Old/New Testament
Panalangin ng Paghingi ng Kapatawaran
Awit(A) na katha ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang siya ay pagwikaan ni Propeta Natan tungkol kay Batsheba.
51 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
2 Linisin mo sana ang aking karumhan,
at patawarin mo'ng aking kasalanan!
3 Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
di ko malilimutan, laging alaala.
4 Sa(B) iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
marapat na ako'y iyong parusahan.
5 Ako'y masama na buhat nang isilang,
makasalanan na nang ako'y iluwal.
6 Nais mo sa aki'y isang pusong tapat;
puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
7 Ako ay linisin, sala ko'y hugasan
at ako'y puputi nang lubus-lubusan.
8 Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
butong nanghihina'y muling palakasin.
9 Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin,
lahat kong nagawang masama'y pawiin.
10 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
11 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
iyong banal na Espiritu'y paghariin.
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
ibalik at ako po'y gawin mong tapat.
13 Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.
14 Ingatan mo ako, Tagapagligtas ko
at aking ihahayag ang pagliligtas mo.
15 Tulungan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.
16 Hindi mo na nais ang mga handog;
di ka nalulugod, sa haing sinunog;
17 ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba't pusong mapagtapat.
18 Iyong kahabagan, O Diyos, ang Zion;
at ang Jerusalem ay muling ibangon.
19 At kung magkagayon, ang handog na haing
dala sa dambana, torong susunugin,
malugod na ito'y iyong tatanggapin.
Ang Hatol at Habag ng Diyos
Maskil[a] (C) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang si Doeg na isang Edomita ay nagpunta at magsumbong kay Saul na, “Si David ay nagpunta sa bahay ni Ahimelec”.
52 O taong malakas, bakit ka nagyabang
sa gawa mong mali?
Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi.
2 Balak mo'y wasakin
ang iba, ng iyong matalim na dila
ng pagsisinungaling.
3 Higit na matindi
ang iyong pag-ibig sa gawang masama,
higit na nais mo'y
kasinungalingan kaysa gawang tama. (Selah)[b]
4 Taong sinungaling
ang iba'y gusto mong saktan sa salita.
5 Kaya't wawasaki't
aal'sin ka ng Diyos sa loob ng tolda,
sa mundo ng buháy aalisin ka niya. (Selah)[c]
6 Ito'y makikita
ng mga matuwid, matatakot sila,
at ang sasabihing pawang nagtatawa:
7 “Masdan mo ang taong
sa Diyos di sumampalataya,
sa taglay niyang yaman nanangan
at nagpakalakas sa kanyang kasamaan.”
8 Kahoy na olibo
sa tabi ng templo, ang aking katulad;
nagtiwala ako
sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
9 Di ako titigil
ng pasasalamat sa iyong ginawa,
ang kabutihan mo'y
ipahahayag ko, kasama ng madla.
Ang Kasamaan ng Tao(D)
Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng Mahalath.[d]
53 Sinabi(E) ng hangal
sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!”
Wala nang matuwid
lahat nang gawain nila'y pawang buktot.
2 Magmula sa langit
ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,
kung mayro'ng marunong
at tapat sa kanya na nananambahan.
3 Ngunit kahit isa
ni isang mabuti ay walang nakita,
lahat ay lumayo
at naging masama, lahat sa kanila.
4 Ang tanong ng Diyos,
“Sila ba'y mangmang at walang kaalaman?
Ayaw manalangin,
kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.”
5 Subalit darating
ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,
pagkat ang kalansay
ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos,
sila'y itatakwil,
magagapi sila nang lubos na lubos.
6 Ang aking dalangi'y
dumating sa Israel ang iyong pagliligtas
na mula sa Zion!
Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad,
ang angkan ni Jacob,
bayan ng Israel, lubos na magagalak!
Matuwid ang Hatol ng Diyos
2 Kaya(A) nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. 2 Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. 3 Hinahatulan mo ang mga gumagawa ng mga bagay na ginagawa mo rin. Akala mo ba'y makakaiwas ka sa hatol ng Diyos? 4 O(B) hinahamak mo ang Diyos, sapagkat siya'y napakabait, matiisin, at mapagpasensya? Hindi mo ba alam na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo upang magsisi at tumalikod sa kasalanan? 5 Ngunit dahil matigas ang iyong ulo at ayaw mong magsisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa Araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatarungang paghatol ng Diyos. 6 Sapagkat(C) igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. 7 Buhay na walang hanggan ang ibibigay niya sa mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, at naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. 8 Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sumusunod sa kasamaan. 9 Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil. 10 Ngunit kapurihan, karangalan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil 11 sapagkat(D) walang kinikilingan ang Diyos.
12 Ang mga Hentil ay walang Kautusan ni Moises. Sila ay nagkakasala at paparusahan nang hindi batay sa Kautusan. Ang mga Judio ay mayroong Kautusan. Sila ay nagkakasala at hahatulan batay sa Kautusan. 13 Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang sumusunod dito, ang siyang pawawalang-sala ng Diyos.
14 Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito'y nagiging kautusan na para sa kanila. 15 Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagkat kung minsan sila'y sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila'y ipinagtatanggol nito sa kanilang isipan.
16 Ayon sa Magandang Balitang aking ipinapangaral, gayon ang mangyayari sa Araw na ang mga lihim ng mga tao'y hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus.[a]
Ang mga Judio at ang Kautusan
17 Ngunit ikaw na nagsasabing ikaw ay Judio at nananalig sa Kautusan, ipinagmamalaki mong may kaugnayan ka sa Diyos. 18 Sabi mo'y alam mo ang kanyang kalooban at sumasang-ayon ka sa mabubuting bagay, sapagkat ito ang natutunan mo sa Kautusan. 19 Ang palagay mo'y taga-akay ka ng bulag, tanglaw ng mga nasa kadiliman, 20 tagapayo ng mga hangal, at tagapagturo ng mga bata, dahil natuklasan mo sa Kautusan ang buong kaalaman at katotohanan. 21 Nagtuturo ka sa iba, bakit di mo turuan ang iyong sarili? Nangangaral kang masama ang magnakaw, bakit ka nagnanakaw? 22 Sinasabi mong huwag mangangalunya, bakit ka nangangalunya? Nasusuklam ka sa mga diyus-diyosan, bakit ninanakawan mo ang mga templo nila? 23 Ipinagmamalaki mong saklaw ka ng Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag mo sa Kautusan! 24 Ayon nga sa nasusulat, “Ang pangalan ng Diyos ay nilalait ng mga Hentil dahil sa inyo.”
25 Mahalaga lamang ang iyong pagiging tuli kung tumutupad ka sa Kautusan, subalit kung lumalabag ka sa Kautusan, para ka ring hindi tinuli. 26 Kung ang hindi tuli ay gumagawa batay sa panuntunan ng Kautusan, hindi ba siya ituturing na tuli? 27 Kaya, ikaw na Judiong nasa ilalim ng Kautusan ngunit hindi naman tumutupad nito, ay hahatulan ng mga tumutupad sa Kautusan bagaman hindi sila tinuli. 28 Sapagkat ang pagiging isang tunay na Judio ay hindi dahil sa panlabas na kaanyuan o dahil sa pagtutuli sa laman. 29 Ang(E) tunay na Judio ay ang taong nabago sa puso't kalooban ayon sa Espiritu at hindi ayon sa Kautusang nasusulat. Ang papuri sa taong iyon ay mula sa Diyos at hindi mula sa mga tao.
by