Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 61-62

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Awit ni David.

61 Pakinggan mo, O Diyos, ang aking daing,
    dinggin mo ang aking dalangin.
Mula sa dulo ng lupa ay tumatawag ako sa iyo,
    kapag nanlulupaypay ang aking puso.

Ihatid mo ako sa bato
    na higit na mataas kaysa akin;
sapagkat ikaw ay aking kanlungan,
    isang matibay na muog laban sa kaaway.

Patirahin mo ako sa iyong tolda magpakailanman!
    Ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak! (Selah)
Sapagkat ang aking mga panata, O Diyos, ay iyong pinakinggan,
    ibinigay mo sa akin ang pamana ng mga may takot sa iyong pangalan.

Pahabain mo ang buhay ng hari;
    tumagal nawa ang kanyang mga taon hanggang sa lahat ng mga salinlahi!
Siya nawa'y maluklok sa trono sa harapan ng Diyos magpakailanman;
    italaga mong bantayan siya ng wagas na pag-ibig at katapatan!

Sa gayon ako'y aawit ng mga papuri sa iyong pangalan magpakailanman,
    habang tinutupad ko ang aking mga panata araw-araw.

Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Awit ni David.

62 Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa;
    ang aking kaligtasan ay nanggagaling sa kanya.
Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
    ang aking muog; hindi ako lubhang matitinag.

Hanggang kailan kayo magtatangka laban sa isang tao,
    upang patayin siya, ninyong lahat,
    gaya ng pader na nakahilig, o bakod na nabubuwal?
Sila'y nagbabalak lamang upang ibagsak siya sa kanyang kadakilaan.
    Sila'y nasisiyahan sa mga kasinungalingan.
Sila'y nagpupuri ng bibig nila,
    ngunit sa kalooban sila'y nanunumpa. (Selah)

Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa,
    sapagkat ang aking pag-asa ay mula sa kanya.
Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
    ang aking muog, hindi ako mayayanig.
Nasa Diyos ang aking kaligtasan at aking karangalan;
    ang aking makapangyarihang bato, ang Diyos ang aking kanlungan.

Magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng panahon, O bayan;
    ibuhos ninyo ang inyong puso sa kanyang harapan;
    para sa atin, ang Diyos ay kanlungan. (Selah)

Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan,
    ang mga taong may mataas na kalagayan ay kasinungalingan;
sumasampa sila sa mga timbangan;
    silang magkakasama ay higit na magaan kaysa hininga.
10 Sa pangingikil ay huwag kang magtiwala,
    sa walang kabuluhang pagnanakaw ay huwag kang umasa;
    kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong ilagak doon ang inyong puso.

11 Ang Diyos ay nagsalitang minsan,
    dalawang ulit kong narinig ito:
na ang kapangyarihan ay sa Diyos;
12     at(A) sa iyo, O Panginoon, ang tapat na pag-ibig,
sapagkat ginagantihan mo ang tao ayon sa kanyang gawa.

Mga Awit 112

Ang Kaligayahan ng Isang Mabuting Tao

112 Purihin ang Panginoon!
    Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon,
    na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos!
Ang kanyang mga binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa;
    ang salinlahi ng matuwid ay magiging mapalad.
Nasa kanyang bahay ang mga kayamanan at kariwasaan;
    at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
Ang liwanag ay bumabangon sa kadiliman para sa matuwid,
    ang Panginoon ay mapagbiyaya at mahabagin at matuwid.
Ito ay mabuti sa taong mapagbigay at nagpapahiram,
    pananatilihin niya ang kanyang layunin sa katarungan.
Sapagkat siya'y hindi makikilos magpakailanman;
    ang matuwid ay maaalala magpakailanman.
Siya'y hindi matatakot sa masasamang balita;
    ang kanyang puso ay matatag, na sa Panginoon ay nagtitiwala.
Ang kanyang puso ay matatag, hindi siya matatakot,
    hanggang ang nais niya sa kanyang mga kaaway ay makita niya.
Siya'y(A) nagpamudmod, siya ay nagbigay sa dukha;
    ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman;
    ang kanyang sungay ay mataas sa karangalan.
10 Makikita ito ng masama at magagalit;
    pagngangalitin niya ang kanyang mga ngipin at matutunaw
    ang nasa ng masama ay mapapahamak.

Mga Awit 115

Ang Isang Tunay na Diyos

115 Huwag sa amin, O Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay ibigay ang karangalan,
    dahil sa iyong tapat na pag-ibig, at dahil sa iyong katapatan!
Bakit sasabihin ng mga bansa,
    “Nasaan ngayon ang kanilang Diyos?”

Ang aming Diyos ay nasa mga langit,
    kanyang ginagawa ang anumang kanyang kagustuhan.
Ang(A) kanilang mga diyus-diyosan ay pilak at ginto,
    gawa ng mga kamay ng mga tao.
Sila'y may mga bibig, ngunit hindi nagsasalita;
    may mga mata, ngunit hindi sila nakakakita.
Sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
    may mga ilong, ngunit hindi sila nakakaamoy.
Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi sila nakakadama,
    may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
    at hindi gumagawa ng tunog sa kanilang lalamunan.
Ang mga gumawa sa kanila ay kagaya nila;
    gayundin ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.

O Israel, sa Panginoon ay magtiwala ka!
    Kanilang saklolo at kanilang kalasag siya.
10 O sambahayan ni Aaron, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
    Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
11 Kayong natatakot sa Panginoon, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
    Siya ang kanilang kalasag at saklolo.

12 Inalaala tayo ng Panginoon; tayo'y kanyang pagpapalain;
    ang sambahayan ni Israel ay kanyang pagpapalain;
    ang sambahayan ni Aaron ay kanyang pagpapalain;
13 pagpapalain(B) niya ang mga natatakot sa Panginoon,
    ang mababa kasama ang dakila.

14 Paramihin nawa kayo ng Panginoon,
    kayo at ang inyong mga anak!
15 Pagpalain nawa kayo ng Panginoon,
    siya na gumawa ng langit at lupa!

16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon;
    ngunit ang lupa ay kanyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon,
    ni sinumang bumababa sa katahimikan.
18 Ngunit aming pupurihin ang Panginoon
    mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan.
Purihin ang Panginoon!

Isaias 11:1-9

Mapayapang Kaharian

11 May(A) usbong na lalabas mula sa tuod ni Jesse,
    at sisibol ang isang sanga mula sa kanyang mga ugat.
At ang Espiritu ng Panginoon ay sasakanya,
    ang diwa ng karunungan at ng unawa,
    ang diwa ng payo at ng kapangyarihan,
    ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon;
at ang kanyang kalulugdan ay ang takot sa Panginoon.

Hindi siya hahatol ng ayon sa nakikita ng kanyang mga mata,
    ni magpapasiya man ng ayon sa narinig ng kanyang mga tainga.
Kundi(B) sa katuwiran ay hahatulan niya ang dukha,
    at magpapasiya na may karampatan para sa maaamo sa lupa.
Sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kanyang bibig,
    at sa hinga ng kanyang mga labi ay kanyang papatayin ang masama.
Katuwiran(C) ang magiging bigkis ng kanyang baywang,
    at katapatan ang pamigkis ng kanyang mga balakang.

At(D) ang asong-gubat ay maninirahang kasama ng kordero,
    at mahihigang kasiping ng batang kambing ang leopardo,
ang guya, ang batang leon, at ang patabain ay magkakasama;
    at papatnubayan sila ng munting bata.
Ang baka at ang oso ay manginginain;
    ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping;
    at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka.
Ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ahas,
    at ang batang kahihiwalay sa suso ay isusuot ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
Hindi(E) sila mananakit o maninira man
    sa aking buong banal na bundok:
sapagkat ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon,
    gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.

Apocalipsis 20:1-10

Ang Sanlibong Taon

20 At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na hawak sa kanyang kamay ang susi ng di-matarok na kalaliman at ang isang malaking tanikala.

At(A) sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya ng isang libong taon,

at siya'y itinapon sa di-matarok na kalaliman at sinarhan at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang hindi na niya madaya ang mga bansa, hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos nito, kailangang siya'y pawalan sa maikling panahon.

Nakakita(B) ako ng mga trono, at ang mga nakaupo sa mga iyon ay pinagkalooban ng kapangyarihang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo kay Jesus, at dahil sa salita ng Diyos, at ang mga hindi sumamba sa halimaw, o sa kanyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay. Sila'y nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon.

Ang mga iba sa mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa natapos ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na muli.

Mapalad at banal ang may bahagi sa unang pagkabuhay na muli! Sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.

Ang Pagkagapi kay Satanas

At kung matapos na ang isang libong taon, si Satanas ay pakakawalan sa kanyang bilangguan,

at(C) lalabas upang dayain ang mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila para sa pakikipagdigma; ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.

Umakyat sila sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal, at ang lunsod na minamahal; ngunit bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y natupok.

10 At ang diyablo na dumaya sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng halimaw at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailanpaman.

Juan 5:30-47

Mga Patotoo kay Jesus

30 “Hindi ako makakagawa ng anuman mula sa aking sarili. Humahatol ako ayon sa aking naririnig, at ang paghatol ko'y matuwid, sapagkat hindi ko hinahanap ang aking sariling kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

31 Kung ako'y nagpapatotoo para sa aking sarili, ang patotoo ko ay hindi totoo.

32 Iba ang nagpapatotoo para sa akin at alam ko na ang patotoo niya para sa akin ay totoo.

33 Kayo'y(A) nagpadala ng sugo kay Juan, at siya'y nagpatotoo sa katotohanan.

34 Hindi sa tinatanggap ko ang patotoong mula sa tao, subalit sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo'y maligtas.

35 Siya ang ilawang nagniningas at lumiliwanag, at ninais ninyong kayo'y magalak sumandali sa kanyang liwanag.

36 Subalit mayroon akong patotoo na lalong dakila kaysa kay Juan. Ang mga gawaing ibinigay sa akin ng aking Ama upang ganapin, ang mga gawaing ito na aking ginagawa ay nagpapatotoo tungkol sa akin na ako'y sinugo ng Ama.

37 Ang(B) Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig, o hindi ninyo nakita ang kanyang anyo.

38 At walang salita niya na nananatili sa inyo sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa kanyang sinugo.

39 Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat iniisip ninyo na sa mga iyon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at iyon ang nagpapatotoo tungkol sa akin.

40 Subalit ayaw ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.

41 Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao.

42 Subalit nalalaman ko na ang pag-ibig ng Diyos ay wala sa inyo.

43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama at hindi ninyo ako tinanggap. Kung iba ang pumarito sa kanyang sariling pangalan, iyon ang inyong tatanggapin.

44 Paano kayo mananampalataya gayong tumatanggap kayo ng kaluwalhatian mula sa isa't isa at hindi ninyo hinahanap ang kaluwalhatiang mula sa tanging Diyos?

45 Huwag ninyong isiping paparatangan ko kayo sa Ama. May isang nagpaparatang sa inyo, si Moises, siya na inyong inaasahan.

46 Sapagkat kung kayo'y sumasampalataya kay Moises ay sasampalataya kayo sa akin, sapagkat siya'y sumulat tungkol sa akin.

47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa kanyang mga sinulat ay paano kayong maniniwala sa aking mga salita?”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001