Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Daniel 11:2-35

Ang mga Hari ng Egipto at Siria

“Ngayon, sasabihin ko sa iyo ang katotohanan: Magkakaroon pa ng tatlong hari ang Persia. Pagkatapos, lilitaw naman ang ikaapat na hari na magiging mas mayaman kaysa sa kanilang lahat. Dahil sa kanyang kayamanan, siya'y magiging makapangyarihan at hahamunin niya ang kaharian ng Grecia. Pagkatapos, lilitaw ang isa na namang makapangyarihang hari. Ito ay maghahari sa isang malawak na nasasakupan at gagawin niya ang anumang kanyang maibigan. Kapag naghahari na siya, mahahati sa apat ang kanyang kaharian ngunit isa ma'y walang mauuwi sa kanyang mga kaanak. Ang kaharian niya'y masasakop ng mga taga-ibang bayan, ngunit sinuman sa kanila'y hindi magkakaroon ng kapangyarihang mamahala tulad ng sa kanya.

“Ang hari sa Egipto ay magiging makapangyarihan. Ngunit magiging mas makapangyarihan kaysa kanya ang isa niyang pinuno, at mas magiging malawak ang kaharian nito. Pagkalipas ng ilang taon, ang hari ng Egipto ay makikipagkasundo sa hari ng Siria at ipakakasal sa kanya ang anak nitong babae. Ngunit ang pagkakasundo ay di magtatagal. Siya, ang kanyang asawa't anak at ang mga lingkod na sumama sa kanya ay papataying lahat.

“Hindi magtatagal at isa sa kanyang mga kamag-anak ang magiging hari. Sisirain nito ang tanggulan ng kaharian sa hilaga. Papasukin niya ito at siya'y magtatagumpay. Sasamsamin din niya at iuuwi sa Egipto ang kanilang mga diyus-diyosan, pati ang mga kagamitang pilak at ginto. Pagkalipas noon, hindi na niya muling sasalakayin ang kaharian sa hilaga sa loob ng maraming taon. At sila naman ang sasalakayin ng mga taga-hilaga. Madadaig sila ngunit babalik din ang mga iyon sa kanilang lupain.

10 “Ang mga anak ng hari ng Siria ay magtitipon ng maraming kawal at maghahanda sa pakikipagdigma. Parang baha na sasalakayin ng isa sa kanila ang tanggulan ng hari ng Egipto. 11 Dahil dito, galit na haharapin sila ng hari ng Egipto, kasama ang marami nitong kawal na lulupig sa kanila. 12 Bunga nito, magiging palalo ang hari ng Egipto dahil sa libu-libong kawal na napatay niya, ngunit hindi magtatagal ang kanyang pagtatagumpay. 13 Ang hari ng Siria ay muling magtatayo ng hukbo na mas malaki kaysa una nitong hukbo. Pagkalipas ng ilang taon, muli itong sasalakay kasama ang mas maraming kawal na may dalang napakaraming kagamitang pandigma.

14 “Sa panahong iyon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng Egipto, kabilang na ang mga kababayan mong mapupusok. Mag-aalsa rin sila upang matupad ang kanilang hangarin, ngunit mabibigo silang lahat. 15 Ang hari ng Siria ay darating upang kubkubin at salakayin ang isang matibay na lunsod. Walang magagawa ang hukbo ng hari ng Egipto pati ang mga pinakamahuhusay na kawal nito. 16 Kaya't magagawa ng Asirianong manlulupig ang lahat ng gusto niya at walang sinumang makakahadlang sa kanya. Sasakupin niya ang lupang pangako at lubusan itong mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan.

17 “Pipilitin niyang sakupin ang buong kaharian ng Egipto. Makikipagkasundo siya sa hari doon at iaalok ang kanyang anak na babae upang maging asawa nito sa layuning wasakin ang kaharian ng Egipto. Ngunit hindi magtatagumpay ang kanyang layunin. 18 Pagkaraan niyon, haharapin niya ang mga bansa sa baybay-dagat at bibihagin ang marami sa mga tagaroon. Ngunit matatalo siya ng isang pinuno at ito ang puputol sa kanyang kapalaluan upang hindi siya makaganti. 19 Ang haring ito ay babalik sa mga kuta ng kanyang lupain ngunit matatalo rin at mamamatay.

20 “Ang papalit sa haring ito ay magsusugo ng mga taong sapilitang maniningil ng buwis para sa karangalan ng kaharian. Ngunit hindi magtatagal, siya'y mamamatay nang hindi dahil sa labanan o sa digmaan.

Ang Masamang Hari ng Siria

21 “May lilitaw na isang malupit at kinapopootang tao na gustong maging hari. Ngunit hindi ibibigay sa kanya ang karapatan sa trono. Kaya, bigla niyang aagawin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya at katusuhan. 22 Gagapiin niya at dudurugin ang mga hukbong sandatahan pati ang Dakilang Pari. 23 Makikipagkasundo siya sa maraming mga bansa, ngunit dadayain niya ang mga ito. Bagama't kakaunti ang kanyang mga tauhan, siya ay magiging makapangyarihan. 24 Lihim niyang kukunin ang pinakamayayamang bahagi ng lalawigan. Gagawin niya ang mga bagay na hindi ginawa ng kanyang mga ninuno. Ang kanyang mga tagasunod ay bibigyan niya ng bahagi mula sa mga nasamsam nila sa digmaan. Iisip siya ng mga panukala upang lusubin ang iba't ibang kuta, ngunit hindi siya magtatagal.

25 “Ang haring ito ay magtatatag ng isang malaking hukbo upang ipakita ang kanyang lakas at tapang laban sa hari ng Egipto, ngunit mas malaki at mas malakas ang hukbong ihaharap nito sa kanya. Gayunman, madadaya ang hari ng Egipto at siya ay hindi magtatagumpay. 26 Pagtatangkaan siyang patayin maging ng mga kasalo niya sa pagkain. Malulupig din ang kanyang hukbo at marami ang mamamatay sa labanan. 27 Ang dalawang hari na kapwa may masamang balak ay magkasalong kakain at magsasalita ng kasinungalingan sa isa't isa. Gayunman, walang mangyayari sa iniisip nila sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon. 28 Ang hari ng Siria ay uuwing taglay ang malaking kayamanang nasamsam niya. Ngunit bago siya umuwi sa sariling kuta, uusigin muna niya ang relihiyon ng bayan ng Diyos.

29 “Pagdating ng takdang araw, sasalakayin niyang muli ang Egipto, ngunit sa pagkakataong iyon, ang mangyayari'y hindi tulad noong una. 30 Hahadlangan(A) siya ng hukbong-dagat ng Kitim at matatakot siya. Dahil dito, aatras siya at ibubuhos sa relihiyon ng bayan ng Diyos ang kanyang poot. Sa pagbabalik niyang ito, pahahalagahan niya ang payo ng mga tumalikod sa presensya ng Diyos. 31 Magpapadala(B) siya ng mga hukbong sandatahan upang lapastanganin ang Templo. Ipapatigil niya ang araw-araw na paghahandog at ipapalit ang kasuklam-suklam na kalapastanganan. 32 Aakitin niya sa pamamagitan ng panlilinlang ang mga Judiong tumalikod sa kasunduan, ngunit maninindigan ang mga nananatiling tapat sa kanilang Diyos. 33 Tuturuan ng marurunong sa lupain ang mga tao kahit na sa simula ay mamamatay ang iba sa kanila sa pamamagitan ng espada at apoy o mabihag at pagnakawan. 34 Sa kanilang pagkatalo, may ilan lamang na tutulong sa kanila bagama't marami ang magkukunwaring kasama nila. 35 Ilan sa marurunong ang nagbubuwis ng buhay upang ang mga nalabi sa kanila ay maging dalisay at malinis hanggang sa dumating ang takdang wakas.

1 Juan 3:7-24

Mga anak, huwag kayong palinlang kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng matuwid ay matuwid tulad ni Cristo. Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y nagkakasala na ang diyablo. Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.

Ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat nananatili sa kanila ang binhing mula sa Diyos. At dahil ang Diyos ang ama nila, hindi sila maaaring magpatuloy sa pagkakasala. 10 Dito natin makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng ayon sa kalooban ng Diyos at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos.

Magmahalan Tayo

11 Ito(A) ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. 12 Huwag(B) tayong tumulad kay Cain na kampon ng diyablo. Pinaslang niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid.

13 Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. 14 Nalalaman(C) nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. 15 Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. 16 Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa mga kapatid. 17 Kapag nakita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagkaitan niya ito ng tulong, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos? 18 Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan ng salita lamang, kundi patunayan natin ito sa pamamagitan ng gawa.

Panatag na Kalooban at Pananatili sa Diyos

19 Dito nga natin matitiyak na tayo'y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos 20 sakali mang tayo'y usigin nito. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi, at alam niya ang lahat ng bagay. 21 Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, makakalapit tayo sa Diyos na panatag ang ating kalooban. 22 Tinatanggap natin ang anumang ating hilingin sa kanya dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. 23 Ito(D) ang kanyang utos: sumampalataya tayo sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan tayo gaya ng iniutos ni Cristo sa atin. 24 Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At nalalaman nating nananatili siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin.

Mga Awit 122

Awit ng Parangal para sa Jerusalem

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

122 Ako ay nagalak nang sabihin nila:
    “Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh.”
Sama-sama kami matapos sapitin,
    ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem.

Itong Jerusalem ay napakaganda,
    matatag at maayos na lunsod siya.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
    lipi ni Israel upang manambahan,
ang hangad, si Yahweh ay pasalamatan,
    pagkat ito'y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
    at trono ng haring hahatol sa tanan.

Ang kapayapaan nitong Jerusalem, sikaping kay Yahweh ito'y idalangin:
    “Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain.
    Pumayapa nawa ang banal na bayan,
    at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”
Alang-alang sa kasama at pamilya ko,
    sa iyo Jerusalem, ang sabi ko'y ito: “Ang kapayapaa'y laging sumaiyo.”
Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos,
    ang aking dalangi'y umunlad kang lubos.

Mga Kawikaan 29:1

29 Ang taong ayaw magbago ay hindi maliligtas;
    ang hindi makinig ng payo ay mapapahamak.