M’Cheyne Bible Reading Plan
36 “Si Bezalel, si Aholiab at ang lahat ng manggagawang binigyan ni Yahweh ng kaalaman at kakayahan ang gagawa ng lahat ng kailangan sa santuwaryo, ayon sa sinabi ni Yahweh.”
Marami ang Handog ng mga Israelita
2 Tinawag ni Moises sina Bezalel, Aholiab, ang lahat ng binigyan ng kakayahan ni Yahweh at ang lahat ng nais tumulong at pinagsimula nang magtrabaho. 3 Ibinigay niya sa kanila ang lahat ng handog ng mga Israelita para sa gagawing santuwaryo. Patuloy pa rin sa paghahandog ang mga Israelita tuwing umaga, 4 kaya't nagpunta kay Moises ang mga manggagawa. 5 Sinabi nila, “Napakarami na po ang ibinigay ng mga tao ngunit patuloy pa rin silang nagdadala.”
6 Kaya iniutos ni Moises, “Huwag na kayong magdala pa ng kaloob para sa gagawing santuwaryo.” Noon lamang tumigil ang mga tao sa pagdadala ng handog. 7 Gayunman, sumobra pa rin ang mga handog na naroon.
Ang Paggawa ng Toldang Tipanan(A)
8 Lahat ng pinakamahusay na manggagawa ang gumawa sa Toldang Tipanan. Ang ginamit dito ay sampung pirasong kurtina na hinabi sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula na may burdang larawan ng kerubin. 9 Ang haba ng bawat piraso ay 13 metro at 2 metro naman ang lapad. 10 Ang mga ito ay pinagkabit-kabit nila nang tiglilima. 11 Gumawa sila ng mga silo na yari sa taling asul at ikinabit sa gilid ng bawat piraso, 12 tiglilimampung silo bawat isa. 13 Gumawa sila ng limampung kawit na ginto at sa pamamagitan nito'y pinagkabit ang dalawang piraso. Kaya ang sampung pirasong damit na ginamit sa tabernakulo ay parang isang piraso lamang.
14 Pagkatapos, gumawa sila ng labing-isang pirasong kurtina na gawa sa balahibo ng kambing upang gawing takip sa ibabaw ng tabernakulo. 15 Bawat isa nito'y 13 metro ang haba at 2 metro naman ang lapad. 16 Pinagkabit-kabit nila ang limang piraso; ganoon din ang anim na natira. 17 Kinabitan nila ng tiglilimampung silo ang gilid ng bawat piraso. 18 Pagkatapos, gumawa sila ng limampung kawit na tanso at sa pamamagitan nito'y pinagkabit nila ang dalawang piraso para maging isa lamang. 19 Tinakpan nila ito ng pinapulang balat ng tupa at pinatungan pa ng balat ng kambing.
20 Gumawa rin sila ng mga patayong haliging gawa sa akasya para sa tabernakulo. 21 Bawat haligi ay 4 na metro ang haba at 0.7 metro naman ang lapad. 22 Bawat haligi ay nilagyan nila ng mitsa para sa pagdurugtong. 23 Dalawampung haligi ang ginawa nila para sa gawing timog 24 at apatnapung patungang pilak na may suotan ng mitsa. 25 Dalawampu rin ang ginawa nilang haligi sa gawing hilaga 26 at apatnapung patungang pilak din, dalawa sa bawat haligi. 27 Para sa likod, sa gawing kanluran ay anim na haligi 28 at dalawa naman para sa mga sulok. 29 Ang mga haligi sa magkabilang sulok ay magkadikit mula ibaba hanggang itaas, sa may unang argolya. 30 Samakatuwid, walo ang haliging nagamit sa likod at may tigalawang patungang pilak ang bawat isa.
31 Gumawa rin siya ng pahalang na balangkas na yari sa akasya, lima sa isang gilid, 32 lima sa kabila at lima rin sa likod. 33 Ang pahalang na haliging panggitna ay abot sa magkabilang gilid ng dingding. 34 Binalot nila ng ginto ang mga haligi at kinabitan ng argolyang ginto na pagsusuutan ng mga pahalang na haligi na binalot din ng ginto.
35 Gumawa rin sila ng kurtinang yari sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula; ito'y binurdahan nila ng larawan ng kerubin. 36 Gumawa sila ng apat na haliging akasya na kabitan ng tabing. Binalot nila ito ng ginto, kinabitan ng kawit na ginto rin at itinayo sa apat na tuntungang pilak. 37 Para sa pintuan, gumawa sila ng kurtinang yari sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan nang maganda. 38 Gumawa sila ng limang posteng pagsasabitan ng kurtina. Kinabitan nila iyon ng mga kawit, ang dulo'y binalot ng ginto, gayundin ang mga haligi at itinayo sa limang tuntungang tanso.
Ang Tunay na Puno ng Ubas
15 “Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga. 2 Inaalis niya ang bawat sangang hindi nagbubunga, at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang nagbubunga upang magbunga pa nang lalong sagana. 3 Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman, hindi kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
5 “Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin. 6 Ang hindi nananatili sa akin, gaya ng sanga ay itinatapon at natutuyo. Ang ganoong mga sanga ay tinitipon, inihahagis sa apoy at nasusunog. 7 Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at matutupad iyon para sa inyo. 8 Napaparangalan ang aking Ama kung kayo'y masaganang nagbubunga at sa gayon kayo'y magiging mga alagad ko. 9 Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.
11 “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon ay malubos ang inyong kagalakan. 12 Ito(A) ang aking utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Ang pinakadakilang pag-ibig na maaaring taglayin ng sinuman para sa kanyang mga kaibigan ay ang ialay ang kanyang buhay para sa kanila. 14 Kayo'y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang aking mga utos. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, itinuring ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin, ako ang pumili sa inyo. Hinirang ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ay ibibigay sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.”
Ang Pagkapoot ng Sanlibutan
18 “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nito bago kayo. 19 Kung kayo'y taga-sanlibutan, kayo'y mamahalin nito bilang kanya. Ngunit hindi kayo taga-sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. 20 Alalahanin(B) ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung sinunod nila ang aking sinabi, susundin rin nila ang inyong sasabihin. 21 Subalit ang lahat ng ito'y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako naparito at nagsalita sa kanila, hindi sana mapapatunayang nagkasala sila. Ngunit ngayo'y wala na silang maidadahilan sa kanilang kasalanan. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama. 24 Kung hindi ko sana ginawa sa kanilang kalagitnaan ang mga gawaing hindi pa nagawa ninuman, wala sana silang kasalanan. Ngunit nakita na nila ang aking mga gawa subalit sa kabila nito'y kinapootan pa rin nila ako at ang aking Ama. 25 Subalit(C) nangyari ito upang matupad ang sinasabi sa kanilang Kautusan, ‘Napoot sila sa akin nang walang dahilan.’
26 “Ngunit pagdating ng Patnubay na susuguin ko mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, siya ay magpapatotoo tungkol sa akin. 27 At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat kasama na ninyo ako buhat pa sa simula.
12 Ang(A) taong may unawa ay tumatanggap ng payo,
ngunit ayaw mapaalalahanan ang matigas ang ulo.
2 Si Yahweh ay nalulugod sa taong matuwid,
ngunit sa masasama siya ay nagagalit.
3 Ang makasalanan ay hindi mapapanatag,
ngunit ang matuwid ay hindi matitinag.
4 Ang mabuting babae ay karangalan ng asawa,
ngunit kanser sa buto ang masamang asawa.
5 Ang taong matuwid ay mabuting makiharap,
ngunit ang masama ay bihira lang magtapat.
6 Pumapatay nang lihim ang mga pangungusap ng masama,
ngunit ang salita ng matuwid ay nagliligtas sa kapwa.
7 Ang masama ay lubusang mapaparam at di na magbabalik,
ngunit ang sambahayan ng matuwid, mananatiling nakatindig.
8 Ang taong matalino'y magkakamit ng karangalan,
ngunit ang aanihin ng masama ay pagkutya lang.
9 Ang maralitang nagsisikap ay mabuting di hamak,
kaysa nagkukunwang mayaman ngunit sa gutom nakasadlak.
10 Kahit sa kanyang mga hayop ang matuwid ay mabait,
ngunit ang masama kahit kanino ay sadyang mabagsik.
11 Ang taong masipag ay sagana sa lahat,
ngunit ang isang hangal, sa yaman ay salat.
12 Ang nais ng masama ay puro kasamaan,
ngunit ang tuntungan ng matuwid ay hindi magmamaliw.
13 Ang masama ay nahuhuli sa salita ng kanyang bibig,
ngunit ang matuwid ay malayo sa ligalig.
14 Ang kakamtin ng tao ay batay sa gawa o salita,
bawat isa ay tatanggap ng karampatang gantimpala.
15 Ang akala ng mangmang ay siya lamang ang tama,
ngunit handang tumanggap ng payo ang taong may unawa.
16 Ang pagkainis ng mangmang kaagad nahahalata,
ngunit ang mga matatalino, di pansin ang pagkutya.
17 Sa pagsasabi ng tapat, lumilitaw ang katarungan,
ngunit ang pagsisinungaling ay lumilikha ng kapahamakan.
18 Ang matalas na pananalita ay sumusugat ng damdamin,
ngunit sa magandang pananalita, sakit ng loob ay gumagaling.
19 Ang tapat na labi ay mananatili kailanman,
ngunit ang dilang sinungaling ay hindi magtatagal.
20 Ang nagbabalak ng masama ay mag-aani ng kapahamakan,
ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y magtatamo ng kagalakan.
21 Ang kasamaang-palad ay malayo sa matuwid,
ngunit ang buhay ng masama ay puno ng ligalig.
22 Namumuhi si Yahweh sa taong sinungaling,
ngunit ang tapat ay ligaya niya at aliw.
23 Hindi agad sinasabi ang alam ng matalino,
ngunit kahangalan ay inihahayag ng mangmang na tao.
24 Balang araw ang masikap ang mamamahala,
ngunit ang tamad ay mananatiling alila.
25 Nagpapahina sa loob ng isang tao ang kabalisahan,
ngunit ang magandang balita'y may dulot na kasiglahan.
26 Ang payo ng kaibigang matuwid ay isang gabay,
ngunit ang daan ng masama ay tungo sa pagkaligaw.
27 Hindi makakamit ng tamad ang kanyang hinahangad,
ngunit ang masikap ay laging may magandang hinaharap.
28 Ang matuwid na landas ay patungo sa buhay,
ngunit ang maling daan ay hahantong sa kamatayan.
Mamuhay Ayon sa Liwanag
5 Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. 2 Mamuhay(A) kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pagmamahal sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.
3 Kayo'y mga hinirang ng Diyos, kaya't hindi dapat mabanggit man lamang na kayo'y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o pag-iimbot. 4 Huwag din kayong gagamit ng anumang malaswa o walang kabuluhang pananalita at pagbibirong di nararapat. Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos. 5 Alam ninyong walang bahagi sa kaharian ni Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim. Ang kasakiman ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan.
6 Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail. 7 Kaya't huwag kayong makisama sa kanila. 8 Dati, kayo'y nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag. 9 Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag.[a] 10 Sikapin ninyong matutunan kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. 11 Huwag kayong makibahagi sa mga gawain ng kadiliman na walang ibinubungang mabuti. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon. 12 Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na ginagawa nila nang lihim. 13 Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay nakikilala kung ano talaga ang mga iyon, 14 at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag.[b] Kaya't sinasabi,
“Gumising ka, ikaw na natutulog,
bumangon ka mula sa libingan,
at liliwanagan ka ni Cristo.”
15 Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. 16 Gamitin ninyo nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng kasamaan ang kasalukuyang panahon. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
18 Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong buhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. 19 Sa(B) inyong pag-uusap gumamit kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20 Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Tagubilin sa Mag-asawa
21 Pasakop kayo sa isa't isa bilang tanda ng inyong paggalang kay Cristo.
22 Mga(C) babae, pasakop kayo sa sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. 23 Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siya ang Tagapagligtas nito. 24 Kung paanong nasasakop ni Cristo ang iglesya, gayundin naman, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang sariling asawa.
25 Mga(D) lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya 26 upang ialay ito sa Diyos, matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas sa tubig at sa salita. 27 Ginawa niya ito upang ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili na nasa kagandahan nito, walang anumang dungis ni kulubot man, banal at walang anumang kapintasan. 28 Gayundin naman, dapat mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. 29 Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan. Sa halip, ito'y kanyang pinapakain at inaalagaan, tulad ng ginagawa ni Cristo sa iglesya. 30 Tayo nga'y mga bahagi ng kanyang katawan. 31 Gaya(E) ng sinasabi sa kasulatan, “Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at silang dalawa ay magiging isa.” 32 Mayroon ditong malalim na hiwaga, at sinasabi ko na ito'y tumutukoy sa kaugnayan ni Cristo sa iglesya. 33 Subalit ito'y para din sa inyo: kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng inyong sarili; mga babae, igalang ninyo ang inyong asawa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.