M’Cheyne Bible Reading Plan
Hinulaan ni Elias na magkakaroon ng katuyot.
17 At si (A)Elias na Thisbita, na sa mga nakikipamayan sa Galaad, ay nagsabi kay Achab: Buhay ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na ako'y nakatayo sa harap niya (B)hindi magkakaroon ng hamog o ulan man sa mga taong (C)ito, kundi ayon sa aking salita.
2 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na nagsasabi,
3 Umalis ka rito, at lumiko ka sa dakong silanganan, at magkubli ka sa tabi ng batis Cherith na nasa tapat ng Jordan.
4 At mangyayari, na ikaw ay iinom sa batis; at aking iniutos sa mga uwak na pakanin ka roon.
5 Sa gayo'y naparoon siya at ginawa ang ayon sa salita ng Panginoon: sapagka't siya'y pumaroon at tumahan sa tabi ng batis Cherith, na nasa tapat ng Jordan.
6 At dinadalhan siya ng tinapay at laman ng mga uwak sa umaga, at tinapay at laman sa hapon, at siya'y umiinom sa batis.
7 At nangyari, pagkaraan ng sanggayon, na ang batis ay natuyo, sapagka't walang ulan sa lupain.
8 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na sinasabi,
9 Ikaw ay bumangon, paroon ka sa (D)Sarepta, na nauukol sa Sidon, at tumahan ka roon: narito, aking inutusan ang isang baong babae roon na pakanin ka.
10 Sa gayo'y bumangon siya, at naparoon sa Sarepta; at nang siya'y dumating sa pintuan ng bayan, narito, isang baong babae ay nandoon na namumulot ng mga patpat: at tinawag niya siya, at sinabi, Isinasamo ko sa iyo na dalhan mo ako ng kaunting tubig sa inuman, upang aking mainom.
11 At nang siya'y yumayaon upang kumuha, tinawag niya siya, at sinabi, Dalhan mo ako, isinasamo ko sa iyo, ng isang subong tinapay sa iyong kamay.
12 At kaniyang sinabi, Ang Panginoon mong Dios ay buhay, ako'y wala kahit munting tinapay, kundi isang dakot na harina sa gusi, at kaunting langis sa banga: at, narito, ako'y namumulot ng dalawang patpat, upang ako'y pumasok, at ihanda sa akin at sa aking anak, upang aming makain, bago kami mamatay.
13 At sinabi ni Elias sa kaniya, Huwag kang matakot; yumaon ka, at gawin mo ang iyong sinabi, nguni't igawa mo muna ako ng munting tinapay, at ilabas mo sa akin, at pagkatapos ay gumawa ka para sa iyo at para sa iyong anak.
14 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ang gusi ng harina ay hindi makukulangan, o ang banga ng langis man ay mababawasan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.
15 At siya'y yumaon, at ginawa ang ayon sa sabi ni Elias: at kumain ang babae, at siya, at ang kaniyang sangbahayan na[a] maraming araw.
16 Ang gusi ng harina ay hindi nakulangan, o ang banga ng langis man ay nabawasan, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Elias.
Binuhay ni Elias ang anak ng balo.
17 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na ang anak na lalake ng babae, na may-ari ng bahay ay nagkasakit; at ang kaniyang sakit ay malubha, na walang hiningang naiwan sa kaniya.
18 At sinabi niya kay Elias, (E)Ano ang ipakikialam ko sa iyo, Oh ikaw na lalake ng Dios? ikaw ay naparito sa akin upang ipaalala mo ang aking kasalanan, at (F)upang patayin ang aking anak!
19 At sinabi niya sa kaniya, Ibigay mo sa akin ang iyong anak. At kinuha niya sa kaniyang kandungan, at dinala sa silid na kaniyang tinatahanan, at inihiga sa kaniyang sariling higaan.
20 At siya'y dumaing sa Panginoon, at nagsabi, Oh Panginoon kong Dios, dinalhan mo rin ba ng kasamaan ang bao na aking kinatutuluyan, sa pagpatay sa kaniyang anak?
21 (G)At siya'y umunat sa bata na makaitlo, at dumaing sa Panginoon, at nagsabi, Oh Panginoon kong Dios, idinadalangin ko sa iyo na iyong pabalikin sa kaniya ang kaluluwa ng batang ito.
22 At dininig ng Panginoon ang tinig ni Elias; at ang kaluluwa ng bata ay bumalik sa kaniya, at siya'y (H)muling nabuhay.
23 At kinuha ni Elias ang bata, at ibinaba sa loob ng bahay na mula sa silid, at ibinigay siya sa kaniyang ina: at sinabi ni Elias, Tingnan mo, ang iyong anak ay buhay.
24 At sinabi ng babae kay Elias, Ngayo'y (I)talastas ko na ikaw ay lalake ng Dios, at ang salita ng Panginoon sa iyong bibig ay katotohanan.
4 Mga panginoon, (A)gawin ninyo sa inyong mga alipin ang matuwid, at katampatan; yamang nalalaman ninyo na kayo naman ay mayroong ding isang Panginoon sa langit.
2 (B)Manatili kayong palagi (C)sa pananalangin, na kayo'y mangagpuyat na (D)may pagpapasalamat;
3 (E)Na tuloy idalangin din ninyo kami, na buksan sa amin ng Dios ang pinto sa salita, upang aming salitain (F)ang hiwaga ni Cristo, (G)na dahil din dito'y may mga tanikala ako;
4 Upang ito'y aking maihayag, gaya ng aking nararapat na salitain.
5 Magsilakad kayo na may karunungan (H)sa nangasa labas, (I)na inyong samantalahin ang panahon.
6 Ang inyong pananalita nawa'y (J)laging may biyaya, (K)na magkalasang asin, upang inyong maalaman kung ano ang nararapat ninyong isagot sa bawa't isa.
7 (L)Ang lahat na mga bagay ukol sa akin ay ipatatalastas sa inyo ni Tiquico, na minamahal na kapatid at tapat na ministro, at kasamang lingkod sa Panginoon:
8 Na siyang aking sinugo sa inyo sa bagay na ito, upang maalaman ninyo ang aming kalagayan, at upang kaniyang aliwin ang inyong mga puso;
9 Na kasama ni (M)Onesimo, tapat at minamahal na kapatid, na siya'y isa sa inyo. Sila ang magpapatalastas sa inyo ng lahat ng mga bagay na nangyayari dini.
10 Binabati kayo ni Aristarco na kasama ko sa bilangguan, at ni (N)Marcos na pinsan ni Bernabe (tungkol sa kaniya'y tinanggap na ninyo ang mga utos: kung paririyan siya sa inyo, ay inyong tanggapin),
11 At si Jesus na tinatawag na Justo, (O)na pawang sa pagtutuli: ang mga ito lamang ang aking kamanggagawa sa kaharian ng Dios, mga taong naging kaaliwan ko.
12 Binabati kayo ni Epafras, (P)na isa sa inyo, na lingkod ni Cristo Jesus, na siyang laging nagsisikap dahil sa inyo sa kaniyang pananalangin, upang kayo'y magsitatag na mga sakdal at lubos na tiwasay sa lahat na kalooban ng Dios.
13 Sapagka't siya'y binibigyan kong patotoo na siya'y totoong nagpapagal sa inyo, at sa nangasa (Q)Laodicea, at sa nangasa Hierapolis.
14 Binabati kayo ni (R)Lucas, ang minamahal na manggagamot, at ni (S)Demas.
15 Batiin ninyo ang mga kapatid na nangasa Laodicea, at si Nimfas, at (T)ang iglesiang nasa kanilang bahay.
16 At pagkabasa (U)ng sulat na ito sa inyo, ay ipabasa naman ninyo sa iglesia ng mga taga Laodicea; at basahin naman ninyo ang sulat na mula sa Laodicea.
17 At sabihin ninyo kay (V)Arquipo, Ingatan mong tuparin ang ministerio na tinanggap mo sa Panginoon.
18 Ang bating sinulat ng aking sariling kamay, (W)akong si Pablo. Alalahanin ninyo ang (X)aking mga tanikala. (Y)Ang biyaya'y sumasainyo nawa.
Ang tubig na makapagpapagaling.
47 At ibinalik niya ako sa (A)pintuan ng bahay; at, narito, ang (B)tubig ay lumalabas sa ilalim ng pasukan sa bahay sa dakong silanganan (sapagka't ang harapan ng bahay ay sa dakong silanganan); at ang tubig ay umaagos sa ilalim, mula sa dakong kanan ng bahay, sa timugan ng dambana.
2 Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa daan (C)ng pintuang-daang hilagaan, at pinatnubayan niya ako sa palibot ng daan (D)sa labas, sa lalong labas ng pintuang-daan, sa daan ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at, narito, doo'y lumalabas ang tubig sa dakong kanan.
3 Nang ang lalake ay lumabas sa dakong silanganan na may (E)pising panukat sa kaniyang kamay, siya'y sumukat ng isang libong siko, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang bukongbukong.
4 Muling sumukat siya ng isang libo, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang mga tuhod. Muli siyang sumukat ng isang libo, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang sa mga balakang.
5 Pagkatapos ay sumukat siya ng isang libo; at isang ilog na hindi ko naraanan; sapagka't ang tubig ay sumasampa, tubig upang languyan, ilog na hindi mararaanan.
6 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, nakita mo baga ito? Nang magkagayo'y dinala niya ako, at pinabalik niya ako sa pangpang ng ilog.
7 Nang ako nga'y makabalik, narito, sa pangpang ng ilog, ay may totoong maraming puno ng kahoy sa magkabilang dako.
8 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ang tubig na ito ay lumalabas sa dakong silanganang lupain, at bababa sa Araba; at huhugos sa (F)dagat; sa dagat ay huhugos ang tubig na pinalabas; at ang tubig ay mapagagaling.
9 At mangyayari, na bawa't likhang may buhay na dumadami, saan mang dako umaagos ang tubig, ay mabubuhay; at magkakaroon ng totoong napakaraming isda; sapagka't ang tubig na ito ay dumarating diyan at ang tubig ng dagat ay mapagagaling, at bawa't may buhay ay mabubuhay saan man dumating ang ilog.
10 At mangyayari, na ang mga mangingisda ay magsisitayo sa tabi niyaon: mula sa (G)En-gedi hanggang sa (H)En-eglaim ay magiging dako na ladlaran ng mga lambat; ang mga isda ng mga yaon ay magiging ayon sa pagkakaisda ng mga yaon, gaya ng isda sa malaking dagat, na totoong marami.
11 Nguni't ang kaniyang mga dakong maburak, at ang mga lumbak niyaon, ay hindi mapapagaling; magiging asinan nga.
12 At sa pangpang ng ilog sa tabi niyaon, sa dakong ito at sa dakong yaon, tutubo ang sarisaring punong kahoy na pinakapagkain, (I)na ang dahon ay hindi matutuyo, ni magkukulang man ang bunga niyaon: magbubunga ng bago buwan-buwan, sapagka't ang tubig niyaon ay lumalabas sa santuario; at ang bunga niyaon ay magiging pagkain at ang dahon niyaon ay pangpagaling.
Mga hangganan ng pagbabahagihan ng mga lupain.
13 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ito ang magiging hangganan, na inyong pagbabahagihan ng lupain na pinakamana ayon sa labing dalawang lipi ng Israel: (J)ang Jose ay magkakaroon ng dalawang bahagi.
14 At inyong mamanahin, ng isa na gaya ng iba; sapagka't aking isinumpa na ibigay ito sa inyong mga magulang: at ang lupaing ito ay mahuhulog sa inyo na pinakamana.
15 At ito ang magiging hangganan ng lupain: Sa dakong hilagaan, (K)mula sa malaking dagat, sa daang Hethlon, hanggang sa pasukan sa Sedad;
16 Hamath, Berotha, Sibrahim, na nasa pagitan ng hangganan ng Damasco at ng hangganan ng Hamath; Haser-hatticon na nasa tabi ng hangganan ng Hauran.
17 At ang hangganang mula sa dagat ay magiging ang Hazar-enon sa hangganan ng Damasco, at nasa hilagaan na dakong hilagaan ang hangganan ng Hamath. Ito ang dakong hilagaan.
18 At ang dakong silanganan, ang pagitan ng Hauran at ng Damasco at ng Galaad, at ang lupain ng Israel, ay siyang magiging Jordan; mula sa hilagaang hangganan hanggang sa silanganang (L)dagat ay inyong susukatin. Ito ang dakong silanganan.
19 At ang timugang dako na gawing timugan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa (M)tubig ng Meribot-cades, sa batis ng Egipto, hanggang sa malaking dagat. Ito ang timugang dako na gawing timugan.
20 At ang dakong kalunuran ay magiging ang malaking dagat, mula sa hangganang timugan hanggang sa tapat ng pasukan sa Hamath. Ito ang dakong kalunuran.
21 Gayon ninyo hahatiin ang lupaing ito sa inyo ayon sa mga lipi ng Israel.
22 At mangyayari na inyong (N)hahatiin sa sapalaran na pinakamana sa inyo at sa mga taga ibang lupa na makikipamayan sa gitna ninyo, na magkakaanak sa gitna ninyo; at sila'y magiging sa inyo'y (O)gaya ng ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel; sila'y magkakaroon ng mana na kasama ninyo sa gitna ng mga lipi ng Israel.
23 At mangyayari, na kung saang lipi nakipamayan ang taga ibang lupa, doon ninyo bibigyan siya ng mana, sabi ng Panginoong Dios.
Awit ni David.
103 Purihin mo ang Panginoon, (A)Oh kaluluwa ko:
At lahat na nangasa loob ko ay magsisipuri sa kaniyang banal na pangalan.
2 Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko,
At huwag mong kalimutan ang lahat niyang mabubuting gawa.
3 (B)Na siyang nagpapatawad ng iyong lahat na mga kasamaan;
(C)Na siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit;
4 (D)Na siyang tumutubos ng iyong buhay sa pagkapahamak:
Na siyang nagpuputong sa iyo ng (E)kagandahang-loob at malumanay na mga kaawaan:
5 Na siyang bumubusog sa iyong bibig ng mabuting bagay;
Na anopa't ang (F)iyong kabataan ay nababagong parang agila.
6 (G)Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa,
At ng mga kahatulan na ukol sa lahat na naaapi.
7 Kaniyang ipinabatid ang (H)kaniyang mga daan kay Moises,
Ang kaniyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
8 Ang Panginoon ay puspos (I)ng kahabagan at mapagbiyaya,
Banayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob.
9 (J)Hindi siya makikipagkaalit na palagi;
Ni kaniya mang tataglayin ang kaniyang galit magpakailan man.
10 (K)Siya'y hindi gumawa sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan,
Ni gumanti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan.
11 (L)Sapagka't kung paanong ang mga langit ay mataas kay sa lupa,
Gayon kalaki ang kaniyang kagandahang-loob (M)sa kanila na nangatatakot sa kaniya.
12 Kung gaano ang layo ng silanganan sa kalunuran,
Gayon inilayo niya ang mga pagsalangsang natin sa atin.
13 (N)Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak,
Gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa kaniya.
14 Sapagka't nalalaman niya ang ating anyo;
(O)Kaniyang inaalaala na (P)tayo'y alabok.
15 Tungkol sa tao, ang kaniyang mga kaarawan ay parang damo:
Kung paanong namumukadkad ang (Q)bulaklak sa parang ay gayon siya.
16 Sapagka't dinadaanan ng hangin, at napaparam;
At ang dako niyaon ay hindi na malalaman.
17 Nguni't ang kagandahang-loob ng Panginoon ay mula ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan sa nangatatakot sa kaniya,
At ang kaniyang katuwiran ay hanggang sa (R)mga anak ng mga anak;
18 Sa gayong nagiingat ng kaniyang tipan,
At sa nagsisialaala ng kaniyang mga utos upang gawin,
19 Itinatag ng Panginoon ang (S)kaniyang luklukan sa mga langit;
At ang (T)kaniyang kaharian ay nagpupuno sa lahat.
20 (U)Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong mga anghel niya:
Ninyong makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kaniyang salita,
Na nakikinig sa tinig ng kaniyang salita.
21 Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na hukbo niya;
(V)Ninyong mga ministro niya, na nagsisigawa ng kaniyang kasayahan.
22 (W)Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na mga gawa niya,
Sa lahat na dako na kaniyang sakop;
(X)Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978