Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Daniel 2:24-3:30

Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari

24 Pagkatapos, bumalik si Daniel kay Arioc, ang opisyal na inutusan upang patayin ang mga tagapayo ng Babilonia. Sinabi niya, “Huwag mo munang patayin ang mga matatalinong tao. Samahan mo ako sa hari at ipapaliwanag ko ang kanyang panaginip.”

25 Dali-daling iniharap ni Arioc si Daniel sa hari. Sinabi niya, “Mahal na hari, narito po ang isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda. Siya po ang makapagpapaliwanag sa inyong panaginip.”

26 Si Daniel na tinatawag na Beltesazar ay tinanong ng hari, “Masasabi at maipapaliwanag mo ba sa akin ang aking panaginip?”

27 Sumagot si Daniel, “Ang hiwagang gustong alamin ng hari ay hindi maipapaliwanag ng sinumang matalinong tagapayo, enkantador, salamangkero, o manghuhula. 28 Ngunit mayroon pong isang Diyos sa kalangitan na naghahayag ng mga hiwaga at ipinakita niya sa Haring Nebucadnezar ang mga mangyayari sa mga darating na panahon. Ito ang panaginip na inyong nakita habang kayo'y natutulog:

29 “Mahal na hari, ang panaginip ninyo ay tungkol sa mangyayari sa hinaharap at ipinapaalam ito sa inyo ng Diyos na nakakaalam ng lahat ng hiwaga. 30 Ang hiwagang ito ay ipinaalam sa akin, hindi dahil ako'y higit na matalino kaysa iba, kundi upang ipaliwanag ito sa inyo at upang maunawaan ninyo ang gumugulo sa inyong isipan.

31 “Mahal na hari, ang nakita ninyo ay isang malaki at nakakasilaw na rebulto. Nakatayo ito sa inyong harapan at nakakatakot pagmasdan. 32 Ang ulo nito ay lantay na ginto, at pilak ang dibdib at mga bisig. Tanso naman ang tiyan at mga hita nito. 33 Ang mga binti ay bakal at ang mga paa ay pinaghalong bakal at putik. 34 Habang pinagmamasdan ninyo ito, may batong natipak sa bundok na bumagsak sa mga paa ng rebulto at nadurog ang mga paa. 35 Pagkatapos, nadurog ding lahat ang bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Naging parang ipa ito at tinangay ng hangin at walang naiwan kahit bakas. Samantala, ang tipak ng batong bumagsak dito ay naging isang napakalaking bundok na pumuno sa buong daigdig.

36 “Mahal na hari, iyan po ang inyong panaginip, at narito naman ang kahulugan: 37 Kayo po ang pinakadakila sa lahat ng mga hari. At kayo po ay pinagkalooban ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, lakas, at karangalan. 38 Niloob ng Diyos na masakop ninyo ang lahat ng tao, hayop, at ibon sa lahat ng dako. Kayo ang ulong gintong iyon. 39 Ang susunod sa inyo ay ang ikalawang kaharian na mas mahina kaysa inyo. Pagkatapos, lilitaw ang pangatlong kaharian na isinasagisag ng tanso, at sasakupin nito ang buong daigdig. 40 Ang pang-apat na kaharian ay sintigas ng bakal. Katulad ng nagagawa ng bakal, dudurugin ng kahariang ito ang buong daigdig. 41 Ang kahulugan naman ng nakita ninyong mga paa na yari sa bakal at putik ay ito: mahahati ang kaharian ngunit mananatili ang tigas ng bakal sapagkat ito'y nakahalo sa putik. 42 Ganito naman ang kahulugan ng mga paang yari sa pinaghalong bakal at putik: May bahagi itong matibay at may bahagi namang marupok. 43 Ang kahulugan ng pinagsamang bakal at putik ay pag-aasawa ng magkakaibang lahi; ngunit hindi ito magtatagal kung paanong hindi maaaring paghaluin ang bakal at putik. 44 Sa panahon ng mga haring iyon, ang Diyos sa kalangitan ay magtatatag ng isang kahariang hindi maibabagsak kailanman, ni masasakop ninuman. Dudurugin nito at ganap na wawasakin ang iba pang kaharian, at mananatili ito magpakailanman. Kaya't hindi na makakabangon ang mga iyon kahit kailan. 45 Katulad ito ng inyong nakitang tipak ng bato na dumurog sa rebultong yari sa bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Mahal na hari, ang mangyayari sa hinaharap ay ipinapaalam na sa inyo ng dakilang Diyos. Ito po ang inyong panaginip at tiyak ang kahulugan nito.”

Ginantimpalaan si Daniel

46 Yumukod si Haring Nebucadnezar na lapat ang mukha sa lupa at nagbigay galang kay Daniel. Pagkatapos, iniutos niyang handugan ito ng insenso at iba pang alay. 47 Sinabi niya kay Daniel, “Tunay na ang Diyos mo ang pinakadakila sa lahat ng mga diyos at Panginoon ng mga hari. Siya ang tagapagpahayag ng mga hiwaga kaya naipahayag mo ang hiwagang ito.” 48 Pinarangalan ng hari si Daniel at binigyan ng napakaraming handog. Siya ay ginawa nitong tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng mga tagapayo ng Babilonia. 49 Hiniling naman ni Daniel sa hari na sina Shadrac, Meshac at Abednego ay gawing tagapangasiwa sa Babilonia upang siya'y makapanatili sa palasyo ng hari.

Iniutos sa Lahat na Sumamba sa Rebultong Ginto

Si Haring Nebucadnezar ay nagpagawa ng rebultong ginto na dalawampu't pitong metro ang taas at may tatlong metro naman ang lapad. Ipinatayo niya ito sa kapatagan ng Dura sa lalawigan ng Babilonia. Pagkatapos, ipinatawag niya ang mga pinuno ng mga rehiyon, mga pinuno ng mga hukbo, mga gobernador ng mga lalawigan, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, mga mahistrado at iba pang mga pinuno ng kaharian, para sa pagtatalaga sa nasabing rebulto. Nang nasa harap na sila ng rebulto, malakas na ipinahayag ng tagapagbalita, “Iniuutos sa lahat ng tao, mula sa lahat ng bansa at wika, na lumuhod at sumamba sa rebultong ipinagawa ni Haring Nebucadnezar sa sandaling marinig ang tunog ng tambuli, plauta, lira, sitar, alpa, at iba pang instrumento. Sinumang hindi sumunod sa utos na ito ay ihahagis agad sa naglalagablab na pugon.” Nang marinig nga ng mga tao ang tunog ng mga instrumento, agad silang lumuhod at sumamba sa rebultong ginto na ipinagawa ni Haring Nebucadnezar.

Pinaratangan ang Tatlong Judio

Sinamantala ito ng ilang mga mamamayan ng Babilonia upang paratangan ang mga Judio. Sinabi nila kay Haring Nebucadnezar, “Mabuhay ang mahal na hari! 10 Iniutos po ninyo na lumuhod at sumamba sa inyong rebultong ginto ang sinumang makarinig sa tugtog ng mga instrumento. 11 At sinumang hindi sumunod ay ihahagis sa naglalagablab na pugon. 12 Hindi po sumusunod sa utos ninyo sina Shadrac, Meshac, at Abednego, ang mga Judiong inilagay ninyo bilang mga tagapamahala sa Babilonia. Hindi po sila naglilingkod sa inyong diyos ni sumasamba sa ipinagawa ninyong rebultong ginto.”

13 Nagalit si Haring Nebucadnezar nang marinig ito, at ipinatawag niya ang tatlong lalaki. 14 Sinabi niya, “Shadrac, Meshac, at Abednego, totoo bang hindi kayo naglilingkod sa aking mga diyos ni sumasamba sa rebultong ginto na aking ipinagawa? 15 Iniuutos ko sa inyong lumuhod kayo at sumamba sa ipinagawa kong rebulto sa sandaling marinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Kung hindi, ipahahagis ko kayo sa naglalagablab na pugon. Sa palagay ba ninyo'y may diyos na makakapagligtas sa inyo mula sa aking kapangyarihan?”

16 Sinabi nina Shadrac, Meshac at Abednego, “Mahal na haring Nebucadnezar, wala po kaming masasabi sa inyo tungkol sa bagay na ito. 17 Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa naglalagablab na pugon at mula sa inyong kapangyarihan. 18 Kung hindi man niya kami iligtas, hindi pa rin kami maglilingkod sa inyong mga diyos ni sasamba sa rebultong ginto na ipinagawa ninyo.”

Inihagis ang Tatlong Kabataan sa Naglalagablab na Pugon

19 Namula ang mukha ni Haring Nebucadnezar sa tindi ng galit kina Shadrac, Meshac at Abednego. Kaya, iniutos niyang painitin pa ng pitong ulit ang pugon. 20 Inutusan din niya ang ilan sa mga pinakamalakas niyang kawal na gapusin sina Shadrac, Meshac at Abednego at ihagis sa naglalagablab na pugon. 21 Ginapos nga sila nang hindi na inalis ang damit, ang panloob at panlabas, turbante, at iba pang nakasuot sa kanila, at inihagis sila sa naglalagablab na apoy. 22 Dahil sa mahigpit ang utos ng hari na patindihin ang init ng pugon lumabas ang apoy kaya nasunog at namatay ang mga kawal na nagdala kina Shadrac, Meshac at Abednego. 23 Samantala, nakagapos pa rin na bumagsak sa naglalagablab na apoy ang tatlong kabataan.

Ang Panalangin ni Azarias

24 Habang lumalakad ang tatlong kabataan—sina Hananias, Misael at Azarias—sa gitna ng apoy, umaawit sila ng papuri sa Diyos at dinadakila ang Panginoon. 25 Huminto si Azarias at nanalangin nang malakas doon sa loob ng nagniningas na pugon,

26 “Napakadakila mo, Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno.
    Purihin nawa at parangalan ang iyong pangalan magpakailanman!
27 Makatarungan ka at tapat sa lahat ng ginagawa mo;
    makatuwiran ang iyong landas;
    walang kinikilingan ang mga hatol mo.
28 Makatarungan ang naging parusa mo sa amin at sa Jerusalem,
    ang banal na lunsod ng aming mga ninuno.
    Oo, makatarungan lamang ang hatol mo sa mga kasalanan namin.
29 Talagang kami'y nagkasala,
    lumabag sa kautusan, at naghimagsik laban sa iyo.
30 Hindi namin ginampanan ang iyong mga utos
    na para sa kapakanan din naming lahat.

1 Pedro 4:7-5:14

Ang Mabuting Pangangasiwa sa mga Kaloob ng Diyos

Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin. Higit(A) sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. Buksan ninyo para sa isa't isa ang inyong mga tahanan at gawin ninyo ito nang hindi mabigat sa loob. 10 Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo. 11 Ang nangangaral ay dapat salita ng Diyos ang ipangaral. Ang naglilingkod ay dapat maglingkod gamit ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.

Ang Pagtitiis ng Cristiano

12 Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan. 13 Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kaluwalhatian. 14 Pinagpala kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos. 15 Huwag nawang mangyaring magdusa ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero. 16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo.

17 Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito'y magsisimula sa sambahayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? 18 Tulad(B) ng sinasabi ng kasulatan,

“Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas,
    ano kaya ang kahihinatnan ng mga makasalanan at hindi kumikilala sa Diyos?”

19 Kaya nga, ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako.

Pangangalaga at Pagiging Handa

Sa matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo, bilang saksi sa mga paghihirap ni Cristo at sapagkat makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. Pangalagaan(C) ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos].[a] Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan. At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.

At(D) kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng iglesya. At kayong lahat ay magpakumbaba sapagkat, “Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob.” Kaya(E) nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala(F) ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.

Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa. Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng mga kahirapan, kundi gayundin ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.

Pangwakas na Tagubilin

12 Sinulatan(G) ko kayo sa tulong ni Silas,[b] na isa nating kapatid at lubos kong pinagkakatiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at magpatotoo na ito nga ang kagandahang-loob ng Diyos. Manatili kayo sa pagpapalang ito.

13 Kinukumusta(H) kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga pinili ring katulad ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, na aking anak sa pananampalataya. 14 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[c]

Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na mga nakipag-isa kay Cristo.

Mga Awit 119:81-96

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

(Kap)

81 Kaluluwa ko'y naghihintay ng iyong pagliligtas;
    lubos akong nagtiwala sa bigay mong pangungusap.
82 Dahilan sa paghihintay lumamlam na yaring tingin,
    ito ngayon ang tanong ko: “Kailan mo aaliwin?”
83 Katulad ko'y nangulubot na sisidlang yaring katad,
    gayon pa man, di ko pa rin nilimot ang iyong batas.
84 Gaano bang katagal pa, ang lingkod mo maghihintay,
    sa parusang igagawad sa nang-usig kong kaaway?
85 Mga taong mayayabang, mga taong masuwayin,
    nag-umang ng mga bitag upang ako ay hulihin.
86 Inuusig nila ako, kahit mali ang paratang,
    sa batas mo'y may tiwala, kaya ako ay tulungan!
87 Halos sila'y magtagumpay na kitlin ang aking buhay,
    ngunit ang iyong mga utos ay hindi ko nalimutan.
88 Dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako ay lingapin,
    at ang iyong mga utos ay masikap kong susundin.

Pananampalataya sa Kautusan ni Yahweh

(Lamedh)

89 Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan,
    matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.
90 Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago;
    ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako.
91 Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,
    alipin mo silang lahat at sa iyo'y naglilingkod.
92 Kung ang iyong kautusa'y di bukal ng aking galak,
    namatay na sana ako sa dinanas na paghihirap.
93 Ang utos mo'y susundin ko, di ito tatalikuran,
    pagkat dahil sa utos mo, ako ngayo'y nabubuhay.
94 Ang lingkod mo'y iyong-iyo, kaya ako ay iligtas,
    ang pagsunod sa utos mo ay siya kong sinisikap.
95 Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay,
    ngunit ako'y magbubulay sa bigay mong kautusan.
96 Nabatid kong sa daigdig, walang ganap na anuman,
    ngunit ang iyong mga utos walang hanggan yaong saklaw.

Mga Kawikaan 28:15-16

15 Ang masamang hari ay tila leong mabagsik
    at nakakatakot na parang osong mabangis.
16 Ang haring walang pang-unawa ay tiyak na malupit;
    ang pamamahala ng tapat na hari ay lalawig.