayo sa akin at manunumbalik din ako sa inyo,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Itinatanong ninyo, ‘Paano kami manunumbalik sa inyo?’
8 “Ang tanong ko nama'y, matuwid bang pagnakawan ng tao ang Diyos? Hindi! Ngunit pinagnanakawan ninyo ako. Sa paanong paraan? Sa mga ikasampung bahagi at mga handog. 9 Isinumpa ko kayong lahat sapagkat ako'y pinagnanakawan ng buong bansa. 10 Dalhin(I) ninyo nang buong-buo ang inyong mga ikasampung bahagi sa tahanan ng Diyos upang matugunan ang pangangailangan sa aking tahanan. Subukin ninyo ako sa bagay na ito, kung hindi ko buksan ang mga bintana ng langit at ibuhos sa inyo ang masaganang pagpapala. 11 Hindi ko rin hahayaang salantain ng mga balang ang inyong mga pananim at mamumunga na nang sagana ang inyong mga ubasan. 12 Dahil dito'y sasabihin ng lahat ng bansa na kayo'y mapalad sapagkat napakainam manirahan sa inyong lupain,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Ang Pangako
13 “Masasakit ang sinabi ninyo tungkol sa akin,” sabi ni Yahweh. “Ngunit ang tanong ninyo, ‘Ano ba ang sinabi namin laban sa inyo?’ 14 Sabi ninyo, ‘Walang saysay ang maglingkod sa Diyos. Ano ba ang mapapala natin sa pagsunod sa kanyang mga utos o sa pagpapakita natin kay Yahweh na nagsisisi tayo sa nagawa nating kasalanan? 15 Hindi ba't kung sino ang palalo ay siya pang pinagpapala? Hindi lamang nananagana ang masasama kundi sinusubok pa nila ang Diyos sa paggawa nila ng kasamaan ngunit hindi sila pinaparusahan.’”
16 Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may paggalang kay Yahweh. Pinakinggan niyang mabuti ang kanilang usapan, kaya ipinatala niya sa isang aklat ang mga pangalan ng mga gumagalang sa kanya. 17 “Magiging akin sila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Sa araw na ako'y kumilos, itatangi ko sila bilang sariling akin. Ililigtas ko sila, tulad ng pagliligtas ng isang ama sa anak na naglilingkod sa kanya. 18 Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kanya.”
Ang Darating na Araw ni Yahweh
4 “Darating ang araw na gaya ng isang nagbabagang hurno, tutupukin ang mga palalo at masasama gaya ng dayami at walang matitira sa kanila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 2 “Ngunit sa inyo na nagpaparangal sa akin ay sisikat ang aking katarungan na tulad ng araw, at ang sinag nito'y magpapagaling sa inyo. Lulundag kayo sa tuwa na parang mga guyang pinalaya sa kulungan. 3 Sa araw na ako'y kumilos, magtatagumpay kayo laban sa masasama at sila'y tatapakan ninyo na parang alabok,” sabi ni Yahweh.
4 “Alalahanin ninyo ang mga itinuro ni Moises, ang mga tuntunin at kautusang ibinigay ko sa kanya sa Bundok ng Sinai,[b] upang sundin ng bansang Israel.
5 “Ngunit(J) bago dumating ang kakila-kilabot na araw ni Yahweh, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. 6 Muling magkakasundo ang mga ama at ang mga anak. Kung hindi'y mapipilitan akong magtungo riyan at ganap na wasakin ang inyong bayan.”
22 Ipinakita(A) rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, 2 at(B) umaagos sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay ang punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ito'y namumunga ng labindalawang (12) uri ng bunga, isang uri sa bawat buwan. Nakapagpapagaling sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito. 3 Wala(C) roong makikitang anumang isinumpa ng Diyos.
Makikita sa lungsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. 4 Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan. 5 Doo'y(D) wala nang gabi, kaya't hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilawan o ng liwanag ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magiging liwanag nila, at maghahari sila magpakailanman.
Ang Pagdating ni Jesus
6 At sinabi sa akin ng anghel, “Maaasahan at totoo ang mga salitang ito. Ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ang siyang nagsugo sa kanyang anghel upang ihayag sa mga lingkod niya ang mga bagay na magaganap sa lalong madaling panahon.”
7 At sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Pinagpala ang sumusunod sa mga salita ng propesiya na nasa aklat na ito!”
8 Akong si Juan ang nakarinig at nakakita sa lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat, ako'y nagpatirapa sa paanan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga ito upang siya'y sambahin. 9 Ngunit sinabi niya, “Huwag mong gawin iyan! Ako ma'y aliping tulad mo, at tulad din ng iyong mga kapatid na propeta at ng lahat ng sumusunod sa mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo!”
10 At sinabi rin niya sa akin, “Huwag mong ililihim ang mga propesiya na nasa aklat na ito, sapagkat malapit nang maganap ang mga ito. 11 Magpatuloy(E) sa pagpapakasama ang masasama, magpatuloy sa pagpapakarumi ang marurumi, ngunit ang namumuhay sa kalooban ng Diyos ay magpatuloy sa gayong pamumuhay at ang banal sa pagiging banal.”
12 At(F) sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Dala ko ang mga gantimpalang ibibigay sa bawat isa ayon sa kanyang ginawa! 13 Ako(G) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas.”
14 Pinagpala(H) ang naglilinis ng kanilang kasuotan sapagkat bibigyan sila ng karapatang pumasok sa lungsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. 15 Subalit maiiwan sa labas ng lungsod ang mga asal-aso, ang mga mangkukulam, ang mga nakikiapid, ang mga mamamatay-tao, ang mga sumasamba sa diyus-diyosan, at ang mga mahilig magsinungaling at mandaya.
16 “Akong(I) si Jesus ang nagsugo sa aking anghel upang ang mga bagay na ito'y ipahayag sa inyo na nasa mga iglesya. Ako ang ugat at supling ni David; ako ang maningning na bituin sa umaga.”
17 Sinasabi(J) ng Espiritu at ng babaing ikakasal, “Halikayo!”
Lahat ng nakakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!”
Lumapit ang sinumang nauuhaw; kumuha ang may gusto ng tubig na nagbibigay-buhay; ito'y walang bayad.
Pagwawakas
18 Akong(K) si Juan ay nagbibigay ng babala sa sinumang makarinig sa mga propesiya na nasa aklat na ito: sa sinumang magdaragdag sa nilalaman ng aklat na ito ay idaragdag ng Diyos sa kanya ang mga salot na nakasulat dito. 19 Ang sinumang mag-alis ng anuman sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, ay aalisan ng Diyos ng karapatang makibahagi sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay at sa Banal na Lungsod na binabanggit dito.
20 Sinasabi ng nagpapatotoo sa lahat ng ito, “Tiyak na nga! Darating na ako!”
Amen! Dumating ka nawa, Panginoong Jesus!
21 Nawa'y makamtan ng lahat[a] ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesus.
Amen.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.