Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Ezekiel 10-11

Umalis sa Templo ang Kaluwalhatian ni Yahweh

10 Tumingin(A) ako sa ulunan ng mga kerubin at may nakita akong parang trono na waring yari sa safiro. Sinabi(B) ni Yahweh sa lalaking nakasuot ng telang lino, “Pumunta ka sa gitna ng mga gulong na umiikot sa ibaba ng kerubin. Dumakot ka ng baga at isabog mo sa buong lunsod.”

Gayon nga ang ginawa ng lalaking nabanggit. Noon, ang mga kerubin ay nasa gawing timog ng Templo. Pagpasok ng lalaki sa patyo sa loob, ito'y napuno ng makapal na ulap. Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa may kerubin at lumipat sa may pagpasok ng Templo. Napuno rin ito ng ulap at ang buong patyo'y nagliwanag sa kaluwalhatian ni Yahweh. Ang pagaspas ng pakpak ng mga kerubin ay dinig hanggang sa patyo sa labas, wari'y ugong ng tinig ng Makapangyarihang Diyos.

Nang sabihin nga niya sa lalaking nakadamit ng lino na siya'y kumuha ng baga sa gitna ng mga gulong sa ibaba ng mga kerubin, pumunta ito at tumayo sa tabi ng isang gulong. Ang isa sa mga kerubin ay dumakot ng baga na nasa kanilang kalagitnaan at ibinigay sa lalaki; at ito'y umalis. Ang mga kerubin ay may mga tila kamay nga ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.

Nang(C) ako'y tumingin, nakita kong may isang gulong sa tabi ng bawat kerubin. Ang mga gulong ay kumikislap, tulad ng topaz. 10 Magkakamukha ang mga ito at parang iisa. 11 Sila'y nakababaling kahit saan, hindi na kailangang pumihit. Saanman gumawi ang nasa unahan, sumusunod ang iba nang hindi na pumipihit. 12 Ang(D) kanilang katawan, likod, kamay, pakpak, pati mga gulong ay puno ng mata. Ang mga kerubin ay tig-iisang gulong, 13 at ang tawag sa kanila ay “Mga Umiikot na Gulong.” 14 Bawat(E) kerubin ay tig-aapat ang mukha: kerubin, tao, leon, at agila.

15 Ang mga kerubin ay tumayo. Ito rin ang mga nilalang na buháy na nakita ko sa may Ilog Kebar. 16 Paglakad ng mga ito, lumalakad din ang mga gulong; pagtaas ng mga ito, tumataas din ang mga gulong. 17 Pagtigil nila, tumitigil din ang mga gulong. Pagtaas noong isa, sunod ang ikalawa pagkat iisa ang nagpapagalaw sa mga nilalang na buháy at sa mga gulong.

18 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa may pagpasok ng Templo at nagpunta sa may ulunan ng kerubin. 19 Lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong, at tumigil sa may pintuan ng Templo sa gawing silangan. Nasa ulunan pa rin nila ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel.

20 Ang mga ito ay siya ring apat na nilalang na nakita ko sa may Ilog Kebar at nalaman kong sila'y mga kerubin. 21 Sila'y tig-aapat ang mukha at tig-aapat din ang pakpak at may mga tila kamay sa ilalim ng kanilang mga pakpak. 22 Ang mukha nila'y tulad din nang nakita ko sila sa may Ilog Kebar. Kung saan gumawi ang isa ay doon din ang iba.

Pinatay ang Masasamang Pinuno

11 Pagkatapos, dinala ako ng Espiritu sa pintuan ng Templo sa gawing silangan. May dalawampu't limang tao roon, kasama si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatia na anak ni Benaias; sila'y mga pinuno ng bayan. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sila ang nagpupunla ng masamang kaisipan sa lunsod na ito. Sinasabi nila sa mga tao na hindi na dapat magtayo muli ng mga bahay sapagkat ang siyudad na ito ang matibay na tanggulan. Kaya, magpahayag ka laban sa kanila.”

Nilukuban ako ng Espiritu[a] ni Yahweh at sinabi sa akin, “Sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh: Mga Israelita, hindi lingid sa akin ang inyong mga pinagsasabi. Alam ko ang binabalak ninyo. Patuloy ang patayan ninyo sa lunsod na ito at nagkalat ang bangkay sa mga lansangan. Kaya, ito ang sinasabi ko: Ang lunsod ay natulad sa kaldero at ang karne ay ang mga bangkay. Hindi kayo dapat manatili rito. Takot kayo sa tabak kaya ipasasalakay ko kayo sa mga taong bihasa sa paggamit ng tabak. Iaalis ko kayo sa lunsod na ito at ipapabihag sa mga taga-ibang bayan bilang parusa. 10 Mamamatay kayo sa tabak sa may hangganan ng Israel. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 11 Kailanma'y hindi ninyo magiging tanggulan ang Jerusalem at hindi kayo magiging ligtas sa loob nito. Paparusahan ko kayo kahit saan kayo magpunta. 12 Ipapakilala ko sa inyo kung sino ako sapagkat hindi kayo lumakad ayon sa aking mga tuntunin at hindi ninyo sinunod ang aking mga utos. Sa halip, namuhay kayo ayon sa tuntunin ng mga bansang nakapaligid sa inyo.”

13 Nang kasalukuyan akong nagpapahayag, patay na bumagsak si Pelatia. Dahil dito'y tumatangis akong nagpatirapa. Itinanong ko, “Panginoong Yahweh, uubusin mo rin ba ang natitira pang Israelita?”

Muling Titipunin ang mga Natirang Israelita

14 Sinabi sa akin ni Yahweh, 15 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kapatid mo at mga dinalang-bihag tulad mo, ang buong sambahayan ni Israel, ay pinagsabihan ng mga nakatira ngayon sa Jerusalem ng, ‘Lumayo kayo kay Yahweh, ang lupaing ito'y ibinigay na sa amin.’ 16 Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Pinangalat ko sila sa iba't ibang dako kaya maaari nila akong sambahing pansamantala saanman sila napatapon.’ 17 Sabihin mo na muli ko silang titipunin mula sa mga bansang kinatapunan nila at ibibigay kong muli sa kanila ang lupain. 18 At pagbalik nila roon, aalisin nila ang mga kasuklam-suklam na mga bagay roon. 19 Bibigyan(F) ko sila ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin nilang puso ay papalitan ko ng pusong masunurin 20 upang lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin at sumunod sa aking mga utos. Sa gayon, magiging bayan ko sila at ako ang kanilang magiging Diyos. 21 Ngunit pagbabayarin ko ang mga gumawa ng karumal-dumal at kasuklam-suklam na bagay.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.

Inalis ng Panginoong Yahweh ang Kanyang Kaluwalhatian sa Jerusalem

22 Pumaitaas(G) ang mga kerubin, kasama ang mga gulong, at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila. 23 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa lunsod at nagpunta sa ibabaw ng bundok sa gawing silangan. 24 Inilipad ako ng Espiritu[b] at sa pamamagitan ng pangitain ay dinala ako sa Babilonia, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Doon natapos ang pangitain. 25 At sinabi ko sa mga dinalang-bihag ang lahat ng ipinakita sa akin ni Yahweh sa pamamagitan ng pangitain.

Mga Hebreo 6

Kaya't iwan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy tayo sa mga aral na para sa mga may sapat na gulang na. Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon tungkol sa pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, tungkol sa mga iba't ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay, at tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan. Magpatuloy nga tayo; at iyan ang gagawin natin kung loloobin ng Diyos.

Sapagkat paano pang panunumbalikin upang magsisi ang mga tumalikod na sa kanilang pananampalataya? Dati'y naliwanagan na sila, nakalasap ng makalangit na kaloob at naging kabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo. Nakalasap na rin sila ng kabutihan ng Salita ng Diyos, at nakadama ng kapangyarihan ng Diyos na lubusang mahahayag sa panahong darating. Kapag sila'y tumalikod pagkatapos malasap ang lahat ng ito, hindi na sila maaaring panumbalikin upang magsisi sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at inilalantad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos.

Sapagkat pinagpapala ng Diyos ang lupang pagkatapos tumanggap ng masaganang ulan ay sinisibulan ng halamang pinapakinabangan ng mga magsasaka. Subalit(A) kung mga damo at halamang matitinik ang tumutubo doon, walang kabuluhan ang lupang iyon at nanganganib pang sumpain ng Diyos at tupukin sa apoy.

Mga minamahal, kahit ganito ang sinasabi namin, natitiyak namin na nasa mas mabuti kayong kalagayan patungkol sa inyong kaligtasan. 10 Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos. 11 Ang nais namin ay patuloy na magsumikap hanggang wakas ang bawat isa sa inyo upang makamtan ninyo ang inyong inaasahan. 12 Kaya't huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong dahil sa kanilang pagtitiis at pananalig sa Diyos ay tumatanggap ng mga ipinangako niya.

Tiyak ang Pangako ng Diyos

13 Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya'y nanumpa sa kanyang sariling pangalan, yamang wala nang hihigit pa sa kanya na maaari niyang panumpaan. 14 Sinabi(B) niya, “Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at pararamihin ko ang iyong lahi.” 15 Matiyagang naghintay si Abraham at natanggap niya ang ipinangako sa kanya. 16 Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng isang nakakahigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpa ay pinapagtibay ang usapan. 17 Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin. 18 Hindi nagbabago at hindi nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. 19 Ang(C) pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan. 20 Si(D) Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

Mga Awit 105:16-36

16 Sa(A) lupain nila'y mayroong taggutom na ipinarating
    itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain.
17 Subalit(B) ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki,
    tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose;
18 mga(C) paa nito'y nagdanas ng hirap nang maikadena,
    pinapagkuwintas ng kolyar na bakal pati leeg niya.
19 Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh,
    na siyang nangakong siya'y tutubusin.
20 Ang(D) ginamit ng Diyos ay isang hari upang lumaya,
    pinalaya siya nitong haring ito na namamahala.
21 Doon(E) sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala,
    sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala.
22 Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo,
    siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo.

23 Sa(F) bansang Egipto, itong si Israel ay doon nagpunta,
    sa lupain ni Ham, ang nunong si Jacob ay doon tumira.
24 Ginawa(G) ni Yahweh ay kusang pinarami ang kanyang hinirang,
    pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway.
25 Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil,
    ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin.

26 Saka(H) inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos,
    sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod.
27 Sa bansang Egipto'y maraming himalang ginampanan sila,
    sa utos ng Diyos, maraming himalang doon ay nakita.
28 Ang(I) isang ginawa niya'y pinadilim sa buong lupain,
    ang ginawang ito'y hindi inintindi ni hindi pinansin.
29 Ang(J) ilog at batis ay kanyang ginawang dugong dumadaloy,
    pawang nangamatay ang lahat ng isdang doo'y lumalangoy.
30 Napuno(K) ng mga palakang kay rami ang buong lupain,
    maging mga silid ng mahal na hari ay may palaka rin.
31 Sa(L) utos ng Diyos ay maraming niknik ang biglang sumipot,
    sa lahat ng dako kay rami ng langaw, gayon din ng lamok.
32 Sa(M) halip na tubig, ay maraming yelo ang nagsilbing ulan,
    ang kulog at kidlat ay sala-salabat nilang nasaksihan.
33 Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos,
    ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog.
34 Isang(N) utos lamang at biglang dumating ang maraming balang,
    langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang.
35 Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain,
    sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain.
36 Ang(O) mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay,
    kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay.

Mga Kawikaan 27:1-2

27 Huwag(A) ipagyayabang ang araw ng bukas, pagkat di mo alam kung anong magaganap.

Hayaan mong iba ang sa iyo'y pumuri at ang sariling bangko'y huwag mong buhatin.