M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Samuel ay pinaparoon kay Isai.
16 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, (A)Hanggang kailan pananangisan mo si Saul yamang (B)aking itinakuwil siya na maging hari sa Israel? (C)Punuin mo ng langis ang iyong sungay, at ikaw ay yumaon, susuguin kita kay Isai na Beth-lehemita: (D)sapagka't ako'y naglaan sa kaniyang mga anak ng isang hari.
2 At sinabi ni Samuel, Paanong ako'y paroroon? Kung mabalitaan ni Saul, ay kaniyang papatayin ako. At sinabi ng Panginoon, Magdala ka ng isang dumalagang baka, at iyong sabihin, Ako'y naparito (E)upang maghain sa Panginoon.
3 At tawagin mo si Isai sa paghahain (F)at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin; (G)at iyong papahiran sa akin yaong sa iyo'y aking sabihin.
4 At ginawa ni Samuel ang sinalita ng Panginoon at naparoon sa Bethlehem. At ang mga matanda sa bayan ay naparoon upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, Naparirito ka bang (H)may kapayapaan?
5 At kaniyang sinabi, May kapayapaan: ako'y naparito upang maghain sa Panginoon: (I)magpakabanal kayo at sumama kayo sa akin sa paghahain. At pinapagbanal niya si Isai at ang kaniyang mga anak, at tinawag niya sila sa paghahain.
Si David ay binuhusan ng langis.
6 At nangyari, nang sila'y dumating na siya'y tumingin kay (J)Eliab, at nagsabi, Tunay na ang pinahiran ng Panginoon ay nasa harap niya.
7 Nguni't sinabi ng Panginoon kay Samuel, Huwag mong tingnan ang kaniyang (K)mukha, o ang taas ng kaniyang kataasan; sapagka't aking itinakuwil siya: (L)sapagka't hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka't ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni't ang Panginoon ay tumitingin sa puso.
8 Nang magkagayo'y tinawag ni Isai si (M)Abinadab, at pinaraan niya sa harap ni Samuel. At kaniyang sinabi, Kahit ito man, ay hindi pinili ng Panginoon.
9 Nang magkagayo'y pinaraan ni Isai si (N)Samma. At kaniyang sinabi, Kahit ito man, ay hindi pinili ng Panginoon.
10 At pinaraan ni Isai ang pito sa kaniyang mga anak sa harap ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Isai, Hindi pinili ng Panginoon ang mga ito.
11 At sinabi ni Samuel kay Isai, Narito ba ang iyong lahat na anak? At kaniyang sinabi, Natitira pa ang bunso, at, narito, siya'y nag-aalaga sa mga tupa. At sinabi ni Samuel kay Isai, (O)Ipasundo mo siya; sapagka't hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito.
12 At siya'y nagsugo, at sinundo siya roon. Siya nga'y (P)may mapulang pisngi, (Q)may magandang bikas, at mabuting anyo. (R)At sinabi ng Panginoon, Tumindig ka: pahiran mo siya ng langis, sapagka't ito nga.
13 Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sungay ng langis, at pinahiran siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid: at (S)ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang suma kay David mula sa araw na yaon hanggang sa haharapin. Gayon bumangon si Samuel at napasa Rama.
Si David ay hinirang upang maging hari.
14 (T)Ang Espiritu nga ng Panginoon ay humiwalay kay Saul, at isang masamang espiritu na mula sa Panginoon ay (U)bumagabag sa kaniya.
15 At sinabi ng mga bataan ni Saul sa kaniya, Narito ngayon, isang masamang espiritu na mula sa Dios ay bumabagabag sa iyo.
16 Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga bataan na nasa harap mo na humanap ng isang lalake na bihasang manunugtog ng alpa; at mangyayari, pagka ang masamang espiritu na mula sa Dios ay nasa iyo na (V)siya'y tutugtog ng kaniyang kamay at ikaw ay bubuti.
17 At sinabi ni Saul sa kaniyang mga bataan, Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalake na makatutugtog na mabuti, at dalhin ninyo sa akin siya.
18 Nang magkagayo'y sumagot ang isa sa mga bataan, at nagsabi, Narito, aking nakita ang isang anak ni Isai na Beth-lehemita, na bihasa sa panunugtog, (W)at makapangyarihang lalake na may tapang, at lalaking mangdidigma, at matalino sa pananalita, at makisig na lalake, (X)at ang Panginoon ay sumasa kaniya.
19 Kaya't nagsugo si Saul ng mga sugo kay Isai, at sinabi, (Y)Suguin mo sa akin si David na iyong anak, na nasa kawan ng mga tupa.
20 At kumuha si Isai ng (Z)isang asno na may pasang tinapay, at isang balat ng alak, at isang anak ng kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kaniyang anak.
21 At dumating si David kay Saul at (AA)tumayo sa harap niya: at minahal niya siyang mainam; at siya'y naging tagadala ng sandata niya.
22 At nagpasabi si Saul kay Isai, Isinasamo ko sa iyo na bayaang tumayo si David sa harapan ko, sapagka't siya'y nakasumpong ng biyaya sa aking paningin.
23 At nangyari, pagka ang (AB)masamang espiritu na mula sa Dios ay sumasa kay Saul, ay kinukuha ni David ang alpa, at tinutugtog ng kaniyang kamay: gayon nagiginhawahan si Saul, at bumubuti, at ang masamang espiritu ay nahihiwalay sa kaniya.
14 Datapuwa't ang (A)mahina sa pananampalataya ay tanggapin ninyo, hindi upang pagtalunan ang kaniyang pagaalinlangan.
2 May tao na may pananampalataya na makakain ang lahat ng mga bagay: nguni't ang mahina'y kumakain ng mga gulay.
3 Ang kumakain ay huwag magwalang halaga sa hindi kumakain; at (B)ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain: sapagka't siya'y tinanggap ng Dios.
4 Sino kang humahatol sa alila ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon ay natatayo siya o nabubuwal. Oo, patatayuin siya; sapagka't makapangyarihan ang Panginoon na siya'y maitayo.
5 May nagmamahal sa isang araw ng higit kay (C)sa iba: may ibang nagmamahal sa bawa't araw. Bawa't isa'y magtibay sa kaniyang sariling pagiisip.
6 Ang nagmamahal sa araw, ay minamahal ito sa Panginoon; at ang kumakain, ay kumakain sa Panginoon, sapagka't (D)siya'y nagpapasalamat sa Dios; at ang hindi kumakain, ay hindi kumakain sa Panginoon, at nagpapasalamat sa Dios.
7 Sapagka't (E)ang sinoman sa atin ay hindi nabubuhay sa kaniyang sarili, at sinoman ay hindi namamatay sa kaniyang sarili.
8 Sapagka't kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo'y nangamamatay: kaya't sa mabuhay tayo, o sa mamatay man, tayo'y sa Panginoon.
9 Sapagka't dahil dito ay (F)namatay si Cristo at nabuhay na (G)maguli, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayon din ng mga buhay.
10 Datapuwa't ikaw, bakit humahatol ka sa iyong kapatid? at ikaw naman, bakit pinawalaang halaga mo ang iyong kapatid? (H)sapagka't tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Dios.
11 Sapagka't nasusulat,
(I)Buhay ako, sabi ng Panginoon, sa akin ang bawa't tuhod ay luluhod,
At ang bawa't dila ay magpapahayag sa Dios.
12 Kaya nga ang (J)bawa't isa sa atin ay magbibigay sulit sa Dios ng kaniyang sarili.
13 Huwag na nga tayong mangaghatulan pa sa isa't isa: kundi bagkus ihatol ninyo ito, na ang sinoman ay (K)huwag maglagay ng katitisuran sa daan ng kaniyang kapatid o kadahilanan ng ikararapa.
14 Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos kay Jesus na Panginoon, (L)na walang anomang bagay na marumi sa kaniyang sarili: maliban na (M)doon sa nagaakala na ang anomang bagay ay marumi, sa kaniya'y marumi ito.
15 Sapagka't kung dahil sa pagkain ang iyong kapatid ay naghinanakit ay hindi ka na lumalakad sa pagibig. (N)Huwag mong ipamahamak sa iyong pagkain yaong pinagkamatayan ni Cristo.
16 Huwag nga ninyong pabayaan na pagsalitaan ng masama ang inyong kabutihan:
17 Sapagka't ang kaharian (O)ng Dios ay hindi ang pagkain at paginom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa Espiritu Santo.
18 Sapagka't ang sa ganito ay naglilingkod kay Cristo ay kalugodlugod sa Dios, at pinatutunayan ng mga tao.
19 Kaya nga (P)sundin ang mga bagay na makapapayapa, at ang mga (Q)bagay na makapagpapatibay sa isa't isa.
20 Huwag mong sirain ang gawa ng Dios dahil sa pagkain. Tunay na ang (R)lahat ng mga bagay ay malilinis; (S)gayon man ay masama sa tao ang kumakain ng laban sa kaniyang budhi.
21 Mabuti ang huwag kumain ng lamangkati, (T)ni uminom ng alak, ni gumawa ng anoman na katitisuran ng iyong kapatid.
22 Ang pananampalataya mo na nasa iyo ay ingatan mo sa iyong sarili sa harap ng Dios. Mapalad ang hindi humahatol sa kaniyang sarili sa bagay na kaniyang sinasangayunan.
23 Nguni't ang nagaalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagka't hindi siya kumakain sa pananampalataya; at ang anomang hindi sa pananampalataya ay kasalanan.
Mga kapanglawan ng binihag na Sion.
1 Ano't nakaupong magisa ang bayan na puno ng mga tao!
Siya'y naging parang isang bao, (A)na naging dakila sa gitna ng mga bansa!
Siya na naging (B)prinsesa sa gitna ng mga lalawigan, ay naging mamumuwis!
2 Siya'y umiiyak na lubha sa gabi, at ang mga luha niya ay dumadaloy sa kaniyang mga pisngi;
Sa lahat ng (C)mangingibig sa kaniya ay walang umaliw sa kaniya:
Ginawan siya ng kataksilan ng lahat ng kaniyang mga kaibigan; sila'y naging kaniyang mga kaaway.
3 Ang Juda ay pumasok sa pagkabihag dahil (D)sa pagdadalamhati, at sa kabigatan ng paglilingkod;
Siya'y tumatahan sa gitna ng mga bansa, siya'y walang masumpungang kapahingahan;
Inabot siya ng lahat na manghahabol sa kaniya sa mga gipit.
4 Ang mga daan ng Sion ay nangagluluksa, sapagka't walang pumaparoon sa (E)takdang kapulungan;
Lahat niyang pintuang-bayan ay giba, ang mga saserdote niya'y nangagbubuntong-hininga:
Ang mga dalaga niya ay nangagdadalamhati, at siya'y nasa kahapisan.
5 Ang kaniyang mga kalaban ay naging (F)pangulo, ang kaniyang mga kaaway ay nagsiginhawa;
Sapagka't pinagdalamhati siya ng Panginoon (G)dahil sa karamihan ng kaniyang mga pagsalangsang:
Ang kaniyang mga batang anak ay pumasok sa pagkabihag sa harap ng kalaban.
6 At nawala ang buong kamahalan ng anak na babae ng Sion:
Ang kaniyang mga prinsipe ay naging parang mga usa na hindi makasumpong ng pastulan,
At nagsiyaong walang lakas sa harap ng manghahabol.
7 Naaalaala ng Jerusalem sa kaarawan ng kaniyang pagdadalamhati at ng kaniyang mga karalitaan ang lahat niyang naging maligayang bagay ng mga kaarawan nang una:
Nang mahulog ang kaniyang bayan sa kamay ng kalaban, at walang sumaklolo sa kaniya,
Nakita siya ng mga kalaban, tinuya nila ang kaniyang mga pagkasira.
8 Ang Jerusalem ay lubhang nagkasala; kaya't siya'y naging parang maruming bagay;
Lahat ng nangagparangal sa kaniya ay humahamak sa kaniya, sapagka't (H)kanilang nakita ang kaniyang kahubaran:
Oo, siya'y nagbubuntong-hininga, at tumatalikod.
9 Ang kaniyang karumihan ay nasa kaniyang mga laylayan; (I)hindi niya naalaala ang kaniyang huling wakas;
Kaya't siya'y nababa ng katakataka; siya'y walang mangaaliw;
Masdan mo, Oh Panginoon, ang aking pagdadalamhati; sapagka't ang kaaway ay nagmalaki.
10 Iginawad ng kalaban ang kaniyang kamay sa lahat niyang maligayang bagay;
Sapagka't nakita niya na ang mga bansa ay (J)pumasok sa kaniyang santuario,
(K)Yaong mga inutusan mo na huwag magsipasok sa iyong kapisanan.
11 Buong bayan niya ay nagbubuntong-hininga, sila'y nagsisihanap ng tinapay;
Ibinigay nila ang kanilang mga maligayang bagay na kapalit ng pagkain upang paginhawahin ang kaluluwa.
Iyong tingnan, Oh Panginoon, at masdan mo; sapagka't ako'y naging hamak.
12 Wala bagang anoman sa inyo, sa inyong lahat na nagsisipagdaan?
Inyong masdan, at inyong tingnan kung may anomang kapanglawan na gaya ng aking kapanglawan, na nagawa sa akin,
Na idinalamhati sa akin ng Panginoon sa kaarawan ng kaniyang mabangis na galit.
13 Mula sa itaas ay nagsugo siya ng apoy sa aking mga buto, at mga pinananaigan;
(L)Kaniyang ipinagladlad ng silo ang aking mga paa, kaniyang ibinalik ako:
Kaniyang ipinahamak ako at pinapanglupaypay buong araw.
14 Pamatok ng aking mga pagsalangsang (M)ay hinigpit ng kaniyang kamay;
(N)Mga nagkalakiplakip, nagsiabot sa aking leeg; kaniyang pinanglupaypay ang aking kalakasan:
Ibinigay ako ng Panginoon sa kanilang mga kamay, laban sa mga hindi ko matatayuan.
15 Iniuwi ng Panginoon sa wala ang lahat na (O)aking mga makapangyarihang lalake sa gitna ko;
Siya'y tumawag ng isang takdang kapulungan laban sa akin upang pagwaraywarayin ang aking mga binata:
(P)Niyapakan ng Panginoon na parang pisaan ng ubas ang anak na dalaga ng Juda.
16 Dahil sa mga bagay na ito ay umiiyak ako; ang mata ko, ang mata ko ay dinadaluyan ng luha;
Sapagka't ang mangaaliw na marapat magpaginhawa ng aking kaluluwa ay malayo sa akin:
Ang mga anak ko ay napahamak, sapagka't nanaig ang kaaway.
17 (Q)Iginawad ng Sion ang kaniyang mga kamay; walang umaliw sa kaniya;
Nagutos ang Panginoon tungkol sa Jacob, na silang nangasa palibot niya ay magiging kaniyang mga kalaban:
Ang Jerusalem ay parang maruming bagay sa gitna nila.
18 Ang Panginoon ay matuwid; sapagka't ako'y nanghimagsik laban sa kaniyang utos:
Inyong pakinggan, isinasamo ko sa inyo, ninyong lahat na bayan, at inyong masdan ang aking kapanglawan:
Ang aking mga dalaga at ang aking mga binata ay pumasok sa pagkabihag.
19 Aking tinawagan ang mga mangingibig sa akin, nguni't dinaya (R)nila:
(S)Nalagot ang hininga ng aking mga saserdote at ng aking mga matanda sa bayan,
Habang nagsisihanap sila ng pagkain upang paginhawahin ang kanilang kaluluwa.
20 Masdan mo, Oh Panginoon; sapagka't ako'y nasa kapanglawan; (T)ang aking puso ay namamanglaw;
Ang aking puso ay nagugulumihanan; sapagka't ako'y lubhang nanghimagsik:
(U)Sa labas ay tabak ang lumalansag, sa loob ay may parang kamatayan.
21 Nabalitaan nila na ako'y nagbubuntong-hininga; walang umaliw sa akin;
(V)Lahat ng aking mga kaaway ay nangakarinig ng aking kabagabagan; sila'y nangatuwa na iyong ginawa:
Iyong pararatingin ang araw na iyong itinanyag, at sila'y magiging gaya ko.
22 Magsidating nawa ang (W)lahat nilang kasamaan sa harap mo;
At gawin mo sa kanila, ang gaya ng ginawa mo sa akin dahil sa lahat kong mga pagsalangsang:
Sapagka't ang aking mga buntong-hininga ay marami, at ang aking puso ay nanglulupaypay.
Kapalaran ng pagpapatawad at ng pagtitiwala sa Panginoon. Awit ni David. Masquil.
32 Mapalad (A)siyang pinatawad ng pagsalangsang,
Na tinakpan ang kasalanan.
2 Mapalad ang tao na hindi paratangan ng kasamaan ng (B)Panginoon,
At (C)walang pagdaraya ang diwa niya.
3 Nang ako'y tumahimik, ay nanglumo ang (D)aking mga buto
Dahil sa aking pagangal buong araw.
4 Sapagka't araw at gabi ay (E)mabigat sa akin ang iyong kamay:
Ang aking lamig ng katawan ay naging katuyuan ng taginit. (Selah)
5 Aking kinilala ang (F)aking kasalanan sa iyo,
At ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli:
Aking sinabi, (G)Aking ipahahayag ang aking pagsalangsang sa Panginoon;
At iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking kasalanan.
6 Dahil dito'y dalanginan ka nawa ng bawa't isa na banal sa (H)panahong masusumpungan ka:
Tunay na pagka ang mga malaking tubig ay nagsisiapaw ay hindi aabutan nila siya.
7 (I)Ikaw ay aking kublihang dako; iyong iingatan ako sa kabagabagan;
Iyong kukulungin ako sa palibot ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)
8 (J)Aking ipaaalam sa iyo at ituturo sa iyo ang daan na iyong lalakaran:
Papayuhan kita na ang aking mga mata, ay nakatitig sa iyo.
9 (K)Huwag nawa kayong maging gaya ng kabayo, o gaya ng mula na walang unawa:
(L)Na marapat igayak ng busal at ng paningkaw upang ipangpigil sa kanila,
Na kung dili'y hindi sila magsisilapit sa iyo.
10 (M)Maraming kapanglawan ay sasapit sa masama:
Nguni't (N)siyang tumitiwala sa Panginoon, kagandahang-loob ang liligid sa kaniya sa palibot.
11 (O)Kayo'y mangatuwa sa Panginoon, at mangagalak kayo, kayong mga matuwid:
At magsihiyaw kayo ng dahil sa kagalakan kayong lahat na matuwid sa puso.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978