M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagkamatay ng Anak ni Jeroboam
14 Nang panahong iyon, nagkasakit si Abias na anak ni Jeroboam. 2 Kaya't sinabi ni Jeroboam sa kanyang asawa, “Magbalatkayo ka para walang makakilala sa iyo na asawa ka ng hari. Puntahan mo sa Shilo si Ahias, ang propetang nagsabi sa akin na maghahari ako sa bayang Israel. 3 Magdala ka ng sampung tinapay, ilang bibingka, at isang garapong pulot. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa anak natin.”
4 Ganoon nga ang ginawa ng babae. Pinuntahan niya sa Shilo si Ahias. Matandang-matanda na noon si Ahias at bulag na. 5 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pupunta rito ang asawa ni Jeroboam at itatanong niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa kanyang anak na may sakit.” Sinabi rin ni Yahweh kay Ahias kung ano ang sasabihin niya sa babae.
Nang dumating ang asawa ni Jeroboam, siya'y nagkunwaring ibang babae. 6 Subalit nang marinig ni Ahias na nasa may pintuan na ang babae, sinabi niya, “Tuloy kayo, asawa ni Jeroboam. Bakit pa kayo nagkukunwari? Mayroon akong masamang balita para sa inyo. 7 Bumalik kayo kay Jeroboam at sabihin ninyo, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Pinili kita mula sa mga sambayanan at ginawang pinuno ng aking bayang Israel. 8 Inalis ko sa sambahayan ni David ang malaking bahagi ng kaharian at ibinigay sa iyo. Ngunit hindi ka tumulad kay David na aking lingkod. Tinupad niya ang lahat kong iniutos, sinunod niya ako nang buong-puso, at wala siyang ginawa kundi ang kalugud-lugod sa aking paningin. 9 Higit ang ginawa mong kasamaan kaysa ginawa ng lahat ng mga nauna sa iyo. Tinalikuran mo ako at ginalit nang magpagawa ka ng sarili mong mga diyos, mga imaheng yari sa tinunaw na metal. 10 Dahil(A) dito paparusahan ko ang iyong angkan. Lilipulin ko silang lahat, matanda at bata. Wawalisin kong parang dumi ang buong angkan mo mula sa Israel. 11 Sinumang kamag-anak mo na mamatay sa loob ng lunsod ay kakainin ng mga aso; ang mamatay naman sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.’ Ito ang sabi ni Yahweh.
12 “Ngayon, umuwi na kayo. Pagpasok na pagpasok ninyo sa bayan ay mamamatay ang inyong anak. 13 Ipagluluksa siya ng buong Israel at ihahatid sa kanyang libingan. Siya lamang sa buong angkan ni Jeroboam ang maihahatid sa libingan sapagkat siya lamang ang kinalugdan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 14 Ang Israel ay bibigyan ng Diyos ng ibang hari na siyang magwawakas sa paghahari ng angkan ni Jeroboam. 15 Paparusahan ni Yahweh ang bayang Israel hanggang sa ito'y manginig na parang tambo sa tubig na pinapaspas ng hangin. Parang punong bubunutin niya ang bayang Israel mula sa masaganang lupaing ito na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno. Magkakawatak-watak sila sa mga lupaing nasa kabila ng ilog sapagkat ginalit nila si Yahweh nang gumawa sila ng mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera. 16 Pababayaan ni Yahweh ang Israel dahil sa mga kasalanang ginawa ni Jeroboam at sa mga kasalanang ipinagawa nito sa bayang Israel.”
17 Nagmamadaling umalis ang asawa ni Jeroboam at nagbalik sa Tirza. Pagdating niya sa pintuan ng kanilang bahay, namatay ang bata. 18 Siya'y ipinagluksa at inilibing ng buong bayang Israel, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias.
Ang Pagkamatay ni Jeroboam
19 Ang iba pang mga ginawa ni Jeroboam—ang kanyang mga pakikidigma at kung paano siya naghari ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 20 Naghari siya sa loob ng dalawampu't dalawang taon. Namatay siya at inilibing, at si Nadab na kanyang anak ang humalili sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Rehoboam(B)
21 Naghari naman sa Juda si Rehoboam na anak ni Solomon. Apatnapu't isang taóng gulang siya nang nagsimulang maghari. Labimpitong taon siyang naghari sa Jerusalem, sa lunsod na pinili ni Yahweh mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang doo'y sambahin siya. Ang pangalan ng kanyang ina ay Naama, isang taga-Ammon.
22 Gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang sambayanan ng Juda at higit na masama ang kanilang ginawa kaysa kanilang mga ninuno. Dahil dito'y nagalit sa kanila si Yahweh. 23 Nagtayo(C) sila ng mga sambahan, mga haliging bato, at mga larawan ni Ashera sa ibabaw ng bawat burol at sa lilim ng bawat mayabong na punongkahoy. 24 Ang(D) pinakamasama pa nito, may mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba. Ginawa ng mga taga-Juda ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh mula sa lupain noong pumasok doon ang mga Israelita.
25 Nang(E) ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sinalakay ni Shishak na hari ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem. 26 Kinuha(F) niya ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Sinamsam niyang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon. 27 Pinalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng mga kalasag na tanso, at inilagay sa pag-iingat ng mga pinuno ng bantay sa hari na nagbabantay sa pintuan ng palasyo. 28 Tuwing pupunta ang hari sa Templo ni Yahweh, dala ng mga bantay ang mga kalasag na iyon. Pagkatapos, ibinabalik ang mga kalasag sa himpilan ng mga bantay.
Ang Pagkamatay ni Rehoboam
29 Ang ibang mga ginawa ni Rehoboam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 30 Patuloy ang labanan ni Rehoboam at ni Jeroboam sa panahon ng kanilang paghahari. 31 Namatay si Rehoboam at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David. Ang ina niya'y isang Ammonita na ang pangala'y Naama. Humalili sa kanya si Abiam na kanyang anak.
1 Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at mula rin sa kapatid nating si Timoteo:
2 Para sa mga taga-Colosas na hinirang ng Diyos at mga tapat na kapatid kay Cristo.
Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama.
Panalangin ng Pasasalamat
3 Tuwing ipinapanalangin namin kayo, lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama[a] ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Sapagkat nabalitaan namin ang inyong pananalig kay Cristo Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang ng Diyos, 5 dahil sa pag-asang makakamtan ninyo na inihanda para sa inyo sa langit. Nalaman ninyo ang tungkol sa pag-asang ito nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na dumating sa inyo. 6 Ito'y lumalaganap at nagdadala ng pagpapala sa buong daigdig, tulad ng nangyari sa inyo mula nang marinig at maunawaan ninyo ang katotohanan tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. 7 Natutunan ninyo ito kay Epafras(A), ang aming kamanggagawa, isang tapat na lingkod ni Cristo at kinatawan ninyo.[b] 8 Sa kanya namin nalaman ang inyong pag-ibig na naaayon sa Espiritu.
9 Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban, sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu. 10 Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos. 11 Idinadalangin din naming patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay. 12 Lagi kayong magpasalamat sa Ama sapagkat minarapat niyang makabahagi kayo[c] sa mga pangako ng Diyos para sa mga hinirang na nasa liwanag. 13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. 14 Sa(B) pamamagitan niya ay napalaya tayo, samakatuwid ay pinatawad ang ating mga kasalanan [sa pamamagitan ng kanyang dugo].[d]
Ang Likas at Gawain ni Cristo
15 Si(C) Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. 18 Siya(D) ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na binuhay mula sa kamatayan, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. 19 Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, 20 at(E) sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa ay ipagkasundo sa kanya. Nakamtan ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak na inialay sa krus.[e]
21 Dati, kayo'y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong paggawa at pag-iisip ng masasama. 22 Ngunit naging tao ang Anak ng Diyos at sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay ay ipinagkasundo kayo sa Diyos. Nang sa gayon ay maiharap niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. 23 Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig. Niloob ng Diyos na akong si Pablo ay maging lingkod para sa Magandang Balitang ito na ipinangaral sa lahat ng tao sa buong daigdig.
Si Pablo'y Naglingkod sa Iglesya
24 Nagagalak ako sa aking paghihirap alang-alang sa inyo, sapagkat sa pamamagitan nito'y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan. 25 Ako'y naging lingkod nito nang piliin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita, 26 ang hiwaga na sa mahabang panahon ay inilihim sa maraming sali't saling lahi, ngunit ngayo'y inihayag na sa kanyang mga hinirang. 27 Niloob ng Diyos na ihayag sa kanila kung gaano kadakila ang kamangha-manghang hiwagang ito para sa mga Hentil na walang iba kundi si Cristo na nasa inyo. Siya ang ating pag-asa na tayo'y makakabahagi sa kaluwalhatian ng Diyos. 28 Iyan ang dahilan kung bakit ipinapangaral namin si Cristo. Ang lahat ay aming binabalaan at tinuturuan nang may buong kaalaman upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa nang ganap at walang kapintasan dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Cristo. 29 Ito ang aking pinagsisikapang matupad sa pamamagitan ng kalakasang kaloob sa akin ni Cristo.
Ang Tuntunin tungkol sa Pintuan sa Gawing Silangan
44 Lumabas kami sa pinto ng templo, sa pinto sa gawing silangan. Pagkalabas namin, sumara ito nang kusa. 2 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mananatiling nakasara ang pintong ito. Walang dadaan dito sapagkat ito'y dinaanan ni Yahweh. 3 Ang pinuno lamang ng Israel ang maaaring kumain sa hapag ni Yahweh; siya ay papasok sa tarangkahan patungo sa gawing dulo; doon din siya lalabas.”
Ang mga Tuntunin sa Pagpasok sa Altar
4 Dinala ako ng lalaki sa may pintuan sa gawing hilaga, sa may harap ng templo, at nakita kong ito'y nagliliwanag sa kaluwalhatian ni Yahweh. Ako'y sumubsob sa lupa. 5 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, pakinggan mo at tandaang mabuti itong mga tuntuning sasabihin ko sa iyo tungkol sa templo ni Yahweh. Tandaan mong mabuti kung sinu-sino ang maaaring pumasok dito at ang hindi. 6 Sabihin mo sa sambahayang yaon na matigas ang ulo, sa sambahayan ni Israel: Ito ang ipinapasabi ni Yahweh na Diyos: Sambahayan ni Israel, tigilan na ninyo ang kasuklam-suklam ninyong gawain. 7 Ang mga dayuhan, mga taong may maruruming puso at isipan ay pinahihintulutan ninyong pumasok sa aking templo; sa gayo'y nasasalaula ito. Nangyayari ito sa inyong paghahandog sa akin ng pagkain, taba at dugo. Sinira ninyo ang aking tipan sa pamamagitan ng inyong kasuklam-suklam na gawain. 8 Sa halip na kayo ang mangalaga sa mga bagay na itinalaga sa akin, ipinaubaya ninyo sa ibang tao.
9 “Mula ngayon, akong si Yahweh ang nagsasabi sa inyo na walang taga-ibang bayang may maruming puso at hindi tuli ang maaaring pumasok sa aking templo, kahit na ang mga ito'y kasamang namamahay ng mga Israelita. 10 Ang mga Levita na tumalikod sa akin at nalulong sa pagsamba sa diyus-diyosan ay paparusahan ko. 11 Gayunman, sila pa rin ang maglilingkod sa aking templo at magbabantay sa mga pintuan nito. Sila pa rin ang gagawa ng mga dapat gawin sa loob ng templo. Sila rin ang magpapatay at maghahandog ng mga haing susunugin ng mga mamamayan, at maglilingkod sa akin para sa mga tao. 12 Ang mga paring ito ay naglingkod sa mga diyus-diyosan, anupa't naging dahilan ng kasamaan ng sambahayan ng Israel, kaya naman isinusumpa kong sila'y aking paparusahan. 13 Hindi sila makakalapit sa akin, ni makakapaglingkod bilang mga pari. Hindi rin sila maaaring lumapit sa mga dakong itinalaga sa akin. Sa gayon, malalagay sila sa kahihiyan dahil sa kasuklam-suklam nilang gawain. 14 Gagawin ko na lamang silang katulong sa ibang gawain sa loob ng templo.”
Ang mga Pari
15 “Ang mga paring Levita lamang na mula sa angkan ni Zadok ang maaaring lumapit sa akin at maglingkod nang tuwiran, sapagkat sila ang patuloy na nangalaga sa aking templo nang talikuran ako ng Israel. Kaya naman, sila lamang ang maaaring maghandog sa akin ng pagkain, taba at dugo,” sabi ni Yahweh. 16 “Sila lamang ang papasok sa aking templo at lalapit sa aking hapag upang maglingkod sa akin at magsakatuparan ng aking iniuutos. 17 Telang(A) lino ang kasuotan nila pagpasok pa lamang sa patyo. Huwag silang magsusuot ng anumang yari sa lana habang sila'y naglilingkod sa loob ng patyong ito. 18 Telang lino rin ang gagamitin nilang turbante, gayon din ang salawal. Huwag silang magbibigkis para hindi sila pawisan. 19 Bago(B) sila humarap sa mga tao sa patyo sa labas, huhubarin muna nila ang kasuotan sa paglilingkod sa Diyos. Itatago ito sa sagradong silid, saka magbibihis ng iba upang ang kabanalan ng kasuotang iyon ay hindi makapinsala sa mga mamamayan. 20 Huwag(C) silang magpapakalbo ngunit huwag namang gaanong magpapahaba ng buhok; ito ay kanilang gugupitin sa katamtamang haba. 21 Huwag(D) silang iinom ng alak kung sila ay papasok sa patyo sa loob. 22 Huwag(E) silang mag-aasawa ng babaing pinalayas at hiniwalayan ng asawa, ni sa balo liban na lamang kung balo ng isa ring pari. Ang kukunin nilang asawa ay isang Israelitang hindi pa nasisipingan o kaya'y balo ng kapwa nila pari. 23 Ituturo(F) nila sa mga tao kung ano ang pagkakaiba ng itinalaga kay Yahweh at ng hindi. Ituturo rin nila kung paano ang pagkilala sa malinis at sa marumi ayon sa tuntunin. 24 Kung may hidwaan ang mga mamamayan, sila ang hahatol ayon sa kanilang kaalaman sa usapin. Isasagawa nila sa takdang panahon ang lahat ng aking mga tuntunin at Kautusan. Patuloy rin nilang susundin ang mga tuntunin ukol sa Araw ng Pamamahinga. 25 Huwag(G) silang lalapit sa kaninumang bangkay liban sa ama, ina, kapatid na lalaki o kapatid na dalaga, upang hindi sila ituring na marumi ayon sa Kautusan. 26 Pagkatapos niyang isagawa ang tuntunin ng paglilinis makaraang marumihan siya ng bangkay, bibilang pa siya ng pitong araw bago ibilang na malinis ayon sa Kautusan. 27 At pagpasok niya sa patyo sa loob upang maglingkod sa Banal na Dako, maghahandog siya ng kanyang handog para siya luminis at makapaglingkod muli sa templo. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.
28 “Ang(H) mga pari ay hindi kasama sa partihan sa lupain; ako mismo ang kanilang pinakamana. Hindi sila bibigyan ng anumang ari-arian sa Israel, ako ang kanilang pinakabahagi. 29 Ang(I) ikabubuhay nila ay ang handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at handog na pambayad ng kasalanan. Tatanggap sila mula sa lahat ng handog na iniaalay ng mga Israelita sa akin. 30 Ang pinakamainam sa mga unang bunga at lahat ng handog ng Israel ay mauukol sa mga pari, gayon din ang pinakamasarap ninyong pagkain. Sa gayon, patuloy ko kayong pagpapalain. 31 Ang(J) mga pari ay hindi kakain ng anumang hayop o ibon na kusang namatay o nilapa ng mailap na hayop.”
Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari
97 Si Yahweh ay naghahari, magalak ang buong mundo!
Magsaya nama't magdiwang, lahat kayong mga pulo!
2 Ang paligid niya'y ulap na punô ng kadiliman,
kaharian niya'y matuwid at salig sa katarungan.
3 Sa unahan niya'y apoy, patuloy na nag-aalab,
sinusunog ang kaaway sa matindi nitong ningas.
4 Yaong mga kidlat niyang tumatanglaw sa daigdig,
kapag iyon ay namasdan, ang lahat ay nanginginig.
5 Itong mga kabundukan ay madaling nalulusaw,
sa presensya ni Yahweh, Diyos ng sandaigdigan.
6 Sa langit ay nahahayag nga ang kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
7 Lahat silang sumasamba sa kanilang diyus-diyosan, mahihiya sa kanilang paghahambog na mainam.
Mga diyos nilang ito ay yuyuko sa Maykapal.
8 Nagagalak itong Zion, mamamaya'y nagsasaya,
nagagalak ang lahat ng mga lunsod nitong Juda,
dahilan sa wastong hatol yaong gawad na parusa.
9 Ikaw, Yahweh, ay Dakila at hari ng buong lupa,
dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.
10 Mahal ni Yahweh ang lahat ng namumuhi sa masama,
siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod niya;
sa kamay ng mga buktot, tiyak na ililigtas niya.
11 Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
sa dalisay namang puso maghahari'y kagalakan.
12 Kayong mga matuwid, kay Yahweh ay magalak,
sa banal niyang pangalan kayo'y magpasalamat.
Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo
98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
2 Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
3 Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!
4 Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
5 Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
6 Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.
7 Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
8 Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.
9 Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.