Old/New Testament
Ang Ikatlong Sagutan(A)
22 Ang sagot ni Elifaz na taga-Teman:
2 “Ang(B) tao ba'y may maitutulong sa Diyos na Manlilikha,
kahit na siya'y marunong o kaya ay dakila?
3 May pakinabang ba ang Makapangyarihang Diyos kung ikaw ay matuwid,
may mapapala ba siya kung ikaw man ay malinis?
4 Dahil ba sa takot mo sa kanya, kaya ka niya sinasaway,
pinagsasabihan at dinadala sa hukuman?
5 Hindi! Ito'y dahil sa napakalaki ng iyong kasalanan,
at sa mga ginagawa mong mga kasamaan.
6 Mga kapatid mo'y iyong pinaghuhubad,
upang sa utang nila sa iyo sila'y makabayad.
7 Ang mga nauuhaw ay hindi mo pinainom;
hindi mo pinakain ang mga nagugutom.
8 Lakas mo ang ginagamit kaya lupa'y nakakamkam,
at ibinibigay ito sa iyong kinalulugdan.
9 Hindi mo na nga tinulungan ang mga biyuda,
inaapi mo pa ang mga ulila.
10 Kaya napapaligiran ka ngayon ng mga bitag,
at bigla kang binalot ng mga sindak.
11 Paligid mo'y nagdidilim kaya di ka makakita,
maging tubig nitong baha ay natatabunan ka.
12 “Di ba't ang Diyos ay nasa mataas na kalangitan,
at ang mga bituin sa itaas ay kanyang tinutunghayan?
13 Ngunit ang sabi mo, ‘Ang Diyos ay walang nalalaman,
at hindi tayo mahahatulan, pagkat sa ulap siya'y natatakpan.’
14 Akala mo'y dahil sa ulap ay di na siya makakakita,
at sa ibabaw ng himpapawid, ay palakad-lakad lang siya.
15 “Talaga bang nais mong lakaran ang dating daan,
landas na tinahak ng mga nasanay sa kasamaan?
16 Kahit wala pa sa panahon sila'y tinatangay na ng baha,
sapagkat ang kanilang pundasyon ay lubos na nagiba.
17 Sinabi nila sa Diyos na sila'y kanyang layuan,
at wala naman daw magagawa sa kanila ang Diyos na Makapangyarihan.
18 Sa kabila nito, sila pa rin ay pinagpala;
di ko talaga maunawaan ang pag-iisip ng masama.
19 Natutuwa ang matuwid, ang mabuti'y nagagalak
kapag nakita nilang ang masama'y napapahamak.
20 Sabi nila, ‘Ang mga kaaway nati'y nalugmok,
at ang mga ari-arian nila ay natupok.’
21 “Sumang-ayon ka sa Diyos, makipagkasundo ka sa kanya,
ang buhay mo'y gaganda at magiging maginhawa.
22 Makinig ka sa kanyang itinuturo,
mga sinasabi niya'y itanim mo sa iyong puso.
23 Manumbalik ka sa Makapangyarihan, ikaw ay magpakumbaba,
at alisin mo sa iyong tahanan lahat ng gawaing masama.
24 Ang lahat mong kayamanan ay itapon mo sa alabok,
at ang mamahaling ginto ay ihagis mo na sa ilog.
25 Ang Diyos na Makapangyarihan ang ituring mong yaman,
na siyang ginto't pilak na iyong papahalagahan.
26 Sa Makapangyarihang Diyos ka palaging magtiwala,
at ang Maykapal ang pagkukunan mo ng tuwa.
27 Papakinggan niya ang iyong panalangin,
kaya't ang mga panata mo ay iyong tuparin.
28 Lagi kang magtatagumpay sa iyong mga balak,
at ang landas mo ay magliliwanag.
29 Ang mga palalo'y ibinabagsak nga ng Diyos,
ngunit inililigtas ang mapagpakumbabang-loob.
30 Ililigtas ka niya kung wala kang kasalanan,
at kung ang ginagawa mo ay nasa katuwiran.”
Nais ni Job na Iharap sa Diyos ang Kanyang Kalagayan
23 Ito naman ang sagot ni Job:
2 “Hanggang ngayon ay masama pa itong aking loob,
bagama't ako'y nananangis, pinaparusahan pa rin ng Diyos.
3 Kung alam ko lamang kung saan siya matatagpuan,
pupuntahan ko siya sa kanyang kinaroroonan.
4 Ihaharap ko sa kanya ang aking kalagayan
at ilalahad kong lahat ang aking katuwiran.
5 Gusto kong malaman ang isasagot niya sa akin;
nais kong maunawaan ang kanyang sasabihin.
6 Gagamitin kaya sa akin ang lahat niyang kapangyarihan?
Hindi! Sa halip, hinaing ko'y kanyang papakinggan.
7 Sapagkat ako'y taong matuwid na haharap sa kanya,
kanyang ipahahayag na ako'y walang sala.
8 “Sa dakong silangan, hindi ko siya natagpuan;
hindi ko rin siya nakita sa gawing kanluran.
9 Di ko rin siya nakita sa dakong hilaga,
at sa bandang timog, ni bakas ay wala.
10 Ngunit alam ng Diyos ang aking bawat hakbang;
kapag sinubok niya, lalabas ang kadalisayan.
11 Pagkat landas niya'y aking nilakaran,
hindi ako lumihis sa ibang daanan.
12 Ako'y hindi lumalabag sa kanyang kautusan,
at ang kanyang mga salita ay aking iniingatan.
13 “Hindi siya nagbabago at di kayang salungatin,
walang makakapigil sa nais niyang gawin.
14 Isasakatuparan niya ang plano niya sa akin,
ang marami niyang balak ay kanyang gagawin.
15 Kaya ako'y natatakot na sa kanya'y humarap;
isipin ko lamang ito, ako ay nasisindak.
16 Pinanghihina ng Diyos ang aking kalooban,
tinatakot ako ng Makapangyarihan.
17 Sapagkat kadiliman ang nasa aking palibot,
dilim nitong taglay sa mukha ko ay bumalot.
Inireklamo ni Job ang Ginagawa ng Masama
24 “Bakit di nagtatakda ang Makapangyarihang Diyos ng araw ng paghuhukom,
upang masaksihan ng mga matuwid ang kanyang paghatol?
2 “Binabago ng mga tao ang hangganan ng mga lupa,
nagnanakaw ng mga hayop na iba ang nag-alaga.
3 Tinatangay nila ang asno ng mga ulila,
kinakamkam sa mga biyuda ang bakang isinangla.
4 Ang mahirap ay itinataboy sa lansangan;
at dahil sa takot, naghahanap ito ng taguan.
5 “Kaya ang dukha, tulad ay asnong mailap,
hinahalughog ang gubat,
mapakain lang ang anak.
6 Gumagapas sila sa bukid na hindi kanila,
natirang ubas ng mga masasama pinupulot nila.
7 Kanilang katawan ay walang saplot;
sa lamig ng gabi, wala man lamang kumot.
8 Nauulanan sila doon sa kabundukan;
mga pagitan ng bato ang kanilang silungan.
9 “Inaalipin ng masasama ang mga ulila;
mga anak ng may utang, kanilang kinukuha.
10 Hubad na pinaglalakad ang mga mahirap,
labis ang gutom habang sila'y pinapagapas.
11 Sila ang nagkakatas ng ubas at olibo,
ngunit di man lamang makatikim ng alak at langis nito.
12 Mga naghihingalo at mga sugatan, sa loob ng lunsod ay nagdadaingan,
ngunit di pa rin pansin ng Diyos ang kanilang panawagan.
13 “May mga taong nagtatakwil sa liwanag;
di nila ito maunawaan, patnubay nito'y ayaw sundan.
14 Bumabangon ang mamamatay-tao sa madaling araw,
at ang kawawang dukha'y kanyang pinapaslang.
Pagsapit naman ng gabi, siya ay nagnanakaw.
15 Ang nakikiapid ay naghihintay na dumilim,
nagtatakip ng mukha upang walang makapansin.
16 Kung gabi naman sumasalakay ang mga magnanakaw;
ayaw nila sa liwanag kaya't nagtatago pagsikat ng araw.
17 Liwanag ng araw ay kanilang kinatatakutan,
ngunit di sila nasisindak sa matinding kadiliman.”
18 Sinabi ni Zofar,
“Ang masamang tao'y tinatangay ng baha,
sinumpa ng Diyos ang kanilang lupa;
sa ubasan nila'y ni walang mangahas magsaka.
19 Kung paanong ang yelo ay natutunaw sa tag-init,
gayundin ang masama, naglalaho sa daigdig.
20 Kahit ang kanyang ina sa kanya'y nakakalimot;
parang punong nabuwal, inuuod at nabubulok.
21 Pagkat inapi niya ang babaing di nagkaanak,
at ang mga biyuda ay kanyang hinamak.
22 Winawasak ng Diyos ang buhay ng malalakas;
kapag siya ay kumilos, ang masama'y nagwawakas.
23 Hayaan man ng Diyos na mabuhay ito nang tiwasay,
sa bawat sandali, siya'y nagbabantay.
24 Umunlad man ang masama, ngunit panandalian lamang,
natutuyo ring tulad ng damo at halaman,
parang bungkos ng inani na binunot sa taniman.
25 Kasinungalingan ba ang sinasabi ko?
Sinong makapagpapatunay na ito'y di totoo?”
Ang Ulat ni Pedro sa Iglesya sa Jerusalem
11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na may mga Hentil na tumanggap na rin sa salita ng Diyos. 2 Kaya't nang si Pedro'y pumunta sa Jerusalem, tinuligsa siya ng mga kapatid na naniniwalang dapat tuliin ang mga Hentil. 3 “Bakit ka pumasok sa bahay ng mga di-tuling Hentil at nakisalo pa sa kanila?” tanong nila.
4 Kaya't isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari.
5 “Ako'y nasa lungsod ng Joppa at nananalangin nang magkaroon ako ng isang pangitain. Mula sa langit ay ibinabâ sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 6 Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang iba't ibang uri ng hayop, lumalakad at gumagapang sa lupa, mababangis, at mga lumilipad. 7 Pagkatapos ay narinig ko ang isang tinig na nag-utos, ‘Pedro, tumayo ka. Magkatay ka at kumain!’ 8 Subalit sumagot ako, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.’ 9 Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos!’ 10 Tatlong ulit na nangyari iyon, at pagkatapos ay hinila na pataas sa langit ang lahat ng iyon.
11 “Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko[a] ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. 12 Sinabi sa akin ng Espiritu na sumama ako sa kanila kahit sila'y mga Hentil. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. 13 Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay at sinabi raw sa kanya, ‘Magpadala ka ng mga sugo sa Joppa at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. 14 Ipapahayag niya sa iyo ang mga salita na kinakailangan mo upang ikaw at ang iyong sambahayan ay maligtas.’
15 “Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumabâ na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng nangyari sa atin noong una. 16 At(A) naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbabautismo sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.’ 17 Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin noong tayo'y manalig sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ako para hadlangan ang Diyos?”
18 Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagtuligsa at sa halip ay nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Kung gayon, ang mga Hentil man ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa mga kasalanan upang mabuhay!”
Ang Iglesya sa Antioquia
19 May mga mananampalatayang nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula noong patayin si Esteban, na nakarating sa Fenicia, sa Cyprus at sa Antioquia. Ipinapangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang. 20 Subalit may kasama silang ilang mga taga-Cyprus at mga taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay ipinangaral din sa mga Griego[b] ang Magandang Balita tungkol sa Panginoong Jesus. 21 Nasa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon, at maraming naniwala at sumunod sa Panginoong Jesus.
22 Nang mabalitaan ito ng iglesya sa Jerusalem, isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. 23 Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya'y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. 24 Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya sa Diyos. At marami pang tao ang sumampalataya sa Panginoon.
25 Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, 26 at nang kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng iglesya, at nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus.
27 Nang panahong iyon, dumating sa Antioquia ang ilang propeta mula sa Jerusalem. 28 Tumayo(B) ang isa sa kanila na ang pangala'y Agabo, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari nga iyon noong kapanahunan ni Emperador Claudio. 29 Napagpasyahan ng mga alagad na magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea, ayon sa kakayanan ng bawat isa. 30 Ganoon nga ang ginawa nila; ipinadala nila ang kanilang tulong sa mga matatandang namumuno sa iglesya sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo.
by