Old/New Testament
Ang Mensahe ni Natan para kay David
12 Isinugo(A) ni Yahweh kay David ang propetang si Natan. Pagdating doon ay sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may dalawang lalaki, mayaman ang isa at ang isa'y dukha. 2 Maraming kawan at bakahan ang mayaman, 3 samantalang ang dukha ay may isa lamang munting babaing tupa. Inalagaan niya ito at pinalaking kasama ng kanyang mga anak. Kinakalong niya itong parang anak na babae, isinasalo sa pagkain at pinapainom. 4 Minsan, may manlalakbay na naging panauhin ng mayamang lalaki. Sa halip na sa kanyang kawan kumuha ng hayop na papatayin, ang kaisa-isang tupa ng dukhang iyon ang kinuha ng mayaman. At iyon ang inihanda niya para sa kanyang panauhin.”
5 Napasigaw sa galit si David, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] dapat mamatay ang taong iyan! 6 Kailangang magbayad siya nang apat na beses sa kanyang ginawa, sapagkat inapi niya ang dukha.”
7 Sinabi agad ni Natan kay David, “Ikaw ang lalaking iyon! Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Ginawa kitang hari ng Israel, iniligtas kita mula sa mga kamay ni Saul. 8 Ibinigay ko na rin sa iyo ang sambahayan at mga asawa ni Saul pati ang mga lipi ng Israel at Juda. At mabibigyan pa kita ng higit pa riyan. 9 Bakit mo hinamak ang salita ni Yahweh at gumawa ka ng masama sa kanyang paningin? Ipinapatay mo ang Heteong si Urias sa mga Ammonita at kinuha mo pa ang kanyang asawa. 10 Dahil sa ginawa mong ito, at ako'y itinakwil mo, tandaan mong laging may mamamatay sa patalim sa iyong sambahayan.’ 11 Sinabi(B) pa rin ni Yahweh, ‘Pag-aawayin ko ang iyong sambahayan; sa harapan mo'y ibibigay ko sa iba ang iyong mga asawa, at sisipingan sila kahit sa katanghaliang-tapat. 12 Ginawa mo ito nang lihim, hayag kitang paparusahan at makikita ito ng buong Israel.’”
13 Sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako kay Yahweh.”
Sumagot si Natan, “Pinapatawad ka na ni Yahweh at hindi ka mamamatay. 14 Ngunit dahil nilapastangan mo si Yahweh, ang magiging anak mo ang mamamatay.” 15 Pagkatapos nito'y umuwi na si Natan.
Namatay ang Anak ni David
Tulad ng sinabi ni Yahweh, ang anak ni David sa asawa ni Urias ay nagkasakit nang malubha. 16 Nanalangin si David sa Diyos para gumaling ang bata. Nagdamit siya ng panluksa at nag-ayuno, at sa lupa nahiga nang gabing iyon. 17 Lumapit sa kanya ang matatandang pinuno sa palasyo at hinimok siyang bumangon, ngunit tumanggi siya. Ayaw rin niyang kumain. 18 Pagkalipas ng anim na araw, namatay ang bata. Hindi nila ito masabi kay David, sapagkat iniisip nilang lalo silang hindi papakinggan nito at sa halip ay gumawa ng marahas na hakbang. 19 Nakita ni David na nagbubulungan ang mga alipin, kaya't naghinala siyang patay na ang bata. “Patay na ba ang bata?” tanong niya.
“Patay na nga po kamahalan,” sagot naman nila.
20 Pagkarinig nito, bumangon si David, naligo at nagbihis. Pumasok siya sa bahay ni Yahweh, nagpatirapa at nanalangin. Pagkatapos, umuwi siya at humingi ng pagkain. 21 Tinanong siya ng kanyang mga tauhan, “Hindi po namin kayo maintindihan. Noong buháy pa ang bata, nag-ayuno kayo at tumangis dahil sa kanya; ngayong patay na, bumangon kayo at kumain!”
Sumagot si David, 22 “Noong buháy pa ang bata, ako'y nag-ayuno at tumangis sa pag-asa kong kahahabagan ako ni Yahweh at pagagalingin ang aking anak. 23 Ngayong patay na siya, bakit pa ako mag-aayuno; maibabalik ko pa ba ang kanyang buhay? Balang araw, susunod ako sa kanya ngunit hindi na siya makakabalik sa akin.”
Ipinanganak si Solomon
24 Inaliw ni David si Batsheba at sinipingan muli. Muli itong nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki. Solomon ang ipinangalan ni David sa bata. 25 Palibhasa'y mahal ni Yahweh ang bata, isinugo niya si propeta Natan upang sabihing Jedidia[b] ang itawag sa bata na ang ibig sabihi'y, “Mahal ni Yahweh.”
Ginapi ni David ang Rabba(C)
26 Samantala, ipinagpatuloy ni Joab ang pagsalakay at handa na niyang pasukin ang Rabba, ang pangunahing lunsod ng mga Ammonita. 27 Nagpadala siya ng mga sugo kay David upang ibalita na lumusob na siya sa Rabba at naagaw ang ipunan ng tubig doon. 28 Kaya kailangang pangunahan naman niya ang iba pang kawal sa pagpasok sa lunsod. “Kapag hindi siya sumama,” sabi ni Joab, “ako ang sasalakay at akin ang karangalan.” 29 Pagkatanggap ng balita, inihanda ni David ang kanyang hukbo, nilusob ang Rabba, at nagtagumpay siya. 30 Inalisan niya ng korona ang diyus-diyosang si Malcam,[c] at ipinutong ito sa kanyang ulo. May mahahalagang bato ang koronang ginto at ang bigat nito'y 35 kilo. Marami rin siyang samsam na inilabas sa lunsod. 31 Binihag niya ang mga mamamayan, at pumili siya sa mga ito ng mga kantero, panday at karpintero, at pinagawa niya ng mga adobe. Ganito ang ginawa ni David sa lahat ng lunsod ng mga Ammonita bago sila nagbalik sa Jerusalem.
Si Amnon at si Tamar
13 Si Absalom, isang anak na lalaki ni David, ay may magandang kapatid na babae, si Tamar. Si Amnon, isa ring anak na lalaki ni David sa ibang babae, ay umibig kay Tamar. 2 Dahil sa labis na pag-ibig sa kapatid niyang ito, siya ay nagkasakit. Hindi niya malaman ang gagawin at kung paano makukuha si Tamar sapagkat ito'y isang birhen. 3 Ngunit may napakatusong kaibigan si Amnon na ang pangala'y Jonadab. Pamangkin ito ni David sa kanyang kapatid na si Simea. 4 Sinabi ni Jonadab kay Amnon, “Ikaw ay isang anak ng hari ngunit tuwing umaga'y napapansin kong matamlay ka, bakit ba?” Ipinagtapat ni Amnon na umiibig siya kay Tamar. 5 Kaya't sinabi ni Jonadab, “Ganito ang gawin mo. Mahiga ka sa kama at magkunwari kang may sakit. Pagdalaw ng iyong ama, sabihin mong papuntahin si Tamar upang magluto ng pagkain mo. Gusto mong makita siyang nagluluto at siya na rin ang magpakain sa iyo.” 6 Kaya't nahiga nga si Amnon at nagsakit-sakitan. Pagdating ng hari, sinabi niya, “Sabihin naman ninyo kay Tamar na pumarito, at ipagluto ako ng tinapay. Gusto ko pong makitang siya ang nagluluto, at siya na rin ang magpakain sa akin.”
7 Ipinagbilin nga ni David na magpunta si Tamar sa tirahan ni Amnon upang ipaghanda ito ng pagkain. 8 Nagpunta naman si Tamar at dinatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng minasang harina at nagluto ng ilang tinapay habang pinagmamasdan siya ni Amnon. 9 Kinuha niya ito sa kawali at inihain kay Amnon, ngunit ayaw nitong kumain. Inutusan niyang lumabas ang lahat maliban kay Tamar. 10 Pagkatapos, sinabi niya, “Tamar, dalhin mo rito sa silid ang pagkain at subuan mo ako.” Dinala nga niya sa silid ang pagkain ni Amnon. 11 Nang ibibigay na ito sa kanya, biglang hinawakan ni Amnon ang kamay ni Tamar at sinabi, “Sumiping ka sa akin, kapatid ko.”
12 “Huwag, kapatid ko!” sabi ng dalaga. “Huwag mo akong halayin. Hindi iyan pinahihintulutan sa bayang Israel. Huwag mong gawin ang kahalayang ito. 13 Lalabas akong kahiya-hiya sa buong Israel. At ikaw, ano pa ang mukhang ihaharap mo sa mga tao? Bakit hindi ka na lang magsabi sa hari? Palagay ko'y hindi siya tututol na pakasalan mo ako.” 14 Ngunit hindi nakinig si Amnon at dahil mas malakas siya, nagawa niyang pagsamantalahan si Tamar.
15 Matapos siyang pagsamantalahan, si Amnon ay namuhi sa kanya ng pagkamuhing higit pa kaysa hibang na pag-ibig na dating iniukol niya rito. “Umalis ka na!” sabi niya kay Tamar.
16 “Hindi ako aalis!” sagot ng babae. “Ang pagtataboy mong ito ay masahol pa sa kalapastanganang ginawa mo sa akin!”
Ngunit hindi siya pinansin ni Amnon. 17 Sa halip, inutusan nito ang isang katulong niya, “Palayasin mo ang babaing iyan at ikandado mo ang pinto pagkatapos!” 18 Pinalabas nga siya ng katulong, at ikinandado ang pinto. Suot noon ni Tamar ang damit na may mahabang manggas, ang damit na karaniwang isinusuot noon ng mga birheng anak ng hari. 19 Pinunit niya ito at nilagyan ng abo ang kanyang ulo. Pagkatapos, tinakpan ng kanyang mga kamay ang mukha, at umalis na umiiyak nang malakas.
20 Nakita siya ni Absalom at tinanong, “May masama bang ginawa sa iyo si Amnon? Kung mayroon ma'y huwag mo nang alalahanin. Siya'y kapatid mo rin kaya't manahimik ka na lang.” Taglay ang matinding kalungkutan, si Tamar ay nanirahan na lang sa bahay ni Absalom.
21 Galit na galit si Haring David nang mabalitaan ito.[d] 22 Si Absalom nama'y suklam na suklam kay Amnon dahil sa paglapastangan nito sa kapatid niyang si Tamar. Hindi na niya ito kinibo mula noon.
Gumanti si Absalom
23 Pagkaraan ng dalawang taon, inanyayahan ni Absalom ang lahat ng anak ng hari upang saksihan ang paggugupit sa kanyang mga tupa sa Baal-hazor, malapit sa Efraim. 24 Lumapit siya sa hari upang ipaalam ang bagay na ito, at tuloy anyayahan naman siya at ang kanyang mga pinuno. 25 “Huwag na, anak,” wika ng hari. “Maaabala kang masyado kung dadalo kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom ngunit hindi rin pumayag. Binasbasan na lang siya ng hari.
26 Bago umalis si Absalom, sinabi niya sa hari, “Kung hindi kayo makakadalo, si Amnon na lang po ang pasamahin ninyo sa amin.”
“Bakit mo siya isasama?” tanong ng hari. 27 Ngunit nagpumilit si Absalom, at pinasama na rin ng hari si Amnon at ang iba pang mga kapatid nito.[e]
28 Iniutos ni Absalom sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo si Amnon at kapag lasing na, sesenyas ako at patayin ninyo siya. Hindi kayo dapat matakot. Ako ang mananagot nito. Lakasan ninyo ang inyong loob at huwag kayong mag-atubili!” 29 Ganoon nga ang ginawa ng mga alipin; pinatay nila si Amnon. Kaya't nagmamadaling tumakas ang mga anak na lalaki ng hari, sakay ng kani-kanilang mola.
30 Nasa daan pa sila'y may nagbalita na kay David na pinatay ni Absalom ang lahat ng anak niyang lalaki. 31 Kaya't tumayo siya, pinunit ang kanyang kasuotan at naglupasay sa lupa. Pinunit din ng mga alipin niya ang kanilang damit. 32 Ngunit si Jonadab, ang pamangkin ni David kay Simea, ay lumapit sa hari. Sinabi niya, “Huwag po kayong maniwala na pinatay ang lahat ninyong anak na lalaki. Si Amnon po lang ang pinatay! Siya po lamang ang pinag-initan ni Absalom mula nang pagsamantalahan niya si Tamar. 33 Kaya, huwag po kayong maniwala sa balitang iyon; talaga pong si Amnon lamang ang pinatay.”
34 Samantala, si Absalom ay tumakas matapos ipapatay si Amnon.
Ang bantay sa palasyo'y may natanaw na pulutong ng mga taong bumababa sa burol, sa gawi ng Horonaim.[f] 35 Kaya't sinabi ni Jonadab sa hari, “Dumarating na po ang mga anak ninyo, tulad ng sinabi ko sa inyo.” 36 Nag-uusap pa sila'y dumating nga ang mga prinsipe na nag-iiyakan. Umiyak na rin ang hari at ang kanyang mga lingkod. 37 Mahabang(D) panahong nagluksa ang hari dahil sa pagkamatay ni Amnon. Si Absalom nama'y nagtago kina Talmai, anak ng haring Amihud ng Gesur. 38 Tatlong taon siyang nagtago roon. 39 Pagkalipas ng pagdadalamhati ng hari sa pagkamatay ni Amnon, nanabik siyang makita si Absalom.
Ang Talinghaga ng Tusong Katiwala
16 Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad, “May taong mayaman na may isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang kanyang ari-arian. 2 Kaya't ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ibigay mo sa akin ang ulat ng iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.’ 3 Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. 4 Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ 5 Kaya't isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang amo. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa aking amo?’ 6 Sumagot ito, ‘Isandaang tapayang[a] langis po.’ Kaya sabi ng katiwala, ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka't palitan mo, gawin mong limampu.’ 7 At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ sabi niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ 8 Pinuri ng amo ang madayang katiwala dahil sa katusuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas tuso kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito.”
9 At(A) nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, “Kaya't sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan. 10 Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?
13 “Walang(B) aliping maaaring maglingkod sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa kayamanan.”
Hindi Mawawalan ng Bisa ang Kautusan(C)
14 Nang marinig ito ng mga Pariseo, na mga sakim sa salapi, ay kinutya nila si Jesus. 15 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagpapanggap na matuwid sa harapan ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.
16 “Ang(D) Kautusan ni Moises at ang sinulat ng mga propeta ay may bisa hanggang sa pagdating ni Juan na Tagapagbautismo. Buhat noon ay ipinapangaral na ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, at ang lahat ay nagpupumilit na makapasok dito. 17 Mas(E) madali pang maglaho ang langit at ang lupa kaysa mawalan ng bisa ang kahit isang tuldok ng Kautusan.
18 “Kapag(F) hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, at mag-asawa sa iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang mag-aasawa naman sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”
Ang Mayaman at si Lazaro
19 “May isang mayamang laging nakasuot ng mamahaling damit at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. 20 May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman 21 sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo'y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. 22 Namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. 23 Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay,[b] natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. 24 Kaya't sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako'y naghihirap sa apoy na ito.’ 25 Ngunit sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito samantalang ikaw nama'y nagdurusa riyan. 26 Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya't ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.’
27 “Ngunit sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap kong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama, 28 sa aking limang kapatid na lalaki. Suguin po ninyo siya upang sila'y bigyang-babala at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ 29 Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga kasulatan ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang pakinggan.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila't tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.’ 31 Sinabi naman sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”
by