Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 45

Maskil para sa Maharlikang Kasalan

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora. Awit tungkol sa Pag-ibig.

45 Ang aking puso ay nag-uumapaw sa mabuting paksa,
    ipinatutungkol ko ang aking mga salita sa hari;
    ang aking dila ay gaya ng panulat ng bihasang manunulat.

Ikaw ang pinakamaganda sa mga anak ng mga tao;
    ang biyaya ay ibinubuhos sa mga labi mo,
    kaya't pinagpala ka ng Diyos magpakailanman.
Ibigkis mo ang iyong tabak sa iyong hita, O makapangyarihan,
    sa iyong kaluwalhatian at kamahalan!

At sa iyong kamahalan ay sumakay kang nananagumpay
    para sa mga bagay ng katotohanan, at kaamuan at katuwiran;
    ang iyong kanang kamay nawa ay magturo sa iyo ng kakilakilabot na mga gawa!
Ang iyong mga palaso ay matalas
    sa puso ng mga kaaway ng hari,
    ang mga bayan ay nabuwal sa ilalim mo.

Ang(A) iyong banal na trono ay magpakailanpaman.
    Ang iyong setro ng kaharian ay setro ng katarungan;
    iyong iniibig ang katuwiran at kinasusuklaman ang kasamaan.
Kaya't ang Diyos, ang iyong Diyos, ay pinahiran ka ng langis,
    ng langis ng kagalakan na higit kaysa iyong mga kasamahan.
    Lahat ng iyong mga damit ay mabango dahil sa mira, mga aloe, at kasia.
Mula sa palasyong garing ay pinasasaya ka ng mga panugtog na may kuwerdas.
    Ang mga anak na babae ng mga hari ay kabilang sa iyong mararangal na babae;
    sa iyong kanang kamay ay nakatayo ang reyna na may ginto ng Ofir.

10 Pakinggan mo, O anak na babae, iyong isaalang-alang, at ikiling mo ang iyong pandinig,
    kalimutan mo ang iyong bayan at ang bahay ng iyong magulang;
11     at nanasain ng hari ang iyong ganda;
yamang siya'y iyong panginoon, yumukod ka sa kanya.
12     At ang anak na babae ng Tiro ay magsisikap na kunin ang iyong pagtatangi na may kaloob;
    at ang pinakamayaman sa mga bayan ay hahanap ng iyong kagandahang-loob.

13 Ang anak na babae ng hari ay puspos ng kaluwalhatian sa loob niya, mga gintong hinabi ang kasuotang nasa kanya.
14     Siya'y inihahatid sa hari na may kasuotang makulay,
    ang mga birhen, kanyang mga kasama na sumusunod sa kanya, ay dadalhin sa kanya.
15 May kasayahan at kagalakan na inihahatid sila
    habang sila'y nagsisipasok sa palasyo ng hari.
16 Sa halip ng iyong mga magulang ay ang iyong mga anak,
    gagawin mo silang mga pinuno sa buong lupa.
17 Aking ipapaalala sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan,
    kaya't ang mga bayan ay magpapasalamat sa iyo magpakailanpaman.

Mga Awit 47-48

Kataas-taasang Pinuno

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.

47 Ipalakpak ang inyong mga kamay, kayong lahat na mga bayan!
    Sumigaw kayo sa Diyos nang malakas na tinig ng kagalakan!
Sapagkat ang Panginoon, ang Kataas-taasan, ay kakilakilabot;
    isang dakilang hari sa buong lupa.
Ang mga bayan sa ilalim natin ay pinasusuko niya,
    at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa.
Kanyang pinili ang pamanang para sa atin,
    ang kaluwalhatian ni Jacob na kanyang minamahal. (Selah)

Ang Diyos ay pumailanglang na may sigaw,
    ang Panginoon na may tunog ng trumpeta.
Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa Diyos, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
    Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa ating Hari, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
Sapagkat ang Diyos ang hari ng buong lupa;
    magsiawit kayo ng mga papuri na may awit!

Ang Diyos ay naghahari sa mga bansa;
    ang Diyos ay nakaupo sa kanyang banal na trono.
Ang mga pinuno ng mga bayan ay nagtipun-tipon
    bilang bayan ng Diyos ni Abraham;
sapagkat ang mga kalasag ng lupa ay sa Diyos;
    siya'y napakadakila.

Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora.

48 Dakila ang Panginoon, at marapat purihin,
    sa lunsod ng aming Diyos, ang kanyang banal na bundok.
Maganda(A) sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa,
    ang Bundok ng Zion, sa malayong hilaga, ang lunsod ng dakilang Hari.
Sa loob ng kanyang kuta ay ipinakita ng Diyos
    ang sarili bilang isang tiyak na tanggulan.

Sapagkat narito, ang mga hari ay nagtipon,
    sila'y dumating na magkakasama.
Nang kanilang nakita, sila'y nanggilalas,
    sila'y natakot, sila'y nagsitakas.
Sila'y nanginig,
    nahapis na gaya ng isang babaing manganganak.
Sa pamamagitan ng hanging silangan
    ay winasak mo sa Tarsis ang kanilang mga sasakyan.
Gaya ng aming narinig, ay gayon ang aming nakita
    sa lunsod ng Panginoon ng mga hukbo,
sa lunsod ng aming Diyos,
    na itinatag ng Diyos magpakailanman. (Selah)

Aming inaalala ang iyong tapat na pag-ibig, O Diyos,
    sa gitna ng iyong templo.
10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayon ang papuri sa iyo,
    ay nakakarating hanggang sa mga dulo ng lupa.
Ang iyong kanang kamay ay puspos ng tagumpay.
11     Hayaang magalak ang Bundok ng Zion!
Hayaang magalak ang mga anak na babae ng Juda
    dahil sa iyong mga paghatol!

12 Libutin ninyo ang Zion, at inyong paligiran siya;
    inyong bilangin ang mga tore niya.
13 Isaalang-alang ninyong mabuti ang kanyang mga balwarte,
    inyong pasukin ang kanyang mga muog,
upang inyong maibalita sa susunod na salinlahi
14     na ito ang Diyos,
ang ating Diyos magpakailanpaman:
    Siya'y magiging ating patnubay magpakailanman.

Isaias 9:1-7

Kapanganakan at Paghahari ng Prinsipe ng Kapayapaan

Gayunman(A) ay hindi magkakaroon ng kapanglawan sa kanya na nasa pagkahapis. Nang unang panahon ay dinala niya sa paghamak ang mga lupain ng Zebulon at Neftali, ngunit sa huling panahon ay gagawin niyang maluwalhati ang daang patungo sa dagat, ang lupain sa kabila ng Jordan, ang Galilea ng mga bansa.

Ang(B) bayan na lumakad sa kadiliman
    ay nakakita ng dakilang liwanag;
silang naninirahan sa lupain ng matinding kadiliman,
    sa kanila sumikat ang liwanag.
Iyong pinarami ang bansa,
    iyong pinarami ang kanilang kagalakan.
Sila'y nagagalak sa harap mo
    gaya ng kagalakan sa pag-aani,
    gaya ng mga tao na nagagalak kapag kanilang pinaghahatian ang samsam.
Sapagkat ang pamatok na kanyang pasan,
    at ang pingga sa kanyang balikat,
    ang panghampas ng nagpapahirap sa kanya,
    ay iyong sinira na gaya sa araw ng Midian.
Sapagkat lahat ng sandalyas ng naglalakad na mandirigma,
    at ang mga kasuotang tigmak ng dugo
    ay susunugin bilang panggatong para sa apoy.
Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata,
    sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki;
at ang pamamahala ay maaatang sa kanyang balikat;
    at ang kanyang pangalan ay tatawaging
“Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos,
    Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”
Ang(C) paglago ng kanyang pamamahala
    at ng kapayapaan ay hindi magwawakas,
sa trono ni David, at sa kanyang kaharian,
    upang itatag, at upang alalayan
ng katarungan at ng katuwiran
    mula sa panahong ito hanggang sa magpakailanman.
Isasagawa ito ng sigasig ng Panginoon ng mga hukbo.

2 Pedro 1:12-21

12 Kaya't lagi kong hinahangad na ipaalala sa inyo ang mga bagay na ito, bagama't inyong nalalaman na, at kayo'y pinapatibay sa katotohanang dumating sa inyo.

13 Inaakala kong tama, na habang ako'y nasa toldang ito, ay gisingin ko kayo ng isang paalala,

14 yamang aking nalalaman na malapit na ang pag-aalis ng aking tolda na gaya ng ipinakita sa akin ng Panginoon nating si Jesu-Cristo.

15 At sisikapin ko rin na pagkatapos ng aking pagpanaw ay inyong maaalala ang mga bagay na ito sa anumang panahon.

Mga Saksi sa Kaluwalhatian ni Cristo

16 Sapagkat kami ay hindi sumunod sa mga kathang-isip na ginawang may katusuhan nang aming ipaalam sa inyo ang kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, kundi kami ay mga saksing nakakita ng kanyang kadakilaan.

17 Sapagkat(A) siya'y tumanggap sa Diyos Ama ng karangalan at kaluwalhatian, at dumating sa kanya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian, na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na siya kong kinalulugdan.”

18 Kami mismo ang nakarinig ng tinig na ito na nanggaling sa langit, nang kami ay kasama niya sa banal na bundok.

19 Kaya't mayroon kaming salita ng propesiya na lalong tiyak. Mabuti ang inyong ginagawa kung ito'y inyong pagtutuunan ng pansin, gaya sa isang ilawang tumatanglaw sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang-liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso.

20 Una sa lahat, dapat ninyong malaman ito, na walang propesiya ng kasulatan na nagmula sa pansariling pagpapakahulugan,

21 sapagkat walang propesiya na dumating kailanman sa pamamagitan ng kalooban ng tao kundi ang mga taong inudyukan ng Espiritu Santo ay nagsalita mula sa Diyos.[a]

Lucas 22:54-69

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(A)

54 At kanilang dinakip siya, inilayo, at dinala sa bahay ng pinakapunong pari. Si Pedro ay sumunod mula sa malayo.

55 At nang makapagpaningas sila ng apoy sa gitna ng patyo at makaupong magkakasama, si Pedro ay nakiupong kasama nila.

56 Samantalang siya'y nakaupo sa liwanag ng apoy, nakita siya ng isang alilang babae, tumitig sa kanya at nagsabi, “Ang taong ito ay kasama rin niya.”

57 Subalit itinanggi niya ito at sinabi, “Babae, hindi ko siya nakikilala.”

58 Pagkaraan ng isang sandali ay nakita siya ng isa pa at sinabi, “Ikaw ay isa rin sa kanila.” Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ako.”

59 Nang makaraan ang may isang oras, may isa pa na nagpipilit na nagsasabi, “Tiyak na ang taong ito'y kasama rin niya, sapagkat siya'y taga-Galilea.”

60 Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo.” At kaagad, samantalang siya'y nagsasalita pa, tumilaok ang isang manok.

61 Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro. At naalala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kanya, “Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.”

62 At siya'y lumabas, at umiyak nang buong pait.

Nilibak at Hinampas si Jesus(B)

63 Nilibak at hinampas si Jesus ng mga lalaking nagbabantay sa kanya.

64 Siya'y piniringan din nila at pinagtatanong, “Hulaan mo! Sino ang humampas sa iyo?”

65 Nagsalita pa sila ng maraming mga panlalait laban sa kanya.

Si Jesus sa Harapan ng Sanhedrin(C)

66 Nang mag-umaga na, nagkatipon ang kapulungan ng matatanda sa bayan, ang mga punong pari, at gayundin ang mga eskriba. Kanilang dinala siya sa kanilang Sanhedrin, at sinabi nila,

67 “Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin.” Subalit sinabi niya sa kanila, “Kung sasabihin ko sa inyo, hindi ninyo ako paniniwalaan;

68 at kung kayo'y aking tanungin ay hindi kayo sasagot.

69 Ngunit magmula ngayon ang Anak ng Tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001