Old/New Testament
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Amos, isang pastol na taga-Tekoa. Ang mga bagay na tungkol sa Israel ay ipinahayag sa kanya ng Diyos dalawang taon bago lumindol. Si Uzias noon ang hari ng Juda, at si Jeroboam namang anak ni Joas ang hari ng Israel.
2 Sinabi(B) ni Amos,
“Dumadagundong mula sa Bundok ng Zion ang tinig ni Yahweh,
mula sa Jerusalem ang kanyang tinig ay naririnig.
Natutuyo ang mga pastulan,
nalalanta pati ang mga damo sa Bundok Carmel.”
Paghatol sa mga Karatig-bansa ng Israel
Sa Siria
3 Ganito(C) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Damasco,
kaya sila'y paparusahan ko.
Pinagmalupitan nila ang Gilead,
dinurog nila ito sa giikang bakal.
4 Susunugin ko ang palasyo ni Hazael,
at tutupukin ko ang mga tanggulan ni Ben-hadad.
5 Wawasakin ko ang pintuan ng Lunsod ng Damasco;
pupuksain ko ang mga taga libis ng Aven,
pati ang may hawak ng setro sa Beth-eden;
ang mga taga-Siria naman ay dadalhing-bihag sa Kir.”
Sa Filistia
6 Ganito(D) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Gaza,
kaya sila'y paparusahan ko.
Binihag nila ang isang bansa
at ipinagbili sa mga taga-Edom.
7 Susunugin ko ang mga pader ng Gaza;
tutupukin ko ang mga tanggulan doon.
8 Aalisin ko ang mga pinuno ng Asdod,
at ang may hawak ng setro sa Ashkelon.
Hahanapin ko ang Ekron,
at lilipulin ko ang mga Filisteo roon.”
Sa Tiro
9 Ganito(E) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Tiro,
kaya sila'y paparusahan ko.
Ipinagbili nila sa Edom ang libu-libo nilang bihag;
sinisira nila ang kasunduan ng pagkakapatiran.
10 Susunugin ko ang mga pader ng Tiro;
tutupukin ko ang mga palasyo roon.”
Sa Edom
11 Ganito(F) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Edom,
kaya sila'y paparusahan ko.
Hinabol nila ng tagâ ang mga kapatid nilang Israelita
at hindi sila naawa kahit bahagya.
Hindi naglubag ang kanilang poot kailanman.
12 Susunugin ko ang Teman,
tutupukin ko naman ang mga tanggulan sa Bozra.”
Sa Ammon
13 Ganito(G) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Ammon,
kaya sila'y paparusahan ko.
Sa labis nilang kasakiman sa lupain,
nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead.
14 Susunugin ko ang mga pader sa Rabba;
tutupukin ko ang mga tanggulan doon.
Magsisigawan sila sa panahon ng labanan;
mag-aalimpuyo ang labanan tulad ng isang bagyo.
15 Mabibihag ang kanilang hari,
gayundin ang kanyang mga tauhan.”
Sa Moab
2 Ganito(H) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Moab,
kaya sila'y paparusahan ko.
Sinunog nila at pinulbos ang mga buto ng hari ng Edom.
2 Susunugin ko ang lupain ng Moab;
tutupukin ko ang mga tanggulan sa Keriot.
Masasawi ang mga taga-Moab sa gitna ng ingay ng labanan,
sa sigawan ng mga kawal at tunog ng mga trumpeta.
3 Papatayin ko ang hari ng Moab,
gayundin ang mga pinuno sa lupaing iyon.”
Sa Juda
4 Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Juda,
kaya sila'y paparusahan ko.
Hinamak nila ang aking mga katuruan;
nilabag nila ang aking mga kautusan.
Iniligaw sila ng mga diyus-diyosang
pinaglingkuran ng kanilang mga ninuno.
5 Susunugin ko ang Juda;
tutupukin ko ang mga tanggulan ng Jerusalem.”
Ang Paghatol sa Israel
6 Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Israel,
kaya sila'y paparusahan ko.
Dahil sa suhol, pinarusahan nila ang mga matutuwid,
at ibinentang alipin sa halagang isang pares ng sandalyas ang mga taong hindi makabayad ng utang.
7 Niyuyurakan nila ang mga abâ;
ipinagtutulakan nila ang mahihirap.
Nakikipagtalik ang mag-ama sa iisang babaing alipin,
kaya't nalalapastangan ang aking banal na pangalan.
8 Ginagamit nilang higaan sa tabi ng alinmang altar
ang balabal na sangla ng isang may utang.
Sa templo ng kanilang Diyos, sila'y nag-iinuman
ng alak na binili sa salaping ninakaw sa mga dukha.
9 Nagawa(I) pa nila ito sa akin matapos kong lipulin ang mga Amoreo,
na kasintangkad ng mga punong sedar at kasintigas ng punong ensina.
Pinuksa kong lahat ang mga ito alang-alang sa kanila.
10 Inilabas ko kayo mula sa Egipto,
pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon,
at ibinigay sa inyo ang lupain ng mga Amoreo.
11 Itinalaga(J) kong propeta ang ilan sa inyong mga anak;
ginawa kong Nazareo ang iba ninyong kabataan.
Mga taga-Israel, hindi ba totoo ang aking sinasabi?
12 Ngunit pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo,
at pinagbawalang mangaral ang mga propeta.
13 Kaya ngayo'y pababagsakin ko kayo sa lupa,
gaya ng kariton na di makausad sa bigat ng dala.
14 Maging ang matutuling tumakbo ay di makakatakas.
Manghihina pati na ang malalakas,
maging ang magigiting ay di rin makakaligtas;
15 walang tatamaan ang mga manunudla;
di makakaligtas ang matutuling tumakbo,
di rin makakatakas ang mga nakakabayo.
16 Sa araw na iyon ay magsisitakas
maging ang pinakamatatapang.”
3 Pakinggan ninyo, mga taga-Israel, itong sinabi ni Yahweh laban sa inyo na inilabas niya mula sa Egipto:
2 “Sa lahat ng bansa sa ibabaw ng lupa,
kayo lamang ang aking itinangi at inalagaan.
Kaya't kayo'y aking paparusahan
dahil sa inyong mga kasalanan.”
Ang Gawain ng Propeta
3 Maaari bang magsama sa paglalakbay
ang dalawang taong hindi nagkakasundo?
4 Umuungal ba ang leon sa kagubatan
kung wala siyang mabibiktima?
Umaatungal ba ang batang leon sa loob ng yungib,
kung wala siyang nahuling anuman?
5 Mabibitag ba ang isang ibon
kung hindi pinainan?
Iigkas ba ang bitag
kung ito'y walang huli?
6 Kapag ang mga trumpeta'y humudyat sa lunsod,
hindi ba't manginginig sa takot ang mga tao?
Kapag may sakunang dumating sa lunsod,
hindi ba si Yahweh ang may gawa niyon?
7 Tunay na ang Panginoong Yahweh ay di kumikilos,
kung hindi pa ipinababatid sa mga lingkod niyang propeta.
8 Kapag umungal ang leon,
sino ang hindi matatakot?
Kapag nagsalita ang Panginoong Yahweh,
sinong hindi magpapahayag?
Ang Hatol sa Samaria
9 Ipahayag mo sa mga nakatira sa mga tanggulan ng Asdod,
at sa mga tanggulan ng Egipto,
“Magtipon kayo sa mga bundok ng Samaria,
tingnan ninyo ang malaking kaguluhan doon,
maging ang nagaganap na pang-aapi sa lunsod.”
10 “Hindi na nila alam ang paggawa ng mabuti,” sabi ni Yahweh.
“Ang mga bahay nila'y punung-puno ng mga bagay na kinamkam sa pamamagitan ng karahasan at pagpatay.
11 Kaya't lulusubin sila ng isang kaaway,
wawasakin ang kanilang mga tanggulan,
hahalughugin ang kanilang mga tahanan.”
12 Sabi pa ni Yahweh, “Kung paanong walang maililigtas ang isang pastol sa tupang sinila ng isang leon, liban sa dalawang paa't isang tainga. Iilan din ang ililigtas ng Diyos sa mga Israelitang nakatira ngayon sa Samaria at nakahiga sa magagarang higaan.
13 “Pakinggan ninyong mabuti ito at babalaan ang mga anak ni Jacob,”
sabi ng Panginoong Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
14 “Sa(K) araw na parusahan ko ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan,
wawasakin ko ang mga altar sa Bethel,
at malalaglag sa lupa ang mga iyon.
15 Wawasakin ko ang mga bahay na pantaglamig at pantag-araw.
Guguho ang mga bahay na yari sa garing;
ang malalaking bahay ay wawasaking lahat.”
Ang mga Selyo
6 Nakita kong inalis ng Kordero ang una sa pitong selyo, at narinig kong sinabi ng isa sa apat na buháy na nilalang, sa tinig na sinlakas ng kulog, “Halika!”[a] 2 At(A) nakita ko ang isang kabayong puti na ang nakasakay ay may hawak na pana. Binigyan siya ng korona at siya'y umalis upang patuloy na manakop.
3 Nang alisin ng Kordero ang pangalawang selyo, narinig kong sinabi ng pangalawang buháy na nilalang, “Halika!”[b] 4 Isa(B) namang kabayong pula ang lumitaw na ang nakasakay ay binigyan ng kapangyarihang magpasimula ng digmaan sa lupa upang magpatayan ang mga tao. Binigyan siya ng isang malaking tabak.
5 Nang alisin(C) ng Kordero ang pangatlong selyo, narinig kong sinabi ng pangatlong buháy na nilalang, “Halika!”[c] Isang kabayong itim ang nakita ko at may hawak na timbangan ang nakasakay dito. 6 May narinig akong parang isang tinig na nagmumula sa kinaroroonan ng apat na buháy na nilalang, na nagsabi, “Isang takal na trigo lamang ang mabibili ng sahod sa maghapong trabaho at tatlong takal na harina lamang ang mabibili sa ganoon ding halaga. Ngunit huwag mong pinsalain ang langis ng olibo at ang alak!”
7 Nang alisin ng Kordero ang pang-apat na selyo, narinig kong sinabi ng pang-apat na buháy na nilalang, “Halika!”[d] 8 Isang kabayong maputla ang nakita ko at ang pangalan ng nakasakay dito ay Kamatayan. Nakasunod sa kanya ang Daigdig ng mga Patay.[e] Ibinigay sa mga ito ang kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa upang pumatay sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, salot, at mababangis na hayop sa lupa.
9 Nang alisin ng Kordero ang panlimang selyo, nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at dahil sa pagpapatotoo nila rito. 10 Sumigaw sila nang malakas, “O Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat! Gaano pa katagal bago ninyo hatulan at parusahan ang mga tao sa daigdig na pumatay sa amin?” 11 Binigyan ng puting kasuotan ang bawat isa sa kanila, at sinabi sa kanilang magpahinga nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kapwa mga lingkod, na papatayin ding tulad nila.
12 Nang(D) alisin ng Kordero ang pang-anim na selyo, lumindol nang malakas, ang araw ay nagdilim na kasing itim ng damit panluksa at ang buwan ay naging kasimpula ng dugo. 13 Nalaglag(E) mula sa langit ang mga bituin na parang mga bubot na bunga ng igos kapag hinahampas ng malakas na hangin. 14 Naglaho(F) ang langit na parang kasulatang inirolyo, at nawala sa kanilang dating kinalalagyan ang mga bundok at mga isla. 15 Nagtago(G) sa mga yungib na bato ang mga hari sa lupa, ang mga gobernador, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang makapangyarihan, at lahat ng tao, alipin man o malaya. 16 At(H) sinabi nila sa mga bundok at sa mga bato, “Tabunan ninyo kami at ikubli ninyo kami sa mukha ng nakaupo sa trono, at sa poot ng Kordero! 17 Sapagkat(I) dumating na ang kakila-kilabot na araw ng pagbubuhos ng kanilang poot, at sino ang makakatagal sa harap nito?”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.