M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pangalawang Tapyas na Bato(A)
34 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tumapyas ka ng dalawang batong tulad noong una at isusulat ko roon ang nasa mga tapyas na batong binasag mo. 2 Bukas, gumayak ka nang maaga at magpunta ka sa akin sa taluktok ng Bundok ng Sinai. 3 Huwag kang magsasama kahit sino. Walang pupunta isa man sa bundok at ni isang tupa o baka ay huwag hahayaang manginain doon.” 4 Tulad ng sinabi ni Yahweh, si Moises ay tumapyas ng dalawang bato at dinala ang mga ito kinaumagahan sa Bundok ng Sinai.
5 Si Yahweh ay bumabâ sa ulap, tumayo sa tabi ni Moises at binanggit ang kanyang pangalan: Yahweh.
6 Si(B) Yahweh ay nagdaan sa harapan ni Moises at sinabi niya, “Akong si Yahweh ay mahabagin at mapagmahal. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako'y nananatiling tapat. 7 Tinutupad ko ang aking pangako maging sa libu-libo, at patuloy kong ipinapatawad ang kanilang kasamaan, pagsuway at pagkakasala. Ngunit hindi ko pinalalampas ang kasalanan ng ama at ang pagpaparusa ko'y hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”
8 At mabilis na lumuhod si Moises, at sumamba kay Yahweh. 9 Sinabi niya, “Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na po matigas ang ulo ng lahing ito. Patawarin na ninyo kami at tanggapin bilang inyong bayan.”
Inulit ang Tipan(C)
10 Sinabi ni Yahweh, “Makikipagkasundo akong muli sa bayang Israel. Sa harapan nilang lahat ay gagawa ako ng mga himalang hindi pa nangyayari sa daigdig kahit kailan. Dahil dito, makikita ng mga Israelita kung gaano ako kadakila. 11 Sundin ninyo ang mga iniutos ko ngayon at palalayasin ko sa pupuntahan ninyo ang mga Amoreo, Cananeo, Heteo, Perezeo, Hivita at mga Jebuseo. 12 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga daratnan ninyo roon sapagkat iyon ang magiging patibong na ikapapahamak ninyo. 13 Sa(D) halip, sirain ninyo ang kanilang mga altar, durugin ninyo ang mga batong ginagamit nila sa kanilang pagsamba at ibuwal ang mga haliging kinikilala nilang sagrado.
14 “Huwag kayong sasamba sa ibang diyos sapagkat akong si Yahweh ay mapanibughuing Diyos. 15 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tagaroon. Baka mahikayat nila kayong kumain ng mga handog sa kanilang mga diyus-diyosan kapag sila'y sumasamba sa mga ito. 16 Huwag ninyong hahayaan na ang mga anak ninyong lalaki ay mag-asawa ng babaing tagaroon. Baka mahikayat sila ng mga ito na maglingkod sa kanilang mga diyus-diyosan.
17 “Huwag(E) kayong gagawa ng diyus-diyosang metal at sasamba sa mga ito.
18 “Ipagdiwang(F) ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa sa unang buwan sapagkat iyon ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto.
19 “Akin(G) ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao o hayop. 20 Ang(H) panganay na asno ay tutubusin ninyo ng tupa. Kung ayaw ninyong palitan, baliin ninyo ang leeg. Tutubusin din ninyo ng tupa ang mga panganay ninyong lalaki. Huwag kayong haharap sa akin nang walang dalang handog.
21 “Anim(I) na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw kayo'y magpapahinga maging ito ma'y panahon ng pagbubungkal ng lupa o ng pag-aani.
22 “Ipagdiriwang(J) ninyo ang Pista ng mga Sanlinggo, ang unang pag-aani ng trigo, gayon din ang Pista ng mga Tolda tuwing matatapos ang taon.
23 “Tatlong beses isang taon, ang mga lalaking Israelita ay haharap sa Panginoong Yahweh, ang Diyos ng Israel. 24 Kapag napalayas ko na ang mga taong daratnan ninyo at lubusan na ninyong nasakop ang kanilang lupain, wala nang sasalakay sa inyo sa mga araw na kayo'y haharap sa akin.
25 “Huwag(K) ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa ang hayop na ihahandog ninyo sa akin. Huwag din kayong magtitira ng anumang bahagi ng hayop na pinatay para sa Pista ng Paskwa.
26 “Dadalhin(L) ninyo bilang handog sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos ang inyong mga pinakamainam na unang ani ng inyong bukirin.
“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.”
27 Pagkatapos noon, sinabi niya kay Moises, “Isulat mo ang mga sinabi ko sapagkat ito ang mga tuntunin ng pakikipagtipan ko sa iyo at sa Israel.” 28 Si Moises ay apatnapung araw at apatnapung gabing kasama ni Yahweh, hindi kumakain o umiinom. Isinulat ni Yahweh sa mga tapyas na bato ang mga tuntunin ng tipan, ang sampung utos.
Bumabâ sa Bundok si Moises
29 Mula(M) sa Bundok ng Sinai, bumabâ si Moises na dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Hindi niya namamalayan na dahil sa pakikipag-usap niya kay Yahweh ay nagniningning pala ang kanyang mukha. 30 Nang makita ito ni Aaron at ng mga Israelita, natakot silang lumapit. 31 Ngunit tinawag sila ni Moises. Lumapit naman si Aaron at ang mga namumuno sa Israel at sila'y nag-usap. 32 Pagkaraan noon, lumapit kay Moises ang lahat ng Israelita at sinabi niya sa kanila ang mga utos na ibinigay sa kanya ni Yahweh sa Bundok ng Sinai. 33 Pagkasabi nito, tinalukbungan ni Moises ang kanyang mukha. 34 Tuwing makikipag-usap at haharap siya sa presensya ni Yahweh, inaalis niya ang takip ng kanyang mukha. Paglabas dito, sinasabi niya sa mga tao kung ano ang iniuutos ni Yahweh, 35 at makikita na naman nila na nagniningning ang kanyang mukha. Kaya't tatakpan niya muli ito hanggang sa muli niyang pakikipag-usap kay Yahweh.
Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad
13 Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang takdang oras ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila'y minahal niya hanggang sa wakas.
2 Pagsapit ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkanulo niya si Jesus. 3 Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; at alam niyang siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. 4 Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang. 5 Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang.
6 Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya, “Panginoon, huhugasan n'yo ba ang aking mga paa?”
7 Sumagot si Jesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.”
8 Muling nagsalita si Pedro, “Hinding-hindi ninyo huhugasan ang aking mga paa!” Ngunit sinabi ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin.”
9 Dahil dito'y sinabi ni Simon Pedro, “Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!”
10 Sumagot si Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa [maliban sa kanyang mga paa],[a] sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo'y malinis na, subalit hindi lahat kayo.” 11 Dahil alam na ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya kaya sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat.
12 Nang(A) mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa kinaupuan niya. Sinabi niya sa kanila, “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ganoon nga ako. 14 Kung ako ngang Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong hugasan ang mga paa ng isa't isa. 15 Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan. 16 Pakatandaan(B) ninyo, ang alipin ay hindi nakakahigit sa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. 17 Ngayong alam na ninyo ito, pinagpala kayo kung ito'y gagawin ninyo.
18 “Hindi(C) kayong lahat ang tinutukoy ko; kilala ko ang aking mga pinili. Ngunit dapat matupad ang sinasabi sa kasulatan, ‘Ako'y pinagtaksilan ng taong pinapakain ko ng tinapay.’ 19 Sinasabi ko ito sa inyo bago pa mangyari upang kapag ito'y nangyari na, sasampalataya kayo na ‘Ako'y Ako Nga’. 20 Pakatandaan(D) ninyo, ang tumatanggap sa sinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap naman sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”
Inihayag ni Jesus ang Pagkakanulo sa Kanya(E)
21 Pagkasabi nito, si Jesus ay labis na nabagabag at nagpahayag sa kanila, “Tandaan ninyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.”
22 Nagtinginan ang mga alagad sapagkat hindi nila alam kung sino ang kanyang tinutukoy. 23 Katabi noon ni Jesus ang alagad na minamahal niya, 24 kaya't sinenyasan siya ni Simon Pedro at sinabihan, “Itanong mo nga kung sino ang tinutukoy niya.” 25 Humilig ang alagad na ito sa dibdib ni Jesus at nagtanong, “Panginoon, sino po ba iyon?”
26 “Siya ang taong aabután ko ng tinapay na aking isinawsaw,” sagot ni Jesus. Nagsawsaw nga siya ng tinapay at ibinigay iyon kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus kay Judas, “Gawin mo kaagad ang dapat mong gawin.” 28 Walang sinuman sa mga kasalo ni Jesus ang nakaunawa kung bakit niya sinabi iyon. 29 Dahil si Judas ang may hawak ng kanilang salapi, akala nila'y pinapabili siya ni Jesus ng kakailanganin nila sa pagdiriwang, o kaya'y pinapabigyan niya ng limos ang mga dukha.
30 Pagkatanggap ni Judas ng tinapay, kaagad siyang umalis. Gabi na noon.
Ang Bagong Utos
31 Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Jesus, “Ngayo'y luluwalhatiin na ang Anak ng Tao, at sa pamamagitan niya ay luluwalhatiin ang Diyos. 32 [At kapag niluwalhati na ang Diyos sa pamamagitan ng Anak ng Tao],[b] ang Diyos naman ang luluwalhati sa Anak, at ito'y gagawin niya agad. 33 Mga(F) anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko noon sa mga Judio, ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.’
34 “Isang(G) bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon: magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minahal, gayundin naman, magmahalan kayo. 35 Kung kayo'y may pagmamahal sa isa't isa, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko.”
Inihayag ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro(H)
36 “Saan po kayo pupunta, Panginoon?” tanong ni Simon Pedro. Sumagot si Jesus, “Sa pupuntahan ko'y hindi ka makakasunod ngayon, ngunit susunod ka pagkatapos.”
37 Sumagot si Pedro, “Bakit po hindi ako makakasunod sa inyo ngayon? Buhay ko ma'y iaalay ko para sa inyo.”
38 Sumagot si Jesus, “Iaalay mo ang iyong buhay para sa akin? Tandaan mo: bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.”
10 Ang matalinong anak ay ligaya ng magulang,
ngunit tinik sa dibdib ang anak na mangmang.
2 Ang yamang buhat sa masama ay di papakinabangan,
ngunit ang katuwiran ay maglalayo sa kamatayan.
3 Ang matuwid ay binibigyan ni Yahweh ng kasiyahan,
ngunit ang masama'y kanyang ginugutom naman.
4 Ang kamay na tamad ay tiyak na magdarahop,
ngunit magbubunton ng yaman ang kamay na masinop.
5 Ang nag-iimbak kung tag-araw ay nagpapakilala ng katalinuhan,
ngunit ang natutulog kung anihan ay nag-iipon ng kahihiyan.
6 Ang matuwid ay mag-aani ng pagpapala't kabutihan,
ngunit ang bibig ng masama ay nagtatakip ng karahasan.
7 Ang alaala ng matuwid, mananatili kailanman,
ngunit pangalan ng masama ay tiyak na mapaparam.
8 Magandang payo'y tinatanggap ng pusong may unawa,
ngunit kapahamakan ang wakas ng mangmang na masalita.
9 Ang namumuhay nang tapat ay pinaghaharian ng kapayapaan,
ngunit ang may likong landas ay malalantad balang araw.
10 Ang malilikot na mata ay lagi sa kaguluhan,
at ang bibig na maluwang, hahantong sa kapahamakan.
11 Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay,
ngunit labi ng masama ay nagtatakip ng karahasan.
12 Sari-saring(A) kaguluhan ang bunga ng kapootan,
ngunit ang pag-ibig ay pumapawi sa lahat ng kasalanan.
13 Sa labi ng may unawa matatagpuan ang karunungan,
ngunit sa likod ng isang mangmang, pamalo ang kailangan.
14 Ang taong matalino'y nag-iimpok ng karunungan,
ngunit ang salita ng mangmang ay nagdadala ng kapahamakan.
15 Ang kayamanan ng mayama'y matibay niyang tanggulan,
ngunit ang kahirapan ng yagit ay kanyang kapahamakan.
16 Ang kinikita ng matuwid ay nagbibigay-buhay,
ngunit ang sa masama, winawaldas sa kasamaan.
17 Ang nakikinig sa payo ay nasa daan ng buhay,
ngunit ang ayaw sumunod ay tungo sa pagkaligaw.
18 Ang nagtatanim ng poot ay puno ng kasinungalingan,
ang naninira sa kanyang kapwa ay isang taong mangmang.
19 Ang taong masalita ay malapit sa pagkakasala,
ngunit ang nagpipigil ng dila ay dunong ang pakilala.
20 Ang dila ng matuwid ay tulad ng pilak na mahalaga,
ngunit ang puso ng mangmang ay basura ang kagaya.
21 Ang labi ng matuwid sa marami ay pakinabang,
ngunit ang mangmang ay namamatay nang walang karunungan.
22 Ang pagpapala ni Yahweh ay kayamanan,
na walang kasamang kabalisahan.
23 Ang paggawa ng kasalanan ay kasiyahan ng masama,
ngunit ang mabuting asal, kasiyahan ng may unawa.
24 Ang kinatatakutan ng masama ay magaganap sa kanya,
ngunit ang hangarin ng matuwid ay matatamo niya.
25 Tinatangay ng hangin ang taong masama,
ngunit ang matuwid ay gusaling di magiba.
26 Kung paanong ang usok ay nakakaluha, ang suka ay nakakangilo,
gayon ang tamad na alipin, sa kanilang mga amo.
27 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagpapahaba ng buhay,
ngunit ang mga araw ng masama ay di magtatagal.
28 Ang pag-asa ng matuwid ay may magandang kahinatnan,
ngunit ang pag-asa ng masama, ang dulot ay kabiguan.
29 Si Yahweh ay kanlungan ng mga taong matuwid,
ngunit kaaway sila ng taong masama ang hilig.
30 Ang matuwid ay mananatili sa kanyang dako,
ngunit ang masama, kung saan-saan matutungo.
31 Ang salita ng matuwid ay nagpapakilala ng karunungan,
ngunit ang dilang sinungaling ay puputulin naman.
32 Ang salita ng matuwid ay palaging angkop,
ngunit ang salita ng masama ay puro paninira.
Ang Paglilingkod ni Pablo sa mga Hentil
3 Dahil dito, akong si Pablo ay naging bilanggo para kay Cristo Jesus[a] alang-alang sa inyong mga Hentil. 2 Marahil ay nabalitaan na ninyo na dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay pinagkatiwalaan niya ako ng tungkuling ito para sa inyong ikabubuti. 3 Tulad ng naisulat ko na sa ilang salita, ipinaalam sa akin ng Diyos ang kanyang lihim na panukala. 4 At(A) habang binabasa ninyo ito, malalaman ninyo kung ano ang pagkaunawa ko sa lihim na panukalang isinakatuparan ni Cristo. 5 Ito'y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. 6 At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga Hentil ay mga tagapagmana rin tulad ng mga Judio, kabilang din sa iisang katawan, at may bahagi sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
7 Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako'y ginawa niyang lingkod upang ipangaral ang Magandang Balita. Ang tungkuling ito'y ibinigay niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 8 Ako ang pinakahamak sa lahat ng mga pinili ng Diyos. Gayunma'y minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang natatanging kagandahang-loob na ito, na ipangaral sa mga Hentil ang Magandang Balita tungkol sa di-masukat na kayamanan ni Cristo, 9 at upang maipaunawa sa lahat kung paano isasagawa ng Diyos ang kanyang lihim na plano. Sa mga nakaraang panahon ay inilihim ito ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay. 10 Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba't ibang paraan. 11 Ito'y alinsunod sa kanyang layunin bago pa man likhain ang sanlibutan. Tinupad niya ang layuning ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo at sa pamamagitan ng ating pananalig sa kanya, makakalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at panatag ang loob. 13 Kaya't hinihiling ko sa inyo na huwag kayong panghihinaan ng loob dahil sa mga kahirapang tinitiis ko alang-alang sa inyo, sapagkat ito'y para sa inyong ikararangal.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Dahil dito, ako'y lumuluhod sa harapan ng Ama, 15 na mula sa kanya'y nagkakaroon ng pangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Idinadalangin kong sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan. 17 Nawa'y manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig. Dalangin ko na ang pag-ibig ang maging ugat at pundasyon sa lahat ng inyong gawain 18 upang(B) inyong lubusang maunawaan, kasama ng mga hinirang ng Diyos, kung gaano kalawak, kahaba, kataas, at kalalim ang kanyang pag-ibig. 19 At nawa'y maunawaan ninyo ang pag-ibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip at sa gayo'y mapuspos kayo ng buong katangian ng Diyos.
20 Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin; 21 sa kanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi magpakailanman! Amen.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.