Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 95

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

95 Tayo na't lumapit
    kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.

Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
Siya(A) (B) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.

At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
“Iyang(C) inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
10 Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
‘Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’
11 Kaya't(D) sa galit ko,
ako ay sumumpang hindi sila makakapasok
at makakapagpahinga sa aking piling.”

Mga Awit 22

Panambitan at Awit ng Papuri

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.

22 O(A) Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
    Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
    di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
    at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
    sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
    nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.

Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
    hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
Pinagtatawanan(B) ako ng bawat makakita sa akin,
    inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
Sabi(C) nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
    darating ang kanyang saklolo!”

Noong ako ay iluwal, ikaw, O Diyos, ang patnubay,
    magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10 Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
    mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11 Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
    pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.

12 Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
    mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13 Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
    umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.

14 Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
    ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
    parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15 Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
    ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.

16 Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid,
    para akong nasa gitna ng mga asong ganid;
    mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.
17 Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto,
    tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.
18 Mga(D) damit ko'y kanilang pinagsugalan,
    at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.

19 O Yahweh, huwag mo sana akong layuan!
    Ako ay tulungan at agad na saklolohan!
20 Iligtas mo ako sa talim ng tabak,
    at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat.
21 Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin,
    sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin.
    O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin.
22 Mga(E) ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,
    sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.
23 Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!
    Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,
    bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!
24 Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak,
    hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap;
    sinasagot niya agad ang mga kapus-palad.

25 Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
    sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
    ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26 Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
    mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!

27 Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
    lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28 Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
    naghahari siya sa lahat ng mga bansa.

29 Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
    yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30 Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
    ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31 Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
    “Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”

Mga Awit 141

Panalangin sa Gabi

Awit ni David.

141 Sa iyo, O Yahweh, ako'y dumadalangin
    sa aking pagtawag, ako sana'y dinggin.
Ang(A) aking dalangin sana'y tanggapin mo, masarap na samyong handog na insenso;
    itong pagtaas ng mga kamay ko.

O Yahweh, bibig ko ay iyong bantayan,
    ang mga labi ko'y lagyan mo ng bantay.
Huwag mong babayaang ako ay matukso,
    sa gawang masama ay magumon ako;
ako ay ilayo, iiwas sa gulo,
    sa handaan nila'y nang di makasalo.

Pagkat may pag-ibig, ang mabuting tao puwedeng magparusa't pagwikaan ako,
    ngunit ang masama ay hindi ko ibig na ang aking ulo'y buhusan niya ng langis;
    pagkat ang dalangin at lagi kong hibik, ay laban sa gawa niyang malulupit.
Kung sila'y bumagsak tuloy na hatulan,
    maniniwala na ang mga nilalang na ang salita ko ay katotohanan.
Tulad ng panggatong na pira-piraso,
    sa pinaglibinga'y kakalat ang buto.

Di ako hihinto sa aking pananalig,
    ang pag-iingat mo'y aking ninanais,
    huwag mong itutulot, buhay ko'y mapatid.
Sa mga patibong ng masamang tao,
    ilayo mong lubos, ingatan mo ako.
10 Iyong pabayaang sila ang mahulog,
    samantalang ako'y ligtas mong kinupkop.

Mga Awit 143

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Awit ni David.

143 Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin,
    tapat ka't matuwid, kaya ako'y dinggin.
Itong(A) iyong lingkod, huwag mo nang subukin,
    batid mo nang lahat, kami ay salarin.

Ako ay tinugis ng aking kaaway,
    lubos na nilupig ng aking kalaban;
sa dilim na dako, ako ay nakulong,
    tulad ko'y patay nang mahabang panahon.
Ang kaluluwa ko'y halos sumuko na,
    sapagkat ang buhay ko'y wala nang pag-asa.

Araw na lumipas, aking nagunita,
    at naalala ang iyong ginawa,
    sa iyong kabutihan, ako ay namangha!
Ako'y dumalangin na taas ang kamay,
    parang tuyong lupa ang diwa kong uhaw. (Selah)[a]

Nawala nang lahat ang aking pag-asa,
    kaya naman, Yahweh, ako'y dinggin mo na!
Kung ika'y magkubli, baka ang hantungan
    ako ay ituring na malamig na bangkay,
    at ang tunguhin ko'y madilim na hukay.
Ako ay umasa, sa iyo nagtiwala, sa pagsapit ng umaga ay ipagugunita
    yaong pag-ibig mo na lubhang dakila.
Ang aking dalangin na sa iyo'y hibik,
    patnubayan ako sa daang matuwid.

Iligtas mo ako sa mga kalaban,
    ikaw lang, O Yahweh, ang aking kanlungan.
10 Ikaw ang aking Diyos, ako ay turuan
    na aking masunod ang iyong kalooban;
ang Espiritu[b] mo'y maging aking tanglaw sa aking paglakad sa ligtas na daan.
11 Ikaw ay nangakong ako'y ililigtas, pagkat dakila ka, iligtas mo agad;
    iligtas mo ako sa mga bagabag.
12 Dahilan sa iyong pagtingin sa akin, ang mga kaaway ko'y iyong lipulin;
    ang nagpapahirap sa aki'y wasakin,
    yamang ang lingkod mo ay iyong alipin.

Jeremias 29:1

Ang Sulat ni Jeremias para sa mga Dinalang-bihag

29 Nagpadala(A) ng sulat si Propeta Jeremias mula sa Jerusalem para sa nalalabing matatandang bihag, mga pari at mga propeta, at lahat ng taong dinalang-bihag ni Nebucadnezar sa Babilonia.

Jeremias 29:4-13

“Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa lahat ng mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia: Magtayo kayo ng mga bahay at diyan na kayo tumira; magtanim kayo at inyong kanin ang bunga niyon. Mag-asawa kayo upang magkaanak; bayaan ninyong mag-asawa ang inyong mga anak, nang sila'y magkaanak din. Magpakarami kayo, at huwag ninyong hayaang kayo'y umunti. Ngunit pagyamanin ninyo ang lunsod na pinagdalhan ko sa inyo. Idalangin ninyo sila kay Yahweh sapagkat kayo rin ang makikinabang kung sila'y umunlad. Huwag kayong magpapalinlang sa inyong mga propeta at mga manghuhula. Huwag kayong basta-bastang maniniwala sa kanilang mga panaginip. Tandaan ninyo: Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo; sila'y hindi ko sinugo, ang sabi ni Yahweh.

10 “Subalit(A) ito ang aking sinabi: Pagkatapos lamang ng pitumpung taon ng pagkabihag sa Babilonia, muli kong ipadarama ang pag-ibig ko sa inyo. Tutuparin ko ang aking pangakong ibabalik kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo. 11 Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa. 12 Kung maganap na ito, kayo'y tatawag, lalapit, at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo. 13 Kapag(B) hinanap ninyo ako, ako'y inyong matatagpuan; kung buong puso ninyo akong hahanapin.

Roma 11:13-24

Ang Kaligtasan ng mga Hentil

13 Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako'y apostol para sa inyo, ipinagmamalaki ko ang aking katungkulan. 14 Ginagawa ko ito upang inggitin ang aking mga kababayang Judio, at nang sa gayon ay maligtas kahit ang ilan sa kanila. 15 Kung ang pagkatakwil sa kanila ay naging daan upang ipagkasundo sa Diyos ang sanlibutan, ang muling pagtanggap sa kanila ng Diyos ay matutulad sa muling pagkabuhay ng patay!

16 Kung banal ang unang tinapay mula sa masa ng harina, gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ng punongkahoy ay banal, gayundin ang mga sanga nito. 17 Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sanga ng olibong ligaw ang idinugtong sa puno upang makabahagi sa buhay na nanggagaling sa ugat ng punong ito, 18 huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat; ang mga ugat ang bumubuhay sa iyo.

19 Sasabihin mo naman, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.” 20 Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya, ngunit ikaw naman ay nananatili sa puno dahil sa iyong pananampalataya. Kaya't huwag kang magmalaki, sa halip ay matakot ka. 21 Sapagkat kung ang mga tunay na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw pa kaya ang panghinayangan niya? 22 Dito'y nakikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos. Naging mabagsik siya sa mga hindi sumasampalataya sa kanya, subalit mabuti siya sa inyo, kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Kung hindi, kayo ma'y puputulin din. 23 Ang mga Judio'y idudugtong niyang muli sa puno kung sila ay sasampalataya, sapagkat kayang gawin iyon ng Diyos. 24 Kung ikaw na sangang galing sa olibong ligaw ay naidugtong sa tunay na olibo, kahit na ito'y salungat sa kalikasan, lalo pang madaling idugtong sa puno ang mga talagang sanga nito.

Juan 11:1-27

Ang Pagkamatay ni Lazaro

11 May(A) isang taong nagngangalang Lazaro na nagkasakit. Nakatira siya sa Bethania kasama ang mga kapatid niyang sina Maria at Martha. Si(B) Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.”

Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”

Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Martha, Maria at Lazaro. Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.”

Sumagot ang mga alagad, “Rabi, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga tao? Bakit pupunta na naman kayo doon?”

Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. 10 Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag.” 11 Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.”

12 “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad.

13 Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. 14 Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro; 15 ngunit dahil sa inyo, ako'y nagagalak na wala ako roon, nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.”

16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na Kambal, sa kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa kanya, nang mamatay tayong kasama niya.”

Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay

17 Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, 19 at maraming Judio ang dumalaw kina Martha at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.

20 Nang mabalitaan ni Martha na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Martha, “Panginoon, kung narito po kayo, hindi sana namatay ang kapatid ko. 22 Subalit alam kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.”

23 “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” sabi ni Jesus.

24 Sumagot(C) si Martha, “Alam ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.”

25 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?”

27 Sumagot siya, “Opo, Panginoon! Naniniwala po akong kayo ang Cristo, ang Anak ng Diyos na inaasahang darating sa sanlibutan.”

Juan 12:1-10

Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus(A)

12 Anim na araw bago sumapit ang Pista ng Paskwa, si Jesus ay nagpunta sa Bethania, kung saan nakatira si Lazaro na kanyang muling binuhay. Isang hapunan ang inihanda roon para sa kanya. Si Lazaro ay isa sa mga kasalo ni Jesus samantalang si Martha naman ay tumutulong sa paglilingkod sa kanila. Kumuha(B) naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok. At napuno ang buong bahay ng halimuyak ng pabango. Ito'y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, “Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan!” Sinabi iyon ni Judas, hindi dahil sa siya'y may malasakit sa mga dukha, kundi dahil sa siya'y magnanakaw. Siya ang tagapagdala ng kanilang salapi, at madalas niyang kinukupitan ito.

Ngunit sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Hayaan ninyong ilaan niya ito para sa araw ng aking libing. Habang(C) panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.”

Ang Balak Laban kay Lazaro

Nabalitaan ng maraming Judio na si Jesus ay nasa Bethania kaya't nagpunta sila roon upang makita siya at si Lazaro, na kanyang muling binuhay. 10 Kaya't binalak ng mga punong pari na ipapatay din si Lazaro,

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.