Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

New Testament in a Year

Read the New Testament from start to finish, from Matthew to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Gawa 13:26-52

26 “Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos, tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan. 27 Hindi nakilala ng mga taga-Jerusalem at ng kanilang mga pinuno na si Jesus ang Tagapagligtas. Hindi rin nila naunawaan ang mga pahayag ng mga propeta, na binabasa nila tuwing Araw ng Pamamahinga. Ngunit sila na rin ang nagsakatuparan ng pahayag na iyon nang si Jesus ay hatulan nila ng kamatayan. 28 Kahit(A) na wala silang sapat na dahilan upang siya'y ipapatay, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya'y hatulan ng kamatayan. 29 At(B) nang matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, siya ay ibinabâ nila sa krus[a] at inilibing.

30 “Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos, 31 at(C) sa loob ng maraming araw, siya ay nagpakita sa mga sumama sa kanya sa Jerusalem mula sa Galilea. Ngayon, sila ang mga saksi niya sa mga Israelita. 32 Ngayon ay dala namin sa inyo ang Magandang Balita, na ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno 33 ay(D) tinupad niya sa atin na kanilang mga anak, sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Jesus. Gaya ng nakasulat sa ikalawang Awit,

‘Ikaw ang aking Anak,
    sa araw na ito ako'y naging iyong Ama.’

34 Tungkol(E) naman sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkabulok ng kanyang katawan ay sinabi ng Diyos,

‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pagpapala
    gaya ng ipinangako ko kay David.’

35 At(F) sinabi rin niya sa iba pang bahagi,

‘Hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal.’

36 Nang maisagawa na ni David ang kalooban ng Diyos para sa kanyang kapanahunan, siya'y namatay at inilibing sa piling ng kanyang mga ninuno, at siya'y dumanas ng pagkabulok. 37 Subalit ang muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok. 38 Dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinangangaral sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan. 39 At ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay pinalalaya na sa lahat ng pagkakasala na mula sa mga ito ay hindi kayo kayang palayain ng Kautusan ni Moises. 40 Kaya't mag-ingat kayo upang hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta,

41 ‘Tingnan(G) ninyo, kayong mga nangungutya!
    Manggilalas kayo at mamatay!
Sapagkat isasagawa ko sa inyong kapanahunan
    ang isang bagay na hindi ninyo paniniwalaan,
    kahit na may magpaliwanag pa nito sa inyo!’”

42 Nang sina Pablo at Bernabe ay palabas na sa sinagoga, inanyayahan sila ng mga tao na magsalita muli tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga. 43 Pagkatapos ng pulong, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga relihiyosong Hentil na nahikayat sa Judaismo. Nagsalita sa kanila ang mga apostol at pinangaralan silang magpatuloy sa pamumuhay nang nararapat ayon sa kagandahang-loob ng Diyos.

44 Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon upang makinig sa salita ng Panginoon.[b] 45 Inggit na inggit naman ang mga Judio nang makita nila ang napakaraming tao, kaya't nilait nila at sinalungat si Pablo. 46 Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na kayo'y hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya't sa mga Hentil na lang kami pupunta. 47 Ganito(H) ang iniutos sa amin ng Panginoon,

‘Inilagay kitang liwanag sa mga Hentil
    upang magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’”

48 Nang marinig ng mga Hentil ang mga salitang iyon, sila'y nagalak at nagpuri sa salita ng Panginoon, at sumampalataya ang lahat ng hinirang para sa buhay na walang hanggan.

49 Kaya't lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. 50 Ngunit ang mga pinuno ng lungsod at ang mga debotong babae na kilala sa lipunan ay sinulsulan ng mga Judio upang usigin sina Pablo at Bernabe at palayasin sa lupaing iyon. 51 Kaya't(I) ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila'y nagpunta sa Iconio. 52 Ang mga alagad naman sa Antioquia ay napuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.