Old/New Testament
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
31 Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan;
huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan.
Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran,
iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan.
2 Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din!
Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan;
matibay na kuta para sa aking kaligtasan.
3 Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang;
ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan.
4 Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong;
laban sa panganib, sa iyo manganganlong.
5 Sa(A) iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.
At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan;
ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.
6 Ikaw ay namumuhi sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosang walang halaga,
ngunit sa iyo, Yahweh, ako umaasa.
7 Matutuwa ako at magagalak,
dahil sa pag-ibig mong wagas.
Paghihirap ko'y iyong nakikita,
alam mo ang aking pagdurusa.
8 Di mo ako hinayaan sa kamay ng kaaway;
binigyan pa ng laya sa aking paglalakbay.
9 O Yahweh, sana'y iyong kahabagan,
sapagkat ako ay nasa kaguluhan;
namamaga na ang mata dahil sa pagluha,
buong pagkatao ko'y mahinang mahina!
10 Pinagod ako ng aking kalungkutan,
dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay.
Pinanghina ako ng mga suliranin,
pati mga buto ko'y naaagnas na rin.
11 Nilalait ako ng aking mga kaaway,
hinahamak ako ng mga kapitbahay;
mga dating kakilala ako'y iniiwasan,
kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan.
12 Para akong patay na kanilang nakalimutan,
parang sirang gamit na hindi na kailangan.
13 Maraming mga banta akong naririnig,
mula sa mga kaaway sa aking paligid;
may masama silang binabalak sa akin,
plano nilang ako ay patayin.
14 Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala,
ikaw ang aking Diyos na dakila!
15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.
17 Sa iyo, Yahweh, ako'y nananawagan,
huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan.
Ang masasamang tao ang dapat na mapahiya,
sa daigdig ng mga patay, tahimik silang bababâ.
18 Patahimikin mo ang mga sinungaling,
ang mga palalong ang laging layunin,
ang mga matuwid ay kanilang hamakin.
19 Kay sagana ng mabubuting bagay,
na laan sa mga sa iyo'y gumagalang.
Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob,
matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos.
20 Iniingatan mo sila at kinakalinga,
laban sa balak ng taong masasama;
inilalagay mo sila sa ligtas na kublihan,
upang hindi laitin ng mga kaaway.
21 Purihin si Yahweh!
Kahanga-hanga ang ipinakita niyang pag-ibig sa akin,
nang ako'y nagigipit at parang lunsod na sasalakayin!
22 Ako ay natakot, labis na nangamba,
sa pag-aakalang ako'y itinakwil na.
Ngunit dininig mo ang aking dalangin,
nang ang iyong tulong ay aking hingin.
23 Mahalin ninyo si Yahweh, kayong kanyang bayan.
Mga tapat sa kanya, ay kanyang iniingatan,
ngunit ang palalo'y pinaparusahan ng angkop sa kanilang kasalanan.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ang loob,
kayong kay Yahweh'y nagtitiwalang lubos.
Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran
Katha ni David; isang Maskil.[a]
32 Mapalad(B) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
2 Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.
3 Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
4 Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
wala nang natirang lakas sa katawan,
parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]
5 Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]
6 Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
7 Ikaw ang aking lugar na kublihan;
inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]
8 Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
tuturuan kita at laging papayuhan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”
10 Labis na magdurusa ang taong masama,
ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!
16 Ang balak na ito'y nalaman ng lalaking anak ng kapatid na babae ni Pablo. Kaya't nagpunta ito sa himpilan at sinabi kay Pablo ang balak na pagpatay sa kanya. 17 Tinawag naman ni Pablo ang isa sa mga kapitan at sinabi, “Samahan nga po ninyo ang binatilyong ito sa inyong pinuno sapagkat mayroon siyang gustong sabihin.”
18 Sinamahan nga ng kapitan ang binatilyo sa pinuno ng mga sundalo. Sinabi niya, “Tinawag po ako ng bilanggong si Pablo at pinasamahan sa inyo ang binatilyong ito, sapagkat may sasabihin daw siya sa inyo.”
19 Hinawakan ng pinuno sa kamay ang binatilyo, dinala sa isang tabi at tinanong, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?”
20 Sumagot siya, “Pinagkasunduan po ng mga Judio na hilingin sa inyo na iharap si Pablo sa Kapulungan bukas at kunwari'y sisiyasatin nila siya nang mas mabuti. 21 Ngunit huwag po kayong maniniwala. Tatambangan po siya ng mahigit sa apatnapung lalaki na nanumpang hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. Handang-handa na po sila ngayon at pasya na lamang ninyo ang hinihintay.”
22 “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo ito sa akin,” sabi ng pinuno ng mga sundalo. At pinauwi niya ang binatilyo.
Ipinadala si Pablo kay Gobernador Felix
23 Ang pinuno ay tumawag ng dalawang kapitan at sinabi sa mga ito, “Maghanda kayo ng dalawandaang sundalo at pitumpung kawal na nakakabayo at dalawandaang kawal na may sibat upang magtungo sa Cesarea ngayong alas nuwebe ng gabi. 24 Maghanda rin kayo ng mga kabayong sasakyan ni Pablo at ihatid ninyo siya kay Gobernador Felix. Ingatan ninyo siyang mabuti!”
25 At sumulat siya ng ganito,
26 “Sa Kagalang-galang na Gobernador Felix, maligayang bati mula kay Claudio Lisias! 27 Ang lalaking ito'y hinuli ng mga Judio at papatayin na sana. Nalaman kong siya'y isang mamamayang Romano, kaya't nagsama ako ng mga kawal at iniligtas siya. 28 Sa hangad kong malaman kung ano ang sakdal laban sa kanya, pinaharap ko siya sa Kapulungan. 29 Nalaman kong ang paratang sa kanya'y tungkol sa ilang usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, at hindi sapat na dahilan upang siya'y ipapatay o ipabilanggo. 30 At nang malaman kong siya'y pinagtatangkaang patayin ng mga Judio, agad ko siyang ipinadala sa inyo. Sinabi ko sa mga taong nagsasakdal na sa inyo sila magharap ng reklamo laban sa kanya.”
31 Sinunod nga ng mga kawal ang utos sa kanila. Kinagabiha'y kinuha nila si Pablo at dinala sa Antipatris. 32 Kinabukasan, nagbalik na sa himpilan ang mga kawal, at hinayaan ang mga sundalong nakakabayo na magpatuloy sa paglalakbay kasama si Pablo. 33 Pagdating sa Cesarea iniharap nila si Pablo sa gobernador at ibinigay ang sulat na dala nila. 34 Pagkabasa sa sulat, tinanong ng gobernador si Pablo kung saang lalawigan siya nagmula. At nang malamang siya'y taga-Cilicia, 35 kanyang sinabi, “Diringgin ko ang kaso mo pagdating ng mga nagsasakdal sa iyo.” At pinabantayan niya si Pablo sa palasyo ng gobernador.
by