Book of Common Prayer
Awit ng Pagpaparangal sa Jerusalem
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah.
87 Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod,
2 ang lunsod na ito'y
higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
3 Kaya't iyong dinggin
ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah)[a]
4 “Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama,
aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.”[b]
5 At tungkol sa Zion,
sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
6 Si Yahweh ay gagawa,
ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah)[c]
7 sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing,
“Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.”
IKAAPAT NA AKLAT
Ang Diyos at ang Tao
Panalangin ni Moises, ang lingkod ng Diyos.
90 Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan,
buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan.
2 Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
ikaw noon ay Diyos na,
pagkat ika'y walang hanggan.
3 Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
4 Ang(A) sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
5 Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
6 Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak,
kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.
7 Sa tindi ng iyong galit, para kaming nauupos,
sa simbuyo ng galit mo'y lubos kaming natatakot.
8 Aming mga kasalanan, sa harap mo'y nahahayag,
mga sala naming lihim ay kita mo sa liwanag.
9 Sa kamay mo'y nagwawakas itong hiram naming buhay,
parang bulong lamang ito na basta lang dumaraan.
10 Buhay(B) nami'y umaabot ng pitumpung taóng singkad,
minsan nama'y walumpu, kung kami'y malakas;
ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa't hirap,
pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.
11 Ang tindi ng iyong galit sino kaya ang tatarok?
Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot?
12 Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
13 Hanggang kailan pa ba, Yahweh, ang ganitong kalagayan?
Parang awa mo na, mga lingkod mo'y iyong tulungan!
14 Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig,
at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
15 At ang aming kahirapan palitan mo ng ginhawa,
singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
16 Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din.
17 Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin!
Magtagumpay nawa kami!
Awit ng Pagpapasalamat
136 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
2 Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
3 Ang Panginoon ng mga panginoon ay ating pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
4 Dakilang himala at kababalaghan, tanging kanya lamang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
5 Itong(B) kalangitan kanyang ginawa nang buong kahusayan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
6 Nilikha(C) ang lupa at pati ang tubig nitong kalaliman.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
7 Siya(D) ang lumikha, siya ang gumawa, ng araw at buwan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
8 Nilikha ang araw upang sa maghapon ay siyang tumanglaw.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
9 At kanyang nilikhang pananglaw kung gabi, bituin at buwan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
10 Ang(E) mga panganay ng mga Egipcio ay kanyang pinatay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
11 Mula(F) sa Egipto kanyang inilabas ang bayang hinirang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
12 Ang ginamit niya'y mga kamay niyang makapangyarihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
13 Ang(G) Dagat na Pula,[a] kanyang inutusan at nahati naman.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
14 Ang pinili niyang bayan ng Israel ay doon dumaan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
15 Ngunit nilunod niya itong Faraon at hukbong sandatahan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
16 Nang mailabas na'y siya ang kasama habang nasa ilang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
17 Pinagpapatay niya yaong mga haring may kapangyarihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
18 Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
19 Siya(H) ang pumatay sa haring Amoreo, ang haring si Sihon.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
20 Siya(I) rin ang pumatay sa bantog na si Og, ang hari ng Bashan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
21 Ang lupain nila'y ipinamahagi sa kanyang hinirang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
22 Ipinamahagi niya sa Israel, bayang minamahal.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
23 Di niya nilimot nang tayo'y malupig ng mga kaaway.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
24 Pinalaya tayo, nang tayo'y masakop ng mga kalaban.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
25 Lahat ng pagkain ng tao at hayop, siya'ng nagbibigay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
26 Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Ang Talinghaga ng mga Damit-panloob
13 Ganito ang utos sa akin ni Yahweh, “Bumili ka ng mga damit-panloob na yari sa linen at iyong isuot ngunit huwag mong babasain.” 2 Kaya bumili nga ako ng damit-panloob, ayon sa sinabi ni Yahweh, at aking isinuot. 3 Pagkatapos ay inutusan akong muli ni Yahweh, 4 “Pumunta ka sa Ilog Eufrates; hubarin mo ang damit-panloob, at iyong itago sa isang butas sa bato.” 5 Kaya ginawa ko ang iniutos sa akin ni Yahweh at pagkatapos, ako'y umuwi.
6 Makalipas ang maraming araw, pinabalik niya ako sa Eufrates upang kunin ang mga damit-panloob na kanyang ipinatago. 7 Nagbalik naman ako sa Eufrates at kinuha ang damit sa aking pinagtaguan. Ngunit sira na ito at hindi na mapapakinabangan.
8 Muling nagsalita si Yahweh, 9 “Ganyan ang gagawin ko sa palalong Juda at sa mas palalo pang Jerusalem. 10 Ang masasamang taong ito'y hindi sumunod sa aking mga utos; lalo silang nagmatigas at sinunod ang kanilang sariling kagustuhan. Sumamba pa sila at naglilingkod sa mga diyus-diyosan. Matutulad sila sa sirang damit-panloob na wala nang kabuluhan. 11 Kung paanong kumakapit sa katawan ng tao ang damit-panloob, gayon ang nais ko sa mga taga-Israel at taga-Juda—na sila'y kumapit sa akin nang mahigpit. Ginawa ko ito upang sila'y maging karapat-dapat na bansang hinirang, at sa gayo'y papurihan nila at parangalan ang aking pangalan. Ngunit ayaw naman nilang sumunod sa akin.”
12 Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong mga katawang may kamatayan upang hindi na ninyo sundin ang masasamang hilig nito. 13 Huwag na ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay na at muling binuhay, at ihandog ninyo sa kanya ang inyong katawan bilang kasangkapan sa kabutihan. 14 Sapagkat hindi na dapat maghari sa inyo ang kasalanan, dahil kayo'y wala na sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.
Mga Alipin ng Katuwiran
15 Ngayon, malaya na ba tayong magkasala dahil wala na tayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos?
Hinding-hindi! 16 Hindi ba ninyo alam na kapag nagpasakop kayo sa sinumang inyong sinusunod, kayo'y nagiging alipin nito, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o ang pagsunod sa Diyos na hahantong sa pagiging matuwid? 17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating mga alipin ng kasalanan ay taos pusong sumunod sa katotohanan na nasa aral na ibinigay sa inyo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at kayo ngayon ay mga alipin na ng katuwiran. 19 Gumagamit ako ng karaniwang pangungusap dahil sa inyong likas na kahinaan. Kung paanong ipinailalim ninyo noong una ang inyong sarili sa karumihan at sa kasamaang palala nang palala, isuko ninyo ngayon ang inyong sarili bilang alipin ng katuwiran para sa mga banal na layunin.
20 Noong alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo saklaw ng katuwiran. 21 Ano ang napala ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang ibinubunga ng mga iyon. 22 Ngunit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang natamo ninyo'y isang buhay na banal at ang ibinubunga nito'y buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig sa mga salita ng Diyos, subalit ayaw ninyong makinig sa akin sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”
Si Jesus at si Abraham
48 Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Hindi ba tama ang sinabi naming ikaw ay Samaritano at sinasapian ng demonyo?”
49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasapian ng demonyo. Pinaparangalan ko ang aking Ama ngunit ako'y nilalapastangan ninyo. 50 Hindi ako naghahangad na ako'y parangalan; may isang nagsisikap na ako'y parangalan, at siya ang hahatol. 51 Pakatandaan ninyo: ang tumutupad ng aking salita ay hindi mamamatay kailanman.”
52 Sinabi ng mga Judio, “Ngayo'y natitiyak naming sinasapian ka nga ng demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, ngunit sinasabi mong hindi mamamatay kailanman ang sinumang tumutupad ng iyong aral. 53 Mas magaling ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham? Siya'y namatay, gayundin ang mga propeta. Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili?”
54 Sumagot si Jesus, “Kung ako ang nagpaparangal sa aking sarili, walang kabuluhan iyon. Ang nagpaparangal sa akin ay ang aking Ama na sinasabi ninyong Diyos ninyo. 55 Hindi ninyo siya kilala, ngunit siya'y kilala ko. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, ako'y magiging sinungaling na tulad ninyo. Subalit kilala ko siya at tinutupad ko ang kanyang salita. 56 Natuwa ang inyong amang si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang araw ng aking pagdating. Nakita nga niya ito at siya'y nagalak.”
57 Dahil dito'y sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taong gulang, paano mo masasabing nakita mo na si Abraham?”[a]
58 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: bago pa ipinanganak si Abraham, ‘Ako ay Ako Na’.”
59 Nagsidampot sila ng bato upang siya'y batuhin, ngunit nagtago si Jesus at lumabas ng Templo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.