Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Patotoo ni Asaf. Isang Awit.
80 O(A) Pastol ng Israel, iyong pakinggan,
ikaw na pumapatnubay kay Jose na parang kawan;
ikaw na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin, ikaw ay magliwanag
2 sa harapan ng Efraim, ng Benjamin at ng Manases!
Pakilusin mo ang iyong kapangyarihan,
at pumarito ka upang kami'y iligtas.
3 Panunumbalikin mo kami, O Diyos;
paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!
4 O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
hanggang kailan ka magagalit sa dalangin ng bayan mo?
5 Iyong pinakain sila ng tinapay ng mga luha,
at binigyan mo sila ng maiinom na mga luhang sagana.
6 Ginawa mo kaming kaalitan sa aming mga kalapit-bansa,
at ang mga kaaway namin ay nagtatawanang sama-sama.
7 Panunumbalikin mo kami, O Diyos ng mga hukbo;
paliwanagin mo ang iyong mukha upang kami ay maligtas!
8 Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Ehipto;
iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo ito.
9 Inihanda mo ang lupa para doon,
ito'y nag-ugat nang malalim at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyon,
ang malalaking sedro at ang mga sanga nito,
11 ang kanyang mga sanga hanggang sa dagat ay umabot,
at ang kanyang mga supling hanggang sa Ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang mga pader niya,
anupa't lahat ng dumaraan ay pumipitas ng kanyang bunga?
13 Sinisira ito ng baboy-damo na mula sa kagubatan,
at nanginginain doon ang lahat ng gumagalaw sa parang.
14 Bumalik kang muli, O Diyos ng mga hukbo, isinasamo namin sa iyo.
Tumungo ka mula sa langit, at masdan mo;
pahalagahan mo ang puno ng ubas na ito,
15 ang punong itinanim ng kanang kamay mo,
at sa anak na iyong pinalaki para sa iyong sarili.
16 Sinunog nila iyon sa apoy, iyon ay kanilang pinutol;
sa saway ng iyong mukha sila'y nalipol!
17 Ipatong nawa ang iyong kamay sa tao ng kanang kamay mo,
sa anak ng tao na iyong pinalakas para sa sarili mo.
18 Sa gayo'y hindi kami tatalikod sa iyo;
bigyan mo kami ng buhay, at tatawag kami sa pangalan mo.
19 Panunumbalikin mo kami, O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!
146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
147 Purihin ang Panginoon!
Sapagkat mabuting umawit ng mga papuri sa ating Diyos;
sapagkat siya'y mapagpala at ang awit ng papuri ay naaangkop.
2 Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem;
kanyang tinitipon ang mga itinapon mula sa Israel.
3 Kanyang pinagagaling ang mga may pusong wasak,
at tinatalian ang kanilang mga sugat.
4 Ang bilang ng mga bituin ay kanyang binibilang,
ibinibigay niya sa kanilang lahat ang mga pangalan nila.
5 Dakila ang ating Panginoon, at sa kapangyarihan ay sagana,
hindi masukat ang kanyang unawa.
6 Inaalalayan ng Panginoon ang nahihirapan,
kanyang inilulugmok sa lupa ang masama.
7 Umawit kayo ng may pagpapasalamat sa Panginoon;
umawit kayo sa lira ng mga papuri sa ating Diyos!
8 Tinatakpan niya ng mga ulap ang mga kalangitan,
naghahanda siya para sa lupa ng ulan,
nagpapatubo siya ng damo sa kabundukan.
9 Siya'y nagbibigay sa hayop ng kanilang pagkain,
at sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.
10 Ang kanyang kaluguran ay wala sa lakas ng kabayo,
ni ang kanyang kasiyahan sa mga binti ng tao,
11 ngunit ang Panginoon ay nalulugod sa mga natatakot sa kanya,
sa kanyang tapat na pag-ibig ay umaasa.
12 Purihin mo, O Jerusalem, ang Panginoon!
Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion!
13 Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan,
pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan;
binubusog ka niya ng trigong pinakamainam.
15 Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa;
mabilis na tumatakbo ang kanyang salita.
16 Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa;
siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya.
17 Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol,
sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon?
18 Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon;
kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy.
19 Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob,
ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel.
20 Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa,
at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman.
Purihin ninyo ang Panginoon!
13 At(A) sinabi ng Panginoon,
“Sapagkat ang bayang ito ay lumalapit sa pamamagitan ng kanilang bibig,
at pinapupurihan ako ng kanilang labi,
samantalang malayo ang kanilang puso sa akin,
at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na natutunan sa pamamagitan ng pagsasaulo;
14 dahil(B) dito,
muli akong gagawa ng kahanga-hangang mga gawa sa bayang ito,
kahanga-hanga at kagila-gilalas,
at ang karunungan ng kanilang mga pantas ay mapapawi,
at ang unawa ng kanilang mga taong may unawa ay malilihim.”
15 Kahabag-habag sila, na itinatago nang malalim ang kanilang payo sa Panginoon
at ang mga gawa ay nasa kadiliman,
at kanilang sinasabi, “Sinong nakakakita sa atin? At sinong nakakakilala sa atin?”
16 Inyong(C) binabaligtad ang mga bagay!
Ituturing bang putik ang magpapalayok;
upang sabihin ng bagay na niyari sa gumawa sa kanya,
“Hindi niya ako ginawa”;
o sabihin ng bagay na inanyuan sa kanya na nag-anyo nito,
“Siya'y walang unawa”?
Ang Pagtubos sa Israel
17 Hindi ba sandaling-sandali na lamang,
at ang Lebanon ay magiging mabungang lupain,
at ang mabungang lupain ay ituturing na gubat?
18 At sa araw na iyon ay maririnig ng bingi
ang mga salita ng isang aklat,
at mula sa kanilang kapanglawan at kadiliman
ang mga mata ng bulag ay makakakita.
19 Ang maamo ay magtatamo ng sariwang kagalakan sa Panginoon,
at ang dukha sa gitna ng mga tao ay magagalak sa Banal ng Israel.
20 Sapagkat ang malupit ay mauuwi sa wala,
at ang manlilibak ay tumigil,
at ang lahat ng naghihintay sa paggawa ng kasamaan ay tatanggalin,
21 iyong mga nagdadala sa tao sa kahatulan,
at naglalagay ng bitag para sa tagahatol sa may pintuan,
at walang dahilang ipinagkakait ang katarungan sa nasa katuwiran.
22 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, na siyang tumubos kay Abraham, tungkol sa sambahayan ni Jacob,
“Si Jacob ay hindi na mapapahiya,
hindi na mamumutla ang kanyang mukha.
23 Sapagkat kapag kanyang nakikita ang kanyang mga anak,
ang gawa ng aking mga kamay, sa gitna niya,
ay kanilang pababanalin ang aking pangalan;
kanilang pababanalin ang Banal ni Jacob,
at tatayong may paggalang sa Diyos ng Israel.
24 Sila namang nagkakamali sa espiritu ay darating sa pagkaunawa,
at silang nagbubulung-bulungan ay tatanggap ng aral.”
22 At hindi ako nakakita ng templo roon, sapagkat ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ang siyang templo roon.
23 At(A) ang lunsod ay hindi nangangailangan ng araw, o ng buwan man, upang magbigay-liwanag sa kanya, sapagkat ang liwanag niya ay ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang ilaw doon ay ang Kordero.
24 Ang(B) mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito; at ang mga hari sa lupa ay magdadala ng kanilang karangalan sa kanya.
25 At(C) ang mga pintuan niyon ay hindi isasara kailanman sa araw; sapagkat hindi magkakaroon doon ng gabi.
26 Dadalhin nila sa loob niyon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa;
27 at(D) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, o ang sinumang gumagawa ng karumaldumal o ng kasinungalingan, kundi sila lamang na nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.
Ang Ilog ng Buhay
22 At(E) ipinakita sa akin ng anghel[a] ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng kristal, na lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng Kordero
2 sa(F) gitna ng lansangan ng lunsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay naroon ang punungkahoy ng buhay, na namumunga ng labindalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawat buwan; at ang mga dahon ng punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.
3 At(G) hindi na roon magkakaroon pa ng isinumpa. Ngunit ang trono ng Diyos at ng Kordero ay matatagpuan doon, at siya'y paglilingkuran ng kanyang mga alipin;
4 at makikita nila ang kanyang mukha at ang kanyang pangalan ay masusulat sa kanilang mga noo.
5 Hindi(H) na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magbibigay-liwanag sa kanila, at sila'y maghahari magpakailanpaman.
Dinalaw ni Maria si Elizabeth
39 Nang mga araw na iyon ay tumindig si Maria at nagmadaling pumunta sa isang bayan ng Judea, sa lupaing maburol.
40 Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elizabeth.
41 Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at napuno si Elizabeth ng Espiritu Santo.
42 Sumigaw siya nang malakas at sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan!
43 Bakit nangyari ito sa akin, na ako ay dapat dalawin ng ina ng aking Panginoon?
44 Sapagkat nang ang tinig ng iyong pagbati ay aking nadinig, gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan.
45 Mapalad ang babaing sumampalataya na matutupad ang mga bagay na sinabi sa kanya ng Panginoon.”
Umawit ng Papuri si Maria
46 Sinabi(A) ni Maria,
47 “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas.
48 Sapagkat(B) nilingap niya ang abang kalagayan ng kanyang alipin.
Sapagkat tiyak na mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
48 Sapagkat(A) nilingap niya ang abang kalagayan ng kanyang alipin.
Sapagkat tiyak na mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
49 Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa para sa akin ng mga dakilang bagay
at banal ang kanyang pangalan.
50 Ang kanyang awa ay sa mga natatakot sa kanya
sa lahat ng sali't-saling lahi.
51 Siya'y nagpakita ng lakas sa pamamagitan ng kanyang bisig;
pinagwatak-watak niya ang mga palalo sa mga haka ng kanilang puso.
52 Ibinaba(B) niya ang mga makapangyarihan sa kanilang mga trono,
at itinaas ang mga may abang kalagayan.
53 Ang mga gutom ay binusog niya ng mabubuting bagay,
at ang mayayaman ay pinaalis niya na walang dalang anuman.
54 Tinulungan niya ang Israel na kanyang alipin,
bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan.
55 Tulad(C) nang sinabi niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang binhi magpakailanman.”
56 Si Maria ay nanatiling kasama niya nang may tatlong buwan, at umuwi siya sa kanyang bahay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001