Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Zacarias 9-12

Ang Parusa sa mga Bansa sa Paligid

Ito(A) (B) ang ipinapasabi ni Yahweh: “Itinakda ko na ang parusa sa lupain ng Hadrac at sa lunsod ng Damasco. Ang mga lunsod ng Aram ay akin, kung paanong ang lahat ng lipi ni Israel ay akin. Akin din ang Hamat na nasa hangganan ng Hadrac, gayon din ang Tiro at Sidon, bagaman sila'y napakarunong. Ang Tiro ay napapaligiran ng matibay na pader. Nag-ipon siya ng makapal na pilak at gintong sindami ng alabok sa lansangan. Ngunit ngayon, kukunin ni Yahweh ang lahat niyang ari-arian at ihahagis lahat sa dagat. Ang lunsod naman ay ipatutupok niya sa apoy.

“Makikita(C) ito ng Ashkelon at siya ay mangingilabot. Manginginig rin sa takot ang Gaza, at mawawalan ng pag-asa ang Ekron. Mawawalan ng hari ang Gaza at wala nang maninirahan pa sa Ashkelon. Paghaharian ng mga dayuhan ang Asdod. Ibabagsak ko ang palalong Filistia. Hindi na sila kakain ng dugo o anumang ipinagbabawal na pagkain. Ang matitira ay mapapabilang sa aking bayan at ituturing na isa sa mga angkan ni Juda. Ang mga taga-Ekron ay mapapabilang din sa aking bayan, tulad ng nangyari sa mga Jebuseo. Babantayan ko ang aking bayan upang hindi ito mapasok ng kaaway. Hindi ko na papahintulutang lupigin pa sila ng iba, sapagkat nakita ko na ang kanilang paghihirap.”

Ang Magiging Hari ng Zion

O(D) Zion, magdiwang ka sa kagalakan!
    O Jerusalem, ilakas mo ang awitan!
Pagkat dumarating na ang iyong hari
    na mapagtagumpay at mapagwagi.
Dumarating siyang may kapakumbabaan,
    batang asno ang kanyang sinasakyan.
10 “Ipapaalis(E) niya ang mga karwahe sa Efraim,
    gayundin ang mga kabayong pandigma ng Jerusalem.
Panudla ng mga mandirigma ay mawawala,
    pagkat paiiralin niya'y ang pagkakasundo ng mga bansa.
Hangganan ng kaharian niya'y dagat magkabila,
    mula sa Ilog Eufrates hanggang dulo ng lupa.”

Muling Aayusin ang Zion

11 Sinabi(F) pa ni Yahweh,
“Alang-alang sa ating tipan na pinagtibay ng dugo,
    ibabalik ko ang mga anak mong itinapon sa balong tuyo.
12 Kayo, mga bilanggo, na di nawalan ng pag-asa,
    ay maaari nang bumalik sa inyong lupain.
Ang magandang kalagayan ninyo noong unang panahon,
    ay aking hihigitan at pag-iibayuhin.
13 Binanat ko ang Juda gaya ng isang pana,
    at ang Efraim naman ang aking panudla.
Kayong mga taga-Zion ay aking isasagupa
    laban sa mga anak ng mga taga-Grecia;
gaya ng tabak ng isang mandirigma,
    sila'y gagawin kong aking sandata.”

14 Si Yahweh ay magpapakita sa kanyang bayan,
    at ang palaso niya'y parang kidlat na sisibat;
trumpeta ng Panginoong Yahweh, kanyang hihipan
    at sila'y parang ipu-ipong sasalakay sa katimugan.
15 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa kanila'y mag-iingat;
    sa pagdumog sa kaaway sila'y di maaawat.
Dugo ng mga ito'y kanilang paaagusin,
    gaya ng mga handog na sa altar inihain.

16 Sa araw na iyon, ililigtas sila ni Yahweh na kanilang Diyos
    pagkat sila'y kanyang kawan, iniibig na lubos.
Sa buong lupain ay magniningning sila,
    parang batong hiyas ng isang korona.
17 Mararanasan nila'y kagandaha't kasaganaan;
    pagkain at alak, may taglay na kalakasan,
    para sa kabinataan at mga kadalagahan.

Ang Pagliligtas ni Yahweh sa Kanyang Bayan

10 Humingi kayo ng ulan kay Yahweh, sa panahon ng tagsibol.

Sa kanya na lumilikha ng ulap at hamog na nagpapasariwa sa mga pananim.
Ang(G) mga diyus-diyosan ay wala ng kabuluhan;
    ang pangitain ng mga manghuhula ay pawang kasinungalingan;
ang mga panaginip nila'y walang katotohanan;
    ang kanilang sinasabi'y wala ring kabuluhan.
Kaya't mga tao'y parang tupang naliligaw,
    pagkat walang pastol na sa kanila'y umaakay.

Ang mga pastol ay aking kinapopootan,
    at ang mga pinuno ay aking paparusahan.
Mahal ko ang Juda, kaya siya'y iingatan,
    palalakasin ko silang parang kabayo sa digmaan.
Sa kanila magmumula ang batong-panulukan;
    sa kanila manggagaling ang tulos ng tolda;
sa kanila magmumula ang panang panudla,
    mula rin sa kanila ang pinunong mamamahala.
Ang mga anak ng Juda ay mabubuo at sila'y magiging isang malakas na hukbo.
    Ang kaaway nila'y kanilang yuyurakan, kanilang tatapakan sa maputik na lansangan.
Sila ay lalaban sapagkat si Yahweh ang kanilang patnubay;
    ibabagsak nila ang mga kawal na kabayuhan.

“Ang sambahayan ni Juda'y bibigyan ko ng lakas;
    ang sambahayan ni Jose'y aking ililigtas.
Ibabalik ko sila sa dating tirahan;
    sapagkat sila ay aking kinahabagan, na para bang di ko sila pinabayaan.
Ako si Yahweh, ang kanilang Diyos,
    aking diringgin ang kanilang dalangin.
Ang mga taga-Efraim ay magdiriwang, katulad nila'y kawal na nagtagumpay.
    Aawit sila sa galak na parang nakainom ng alak.
Makikita ito ng mga anak nila at matutuwa,
    si Yahweh ay pupurihin sapagkat siya ang gumawa.

“Tatawagin ko sila at muling titipunin,
    sa mga kaaway sila'y aking tutubusin;
    at tulad noong una, sila'y pararamihin.
Bagaman(H) sila'y pinangalat ko sa iba't ibang mga bansa,
    hindi nila ako malilimutan doon,
    sila at ang mga anak nila'y maliligtas at makakabalik sa kanilang tahanan.
10 Sila'y aking ibabalik mula sa Egipto,
    at aking titipunin mula sa Asiria;
upang iuwi sa Gilead at Lebanon,
    hanggang ang lupain ay mapuno ng tao.
11 Tatawid sila sa dagat ng Egipto,
    at papayapain ko ang malalaking alon nito;
    aking tutuyuin ang Ilog Nilo.
Ibabagsak ko ang Asiria na palalo,
    maging setro ng Egipto'y tiyak na maglalaho.
12 Ang aking bayan ay aking palalakasin,
    susundin nila ako at sasambahin.”

Ako si Yahweh, ang nagsabi nito.

11 Pintuan mo ay ibukas, lupain ng Lebanon,
    upang lamunin ng apoy ang iyong mga sedar.
Magsitaghoy kayo, mga puno ng sipres
    pagkat bumagsak na ang sedar,
    ang mararangal na punong iyon.
Managhoy rin kayo, mga ensina ng Bashan,
    pagkat nahawan na ang madilim na kagubatan.
Gayon na lamang ang pagtangis ng mga pinuno,
    pagkat karangalan nila'y parang biglang naglaho.
Atungal ng mga leon, iyong pakinggan,
    pagkat gubat ng Jordan ay nasira na't nahawan.

Ang mga Pastol na Walang Kabuluhan

Sinabi sa akin ni Yahweh na aking Diyos, “Ikaw ang mag-alaga sa mga tupa kong papatayin. Pinapatay lamang sila ng nag-aalaga sa kanila ngunit hindi napaparusahan ang mga ito. Ang karne ay ipinagbibili at pagkatapos ay kanilang sinasabi, ‘Purihin si Yahweh! Mayaman na tayo ngayon.’ Maging ang mga pastol ay hindi rin naawa sa kanila. Hindi ko na kahahabagan ang mga tao sa lupaing ito. Pababayaan ko silang mahulog sa kamay ng kanilang kapwa. Wawasakin nila ang lahat ng bansa, isa ma'y wala akong ililigtas!”

Kinuha ako ng mga mamimili upang mag-alaga sa binili nilang tupang papatayin. Kumuha ako ng tungkod; ang isa'y pinangalanan kong Kabutihang Loob, at ang isa nama'y Pagkakaisa. At inalagaan ko nga ang kawan. Sa loob ng isang buwan, tatlong pastol na ang pinaalis ko pagkat naubos na ang pasensiya ko sa kanila. Sila naman ay nasuklam sa akin. Sinabi ko sa kawan, “Mula ngayon, di ko na kayo aalagaan, mamatay na kung sino ang mamamatay sa inyo at mapahamak na kung sino ang mapapahamak. At ang matira ay pababayaan kong mag-away-away. 10 Binali ko ang tungkod na tinawag kong Kabutihang Loob upang ipakilalang wala nang kabuluhan ang kasunduan namin ng mga mamimili. 11 Nang araw ngang yaon, sinira ko ang tipan at nalaman ng mga mamimiling nanonood sa akin noon na ang sinabi ko'y buhat kay Yahweh. 12 Sinabi(I) (J) ko sa kanila, “Kung gusto ninyong ibigay ang aking sahod, salamat; kung ayaw ninyo, sa inyo na lang.” At binigyan nila ako ng tatlumpung pirasong pilak bilang sahod.

13 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ilagay mo iyan sa kabang-yaman ng Templo.”[a] Kaya't kinuha ko ang tatlumpung pirasong pilak bilang pasahod nila sa akin, at ganoon nga ang aking ginawa. 14 Pagkatapos, binali ko rin ang tungkod na tinawag kong Pagkakaisa upang ipakitang wala nang pagkakaisa ang Juda at Israel.

15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mag-ayos kang tulad ng isang pastol na walang kabuluhan. 16 Ang bayan ay bibigyan ko ng isang pastol na walang pagpapahalaga sa mga nawawala, hindi maghahanap sa naligaw, hindi hihilot sa napilayan, ni mag-aalaga sa maysakit. Bagkus, uubusin niya ang matataba, saka itatapon ang buto nito. 17 Kawawa ang pastol na walang kabuluhan at nagpapabaya sa kawan. Isang tabak ang tatama sa kanyang kamay at kanang mata. Ang kamay niya'y mawawalan ng lakas, at mabubulag ang kanang mata.”

Ang Pagliligtas na Gagawin sa Jerusalem

12 Ito ang mensahe ni Yahweh para sa Israel, ang Diyos na gumawa ng langit at lupa, at nagbigay-buhay sa tao: “Ang Jerusalem ay gagawin kong parang isang mangkok na puno ng alak upang ang sinumang maghangad lumusob dito ay maging parang lasing na susuray-suray. Ang pagkubkob sa Jerusalem ay pagkubkob na rin sa buong Juda. Sa araw na iyon, ang mga bansa ay magkakaisa laban sa Jerusalem ngunit gagawin ko itong tulad sa isang malaking bato na mahirap galawin. Sinumang gumalaw nito ay naghahanap ng sakit ng katawan. Tatakutin ko ang kanilang mga kabayo at magugulo ang mga kawal na sakay nito. Babantayan ko ang Juda at bubulagin ang mga kabayo ng kaaway. Dahil dito, sasabihin ng mga taga-Juda na ang lakas ng Jerusalem ay buhat kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang kanilang Diyos.

“Sa araw na iyon, ang Juda ay gagawin kong parang apoy na tutupok sa kakahuyan at sulo na susunog sa ginapas na palay. Lilipulin niya ang mga karatig-bansa at ang Jerusalem naman ay muling titirhan ng mga tao.

“Ang unang pagtatagumpayin ko ay ang mga sambahayan ng Juda upang ang karangalan ng angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem ay hindi humigit sa ibang bayan ng Juda. Sa araw na iyon, palalakasin ko ang mga taga-Jerusalem upang pati ang mga mahihina ay magiging sinlakas ni David. Ang sambahayan ni David ay magiging makapangyarihang tulad ng Diyos, tulad ng anghel ni Yahweh na nanguna sa kanila. At sa araw na iyon, mawawasak ang alinmang bansang mangangahas sumakop sa Jerusalem.

10 “Ang(K) (L) lahi ni David at ang mga taga-Jerusalem ay gagawin kong mahabagin at mapanalanginin. Sa gayon, kapag pinagmasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat ay tatangisan nila itong parang kaisa-isang anak o anak na panganay. 11 Sa araw na iyon, ang iyakan sa Jerusalem ay matutulad sa nangyari noon sa Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido. 12 Tatangis ang buong lupain, ang bawat sambahayan, ang lahi ni David, pati ang kababaihan doon, ang lahi ni Natan, pati ang sambahayan doon, 13 ang lahi ni Levi, pati ang kababaihan doon, ang lahi ni Simei, pati ang kababaihan doon, 14 at ang iba pang lahi, pati ang kanilang kababaihan.”

Pahayag 20

Ang Sanlibong Taon

20 Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, hawak ang isang malaking kadena at ang susi ng napakalalim na hukay. Sinunggaban(A) niya ang dragon, ang matandang ahas na walang iba kundi ang Diyablo o Satanas, at ginapos ito sa loob ng sanlibong (1,000) taon. Ito'y inihagis ng anghel sa napakalalim na hukay, saka isinara at tinatakan ang pinto nito upang hindi siya makapandaya pa sa mga bansa hangga't hindi natatapos ang sanlibong (1,000) taon. Pagkatapos nito'y palalayain siya sa loob ng maikling panahon.

At(B) nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo doon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga taong pinugutan dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa pagpapahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw ni sa larawan nito, ni tumanggap man ng tatak ng halimaw sa kanilang noo o kamay. Sila'y nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong (1,000) taon. Ito ang unang pagbuhay sa mga patay. Ang iba pang mga patay ay hindi nabuhay hanggang hindi natatapos ang sanlibong (1,000) taon. Pinagpala at ibinukod para sa Diyos ang nakasama sa unang pagkabuhay ng mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang pangalawang kamatayan, sa halip, sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong (1,000) taon.

Ang Pagkatalo ni Satanas

Pagkatapos ng sanlibong (1,000) taon ay palalayain si Satanas mula sa kanyang pagkabilanggo. Lalabas(C) siya at dadayain ang mga bansa mula sa apat na sulok ng daigdig, ang Gog at Magog. Titipunin niya ang mga ito upang isama sa pakikipagdigma. Ang hukbong ito ay sindami ng buhangin sa tabing-dagat. Kumalat sila sa buong daigdig at pinaligiran ang kampo ng mga hinirang ng Diyos at ang pinakamamahal na lungsod. Ngunit umulan ng apoy mula sa langit at tinupok ang mga kampon ni Satanas. 10 At ang Diyablong nandaya sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre na pinagtapunan din sa halimaw at sa huwad na propeta. Pahihirapan sila doon araw at gabi, magpakailanman.

Ang Paghuhukom

11 Pagkatapos(D) nito'y nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo doon. Naglaho ang lupa't langit sa kanyang harapan, at hindi na nakita pang muli. 12 Nakita kong nakatayo sa harap ng trono ang mga namatay, maging dakila at hamak, at binuksan ang mga aklat. Binuksan ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa, batay sa nakasulat sa mga aklat. 13 Iniluwa ng dagat ang mga patay na naroroon. Iniluwa din ng Kamatayan at Daigdig ng mga Patay[a] ang mga patay na nasa kanila. Hinatulan ang lahat ayon sa kanilang mga ginawa. 14 Pagkatapos ay itinapon din sa lawa ng apoy ang Kamatayan at ang Daigdig ng mga Patay.[b] Ang lawa ng apoy ang pangalawang kamatayan. 15 Ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.