M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagpunta sa Egipto ang mga Kapatid ni Jose
42 Nang mabalitaan ni Jacob na maraming pagkain sa Egipto, sinabi niya sa kanyang mga anak na lalaki, “Ano pang hinihintay ninyo? 2 Pumunta(A) kayo sa Egipto at bumili agad ng pagkain upang hindi tayo mamatay sa gutom. Balita ko'y maraming pagkain doon.” 3 Pumunta nga sa Egipto ang sampung kapatid ni Jose upang bumili ng pagkain. 4 Si Benjamin, ang tunay na kapatid ni Jose, ay hindi na pinasama ni Jacob sa takot na may masamang mangyari sa kanya.
5 Kasama ng ibang taga-Canaan, lumakad ang mga anak ni Jacob upang bumili ng pagkain sapagkat laganap na ang taggutom sa buong Canaan. 6 Bilang gobernador ng Egipto, si Jose ang nagbebenta ng pagkain sa mga tao, kaya't sa kanya pumunta ang kanyang mga kapatid. Paglapit ng mga ito, sila'y yumukod sa kanyang harapan. 7 Nakilala agad ni Jose ang mga kapatid niya, ngunit hindi siya nagpahalata. “Tagasaan kayo?” mabagsik niyang tanong.
“Taga-Canaan po. Naparito po kami upang bumili ng pagkain,” tugon nila.
8 Nakilala nga ni Jose ang kanyang mga kapatid ngunit hindi siya namukhaan ng mga ito. 9 Naalala(B) niya ang kanyang mga panaginip tungkol sa kanila, kaya't sinabi niya, “Kayo'y mga espiya, at naparito kayo upang makita ang kahinaan ng aming bansa, hindi ba?”
10 “Hindi po! Kami pong mga lingkod ninyo'y bumibili lamang ng pagkain. 11 Magkakapatid po kami, at kami'y mga taong tapat. Hindi po kami mga espiya.”
12 “Hindi ako naniniwala,” sabi ni Jose. “Naparito kayo upang alamin ang kahinaan ng aming bansa!”
13 Kaya't nagmakaawa sila, “Ginoo, kami po'y labindalawang magkakapatid; nasa Canaan po ang aming ama. Pinaiwan po ang bunso naming kapatid; ang isa po nama'y patay na.”
14 Sinabi ni Jose, “Tulad ng sinabi ko, kayo'y mga espiya! 15 At isinusumpa ko sa ngalan ng Faraon, hindi kayo makakaalis hanggang hindi ninyo dinadala rito ang inyong bunsong kapatid. 16 Umuwi ang isa sa inyo at kunin siya; ang iba'y ikukulong dito hanggang hindi ninyo napatutunayan ang inyong sinasabi. Kung hindi, mga espiya nga kayo!” 17 Tatlong araw niyang ikinulong ang kanyang mga kapatid.
18 Pagsapit ng ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Ako'y may takot sa Diyos; bibigyan ko kayo ng pagkakataong mabuhay kung gagawin ninyo ito: 19 Kung talagang nagsasabi kayo ng totoo, isa lamang sa inyo ang ibibilanggo; ang iba'y makakaalis na at maaari nang iuwi ang pagkaing binili ninyo para sa inyong mga pamilya. 20 Ngunit pagbalik ninyo'y kailangang isama ninyo ang bunso ninyong kapatid. Dito ko malalaman na kayo'y nagsasabi ng totoo, at hindi kayo mamamatay.” Sumang-ayon ang lahat.
21 Pagkatapos, ang sabi nila sa isa't isa, “Nagbabayad na tayo ngayon sa ginawa natin sa ating kapatid. Nakikita natin ang paghihirap ng kanyang kalooban noon ngunit hindi natin pinansin ang kanyang pagmamakaawa. Kaya tayo naman ngayon ang nasa kagipitan.”
22 “Iyan(C) na nga ba ang sinasabi ko,” sabi ni Ruben. “Nakiusap ako sa inyong huwag saktan ang bata, ngunit hindi kayo nakinig; ngayon, pinagbabayad tayo sa kanyang kamatayan.” 23 Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang kanilang usapan, sapagkat gumagamit pa ito ng tagasalin sa wika kapag humaharap sa kanila. 24 Iniwan muna sila ni Jose dahil sa hindi na niya mapigil ang pag-iyak. Nang panatag na ang kanyang kalooban, bumalik siya at ibinukod si Simeon. Ipinagapos niya ito sa harapan nila.
Nagbalik ang mga Kapatid ni Jose sa Canaan
25 Iniutos ni Jose na punuin ng trigo ang kanilang mga sako at ilagay doon ang salaping ibinayad nila. Pinabigyan pa sila ng makakain sa kanilang paglalakbay. Nasunod lahat ang utos ni Jose. 26 Ikinarga ng magkakapatid sa mga asno ang kanilang biniling pagkain, at sila'y umalis. 27 Pagsapit ng gabi, tumigil sila upang magpahinga. Binuksan ng isa ang kanyang sako upang pakainin ang asno niya at nakita ang salapi sa loob ng sako. 28 Napasigaw ito, “Ibinalik sa akin ang aking salapi! Heto sa aking sako!”
Nanginig sila sa takot at nagtanong sa isa't isa, “Ano ang ginawang ito sa atin ng Diyos?”
29 Pagdating nila sa Canaan, isinalaysay nila kay Jacob ang nangyari sa kanila. Sinabi nila, 30 “Ama, napakabagsik pong magsalita ng gobernador sa Egipto. Akalain ba naman ninyong pagbintangan pa kaming mga espiya! 31 Sinabi po naming mga tapat na tao kami at hindi mga espiya. 32 Ipinagtapat pa naming kami'y labindalawang magkakapatid na lalaki at iisa ang aming ama. Sinabi po namin na patay na ang isa naming kapatid, at ang bunso nama'y kasama ninyo rito sa Canaan. 33 Pagkatapos po naming sabihin ito, akalain ninyong susubukan daw niya kung kami'y nagsasabi ng totoo! Pinaiwan po si Simeon, at pinauwi na kaming dala ang pagkaing aming binili. 34 Ngunit mahigpit po ang bilin niya na bumalik kaming kasama ang aming bunsong kapatid bilang katunayang kami'y nagsasabi ng totoo. Kung magagawa namin ito, nangako po siyang palalayain si Simeon at pahihintulutan kaming manirahan at magnegosyo sa kanyang bansa.”
35 Nang isalin nila ang kani-kanilang sako, nakita nila ang salaping kanilang ibinayad. Kaya't pati si Jacob ay natakot. 36 Sinabi niya, “Iiwan ba ninyo akong mag-isa? Wala na si Jose, wala rin si Simeon, ngayo'y gusto pa ninyong isama si Benjamin? Napakabigat namang pasanin ito para sa akin!”
37 Sinabi ni Ruben, “Ama, kung hindi ko maibalik sa inyo si Benjamin, patayin na ninyo ang dalawa kong anak. Ipaubaya ninyo sa akin si Benjamin at ibabalik ko siya.”
38 Ngunit sinabi ni Jacob, “Hindi ko papayagang sumama sa inyo ang aking anak, patay na ang kanyang kapatid at siya na lamang ang nasa akin. Sa tanda ko nang ito, kung siya'y masasawi sa daan, hindi ko na ito makakayanan; mamamatay akong nagdadalamhati.”
Ang Talinghaga tungkol sa mga Masasamang Magsasaka(A)
12 At(B) tinuruan ni Jesus ang mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya ang ubasan, nagpagawa ng pisaan ng ubas at nagpatayo ng isang tore. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at siya'y nagpunta sa ibang lupain. 2 Nang dumating ang panahon ng pag-aani ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi. 3 Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang utusan, binugbog at saka pinauwing walang dala. 4 Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit ito ay hinampas sa ulo at nilait-lait ng mga magsasaka. 5 Nagsugo na naman ang may-ari ng isa pang alipin ngunit pinatay naman nila ito. Ganoon din ang ginawa nila sa marami pang iba, may binugbog at may pinatay. 6 Hindi nagtagal, iisa na lang ang natitirang maaaring papuntahin ng may-ari, ang kanyang minamahal na anak. Kaya't pinapunta niya ito sa pag-aakalang igagalang nila ang kanyang anak. 7 Ngunit nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Iyan ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin lahat ng kanyang mamanahin.’ 8 Kaya't sinunggaban nila at pinatay ito, at pagkatapos ay itinapon ang kanyang bangkay sa labas ng ubasan.
9 “Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga magsasakang iyon, at ang ubasan ay ipapamahala niya sa iba. 10 Hindi(C) ba ninyo nabasa ang sinasabi sa kasulatan?
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-panulukan.
11 Ito'y ginawa ng Panginoon,
at kahanga-hangang pagmasdan.’”
12 Nang mahalata ng mga pinuno ng mga Judio na sila ang tinutukoy ni Jesus sa mga talinghagang iyon, tinangka nilang dakpin siya. Subalit hindi nila ito magawa sapagkat natatakot sila sa mga tao. Kaya't umalis na lamang sila at iniwan si Jesus.
Ang Pagbabayad ng Buwis(D)
13 Ilang Pariseo at ilan sa mga tagasunod ni Herodes ang pinapunta kay Jesus upang siluin siya sa kanyang pananalita. 14 Kaya lumapit sila sa kanya at sinabi, “Guro, nalalaman po naming kayo'y tapat at walang kinikilingan. Pantay-pantay ang pagtingin ninyo sa lahat ng tao at itinuturo ninyo ang tunay na kalooban ng Diyos para sa tao. Nais po naming itanong kung labag sa Kautusan ang magbayad ng buwis sa Emperador. Dapat po ba kaming magbayad ng buwis o hindi?”
15 Alam ni Jesus na sila'y nagkukunwari lamang, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ba ninyo ako sinusubok? Bigyan ninyo ako ng isang salaping pilak.[a]”
16 At siya nga ay binigyan nila ng salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Jesus sa kanila.
“Sa Emperador po,” tugon nila.
17 Sinabi ni Jesus, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
At sila'y labis na namangha sa kanya.
Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(E)
18 May(F) ilang Saduseo na lumapit kay Jesus upang magtanong. Ang mga ito ay nagtuturo na hindi muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila, 19 “Guro,(G) isinulat po ni Moises para sa atin, ‘Kapag namatay ang isang lalaki at naiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid ng lalaki ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ 20 Mayroon pong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, subalit siya'y namatay na walang anak. 21 Pinakasalan ng pangalawang kapatid ang biyuda subalit namatay rin ang lalaki na walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22 Isa-isang napangasawa ng babae ang pitong magkakapatid at silang lahat ay namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha'y ang babae naman ang namatay. 23 [Kapag binuhay na muli ang mga patay][b] sa araw ng muling pagkabuhay, sino po ba sa pitong magkakapatid ang kikilalaning asawa ng babaing iyon, sapagkat silang lahat ay napangasawa niya?”
24 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo dahil hindi ninyo nauunawaan ang itinuturo ng Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos. 25 Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila'y magiging katulad na ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol(H) naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa kasaysayan ng nagliliyab na mababang puno, ang sinabi ng Diyos sa kanya? Ito ang sinabi niya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ 27 Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay; siya ang Diyos ng mga buháy. Talagang maling-mali kayo!”
Ang Dalawang Pinakamahalagang Utos(I)
28 Ang(J) kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, “Alin po ba ang pinakamahalagang utos?”
29 Sumagot(K) si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos—siya lamang ang Panginoon. 30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong pag-iisip mo at buong lakas mo.’ 31 Ito(L) naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.”
32 Wika(M) ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. 33 At(N) higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay.”
34 Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito kaya't sinabi niya, “Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos.” At mula noon ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus.
Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(O)
35 Habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sinabi niya, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? 36 Hindi(P) ba't si David na rin ang nagpahayag ng ganito nang siya'y gabayan ng Espiritu Santo:
“Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
‘Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’”
37 Si David na rin ang tumawag sa kanya ng Panginoon; paano siya magiging anak ni David?”
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(Q)
Napakaraming tao ang malugod na nakikinig sa kanya. 38 Sa kanyang pagtuturo, sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig magpalakad-lakad na suot ang kanilang mahahabang damit at gustung-gustong binabati nang may paggalang sa mga pamilihan. 39 Ang gusto nila ay ang mga natatanging upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan. 40 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, mas mabigat na parusa ang igagawad sa kanila.”
Ang Kaloob ng Biyuda(R)
41 Naupo si Jesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob sa Templo, at pinagmasdan ang mga naghuhulog ng salapi. Napansin niyang maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. 42 Lumapit naman ang isang biyudang dukha at naghulog ng dalawang salaping tanso. 43 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo, ang inihandog ng biyudang iyon ay higit na marami kaysa sa inihulog nilang lahat. 44 Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan, ngunit ang ibinigay ng babaing iyon, bagama't siya'y dukha, ay ang buo niyang ikinabubuhay.”
Makatarungan ang Diyos
8 Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita:
2 “Hanggang kailan ka magsasalita ng ganyan,
mga salitang parang hangin at walang kabuluhan?
3 Hindi pinipilipit ng Diyos ang katarungan;
hindi binabaluktot ng Makapangyarihan ang katuwiran.
4 Maaaring nagkasala sa Diyos ang iyong mga anak,
kaya't ibinigay niya sa kanila ang parusang nararapat.
5 Ngunit kung ikaw ay lalapit at makiusap sa Diyos na Makapangyarihan,
6 kung ikaw ay talagang tapat, at malinis ang kalooban,
tutulungan ka ng Diyos;
gagantimpalaan at ibabalik niya ang iyong sambahayan.
7 Maliit na bagay ang mga nawala mong kayamanan,
kung ihahambing ang sa iyo'y kanyang ibibigay.
8 “Alamin(A) mo ang mga nagdaang kasaysayan,
itanong sa matatanda ang kaalamang natuklasan.
9 Buhay nati'y maikli lang, at kaalaman nati'y kulang;
parang anino lamang tayong dumaan sa ibabaw ng sanlibutan.
10 Pakaisipin mo ang kanilang mga aral,
ang kanilang sinasabi ay iyong pakinggan.
11 “Ang halaman sa tubigan ay di mabubuhay,
kundi sa matubig at malamig na lugar lamang.
12 Ito'y unang nalalanta kapag ito ay natuyuan,
kahit bagong tubo pa lang at di pa napuputulan.
13 Ganyan ang katulad ng mga taong walang Diyos,
pag-asa ay mawawala kapag ang Diyos ay nilimot.
14 Ang mga bagay na pinagkakatiwalaan nila'y kasingrupok lamang ng sapot ng gagamba.
15 Kapag ito'y sinandalan, agad itong nalalagot,
kapag ito'y hinawakan, tiyak itong masisira.
16 “Ang masasamang tao'y parang damong nagsusulputan,
tulad ng masamang damong kumakalat sa halamanan.
17 Bumabalot sa mga bato ang kanilang mga ugat,
at sa bawat bato sila'y humahawak.
18 Ngunit kapag sila'y nabunot sa kinatatamnan,
wala nang nakakaalala sa dati nilang kalagayan.
19 Ganyan ang kasiyahan ng masasamang tao,
may iba namang lilitaw at kukuha ng kanilang puwesto.
20 “Hindi pababayaan ng Diyos ang mabuting tao,
ngunit sa masama'y hindi siya sasaklolo.
21 Patatawanin ka niya at pasisigawin sa tuwa,
22 ngunit ang mga kaaway mo'y kanyang ipapahiya,
at ang tahanan ng masasama ay ganap na mawawala.”
Pamumuhay Cristiano
12 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba[a] ninyo sa Diyos. 2 Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo, huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, pakaisipin ninyong mabuti ang tunay ninyong katayuan ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. 4 Kung(A) paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at magkakaiba ang gawain ng mga ito, 5 gayundin naman, kahit na tayo'y marami, nabubuo tayo sa iisang katawan ni Cristo, at tayong lahat ay bahagi ng isa't isa. 6 Tumanggap(B) tayo ng iba't ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya't gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang ating kaloob ay pagsasalita ng pahayag mula sa Diyos, magpahayag tayo ayon sa sukat ng ating pananampalataya. 7 Kung paglilingkod ang ating kaloob, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob sa pagtuturo. 8 Magpalakas ng loob ang may kaloob sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo nang buong puso; kung pamumuno naman, mamuno kayo nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa ang inyong kaloob, gawin ninyo iyan nang buong galak.
9 Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. 11 Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin. 13 Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar.
14 Idalangin(C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; idalangin ninyo sila at huwag sumpain. 15 Makigalak(D) kayo sa mga nagagalak, at makitangis sa mga tumatangis. 16 Magkaisa(E) kayo ng saloobin. Huwag kayong magmayabang, sa halip ay makisama kayo kahit sa mga dukha.[b] Huwag ninyong ipalagay na kayo'y napakarunong.
17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa harap ng lahat ng mga tao. 18 Hangga't maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman. 19 Mga(F) minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Sa halip,(G) “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo.”[c] 21 Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.