Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Ezekiel 40:28-41:26

Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Timog

28 Ako'y ipinasok niya sa patyo sa loob. Sa tarangkahan sa gawing timog kami nagdaan. Sinukat niya ito at kasukat din ng iba. 29-30 Ang bulwagan, mga silid nito, at pader sa pagitan ay tulad din ng sa ibang tarangkahan. May mga bintana rin ito. Ang haba ng pasilyo ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang luwang. 31 Ang bulwagan nga nito ay paharap sa panlabas na patyo, may dibuho ring puno ng palmera ang pader ng daanan at walo ang baytang patungo sa tarangkahang ito.

Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Silangan

32 Itinuloy niya ako sa loob ng patyo sa gawing silangan. Sinukat niya ang tarangkahan nito. Ito ay kasukat din ng iba, 33 gayon din ang bulwagan, mga silid ng bantay-pinto, at ang pader sa pagitan. Naliligid ito ng mga bintana. Ang haba ng daanan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang lapad. 34 Paharap sa patyo sa labas ang bulwagan, may dibuho ring puno ng palmera ang pader at walong baytang ang hagdan.

Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Hilaga

35 Pagkatapos, dinala niya ako sa may tarangkahan sa gawing hilaga at ito'y kanyang sinukat. Kasukat din ito ng iba, 36 gayon din ang bulwagan, mga silid at ang pader sa pagitan. Ang haba ng bulwagan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang lapad. Ito ay may mga bintana rin sa paligid. 37 Paharap sa patyo sa labas ang bulwagan nito, may dibuho ring puno ng palmera ang pader na pasilyo at walo ang baytang ng hagdan.

Ang mga Gusali sa Tabi ng Tarangkahan sa Hilaga

38 Ang patyo sa labas ay may isang kuwarto; nakadikit ito sa tarangkahan sa loob sa gawing hilaga at abot sa bulwagang nakaharap sa patyo. Doon nila nililinis ang mga hayop na pinatay upang sunugin sa altar bilang handog. 39 Sa magkabilang panig ng bulwagan ay may apat na mesa. Dito naman nila pinapatay ang mga hayop na ihahandog, kahit na susunugin, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, o handog na pambayad sa kasalanan. 40 May apat na mesa rin sa labas, tigalawa sa magkabila ng tarangkahan sa gawing hilaga. 41 Tig-apat ang mesa sa loob at labas ng bulwagan. Sa mga mesang ito pinapatay ang lahat ng hayop na panghandog. 42 Yari sa tinapyas na bato ang apat na mesang patungan ng hayop na susunugin bilang handog. Ang taas nito ay kalahating metro, 0.7 metro ang lapad at ang haba. Dito inilalagay ang mga kasangkapang pangkatay sa mga handog. 43 Sa paligid ng mga mesa ay may pinakapasamanong singlapad ng isang palad. Sa mesa ipinapatong ang karneng panghandog.

44 Dinala ako sa patyo sa loob. Doon ay may dalawang tanging silid: ang isa'y nakaharap sa timog at ang isa nama'y nakaharap sa hilaga. 45 Sinabi sa akin noong lalaki, “Ang silid na nakaharap sa timog ay ukol sa mga paring nangangasiwa sa templo, 46 at ang nakaharap sa hilaga ay para naman sa mga paring nangangasiwa sa altar. Sila'y mga anak ni Zadok, ang sambahayan mula sa lipi ni Levi na siya lamang maaaring maglingkod sa harapan ni Yahweh.” 47 Sinukat ng lalaki ang patyo sa loob. Ito'y parisukat na limampung metro. Nasa gawing kanluran ang templo at nasa harap nito ang altar.

Ang Patyo sa Loob at ang Templo

48 Isinama niya ako sa bulwagang papasok ng templo. Sinukat niya ang pasukan nito: dalawa't kalahating metro ang lalim at pitong metro naman ang luwang. Ang kapal ng pader ay isa't kalahating metro. 49 Ang haba ng bulwagan ay sampung metro at anim na metro ang lalim. Ito ay may dalawa pang pinakatukod sa magkabila, bukod sa dalawang malalaking poste.

41 Pagkatapos, ipinasok ako ng lalaking iyon sa Dakong Kabanal-banalan. Sinukat niya ang daanan nito: tatlong metro ang taas, limang metro ang luwang at dalawa't kalahating metro naman ang kapal ng pader. Sinukat niya ang bulwagan. Ang haba nito ay dalawampung metro at sampung metro ang luwang. Pumasok siya sa huling silid. Sinukat niya ang daanan nito. Ang taas nito ay isang metro, tatlong metro ang luwang at ang kapal ng pader ay tatlo't kalahating metro. Sinukat niya ang bulwagan. Ang luwang nito ay sampung metro, gayon din ang haba. Sinabi niya sa akin, “Ito ang Dakong Kabanal-banalan.”

Ang mga Silid na Nakadikit sa Pader

At sinukat din niya ang panloob na pader ng templo. Ang kapal nito ay tatlong metro. Sa pader na ito na nakapaligid sa templo ay may sunud-sunod na mga silid na tig-dadalawang metro ang luwang. Tatlong palapag ang mga silid, bawat palapag ay may tatlumpung silid. Ang pader ng palapag sa itaas ay manipis kaysa nasa ibaba pagkat sa gilid ng pader nakasalalay ang bawat palapag. Sa labas ng mga silid na ito ay may malapad na hagdanang nakadikit sa pader at siyang daanan papunta sa mga palapag. Kung tingnan sa labas ay waring pareho ang kapal ng pader mula sa ibaba hanggang sa itaas. Ngunit sa loob, ang itaas na palapag ay maluwang kaysa sumusunod na palapag. Nakita kong may balkonaheng dalawa't kalahating metro sa paligid ng templo. Tatlong metro ang taas nito mula sa lupa at kapantay ng pundasyon ng mga silid sa gilid. 9-10 Ang kapal ng pader ng mga silid na ito ay dalawa't kalahating metro. Sa paligid ng templo ay may bahaging bukás sa pagitan ng balkonahe at ng silid ng mga pari. Ang bakanteng lugar ay may sukat na sampung metro. 11 May isang pinto papunta sa lugar ng mga silid sa gawing hilaga at isa sa timog; ito'y palaging bukás. Ang luwang ng asutea sa palibot ng templo ay dalawa't kalahating metro.

Ang Gusali sa Gawing Kanluran

12 Sa dulo sa gawing kanluran ay may isang gusali na apatnapu't limang metro ang haba at tatlumpu't limang metro naman ang luwang; dalawa't kalahating metro ang kapal ng pader nito.

Ang Kabuuang Sukat ng Templo

13 Sinukat ng lalaki ang labas ng templo. Ang haba nito ay limampung metro. Mula sa likod ng templo hanggang sa gusali sa kanluran ay limampung metro rin. 14 Ang pagitan mula sa harap ng templo, pati ng patyo ay limampung metro rin.

15 Sinukat din niya ang haba ng gusali. Ito'y limampung metro pati ang mga silid sa magkabila.

Ang Templo

Ang mga silid na pasukan sa templo, ang Dakong Banal at ang Dakong Kabanal-banalan, at ang bulwagan sa gawing labas ay 16 nababalot ng tabla, mula sa sahig hanggang bintana. 17-18 Ang loob naman ng templo ay balot ng tablang kasintaas ng pinto at may ukit na larawan ng palmera at kerubin; salitan ang larawan ng palmera at kerubin. Bawat kerubin ay may dalawang mukha: 19 isa ay mukha ng tao, mukha naman ng leon ang isa. Ang mga ito'y magkatalikod at parehong nakatingin sa puno ng palmera. Ganito ang larawang nakaukit sa lahat ng dingding ng templo. 20 Kasintaas ng pinto ang mga tablang may nakaukit na larawan ng kerubin at puno ng palmera.

Ang Altar na Kahoy

21 Ang mga hamba ng pinto ng Dakong Banal ay parisukat. Sa harap ng Dakong Kabanal-banalan ay may parang 22 altar na kahoy. Ang taas nito'y isa't kalahating metro, isang metro naman ang luwang. Kahoy ang mga paa nito, gayon din ang patungan at ang dingding. Sinabi sa akin ng lalaki, “Iyan ang mesa sa harapan ni Yahweh.”

Ang mga Pinto

23 Sa magkabilang dulo ng daanan papunta sa Dakong Banal ay may pinto, gayon din ang papunta sa Dakong Kabanal-banalan. 24 Ang mga pinto ay tigalawang paypay; bawat paypay ay may tigalawang bisagra. 25 Ang pinto papunta sa Dakong Banal ay may nakaukit ding larawan ng kerubin at puno ng palmera, tulad ng nasa dingding. May kahoy na panakip sa labas ng bulwagang-pasukan. 26 Sa bawat panig ng Dakong Banal ay may mga bintana at ang mga dingding ay natatakpan ng tablang may inukit na puno ng palmera.

Santiago 4

Kaaway ng Diyos ang Kaibigan ng Sanlibutan

Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't nagmumula iyan sa mga pagnanasang naglalaban-laban sa inyong kalooban? Mayroon kayong ninanasa ngunit hindi ninyo makamtan, kaya't pumapatay kayo, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong ninanais dahil hindi kayo humihingi sa Diyos. At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan. Mga taksil! Hindi ba ninyo alam na kapag nakipagkaibigan kayo sa sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos? Ang sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos. Huwag ninyong akalaing walang kabuluhan ang sinasabi sa kasulatan, “Ang espiritung inilagay ng Diyos sa atin ay punô ng matitinding pagnanasa.”[a] Ngunit(A) ang Diyos ay nagbibigay ng higit pang pagpapala. Kaya't sinasabi ng kasulatan, “Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.”

Kaya nga, pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo. Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Hugasan ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip. Maghinagpis kayo, umiyak at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong tawanan, at ng kalungkutan ang inyong kagalakan! 10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo.

Huwag Humatol sa Kapwa

11 Mga kapatid, huwag kayong magsiraan sa isa't isa. Ang naninira o humahatol sa kanyang kapatid ay naninira at humahatol sa Kautusan. At kung hinahatulan mo ang Kautusan, hindi ka na tagasunod ng Kautusan kundi isang hukom nito. 12 Ang Diyos lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom. Tanging siya ang may kapangyarihang magligtas at magparusa. Ngunit ikaw, sino ka upang humatol sa iyong kapwa?

Huwag Magmalaki

13 Makinig(B)(C) kayo sa akin, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito at ganoong bayan at isang taon kaming mananatili roon, mangangalakal kami at kikita nang malaki.” 14 Ni hindi nga ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Ang buhay ninyo'y parang usok lamang, sandaling lumilitaw at agad nawawala. 15 Sa halip ay sabihin ninyo, “Kung loloobin ng Panginoon, mabubuhay pa kami at gagawin namin ito o iyon.” 16 Ngunit kayo'y nagmamalaki at nagyayabang, at iyan ay masama!

17 Ang nakakaalam ng mabuti na dapat niyang gawin ngunit hindi ito ginagawa ay nagkakasala.

Mga Awit 118:19-29

19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.

20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!

21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.

22 Ang(A) (B) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
25 Kami(C) ay iligtas,
tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!
At pagtagumpayin sa layuni't hangad.

26 Pinagpala(D) ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
27 Si Yahweh ang Diyos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tayo ay magdala
ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,
at tayo'y lumapit sa dambanang banal.

28 Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako'y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
29 O pasalamatan
ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.

Mga Kawikaan 28:3-5

Ang pinunong sa mahihirap ay sumisiil
    ay tulad ng ulang sumisira sa pananim.
Ang masama ay pinupuri ng masuwayin sa batas,
    ngunit kalaban nila ang mga taong sa tuntunin ay tumutupad.
Hindi alam ng masama kung ano ang katarungan,
    ngunit ang mga sumasamba kay Yahweh, lubos itong maiintindihan.