Book of Common Prayer
Awit(A) ni David, nang siya ay nasa Ilang ng Juda.
63 O Diyos, ikaw ay aking Diyos; hahanapin kitang maaga,
nauuhaw sa iyo ang aking kaluluwa,
ang aking laman sa iyo'y nananabik,
gaya ng isang tuyo at lupang uhaw na walang tubig.
2 Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuwaryo,
na minamasdan ang kapangyarihan at kaluwalhatian mo.
3 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay higit na mabuti kaysa buhay,
pupurihin ka ng aking mga labi.
4 Sa gayo'y pupurihin kita habang ako'y nabubuhay;
itataas ko ang aking mga kamay at tatawag sa iyong pangalan.
5 Ang kaluluwa ko'y masisiyahang gaya ng sa taba at katabaan,
at ang bibig ko'y magpupuri sa iyo ng mga labing masaya,
6 kapag naaalala kita sa aking higaan,
ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi;
7 sapagkat naging katulong kita,
at sa lilim ng mga pakpak mo'y umaawit ako sa tuwa.
8 Ang kaluluwa ko sa iyo'y nakatangan;
inaalalayan ako ng iyong kanang kamay.
9 Ngunit ang mga nagsisikap na wasakin ang buhay ko,
ay magsisibaba sa mga kalaliman ng mundo.
10 Sila'y ibibigay sa kapangyarihan ng tabak,
sila'y magiging biktima para sa mga asong-gubat.
11 Ngunit magagalak sa Diyos ang hari;
lahat ng sumusumpa sa pamamagitan niya ay magpupuri,
sapagkat ang bibig ng mga sinungaling ay patitigilin.
Isang Awit.
98 O umawit kayo sa Panginoon ng bagong awit;
sapagkat siya'y gumawa ng mga kagila-gilalas na bagay.
Ang kanyang kanang kamay at ang kanyang banal na bisig
ay nagbigay sa kanya ng tagumpay.
2 Ipinakilala ng Panginoon ang kanyang tagumpay,
ipinahayag niya sa paningin ng mga bansa ang kanyang katuwiran.
3 Kanyang inalaala ang kanyang tapat na pag-ibig at ang kanyang katapatan
sa sambahayan ng Israel;
Nakita ng lahat ng mga dulo ng lupa
ang kaligtasan ng aming Diyos.
4 Sumigaw ang buong lupa na may kagalakan sa Panginoon,
magpasimula at umawit kayo na may kagalakan at umawit kayo ng mga papuri!
5 Magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon sa pamamagitan ng lira;
ng lira at ng tunog ng himig!
6 Sa pamamagitan ng mga trumpeta at tunog ng tambuli,
sumigaw kayo na may kagalakan sa harapan ng Hari, ang Panginoon!
7 Humugong ang dagat at ang lahat ng naroon;
ang sanlibutan at ang naninirahan doon!
8 Ipalakpak ng mga ilog ang kanilang mga kamay;
sama-samang magsiawit ang mga burol dahil sa kagalakan
9 sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y darating
upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan ng matuwid ang sanlibutan,
at ng katarungan ang mga bayan.
Ang Pag-ibig ng Diyos
Awit ni David.
103 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
at lahat ng nasa loob ko,
purihin ang kanyang banal na pangalan!
2 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
3 na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
4 na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
5 na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.
6 Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
at katarungan sa lahat ng naaapi.
7 Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
8 Ang(A) Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
9 Hindi siya laging makikipaglaban,
ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman.
10 Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan,
ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa,
ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila!
12 Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran,
gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya,
gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.
14 Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman,
naaalala niya na tayo'y alabok.
15 Tungkol sa tao, ang kanyang mga araw ay parang damo,
siya'y lumalagong gaya ng bulaklak sa parang;
16 ito'y dinaanan ng hangin, at ito'y naglaho,
at ang mga lugar niyon ay hindi na nalalaman.
17 Ngunit ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan
para sa mga natatakot sa kanya,
at ang kanyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak,
18 sa mga nag-iingat ng tipan niya,
at sa nakakaalalang gawin ang mga utos niya.
19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa mga kalangitan,
at naghahari sa lahat ang kanyang kaharian.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga anghel niya;
kayong mga makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kanyang salita,
na nakikinig sa tinig ng kanyang salita!
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng hukbo niya;
kayong mga lingkod niya na nagsisigawa ng kanyang kalooban!
22 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng kanyang mga gawa,
sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan.
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.
6 Manangis(A) kayo, sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na;
ito'y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat!
7 Kaya't lahat ng kamay ay manghihina,
at bawat puso ng tao ay manlulumo,
8 at sila'y mababalisa.
Mga pagdaramdam at mga kapanglawan ang daranasin nila;
sila'y maghihirap na gaya ng babaing nanganganak.
Sila'y magtitinginan na nanghihilakbot
ang kanilang mga mukha ay magliliyab.
9 Tingnan ninyo, ang araw ng Panginoon ay dumarating,
mabagsik, na may poot at mabangis na galit;
upang gawing wasak ang lupa,
at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyon.
10 Sapagkat(B) ang mga bituin ng langit at ang mga buntala nito,
ay hindi magbibigay ng kanilang liwanag;
ang araw ay magdidilim sa kanyang pagsikat,
at hindi ibibigay ng buwan ang kanyang liwanag.
11 Aking parurusahan ang sanlibutan dahil sa kanilang kasamaan,
at ang masasama dahil sa kanilang kabuktutan;
at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo,
at aking ibababa ang kapalaluan ng malulupit.
12 Aking gagawin na mas bihira ang mga tao kaysa dalisay na ginto,
at ang sangkatauhan kaysa ginto ng Ofir.
13 Kaya't aking yayanigin ang kalangitan,
at ang lupa ay yayanigin mula sa kanyang dako,
sa poot ng Panginoon ng mga hukbo,
at sa araw ng kanyang mabangis na galit.
18 Sapagkat(A) hindi pa kayo lumapit sa bundok na nahihipo, sa apoy na nagliliyab, sa kadiliman, sa kapanglawan, at sa unos,
19 sa tunog ng trumpeta, at sa tunog ng mga salita na ang nakarinig ay nakiusap na huwag nang magsalita pa sa kanila ng anuman.
20 Sapagkat(B) hindi nila matiis ang iniuutos na, “Maging isang hayop man ang tumuntong sa bundok ay pagbababatuhin.”
21 At(C) kakilakilabot ang nakikita kaya't sinabi ni Moises, “Ako'y natatakot at nanginginig.”
22 Subalit kayo'y lumapit sa Bundok ng Zion, at sa lunsod ng Diyos na buháy, sa makalangit na Jerusalem, at sa mga di-mabilang na mga anghel, sa isang masayang pagtitipon,
23 at sa kapulungan ng mga panganay na nakatala sa langit, at sa Diyos na Hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga matuwid na pinasakdal,
24 at(D) kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at sa dugong iwinisik na nagsasalita ng lalong mabuti kaysa dugo ni Abel.
25 Pag-ingatan(E) ninyong huwag itakuwil ang nagsasalita; sapagkat kung hindi nakatakas ang mga nagtakuwil sa nagbabala sa kanila sa lupa, lalo pa tayo kung tatalikuran natin ang nagbabala buhat sa langit!
26 Sa(F) pagkakataong iyon niyanig ng kanyang tinig ang lupa. Subalit ngayo'y nangako siya na sinasabi, “Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ang langit.”
27 Ngayon ang salitang, “Minsan pa,” ay nagpapahiwatig ng pag-aalis ng mga bagay na niyanig, gaya ng mga bagay na ginawa, upang manatili ang mga bagay na hindi nayayanig.
28 Kaya't yamang tinanggap natin ang isang kahariang hindi mayayanig, magkaroon tayo ng biyaya na sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayo sa Diyos ng kalugud-lugod na paglilingkod, na may paggalang at takot,
29 sapagkat(G) ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok.
Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo
22 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lupain ng Judea. Doon ay nanatili siyang kasama nila at nagbabautismo.
23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagkat doo'y maraming tubig. Ang mga tao'y pumunta roon at nabautismuhan.
24 Sapagkat(A) si Juan ay hindi pa ipinapasok sa bilangguan.
25 Noon ay nagkaroon ng isang pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa paglilinis.
26 Sila'y lumapit kay Juan, at sa kanya'y sinabi, “Rabi, iyong kasama mo sa kabila ng Jordan na iyong pinatotohanan ay nagbabautismo at ang lahat ay lumalapit sa kanya.”
27 Sumagot si Juan, “Hindi makakatanggap ng anuman ang isang tao, malibang ito'y ipinagkaloob sa kanya mula sa langit.
28 Kayo(B) mismo ay aking mga saksi na sinabi kong, ‘Hindi ako ang Cristo, kundi ako'y sinugong una sa kanya.’
29 Ang babaing ikakasal ay para sa lalaking ikakasal. Ngunit ang kaibigan ng lalaking ikakasal na nakatayo at nakikinig sa kanya ay lubos na nagagalak dahil sa tinig ng lalaking ikakasal. Kaya't ang kaligayahan kong ito ay ganap na.
30 Siya'y kailangang tumaas, nguni't ako'y kailangang bumaba.”[a]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001