Old/New Testament
Ang Pagdalaw ng Reyna ng Seba(A)
10 Nabalitaan(B) ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon.[a] Kaya't nagsadya siya upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. 2 Dumating siya sa Jerusalem na may kasamang maraming alalay at may dalang maraming kayamanan: mga kamelyo na may kargang iba't ibang uri ng pabango, napakaraming ginto at batong hiyas. At nang makaharap na siya ni Solomon, sinabi niya ang kanyang pakay. 3 Sinagot naman ni Solomon ang lahat ng kanyang tanong at wala ni isa mang hindi nito naipaliwanag. 4 Humanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa palasyong ipinagawa nito. 5 Napansin niya ang pagkain sa hapag ng hari, ang mga tirahan ng kanyang mga opisyal at ang kaayusan ng kanyang mga tauhan. Napansin din niya ang kanyang kasuotan, ang mga tagadulot niya ng inumin, ang handog na iniaalay niya sa Templo. Hangang-hanga ang reyna sa kanyang nakita.
6 Kaya't sinabi niya sa hari, “Totoo nga palang lahat ang narinig ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. 7 Hindi ko mapaniwalaan ang mga sinasabi nila sa akin tungkol sa inyo. Ngunit ngayong nakita ko na ang lahat, napatunayan kong wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Sapagkat ang inyong karunungan ay talagang higit kaysa ibinalita nila. 8 Napakapalad ng inyong mga asawa. Mapalad ang inyong mga tauhan sapagkat lagi nilang naririnig ang inyong karunungan! 9 Purihin si Yahweh, ang inyong Diyos, na nagpala sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, ginawa niya kayong hari upang mamahala dito at magpairal ng katarungan.”
10 At ang hari'y binigyan niya ng halos 4,200 kilong ginto, at napakaraming pabango at batong hiyas. Kailanma'y hindi natumbasan sa dami ang pabangong iyon na bigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.
11 Bukod dito, ang mga barko ni Hiram na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mga batong hiyas at napakaraming kahoy na algum. 12 Ito ang kahoy na ginamit sa mga upuan sa Templo at sa palasyo ng hari at sa mga lira at alpa ng mga manunugtog. Wala na muling dumating o nakita pang kahoy na tulad nito mula noon hanggang ngayon.
13 Ibinigay naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang bawat magustuhan nito, ang lahat niyang hinihingi, bukod pa sa kanyang kusang ipinagkaloob sa reyna. Pagkatapos nito'y umuwi na ang reyna pati ang kanyang mga alalay sa lupain ng Seba.
Ang mga Kayamanan ni Solomon(C)
14 Ang gintong dumarating kay Solomon taun-taon ay umaabot sa 23,310 kilo. 15 Hindi pa kabilang dito ang buwis na galing sa mga mangangalakal, ang tubo sa pangangalakal mula sa labas ng bansa, at ang buwis[b] na galing sa mga hari ng Arabia at sa mga gobernador ng mga lalawigan.
16 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking kalasag na balot ng ginto. Umabot sa labinlimang librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. 17 Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot ding ginto. Halos apat na librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. Ipinalagay ng hari ang mga nasabing kalasag sa palasyo, sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon.
18 Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong yari sa garing ng elepante na may mga balot ding gintong lantay. 19 Anim na baytang ang paakyat sa trono. May ulo ng bisirong baka ang ulunan ng trono, at may patungan ng bisig sa dalawang tagiliran. May dalawang leon na nakatayo sa tabi nito, 20 at labindalawa naman sa magkabilang dulo ng mga baytang. Kailanma'y wala pang ginawang trono na tulad nito sa alinmang kaharian.
21 Gintong lahat ang mga inuman ng Haring Solomon, at gayundin ang mga kasangkapan sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon. Walang kagamitang pilak dahil hindi pa ito pinahahalagahan noong panahon ni Solomon. 22 May mga malalaking barko siya sa karagatan, kasama ng mga barko ni Hiram, at tuwing ikatlong taon ay dumarating ang mga barkong ito na may dalang ginto, pilak, garing, mga unggoy at pabo real.
23 Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. 24 Dinadayo siya ng mga tao mula sa lahat ng panig ng daigdig upang marinig ang karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 25 At ang bawat isa'y may dalang regalo sa kanya: mga sisidlang ginto at pilak, mga damit at mga sandata, mga pabango, mga kabayo, at mola. At nagpatuloy ito sa loob ng maraming taon.
Mga Sasakyan ni Solomon
26 Nagtatag(D) si Haring Solomon ng isang malaking hukbo na binubuo ng 1,400 karwahe at 12,000 mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga bayang himpilan ng mga karwahe at sa Jerusalem upang bantayan ang hari. 27 Sa(E) Jerusalem, ang pilak ay naging parang bato sa dami, at ang sedar ay naging kasindami ng sikamoro sa kapatagan. 28 Galing(F) pa sa Musri at Cilicia ang mga kabayo ni Solomon. May mga mangangalakal siyang tagapamili doon sa tiyak na halaga. 29 Bumibili din sila ng mga karwahe sa Egipto sa halagang 600 pirasong pilak bawat isa at sa 150 piraso naman ang bawat kabayo. Ang mga ito'y ipinagbibili ng mga mangangalakal ni Solomon sa mga haring Heteo at Arameo.
Tumalikod si Solomon sa Diyos
11 Umibig(G) si Solomon sa maraming dayuhang babae. Bukod pa sa anak ni Faraon, nag-asawa siya ng mga babaing Moabita, Ammonita, Edomita, Sidonio at Heteo. 2 Ipinagbabawal(H) ni Yahweh sa mga Israelita ang mag-asawa sa mga banyagang ito. “Huwag kayong mag-aasawa sa mga lahing iyan sapagkat tiyak na ililigaw nila kayo at hihikayating sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan,” sabi ni Yahweh. Ngunit nahulog ang loob ni Solomon sa mga babaing ito. 3 Ang mga asawa niyang mula sa lipi ng mga hari ay pitong daan, at ang kanya namang mga asawang-lingkod ay tatlong daan. 4 Nang matanda na si Solomon, nahikayat siya ng mga ito na sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Hindi siya nanatiling tapat kay Yahweh; hindi niya sinundan ang halimbawa ni David na kanyang ama. 5 Sumamba si Solomon kay Astarte, ang diyosa ng mga Sidonio at kay Milcom, ang karumal-dumal na diyos ng mga Ammonita. 6 Gumawa nga ng kasamaan si Solomon laban kay Yahweh, at hindi niya sinundan ang halimbawa ng kanyang amang si David, na buong katapatang naglingkod kay Yahweh. 7 Sa burol na nasa silangan ng Jerusalem ay nagtayo si Solomon ng sambahan para kay Cemos, ang karumal-dumal na diyos ng Moab, at para kay Molec, ang kasuklam-suklam na diyos ng mga Ammonita. 8 Ipinagpagawa niya ng kanya-kanyang mga altar ang mga diyus-diyosan ng lahat niyang mga asawang dayuhan, at ang mga ito'y nagsunog doon ng insenso at naghain ng mga handog.
9 Nagalit si Yahweh kay Solomon dahil sa ginawa niyang ito. Dalawang beses na nagpakita sa kanya si Yahweh 10 at pinagbawalan siyang maglingkod sa mga diyus-diyosan. Ngunit hindi niya sinunod si Yahweh. 11 Kaya nga't sinabi nito sa kanya, “Dahil sumira ka sa ating kasunduan at sinuway mo ang aking mga utos, aalisin ko sa iyo ang kaharian at ibibigay ko sa isang lingkod mo. 12 Ngunit alang-alang kay David na iyong ama, hindi ko gagawin ito sa panahon ng paghahari mo, kundi sa panahon ng paghahari ng iyong anak. 13 Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanya alang-alang kay David na aking lingkod, at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili.”
Ang mga Kaaway ni Solomon
14 Ipinahintulot ni Yahweh na magkaroon ng kaaway si Solomon: ang Edomitang si Hadad, buhat sa lipi ng mga hari ng Edom. 15 Nang masakop ni David ang Edom, pumunta roon si Joab, ang pinuno ng kanyang hukbo, upang ipalibing ang mga nasawi sa labanan. 16 Anim na buwan siyang nanatili sa Edom, kasama ang buong hukbo ng Israel, at hindi sila umalis hangga't hindi nila napapatay lahat ang mga lalaki roon. 17 Subalit si Hadad na bata pa noon ay nakatakas patungo sa Egipto sa tulong ng ilang Edomitang tauhan ng kanyang ama. 18 Buhat sa Midian nagtungo sila sa Paran, at doo'y nakakuha sila ng ilan pang mga lalaki na isinama nila sa Egipto. Tinanggap siya ng Faraon, ang hari ng Egipto, binigyan ng bahay, lupa at lahat ng kailangan. 19 Napamahal si Hadad sa Faraon, at napangasawa niya ang hipag nito, ang kapatid na babae ni Reyna Tafnes. 20 Nagkaanak sila ng isang lalaki na tinawag nilang Genubat. Nang ito'y maaaring ihiwalay sa ina, ito'y kinuha ng reyna at pinalaki sa palasyo, kasama ng mga anak ng Faraon.
21 Nang mabalitaan ni Hadad na patay na si David at pati na rin si Joab, ang pinuno ng hukbo ng Israel, nagpaalam siya sa Faraon. “Ipahintulot po ninyong umuwi ako sa aming bayan,” wika niya.
22 “Kinukulang ka pa ba rito ng anuman at gusto mo nang umuwi sa inyo?” tanong ng Faraon.
“Hindi po naman,” sagot ni Hadad. “Ngunit ipahintulot po ninyong makauwi muna ako sa amin.”
23 May isa pang kaaway na ginamit si Yahweh laban kay Solomon: si Rezon na anak ni Eliada. Tumakas siya sa kanyang amo, si Hadadezer na hari ng Zoba. 24 Nagtipon siya ng mga tauhan at naging pinuno ng isang pangkat ng mga tulisan. Nangyari ito nang talunin ni David si Hadadezer at pinatay ang mga kakampi nitong taga-Siria. Si Rezon at ang pangkat niya ay nanirahan sa Damasco at doo'y ginawa siyang hari ng Siria ng kanyang mga tauhan. 25 Naging kaaway siya ng Israel sa buong panahon ng paghahari ni Solomon.
Ang Pag-aaklas ni Jeroboam
26 Isa pa sa mga lumaban kay Solomon ay isa ring tauhan niya, si Jeroboam na anak ng Efrateong si Nebat na taga-Sereda. Ang ina niya'y si Serua na isang biyuda. 27 Ito ang kasaysayan ng kanyang paghihimagsik laban sa hari. Ipinagagawa ni Solomon ang muog ng Millo at pinatatakpan ang mga butas sa pader ng Lunsod ng Jerusalem. 28 Si Jeroboam ay isang lalaking may kakayahan kaya't nang makita ito ni Solomon, inilagay itong tagapamahala ng lahat ng gawaing bayan sa lupain ng angkan ni Jose. 29 Isang araw, lumabas ng Jerusalem si Jeroboam at nasalubong niya si Ahias, ang propetang taga-Shilo. Ito'y nag-iisa, at bago ang dalang balabal. 30 Walang anu-ano'y inalis ni Ahias ang kanyang balabal at pinagpunit-punit sa labindalawang piraso. 31 Sabi niya kay Jeroboam, “Kunin mo ang sampung piraso sapagkat ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Hahatiin ko ang kaharian ni Solomon at ibibigay ko sa iyo ang sampung lipi. 32 Matitira sa kanya ang isang lipi, alang-alang kay David na aking lingkod at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili mula sa lahat ng lipi ng Israel. 33 Ginawa ko ito sapagkat tinalikuran niya ako at naglingkod siya kay Astarte, ang diyos ng mga Sidonio, kay Cemos, ang diyos ng Edom at kay Molec, ang diyos ng mga Ammonita. Hindi siya namuhay nang ayon sa kalooban ko. Hindi niya ginawa ang gusto ko, at hindi niya sinunod ang aking mga utos at tuntunin. Hindi nga niya sinundan ang halimbawa ni David. 34 Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang kaharian habang siya'y nabubuhay. Pananatilihin ko siyang hari alang-alang kay David, ang aking lingkod na tumupad ng aking mga utos. 35 Ngunit kukunin ko ang malaking bahagi ng kaharian mula sa kanyang anak, at ang sampung lipi ay ibibigay ko sa iyo. 36 Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanyang anak. Sa gayon, ang lingkod kong si David ay laging magkakaroon ng isang apo na maghahari sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ko upang doo'y sambahin ako. 37 Ikaw nga ang maghahari sa Israel at ilalagay ko sa ilalim ng iyong pamamahala ang lahat ng lupang magugustuhan mo. 38 Kung susundin mo ang lahat ng aking mga utos, kung mamumuhay ka ayon sa aking kalooban; kung ang iyong mga gawa'y magiging kalugud-lugod sa aking paningin at susundin mo ang aking mga batas at tuntunin, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod, ako'y sasaiyo. Pananatilihin ko ang iyong angkan tulad ng ginawa ko kay David. Ibibigay ko sa iyo ang Israel, 39 at paparusahan ko ang mga anak at apo ni David, ayon sa nararapat sa kanila. Gayunman, ito'y hindi panghabang panahon.’”
40 Dahil dito, sinikap ni Solomon na ipapatay si Jeroboam. Ngunit ito'y nakatakas at nagpunta kay Shishak, hari ng Egipto. Nanatili siya hanggang sa pagkamatay ni Solomon.
Wakas ng Paghahari ni Solomon(I)
41 Ang iba pang kasaysayan ni Solomon, ang kanyang mga ginawa at mga karunungan ay pawang nakasulat sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon. 42 Naghari siya sa buong Israel sa loob ng apatnapung taon. 43 Nang siya'y mamatay, inilibing ang kanyang bangkay sa Lunsod ni David na kanyang ama. Humalili sa kanya ang anak niyang si Rehoboam.
Ang Darating na Pagkawasak ng Jerusalem(A)
20 “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga hukbo ang Jerusalem, tandaan ninyo, malapit na ang pagkawasak nito. 21 Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan. 22 Sapagkat(B) iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil magkakaroon ng malaking kapighatian sa lupaing ito at darating ang pagpaparusa ng Diyos sa bansang ito. 24 Mamamatay sila sa tabak, at ang iba'y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila.”
Ang Pagdating ng Anak ng Tao(C)
25 “Magkakaroon(D) ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. 26 Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit. 27 Sa(E) panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan. 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, tumayo kayo at tumingala sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.”
Ang Aral mula sa Puno ng Igos(F)
29 At sinabi sa kanila ni Jesus ang isang talinghaga, “Tingnan ninyo ang puno ng igos at iba pang punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 31 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinabi ko, malalaman ninyong malapit na ang kaharian ng Diyos. 32 Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago lumipas ang salinlahing ito. 33 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.”
Mag-ingat Kayo
34 “Mag-ingat kayo na huwag kayong malulong sa labis na pagsasaya, paglalasing at matuon ang inyong pag-iisip sa mga alalahanin sa buhay na ito; kung hindi ay bigla kayong aabutan ng Araw na iyon 35 na tulad ng isang bitag. Sapagkat darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa. 36 Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang malampasan ninyo ang lahat ng mangyayaring ito, at makatayo kayo sa harap ng Anak ng Tao.”
37 Araw-araw,(G) si Jesus ay nagtuturo sa Templo. Kung gabi nama'y umaalis siya at nagpapalipas ng magdamag sa Bundok ng mga Olibo. 38 Maaga pa'y pumupunta na sa Templo ang mga tao upang makinig sa kanya.
by