Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Mga Hari 12

Naghimagsik ang mga Lipi sa Hilaga(A)

12 Pumunta sa Shekem si Rehoboam sapagkat nagtipun-tipon doon ang lahat ng mga taga-Israel upang siya'y gawing hari. Nasa Egipto pa noon si Jeroboam na anak ni Nebat. Nagtago siya roon noong pinaghahanap siya ni Solomon. Nang mabalitaan ni Jeroboam ang mga pangyayari, umuwi[a] siya mula sa Egipto. Siya'y kanilang ipinasundo mula roon. Humarap nga kay Rehoboam si Jeroboam at ang buong Israel at sinabi sa kanya, “Napakabigat po ng mga pasaning iniatang sa amin ng inyong ama. Bawasan po ninyo ang pahirap na ginawa niya sa amin; pagaanin ninyo ang pasanin na aming dinadala at paglilingkuran namin kayo.”

Sumagot si Rehoboam, “Bigyan ninyo ako ng tatlong araw upang mapag-aralan ang bagay na ito, at pagkatapos bumalik kayo.” Kaya umalis muna ang mga tao.

Sumangguni si Rehoboam sa matatandang tagapayo na naglingkod kay Solomon nang ito'y nabubuhay pa. Itinanong niya sa kanila kung ano ang dapat niyang gawin. At ganito ang sabi sa kanya ng matatanda: “Kapag pinagbigyan ninyo ang kanilang kahilingan at ipinakita ninyong handa kayong maglingkod sa kanila, kapag sila'y inyong pinakitunguhang mabuti, maglilingkod sila sa inyo habang panahon.”

Ngunit binaliwala ni Rehoboam ang payo ng matatanda. Sa halip, nagtanong siya sa mga kababata niya na ngayo'y naglilingkod sa kanya, “Ano ang dapat kong isagot sa mga taong humihiling na pagaanin ko ang pasaning ipinataw sa kanila ng aking ama?”

10 Ganito naman ang payo nila: “Sabihin mo sa kanila na ang iyong ama ay naging mahina; 11 at daragdagan mo pa ang pahirap na kanyang ipinapasan sa kanila; at kung sila'y hinagupit niya ng latigo, hahagupitin mo naman sila ng mga panghampas na may tinik na bakal.”

12 Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao, ayon sa iniutos sa kanila ng hari. 13 Salungat sa payo ng matatanda, magaspang ang sagot na ibinigay ni Rehoboam sa mga tao. 14 Ang sinunod niya'y ang payo ng kabataan, kaya't sinabi niya, “Kung mabigat ang dalahing ipinapasan sa inyo ng aking ama, daragdagan ko pa iyan! Kung hinagupit niya kayo ng latigo, panghampas na may tinik na bakal ang ihahagupit ko sa inyo!” 15 Hindi nga pinakinggan ng hari ang karaingan ng bayan. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng propeta ni Yahweh na si Ahias kay Jeroboam na anak ni Nebat nang sila'y magkita sa Shilo.

16 Nang(B) makita ng mga taong-bayan na ayaw silang pakinggan ng hari ay sinabi nila, “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse? Pabayaan na natin ang sambahayan ni David!”

Umuwi na nga sa kani-kanilang tahanan ang sampung lipi ng Israel. 17 Ang mga naninirahan lamang sa mga lunsod ng Juda ang nanatiling sakop ni Rehoboam.

18 Pagkatapos, pinapunta niya sa sampung lipi si Adoniram,[b] ang tagapangasiwa ng sapilitang pagtatrabaho, ngunit ito ay pinagbabato nila hanggang mamatay. Kaya't nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas patungo sa Jerusalem. 19 Magmula noon, patuloy na naghimagsik ang sampung lipi ng Israel sa paghahari ng angkan ni David.

Paghiwalay sa Pamahalaan(C)

20 Nang marinig ng pinuno ng Israel na bumalik na si Jeroboam, siya'y ipinatawag nila sa kapulungan ng bayan at ginawang hari ng sampung lipi ng Israel. Ang lipi lamang ni Juda ang nanatili sa angkan ni David.

21 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mga lipi ni Juda at ni Benjamin. Nakatipon siya ng 180,000 mga sanay na mandirigma upang digmain ang sampung lipi ni Israel at bawiin ang kanyang kaharian. 22 Subalit sinabi ni Yahweh kay Semaias na kanyang lingkod, 23 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon at hari ng mga lipi ng Juda at Benjamin 24 na huwag na nilang digmain ang sampung lipi ng Israel. Hayaan na niyang makauwi ang bawat isa sa kanya-kanyang tahanan sapagkat ang nangyari ay aking kalooban.” Sinunod naman nila ang utos ni Yahweh at sila'y umuwi sa kani-kanilang mga tahanan.

Paghiwalay sa Pagsamba

25 Pinatibay ni Jeroboam ang Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya pansamantalang nanirahan. Pagkatapos, lumipat siya sa Penuel. 26 Naisip ni Jeroboam na kung magpapatuloy ang dating kaugalian ng kanyang mga nasasakupan, malamang na manumbalik ang mga iyon sa angkan ni David. Ito ang sabi niya sa sarili, 27 “Kapag ang mga taong ito'y hindi tumigil ng pagpunta sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem upang mag-alay ng mga handog, mahuhulog muli ang kanilang loob sa dati nilang pinuno, si Rehoboam na hari ng Juda, at ako'y kanilang papatayin.”

28 Kaya't(D) matapos pag-isipan ang bagay na ito, gumawa siya ng dalawang guyang ginto at sinabi sa mga taong-bayan, “Huwag na kayong mag-abalang pumunta sa Jerusalem. Narito, bayang Israel, ang inyong diyos na naglabas sa inyo sa Egipto.” 29 Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa nama'y sa Dan. 30 At ang bagay na ito'y naging sanhi ng pagkakasala ng Israel. May mga pumupunta sa Bethel upang sumamba at mayroon din sa Dan. 31 Nagtayo pa siya ng mga sambahan sa burol at naglagay ng mga paring hindi mula sa lipi ni Levi.

32 Ginawa(E) niyang pista ang ikalabing limang araw ng ikawalong buwan ng taon, katulad ng kapistahang ipinagdiriwang sa Juda. Naghandog siya sa altar sa Bethel sa mga guyang ginto na kanyang ginawa at naglingkod doon ang mga paring inilagay niya sa mga sagradong burol. 33 Pumunta nga siya sa altar na kanyang ipinatayo sa Bethel noong ikalabing limang araw ng ikawalong buwan, buwan na siya ang pumili. Iyo'y ginawa niyang pista sa sampung lipi ng Israel, at siya mismo ang umakyat sa altar at nagsunog ng insenso.

Filipos 3

Ang Tunay na Pagiging Matuwid

Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kaabalahan para sa akin na ulitin ang naisulat ko na, dahil ito naman ay para sa inyong kapakanan.

Mag-ingat kayo sa mga taong asal-aso, sa mga taong mahilig sa paggawa ng masama. Sila'y mga taong naghihiwa ng maselang bahagi ng kanilang katawan. Tayo at hindi sila, ang tumanggap ng tunay na pagtutuli, tayong mga sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Ang ipinagmamalaki natin ay ang ating buhay kay Cristo Jesus at hindi tayo umaasa sa mga pisikal na bagay.

Ang totoo, ako'y may sapat na dahilan upang panghawakan ang mga pisikal na bagay. Kung iniisip ninuman na siya'y may katuwirang umasa sa ganitong mga bagay, lalo na ako. Ako'y(A) tinuli sa ikawalong araw mula nang ako'y isilang. Ako'y isang tunay na Israelita, buhat sa angkan ni Benjamin at totoong Hebreo. Kung pagsunod naman sa Kautusan ang pag-uusapan, ako'y isang Pariseo. Kung(B) sa pagiging masugid ko sa Kautusan, inusig ko ang iglesya. Kung sa pagiging matuwid naman ayon sa Kautusan, walang maisusumbat sa akin.

Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon. Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan at itinuring kong basura, makamtan ko lamang si Cristo at lubos na makipag-isa sa kanya. Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayo'y buhat sa Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya. 10 Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa kanyang mga paghihirap, at maging katulad niya sa kanyang kamatayan, 11 umaasang ako man ay muling bubuhayin mula sa kamatayan.

Magpatuloy Tungo sa Hangganan

12 Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na; ngunit sinisikap kong makamtan ang gantimpala sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako'y tinawag ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: habang nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan, 14 nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit.

15 Ganyan ang dapat maging kaisipan nating mga matatag na sa pananampalataya. Kung hindi ganito ang inyong pag-iisip, ipapaunawa iyan sa inyo ng Diyos. 16 Ang mahalaga ay panghawakan natin ang ating nakamtan na.

17 Mga(C) kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Pag-ukulan din ninyo ng pansin ang lahat ng sumusunod sa aming halimbawa. 18 Sapagkat tulad ng madalas kong sinasabi sa inyo noon at ngayo'y luhaang inuulit ko, marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga bagay na may kinalaman sa mundong ito. 20 Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Mula roo'y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Jesu-Cristo, ang ating Tagapagligtas. 21 Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang may kahinaan ay babaguhin niya upang maging katulad ng kanyang katawang maluwalhati.

Ezekiel 42

Ang Dalawang Gusali na Malapit sa Templo

42 Ako'y isinama ng lalaki sa patyo sa labas at nagtuloy kami sa gusali sa gawing hilaga ng templo at malapit sa dulo nito sa kanluran. Ang haba ng gusaling ito ay limampung metro at dalawampu't limang metro naman ang luwang. Ang kalahati nito ay nakaharap sa patyong sampung metro ang luwang at ang isa pang kalahati sa patyong nalalatagan ng bato. Ito ay tatlong palapag. Sa hilaga ng gusali ay may isang daanang apat at limang metro ang luwang at limampung metro ang haba. Ang mga silid sa pangatlong palapag ay maliit kaysa una at pangalawa dahil sa balkon nito. Ang mga silid mula sa una hanggang ikatlong palapag ay walang haligi, di tulad ng ibang gusali sa patyo sa labas. 7-8 Ang pader sa ibaba ay may luwang na dalawampu't limang metro, kalahati ng kabuuang haba; sa natitirang dalawampu't limang metro ay may mga silid. Sa itaas na palapag ay nakahanay ang mga kuwarto mula puno hanggang dulo. 9-10 Sa silangang dulo ng gusali sa ilalim ng mga silid na ito ay may mga pinto palabas sa patyo.

Sa gawing timog ng templo ay may isa pang gusali, hindi kalayuan sa kanlurang dulo ng templo. 11 Sa harap ng mga silid ay may daang katulad at kasukat ng nasa gawing hilaga. 12 Sa dulo ng hanay ng mga silid sa gawing timog ay mayroon ding pinto.

13 Sinabi sa akin noong lalaki, “Ang mga gusaling ito ay sagrado. Dito kakanin ng mga pari ang ganap na sagradong bahagi ng mga handog. Dito rin ilalagay ang mga pinakasagradong handog tulad ng handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na pambayad sa kasalanan, pagkat itinalaga ang mga silid na iyon. 14 Pagkagaling nila sa templo at ibig nilang lumabas sa patyo, huhubarin muna nila roon ang kanilang kasuotan. Iba ang kasuotang gagamitin nila pagharap sa mga tao.”

Ang Sukat ng Paligid ng Templo

15 Matapos sukatin noong tao ang loob ng templo, lumabas kami sa tarangkahan sa gawing silangan at sinukat niya ang labas. 16-19 Ang gawing silangan ay 250 metro, gayon din ang gawing timog, kanluran, at hilaga. 20 Sinukat nga niya ang apat na panig. Napapaligiran ng pader upang mabukod sa karaniwan ang tanging lugar na ito.

Mga Awit 94

Diyos ang Siyang Huhusga sa Lahat

94 Karapatang magparusa, O Yahweh, ay taglay mo,
    ipakita mo ngayon ang karapatang ganito.
Tumayo ka at sa lupa'y igawad ang iyong hatol,
    ang hambog ay hatulan mo ng parusang nauukol.
Hanggang kailan kaya, Yahweh, magagalak ang masama?
    Hanggang kailan ibabantog ang kanilang mga gawa?
Gaano bang katagal pa ang masama'y maghahambog,
    upang sila'y magmalaki sa kanilang gawang buktot?
Kanila ngang nililipol itong mga hinirang mo,
    Yahweh, inaapi nila mga taong tinubos mo.
Ang mga ulila, balo't mamamayan ng ibang bansa,
    pinapatay nila ito at kanilang pinupuksa.
Madalas na sinasabi, “Hindi kami pansin ni Yahweh,
    hindi kami nakikita ni pansin ng Diyos ni Jacob.”

Unawain ninyo, bayan, kayong kulang ang isipan;
    hanggang kailan pa durunong kayong mga taong mangmang?
Itong Diyos na lumikha nitong ating mata't tainga,
    akala ba ninyo'y bingi at ni hindi makakita?
10 Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol?
    Di ba siya'ng guro nila pagkat siya ang marunong?
11 Batid(A) ni Yahweh mga plano nating baluktot,
    katulad lang ng hininga, madaling malagot.

12 Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral,
    silang sa iyo'y tumatanggap ng turo sa kautusan.
13 Pagkat sila'y magdaranas ng kapahingahan,
    hanggang yaong masasama'y mahulog sa kanilang hukay.
14 Mga lingkod ni Yahweh ay hindi niya iiwanan,
    itong mga hirang niya'y hindi niya tatalikdan;
15 mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan,
    diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay.

16 Sino kaya'ng kakampi ko sa pagbaka sa masama?
    Sino ngayon ang babaka sa masama nilang gawa?
17 O Yahweh, kung ako nga ay hindi mo tinulungan,
    akin sanang kaluluwa'y naroon na sa libingan.
18 Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,”
    dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag.
19 Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin,
    ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.

20 Sa iyo ba ay papanig mga hukom na masama,
    na ang laging kapasyaha'y ang hatol na hindi tama?
21 Sama-sama silang lagi't ang matuwid ang kalaban,
    ang hatol sa walang sala ay hatol na kamatayan.
22 Ngunit ikaw, O Yahweh, ang sa aki'y nagtatanggol.
    Ikaw na aking Diyos ang matibay na kanlungan.
23 Sa masamang gawa nila ay Diyos ang gaganti,
    lilipulin niyang lahat, pagkat sila'y di mabuti;
    ang wawasak sa kanila ay ang Diyos na si Yahweh.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.