Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Zacarias 10-11

Ang Pagliligtas ni Yahweh sa Kanyang Bayan

10 Humingi kayo ng ulan kay Yahweh, sa panahon ng tagsibol.

Sa kanya na lumilikha ng ulap at hamog na nagpapasariwa sa mga pananim.
Ang(A) mga diyus-diyosan ay wala ng kabuluhan;
    ang pangitain ng mga manghuhula ay pawang kasinungalingan;
ang mga panaginip nila'y walang katotohanan;
    ang kanilang sinasabi'y wala ring kabuluhan.
Kaya't mga tao'y parang tupang naliligaw,
    pagkat walang pastol na sa kanila'y umaakay.

Ang mga pastol ay aking kinapopootan,
    at ang mga pinuno ay aking paparusahan.
Mahal ko ang Juda, kaya siya'y iingatan,
    palalakasin ko silang parang kabayo sa digmaan.
Sa kanila magmumula ang batong-panulukan;
    sa kanila manggagaling ang tulos ng tolda;
sa kanila magmumula ang panang panudla,
    mula rin sa kanila ang pinunong mamamahala.
Ang mga anak ng Juda ay mabubuo at sila'y magiging isang malakas na hukbo.
    Ang kaaway nila'y kanilang yuyurakan, kanilang tatapakan sa maputik na lansangan.
Sila ay lalaban sapagkat si Yahweh ang kanilang patnubay;
    ibabagsak nila ang mga kawal na kabayuhan.

“Ang sambahayan ni Juda'y bibigyan ko ng lakas;
    ang sambahayan ni Jose'y aking ililigtas.
Ibabalik ko sila sa dating tirahan;
    sapagkat sila ay aking kinahabagan, na para bang di ko sila pinabayaan.
Ako si Yahweh, ang kanilang Diyos,
    aking diringgin ang kanilang dalangin.
Ang mga taga-Efraim ay magdiriwang, katulad nila'y kawal na nagtagumpay.
    Aawit sila sa galak na parang nakainom ng alak.
Makikita ito ng mga anak nila at matutuwa,
    si Yahweh ay pupurihin sapagkat siya ang gumawa.

“Tatawagin ko sila at muling titipunin,
    sa mga kaaway sila'y aking tutubusin;
    at tulad noong una, sila'y pararamihin.
Bagaman(B) sila'y pinangalat ko sa iba't ibang mga bansa,
    hindi nila ako malilimutan doon,
    sila at ang mga anak nila'y maliligtas at makakabalik sa kanilang tahanan.
10 Sila'y aking ibabalik mula sa Egipto,
    at aking titipunin mula sa Asiria;
upang iuwi sa Gilead at Lebanon,
    hanggang ang lupain ay mapuno ng tao.
11 Tatawid sila sa dagat ng Egipto,
    at papayapain ko ang malalaking alon nito;
    aking tutuyuin ang Ilog Nilo.
Ibabagsak ko ang Asiria na palalo,
    maging setro ng Egipto'y tiyak na maglalaho.
12 Ang aking bayan ay aking palalakasin,
    susundin nila ako at sasambahin.”

Ako si Yahweh, ang nagsabi nito.

11 Pintuan mo ay ibukas, lupain ng Lebanon,
    upang lamunin ng apoy ang iyong mga sedar.
Magsitaghoy kayo, mga puno ng sipres
    pagkat bumagsak na ang sedar,
    ang mararangal na punong iyon.
Managhoy rin kayo, mga ensina ng Bashan,
    pagkat nahawan na ang madilim na kagubatan.
Gayon na lamang ang pagtangis ng mga pinuno,
    pagkat karangalan nila'y parang biglang naglaho.
Atungal ng mga leon, iyong pakinggan,
    pagkat gubat ng Jordan ay nasira na't nahawan.

Ang mga Pastol na Walang Kabuluhan

Sinabi sa akin ni Yahweh na aking Diyos, “Ikaw ang mag-alaga sa mga tupa kong papatayin. Pinapatay lamang sila ng nag-aalaga sa kanila ngunit hindi napaparusahan ang mga ito. Ang karne ay ipinagbibili at pagkatapos ay kanilang sinasabi, ‘Purihin si Yahweh! Mayaman na tayo ngayon.’ Maging ang mga pastol ay hindi rin naawa sa kanila. Hindi ko na kahahabagan ang mga tao sa lupaing ito. Pababayaan ko silang mahulog sa kamay ng kanilang kapwa. Wawasakin nila ang lahat ng bansa, isa ma'y wala akong ililigtas!”

Kinuha ako ng mga mamimili upang mag-alaga sa binili nilang tupang papatayin. Kumuha ako ng tungkod; ang isa'y pinangalanan kong Kabutihang Loob, at ang isa nama'y Pagkakaisa. At inalagaan ko nga ang kawan. Sa loob ng isang buwan, tatlong pastol na ang pinaalis ko pagkat naubos na ang pasensiya ko sa kanila. Sila naman ay nasuklam sa akin. Sinabi ko sa kawan, “Mula ngayon, di ko na kayo aalagaan, mamatay na kung sino ang mamamatay sa inyo at mapahamak na kung sino ang mapapahamak. At ang matira ay pababayaan kong mag-away-away. 10 Binali ko ang tungkod na tinawag kong Kabutihang Loob upang ipakilalang wala nang kabuluhan ang kasunduan namin ng mga mamimili. 11 Nang araw ngang yaon, sinira ko ang tipan at nalaman ng mga mamimiling nanonood sa akin noon na ang sinabi ko'y buhat kay Yahweh. 12 Sinabi(C) (D) ko sa kanila, “Kung gusto ninyong ibigay ang aking sahod, salamat; kung ayaw ninyo, sa inyo na lang.” At binigyan nila ako ng tatlumpung pirasong pilak bilang sahod.

13 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ilagay mo iyan sa kabang-yaman ng Templo.”[a] Kaya't kinuha ko ang tatlumpung pirasong pilak bilang pasahod nila sa akin, at ganoon nga ang aking ginawa. 14 Pagkatapos, binali ko rin ang tungkod na tinawag kong Pagkakaisa upang ipakitang wala nang pagkakaisa ang Juda at Israel.

15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mag-ayos kang tulad ng isang pastol na walang kabuluhan. 16 Ang bayan ay bibigyan ko ng isang pastol na walang pagpapahalaga sa mga nawawala, hindi maghahanap sa naligaw, hindi hihilot sa napilayan, ni mag-aalaga sa maysakit. Bagkus, uubusin niya ang matataba, saka itatapon ang buto nito. 17 Kawawa ang pastol na walang kabuluhan at nagpapabaya sa kawan. Isang tabak ang tatama sa kanyang kamay at kanang mata. Ang kamay niya'y mawawalan ng lakas, at mabubulag ang kanang mata.”

Pahayag 18

Ang Pagbagsak ng Babilonia

18 Pagkatapos nito, nakita kong bumababa mula sa langit ang isang anghel na may malaking kapangyarihan. Nagliwanag ang buong daigdig dahil sa kanyang kaluwalhatian. Sumigaw(A) siya nang napakalakas, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Ngayon ay kulungan na lamang siya ng mga demonyo, ng masasamang espiritu, ng maruruming ibon at ng marurumi at kasuklam-suklam na mga hayop. Sapagkat(B) pinainom niya ng alak ng kanyang kahalayan ang lahat ng bansa. Nakiapid sa kanya ang mga hari sa lupa, at ang mga mangangalakal sa buong daigdig ay yumaman sa kanyang mahalay na pamumuhay.”

Narinig(C) ko mula sa langit ang isa pang tinig na nagsasabi,

“Umalis ka sa Babilonia, bayan ko!
    Huwag kang makibahagi sa kanyang mga kasalanan,
    upang hindi ka maparusahang kasama niya!
Sapagkat(D) abot na hanggang langit ang mga kasalanan niya,
    at hindi nalilimutan ng Diyos ang kanyang kasamaan.
Gawin(E) ninyo sa kanya ang ginawa niya sa iba,
    gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa.
Punuin ninyo ang kanyang kopa
    ng inuming higit na mapait kaysa inihanda niya sa iba.
Kung(F) paano siya nagmataas at nagpasasa sa kalayawan,
    palasapin ninyo siya ng ganoon ding pahirap at kapighatian.
Sapagkat lagi niyang sinasabi,
‘Ako'y nakaluklok na isang reyna!
    Hindi ako biyuda,
    hindi ako magluluksa kailanman!’
Dahil dito, daragsa sa kanya ang mga salot sa loob ng isang araw:
    sakit, dalamhati, at taggutom;
at tutupukin siya ng apoy.
    Sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humahatol sa kanya.”

Tatangis(G) at iiyak ang mga haring nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kalayawan sa piling niya, habang tinatanaw nila ang usok ng nasusunog na lungsod. 10 Tatayo sila sa malayo sapagkat takot silang madamay sa dinaranas niyang parusa. Sasabihin nila, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang dakilang Babilonia, ang makapangyarihang lungsod! Sa loob lamang ng isang oras ay naganap ang parusa sa kanya!”

11 Dahil(H) sa kanya'y tatangis din at magdadalamhati ang mga mangangalakal sa daigdig, sapagkat wala nang bibili ng kanilang paninda. 12 Wala(I) nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, alahas at perlas, mga telang lino, seda, telang kulay ube at pula, lahat ng uri ng mabangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante, mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol. 13 Wala nang bibili ng kanilang sinamon at mga pampalasa, kamanyang, mira at insenso, alak at langis, harina at trigo, mga baka at tupa, mga kabayo at karwahe, mga alipin, at maging kaluluwa ng tao. 14 “Wala na ang lahat ng mga bagay na hinangad mo. Ang lahat ng kayamanan mo, pati na ang iyong kagandahan ay naglahong kasama mo at hindi na masisilayan ng mga tao kailanman!” 15 Hindi(J) lalapit ang mga mangangalakal na yumaman sa lungsod na iyon sapagkat takot silang madamay sa kanyang paghihirap. Tatangis sila at magdadalamhati. 16 Sasabihin nila, “Nakakapangilabot ang nangyari sa tanyag na lungsod! Dati'y nadaramtan siya ng lino at telang kulay ube at pula, at napapalamutian ng mga alahas, ginto at perlas! 17 Sa(K) loob lamang ng isang oras ay naglahong lahat iyon!”

Mula sa malayo ay tumanaw ang mga kapitan, mga pasahero, at mga tripulante ng mga sasakyang pandagat, at lahat ng nangangalakal sa dagat, 18 at(L)(M) tinangisan nila ang nasusunog na lungsod habang minamasdan ang usok na nagmumula roon, “Walang katulad ang katanyagan ng lungsod na iyon!” 19 Nagsabog sila ng abo sa kanilang ulo at nanangis, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang nangyari sa dakilang lungsod! Yumaman ang lahat ng tumigil sa kanyang daungan! Ngunit sa loob lamang ng isang oras ay nawalan ng kabuluhan!”

20 Magalak(N) ka, o langit, sa nangyari sa kanya! Magalak kayo, mga hinirang ng Diyos, mga apostol at mga propeta sapagkat hinatulan na siya ng Diyos dahil sa ginawa niya sa inyo!

21 Pagkatapos,(O) isang makapangyarihang anghel ang bumuhat ng isang batong sinlaki ng gilingang-bato at inihagis iyon sa dagat. Sinabi niya, “Ganito karahas ibabagsak ang tanyag na lungsod ng Babilonia, at hindi na siya makikitang muli! 22 Hindi(P)(Q) na maririnig sa kanya ang tinig ng mga mang-aawit at ang himig ng mga tugtugan ng alpa, plauta at trumpeta! Wala nang makikita sa kanyang mga manggagawa at hindi na maririnig ang ingay ng mga gilingan! 23 Wala nang kahit isang ilaw na magliliwanag sa kanya. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikinakasal. Sapagkat naging makapangyarihan sa buong daigdig ang kanyang mangangalakal at dinaya niya ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng pangkukulam.”

24 At natagpuan sa kanya ang dugo ng mga propeta, mga hinirang, at ng lahat ng pinatay sa daigdig.

Mga Awit 146

Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas

146 Purihin si Yahweh!
    Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Pupurihin siya't aking aawitan;
    aking aawitan habang ako'y buháy.

Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
    kahit sa kaninong di makapagligtas;
kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
    kahit anong plano nila'y natatapos.

Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
    sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
    sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
    ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
    Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
    may pagkaing handa, sa nangagugutom.

Pinalaya niya ang mga nabihag;
    isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
    ang mga hinirang niya'y nililingap.
Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
    tumutulong siya sa balo't ulila,
    ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
    Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 30:33

33 Batihin mo ang gatas at may mantekilya ka; suntukin mo ang ilong ng iyong kapwa at dudugo nang sagana; guluhin mo ang iba at mapapaaway ka.