Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
1 Samuel 11

Si Naas na Ammonita ay lumabas laban sa Jabes-galaad.

11 Nang magkagayo'y umahon si Naas na (A)Ammonita at humantong laban sa (B)Jabes-galaad: at sinabi kay Naas ng lahat na lalake sa Jabes, Makipagtipan ka sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.

At sinabi ni Naas na Ammonita sa kanila, Sa ganitong paraan gagawin ko sa inyo, na ang lahat ninyong kanang mata ay (C)dukitin; at aking ilalagay na pinakapintas sa buong Israel.

At sinabi ng mga matanda sa Jabes sa kaniya, Bigyan mo kami ng palugit na pitong araw upang kami ay makapagpasugo ng mga sugo sa lahat ng mga hangganan ng Israel; at kung wala ngang magliligtas sa amin, lalabasin ka namin.

Nang magkagayo'y pumaroon ang mga sugo sa (D)Gabaa kay Saul at sinalita ang mga salitang ito sa mga pakinig ng bayan: (E)at ang buong bayan ay naglakas ng tinig at umiyak.

At, narito, sinusundan ni Saul ang mga baka sa bukid; at sinabi ni Saul, Anong mayroon ang bayan na sila'y umiiyak? At kanilang isinaysay ang mga salita ng mga lalake sa Jabes.

Ang pananagumpay ni Saul laban sa mga Ammonita.

(F)At ang Espiritu ng Dios ay makapangyarihan suma kay Saul nang kaniyang marinig ang mga salitang yaon, at ang kaniyang galit ay nagalab na mainam.

At siya'y kumuha ng dalawang magkatuwang na baka, at (G)kaniyang kinatay, at ipinadala niya sa lahat ng mga hangganan ng Israel sa pamamagitan ng kamay ng mga sugo, na sinasabi, (H)Sinomang hindi lumabas na sumunod kay Saul at kay Samuel, ay ganyan ang gagawin sa kaniyang mga baka. At ang takot sa Panginoon ay nahulog sa bayan, at sila'y lumabas na parang iisang tao.

At binilang niya sila sa (I)Bezec; (J)at ang mga anak (K)ni Israel, ay tatlong daang libo, at ang mga lalake ng Juda ay tatlong pung libo.

At sinabi nila sa mga sugo na naparoon, Ganito ang inyong sasabihin sa mga lalake sa Jabes-galaad, Bukas sa kainitan ng araw, ay magtataglay kayo ng kaligtasan. At naparoon ang mga sugo at isinaysay sa mga lalake sa Jabes; at sila'y natuwa.

10 Kaya't sinabi ng mga lalake sa Jabes, Bukas ay lalabasin namin kayo at inyong gagawin sa amin ang lahat na inyong inaakalang mabuti sa inyo.

11 At naging gayon sa kinabukasan, na inilagay ni Saul ang bayan (L)ng tatlong pulutong; at sila'y pumasok sa gitna ng kampamento (M)sa pagbabantay sa kinaumagahan at sinaktan ang mga Ammonita hanggang sa kainitan ng araw: at nangyari, na ang mga nalabi ay nangalat, na anopa't walang naiwang dalawang magkasama.

12 At sinabi ng bayan kay Samuel, (N)Sino yaong nagsasabi, Maghahari ba si Saul sa amin? dalhin dito ang mga taong yaon upang aming patayin sila.

13 At sinabi ni Saul, (O)Walang taong papatayin sa araw na ito; (P)sapagka't ngayo'y gumawa ang Panginoon ng pagliligtas sa Israel.

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel sa bayan, Halikayo at tayo'y paroon sa (Q)Gilgal, at ating baguhin ang kaharian doon.

15 At ang buong bayan ay naparoon sa Gilgal; at doo'y ginawa nilang hari sa Gilgal si Saul (R)sa harap ng Panginoon; (S)at doo'y naghain sila ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Panginoon; at si Saul at ang lahat ng mga lalake sa Israel ay nagalak na mainam doon.

Roma 9

Sinasabi ko ang katotohanang na kay Cristo, na hindi ako nagsisinungaling, (A)na ako'y sinasaksihan ng aking budhi sa Espiritu Santo,

Na mayroon akong malaking kalungkutan (B)at walang tigil na karamdaman sa aking puso.

Sapagka't ako'y makapagnanasa na ako man (C)ay itakuwil mula kay Cristo dahil sa aking mga kapatid, na aking mga kamaganak (D)ayon sa laman.

Na pawang mga Israelita; (E)na sa kanila ang pagkukupkop, at (F)ang kaluwalhatian, at (G)ang mga tipan, at ang pagbibigay ng kautusan, at (H)ang paglilingkod sa Dios, at (I)ang mga kapangakuan;

Na sa kanila (J)ang mga magulang, at (K)sa kanila mula ang Cristo ayon sa laman, (L)na siyang lalo sa lahat, Dios na (M)maluwalhati magpakailan man. Siya nawa.

Datapuwa't hindi sa ang salita ng Dios ay nauwi sa wala. Sapagka't (N)hindi ang lahat ng buhat sa Israel ay mga taga Israel:

(O)Ni sapagka't sila'y binhi ni Abraham, ay mga anak na silang lahat: kundi, (P)Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi.

Sa makatuwid, ay hindi mga anak sa laman ang mga anak ng Dios: kundi ang mga (Q)anak sa pangako'y siyang ibibilang na isang binhi.

Sapagka't ito ang salita ng pangako, (R)Ayon sa panahong ito'y paririto ako, at magkakaroon si Sara ng isang anak na lalake.

10 At hindi lamang gayon; kundi nang maipaglihi na ni (S)Rebeca sa pamamagitan ng isa, ito nga'y ng ating ama na si Isaac—

11 Sapagka't ang mga anak nang hindi pa ipinanganganak, at hindi pa nagsisigawa ng anomang mabuti o masama, upang ang layon ng Dios ay mamalagi alinsunod sa pagkahirang, na hindi sa mga gawa, kundi (T)doon sa tumatawag,

12 Ay sinabi sa kaniya, (U)Ang panganay ay maglilingkod sa bunso.

13 Gaya ng nasusulat, (V)Si Jacob ay inibig ko, datapuwa't si Esau ay aking kinapootan.

14 Ano nga ang ating sasabihin? Mayroon baga kayang kalikuan sa Dios? Huwag nawang mangyari.

15 Sapagka't sinasabi niya kay Moises, (W)Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan, at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan.

16 Kaya nga hindi sa may ibig, ni hindi sa tumatakbo, kundi sa Dios na naaawa.

17 Sapagka't sinasabi ng kasulatan tungkol kay Faraon, (X)Dahil sa layong ito, ay itinaas kita, upang aking maihayag sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangala'y maitanyag sa buong lupa.

18 Kaya nga sa kaniyang ibig siya'y naaawa, at sa kaniyang ibig siya'y nagpapatigas.

19 Sasabihin mo nga sa akin, Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagka't sino ang sumasalangsang sa kaniyang kalooban?

20 (Y)Nguni't, Oh tao, sino kang tumututol sa Dios? (Z)Sasabihin baga ng bagay na ginawa doon sa gumawa sa kaniya, Bakit mo ako ginawang ganito?

21 O wala bagang (AA)kapangyarihan sa putik ang magpapalyok, upang gawin sa isa lamang limpak ang (AB)isang sisidlan sa ikapupuri, at ang isa'y sa ikahihiya.

22 Ano kung ang Dios ay inibig na ihayag ang kaniyang kagalitan, at ipakilala ang kaniyang kapangyarihan, ay nagtiis ng malaking (AC)pagpapahinuhod sa mga sisidlan ng galit na nangahahanda na sa pagkasira:

23 At upang maipakilala ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na (AD)kaniyang inihanda nang una pa sa kaluwalhatian,

24 Maging sa atin na kaniya namang tinawag, (AE)hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil?

25 Gaya naman ng sinasabi niya sa aklat ni Oseas,

(AF)Tatawagin kong aking bayan na hindi ko dating bayan;
At iniibig, na hindi dating iniibig.
26 At mangyayari, (AG)na sa dakong pinagsabihan sa kanila, Kayo'y hindi ko bayan,
Ay diyan sila tatawaging mga anak ng Dios na buhay.

27 At si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, (AH)Kung ang bilang man ng mga anak ng Israel ay maging tulad sa buhangin sa dagat, (AI)ay ang nalalabi lamang ang maliligtas:

28 Sapagka't isasagawa ng Panginoon ang kaniyang salita sa lupa, na tatapusin (AJ)at paiikliin.

29 At gaya ng sinabi nang una ni Isaias,

(AK)Kung hindi nagiwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo,
(AL)Tayo'y naging katulad sana ng Sodoma, at naging gaya ng Gomorra.

30 Ano nga ang ating sasabihin? Na ang mga Gentil, na hindi nangagsisisunod sa katuwiran, ay nagkamit ng katuwiran, sa makatuwid baga'y (AM)ng katuwiran sa pananampalataya:

31 Datapuwa't ang Israel (AN)sa pagsunod sa kautusan ng katuwiran, ay hindi umabot sa kautusang iyan.

32 Bakit? Sapagka't hindi nila hinanap sa pamamagitan ng pananampalataya, kundi ng ayon sa mga gawa. (AO)Sila'y nangatisod sa batong katitisuran;

33 Gaya ng nasusulat,

(AP)Narito, inilalagay ko sa Sion ang isang batong katitisuran, at batong pangbuwal:
(AQ)At ang sumasampalataya sa kaniya'y hindi mapapahiya.

Jeremias 48

Ang salita ng Panginoon tungkol sa Moab.

48 Tungkol sa (A)Moab. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Sa aba ng Nebo! sapagka't nalagay na sira; Chiriathaim ay nalagay sa kahihiyan, nasakop; ang Misgab ay nalagay sa kahihiyan at nabagsak.

Ang kapurihan ng Moab ay nawala; sa Hesbon ay nagsisikatha sila ng kasamaan laban sa kaniya: Magsiparito kayo, at ihiwalay natin siya sa pagkabansa. Ikaw, naman, Oh Madmena, madadala sa katahimikan; hahabulin ka ng tabak.

Ang hugong ng hiyaw mula sa (B)Horonaim, pananamsam at malaking kapahamakan!

Ang Moab ay sira; ang kaniyang mga bata ay nagpadinig ng kanilang hibik.

Sapagka't sa ahunan sa Luhith ay magsisiahon sila na may laging pagiyak; sapagka't kanilang narinig sa lusungan sa Horonaim ang kapanglawan ng hiyaw ng pagkapahamak.

Magsitakas kayo, inyong iligtas ang inyong mga buhay, at kayo'y maging parang kugon sa ilang.

Sapagka't yamang ikaw ay tumiwala sa iyong mga gawa at sa iyong mga kayamanan, ikaw man ay makukuha: at si (C)Chemos ay papasok sa pagkabihag, (D)ang kaniyang mga saserdote at ang kaniyang mga prinsipe na magkakasama.

At ang manglilipol ay darating sa bawa't bayan, at walang bayan na makatatanan; ang libis naman ay nawawala, at ang kapatagan ay masisira; gaya ng sinalita ng Panginoon.

Mangagbigay kayo ng mga pakpak sa Moab, upang siya'y makalipad makalabas: at ang kaniyang mga bayan ay masisira, na walang sinomang tatahan doon.

10 Sumpain nawa siya na (E)gumagawa na walang bahala sa gawain ng Panginoon; at sumpain siya na naguurong ng kaniyang tabak sa dugo.

11 Ang Moab na tiwasay mula sa kaniyang kabataan, at siya'y (F)nagpahinga sa kaniyang mga latak, at hindi napagsalinsalin sa sisidlan at sisidlan, o pumasok man siya sa pagkabihag: kaya't ang kaniyang lasa ay nananatili sa kaniya, at ang kaniyang bango ay hindi nababago.

12 Kaya't narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking susuguin sa kanila ang mga mangbubuhos, at siya'y ibubuhos nila; at kanilang tutuyuin ang kaniyang mga sisidlan, at babasagin ang kanilang mga sisidlang lupa.

13 At ang Moab ay mapapahiya dahil kay Chemos, gaya ng (G)sangbahayan ni Israel na napahiya dahil sa (H)Beth-el na kanilang tiwala.

14 Bakit ninyo sinasabi, Kami ay mga makapangyarihang lalake, at mga matapang na lalake na mangdidigma?

15 Ang Moab ay nalalagay na sira, at ang kaniyang mga bayan ay mga sinampa, at ang kaniyang mga piling binata ay nagsibaba sa patayan, sabi ng Hari, na ang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo.

16 Ang kasakunaan ng Moab ay malapit nang darating, at ang kaniyang pagdadalamhati ay nagmamadali.

17 Kayong lahat na nangasa palibot niya, panaghuyan ninyo siya, at ninyong lahat na nangakakakilala ng kaniyang pangalan; inyong sabihin, (I)Bakit ang matibay na tukod ay nabali, ang magandang tungkod!

18 Oh ikaw na anak na babae na tumatahan sa (J)Dibon, bumaba ka na mula sa inyong kaluwalhatian, at umupo kang uhaw; sapagka't ang manglilipol ng Moab ay sumampa laban sa iyo, kaniyang giniba ang iyong mga katibayan.

19 Oh nananahan sa (K)Aroer, tumayo ka sa tabi ng daan, at manubok ka: itanong mo sa kaniya na tumatakas, at sa kaniya na tumatanan; iyong sabihin; Ano ang nangyari?

20 Ang Moab ay nalagay sa kahihiyan; sapagka't nagiba: kayo ay magsitangis at magsihiyaw; saysayin ninyo sa (L)Arnon, na ang Moab ay nasira.

21 At ang kahatulan ay dumating sa lupaing (M)patag, sa Holon, at sa Jahzah, at sa Mephaath,

22 At sa Dibon, at sa Nebo, at sa Beth-diblathaim,

23 At sa Chiriathaim, at sa Beth-gamul, at sa Beth-meon;

24 At sa (N)Cherioth, at sa (O)Bosra, at sa lahat ng bayan ng lupain ng Moab, malayo o malapit.

25 Ang sungay ng Moab ay nahiwalay, (P)at ang kaniyang (Q)bisig ay nabali, sabi ng Panginoon.

26 Languhin ninyo siya; (R)sapagka't siya'y nagmalaki laban sa Panginoon: at ang Moab ay gugumon sa kaniyang suka, at siya man ay magiging kakutyaan.

27 Sapagka't (S)hindi baga naging kakutyaan ang Israel sa iyo? (T)hindi baga siya nasumpungan sa gitna ng mga magnanakaw? sapagka't kung paanong kadalas sinasalita mo siya, gayon naguuga (U)ka ng ulo.

28 Oh kayong mga nananahan sa Moab, inyong iwan ang mga bayan, at (V)kayo'y magsitahan sa malaking bato; at maging gaya ng kalapati na nagpupugad sa mga tabi ng bunganga ng guwang.

29 Aming nabalitaan (W)ang kapalaluan ng Moab, na siya'y totoong palalo; ang kaniyang pagmamataas, at ang kaniyang pagpapalalo, at ang kaniyang kahambugan, at ang pagmamatigas ng kaniyang puso.

30 Talastas ko ang kaniyang poot ay walang mangyayari; sabi ng Panginoon, ang kaniyang paghahambog ay walang nangyari.

31 Kaya't (X)aking tatangisan ang Moab; oo, ako'y hihiyaw dahil sa buong Moab: dahil sa mga tao ng (Y)Kir-heres ay magsisitangis sila.

32 Tatangis ako ng higit kay sa pagtangis ng Jazer dahil sa iyo, Oh puno ng ubas ng Sibma: ang iyong mga sanga ay nagsisidaan ng dagat, nagsisiabot hanggang sa dagat ng Jazer: sa iyong mga bungang taginit at sa iyong ani ay dumaluhong ang manglilipol.

33 (Z)At ang (AA)kasayahan at kagalakan ay naalis, sa mainam na bukid at sa lupain ng Moab; at aking pinatigil ang alak sa mga alilisan: walang yayapak na may hiyawan; ang paghihiyawan ay hindi magiging paghihiyawan.

34 Mula (AB)sa hiniyawan ng Hesbon hanggang sa Eleale, hanggang sa Jajaz ay naglakas sila ng kanilang tinig, mula sa Zoar hanggang sa Horonaim, sa Eglat-selisiya: sapagka't ang tubig ng Nimrim man ay masisira.

35 Bukod dito ay aking papaglilikatin sa Moab, sabi ng Panginoon, (AC)ang naghahandog sa mataas na dako, at nagsusunog ng kamangyan sa kaniyang mga dios.

36 Kaya't ang aking puso ay tumutunog na gaya ng plauta dahil sa Moab, at ang aking puso ay tumutunog na gaya ng plauta dahil sa mga lalake sa Kir-heres: kaya't (AD)ang kasaganaan na kaniyang tinangkilik ay napawi.

37 Sapagka't (AE)bawa't ulo ay (AF)kalbo, at bawa't balbas ay ginupit: sa lahat ng mga kamay ay may mga kudlit, at sa mga baywang ay may kayong magaspang.

38 Sa lahat ng mga bubungan ng Moab at sa mga lansangan niyaon ay may panaghoy saa't saan man; sapagka't aking binasag ang Moab na (AG)parang sisidlan na di kinalulugdan, sabi ng Panginoon.

39 Ano't nabagsak! ano't tumatangis! ano't ang Moab ay tumalikod na may kahihiyan! gayon magiging kakutyaan at kapanglupaypayan ang Moab sa lahat na nangasa palibot niya.

40 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, (AH)siya'y lilipad na parang aguila, at magbubuka ng kaniyang mga pakpak laban sa Moab.

41 Ang Cherioth ay nasakop, (AI)at ang mga katibayan ay nasamsam, at ang puso ng mga makapangyarihang tao ng Moab sa araw na yaon ay magiging parang puso ng babae sa kaniyang pagdaramdam.

42 Ang Moab ay masisira sa pagiging bayan, sapagka't siya'y nagmalaki laban sa Panginoon.

43 (AJ)Pagkatakot, at hukay, (AK)at silo, ay sasa iyo, Oh nananahan sa Moab, sabi ng Panginoon.

44 Siyang tumatakas sa pagkatakot ay mahuhulog sa hukay; at siyang umahon sa hukay ay mahuhuli ng silo: sapagka't dadalhin (AL)ko sa kaniya, sa Moab, ang taon ng pagdalaw sa kaniya, sabi ng Panginoon.

45 Silang nagsisitakas ay nagsisitayong walang lakas sa ilalim ng Hesbon; (AM)sapagka't ang apoy ay lumabas sa Hesbon, at ang alab mula sa gitna ng Sihon, at pinugnaw ang (AN)tagiliran ng Moab, at ang bao ng ulo ng mga manggugulo.

46 Sa aba mo, Oh Moab! ang bayan ni Chemos ay nawala; sapagka't ang iyong mga anak na lalake ay nadalang bihag, at ang iyong mga anak na babae ay nasok sa pagkabihag.

47 (AO)Gayon ma'y ibabalik ko uli ang Moab na mula sa pagkabihag sa mga huling araw, sabi ng Panginoon. (AP)Hanggang dito ang kahatulan sa Moab.

Mga Awit 25

Panalangin sa pagiingat. Pagbabantay, at patawad. Awit ni David.

25 Sa iyo, (A)Oh Panginoon, iginagawad ko ang aking kaluluwa.
Oh Dios ko (B)sa iyo'y tumiwala ako,
(C)Huwag nawa akong mapahiya;
Huwag nawang magtagumpay sa akin ang aking mga kaaway.
Oo, (D)walang naghihintay sa iyo na mapapahiya;
Sila'y mangapapahiya na nagsisigawa ng karayaan ng walang kadahilanan,
(E)Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, Oh Panginoon;
Ituro mo sa akin ang iyong mga landas.
Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan, at ituro mo sa akin;
Sapagka't ikaw ay Dios ng aking kaligtasan;
Sa iyo'y naghihintay ako buong araw.
Iyong alalahanin, Oh Panginoon, ang iyong malumanay na mga kaawaan, at ang iyong mga kagandahang-loob;
(F)Sapagka't magpakailan man mula ng una.
(G)Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsalangsang:
Ayon sa iyong kagandahangloob ay alalahanin mo ako, Dahil sa iyong kabutihan, Oh Panginoon.
Mabuti at matuwid ang Panginoon:
Kaya't tuturuan niya ang mga makasalanan sa daan.
Ang maamo ay papatnubayan niya sa kahatulan:
At ituturo niya sa maamo ang daan niya.
10 Lahat na landas ng Panginoon ay kagandahang-loob at katotohanan
Sa mga gayon na nangagiingat ng kaniyang tipan at kaniyang mga patotoo.
11 (H)Dahil sa iyong pangalan, Oh Panginoon,
Iyong ipatawad ang aking kasamaan, (I)sapagka't malaki.
12 Anong tao siya na natatakot sa Panginoon?
Siya ang tuturuan niya ng daan na kaniyang pipiliin.
13 Ang kaniyang kaluluwa ay tatahan sa kaginhawahan;
At mamanahin ng kaniyang binhi ang lupain.
14 (J)Ang pakikipagibigan ng Panginoon ay nasa nangatatakot sa kaniya;
At ipakikilala niya sa kanila ang kaniyang tipan.
15 (K)Ang aking mga mata ay palaging na sa Panginoon;
Sapagka't (L)huhugutin niya ang aking mga paa (M)sa silo.
16 (N)Panumbalikan mo ako, at maawa ka sa akin;
Sapagka't ako'y nag-iisa at nagdadalamhati.
17 Ang kabagabagan ng aking puso ay lumaki:
Oh hanguin mo ako sa aking kapanglawan.
18 (O)Gunitain mo ang aking pagkapighati at aking damdam;
At ipatawad mo ang lahat kong mga kasalanan.
19 Masdan mo ang aking mga kaaway, sapagka't sila'y marami;
At pinagtataniman nila ako ng mabagsik na pagkagalit.
20 Oh ingatan mo ang aking kaluluwa, at iyong iligtas ako:
(P)Huwag nawa akong mapahiya, (Q)sapagka't nanganganlong ako sa iyo.
21 Magingat sa akin ang pagtatapat at katuwiran,
Sapagka't hinihintay kita.
22 (R)Tubusin mo ang Israel, Oh Dios, mula sa lahat na kaniyang kabagabagan.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978