Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
2 Samuel 6-8

Kinuha ni David ang Kaban ng Tipan(A)

Pagkatapos nito, muling tinipon ni David ang mga piling kawal ng Israel; may tatlumpung libong kalalakihan lahat. Pinangunahan(B) niya ang buong hukbo at nagpunta sila sa Baale-Juda upang kunin ang Kaban ng Tipan na kumakatawan sa kaluwalhatian ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na nakaluklok sa ibabaw ng mga kerubin. Kinuha(C) nila ito sa bahay ni Abinadab doon sa burol at isinakay sa isang bagong kariton na inaalalayan ng dalawang anak nito na sina Uza at Ahio. Si Ahio ay nauuna ng paglakad sa kaban. Si David at ang buong bayan ng Israel ay buong galak na sumasayaw. Sila'y umaawit sa saliw ng mga lira, kudyapi, tamburin, kastaneta, at pompiyang.

Nang malapit na sila sa may giikan ni Nacon, natalisod ang mga baka kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan. Nagalit si Yahweh at siya'y pinarusahan sa ginawang iyon. Noon di'y namatay si Uza sa tabi ng Kaban ng Tipan. Nagalit si David dahil pinarusahan ni Yahweh si Uza. Hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez-uza.[a] Dahil dito'y natakot si David kay Yahweh. Sinabi niya, “Paano ko iingatan ngayon ang Kaban ng Tipan?” 10 Hindi niya ito mapangahasang dalhin sa Lunsod ni David, kaya't doon na niya inihatid sa bahay ni Obed-edom na taga-Gat. 11 Tatlong(D) buwang nanatili roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at pinagpala ni Yahweh si Obed-edom at ang kanyang sambahayan.

12 May nagbalita kay Haring David na pinagpalang mabuti ni Yahweh si Obed-edom. Ito'y ikinagalak niya, kaya kinuha niya ang Kaban ng Tipan at dinala sa Jerusalem. 13 Hindi pa man nakakalayo, nakakaanim na hakbang pa lamang ang mga may dala ng Kaban ng Tipan, pinahinto na sila ni David at naghandog sila ng isang toro at isang pinatabang baka. 14 Isinuot ni David ang isang linong efod, at nagsasayaw siya sa harapan ni Yahweh. 15 Habang lumalakad ang mga Israelita, nagsisigawan sila sa tuwa at hinihipan ang mga trumpeta.

16 Nang sila'y papasok na ng lunsod, si David ay naglululundag at nagsasayaw. Nang siya'y madungawan ni Mical na anak ni Saul, hindi niya nagustuhan ang ginawa ni David. 17 Ipinasok nila sa tolda ang Kaban ng Tipan at inilagay sa lugar na nakalaan dito. Si David nama'y muling nag-alay ng mga handog na susunugin sa harapan ni Yahweh. 18 Pagkatapos, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ni Yahweh na Pinakamakapangyarihan sa Lahat. 19 Bago(E) nagsiuwi ang lahat ng mga Israelita, lalaki man o babae, sila'y pinakain ng tinapay, karne at pasas.

20 Pag-uwi ni David upang batiin ang kanyang pamilya, sinalubong siya ni Mical na may ganitong pagbati: “Dakilang araw ito sa hari ng Israel na parang baliw na nagsasayaw sa harapan ng mga aliping babae ng kanyang mga tauhan.”

21 Sumagot si David, “Ginawa ko iyon upang parangalan si Yahweh. Sapagkat sa halip na ang iyong ama at ang kanyang sambahayan, ako ang pinili ni Yahweh na mamuno sa Israel. At patuloy pa akong magsasayaw upang parangalan si Yahweh, 22 at gagawa pa nang mas masahol dito. Sa tingin mo'y hamak ako dahil sa aking ginawa, ngunit sa paningin ng mga babaing iyon ay marangal ang ginawa ko.”

23 Si Mical na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa siya'y mamatay.

Ang Kasunduan ng Diyos kay David(F)

Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang palasyo. Sa tulong ni Yahweh, hindi na siya ginambala ng kanyang mga kaaway. Tinawag niya si Natan at sinabi, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Diyos.”

Sumagot si Natan, “Isagawa mo ang iyong iniisip, sapagkat si Yahweh ay sumasaiyo.” Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan, “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mo, ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? Mula nang ilabas ko sa Egipto ang Israel, wala pa akong bahay na masasabing akin. Hanggang ngayo'y tolda pa ang aking tahanan. Kahit lagi akong kasama ng Israel, wala akong sinabing anuman sa sinumang pinuno tungkol sa tahanang sedar na dapat kong tirhan, gayong ako ang pumili sa kanila upang mamahala sa aking kawan.’ Sabihin mo rin sa lingkod kong si David ang salitang ito ni Yahweh: ‘Kinuha kita mula sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. Kasama mo ako saan ka man magtungo at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. 10 Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko papatirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon; wala nang taong mararahas na aalipin sa kanila tulad noong una, 11 buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong si Yahweh ay nagsasabi sa iyo, papatatagin ko ang iyong sambahayan. 12 Pagkamatay(G) mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at papatatagin ko ang kanyang kaharian. 13 Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. 14 Ako'y(H) kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Kung siya'y magkasala, paparusahan ko siya tulad ng pagpaparusa ng ama sa nagkakasalang anak. 15 Ngunit ang paglingap ko sa kanya'y hindi magbabago, di tulad ng nangyari kay Saul. 16 Magiging(I) matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia'y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono magpakailanman.’” 17 Isinaysay nga ni Natan kay David ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh.

Ang Panalangin ni David(J)

18 Pagkatapos nito, pumasok sa tolda si Haring David, umupo at nanalangin. Sinabi niya, “Ako po at ang aking pamilya ay hindi karapat-dapat sa lahat ng kabutihang ginawa ninyo sa akin, Panginoong Yahweh. 19 Maaaring maliit na bagay lamang ito sa inyong paningin, O Panginoong Yahweh, subalit napakalaki para sa amin sapagkat tiniyak na ninyo ang magandang kalagayan ng sambahayan ko para sa hinaharap. 20 Wala na akong masasabi sapagkat kilala ninyo ang inyong lingkod. 21 Ayon sa inyong pangako, niloob ninyong maging dakila ang inyong lingkod. 22 Napakadakila mo, O Panginoong Yahweh. Wala pa kaming nababalitaang Diyos na tulad ninyo. Ikaw lamang ang Diyos. 23 Walang(K) bansang maitutulad sa Israel. Ito'y hinango ninyo sa pagkaalipin upang maging inyong bayan. Ito lamang ang bansang pinagpakitaan ninyo ng mga kakila-kilabot at dakilang bagay para sila'y matulungan. Itinaboy ninyo ang ibang mga bansa at inalis ang kanilang mga diyus-diyosan pagdating nila. 24 Yahweh, itinatag ninyo ang bansang Israel upang maging inyo magpakailanman at kayo po ang kanilang naging Diyos.

25 “At ngayon Panginoong Yahweh, gawin ninyo ang inyong pangako sa inyong alipin at sa kanyang sambahayan. 26 Pararangalan ang inyong pangalan ng lahat ng bansa at sasabihin nila, ‘Si Yahweh, ang Makapangyarihan, ay Diyos ng Israel!’ Sa gayon, magiging matatag sa harapan ninyo ang sambahayan ni David na inyong lingkod. 27 Yahweh, Makapangyarihang Diyos ng Israel, nagkaroon ako ng lakas ng loob na manalangin ng ganito sapagkat kayo na rin ang nagsabi sa inyong lingkod na paghahariin ninyo sa Israel ang aking angkan.

28 “Panginoong Yahweh, kayo'y tapat at tumutupad sa mga pangako ninyo sa akin. 29 Ngayo'y pagpalain ninyo ang sambahayan ng inyong lingkod upang ito'y magpatuloy. Panginoong Yahweh, ikaw rin ang nangako nito kaya manatili nawa sa aking angkan ang iyong pagpapala.”

Lumawak ang Kaharian ni David(L)

Pagkatapos nito, nilusob at nilupig ni David ang mga Filisteo kaya't natapos ang paghahari ng mga ito sa lupaing iyon.[b]

Nilupig din niya ang mga Moabita. Pinahilera niya nang pahiga ang mga ito at sa pamamagitan ng isang panukat, nagpapasya siya kung sino ang dapat patayin. Bawat dalawang sukat ay ipinapapatay at ang pangatlong sukat ay pinaliligtas at pinagbabayad ng buwis.

Tinalo rin niya si Hadadezer, ang anak ng Haring Rehob ng Soba. Si Hadadezer ay papunta noon sa mga lupain sa baybayin ng Ilog Eufrates upang bawiin ang mga lupaing iyon. Sa labanang ito'y 1,700 kawal na nakakabayo at 20,000 kawal na lakad ang nabihag ni David. Pinilayan niya ang mga kabayo, maliban sa itinira niyang sapat na bilang para humila ng sandaang karwahe. Ang napatay nilang tumulong kay Hadadezer na mga taga-Siria buhat sa Damasco ay dalawampu't dalawang libo. Nasakop din niya ang lugar na ito, kaya nagtayo siya ng mga himpilan sa Aram, malapit sa Damasco, at pinagbuwis niya ang mga tagaroon. Sa tulong ni Yahweh, si David ay nagtatagumpay saanman siya magpunta. Ang mga pananggang ginto ni Hadadezer na dala ng kanyang mga alipin ay sinamsam ni David at dinala sa Jerusalem. Marami rin siyang nasamsam na tanso sa Beta at Berotai, mga lunsod ni Hadadezer.

Nang mabalitaan ni Haring Toi ng Hamat na tinalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer, 10 isinugo niya ang kanyang anak na si Joram upang batiin si David, sapagkat si Hadadezer ay matagal nang kaaway ni Toi. Dinalhan siya ni Joram ng mga sisidlang pilak, ginto at tanso. 11 Inilaan ni David ang mga ito para sa pagsamba kay Yahweh, kasama ng ginto at pilak na sinamsam niya sa mga bansang kanyang nilupig— 12 sa Edom,[c] sa Moab, sa Ammon, sa Filistia at sa Amalek—at bahagi ng kanyang nasamsam kay Hadadezer, anak ni Rehob na hari ng Soba.

13 Si(M) David ay lalong natanyag nang mapatay niya ang labingwalong libong Edomita[d] sa Libis ng Asin. 14 At bago siya bumalik, nagtayo muna siya ng mga himpilan sa buong Edom at naging alipin niya ang lahat ng mamamayan doon. Pinagtagumpay ni Yahweh si David saanman siya magpunta.

Ang mga Opisyal ni David(N)

15 Naghari si David sa buong Israel. Ipinatupad niya ang batas at pinairal ang katarungan. 16 Ginawa niyang pinuno ng hukbo si Joab, anak ni Zeruias. Si Jehoshafat naman na anak ni Alihud ang kalihim ng pamahalaan. 17 Si Zadok namang anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga pari. Ang tagapagtala at nag-iingat ng lahat ng kasulatan ay si Seraya. 18 Si Benaias na anak ni Joiada ang pinamahala niya[e] sa mga bantay na Kereteo at Peleteo. Ang mga lalaking anak ni David ay nagsilbi ring mga pari.

Lucas 15:1-10

Ang Nawala at Natagpuang Tupa(A)

15 Isang(B) araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, “Ang taong ito'y nakikisama at nakikisalo sa mga makasalanan.” Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito.

“Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!’ Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa sa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi.”

Ang Nawala at Natagpuang Salaping Pilak

“O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!’ 10 Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan.”