Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Gawa 20:1-16

Ang Pagpunta sa Macedonia at Grecia

20 Nang tumigil na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pinalakas ang kanilang loob. Pagkatapos, nagpaalam siya at nagpunta sa Macedonia. Dinalaw niya ang mga bayan-bayan doon at pinalakas ang loob ng mga alagad sa pamamagitan ng kanyang pangangaral. Nagpatuloy siya hanggang sa dumating siya sa Grecia at nanatili doon sa loob ng tatlong buwan. Aalis na sana siya papuntang Siria ngunit nabalitaan niyang may tangka ang mga Judio laban sa kanya, kaya't ipinasya niyang sa Macedonia na uli magdaan sa kanyang pagbabalik. Sumama sa kanya ang taga-Bereang si Sopater na anak ni Pirro, gayundin sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, si Gaius na taga-Derbe, si Timoteo, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asia. Nauna sila at naghintay sa amin doon sa Troas. Kami naman ay sumakay sa barko mula sa Filipos pagkaraan ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at dumating kami sa Troas nang ikalimang araw. Nanatili kami roon nang pitong araw.

Huling Dalaw ni Pablo sa Troas

Nang unang araw ng sanlinggo, kami'y nagkatipon upang magpira-piraso ng tinapay. Si Pablo'y nangaral sa kanila hanggang hatinggabi, sapagkat aalis na siya kinabukasan. Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtitipunan namin. Nakaupo sa bintana ang isang binata na ang pangala'y Eutico. Dahil sa kahabaan ng pagsasalita ni Pablo, si Eutico ay inantok at nakatulog nang mahimbing. Nahulog siya mula sa ikatlong palapag na kanyang kinaroroonan, kaya't patay na siya nang buhatin. 10 Nanaog si Pablo at niyakap ang binata. Sinabi niya, “Huwag kayong mabahala, buháy siya!” 11 Muling pumanhik si Pablo, nagpira-piraso ng tinapay at kumain. Pagkatapos, nakipag-usap pa siya sa kanila nang matagal hanggang mag-uumaga, at saka umalis. 12 Ang binata naman ay buháy na iniuwi, at ito'y nagdulot sa kanila ng malaking kaaliwan.

Mula sa Troas Hanggang sa Mileto

13 Sumakay kami sa barkong papuntang Asos. Doon kami magkikita ni Pablo ayon sa bilin niya sa amin, sapagkat nais niyang sa lupa magdaan papunta roon at hindi sa dagat. 14 Nang magkita kami sa Asos, sumakay siya sa barkong sinasakyan namin at sama-sama kaming pumunta sa Mitilene. 15 Mula roon, patuloy kaming naglakbay at kinabukasa'y dumating kami sa tapat ng Quio. Nang sumunod na araw, dumaan kami sa Samos, at makaraan ang isa pang araw ay dumating kami sa Mileto. 16 Ipinasya ni Pablong lampasan ang Efeso upang huwag siyang maantala sa Asia,[a] sapagkat ibig niyang nasa Jerusalem na siya sa araw ng Pentecostes.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.