M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Ikalimang Salot: Ang Pagkamatay ng mga Hayop
9 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon at sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng mga Hebreo, na payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 2 Kapag pinigil pa niya kayo, 3 paparusahan ko ng kakila-kilabot na salot ang kanyang mga hayop: ang mga kabayo, asno, kamelyo, baka, tupa at kambing. 4 Mamamatay ang lahat ng mga hayop ng mga Egipcio, ngunit isa mang hayop ng mga Israelita ay walang mamamatay. 5 Naitakda ko na ang oras, bukas ito mangyayari.”
6 Kinabukasan, ginawa nga ni Yahweh ang kanyang sinabi at namatay ang lahat ng hayop ng mga Egipcio, ngunit kahit isa'y walang namatay sa hayop ng mga Israelita. 7 At nang patingnan ng Faraon, wala ngang namatay sa mga hayop ng mga Israelita. Ngunit nagmatigas pa rin ito at ayaw pa ring payagan ang mga Israelita.
Ang Ikaanim na Salot: Ang mga Pigsa
8 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Dumakot kayo ng abo sa pugon at ito'y pataas na ihahagis ni Moises na nakikita ng Faraon. 9 Mapupuno ng pinong alikabok ang buong Egipto at ang lahat ng tao at hayop sa lupain ay matatadtad ng mga pigsang nagnanaknak.” 10 Kumuha(A) nga sila ng abo sa pugon at pumunta sa Faraon. Pagdating doon, pataas na inihagis ni Moises ang abo at natadtad nga ng mga pigsang nagnanaknak ang mga tao't mga hayop sa buong Egipto. 11 Ang mga salamangkero'y hindi na nakaharap kay Moises sapagkat sila ma'y tadtad rin ng mga pigsang nagnanaknak. 12 Samantala, ang Faraon ay pinagmatigas pa rin ni Yahweh. Hindi nito pinansin ang mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises.
Ang Ikapitong Salot: Ang Malakas na Ulan ng Yelo
13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umagang-umaga, pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong iniuutos ko na payagan na niyang sumamba sa akin ang mga Israelita. 14 Kapag hindi pa siya pumayag, magpapadala ako ng matinding salot sa kanya, sa kanyang mga tauhan at nasasakupan, upang malaman nilang ako'y walang katulad sa buong daigdig. 15 Kung siya at ang buong bayan ay pinadalhan ko agad ng salot na sakit, sana'y patay na silang lahat. 16 Ngunit(B) hindi ko ginawa iyon upang ipakita sa kanya ang aking kapangyarihan at sa gayo'y maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig. 17 Ngunit hanggang ngayo'y hinahadlangan pa niya ang aking bayan, at ayaw pa rin niyang payagang umalis. 18 Kaya, bukas sa ganitong oras, pauulanan ko sila ng malalaking tipak ng yelo na walang kasinlakas sa buong kasaysayan ng Egipto. 19 Pasilungin mo ang lahat ng tao at isilong ang lahat ng hayop, sapagkat lahat ng bagsakan nito ay mamamatay.” 20 Ang ibang tauhan ng Faraon ay natakot sa ipinasabi ni Yahweh kaya pinasilong nila ang kanilang mga alipin at mga hayop 21 ngunit ipinagwalang-bahala ito ng iba at hinayaan nila sa labas ang kanilang mga alipin at mga hayop.
22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay at uulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto, at babagsak ito sa mga tao't mga hayop na nasa labas, pati sa mga halaman.” 23 Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Gumuhit ang kidlat, dumagundong ang kulog at umulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto. 24 Malakas(C) na malakas ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sunud-sunod ang pagkidlat. Ito ang pinakamalakas na pag-ulan ng yelo sa kasaysayan ng Egipto. 25 Bumagsak ito sa buong Egipto at namatay ang lahat ng hindi nakasilong, maging tao man o hayop. Nasalanta ang lahat ng mabagsakan, pati mga halaman at mga punongkahoy. 26 Ngunit ang Goshen na tinitirhan ng mga Israelita ay hindi naulanan ng yelong ito.
27 Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Tinatanggap ko ngayon na nagkasala ako kay Yahweh. Siya ang matuwid at kami ng aking mga kababayan ang mali. 28 Ipanalangin ninyo kami sa kanya sapagkat hirap na hirap na kami sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sa malalakas na kulog. Ipinapangako kong kayo'y papayagan ko nang umalis sa lalong madaling panahon.”
29 Sinabi ni Moises, “Pagkalabas ko ng lunsod, mananalangin ako kay Yahweh. Mawawala ang mga kulog at titigil ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Sa gayo'y malalaman ninyo na si Yahweh ang siyang may-ari ng daigdig, 30 kahit alam kong kayo at ang inyong mga tauhan ay hindi pa natatakot sa Panginoong Yahweh.”
31 Ang mga tanim na lino at ang mga sebada ay sirang-sira sapagkat may uhay na ang sebada at namumulaklak na ang lino. 32 Ngunit hindi napinsala ang trigo at ang espelta sapagkat huling tumubo ang mga ito.
33 Umalis si Moises at lumabas ng lunsod. Nanalangin siya kay Yahweh at tumigil ang kulog, ang ulan at ang pagbagsak ng malalaking tipak ng yelo. 34 Nang makita ng Faraon na tumigil na ang ulan at wala nang kulog, nagmatigas na naman siya. Dahil dito, muli siyang nagkasala pati ang kanyang mga tauhan. 35 Lalo siyang nagmatigas sa pagpigil sa mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises.
Babala Laban sa Pagkukunwari(A)
12 Samantala,(B) dumaragsa ang libu-libong tao, at sa sobrang dami ay nagkakatapakan na sila. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo. Ang tinutukoy ko ay ang kanilang pagkukunwari. 2 Walang(C) natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. 3 Ang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa loob ng silid ay ipagsisigawan sa lansangan.
Ang Dapat Katakutan(D)
4 “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin higit pa rito. 5 Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan!
6 “Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halaga lamang ng dalawang salaping tanso? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi kinakalimutan ng Diyos. 7 Maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya't huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”
Pagkilala kay Cristo(E)
8 “Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos. 9 Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin naman sa harap ng mga anghel ng Diyos.
10 “Ang(F) sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.
11 “Kapag(G) kayo'y dinala nila sa sinagoga, o sa harap ng mga pinuno at ng mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili o kung ano ang inyong sasabihin 12 sapagkat sa oras na iyon, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin.”
Maling Pag-iipon ng Kayamanan
13 Sinabi kay Jesus ng isa sa mga naroroon, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na paghatian namin ang aming mana.”
14 Sumagot siya, “Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanilang lahat, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.”
16 Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga. “Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. 17 Kaya't nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! 18 Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. 19 Pagkatapos,(H) ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!’
20 “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ 21 Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”
Pananalig sa Diyos(I)
22 Sinabi pa ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya't sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong buhay, sa inyong kakainin, o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. 23 Sapagkat ang buhay ay higit pa kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang imbakan o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! 25 Sino sa inyo ang makakapagdagdag sa kanyang buhay[a] ng kahit isang oras dahil sa pagkabalisa? 26 Kung hindi ninyo magawâ ang ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nababalisa tungkol sa ibang mga bagay? 27 Tingnan(J) ninyo ang mga bulaklak sa parang kung paano sila lumalago. Hindi sila nagtatrabaho ni humahabi man. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 28 Kung dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa parang na buháy ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 29 Kaya't huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakainin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. 30 Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. 31 Subalit, bigyang halaga ninyo nang higit sa lahat ang kaharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang mga bagay na ito.”
Ang Kayamanang Hindi Mawawala(K)
32 “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag-ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nauubos. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.”
Mga Aliping Laging Handa
35 “Maging(L) handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad(M) kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto. 37 Pinagpala ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan. 38 Pinagpala sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man. 39 Sinasabi(N) ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito. 40 Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Ang Tapat at Di Tapat na Alipin(O)
41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?”
42 Sumagot ang Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang katiwalang pamamahalain ng kanyang panginoon sa kanyang sambahayan upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa takdang oras? 43 Pinagpala ang aliping madaratnang gumaganap ng tungkulin pag-uwi ng kanyang panginoon. 44 Sinasabi ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 45 Ngunit kung sasabihin ng aliping iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pag-uwi ng aking panginoon,’ bubugbugin niya ang mga kapwa niya aliping lalaki at babae, at siya'y kakain, iinom at maglalasing, 46 darating ang kanyang panginoon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong lupit siyang paparusahan[b] ng kanyang panginoon, at isasama sa mga suwail.
47 “Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit nagpapabaya, o ayaw tumupad sa ipinapagawa nito ay paparusahan nang mabigat. 48 Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.”
Pagkabaha-bahagi ng Sambahayan(P)
49 “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana'y nagliliyab na ito! 50 May(Q) isang bautismo na dapat kong danasin, at ako'y nababagabag hangga't hindi ito nagaganap. 51 Akala ba ninyo'y naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan ang dala ko kundi pagkabaha-bahagi. 52 Mula ngayon, ang lima sa isang sambahayan ay mahahati, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo.
53 Ang(R) ama laban sa anak na lalaki,
at ang anak na lalaki laban sa ama;
ang ina laban sa anak na babae,
at ang anak na babae laban sa ina;
ang biyenang babae laban sa manugang na babae,
at ang manugang na babae laban sa biyenang babae.”
Pagkilala sa mga Palatandaan(S)
54 Sinabi rin ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyong kumakapal ang ulap sa kanluran, sinasabi ninyo agad na uulan, at ganoon nga ang nangyayari. 55 At kung umiihip ang hangin mula sa katimugan ay sinasabi ninyong iinit, at nagkakaganoon nga. 56 Mga mapagkunwari! Marunong kayong umunawa ng palatandaan sa lupa at sa langit, bakit hindi ninyo nauunawaan ang mga tanda ng kasalukuyang panahon?”
Makipagkasundo sa Kaaway(T)
57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang tamang gawin? 58 Kapag ikaw ay isinakdal, sikapin mong makipagkasundo ka sa nagsakdal sa iyo bago dumating sa hukuman; baka kaladkarin ka niya sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa tanod, at ibilanggo ka naman nito. 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”
Ipinaliwanag ni Job ang Bahagi ng Masama
27 Muling tumugon si Job,
2 “Isinusumpa ko sa Diyos na sa aki'y nagkait ng katarungan,
sa Makapangyarihang Diyos na nagdulot sa akin ng kapaitan.
3-4 Habang mayroon akong hininga na Diyos ang nagbibigay,
ang labi ko'y walang bibigkasing kasinungalingan,
ang aking sasabihin ay pawang katotohanan.
5 Hindi ko matatanggap na kayo ang may katuwiran,
igigiit hanggang kamatayan na ako'y walang kasalanan.
6 Hindi ko isusuko ang aking katuwiran,
budhi ko'y malinis, di ako sinusumbatan.
7 “Parusahan nawa ang lahat ng sa aki'y lumalapastangan;
ituring nawa silang lahat na makasalanan.
8 Ang makasalana'y mayroon pa bang pag-asa,
kapag binawi na ng Diyos ang buhay na taglay niya?
9 Pagsapit ng kaguluhan, papakinggan kaya ng Diyos ang kanyang panawagan?
10 Ito kaya ay mananalig sa Makapangyarihan
at sa lahat ng araw, Diyos ay tatawagan.
11 “Ang kalooban ng Diyos, sa inyo'y sasabihin
at aking ihahayag ang nais niyang gawin.
12 Ang lahat ng ito'y inyo namang nalalaman,
subalit ang salita ninyo'y pawang walang kabuluhan.”
13 Ang sagot ni Zofar:
“Sa masama ay ganito ang inihanda ng Diyos,
sa mararahas ay ito ang parusang ibubuhos:
14 Magkakaanak sila ng marami
ngunit mamamatay sa digmaan,
ang kanilang mga anak, gutom ang mararanasan.
15 Ang matitirang buháy, sa salot mamamatay,
ngunit kanilang mga biyuda, hindi sila tatangisan.
16 Kahit siya'y makaipon ng malaking kayamanan
o kaya'y magkaroon ng maraming kasuotan,
17 isa man sa mga iyon ay di niya papakinabangan,
mapupunta sa matuwid ang lahat niyang kayamanan.
18 Sapot lamang ng gagamba[a] ang katulad ng kanyang bahay,
parang kubo lamang ng mga aliping bantay.
19 Matutulog ang mayaman ngunit hanggang doon na lang;
pagmulat ng kanyang mata, ari-arian niya ay wala na.
20 Mga kasawian ay parang bahang darating,
tatangayin ng ipu-ipo pagsapit ng dilim.
21 Matinding hanging silangan, sa kanya ay tatangay, tuluyan siyang mawawala at di na makikita.
22 Patuloy siyang babayuhin nang walang pakundangan,
ang kapangyarihan nito'y sisikapin niyang matakasan.
23 Sa bandang huli, hangin ay magagalak
pagkat itong masama, tuluyan ng bumagsak.
Ang Pag-ibig
13 Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na maingay. 2 Kung(A) ako man ay may kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung nasa akin man ang lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya, anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. 3 At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin,[a] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala!
4 Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, 5 hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. 6 Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.
8 Matatapos ang kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at lilipas ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. 9 Hindi pa ganap ang ating kaalaman at hindi rin ganap ang kakayahan nating magsalita ng mensahe mula sa Diyos, 10 ngunit pagdating ng ganap, maglalaho na ang di-ganap.
11 Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at nangangatuwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata. 12 Sa kasalukuyan ang ating nakikita ay tila malabong larawan sa salamin, subalit darating ang araw na ang lahat ay makikita natin nang harapan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.
13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.