Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 35

Ang mga Tuntunin sa Araw ng Pamamahinga

35 Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Ito ang iniuutos sa inyo ni Yahweh: Anim(A) na araw kayong magtatrabaho, ngunit ang ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga na nakalaan sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon. Sa Araw ng Pamamahinga, huwag kayong magsisindi ng apoy sa lahat ng inyong mga tahanan.”

Ang mga Handog para sa Santuwaryo(B)

Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Ito ang iniuutos ni Yahweh: Maghandog kayo kay Yahweh. Ito ang maaari ninyong ihandog: ginto, pilak at tanso; lanang kulay asul, kulay ube, at kulay pula. Gayundin ng pinong sinulid na lino, at balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, mainam na balat, at kahoy na akasya, langis para sa ilawan, pabangong panghalo sa langis na pampahid at sa insenso. Maghahandog din sila ng mga alahas na kornalina at mamahaling alahas na pampalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari.”

Ang mga Kagamitan sa Toldang Tipanan(C)

10 “Tipunin mo ang lahat ng mahuhusay na manggagawa at sila ang pagawin 11 ng tabernakulo, ng tolda at ng mga tabing nito, ng mga kawit at ng mga patayo at pahalang na balangkas, ng mga tukod at ng mga patungan nito. 12 Sila rin ang gagawa ng Kaban ng Tipan at ng mga pasanan nito, gayundin ng Luklukan ng Awa at ng tabing nito. 13 Sila rin ang gagawa ng mesa, ng mga paa at lahat ng kagamitan nito, ng lalagyan ng tinapay na ihahandog sa Diyos, 14 ng ilawan, ng mga kagamitan nito, ng mga ilaw at langis para rito. 15 Sila rin ang gagawa ng altar na sunugan ng insenso, pati ang mga pasanan nito, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ng kurtinang ilalagay sa pintuan ng tabernakulo, 16 ng altar na sunugan ng mga handog, ng parilyang tanso, ng mga pasanan at ng mga kagamitang kasama ng altar, ng palanggana at ng patungan nito. 17 Sila rin ang gagawa ng mga tabing ng bulwagan, ng mga tukod na pagkakabitan, at ng mga patungan ng tukod pati ng kurtina sa pintuan. 18 Sila rin ang gagawa ng tulos, ng mga lubid na gagamitin sa tabernakulo at sa mga tabing, 19 ng mamahaling kasuotan ng mga pari na gagamitin pagpasok nila sa Dakong Banal—ng mga damit na gagamitin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa kanilang paglilingkod sa akin bilang mga pari.”

Dinala ang mga Handog

20 Ang mga Israelita'y nagbalikan na sa kani-kanilang tolda. 21 Lahat ng nais tumulong ay naghandog kay Yahweh ng inaakala nilang magagamit sa paggawa ng Toldang Tipanan, ng mga kagamitan sa pagsamba at ng kasuotan ng mga pari. 22 Babae't lalaki ay naghandog. May nagdala ng pulseras, hikaw, singsing, kuwintas at iba pang alahas na ginto. Dinala ng bawat isa ang kanyang alahas na ginto at inihandog kay Yahweh. 23 May naghandog din ng lanang kulay asul, kulay ube at pula, ng telang lino, telang yari sa balahibo ng kambing, pinapulang balat ng tupa at balat ng kambing. 24 Ang iba nama'y naghandog ng pilak o tansong kagamitan, at ng kahoy na akasya para sa tabernakulo. 25 Ang mga babae namang marunong sa pagsisinulid ay gumawa ng sinulid na lanang asul, kulay ube at pula, gayundin ng pinong lino, at ito ang kanilang ipinagkaloob. 26 May gumawa rin ng sinulid mula sa balahibo ng kambing. 27 Ang mga pinuno ay naghandog ng kornalina, mga alahas na ipapalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari. 28 May nagdala naman ng langis para sa ilawan, ng pabangong ihahalo sa langis na pantalaga at sa insenso. 29 Lahat ng Israelita, lalaki at babae na handang tumulong ay nagdala ng handog kay Yahweh para sa ipinagagawa niya kay Moises.

Ang mga Gagawa sa Toldang Tipanan(D)

30 Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pinili ni Yahweh si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, buhat sa lipi ni Juda. 31 Siya'y pinuspos niya ng Espiritu ng Diyos[a] at binigyan ng kakayahan, kahusayan, at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining. 32 Ginawa niya ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso. 33 Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining. 34 Siya at si Aholiab, anak ni Ahisamac na mula sa lipi ni Dan, ay binigyan ni Yahweh ng kakayahan para maituro nila sa iba ang kanilang nalalaman. 35 Sila'y binigyan niya ng pambihirang kakayahang gumawa ng gawain ng mga dalubhasang mag-uukit, taga-disenyo, pangkaraniwang manghahabi at ng manghahabi ng lanang asul, kulay ube at pula at ng pinong lino. Kaya nilang gawin ang anumang uri ng gawain.

Juan 14

Si Jesus ang Daan

14 “Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.”

Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?”

Sumagot(A) si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako'y kilala ninyo,[a] kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.”

Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.”

Sumagot si Jesus, “Kay tagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? 10 Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nananatili sa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. 12 Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. 13 At anumang hilingin ninyo sa pangalan ko ay gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa pamamagitan ng Anak. 14 Kung hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin.”

Ang Pangako tungkol sa Espiritu Santo

15 “Kung(B) iniibig ninyo ako, tutuparin[b] ninyo ang aking mga utos. 16 Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. 17 Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili[c] sa inyo.

18 “Hindi ko kayo iiwang mga ulila; babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutang ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat buháy ako, mabubuhay rin kayo. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo.

21 “Ang(C) tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.”

22 Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?”

23 Sumagot si Jesus, “Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y pupunta at mananahan sa kanya. 24 Ang hindi tumutupad sa aking mga salita ay hindi umiibig sa akin. Ang salitang narinig ninyo ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin.

25 “Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito habang kasama pa ninyo ako. 26 Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.

27 “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot. 28 Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako'y aalis, ngunit ako'y babalik.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat higit na dakila ang Ama kaysa sa akin. 29 Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari, upang kung mangyari na ay sumampalataya kayo sa akin. 30 Hindi na magtatagal ang pakikipag-usap ko sa inyo dahil dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin, 31 subalit ginagawa ko ang iniutos sa akin ng Ama upang malaman ng sanlibutang ito na iniibig ko ang Ama. Tayo na! Lumakad na tayo!”

Mga Kawikaan 11

11 Kasuklam-suklam kay Yahweh ang timbangang may daya,
    ngunit kasiyahan naman ang timbangang tama.
Kahihiyan ang laging dulot ng kapalaluan,
    ngunit pagpapakumbaba'y nagbubunga ng karunungan.
Ang tuntunin ng matuwid ay katapatan,
    ngunit ang masama'y wawasakin ng kanyang kataksilan.
Walang halaga ang yaman sa araw ng kamatayan,
    ngunit ang katuwiran ay naglalayo sa kapahamakan.
Mas panatag ang landas ng tapat ang pamumuhay,
    ngunit nabubuwal ang masama sa sariling kabuktutan.
Ang katuwiran ng mga matuwid ang nagliligtas sa kanya,
    ngunit ang masama ay bilanggo ng kanyang masamang nasa.
Ang pag-asa ng masama ay kasama niyang pumapanaw,
    ang umasa sa kayamanan ay mawawalang kabuluhan.
Ang matuwid ay inilalayo sa bagabag,
    ngunit ang masama ay doon bumabagsak.
Ang labi ng walang Diyos, sa iba ay mapanira,
    ngunit ang dunong ng matuwid ay nagliligtas ng kapwa.
10 Kapag ang matuwid ay pinagpapala, ang bayan ay nagagalak,
    ngunit higit ang katuwaan kapag ang masama'y napapahamak.
11 Dahil sa salita ng matuwid ang bayan ay tumatatag,
    ngunit sa kasinungalingan ng masama ang lunsod ay nawawasak.
12 Ang kapos sa kaalaman ay humahamak sa kapwa,
    ngunit laging tahimik ang taong may unawa.
13 Walang maitatago sa bibig ng madaldal,
    ngunit ang tunay na kaibigan, iyong mapagkakatiwalaan.
14 Sa(A) kakulangan ng tuntunin, ang bansa ay bumabagsak,
    ngunit sa payo ng nakararami, tagumpay ay tiyak.
15 Ang nananagot para sa iba, sa gusot ay nasasadlak,
    ngunit ang ayaw gumarantiya ay malayo sa bagabag.
16 Ang babaing mahinhin ay nag-aani ng karangalan,
    ngunit ang walang dangal, tambakan ng kahihiyan.
Lagi sa kahirapan ang taong tamad,[a]
    ngunit masagana ang buhay ng isang masipag.
17 Ang taong mabait ay nag-iimpok ng kabutihan,
    ngunit winawasak ng marahas ang sarili niyang buhay.
18 Anuman ang anihin ng masama ay walang kabuluhan,
    ngunit ang gawang mabuti ay may pagpapalang taglay.
19 Ang taong nasa matuwid ay makasusumpong ng buhay,
    ngunit ang landas ng masama ay patungo sa kamatayan.
20 Ang kaisipang masama kay Yahweh ay kasuklam-suklam,
    ngunit ang lakad ng matuwid, kay Yahweh ay kasiyahan.
21 Ang taong masama'y di makakaligtas sa kaparusahan,
    ngunit hindi maaano ang nabubuhay sa katuwiran.
22 Ang magandang babae ngunit mangmang naman,
    ay tila gintong singsing sa nguso ng baboy.
23 Anumang nais ng matuwid ay nagbubunga ng kabutihan,
    ngunit ang mahihintay lang ng masama ay kaparusahan.
24 Ang taong mapagbigay ay lalong yumayaman,
    ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay.
25 Ang taong matulungin, sasagana ang pamumuhay,
    at ang marunong tumulong ay tiyak na tutulungan.
26 Sinusumpa ng lahat ang nagkakait ng butil,
    ngunit pinupuri ang nagbibigay ng pagkain.
27 Kung mabuti ang hangarin, ikaw ay igagalang,
    kapag humanap ng gulo, iyon ay masusumpungan.
28 Malalantang tila dahon ang nagtitiwala sa kanyang yaman,
    ngunit ang matuwid ay giginhawa, tulad ng sariwang halaman.
29 Ang nagpupunla ng gulo sa sariling sambahayan,
    mag-aani ng problema, gugulo ang pamumuhay.
Ang taong mangmang at walang nalalaman,
    ay alipin ng matalino habang siya'y nabubuhay.
30 Buhay ang dulot ng matuwid na pamumuhay,
    at kamatayan naman ang hatid ng karahasan.[b]
31 Ang(B) matuwid ay ginagantimpalaan dito sa lupa,
    ngunit paparusahan naman ang mga makasalanan at masasama!

Efeso 4

Ang Pagkakaisa sa Espiritu

Kaya't ako, na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay nakikiusap sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo'y(A) maging mapagpakumbaba, mahinahon at matiyaga. Magparaya kayo dahil sa inyong pagmamahal sa isa't isa. Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo. May iisang katawan at iisang Espiritu, kung paanong may iisang pag-asa na para doon kayo'y tinawag ng Diyos. May iisang Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bautismo, iisang Diyos at Ama nating lahat. Siya ay higit sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat.

Ang bawat isa sa ati'y nakatanggap ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Cristo. Ganito(B) ang sinasabi ng kasulatan:

“Nang umakyat siya sa kalangitan,
    nagdala siya ng maraming bihag,
    at nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.”

Anong ibig sabihin ng “umakyat siya”? Ang ibig sabihin niyan ay bumabâ muna siya sa mga kailalimang bahagi ng lupa.[a] 10 Ang bumabâ ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng kalangitan upang mapuno ng kanyang presensya ang buong sangnilikha. 11 At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama'y mga propeta, ang iba'y mga ebanghelista, at ang iba'y mga pastor at mga guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga hinirang, upang maging matatag ang katawan ni Cristo, 13 hanggang makarating tayo sa pagkakaisa ng pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo. 14 Nang sa gayon, hindi na tayo magiging tulad sa mga batang madaling matangay ng sari-saring aral. Hindi na tayo maililigaw ng mga taong ang hangad ay dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at panlilinlang. 15 Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo'y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat. 16 Sa pamamagitan niya, ang buong katawan ay pinag-uugnay-ugnay ng mga kasukasuan na mula rin sa kanya. At kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, lumalaki ang katawan at pinapatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.

Ang Bagong Buhay kay Cristo

17 Sa pangalan ng Panginoon, binabalaan ko kayo: huwag na kayong mamuhay tulad ng mga hindi sumasampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, 18 at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos. 19 Sila'y naging alipin ng kahalayan at wala na silang kahihiyan. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan.

20 Hindi ganyan ang natutunan ninyo tungkol kay Cristo. 21 Napakinggan na ninyo ang aral ni Jesus at natutunan na ninyo ang katotohanang nasa kanya. 22 Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa. 23 Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; 24 at(C) ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan.

25 Dahil(D) dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. 26 Kung(E) magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. 30 At huwag ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. 32 Sa(F) halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.