Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
1 Samuel 19

Si Jonathan ay namagitan kay David at kay Saul.

19 At nagsalita si Saul kay Jonathan na kaniyang anak, at sa lahat ng kaniyang mga lingkod, na kanilang patayin si David. (A)Nguni't si Jonathan na anak ni Saul ay naliligayang mainam kay David.

At isinaysay ni Jonathan kay David, na sinasabi, Pinagsisikapan ni Saul na aking ama na patayin ka: ngayon nga'y isinasamo ko sa iyo, na magingat ka sa kinaumagahan, at manatili sa isang lihim na dako, at magtago ka:

At ako'y lalabas at tatayo sa siping ng aking ama sa parang na iyong kinaroroonan, at ako'y makikipagusap sa aking ama ng tungkol sa iyo; at kung may makita akong anoman, ay aking sasaysayin sa iyo.

At nagsalita si Jonathan kay Saul na kaniyang ama, ng mabuti tungkol kay David, at sinabi sa kaniya, Huwag magkasala ang hari laban sa kaniyang lingkod na si David; sapagka't hindi siya nagkasala laban sa iyo; at sapagka't ang kaniyang mga gawa ay naging mabuti sa iyo:

Sapagka't kaniyang ipinain ang (B)kaniyang buhay, (C)at sinaktan ang Filisteo, (D)at gumawa ang Panginoon ng dakilang pagtatagumpay sa ganang buong Israel: nakita mo at nagalak ka; bakit nga magkakasala ka laban sa (E)walang salang dugo, na papatayin si David ng walang anomang kadahilanan?

At dininig ni Saul ang tinig ni Jonathan; at sumumpa si Saul: Buhay ang Panginoon, siya'y hindi papatayin.

At tinawag ni Jonathan si David, at isinaysay ni Jonathan sa kaniya ang lahat ng mga bagay na yaon. At dinala ni Jonathan si David kay Saul, at siya'y lumagay sa (F)kaniyang harap, na gaya ng dati.

Iniligtas ni Michal ang buhay ni David.

At nagkaroong muli ng digma: at lumabas si David, at nakipaglaban sa mga Filisteo, at pumatay sa kanila ng malaking pagpatay; at sila'y tumakas sa harap niya.

At isang espiritung masama na mula sa Panginoon ay suma kay Saul, nang siya'y nakaupo sa kaniyang bahay na tangan niya ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay; at (G)tumugtog si David sa pamamagitan ng kaniyang kamay.

10 At pinagsikapan ni Saul na tuhugin ng sibat si David sa dinding; nguni't siya'y nakatakas sa harap ni Saul at ang kaniyang tinuhog ng sibat ay ang dinding: at tumakas si David at tumanan ng gabing yaon.

11 (H)At nagsugo si Saul ng mga sugo sa bahay ni David, upang siya'y bantayan, at siya'y patayin sa kinaumagahan: at sinaysay sa kaniya ni Michal na asawa ni David, na sinasabi, Kundi mo iligtas ang iyong buhay ngayong gabi bukas ay papatayin ka.

12 (I)Kaya inihugos ni Michal si David sa isang dungawan, at siya'y yumaon, at tumakas, at tumanan.

13 At kinuha ni Michal ang mga (J)terap, at inihiga sa higaan at nilagyan sa ulunan ng isang unan na buhok ng kambing, at tinakpan ng mga kumot.

14 At nang magsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David, kaniyang sinabi, Siya'y may sakit.

15 At nagsugo si Saul ng mga sugo upang tingnan si David, na sinasabi, Ipanhik ninyo siya sa akin na nasa kaniyang higaan, upang aking patayin siya.

16 At nang pumasok ang mga sugo, narito, ang mga terap at nasa higaan, pati ng unang buhok ng kambing sa ulunan niyaon.

17 At sinabi ni Saul kay Michal, Bakit mo ako dinaya ng ganiyan, at iyong pinaalis ang aking kaaway, na anopa't siya'y nakatanan? At sumagot si Michal kay Saul, (K)Kaniyang sinabi sa akin: Bayaan mo akong yumaon: bakit kita papatayin?

Nanghula ang mga sugo ni Saul.

18 Si David nga ay tumakas, at tumanan, at naparoon kay Samuel sa (L)Rama, at isinaysay sa kaniya ang lahat ng ginawa ni Saul sa kaniya. At siya at si Samuel ay yumaon at tumahan sa Najoth.

19 At nasaysay kay Saul na sinasabi, Narito si David ay nasa Najoth sa Rama.

20 At nagsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David: (M)at nang kanilang makita ang pulutong ng mga propeta na nanganghuhula, at si Samuel ay tumatayong pinakapangulo sa kanila, ang Espiritu ng Dios ay dumating sa mga sugo ni Saul, at sila naman ay (N)nanganghula.

21 At nang maisaysay kay Saul, siya'y nagsugo ng ibang mga sugo, at sila man ay nanganghula. At si Saul ay nagsugo uli ng mga sugo na ikaitlo, at sila man ay nanganghula.

22 Nang magkagayo'y naparoon din naman siya sa Rama, at dumating sa dakilang balon na nasa Socho: at siya'y tumanong, at nagsabi, Saan naroon si Samuel at si David? At sinabi ng isa, Narito, sila'y nasa Najoth sa Rama.

23 At siya'y naparoon doon sa Najoth sa Rama: at ang Espiritu ng Dios ay dumating din sa kaniya, at siya'y nagpatuloy, at nanghula hanggang sa siya'y dumating sa Najoth sa Rama.

24 At siya rin nama'y naghubad ng kaniyang mga suot, at siya man ay (O)nanghula sa harap ni Samuel, at nahigang hubad sa buong araw na yaon at sa buong gabing yaon. Kaya't kanilang sinasabi, (P)Pati ba si Saul ay nasa gitna ng mga propeta?

1 Corinto 1

Si Pablo, na (A)tinawag na maging apostol ni Jesucristo (B)sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at (C)si Sostenes na ating kapatid,

Sa iglesia ng Dios na nasa (D)Corinto, sa makatuwid baga'y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na (E)tinawag na (F)mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa't dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na (G)ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.

(H)Nagpapasalamat akong lagi sa aking Dios tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus;

Na kayo ay pinayaman sa kanya, sa lahat ng mga bagay (I)sa lahat ng pananalita at (J)sa lahat ng kaalaman;

Gaya ng pinagtibay sa inyo (K)ang patotoo ni Cristo:

Ano pa't kayo'y hindi nagkulang sa anomang kaloob; (L)na nagsisipaghintay ng paghahayag ng ating Panginoong Jesucristo;

Na siya namang magpapatibay (M)sa inyo hanggang sa katapusan, upang huwag kayong mapagwikaan (N)sa kaarawan ng ating Panginoong Jesucristo.

Ang Dios ay (O)tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa (P)pakikisama ng kaniyang anak na si Jesucristo na Panginoon natin.

10 Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita (Q)ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo'y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol.

11 Sapagka't ipinatalastas sa akin tungkol sa inyo, mga kapatid ko, ng mga kasangbahay ni Cloe, na sa inyo'y may mga pagtatalotalo.

12 Ibig ko ngang sabihin ito, na (R)ang bawa't isa sa inyo ay nagsasabi, Ako'y kay Pablo; at ako'y kay (S)Apolos; at ako'y kay (T)Cefas; at ako'y kay Cristo.

13 Nabahagi baga si Cristo? (U)ipinako baga sa krus si Pablo dahil sa inyo? o (V)binautismuhan baga kayo sa pangalan ni Pablo?

14 Nagpapasalamat ako sa Dios na hindi ko binautismuhan (W)ang sinoman sa inyo, maliban (X)si Crispo at si (Y)Gayo;

15 Baka masabi ninoman na kayo'y binautismuhan sa pangalan ko.

16 At binautismuhan ko rin naman ang sangbahayan ni (Z)Estefanas: maliban sa mga ito, di ko maalaman kung may nabautismuhan akong iba pa.

17 Sapagka't hindi ako sinugo ni Cristo upang bumautismo, kundi upang mangaral ng evangelio: (AA)hindi sa karunungan ng mga salita baka mawalan ng kabuluhan ang krus ni Cristo.

18 Sapagka't ang salita ng krus ay kamangmangan sa kanila na (AB)nangapapahamak; nguni't (AC)ito'y kapangyarihan ng Dios sa atin na (AD)nangaliligtas.

19 Sapagka't nasusulat,

(AE)Iwawalat ko ang karunungan ng marurunong,
At isasawala ko ang kabaitan ng mababait.

20 Saan naroon ang marunong? saan naroon ang eskriba? saan naroon ang mapagmatuwid (AF)sa sanglibutang ito? hindi baga (AG)ginawa ng Dios na kamangmangan ang karunungan ng sanglibutan?

21 Sapagka't yamang sa karunungan ng Dios ay hindi nakilala ng sanglibutan ang Dios sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, ay kinalugdan ng Dios na iligtas ang mga nagsisipanampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral.

22 (AH)Ang mga Judio nga ay nagsisihingi ng mga tanda, at ang mga Griego ay nagsisihanap ng karunungan:

23 Datapuwa't ang (AI)aming ipinangangaral ay ang Cristo na napako sa krus, na sa mga Judio ay (AJ)katitisuran, at sa mga Gentil ay kamangmangan;

24 Nguni't sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griego, si Cristo ang (AK)kapangyarihan ng Dios, at (AL)ang karunungan ng Dios.

25 Sapagka't ang kamangmangan ng Dios ay lalong marunong kay sa mga tao; at ang kahinaan ng Dios ay lalong malakas kay sa mga tao.

26 Sapagka't masdan ninyo ang sa inyo'y (AM)pagkatawag, mga kapatid, na (AN)hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao ang mga tinawag:

27 Kundi pinili ng Dios (AO)ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas;

28 At ang mga bagay na mababa ng sanglibutan, at ang mga bagay na hinamak, ang pinili ng Dios, (AP)oo at ang mga bagay na walang halaga (AQ)upang mawalang halaga ang mga bagay na mahahalaga:

29 Upang walang (AR)laman na magmapuri sa harapan ng Dios.

30 Datapuwa't sa kaniya kayo'y nangasa kay Cristo Jesus, na sa atin ay ginawang (AS)karunungang mula sa Dios, at (AT)katuwiran at (AU)kabanalan, (AV)at katubusan:

31 Na, ayon sa nasusulat, (AW)Ang nagmamapuri, ay magmapuri sa Panginoon.

Mga Panaghoy 4

Inilarawan ang pagkalagim nang sakupin.

Ano't ang ginto ay naging malabo! ano't ang pinakadalisay na ginto ay nagbago!
Ang mga bato ng santuario ay natapon sa (A)dulo ng lahat na lansangan.
Ang mga mahalagang anak ng Sion, na katulad ng dalisay na ginto,
(B)Ano't pinahahalagahan na waring mga sisidlang lupa, na gawa ng mga kamay ng magpapalyok!
Maging ang mga chakal ay naglalabas ng suso, nangagpapasuso sa kanilang mga anak:
Ang anak na babae ng aking bayan ay naging mabagsik, (C)parang mga avestruz sa ilang.
Ang dila ng (D)sumususong bata ay nadidikit sa ngalangala ng kaniyang bibig dahil sa uhaw:
(E)Ang mga munting bata ay nagsisihingi ng tinapay, at walang taong magpuputol nito sa kanila.
Silang nagsisikaing mainam ay nangahandusay sa mga lansangan:
Silang nagsilaki sa matingkad na pula ay (F)nagsisihiga sa mga tapunan ng dumi.
Sapagka't ang kasamaan ng anak na babae ng aking bayan ay lalong malaki kay sa kasalanan ng Sodoma,
Na (G)nagiba sa isang sangdali, at walang mga kamay na humawak sa kaniya.
Ang kaniyang (H)mga mahal na tao ay lalong malinis kay sa nieve, mga lalong maputi kay sa gatas;
Sila'y lalong mapula sa katawan kay sa mga rubi, ang kanilang kinis ay parang zafiro.
Ang kanilang anyo ay lalong maitim kay sa uling; sila'y hindi makilala sa mga lansangan:
(I)Ang kanilang balat ay naninikit sa kanilang mga buto; natutuyo, nagiging parang tungkod.
Silang napatay ng tabak ay maigi kay sa kanila na napatay ng gutom;
Sapagka't ang mga ito ay nagsisihapay, na napalagpasan, dahil sa pangangailangan ng mga bunga sa parang.
10 (J)Ang mga kamay ng mga (K)mahabaging babae ay nangagluto ng kanilang sariling mga anak;
Mga naging kanilang pagkain sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan.
11 Ginanap ng Panginoon ang kaniyang kapusukan, kaniyang ibinugso ang kaniyang mabangis na galit;
At siya'y nagpaalab ng apoy sa Sion, na pumugnaw ng mga patibayan niyaon.
12 Ang mga hari sa lupa ay hindi nanganiwala, o ang lahat mang nananahan sa sanglibutan,
Na ang kaaway at kalaban ay papasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem.
13 (L)Dahil nga sa mga kasalanan ng kaniyang mga propeta, at sa mga kasamaan ng kaniyang mga saserdote,
(M)Na nagbubo ng dugo ng mga ganap sa gitna niya.
14 Sila'y nagsisikapa sa mga lansangan na parang mga bulag, sila'y nangadudumhan ng dugo,
Na anopa't hindi mahipo ng mga tao ang kanilang mga suot.
15 Magsihiwalay kayo, (N)sila'y nagsisihiyaw sa kanila, Marurumi! magsihiwalay kayo, magsihiwalay kayo, huwag ninyong hipuin:
Nang sila'y magsitakas at magsilaboy ay sinabi ng mga tao sa gitna ng mga bansa, Hindi na sila nangingibang bayan pa rito.
16 Pinangalat sila ng galit ng Panginoon; sila'y hindi na niya lilingapin pa.
(O)Hindi nila iginagalang ang mga pagkatao ng mga saserdote, hindi nila pinakukundanganan ang mga matanda.
17 Ang aming mga mata ay nangangalumata dahil sa aming paghihintay (P)ng walang kabuluhang tulong:
Sa aming paghihintay ay nangaghihintay kami sa isang (Q)bansa na hindi makapagligtas.
18 Kanilang inaabangan ang aming mga hakbang, (R)upang huwag kaming makayaon sa aming mga lansangan:
Ang aming wakas ay malapit na, ang aming mga kaarawan ay nangaganap; sapagka't ang aming wakas ay dumating.
19 Ang mga manghahabol sa amin ay (S)lalong maliliksi kay sa mga aguila sa himpapawid:
Kanilang hinabol kami sa mga bundok, kanilang binakayan kami sa ilang.
20 Ang hinga ng aming mga butas ng ilong, ang pinahiran ng Panginoon (T)ay nahuli sa kanilang mga hukay;
Na siya naming pinagsasabihan, sa kaniyang mga lilim ay mabubuhay kami sa mga bansa.
21 Ikaw ay magalak at matuwa. Oh anak na babae ng Edom, na tumatahan sa lupain ng (U)Uz:
Ang saro ay darating (V)din sa iyo; ikaw ay malalango, at magpapakahubad.
22 Ang parusa sa iyong kasamaan ay naganap, Oh anak na babae ng Sion, hindi ka na niya dadalhin pa sa pagkabihag:
Kaniyang dadalawin ang iyong kasamaan, Oh anak na babae ng Edom; kaniyang ililitaw ang iyong mga kasalanan.

Mga Awit 35

Panalangin sa pagliligtas sa kaaway. Awit ni David.

35 (A)Awayin mo, Oh Panginoon, silang nagsisiaway sa akin:
Lumaban ka sa kanila na nagsisilaban sa akin.
(B)Humawak ka ng kalasag at ng longki,
At tumayo ka na pinaka tulong sa akin.
Kumuha ka rin naman ng sibat, at tumigil ka sa daan laban sa kanila na nagsisihabol sa akin:
Sabihin mo sa aking kaluluwa,
Ako'y iyong kaligtasan.
(C)Mangahiya nawa sila, at madala sa kasiraang puri ang nagsisiusig sa aking kaluluwa:
Mangapabalik sila, at mangalito silang nagsisikatha ng aking kapahamakan.
(D)Maging gaya nawa sila ng ipa sa unahan ng hangin,
At itaboy sila ng anghel ng Panginoon.
Maging madilim nawa, at (E)madulas ang kanilang daan,
At habulin sila ng anghel ng Panginoon.
Sapagka't walang kadahilanan ay ipinagkubli nila ako ng (F)kanilang silo sa hukay,
Walang kadahilanan ay nagsihukay sila para sa aking kaluluwa.
(G)Dumating nawa sa kaniya ng walang anoano ang pagkapahamak;
At hulihin nawa siya ng (H)kaniyang silo na kaniyang ikinubli:
Mahulog nawa siya sa ikapapahamak niya.
At ang aking kaluluwa ay magagalak sa Panginoon:
(I)Magagalak na mainam sa kaniyang pagliligtas.
10 Lahat ng aking mga buto ay magsasabi, Panginoon, (J)sino ang gaya mo,
Na inililigtas ang dukha doon sa totoong malakas kay sa kaniya,
Oo, ang dukha at ang mapagkailangan sa sumasamsam sa kaniya?
11 Mga saksing masasama ay nagsisitayo;
Sila'y nangagtatanong sa akin ng mga bagay na di ko nalalaman.
12 (K)Iginaganti nila sa akin ay kasamaan sa mabuti,
Sa pagpapaulila ng aking kaluluwa.
13 Nguni't tungkol sa akin, nang sila'y may sakit, ang aking suot ay magaspang na kayo:
(L)Aking pinagdalamhati ang aking kaluluwa ng pagaayuno;
At ang aking dalangin ay (M)nagbabalik sa aking sariling sinapupunan.
14 Ako'y nagasal na tila aking kaibigan o aking kapatid:
Ako'y yumuyukong tumatangis na tila iniiyakan ang kaniyang ina.
15 Nguni't pagka ako'y natisod sila'y nangagagalak, at nagpipipisan:
Ang mga uslak ay nagpipisan laban sa akin, at hindi ko nalaman;
16 Gaya ng mga nanunuyang suwail sa mga kapistahan,
(N)Kanilang pinagngangalit sa akin ang kanilang mga ngipin.
17 Panginoon, hanggang (O)kailan titingin ka?
Iligtas mo ang aking kaluluwa sa kanilang mga pagsira,
(P)Ang aking sinta mula sa mga leon.
18 (Q)Ako'y magpapasalamat sa iyo sa dakilang kapisanan:
Aking pupurihin ka sa gitna ng maraming tao.
19 Huwag magalak sa akin na may kamalian ang aking mga kaaway;
Ni (R)magkindat man ng mata (S)ang nangagtatanim sa akin ng walang kadahilanan.
20 Sapagka't sila'y hindi nangagsasalita ng kapayapaan:
Kundi sila'y nagsisikatha ng mga magdarayang salita laban sa mga tahimik sa lupain.
21 Oo, (T)Kanilang ibinuka ng maluwang ang kanilang bibig laban sa akin;
Kanilang sinasabi: (U)Aha, aha, nakita ng aming mata.
22 Iyong (V)nakita ito, Oh Panginoon; huwag kang tumahimik,
Oh Panginoon, (W)huwag kang lumayo sa akin.
23 (X)Kumilos ka, at ikaw ay gumising upang gawan ako ng kahatulan,
Sa aking usap, Dios ko at Panginoon ko.
24 (Y)Hatulan mo ako, Oh Panginoon kong Dios, ayon sa iyong katuwiran;
At huwag mo silang pagalakin sa akin.
25 Huwag silang magsabi sa kanilang sarili: Aha, nasa namin:
Huwag silang magsabi: (Z)Aming sinakmal siya.
26 (AA)Mangapahiya nawa sila, at mangalito na magkakasama ang mga nangagalak sa aking pagkapahamak:
Manganamit nawa ng kahihiyan at kasiraang puri ang nangagmamalaki laban sa akin.
27 Magsihiyaw nawa ng kagalakan, at mangasayahan, ang nagsisilingap ng aking katuwiran:
Oo, mangagsabi nawa silang palagi: Dakilain ang Panginoon,
(AB)Na nalulugod sa kaginhawahan ng kaniyang lingkod.
28 (AC)At ang aking dila ay mangungusap ng iyong katuwiran,
At ng pagpuri sa iyo sa buong araw.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978